Korporal na Gawa ng Awa II
Panimula: Sa inyong napanood, nakita ninyo ang kaawa-awang kalagayan ng ating mga kapatid na maysakit, mga nalulungkot sa bilangguan at mga namatay sa nga nagdaang kalamidad sa ating bansa tulad ng bagyo, pagbaha at lindol. At bilang magkakapatid, may tungkulin tayong tumulong sa kanilang mga pangangailangan sa abot ng ating kakayanan.
LAYUNIN
Aral: Natututukoy ang mga kawanggawang pang katawan sa ating kapwa.
Asal: Nakadadalaw sa mga maysakit at nasa bilangguan. Nakikiramay sa namatayan at nakikilibing sa kanilang yumaong mahal sa buhay.
Dasal: Naipapanalangin nang buong puso sa Diyos ang mga nangangailangan ng kawanggawang pang katawan.
BALIK-ARAL: Balikan ang Aralin 16: "Ang mga Korporal na Gawa ng Awa (Unang Bahagi)
PAGBASA: Mateo 25: 31- 46
Ang Paghuhukom
31 “Sa maluwalhating pagdating ng Anak ng Tao, kasama ang lahat ng anghel, uupo siya sa kanyang trono ng kaluwalhatian. 32 Tipunin sa harapan niya ang lahat ng mga bansa at sila'y kanyang pagbubukud-bukurin, tulad ng ginagawa ng pastol sa mga tupa at mga kambing. 33 Ilalagay niya sa kanyang kanan ang mga tupa, at sa kaliwa naman ang mga kambing.
34 Kaya't sasabihin ng hari sa mga nasa kanan niya, ‘Halikayo, mga pinagpala ng aking Ama! Pumasok kayo at tanggapin ang kahariang inihanda para sa inyo mula pa nang likhain ang daigdig. 35 Sapagkat ako'y nagugutom at ako'y inyong pinakain; ako'y nauuhaw at ako'y inyong pinainom. Ako'y isang dayuhan at inyong pinatuloy. 36 Ako'y hubad at ako'y inyong dinamitan, nagkasakit at inyong dinalaw, nabilanggo at inyong pinuntahan.’
37 “Sasagot ang mga matuwid, ‘Panginoon, kailan po namin kayo nakitang nagutom at aming pinakain, o nauhaw at aming pinainom? 38 Kailan po kayo naging dayuhan at aming pinatuloy, o kaya'y hubad at aming dinamitan? 39 At kailan po namin kayo nakitang nagkasakit o nabilanggo at kayo'y aming dinalaw?’
40 “Sasabihin ng Hari, ‘Tandaan ninyo, nang gawin ninyo ito sa pinakahamak sa mga kapatid kong ito, sa akin ninyo ito ginawa.’
41 “Sasabihin naman niya sa mga nasa kaliwa, ‘Lumayo kayo sa harapan ko, kayong mga isinumpa! Doon kayo sa apoy na di namamatay na inihanda para sa diyablo at sa kanyang mga kampon. 42 Sapagkat hindi ninyo ako pinakain noong ako'y nagugutom; hindi ninyo ako pinainom noong ako'y nauuhaw. 43 Hindi ninyo ako pinatuloy noong ako'y isang dayuhan. Hindi ninyo ako dinamitan noong ako'y hubad. Hindi ninyo ako dinalaw noong ako'y may sakit at noong ako'y nasa bilangguan.’
44 “At sasagot din sila, ‘Panginoon, kailan po namin kayo nakitang nagutom, nauhaw, walang matuluyan, hubad, may sakit, o nasa bilangguan, na hindi namin kayo tinulungan?’
45 “At sasabihin sa kanila ng Hari, ‘Tandaan ninyo, nang pagkaitan ninyo ng tulong ang isa sa pinakahamak sa mga ito, ako ang inyong pinagkaitan.’ 46 Itataboy ang mga ito sa kaparusahang walang hanggan, ngunit ang mga matuwid ay pupunta sa buhay na walang hanggan.”
PAHAYAG KRISTIYANO:
Itinuro ni Hesus na ang tunay na pag-ibig ay ipinapakita sa gawa. Kapag tayo ay dumadalaw sa maysakit, sa mga nasa bilangguan, at ipinagdarasal at nagbibigay-galang sa mga yumao, ipinapakita natin ang habag at malasakit ni Hesus sa ating kapwa.
Dalawin ang mga maysakit
Kapag may maysakit, kailangan nila ng pag-aaruga, dasal, at presensya. Ang simpleng pagdalaw, pagngiti, o panalangin ay nagbibigay ng lakas at pag-asa sa kanilə (KIK 1503). "Dinalaw ni Hesus ang kanyang bayan" (Lo 7:16) at nagpagaling Siya ng mga may sakit.
Dalawin ang mga nasa bilangguan
May mnga taong nagkamali at napunta sa bilangguan ngunit hindi sila tumigil na maging mahalaga sa Diyos Kapag tayo ay nagdarasal para sa kanila at nagpapakita ng pag-unawa, tinutulungan natin silang magbago at umasa muli. Ipinapaalala sa atin ng Simbahan na kahit ang nagkasala ay may dignidad at kakayahang magbago (KIK 2267).
llibing ang mga patay
Ang paggalang sa mga yumao at pakikiramay sa kanilang pamilya ay tanda ng pagmamahal at pag-asa sa muling pagkabuhay. Sa pagdarasal at pakikiramay, naipapakita ang presensya ng Diyos na nakikidalamhati sa pagkamatay ng minamahal sa buhay (KIK, 1687).
Sa mga Gawa ng Awa na ito. natututo tayong makiramay at magmahal tulad ni Hesus.
PANUTO: Bumuo mula sa klase ng mga grupo na tig-lilima na mga bata. Ipalarawan ang bawat gawa ng awa na tinalakay.
PAGPAPAHALAGANG PANGKATAUHAN: Pagdamay
PAGLALAHAT: Ang pagdamay sa iba sa pamamagitan ng pagkakawanggawa ay pagpapakita ng ating pag-ibig sa kapwa. Ang pangunahing katotohanang Kristiyano na naggaganyak sa atin sa pag-ibig sa iba ay dahil ang ating kapwa tao ay nilikhang kalarawan ng Diyos na labis na inibig ng Ama.