Ang Pagkakatawang-Tao ni Hesus
Panimula: Natural sa isang tao sa kanyang paglaki ang pumili sa buhay katulad ng pag-aasawa, at nagkakaroon ng anak, bunga ng pagmamahalan ng mag-asawa. Sa ating aralin ngayon, na tatalakayin ay mayroong kaibahan ngayon, dahil ang Anak ng Diyos ay nagkatawang-tao, ipinaglihi at ipinanganak ng Mahal na Birheng Maria na siyang tanda ng Dakilang pagmamahal ng Diyos sa atin.
LAYUNIN:
Aral: Naunawaan na si Hesus ay Anak ng Diyos na nagkatawang-tao.
Asal: Natatanggap ang pagmamahal ni Hesus na nagkatawang-tao.
Dasal: Pinasasalamatan si Hesus na sumasaatin.
BALIK-ARAL: Dahil sa pagmamahal ng Diyos nilikha Niya ang sanlibutan. At inihanda Niya ang mundo bago pa likhain ang tao. Ngunit, nagkasala ang tao, ang mga taong nagkasala sa Diyos ay napuputol ang ugnayan sa Kanya.
PAGBASA: Lukas 1: 26-38 o 2:1-7
Ipinahayag ang Pagsilang ni Jesus
26 Nang ikaanim na buwan ng pagdadalang-tao ni Elizabeth, ang anghel na si Gabriel ay isinugo ng Diyos sa Nazaret na isang bayan sa Galilea, upang kausapin ang 27 isang dalaga na ang pangala'y Maria. Siya ay nakatakda nang ikasal kay Jose, isang lalaking buhat sa angkan ni David. 28 Lumapit ang anghel sa dalaga at binati ito, “Magalak ka! Ikaw ay lubos na kinalulugdan ng Diyos. Sumasaiyo ang Panginoon!”
29 Naguluhan si Maria sa sinabi ng anghel at inisip niyang mabuti kung ano ang kahulugan ng ganoong pagbati. 30 Sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Maria, sapagkat naging kalugud-lugod ka sa Diyos. 31 Makinig ka! Ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang sanggol na lalaki, at siya'y papangalanan mong Jesus. 32 Siya'y magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataas-taasang Diyos. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang amang si David upang 33 maghari sa angkan ni Jacob magpakailanman. Ang kanyang paghahari ay walang katapusan.”
34 “Paano pong mangyayari ito gayong ako'y isang birhen?” tanong ni Maria.
35 Sumagot ang anghel, “Sasaiyo ang Espiritu Santo at mapapasailalim ka sa kapangyarihan ng Kataas-taasang Diyos. Dahil dito, ang isisilang mo'y banal at tatawaging Anak ng Diyos. 36 Hindi ba't ang kamag-anak mong si Elizabeth ay baog? Gayunma'y naglihi siya at ngayo'y ikaanim na buwan na ng kanyang pagdadalang-tao kahit na siya'y matanda na, 37 sapagkat walang anumang bagay na hindi kayang gawin ng Diyos.”
38 Sumagot si Maria, “Ako'y alipin ng Panginoon. Mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi.” Pagkatapos, umalis na ang anghel.
Lukas 2:1-7 (Ang Pagsilang ni Jesus)
2 Nang panahong iyon, iniutos ni Emperador Augusto na magkaroon ng sensus sa lahat ng nasasakupan ng Imperyo ng Roma. 2 Ang unang sensus na ito ay ginawa noong si Cirenio ang gobernador ng Siria. 3 Kaya't umuwi ang mga tao sa sarili nilang bayan upang magpatala.
4 Mula sa Nazaret, isang lungsod sa Galilea, si Jose ay pumunta sa Judea, sa Bethlehem na bayang sinilangan ni Haring David, sapagkat siya'y mula sa angkan ni David. 5 Kasama rin niyang umuwi upang magpatala si Maria na kanyang magiging asawa, na noon ay nagdadalang-tao. 6 Habang sila'y nasa Bethlehem, sumapit ang oras ng panganganak ni Maria. 7 Isinilang niya ang kanyang panganay, na isang lalaki. Binalot niya sa lampin ang sanggol at inihiga sa isang sabsaban, sapagkat wala nang lugar para sa kanila sa bahay-panuluyan.
PAHAYAG KRISTIYANO:
Mula sa Katesismo ng Kabataang Pilipino, p.17
Bakit nagkatawang-tao ang Salita ?
Nagkatawang-tao ang Verbo a ikaliligtas at ipagkakasundo natin sa Divos (1 Jn. 4 :10/ 4:14/ 3:5" (KIK 457).
Ang Verbo ay nagkatawang-tao upang kilalanin natin ang pag-ibig ng Diyos. (1 Jn. 4 :9/ Jn. 3 :16) (KIK 458)
Ang Verbo ay nagkatawang-tao upang maging huwaran natin sa kabanalan (Mt. 11 :29) (KIK 459)
Ang pagkakatwang-tao ng Anak ng Dios, kaisa-isa at pambihirang pangyayari ay di nangangahulugan na si Jesukristo ay may bahaging Diyos at may bahaging tao, hindi rin isang malabong pagsasanib ng Diyos at ng tao. Siya ay tunay na Diyos at tunay na tao. Ang katotohanang ito ng pananampalataya ay ipinagsanggalang at ipinaliwanag ng Iglesia noong unang mga daantaon laban sa mga herehia o kamaliang nagtuturo ng huwad na aral. (KIK 464). Nagpapatotoo ang dakilang aral ng Simbahan sa maliwanag na aral ng Bibliya tungkol sa pagiging tunay na tao ni Hesus. Hindi lamang siya nag-anyong tao. Siya'y tunasy na nakiisa sa ating pagkatao.
Sa ating pananampalataya, itinuturo sa atin. Ang katotohanang si Hesus ay Diyos na totoo, at tao namang totoo. Siya ay ipinaglihi sa sinapupunan ng Mahal na Birheng Maria sa kapangyarihan ng Espiritu Santo Sinasabi sa Banal na Kasulatan, "Ang Salita ay nagkatawang -tao at namuhay sa piling natin." "Hesus" ang pangalan (mula sa wikang Hebreo) Na ang ibig sabihin ay "Ang Diyos ay nagliligtas" (Mateo 1:25). Ang Kanyang Misyon ay tubusin ang tao sa kanilang kasalanan at bigyan sila ng buhay na walang hanggan
Si Hesukristo ay Diyos na totoo at taong totoo, at kaisa ng Persona ng Diyos, dahil dito, Siya lamang ang kaisa-isang tagapamagitan ng Diyos at mga tao. Na sa kanya ang dalawang kalikasan pagka-Diyos at pagka-tao, magkaugnay at magkaisa sa Persona ng Anak ng Diyo (KIK 479-4780).
PANUTO: Gumawa ng isa dula o Tableau na naglalarawan sa kapanganakan ni Hesus.
Si Hesus ang Anak ng Diyos ay nagkatawang-tao sa kapangyarihan ng Espiritu Santo na lumukob sa Mahal na Birheng Maria. Siya ay namuhay kasama ng Kanyang mga magulang, at naging masunuring bata. Tinuruan Niya ang mga tao na maging mabuti lalo na sa pagsunod at paggalang sa magulang tayo ay sumunod sa lahat ng aral na itinuturo Niya upang ang lahat at maligtas mula sa kapahamakan at makamit ang kaligtasan. Dahil, ang hindi pagsunod sa Diyos ay paglayo sa kanyang pag-ibig na humahantong sa kanyang kapahamakan.