Echoes & Experiences | 4-minute read
Echoes & Experiences | 4-minute read
Pagputol sa Nakaraan
19 February, 2026 | By Ara Nayolie Cruz
Pamana. Isang salita na kumikinang sa paningin. Kapag naririnig, madalas na pumapasok sa isipan ang mga ari-arian, lupa, maging ang apelyido. Ngunit papaano kung ang pamanang naipapasa ay hindi nakikita ngunit nag-iiwan ng marka?
Mga pangamba na hindi natin pinagdaanan, kalungkutan na hindi natin pinili, at mga sugat na tila wala namang bakas. Naroon pa rin sila, patuloy na tahimik na hinuhubog kung paano tayo mamuhay, magdesisyon at magmahal.
Ito ay tinatawag ni forensic nurse Michele Reali-Sorrell na generational trauma— isang uri ng trauma na hindi nagtatapos sa iisang tao lamang. Ito ang karamdaman na parang alon: nagsisimula sa isang malupit na hampas, subalit patuloy na umaabot sa susunod na henerasyon. Ayon sa kanya, ang trauma ay isang reaksyon mula sa mga karanasang nagbanta sa ating kaligtasan— emosyonal man o pisikal. Kapag hindi ito nalutas, maaari itong maipasa sa mga anak, at sa mga apo.
Isipin ang isang lola na nawalan ng tahanan dahil sa bagyo. Siya’y lumaki na bitbit ang matinding takot sa kulog at ulan. At natutunan ng kaniyang anak na magkubli tuwing uulan, hindi sa kadahilang siya ay mapapahamak, kundi dahil nasilayan niya ang pangamba sa mga mata ng ina. Pagdating sa susunod na henerasyon, dala pa rin ang kaba— kahit wala namang personal na karanasan ng trahedya. Ganito gumagana ang generational trauma: hindi man pinagdaanan ngunit nararamdaman pa rin.
Maaari itong umusbong sa pamamagitan ng kahirapan, karahasan, digmaan, pag-abandona o pagpanaw ng mahal sa buhay. Tinatayang aabot sa 70% ng mga adult sa buong daigdig ang nakararanas ng hindi bababa sa isang traumatikong pangyayari sa kanilang buhay. At ang mga karanasang ito ay maaaring baguhin hindi lamang ang asal, maging ang paraan ng pagpapalaki sa susunod na henerasyon.
May mga masusing pag-aaral tungkol sa adverse childhood experiences o ACEs na nagpapakita kung paano nakaaapekto ang matinding stress hanggang sa pagtanda— mula sa problemadong relasyon, depresyon, at hanggang sa mga karamdaman gaya ng sakit sa puso at diabetes. Hindi lamang ito emosyonal na pasanin, ito rin ay posibleng makaapekto sa kalusugan.
Nakagugulat din na may aspetong biyolohikal. Sa larangan ng epigenetics, napag-alamang posible na mabago ng trauma ang paraan ng pag-”basa” ng ating katawan sa genes. Sa mga pag-aaral sa mga nakaligtas sa Holocaust, nakita ang pagbabago sa genes na may kinalaman sa stress regulation— at ang pagbabagong ito ay nakita rin sa kanilang mga anak. Ibig sabihin nito, ang sakit ng nakaraan ay maaaring nakaukit hindi lamang sa mga alaala, kundi maging sa katawan.
Ngunit hindi rito nagtatapos ang kuwentong naisulat.
Ang pagputol sa nakaraan ay hindi lamang isang simpleng paglimot. Hindi ito basta “move on”.
Ayon kay Dr. Reali-Sorrell, mahalaga na kilalanin at tanggapin ang trauma bilang bahagi ng kasaysayan ng pamilya. Hindi ito tanong na “Ano ang mali sa’yo?” kundi “Ano ang nangyari sa’yo?”
Sa paraan ng trauma-informed care, lalo na ng cognitive behavioral therapy, may kakayahan na kilalanin ang mga hindi malusog na pattern at palitan ito ng mas angkop na paraan ng pag-iisip at pagkilos. Hindi madaling proseso ito. Hindi lamang simpleng lakas ng loob. Kailangan ng suporta, wastong kaalaman, at minsan ay propesyonal na tulong.
Ang ating pinagmulan ay hindi natin kontrolado kailanman. Ngunit ang ating direksiyong tatahakin ay nasa ating mga palad. Maaaring dala natin ang bigat ng nakaraan, ngunit hindi kailangang ipasa sa susunod.
Ang ating pamilya ay nagmamana ng lakas at kahinaan. Maaari nating igalang ang kasaysayan habang umuukit ng panibago. Ang pagputol sa nakaraan ay hindi paglimot sa pamilya, ito ay pag-ibig para sa mga darating pa.