WIKA NG PAG-IBIG: KARANASAN NG MGA PILIPINONG NAKAPAG-ASAWA NG DAYUHAN
ABSTRAK
Dumadami’t dumadami ang mga biracial couples sa mundo. Malaking problema ng mga biracial couples ang pagkakaiba ng kanilang linggwistika at kultura, kung saan ito’y posibleng makakadulot ng diborsyo ng isang biracial couple. Sa Davao del Sur, dumadami ang bilang ng mga biracial couple ngunit kakaunti lamang ang mga pag-aaral tungkol sa kanilang mga hamon, pagkakaiba, at mga karanasan bilang isang mag-asawa. Ang layunin ng ginawang kwalitatibong pag-aaral na ito ay upang matuklasan ang mga hamon sa pang-araw na pamumuhay ng mga Pilipinong nakapag-asawa ng dayuhan at ang kanilang mga pamaraan upang ang mga hamong ito ay mapagtagumpayan nila at lalong umunlad o mapanatili ang kanilang relasyon. Ginamit ang disenyong phenomological sa pag-aaral na ito.
Ang mga kalahok sa pag-aaral na ito ay pitong Pilipinang nakapag-asawa ng dayuhan. Upang makuha ng mga mananaliksik ang mga kinakailangang impormasyon para sa pag-aaral na ito, ininterbyu ng mga mananaliksik ang mga kalahok. Sa pakikipagpanayam na ginawa ng mga mananaliksik sa mga kalahok, natuklasan nila ang apat na mga hamon. Ito ay ang sumusunod: komunikasyon, pagkakaiba ng paniniwala, pagpapalaki ng anak, at ang pagkakaiba ng pag-uugali. Natuklasan na kadalasang nagkakaroon ng problema ang mga biracial couple sa balarila at pagbigkas sa wika ng isa’t isa. Ito’y minsang dumudulot ng maling pagkomunikasyon o ang hindi pagkakaintindi ng biracial couple sa isa’t isa.
Natuklasan rin ang malaking pagkakaiba sa mga paniniwala ng mga biracial couple sa isa’t isa. May pagkakaiba rin sila sa pagpapalaki sa kanilang mga anak. Kadalasang nagkakasalungat ang mga paraan ng pagpapalaki ng mga mag-asawa sa kanilang mga anak. Sa temang ugali naman, madalas na pinahayag ng mga respondante na ang kanilang mga asawang dayuhan ay madaling magalit at maliit ang atensyon. Ang mga pamamaraang ginamit naman ng mga biracial couple ay ang sumusunod: ang paggamit ng dominanteng wika, na kadalasan ay ingles, ang pagdedetalye at pagparaphrase sa nais ipahiwatig, at ang mutwal na pag-aadjust sa isa’t isa. Pinaunlad ng mga biracial couple ang kanilang mga relasyon sa mutwal na pag-aadjust sa kanilang mga pagkakaiba. Ang mga biracial couple ay humaharap din ng iba’t ibang mga uri ng hamon tulad ng isang tipikal na mag-asawa. Ngunit, sa mga binuong pamamaraan ng mga mag-asawa na binanggit kanina, napanatili nilang maayos ang kanilang relasyon bilang mag-asawa sa kabila ng kanilang mga pagkakaiba.