Aba Ginoong Maria
Panimula: Ipakilala ang Mahal na Ina bilang isang mapagkumbaba at mapagmahal na Ina. Sabihin sa mga bata na siya ay laging handang makinig at magdala ng ating mga panalangin sa Diyos.
LAYUNIN:
Aral: Naunawaan ang kahalagahan ng dasal na Aba Ginoong Maria.
Asal: Nakasasabay sa pagdarasal ng Aba Ginoong Maria sa gabay ng katekista
Dasal: Nakapagdarasal ng Aba Ginoong Maria.
BALIK-ARAL: Maikling pagdarasal ng Ama Namin. Paalala sa mga bata tungkol sa pagdarasal bilang pakikipag-usap sa Diyos
PAGBASA: Lucas 1:26-38
26 Nang ikaanim na buwan ng pagdadalang-tao ni Elizabeth, ang anghel na si Gabriel ay isinugo ng Diyos sa Nazaret na isang bayan sa Galilea, upang kausapin ang 27 isang dalaga na ang pangala'y Maria. Siya ay nakatakda nang ikasal kay Jose, isang lalaking buhat sa angkan ni David. 28 Lumapit ang anghel sa dalaga at binati ito, “Magalak ka! Ikaw ay lubos na kinalulugdan ng Diyos. Sumasaiyo ang Panginoon!”
29 Naguluhan si Maria sa sinabi ng anghel at inisip niyang mabuti kung ano ang kahulugan ng ganoong pagbati. 30 Sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Maria, sapagkat naging kalugud-lugod ka sa Diyos. 31 Makinig ka! Ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang sanggol na lalaki, at siya'y papangalanan mong Jesus. 32 Siya'y magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataas-taasang Diyos. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang amang si David upang 33 maghari sa angkan ni Jacob magpakailanman. Ang kanyang paghahari ay walang katapusan.”
34 “Paano pong mangyayari ito gayong ako'y isang birhen?” tanong ni Maria.
35 Sumagot ang anghel, “Sasaiyo ang Espiritu Santo at mapapasailalim ka sa kapangyarihan ng Kataas-taasang Diyos. Dahil dito, ang isisilang mo'y banal at tatawaging Anak ng Diyos. 36 Hindi ba't ang kamag-anak mong si Elizabeth ay baog? Gayunma'y naglihi siya at ngayo'y ikaanim na buwan na ng kanyang pagdadalang-tao kahit na siya'y matanda na, 37 sapagkat walang anumang bagay na hindi kayang gawin ng Diyos.”
38 Sumagot si Maria, “Ako'y alipin ng Panginoon. Mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi.” Pagkatapos, umalis na ang anghel.
PAHAYAG KRISTIYANO:
Aba Ginoong Maria
Aba Ginoong Maria, napupuno ka ng grasya, ang Panginoong Diyos ay sumasaiyo. Bukod kang pinagpala sa babaeng lahat at pinagpala naman ang iyong anak na si Hesus. Santa Maria, Ina ng Diyos, ipanalangin mo kaming makasalanan, ngayon at kung kamiy mamamatay Amen.
Ating Himay-himayin ang dasal: (cf. KIK 2676-2677)
Unang bahagi: Aba Ginoong Maria, napupuno ka ng grasya, ang Panginoong Diyos ay sumasaiyo. Bukod kang pinagpala sa babaeng lahat at pinagpala naman ang iyong anak na si Hesus. Ito ang bahagi ng dasal na matatagpuan sa bibliya. Aba Ginoong Maria, napupuno ka ng grasya, ang Panginoong Diyos ay sumasaiyo. (Lk 1:28 Pinasisimulan ang dasal sa pagbati ng anghel, na siya ring pagbati ng Diyos. Si Maria, dahil siya ay mapagpakumbaba ay kinalulugdan ng Diyos. Tulad ni Maria, kapag tayo ay mababang loob, kasama natin ang Diyos. Bukod kang pinagpala sa babaeng lahat at pinagpala naman ang iyong anak na si Hesus. (Lk 1:42) Si Maria ay binati ng kanyang pinsang si Elisabet ng mga pananalitang ito. Tunay siyang pinagpala dahil siya ay malayang sumunod sa kalooban ng Diyos, at siya ang magdadala ng Panginoon ng lahat sa kanyang sinapupunan. (Lk 1:43)
Ikalawang bahagi: Santa Maria, Ina ng Diyos, ipanalangin mo kaming makasalanan, ngayon at kung kami) mamamatay. Ito ay ang panalangin ng Kristiyano sa ina ng kanyang Panginoon at kanya ring ina. Nagdarasal tayo kay Maria, Ina ng Diyos. At dahil tayo ay nagkakasala nang marami at paulit-ulit, naniniwala at umaasa tayo na dadalhin tayo ng Mahal na Ina sa Panginoon, at palagi tayong ipapanalangin mula ngayon hanggang tayo ay mamatay, tulad ng kanyang pananatili at katapatan niya kay Hesus mula noong sanggol pa siya hanggang sa kamatayan niya sa Krus.
Ang dasal na Aba Ginoong Maria ay nagpapaalala sa atin ng kababaang-loob ni Maria. Sa dasal na ito, humihingi tayo ng tulong at panalangin ng Mahal na Ina sapagkat kinikilala nating kailangan natin ang Diyos. (Lukas 1:8 at Juan 2:5). Kinikilala natin ang Mahal na Ina bilang mahalaga sa ating pananampalataya, dahil siya ay ang halimbawang ndapat tularan sa kanyang katapatan sa Diyos, kalinisan ng kalooban, at kapakumpababaan.
Mahalagang malaman natin na hindi natin sinasamba si Maria. Kinikilala natin ang gampanin niya bilang ina ng ating Panginoong Hesukristo at ang kanyang pagsunod sa kalooban ng Diyos. Ang ating pagmamahal sa kanya ay magdadala sa atin sa Panginoon, (Cf. Papa Pablo VI, Marialis Cultus, Panimula) dahil ito ay kanyang ipinamalas sa kanyang pag-ibig sa kanyang anak: mula sa kanyang matamis na "oo" sa balitang dadalhin niya sa kanyang sinapupunan ang manunubos, (Lk 1:38) sa kanyang pagpapalaki sa kanyang Anak na lumaking masunurin sa kanila ni San Jose, (Lk 2:52) at sa kanyang pananatili hanggang sa Paanan ng Krus. (Jn 19:25-27
"Sa dasal na ito, humihingi tayo ng tulong at panalangin ng Mahal na Ina.." Ano ang sinasabi ng Katesismo sa mga kabataan tungkol Sa panalangin kay Maria? Tinuro sa mga kabataan na kapag dinarasal ang Aba Ginoong Maria, hindi direktang sinasamba si Maria, kundi hinihiling ang kanyang pananalangin o intercession sa Diyos para sa atin. Ito ay dahil tinuturing siyang Espiritwal na Ina ng lahat ng mananampalataya at handang idalangin ang ating mga pangangailangan sa kanyang Anak. (Young Catholics Website)
Bilang mga Katoliko at Kristiyano, sa pamamagitan ng pananalangin sa Mahal na Ina, tayo ay: (Cf. KPK 1545)
Nagdarasal, at nagtitiwala na tayo ay ipapanalangin at dadalhin ng Mahal na Ina Sa kanyang anak na ating Panginoong Hesus tulad ng makikita natin sa ikalawang bahagi ng Aba Ginoong Maria (Santa Maria, Ina ng Diyos...)
Nagpaparangal. Pinaparangalan natin ang Mahal na Ina, tulad ng Anghel sa mabuting balita (Lk 1:28) dahi sa kanyang matamis na "oo" at pagpayag na dalhin ang manunubos, at tulad ni Santa Elisabet (Lk 1:42) ay kinikilala ang Mahal na Ina na bukod na pinagpala dahil sa kanyang Malaya at buong pagtitiwala sa plano ng Diyos para sa kanya at para sa atin.
Sanggunian: Katesismo ng Iglesia Katolika (KIK 2677); Dito itinuturo na ang panawagan kay Maria para ipanalangin tayo ay pagpapahayag ng ating kababaang loob at pagkilala na tayo'y mga makasalanan na nangangailangan ng Diyos.
PANUTO: Kulayan ang nagpapakita ng larawan ng isang mabuting ina.
PAGPAPAHALAGANG PANGKATAUHAN: Ang kababaang-loob ay ang kakayahang humingi ng tulong at umasa sa Diyos. Tulad ng Mahal na Ina sa kwento, natututo tayong magpakumbaba sa pagdarasal. Natututo rin taya na palagiang magtiwala sa Diyos at mahalin siya nang tapat.
PAGLALAHAT: May mga pagkakataon na tayo ay nalulungkot o natatakot, tulad ng kapag may sakit ang mahal natin sa buhay. Sa ganitong sitwasyon, natututo tayong humingi ng tulong hindi lamang sa ating sarili kundi lalo na sa Diyos. Ang pagdarasal ay isang paraan ng pagpapakita ng kababaang-loob.