Ikawalong Utos ng Diyos
Panimula: Tanong at Sagot:
Ano ang iyong naramdaman habang naglalaro?
Ano ang iyong naiisip?
Bakit nabago ang mensaheng nakarating sa huli?
Ano ang nagiging bunga ng pagsasabi ng maling narinig?
Ang ating ginawa ay nagpapahiwatig sa atin na mahalagang wasto ang detalye ng anumang ibabalita sa iba. Dahil maaari itong makapagdulot ng pinsala o kapahamakan sa sinuman, sinasadya man natin o hindi. Tunghayan natin ang isang kwento kung paanong ang hindi pagsasabi ng katotohanan ay sumisira sa plano ng Diyos na kaligtasan para sa lahat.
LAYUNIN:
Aral: Maunawaan ang ibig sabihin ng Ika-walong Utos
Asal: Maging makatotohanan at makatarungan sa paghusga sa mga gawa at kilos ng kapwa.
Dasal: Humingi ng tulong sa Banal na Espiritu na pagkalooban ng banal na pagkatakot Sa Diyos at kaalaman upang makilala at magawa kung ano ang tama at totoo.
BALIK-ARAL: Balikan ang Aralin #19: Ika-Pito at lka- Sampung Utos.
PAGBASA: : Mateo 27:62 - 28:1-15
Ang mga Bantay sa Libingan
62 Kinabukasan, pagkatapos ng Araw ng Paghahanda, sama-samang nagpunta kay Pilato ang mga punong pari at ang mga Pariseo. 63 Sinabi nila, “Naalala po namin na sinabi ng mapagpanggap na iyon noong siya'y nabubuhay pa, na siya'y muling mabubuhay pagkaraan ng tatlong araw. 64 Kaya pabantayan po sana ninyong mabuti ang libingan hanggang sa ikatlong araw. Baka pumunta doon ang kanyang mga alagad at kunin ang bangkay at pagkatapos ay ipamalitang siya'y muling nabuhay. Ang pandarayang ito ay magiging masahol pa kaysa una.”
65 Sinabi sa kanila ni Pilato, “Kumuha kayo ng mga kawal at pabantayan ninyong mabuti ang libingan.”
66 Kaya pumunta nga sila roon at tiniyak na hindi mabubuksan ang libingan, nilagyan ng tatak ang batong panakip sa libingan, at pinabantayan ito sa kawal.
Mateo 28:1-15
Muling Nabuhay si Jesus
28 Makaraan ang Araw ng Pamamahinga, sa pagbubukang-liwayway nang unang araw ng linggo, pumunta si Maria Magdalena at ang isa pang Maria sa libingan ni Jesus upang tingnan ito. 2 Biglang lumindol nang malakas sapagkat bumabâ mula sa langit ang isang anghel ng Panginoon. Iginulong nito ang batong nakatakip sa libingan at umupo sa ibabaw niyon. 3 Ang kanyang mukha ay nakakasilaw na parang kidlat at puting-puti ang kanyang damit. 4 Nanginig sa takot ang mga bantay nang makita ang anghel, at sila'y nabuwal na parang mga patay.
5 Ngunit sinabi ng anghel sa mga babae, “Huwag kayong matakot; alam kong hinahanap ninyo si Jesus na ipinako sa krus. 6 Wala na siya rito sapagkat siya'y muling nabuhay gaya ng kanyang sinabi. Halikayo't tingnan ninyo ang hinimlayan niya. 7 Magmadali kayo at ibalita sa kanyang mga alagad na siya'y muling nabuhay! Mauuna na siya sa inyo sa Galilea. Makikita ninyo siya roon. Iyan ang balitang hatid ko sa inyo.”
8 At dali-dali nga silang umalis sa libingan na may magkahalong takot at galak, at patakbong pumunta sa mga alagad upang ibalita ang nangyari.
9 Ngunit sinalubong sila ni Jesus at binati. Lumapit sila sa kanya, hinawakan ang kanyang mga paa at sinamba siya. 10 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Huwag kayong matakot. Humayo kayo't sabihin sa mga kapatid ko na pumunta sila sa Galilea, at makikita nila ako roon.”
Ang Ulat ng mga Bantay
11 Pagkaalis ng mga babae, pumunta sa lungsod ang ilan sa mga kawal na nagbabantay sa libingan at isinalaysay sa mga punong pari ang buong pangyayari. 12 Nakipagpulong naman ang mga punong pari sa mga pinuno ng bayan at nagkasundo silang suhulan nang malaki ang mga kawal. 13 At ang mga ito ay inutusan nilang ganito ang ipamalita, “Habang natutulog kami kagabi, dumating ang mga alagad ni Jesus at ninakaw ang kanyang bangkay.”
14 Sinabi pa nila, “Huwag kayong mag-alala kung makarating man ito sa gobernador. Kami ang bahala sa inyo.”
15 Tinanggap ng mga bantay ang suhol, at ganoon nga ang kanilang ginawa. Kaya magpahanggang ngayon ito pa rin ang ipinamamalita sa mga Judio.
PAHAYAG KRISTIYANO:
Ipinagbabawal ng Ikawalong Utos na pabulaanan ang ivong pakikitungo sa kapwa. Sa aral ng kautusang ito ay nagbubuhat ang bokasyon ng banal na bayan na maging saksi ng kanyang Diyos na siyang katotohanan at nagnanais ng katotohanan. Ang mga sala laban sa katotohanan ay naghahayag sa pamamagitan ng wika o gawa, ng pagtatakwil ng katuwirang moral: ang mga ito ay mga pangunahing kataksilan laban sa Diyos at sa ganitong kahulugan ay sumisira sa mga batayan ng Kasunduan (KIK 2464). Ang ikawalong utos ay paanyaya sa atin na maging makatotohanan at makatarungan sa salita at gawa. Sapagkat ang pagiging makatotohanan ay paggalang at pagpapahalaga sa karapatan at dangal ng kapwa.
Ang katotohanan, bilang katuwiran sa gawa at wika ng tao, ay tinatawag ng pagkatotoo, katapatan, o kalinisang-bughi, Ang katotohanan o pagkatotoo ay ang katangiang kilala sa pagiging kapani-paniwala sa mga sariling gawa at sa pagsasabi ng katotohanan, iniiwasan ang dobleng pangungusap, ang pagkuknwari at ang pagbabalat-kayo (KIK 2468), Ang pagsisinungaling ay tuwirang paglabag sa katotohanan. Habang ang pagiging tapat ay kabutihang-asal na siyang paraan kung paano tayo'y nagsasalita at kumikilos. Ang sinadyang hangaring iligaw ang ibang tao na may karapatang malaman ang katotohanan ay tunay na nakagagawa ng karahasan sa kanila.
Sa paggalang sa mabuting pangalan ng iba, ipinagbabawal ang lahat ng uri ng gawa at salita na nakapagdulot ng di matuwid na pinsala sa kapwa. Nagkakasala:
Ng pagbibintang, kahit walang imik, na nagpapalagay bilang totoo, nang walang sapat na batayan, ng sala ng kapwa
Ng paninirang-puri, na walang matuwid na dahilan nagbubunyag ng kapintasan ng iba sa mga taong di nakaaalam noon.
Ng pagsisinungaling laban sa puri ng kapwa na sa pamamagitan ng mga salita na labag sa katotohanan, sumisira sa dangal ng iba at nagdudulot ng mga huwad na bintang hinggil sa kanila (KIK 2476)
Ang kasamaan ng pagsisinungaling ay alinsunod sa katangiang likas ng katotohanang binaluktot nito, ng mga kundisyon at intensyon ng taong nagsisinungaling, at ang kasiraang idudulot nito sa biktima. Sa isang banda, ang pagbibintang naman ay paniniwala Sa isang balita kahit walang sapat na dahilan sa isang bagay na nakasisira sa dangal ng ating kapwa. Dapat natin itong iwasan gayundin ang paninirang puri o pagbubunyag ng lihim ng iba na hindi naman kinakailangang gawin.
PANUTO: Truth or Harm
Hatiin ang mga mag-aaral sa maliliit na grupo
Bigyan ang bawat pangkat ng "scenario cards"(hal pagdaragdag sa totoong kwento, pagtatanggol sa kaibigan)
Mag-uusap at magpapasiya ang grupo kung ang gawain ba na naibigay sa kanila ay sumusunod o lumalabag sa Ika-8 Utos. Bakit?
PAGPAPAHALAGANG PANGKATAUHAN: Katapatan, makatotohanan, kalakasan ng loob na piliin at sabihin kung ano ang tama at totoo.
PAGLALAHAT: Ang pagsisinungaling ay may layuning manlinlang ng kapwa at ipagkait ang katotohanan. Laging tandaan na Jahat ng tao ay may karapatang malaman kung ano ang katotohanan upang makatulong sa paggawa ng tamang Pagpapasiya para sa kabutihan ng nakararami, Ang Banal na Espiritu na ating tinanggap noong tayo ay bininyagan ang Siyang laging gagabay at tutulong sa atin na maging mapagmahal sa katotohanan at piliin ang Pagsasabi ng tama at totoo.