Ang Misyon ng Simbahan
Panimula: Ang bawat isa sa atin ay may pamilya, at bilang miyembro ng pamilya ay mayroon kang papel na dapat gampanan, mayroon kang responsibilidad, maging ikaw man ay panganay, gitnang anak o bunso. Nang tayo ay binyagan, tayo ay naging kasapi ng pamilya ng Diyos, ang simbahan at naging anak ng Diyos. Tayo ngayon ay kasama ng mangangalaga sa ating Simbahan. At sa pagtanggap natin ng mga Sakramento ng simbahan, tinanggap din natin ang biyaya ng kalakasan at katalinuhan upang patuloy tayong lumago sa pananampalataya at maibahagi ito sa iba
LAYUNIN
Aral: Maunawaan na ang pagtanggap ng Banal na Katawan ni Kristo, ang may kasamang pangako ng paglalaan ng puso sa paggawa ng mabuti.
Asal: Maisabuhay, sa salita at gawa ang atas ng Panginoon at maibahagi ito sa iba.
Dasal: Manalangin at mapagsikapan na panatilihin ang kalinisan ng puso at sarili.
BALIK-ARAL: Ang Simbahan ay itinatag ni Jesus upang maging daluyan ng kanyang biyaya at pagmamahal sa tao. Hindi ang simbahang bato na kayang ibagsak at iguho ng bagyo O lindol, kundi ang Simbahang tao, ang bawat binyagan Ang Simbahan - ang tao, kung saan, ang puso ng tao ang tunay na tahanan ng Banal na Espiritu.
PAGBASA: Mateo 28: 16-20
Isinugo ni Jesus ang Kanyang mga Alagad
16 Pumunta ang labing-isang alagad sa Galilea, sa bundok na sinabi sa kanila ni Jesus. 17 Nang makita nila si Jesus, siya'y sinamba nila, subalit may ilan sa kanilang nag-alinlangan. 18 Lumapit si Jesus at sinabi sa kanila, “Ibinigay na sa akin ang lahat ng kapangyarihan sa langit at sa lupa. 19 Kaya't humayo kayo, gawin ninyong alagad ko ang mga tao sa lahat ng mga bansa. Bautismuhan ninyo sila sa pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo. 20 Turuan ninyo silang sumunod sa lahat ng iniutos ko sa inyo. Tandaan ninyo, ako'y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng panahon.”
PAHAYAG KRISTIYANO:
Sa ating Ebanghelyong binasa, ay nakita natin ang napalaking pagtitiwala ni Jesus sa kanyang mga alagad Sapagkat iniwan Niya sa mga alagad ang pagpapatuloy ng kanyang misyon, ang ipalaganap ang Salita ng Diyos at gawing alagad Niya ang lahat ng bansa, at para hindi sila matakot o kabahan, sinabi pa Niva, "ako'y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng panahon".
At ang atas na iyon, ang pagpapatuloy ng misyon ni Jesus ay ang mismong gawain na nagpapatuloy ngayon sa ating mga simbahan. Ang pagpapahayag ng Salita ng Diyos, ang pagkakawang gawa at ang pagbabahagi ay patuloy na ginagawa ng ating Simbahan. Ang pagiging Propeta, Hari at Pari.
* Propeta-ang pagpapahayag ng Salita ng Diyos, ang pangangaral tungkol sa plano ng Diyos para sa tao, at ang pagpapahayag ng katotohanan sa mga bagay na may kinalaman sa pamumuhay moral ng mamamayan • Hari-ang simbahan ang nangunguna sa paglilingkod na may kababaang loob, pagmamahal na patay-pantay para sa lahat. Ang simbahan ang naglilingkod, hindi siya ang pinaglilingkuran. Inuuna ang mas nangangailangan, pero hindi iniiwan ang iba pang may iba ring pangangailangan.
Pari-ang pagpapadaloy ng mga biyaya ng Diyos sa pamamagitan ng Mga Sakramento, Banal na Misa, na isinasagawa ng ating mga Pari. Ang mga Pari na siyang nangunguna sa pagpapahayag ng Salita ng Diyos, pagtuturo at pangangalaga sa lahat ng mananampalataya.
Ngunit hindi lamang ang mga pari ang dapat na nagsasagawa at nagpapatuloy ng iniwang Misyon ni Jesus. Tayo bilang binyagan at kasapi ng pamilya ng Diyos ay dapat na nakikibahagi sa Misyong ito.
PANUTO: (Human Matching Type) Magbigay ng mga sitwasyon at tukuyin kung ang nabanggit ay may kinalaman sa pagiging Pari, Hari, at Propeta.
PAGPAPAHALAGANG PANGKATAUHAN: Inaasahan na tayo at ang ating pamilya bilang bahagi ng simbahan ay kasama sa pagtupad sa kanyang misyon, ang pagiging propeta, hari at pari. Sa ating pagdalo sa Banal na Misa at pagtanggap ng Katawan ni Kristo, ay inaangkin natin ang pakikisa sa gawain ng simbahan na ipagpatuloy ang Misyon ni Jesus. Ang misyon ni Jesus. ay misyon ng simbahan at misyon nating lahat.
Propeta - pamumuhay na naayon sa utos ng Diyos. Maipakita sa iyong araw-araw na pamumuhay, sa pakikisalamuha sa mga katrabaho, sa pamilya o paaralan, ang kababaang loob, sa maayos na pananalita at hindi basta nagagalit at pamumuhay na may pagsunod. Pagbabahagi ng kaalaman at pagpapahayag ng iyong magandang karanasan sa iba, upang sila man ay naisin at maakit na maging bahagi ng simbahan.
Hari - pamumuhay na may paglilingkod sa kapwa: pamilya, katrabaho, kaeskwela maging ang mga taong hindi mo gusto. Ang simpleng pagtulong na may pagmamahal ay tunay na pakikibahagi sa misyon ni Kristo at ng Simbahan.
Pari - sa pamamagitan ng pamumuhay na may panalangin at sakripisyo, paggawa na may pagmamahal, at sa pag aalay ng panalangin, hindi lang para sa kanila kundi para sa iba at pakikisa sa mga gawaing paglilingkod ng simbahan, sa simpleng pamumuhay na naaayon sa utos ng Divos, sa huhay na may kababaang loob, pagsunod, paglilingkod, sa buhay na may panalangin at pagsasakripisyo.
PAGLALAHAT: Sa pasimula ng ating aralin ay pumili tayo ng mga larawan, at sinigurado na ang napili nating larawan ng isang taong may korona at magara ang damit ay pinili natin bilang hari, sapagkat ito ang normal na larawan para sa atin ng isang hari, mayaman at makapangyarihan na dapat sundin ng lahat anuman ang mangyari.
Ngunit ipinakita sa atin ni Jesus na ang kanyang Misyon na pagiging Propeta, Hari at Pari ay malayo sa larawan na maaring nasa ating isip. Ang misyon niya ay nakasentro sa pagpapahayag, paglilingkod, at pagsasabuhay na may pagsunod at kababaang loob. At ito ang misyong ipinagkatiwala niya sa simbahan at sa lahat ng binyagang katoliko.