Echoes & Experiences | 6-minute read
Echoes & Experiences | 6-minute read
Latay ng Kahapon
21 March, 2026 | By Ara Nayolie Cruz
Nakapanlulumo. Walang katarungan. Nakamamatay.
Ito ang ilan sa mga salitang naglalarawan tungkol sa nakaraang pilit na ibinabaon sa limot. Sa kapayapaan ng hatinggabi, may mga alaala pa ring nagpupumilit na bumalik—mga yabag, mga katok, at mga pangyayaring minsang gumimbal sa katahimikan ng maraming tahanan.
Halos isang dekada na ang lumipas mula nang ipatupad ang kampanya kontra droga sa ilalim ng administrasyong Rodrigo Duterte. Ang kampanyang ipinangakong tulay sa pagbabago ngunit kapalit ay bangungot. Para sa ilan, sariwa pa rin ang sugat ng kahapon.
Taong 2016 nang inilunsad ang kampanya. Layunin nitong sugpuin ang ipinagbabawal na droga sa ating bansa, libo-libong operasyon ang naisagawa at tinatayang mahigit 6,000 katao ang nasawi sa police operations.
Gayunpaman, ayon sa mga ulat ng Commission on Human Rights at iba pang international groups, maaaring umabot sa mas mataas pa—libo-libo hanggang sampu-sampung libo—ang kabuuang bilang ng mga nasawi, kabilang na rito ang mga hindi naitala sa opisyal na ulat.
Sa likod ng bawat numerong nakaukit ay ang mga kwentong hindi kailanman kayang ilarawan ng estadistika. Mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay, mga musmos na naiwan na puno ng katanungan, at mga komunidad na nabalot ng takot. Ang pagkawala ay hindi lamang isang bilang—ito ay isang puwang na kailanma’y hindi na muli pang maibabalik at mapupunan.
Kasabay nito ang patuloy na pagtawag sa pananagutan. Noong 2021, inumpisahan ng International Criminal Court ang imbestigasyon sa mga alegasyon ng paglabag sa karapatang pantao kaugnay ng kampanya.
Layunin nitong tukuyin kung may naganap na mga krimen laban sa sangkatauhan—isang napakahalagang hakbang na patuloy na sinusubaybayan sa loob at labas ng bansa.
Sa kasalukuyan, nananatili pa rin ang epekto ng kampanya sa isipan ng nakararami. May mga komunidad na patuloy na naghilom, at maraming pamilya pa rin ang naghahanap ng hustisya.
Ang latay ng kahapon ay hindi madaling maglaho—ito ay nakaukit sa kasaysayan at damdamin ng bawat Pilipino na naghahangad ng hustisya at pagbabago.
Ang hamon ay hindi lamang alalahanin ang nakaraan, bagkus unawain ito. Sapagkat sa bawat sugat, may mga aral na maaaring magsilbing gabay—upang ang latay ng kahapon ay hindi na muling maulit pa sa hinaharap.