Sports | 2-minute read
Sports | 2-minute read
23 August, 2025 | Ni Elijah Marri Ramos
Sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan, dadalhin ng Pilipinas ang spotlight ng FIFA Women’s Futsal World Cup sa Asya. Ngunit higit pa sa pagiging tagapagdaos ng laro, layunin ng bansa na ipakita na kaya nitong makipagsabayan sa matatayog na koponan sa mundo.
Para sa Philippine Football Federation (PFF) at sa Local Organizing Committee (LOC), ang torneo ay hindi lang usapin ng pagdaraos sa bansa, bagkus ito rin ay pagkakataon na ipakita ang tapang ng pambansang women’s futsal team na Filipina5 laban sa mga powerhouse na gaya ng Spain, Brazil, at Japan.
Mula Nobyembre 21 hanggang Disyembre 7, sasabak ang bansa bilang host sa dalawang entablado – ang PhilSports Arena sa Pasig at Victoria's Coliseum sa Negros Occidental. Para sa mga manlalaro, ito’y hindi lamang laban para sa medalya, kundi para sa dignidad at pangarap ng bawat batang babae na nangangarap maglaro ng football sa modernong lipunan.
Sa ilalim ng pamumuno ng Spanish coach na si Rafa Merino, ang ensayo na binubuo ng dalawampung babae na pinangungunahan ng co-captains Inday Tolentino at Isabella Flanigan ay patuloy na naghahasa ng kanilang kakayahan. May nakatakda silang training camp sa Japan sa Setyembre at posibleng European stint bago tuluyang buuin ang 14-player final roster.
At habang inaayos ang mga pagdarausan at inaangat ang pamantayan para sa isang FIFA-level tournament, tiniyak ng LOC na handa ang bansa hindi lang sa kompetisyon kundi sa pagpapakitang kaya ng Pilipinas mag-organisa ng isang world-class event.
Bagaman kakaunti ang umaasang makapasok sa finals ang Filipina5, nananatiling mataas ang kumpiyansa ni Gutierrez. Binalikan pa niya ang laban kontra Iran sa Women’s Futsal Asian Cup kung saan isang goal lang ang naging agwat.
Ang laban ng Filipina5 ay hindi lang laban ng 14 na manlalaro, kundi laban ng isang bansang sabik patunayan na may lugar ito sa pandaigdigang entablado ng futsal. Sa bawat pasa, depensa, at goal, dala nila ang pag-asa ng kababaihan at ang pangarap ng isang buong sambayanan.