Column | 3-minute read
Column | 3-minute read
Posas ng Kalayaan
13 Oktubre, 2025 I By Kailah Venice G. Estrella
Ang tindig ko ay malinaw—ang kapangyarihan ay nasa kamay ng mamamayan, kaagapay ang boses ng dumadagundong na panawagan para sa isang mayabong na bayan, dapat managot ang mga nang-abuso na nagkukubli sa imahe ng pagiging bayani ng pinagkaitan na lipunan.
Bilang isang kabataan, namulat ako sa ‘di makataong paniniwala na dapat ay manahimik ka na lamang at indahin ang sakit ng pang-aabuso ng mga ganid na tao. Naalala ko pa na ang panakot sa akin noong bata pa ako ay huhulihin ako ng pulis kapag sumubok pa akong pumuna ng mali ng iba. Dahil doon, tumatak sa akin na labag sa katarungan ang dahas na baon nila.
Katulad nito, hindi nalalayo ang balita na inutusan ng Office of the City Prosecutor sa Maynila ang pagpapalaya sa ilang suspek na inakusahan ng “riot” matapos ang mga protesta noong Setyembre 21, dahil lumampas na sa itinakdang 36 oras ang kanilang warrantless detention.
Gayunpaman, ayon sa National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL), karamihan sa mga inaresto ay nananatili pa rin sa kulungan. Nanawagan ang NUPL na palayain ang lahat ng mga naaresto, at kinondena ang patuloy na pagkulong at paglabag sa karapatang pantao at kalayaan na nakasaad sa Konstitusyon.
Dagdag pa, napaulat din na ang mga batang naaresto ay pinagkaitan umano ng maayos at sapat na makakain. Iilan pa sa kanila ay naiwang walang saplot pang paa at hindi binigyan ng lunas ang kanilang mga sugat, isang patunay ng pagpapakita ng walang malasakit at awa sa mga hilaw na boses na naghuhumiyaw para sa pagbabago.
Bunga nito, malinaw ang sakit na dala–ang aksyon ng kapulisan ay paglabag sa batas at sa pagpapakatao. Ipinakita nila na unti-unting pinapatay ang diwa ng demokrasya sa bayang ito. Habang pilit na umaahon ang makabagong henerasyon at kumakawala sa makalumang panloloko gamit ang susi ng boses ng masa, pilit naman nila tayong pinalulunok ng lason at dinadakma nang may dahas.
Hindi lamang ito isyu, sapagkat malaki ang pagkayurak nito sa karapatang maghangad at kumwestyon ng bawat mamamayang Pilipino. Dahan-dahan nitong binubura ang kalayaan na bumoses at humiling ng pagyabong. Kung ang mismong tagapagpatupad ang magpoposas sa kumakawalang panawagan, sino na lamang ang mananatiling pundasyon ng mga nasa laylayan?
Sa kabilang banda, hindi maaari na manatili na lamang itong isang problema. May mga solusyon na maaaring ipatupad katulad na lamang ng pagpapatunay ng demokrasya. Magkakaroon ba ng ganitong pangyayari kung naipakikita sa taong bayan na sila ay napakikinggan? Magkakaroon ba ng martsya upang manawagan kung wala silang nakikitang kalapastanganan at pagkukulang? Ang sagot–hindi!
Pangalawa, dapat na pagtibayin ang pwersa ng kapulisan, hindi patungo sa hindi makatarungang pagpapatupad ng dahas, kung hindi patungo sa isang makatao at makatarungan na pagsunod at pagpapatupad ng batas sa pangunguna ni Chief of the Philippine National Police (PNP) Jose Melencio Nartatez Jr. Kung itutuon nila ang kanilang trabaho sa pagmamalabis at pang-aabuso sa kanilang kapangyarihan, ano pa ang magiging silbi ng pribilehiyo ng pagprotekta na ibinigay sa kanila? Kung nais nila ang tuwid na bayan, unahin muna nilang ituwid ang kanilang pamamalakad.
Huli, imbestigahan ang diumano’y pang-aabuso na nangyari sa mga naaresto. Panagutin ang mga nagkasala at siguraduhin ang agaran na pag-aksyon sa katiwalian na ito na lumabag sa karapatan ng mga kabataan.
Samakatuwid, hindi na dapat manatili na tahimik sa pang-aabuso na ginawa ng mga nasa kapangyarihan. Dapat na tayong tumindig sa hindi tamang pagbibigkis sa karapatan natin na bumoses nang may kalayaan. Nananagawan ako sa mga nakaupo na sumubok na tumayo at pagmasdan ang lagay ng mga pamilyang nilapastangan ang mahal sa buhay, ngunit patuloy na nilalason ang kanilang panawagan. Isang tanong ang nais kong tumatak–ano ang mas malamig: ang rehas sa kulungan o ang mga nasa pwesto na nagbubulagbulagan?