IgMa Spotlight | 9-minute read
IgMa Spotlight | 9-minute read
Panata sa Pisara
03 Oktubre, 2025 | By Indira Ysabelle Athena S. Santiago
May mga pangarap na isinisilang sa guni-guni ng kabataan—mga larong wari’y walang saysay, subalit dahan-dahang nagiging ugat ng bukas, mga pangarap na marahang inihuhulma ng panahon at pananampalataya. Ganito nagsimulang mahubog ang landas ni Gng. Maria Monette Basilio-Gregorio, na higit pa sa pagiging guro ay naging ina at ilaw ng mga kabataang kaniyang ginabayan.
Mula pagkabata, iisa at iisa lamang ang kaniyang tugon tuwing siya’y tinatanong ng, ‘Anong gusto mo paglaki?’—isang kasagutang hindi kumukupas, tila nakaukit na sa kaniyang puso:
“Syempre, titser!”
Sa mga sandali ng laro, siya’y laging nakatayo sa harap ng maliit na pisara tangan ang kapirasong chalk na tila isang sandata laban sa kamangmangan. Sa kaniyang murang isipan, ang pagiging guro ay higit pa sa propesyon, ito’y panata at isang pagtawag na iniukit ng tadhana. Mula rito, tinahak niya ang landas ng karunungan sa Baliuag University (noo’y Baliuag Colleges), kung saan siya ay nagtapos ng Bachelor of Elementary Education—patunay na ang pangarap na isinilang sa guni-guni ay maaari ngang maging katotohanan.
Taong 1997 nang tuluyan siyang pumasok sa mundo ng pagtuturo. Ngunit bago niya marating ang sandaling iyon, kinailangan muna niyang akyatin ang hagdang-bato ng pangarap—isang pangarap na akala’y mananatili na lamang sa hangganan ng imahinasyon.
Hinangad niyang maging isang estudyante ng St. Mary’s Academy (ngayo’y St. Mary’s College of Baliuag na). Aniya, “Before teaching here, it had always been my dream to study at SMA, pero dahil pangkaraniwang mamamayan lamang kami… syempre hanggang pangarap lang ‘yun. Mahal kayang magpaaral sa private school tapos sa SMA! But that’s the truth.” Subalit dahil sa kakulangan, nanatili itong pangarap na lihim itinatangi sa kaniyang dibdib.
Ngunit sadyang mapagbiro ang tadhana—sa lugar na hindi niya naabot bilang mag-aaral, doon naman siya iniukit upang maging guro. Dumating siya hindi dala ang pangalan ng kilala, hindi rin bitbit ang kapangyarihan ng rekomendasyon. Ang tanging tangan niya lamang ay lakas ng loob at pananalig sa Maykapal.
Isang tanong lamang ang kaniyang nais noon: “May bakanteng posisyon po ba bilang guro sa darating na taon?” Ngunit sa halip na sagot, tinitigan siya ng guro mula ulo hanggang paa, bago binitawan ang salita: “Halika, punta tayo sa Guidance.”
Sa isip niya, “Susme! Nagtanong lang, na-guidance pa? Hahaha”
Isang pagsusulit ang kaniyang natanggap. Gutom, kaba, at diwa ng pagtataka ang dala niya. Pinaupo siya at iniabot ang isang booklet, pen, at dalawang long bond papers. “Sagutan mo. Kapag may tanong ka, tawagin mo lang ako,” sabi ng guro. Hindi niya inakala na sa simpleng pagtatanong ay sasailalim siya sa mahabang pagsusulit at sanaysay.
“Maraming salamat po, Madam Beth Chico! Hindi pa po ako kumakain ng almusal noon, gusto ko lang pong magtanong… pero bonggang-bongga agad akong pinag-exam!” Sa kabila ng lahat, habambuhay siyang magpapasalamat sa sandaling iyon sapagkat iyon ang unang hakbang sa panghabambuhay niyang landas bilang guro.
Kinabukasan, ipinakilala siya sa coordinator, si Ms. Felicitas Divina, na ipinahiram sa kaniya ang AP book at nagbigay ng paunang gabay: “Maghanda ka para sa demo teaching bukas.” Pumasa rin siya at sa bawat hakbang ay ramdam niya ang unti-unting pagyakap sa kaniyang pangarap.
Pagkatapos ng demo, hiniling siya sa opisina ng principal para sa isang interview. Si Sis. Ma. Lilibeth Monteclara, RVM, Grade School Principal, ang sumalubong sa kaniya ng ngiti—maligaya, ngunit may lalim ng paghanga. “I admire you because I’ve seen how much love you put into your work. Welcome to SMA. See you in May, during Orientation Day,” aniya.
Sa tulong ng mga taong naniwala sa kaniya, nakapasa siya sa pagsusulit, sa demo, at sa panayam. Iyon ang unang araw ng 28 taong paglalakbay niya bilang guro—isang landas na nagsimula sa simpleng tanong, ngunit nauwi sa panghabambuhay na dedikasyon sa chalk, pisara, at sa puso ng bawat batang kaniyang ginabayan.
Sa kabataan ni Gng. Gregorio bilang guro, ilan sa kaniyang pinakamaliligayang sandali ay nakalaan sa pagiging adviser. Noong una, siya’y kinatatakutan at hindi paborito ng karamihan. Ang kaniyang tinig ay malakas at ang pamamalakad ay mahigpit. “I still remember that during my first two years, some pupils would ask their parents to have them transferred to another section—they were afraid of me. I was known for being strict and having a very loud voice. (kahit naman hanggang ngayon),” sambit niya.
Ngunit sa kabila ng higpit na iyon, maraming magulang ang humanga at nagustuhan siya—isang gurong kayang tiyakin na magiging maayos at disiplinado ang kanilang mga anak. Sa paglipas ng panahon, ang kaniyang pagiging istrikto ay unti-unting naging pundasyon ng tiwala. Hindi naglaon, sinimulan ng mga estudyante na hanapin ang kaniyang pangalan sa listahan ng mga adviser, at may ilan pang humihiling sa kanilang mga magulang na mailipat sa kaniyang klase.
Sa kalaunan, siya’y naging ‘Inay,’ hindi lamang guro. Tinawag siyang “’Nay,” “Inay-Tay,” at “Nanay ng klase.” Sa likod ng matitigas na salita, nakasilip ang puso ng isang magulang na nagmamahal.
Isang mag-aaral ang nagsabi: “Ikaw yung pinakamasungit kong adviser, pero napakarami kong natutunan sa iyo tungkol sa tunay na buhay.”
Isa pa ang nagbiro ngunit puno ng lambing: “Ayoko sa’yo noong una, pero nung tumagal, ayaw ko nang mag-graduate kasi hindi na ikaw ang magiging adviser ko.”
At doon niya napagtanto, hindi pala sa bait nasusukat ang pag-ibig ng guro, kundi sa katapatan ng kaniyang pagtuturo. “There are many more stories—students who have turned into close friends… and even into parents of my students now. I am deeply thankful that after all these years, they still recognize me—and that they are proud of who they’ve become. That, to me, is one of the greatest rewards of teaching.”
Dalawampu’t walong taon ng pagtuturo. Dalawampu’t walong taon ng pagtatanim ng binhi. Sa bawat araling itinuro, may kasamang pangaral. Sa bawat pagsusulit, may kaakibat na pagsubok sa buhay. Hindi siya yumaman sa ginto, ngunit nag-ani siya ng kayamanang walang kapantay—pagmamahal, respeto, at alaala ng bawat estudyante na kaniyang ginabayan.
Ayon kay Gng. Gregorio, “It’s the love for teaching that has been with me since day one — a kind of love that no amount of money can ever equal. Kapag isa kang guro, habangbuhay ka nang magiging guro — sa puso, sa diwa, at sa gawa. In this profession, you may not become rich in material things, pero mamahalin ka nang higit pa sa inaakala mo.”
Bilang guro, alam niyang hindi lahat ng itinuturo ay makukuha sa aklat. Mas higit pa rito, nais niyang ituro na ang buhay ay dapat harapin nang may sipag, katapatan, at malasakit. Sapagkat sa huli, darating ang sandaling tatanungin ka ng Diyos kung paano mo ginamit ang pagkakataon.
“At the end of each day, susulitin mo kay Lord ang lahat ng ginawa mo — kaya umayos ka, para masulit ang pagkakataon na ibinigay Niya sa’yo”, aniya.
Hindi siya naging batang SMA, ngunit sa loob ng 28 taon, siya’y naging guro ng mga batang SMA sa SMCB. Sa bawat isa sa kanila, tila siya rin ay naging estudyante—natuto sa bawat kuwento, yumabong sa bawat hamon, at patuloy na humuhubog, kahit siya’y guro.
Sa pagbabalik-tanaw, isa lamang ang kaniyang dalangin: “Huwag ninyo akong alalahanin bilang guro ng Sibika at Kultura, Makabayan, o Araling Panlipunan. Alalahanin ninyo ako bilang isang taong naniwala sa inyo—isang guro na may tiwala sa kakayahan ninyong maging tunay na kayo.”
Si Gng. Maria Monette Basilio-Gregorio ay larawan ng isang pangarap na naging tungkulin, ng isang batang naglaro ng titser-titseran na ngayo’y ina ng libo-libong mag-aaral.
Sa araw ng mga guro, siya’y paalala na ang tunay na kayamanan ay hindi nakatala sa sahod o titulo, kundi sa damdaming naiiwan sa puso ng kaniyang mga tinuruan.
Sapagkat sa bawat guro, may isang binhing itinatanim—at sa bawat estudyanteng umaani ng aral, nabubuhay ang diwa ng pagtuturo.
Guro siya, habambuhay. Hindi lamang sa papel, kundi sa puso, sa diwa, at sa alaala ng mga batang minahal niya.