Entertainment| 3-minute read
Entertainment| 3-minute read
Lights, Camera, Rebolusyon!
08 November, 2025 | By Ara Nayolie Cruz
Tatlong yapak sa dilim at dagundong ng kuwentong hindi mo pa naririnig.
Pumatak ang alas-dos ng umaga. Nakabibingi ang katahimikan ng lungsod. Habang tinatahak ko ang malawak na kapaligiran, napadpad ako sa isang sinehan.
Sa likod ng mga ilaw sa entablado at mga anino ng sinehan, nasilayan ko ang mga kuwentong patuloy na nabubuo—mga kuwentong isinilang mula sa pangarap, laban, at tagumpay. Ang bawat hakbang ng artista, bawat tunog ng kamera, at bawat nota ng musika ay naglalarawan ng tibok ng kulturang Pilipino.
Hindi lamang ito basta palabas; isa itong rebolusyon sa malikhaing pagkukuwento, at bawat eksena ay may sariling buhay.
Ang industriya ng pelikula sa Pilipinas ay isang nagniningning na larawan na ipininta ng talento at maalab na pagmamahal sa pagtatanghal. Mula sa mapagpakumbabang simula hanggang sa kasalukuyang anyo ng pag-unlad, ang industriya ay sumasalamin sa kultura, pagsisikap, at tagumpay ng bansa.
“Lights, Camera, Action!”... o mas tama bang sabihing,
“Lights, Camera, Rebolusyon!”?
Ang Ginintuang Panahon
Dekada 50 at 60 nang sumilang ang tinaguriang “Ginintuang Panahon” ng pelikulang Pilipino. Dito namulat ang mga studio at aktor na ngayo’y mga ganap na alamat. Ang pelikulang katulad ng ‘Anak Dalita’(1956), mula sa direksiyon ni Lamberto V. Avellana, ay patuloy na kinikilala dahil sa likas na artistikong husay at komentaryo sa lipunan. Kahit sa ilalim ng panahon ng batas militar, hindi natinag ang pagnanais ng mga Pilipino na maglahad — isang unang rebolusyon ng malikhaing pelikula.
Pag-usbong ng mga Indie Film
Sa makabagong panahon, sinusubok ng mga independiyenteng pelikula ang naratibong tradisyunal. Ang mga batikang direktor na sina Brillante Mendoza at Lav Diaz ang nagdala ng Pilipinong kuwento sa mga prestihiyosong film festival na Cannes at Venice, nagtatampok ng mga isyung panlipunan at kulturang Pilipino. Sa bawat indie film, naroon ang tinig ng mga hindi naririnig—isang payapa ngunit matapang na rebolusyon sa sinehan.
Mundo sa Likod ng Screen
Ang mga digital platforms gaya ng Netflix at iWantTFC ay nagbukas ng mga oportunidad sa pandaigdigang entablado para sa mga palabas at pelikulang Pilipino. Sa mga vlog, web series, at iba pang online content, umuusbong ang mga itinanim ng bagong henerasyon na filmmaker at aktor. Nakikita na ang kultura ng mga Pilipino ay hindi lamang nasa sinehan kundi nasa bawat screen—abot-kamay ang daigdig.
Mainstream Renaissance
Sa pag-usbong ng mga blockbuster na pelikula tulad ng ‘Hello, Love, Goodbye’ at ‘The Hows of Us’, naipakita rito ang kakayahan ng lokal na industriya ng pelikula na lumikha ng mga obrang may malawak na apela sa madla. Patunay rito ang kanilang mga nabasag na record—ang mga kamakailang pelikula ay umabot pa sa mas mataas na antas. Kabilang ang pelikulang ‘Rewind’ na pinagbibidahan nina Dingdong Dantes at Marian Rivera na nagtala ng malaking tagumpay noong 2024, sumunod ay nalampasan ng ‘Hello, Love, Again’ na pinagbibidahan ni Alden Richards at Kathryn Bernardo bilang pinakamataas na kumitang pelikulang Pilipino sa lahat ng panahon.
Buhay ang Eksena
Patuloy na pinangangalagaan ng telebisyon ang atensyon ng milyon-milyong Pilipino sa pamamagitan ng teleserye, variety show, at reality program. Sa makulay na musika, patuloy na namamayagpag ang mga artistang Ben & Ben at SB19. Nagdadala sila ng mga melodiyang may tunog ng Pilipinas sa pandaigdigang entablado, at ipinahayag na ang musika at sining ay hindi limitado sa lokal bagkus ay may tinig sa buong mundo.
Hamon at Pagkakataon
Maaaring humarap ang industriya sa piracy, limitadong pondo, at pangangailangan para sa mas inklusibong mga kuwento. Ngunit sa bawat pagsubok, may pagkakataon para sa pagbabago, inobasyon, at pag-angat ng talento. Sumisibol ang bagong mga posibilidad sa bawat likha ng pelikula, palabas, awitin, at pagtanghal ng kahusayan.
Maningning na Kinabukasan
Ang “Lights, Camera, Rebolusyon!” ay patuloy na sumisimbolo ng pag-asa para sa Philippine entertainment. Sa walang humpay na paglago ng teknolohiya, paglawak ng madla, at patuloy na pagsasalaysay ng mga istorya, walang duda na ang industriya ay magpapatuloy na magbigay inspirasyon, magpasaya, at magpaalala sa atin ng ating pagkakakilanlang Pilipino. Ang pagtatanghal ay hindi kailanman titigil—at ang mundo ay patuloy na manonood.
Ang tatlong yapak sa dilim ay tanglaw sa mapanglaw na entablado, at ang mga dagundong ng mga kuwento ay umaalingawngaw sa buong kapuluan.
Ang industriya ng libangan sa Pilipinas ay patuloy na nagliliyab, nagbibigay-inspirasyon, nagbubukas ng posibilidad. Ipinaaalala nito na sa bawat kuwentong nabuo, ang ating kultura at talento ay mananatiling buhay at patuloy na magpapasaya sa susunod na henerasyon.