“What Happened to Monday"
REBYU
Ang pelikulang "What Happened to Monday?" nay nagaganap sa taong 2073 sa isang dystopian na mundo kung saan binabawalan ng gobyerno ang magkaroon ng dalawang anak dahil sa overpopulation. Tiyak na maiiugnay natin sa kalagayan ng ating lipunan sa panahong ito. Napakarami nang mga tao na namumuhay sa kahit saang sulok ng mundo na hindi maiitangging unti-unting nakakasira sa ating kapaligiran, nakababagsak ng ating ekonomiya, at kawalan ng mapagkukunan ng pagkain, gamit, at likas na yaman. Maganda ang pagkukwento ng pelikula tungkol sa isyung overpopulation sapagkat naipaliwanag nito ng maayos ang posibleng stratehiya ng gobyerno para mabawasan at maiwasan ang pagdami lalo ng populasyon at ito ang one child policy.
Ang pagkagawa naman sa plot ay siyang nakakabilib din sa amin dahil kakaiba ito. Malikhain ang paggawa ng direktor sa plot ng pekikula, maraming eksena na tunay na nakakapananabik sa madla. Ang stratehiya ng magkakapatid para lamang makaligtas sa malupit na gobyerno, ang pagkawala ng kaniyang kapatid at sa paghahanap nila nito na siyang kumitil unti-unti sa buhay nilang magkakapatid, at ang rebelasyon sa wakas kung bakit ito nawala. Subali’t malikhain at kakaiba ang plot sa simula, nasayang ang potensyal nito sapagka’t naging cliché, prediktable, at karaniwan ang plot pagsimula sa gitnaan ng pelikula.
Madilim ang mood ng pelikula. Bilang isang manonood, naramdaman ko ang mga mabigat na emosyon ng mga karakter sa kanilang mahirap na sitwasyon. Hindi takot ang pelikulang ito sa pagpapakita ng mga paghihirap at kadiliman ng mundo. Hindi katulad sa ibang mga pelikula, ang mga karakter sa pelikulang ito’y maaaring mamatay sa anumang sandali. Ang kawalan ng plot armor ng mga bida ay parang sariwang hangin sa mga pelikulang ito dahil ito’y bihira lamang sa mga mainstream na pelikula. Ang kawalan ng plot armor ng mga karakter ay nagpapakita ng realistik at madilim na tono sa pelikula.
Sa mga aktor at aktres naman doon sa pelikula, lalong lalo na sa aktres na kumatawan sa pitong magkakambal na si Noomi Rapace ay tunay na napakagaling umarte. Nakayanan niyang kumatawan ng pitong iba't ibang tao na may magkakaibang personalidad. Mararamdaman mo rin ang magkakaibang emosyon ng magkakapatid at kung paano nila ito ipahiwatig base sa kanilang mga personalidad sa kaniyang pag-arte.
Ang lugar at taon naman na ibinase sa pelikula ay taong 2073 na tiyak naman umaayon sa pag-unlad lalo ng teknolohiya at pagdami ng populasyon kung kaya ay sa panahon natin ngayon ay masasabi mo talagang may posibilidad na baka mangyari ito sa totoong buhay.
Ang tema ng pelikula ay sa simula ay nakaka enganyo sa madla dahil nga maiiugnay mo ito sa sitwasyon ng ating lipunan ngayon at nakakapukaw ito ng kuryosidad sa daloy at kinalabasan ng kuwento. Nakaka apekto ito sa paraang mabahala ang mga mamamayan kung mangyayari ito sa totoong buhay. Sa panahon ngayon, hindi na rin sapat ang ating mapagkukunan ng pagkain at iba pang kakailanganin para mabuhay at unti-unting nasisira na ang ating kapaligiran.
Ang direktor ng pelikulang ito, si Tommy Wirkola, ay mahusay sa pagpaaliw ng mga manonood sa pamamaraan ng pag-eksahera sa mga konsepto’t pangyayari sa kanyang mga pelikula sa puntong lumalapas sa lohika at minsa’y nagbibigay ng mga plot hole. Isang halimbawa ng plot hole sa pelikula ay kung paano natalo ng isang karaniwang babae na walang pagsasanay sa labanan ang tatlong fully-trained at armadong sundalo. Ngunit, ito pari’y nananatiling kasiya-siya kung hindi mo papansinin ang mga maliit pagkakasalungatan ng plot.
Subali’t malinaw ang cinematograpiya at editing ng pelikula, kulang naman ito ng tamang kahusayan at pagkakamalikhain. Kaunti-unti lamang ang mga eksenang may malikhain at magagandang camera work at anggulo. Mahusay naman ang mga eksenang aksyon kung saan malinaw mong makikita ang mga paggalaw at kilusan ng mga karakter. Ang musika sa pelikulang ito’y mahusay na naghatid sa mga emosyon ng mga eksena. Subali’t karaniwan ang estruktura at komposisyon ng mga musikang ginamit sa pelikula, naihatid pa rin ng mga musika ang mga emosyon at mood ng mga eksena.
Pagkatapos namin panoorin ang pelikulang, "What Happened to Monday?" ay ang masasabi namin ay tiyak na papasa ito sa panlasa ng madla. Bagama’t hindi ito perpekto, nakakawili-wili parin ang plot, tema, at tagpuan ng pelikula.