Echoes & Experiences | 3-minute read
Echoes & Experiences | 3-minute read
Magsisikap o Mangangarap?
14 Pebrero, 2026 | By Ara Nayolie Cruz
Marahil sa unang pagkakataon, maaari ko nang ipikit ang aking mga mata at magpahinga.
Sa bawat tunog ng orasan at bawat hiyaw ng alarm clock, muli na namang gigising ang mga diwang hindi batid kung kailan matatapos ang paghihirap.
Ito ang masaklap na realidad ng mga working students. Sa Pilipinas, milyon-milyong mga kabataan ang kumakayod upang makapagtapos ng pag-aaral habang naghahanap ng pagkakakitaan—isang balanse na hindi madaling makamtan, at minsan sila ay nahahati sa dalawang magkasalungat na mundo.
Sa isang bahagi, naroon ang mga ginintuang pangarap: ang diploma, ang propesyon, at ang seguridad. Sa kabilang bahagi, naroon ang mga pangangailangan: pagkain sa hapag, pambayad ng renta, at ang bigat ng responsibilidad.
Laging bitbit ang katanungang: Paano nga ba pagsasamahin ang dalawang ito nang hindi binibitiwan ang isa?
Ayon sa pag-aaral ng The Nerve, isang data forensics company, 86% ng mga Pilipinong nagtatrabaho at nag-aaral ang may hangaring mag-upskill. Kahulugan na batid nila ang halaga ng karagdagang kaalaman at kasanayan upang umunlad sa buhay.
Ngunit sa likod ng malaking porsyento na ito, ikinukubli ang katotohanan na maraming working students ang napipilitang huminto sa pag-aaral dahil sa kakulangan sa wastong oras, pera, at suporta.
Isipin na lamang ang isang karaniwang working student. Pagkatapos na gumugol ng walong oras sa pagtatrabaho, kailangan pa nilang bigyang oras ang pag-aaral, takdang-aralin at proyekto. Ayon sa pag-aaral, karamihan sa kanila ay halos hindi na makapaglaan ng limang oras kada linggo para sa pag-aaral. At ang madalas na resulta: pagkapagod, stress, at panghihina ng loob.
Hindi rin dapat ibaon sa limot ang pinansyal na aspeto. Sa isang bansa na kung saan maraming pamilya ang nasasadlak sa ilalim ng poverty line, ang edukasyon ay madalas na lamang nagiging luho. Ang aklat, matrikula at iba pang gastusin ay nagiging mabigat na pasanin ng working students. Bunga nito, marami ang napipilitan magbanat ng buto sa mga trabahong hindi kaugnay sa kanilang kurso, basta’t may kita.
Sa kabila ng lahat ng ito, hindi nawawalan ng pag-asa ang mga working students. Ang kanilang determinasyon ay tunay na kahanga-hanga. Sila ay patuloy na nagsisikap at naninindigan upang maabot ang kanilang mga pangarap.
Ayon sa World Economic Forum’s (WEF) The Future Jobs Report noong 2025, 68% ng mga Pilipino ay kinakailangan mag-upskill upang mapanatiling competitive sa job market. Isa itong malinaw na indikasyon na ang edukasyon ay hindi lamang isang pangarap, ito ang susi sa kinabukasan, at isang pangangailangan para sa ating bansa.
Mahalagang suportahan ang mga working students. Hindi lamang dapat silang pagkalooban ng flexible na iskedyul sa trabaho at pag-aaral, kundi pati na rin ng sapat na mga oportunidad para sa scholarship at financial aid. Marapat din silang tulungan na makahanap ng mga trabahong hindi lamang kita ang mahahagilap, kundi pagpapalawak ng kanilang kaalaman at kahusayan.
Sapagkat ang tagumpay ng mga working students ay hindi lamang tagumpay sa sarili, sa halip ay tagumpay ng ating bansa. Sila ang isa sa mga bagong bayani na nagpapatunay na ang edukasyon ay hindi lamang isang pribilehiyo, bagkus isang karapatan na dapat ipaglaban.
Marahil sa unang pagkakataon, maaari ko nang ipikit ang aking mata at magpahinga.
Hindi ito isang simpleng sandali ng katahimikan—ito ay ang bunga ng walang sawang pagsusumikap, pagsasakripisyo at determinasyon. Ang mga working students ang patotoo na ang pangarap at pagsisikap ay maaaring magtagpo kahit sa harap ng hirap.
At sana, dumating ang araw na wala ng mag-aaral pa ang mahahati sa gitna ng pasisikap at pagkakaroon ng pangarap. Sapagkat ang edukasyon ay hindi isang luho, kundi isang karapatan at ang susi sa mas maliwanag na kinabukasan.