Sports | 2-minute read
Sports | 2-minute read
23 August, 2025 | Ni Elijah Marri Ramos
May umaga pang naghihintay!
Sa bawat asinta ng Creamline Cool Smashers, hindi lang tropeo ang nakataya bagkus ang patuloy na pamamayagpag ng tapang at pagkakaisa. Kahit sariwa pa ang kanilang bronze-medal finish sa naganap na PVL On Tour, hindi ito nag-iwan ng bahid ng panghihinayang sa isang koponang matagal nang nakaukit ang pangalan sa kasaysayan ng liga.
Para kay team captain Alyssa Valdez, ang medalyang tanso bilang ika-18 sunod na podium finish ng Creamline ay hindi simpleng pagkatalo, kundi patunay ng kanilang umaatikabong katatagan ng loob.
Sa likod ng atake, nakikita ang tatag ng samahan ng Cool Smashers. Subalit, hindi nagtatapos ang apoy sa kanilang dibdib at agad bumalik sa ensayo upang ihanda ang sarili para sa PVL Invitational Conference na magsisimula ngayong Huwebes. Makakaharap nila hindi lamang ang mga lokal na powerhouse gaya ng PLDT, Chery Tiggo, at Cignal, kundi pati ang dalawang foreign squads na Kurashiki Ablaze at Kobe Shinwa University.
Ngunit higit pa sa mga kalabang ito, ang pinakamalaking hamon para sa Creamline ay ang pagpapanatili ng kanilang korona sa industriya ng women’s volleyball, matapos nilang makuha ang kampeonato sa nakaraang edisyon ng Invitationals.
Sa kabila ng hirap at pagkukulang, patuloy na ipinapakita ng Creamline na ang tunay na sukatan ng isang koponan ay hindi lamang ang tropeong nakamit, kundi ang pananatiling tapat sa kada taong iginugugol sa laro. Para sa mga Cool Smashers, ang bawat podium finish ay kwento ng sakripisyo at determinasyon na hindi matutumbasan nino man.