Eco Watch | 2-minute read
Eco Watch | 2-minute read
Liwanag sa Dilim
29 Disyembre, 2025 | By Eirish Emerie T. David
Bang! bang! Mga bagay na maiingay at puno ng kemikal ngunit nakaaaliw kung ang mga ito ay pagmamasdan. Sa paglipad nito ay tila ba nagiging mga bituin sa kalangitan na nagsisilbing ilaw sa bawat lansangan.
Mga paputok na nag-iiwan ng bakas sa kalangitan kahit na mabilis itong mawala—isang liwanag na mag-iiwan ng marka sa ating alaala tungkol sa mga sandaling hindi natin malilimutan noong nakaraang taon.
Ngayong sasapit ang bagong taon, talamak ang mga paputok sa bawat tahanan kung saan mas pinasasaya at mas nagiging makulay ang mga okasyon sa tuwing mayroon nito. Bukod sa mga bilog na prutas at pagsusuot ng polka dots, isang paniniwala rin ng mga Pinoy na nailalayo ng mga paputok ang kamalasan para sa isang masaganang bagong taon.
Ang mga paputok ay mayroong iba’t ibang kemikal kaya tila ba nagiging bituin ito sa kalangitan. Mayroon itong gunpowder at aluminum powder na magiging dahilan upang ito ay sumabog at ang sulfur naman ang nagbibigay ng nakasusulasok na amoy nito. Sa likod ng mga kulay nito, ay may kapalit din na iba’t ibang kemikal. Strontium, para sa pula, magnesium, aluminum, at titanium para sa puti, copper sa asul, barium sa berde at sodium para sa dilaw.
Sa isang banda, hindi lamang kaligayahan ang naibibigay ng paputok. Habang nasisilaw tayo sa mga kulay nito ay tila ba nasisilaw rin tayo sa dalang panganib nito dahil kaakibat nito ang iba’t ibang kemikal na masama sa ating kalusugan at sa ating kapaligiran.
Sa bawat gamit ng isang paputok ay naglalabas ito ng nakalalason na gas, dahil ang usok nito ay naglalaman ng maliliit na partikulo o particulate matter (PM). Ang bawat partikulo ay binubuo ng sulfur dioxide, carbon dioxide at carbon monoxide na mapanganib sa ating kalusugan. Mayroon din itong mga metal na delikado sa atin, tulad ng aluminum, manganese at cadmium na nakapipinsala rin sa hangin, kung saan maaari itong magdulot ng iba’t ibang karamdaman, tulad ng asthma at chronic obstructive pulmonary disease (COPD).
Hindi lahat ng liwanag ay nag-aalis ng kadiliman tulad na lamang ng mga paputok na pansamantala lamang ang ilaw. Dahil kasabay nito ay ang dilim na bumabalot sa kapaligiran, ang panganib at kabiguan.
Subalit hindi sa lahat ng pagkakataon, ang liwanag na dala ng paputok ay isa ring paliwanag. Isang paglilinaw na nag-iiwan ng paalala na ang paggamit ng paputok ay may kasabay rin na pag-iingat.
Ang buhay ay hindi tulad ng mga paputok na madalas ay nasa maliwanag at matuwid na landas. May mga bagay na dapat nating tanggapin na hindi permanente at alam nating hindi magtatagal. Ngunit sa huli, isang bagay lamang ang totoo. Ang saya na kanilang ipinamalas ay mananatili sa ating damdamin, lalo na sa mga sandaling madilim.