Echoes & Experiences | 2-minute read
Echoes & Experiences | 2-minute read
Seldang walang susi
08 Agosto, 2025 | Ni Adrian Arceo
Tandaan mo ito—hindi lahat ng larong pambata ay masaya.
Nasa unang baitang pa lamang ako noong magsimula ang tila hindi matapos-tapos na laro namin ng tagu-taguan. Ito ang una kong natutuhan bago pa man matutong magbasa, magsulat, o magbilang.
Ni isang beses ay hindi pa ako ang nagiging taya. Simple lamang ang patakaran ng larong ito: huwag na huwag kang mahuhuling nasa labas.
Habang ako’y lumalaki, isa lang ang nakasanayan ko palagi; sila ang laging nasusunod.
Bawat kilos ng aking katawan ay diktado ng kanilang utos. Bawat maling galaw ay may kaakibat na parusa. Bawat likot ay may kasabay na sermon.
Walang nakaaalam kung bakit tagong-tago ako sa mundong naghihintay sa akin sa labas ng aming bahay. Ang laging bilin lang nila sa ‘kin ay “Mag-aaral ka nang mabuti, ha. ‘Wag na ‘wag kang tutulad sa mga gawain ng simpleng tao kung ayaw mong mapariwara buhay mo.”
Ngunit nang minsang sumilip ako sa bintana, nakita ko ang mga batang kasing-edaran ko na nagtatawanan habang naglalaro sa kalagitnaan ng kalsada. Hindi ko man alam ang mga pangalan nila, ngunit malinaw sa akin na mas makulay ang kanilang buhay kumpara sa aking maputlang kabuhayan sa loob ng silid.
Ang kanilang mga boses at halakhak ay naging soundtrack ng kabataan kong hindi ko naranasan.
Minsa’y sinubukan akong itakas ng aking mga pinsan mula sa nakasasakal na “yakap” ng aking mga tagapangalaga. Sa sandaliang nakita ko ang kagandahan ng mundo sa labas ay napaisip ako—sino nga ba ang tunay na kawawa, sila o ako?
Ako na laging protektado sa ilalim ng bubong ng aming bahay, malinis, kumpleto palagi sa baon, at pinupuri ng mga guro—ngunit gabi-gabi’y hinaharap ang ingay ng katahimikan? O sila, na kahit ilang beses na madapa’y hahanap at hahanap pa rin ng dahilan para tumayo’t tumaya pa rin sa laro ng buhay?
Sa aking pagbibinata’y unti-unti nang luminaw ang kasagutan sa tanong na dati pang kumakati sa pinakalikuran ng aking isipan: siguro nga’y higit na mas mapalad ang mga taong may kalayaan kaysa sa kayamanan. Sapagkat ang kalayaan ay maaari ko lamang tanawin mula sa bintana ng aking munting silid, tulad na lamang ng mga batang maligayang naglalaro sa kalsada.
Mahirap ipaliwanag kung paanong ang isang tahanan na malinis, maayos, at puno ng bagay na kailangan ko upang mabuhay ay maaari din palang ihalintulad sa bilangguan.
Oo, ligtas ako.
Ngunit sa paghihigpit ng kanilang yakap ay unti-unti ko nang nauunawaan kung bakit tila mas makulay ang mundong iyon sa labas—ang mundong nakikita ko lamang mula sa kulungang gawa sa proteksyon ng aking mga magulang.
Marahil ang totoong kawawa sa istoryang ito ay ang mga katulad kong pilit pa ring nakikipaglaro ng tagu-taguan—nakalusot ang ulo sa bintana, ngunit nakakulong sa isang seldang walang susi.