Echoes & Experiences | 3-minute read
Echoes & Experiences | 3-minute read
Isang mumunti, Kaniyang sukli
15 Agosto, 2025 | Ni Ara Nayolie Cruz
Kapag ang langit ay payapa, doon Siya nagmamasid.
Sa panahong hirap na hirap na ang puso, nandiyan lamang Siya sa iyong tabi. Hindi natitinag ang Kaniyang paningin at pandinig. Ramdam niya ang bawat pag-agos ng luha sa mga matang naghahanap ng kasagutan. Nagsusumamo ang puso na sana balang araw ay magbunga ang isang himala—himalang babago sa takbo ng buhay.
Sa isang tahimik na baryo, may isang bata ang palaging nakatingin sa bughaw na kalangitan. Ang pangalan niya ay Liandro. Kapakanan ng kaniyang pamilya ang laging tumatakbo sa kaniyang isipan. Hindi niya alam ang gagawin kung paano itataguyod ang kinabukasan ng mga mahal sa buhay. Maagang lumisan sa mundo ang kaniyang ama. Ina ay may malubhang karamdaman at ang mga kapatid ay paslit na wala pang kamuwang-muwang sa mundo. Sa bawat paghikbi at pagtangis, tila ba ang daigdig ay pumasan sa kaniyang balikat. Napakabigat.
Tinda rito, tinda roon. Maghapong paikot-ikot sa kalsada upang magbenta ng gulay. Araw-araw ay tila isang kalbaryo sa kaniya upang kumita para matustusan ang pangangailangan ng pamilya. Mga pangarap niya ay isinantabi upang maisalba ang buhay ng kaniyang pamilya. Kahit pagod, kahit gutom, hindi tumigil si Liandro. Bago ang takipsilim, panalangin niya na sana, balang araw ay gumanda ang kanilang bukas.
“Panginoon, sana magaan bukas,” bulong niya palagi sa sarili.
Sa mga tahimik na sandali ng kaniyang taimtim na panalangin, bigla niyang naramdaman ang isang mahiwagang presensya. Hatid ay isang liwanag higit sa lahat. Isa itong simbolo na kumikinang na himala. Tulong na babago sa kaniya. Isang munting tulong na puno ng pag-asa at kalinawan sa kaniyang puso. Regalong hatid ay ang mensaheng hindi Siya kailanman lumisan. Ang batang si Liandro ay ginantimpalaan ng bagong buhay at magandang kinabukasan.
Nagtiwala siya na sa tamang panahon at pagkakataon ay ibibigay Niya ang Kaniyang biyaya. Nananalangin siya hindi lamang para sa kaniyang mga mahal, kundi para din sa kalakasan upang manatiling matatag sa harap ng bawat unos. Bawat hiling ay may tiwala sa Kaniyang mga nilikha; na ang bawat pagsubok ay may kalakip na aral at ang bawat pagdurusa ay nagbubunga ng mas matibay na pananampalataya.
Aking kaibigan, laging tandaan: sa bawat hamon ng buhay ay may aral. May tamang panahon para sa lahat ng ating inaasam. Hindi man ngayon ngunit sa Diyos lahat ay posible. Ang ating mga pangarap, maliit man o malaki ay alam ng Diyos. Hindi mo pa man hinihiling batid na Niya ito agad.
Lahat ng sakit at pagsubok na nararanasan natin ngayon ay parte lamang ng isang malawak na kaalaman at kahusayan. Hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa at pananampalataya. Lahat ng pagdurusa ay maghihilom sa tamang panahon.
Sa isang mumunting pangarap, Kaniyang sukli ay hiwaga ng magandang bukas.
Paano ka mangangamba sa bukas kung ang puso mo ay puno ng pananampalataya sa mga pangako niyang kailanman ay hindi mapapako?