Echoes & Experiences | 5-minute read
Echoes & Experiences | 5-minute read
Sa Dulo ng Sobre
16 March, 2026 | By Ara Nayolie Cruz
Bukas ang sobre. Binibilang ang bawat piso… akala mo’y sapat ngunit hindi.
Sa bawat pagbuklat ng sahod, tangan palagi ang pangamba at pag-aalala. Hindi tiyak kung may pantustos pa nga ba sa patuloy na pagmamahal ng bukas. Sa panahon ngayon, sunod-sunod ang pagtaas ng mga pangunahing bilihin at higit pa ang presyo ng langis ngayong 2026, ang sahod na kinikita ng karaniwang manggagawa ay mas mabilis na nauubos, at ang simpleng pamumuhay ay nagiging patuloy na pakikibaka.
Kapag tumaas ang presyo ng langis, tumataas din ang pamasahe, gastos sa transportasyon ng produkto, at paglaon ay pati ang presyo ng pagkain sa mga pamilihan.
Ayon sa mga ulat ngayong taon, tinatayang umabot sa 2.4% ang inflation rate sa Pilipinas noong Pebrero 2026, mas mataas kumpara sa 2% noong Enero. Ito ang patunay na patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing pangangailangan at serbisyo.
Ang resulta nito sa mga manggagawang Pilipino ay malinaw: ang bawat dagdag na piso na bilihin o pamasahe ay pasakit at katumbas na bawas sa ibang pangangailangan.
Ang badyet na dati-rati ay sapat sa loob ng isang linggo ay kinakailangan pang paghatian sa mas maraming gastusin. Sa ganitong kalagayan, ang bawat sahod na tinatanggap ay tila unti-unting nawawalan ng halaga.
Ito ay isa sa mapait na realidad na kinahaharap ng bawat manggagawang Pilipino na tila kahit ang simpleng pagsakay ay pasan ang kamahalan ng kinabukasan.
Sa kabila ng patuloy na pagsusumikap ng mga manggagawa, nananatiling isang dagok ang pag-abot ng sahod sa tumataas na gastusin. Hindi lamang ito usapin ng kita, sa halip ay ang abilidad na mapanatili ang sapat na pamumuhay sa gitna ng pagbabago ng ekonomiya.
Sa dulo, ang tunay na istorya sa likod ng bawat sobre ng sahod ay hindi lamang tungkol sa salaping natatanggap, kundi kung gaano katagal ito magtatagal sa harap ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing pangangailangan.
Hanggang hindi naaaksyunan ang patuloy na pagtaas ng presyo at hindi tumataas ang kita ng mga manggagawa, mananatiling pagsubok ang bawat pagbukas ng sobre at mananatili ang katanungang: hanggang kailan magiging sapat ang laman nito?