Simbahan Bilang Templo ng Espiritu Santo
Panimula: Noong unang panahon, ang Simbahan o Templo ay isang napakagandang gusali kung saan naniniwala ang mga tao na doon lang matatagpuan ang Diyos. Ngunit sa bagong turo ng Simbahan, ang Simbahan sa kasalukuyang panahon ay hindi na lang gusali, kund; TAYO-ang mga taong nananampalataya sa Diyos at nagmamahalan bilang isang komunidad, kung saan nabubuhay ang pag-ibig, kapangyarihan at patnubay ng Diyos, at nananahan ang Espiritu Santo.
LAYUNIN
Aral: Maunawaan na ang Simbahan ay Templo ng Espiritu Santo.
Asal: Mapalalim ang pananampalataya sa pamamagitan ng pagdalo sa Banal na Misa at panalangin.
Dasal: Maisabuhay ang kabanalang kaloob ng Espiritu Santo.
BALIK-ARAL: Ang Simbahan bilang Katawan ni Kristo ay nagpapakita na tayo ay hindi mag-isa--kay Kristo ang Ulo, at tayo ang mga bahagi na nagiging isang buo para sa mabuting layunin. Ito ay nagbibigay ng pag-asa at lakas sa ating mga hamon at pagsubok sa buhay. Ito ay isang buhay na katawan na nagiging isang buo upang magbigay ng pagbabago, tulad ng isang pamilya na nagiging isang katawan upang magbigay ng pag-asa at suporta
PAGBASA: 1 Corinto 3:16 / 1 Corinto 6:19-20
3:16 Hindi ba ninyo alam na kayo'y templo ng Diyos at naninirahan sa inyo ang kanyang Espiritu?
...
6:19 Hindi ba ninyo alam na ang inyong katawan ay templo ng Espiritu Santo na nasa inyo at ipinagkaloob ng Diyos sa inyo? Hindi ninyo pag-aari ang inyong katawan; 20 sapagkat binili na kayo sa isang halaga. Kaya't gamitin ninyo ang inyong katawan upang maparangalan ang Diyos.
PAHAYAG KRISTIYANO:
Ang patuloy na buhay ng Simbahan ay nasa Muling Nabuhay na Kristo at sa Espiritu. Ang Espiritu Santo ay nananahan sa Simbahan na tila sa isang templo (cf. 1 Cor 3:16) at nagpapatotoo sa pagiging mga anak ng Diyos ng mga mananampalataya (cf. Gal 4:6). Ginagabayan ng Espiritu ang Simbahan tungo sa kapuspusan ng katotohanan (cf. Jn 16:13), binibigyan siya ng pagkakaisa sa pakikipag-ugnayan at paglilingkod, at patuloy na binabago at inaakay patungo sa ganap na pakikipag-isa sa kanyang Esposo na si Kristo. (KPK 1357-1361)
Sinabi ni San Pablo sa mga taga-Corinto: "Kayo ay templo ng Diyos, at naninirahan sa inyo ang kanyang Espiritu' (1 Cor 3:16; Tingnan KIK, 797-98). Ang Espiritu Santo ang siyang nagbibigay ng buhay sa Simbahan bilang "Katawan ni Kristo." Ayon sa matagal nang turo ng Simbahan: "Kung si Kristo ang Ulo ng Simbahan, ang Espiritu Santo naman ang kanvang kaluluwa" (Divinum Illud, 6). Ganito ito ipinaliwanag ng Vaticano II:
Ipinagkaloob sa atin ni Kristo ang kanyang Espiritu na, bilang iisa at kapareho sa Ulo at sa mga bahag ng katawan, ay nagbibigay ng buhay, naguugnay-ugnay, at nagpapagalaw sa buong katawan. Dahil dito, maitutulad ang gawain ng Espiritu sa papel ng kaluluwa bilang pinagmumulan ng buhay para sa katawan ng tao (LG 7). (KPK 1388)
Ang pagpapahalaga ng mga Pilipino ukol sa mahigpit na ugnayang pampamilya ay dapat makatutulong sa mga Pilipinong Katoliko na maunawaan ang Simbahan bilang Katawan ni Kristo. Binibigyang-diin ng "Katawan ni Kristo una sa lahat, ang buhay na pagkakabuklod ng mga mananampalataya sa bawat isa sa pamamagitan ng kanilang pakikipag-isa kay Kristo. Ikalawa, sa ilalim ni Kristo bilang Ulo, ang mga mahalagang ugnayang namamagitan sa mga kaanib sa pamamagitan ng grasya at mga kaloob ng Espiritu. Ikatlo, ang Simbahan bilang Kabiyak ni Kristo (Tingnan Ef 5:27, 29; KIK, 789-96).
Napapatotohanan ang tatlong aspetong ito sa Binyag at sa Eukaristiya. "Sapagkat si Kristo'y tulad ng isang katawan na maraming bahagi; bagamat binubuo ng iba't ibang may bahagi, iisa pa ring katawan. Tayong lahat ...ay bininyagan sa isang Espiritu upang maging isang katawan" (1 Cor 12:12-13). Bukod dito, "sa pamamagitan ng tunay na pakikibahagi sa katawan ng Panginoon sa paghahati-hati ng tinapay ng Eukaristiya, tayoy napapabahagi Sa pakikipag-isa sa kanya at sa isa't isa" (LG, 7; Tingnan PCP II, 89-90).
PANUTO: Gumuhit ng bilog sa isang papel. Ilagay sa loob ng bilog na ito ang mga kaloob na natanggap mo sa Espiritu Santo.
PAGPAPAHALAGANG PANGKATAUHAN: Ang pagiging "Templo ng Espiritu Santo"ay isang regalo na dapat ipagpasalamat sa pamamagitan ng pagiging mabuting saksi ni Kristo Sa pang araw-araw na pamumuhay, sa pag-aalaga sa sarili (katawan at isipan) at pagiging mabuti sa kapwa, na ang makita sa atin ay si Kristo hindi ang sarili natin.
PAGLALAHAT: Napakabilis ng pagbabago sa ating mundo lalo na ng makabagong teknolohiya at social media. Ang hamon sa atin ngayon lalo na sa mga kabataan ay ano ang ating gagawin upang maipamalas na ang Diyos ay nananahan sa atin kahit nasa harapan tayo ng laptop, gadgets o cellphone at kahit nasaan man tayo, sa loob o labas man ng bahay, kung paano natin sisikapin na maging mabuti sa salita at sa gawa. Isang daan upang maisasakatuparan natin ito ay ang paghingi ng gabay sa Panginoon sa pamamagitan ng pagdalo sa Banal na Misa at sa pagdarasal dahil ito ang nagbubukas ng ating mga puso.