Echoes & Experiences | 6-minute read
Echoes & Experiences | 6-minute read
Isang Aksyon, Libo-libong Emosyon
26 March, 2026 | By Ara Nayolie Cruz
Ninanais ko ring makalaya.
Sa likod ng malamig na rehas at makakapal na dingding, puno ito ng mga istoryang hindi basta naririnig—mga kwento na puno ng pangungulila, sakit, at pag-asa. Sa paningin ng karamihan, ang bilangguan ay tila isang kaparusahan. Subalit para sa mga taong laman noon, ito ay isang daigdig na dumudurog nang pira-piraso sa kanilang pagkatao.
Isang dating bilanggo ang nagbahagi ng kaniyang karanasan: kung nais mong maunawaan ang buhay sa loob, isipin mong ang iyong banyo ang iyong magiging daigdig.
Ngunit hindi ito isang pangkaraniwang banyo—wala itong salamin, walang disenteng tubig, at ang dating komportableng espasyo ay isa nang malamig na bakal. Ang higaan ay manipis, ang kumot ay kulang, at ang katahimikan ay napapalitan ng hiyawan at dagundong gabi-gabi.
Hindi lamang pisikal na paghihirap ang nararanasan sa loob. Unti-unting kumakain ang depresyon, na pagtagal ay nagiging galit. Ang kawalan ng kontrol sa sariling buhay—kung kailan kakain, matutulog o makakausap ang pamilya—na nagbubunga ng matinding pagkabigo. Sa bawat paglipas ng araw, tila mas lalong lumalayo sa dating sarili.
Pinakamasidhi sa lahat ng ito ay ang epekto sa pamilya. Sa bawat saglit na tawag bago pa masambit ang “Mahal kita” at sa bawat pagbisita na nagtatapos sa pagtangis ng isang anak, mas lalong tumitindi ang sugat na hindi nakikita. Ang pangakong “uuwi rin ako” ay nagiging pag-asa—na kahit minsan, isang pangako na walang katiyakan kung matutupad.
Samantala, may nais baguhin ito tulad ng Scandinavia na pinipiling baguhin ang sistemang ito. Sa halip na puro parusa, kanilang pinaninindigan ang rehabilitasyon—mga seldang tila dormitoryo, may pagkakataong makapiling ang pamilya, at tratong makatao. Ang resulta: mas mababang bilang ng pagbalik sa krimen.
Ipinakikita nito na ang pagbabago ay posible kung ipinagkakaloob ang pagkakataon na magbago ang isang tao.
Isang kritikal na tanong ay: bakit nga ba natin dapat pakialaman ang kalagayan ng mga preso?
Dahil higit na 95% sa kanila ay muling babalik sa lipunan. Ang katanungan ngayon: anong uri ng tao ang nais nating makasama sa komunidad? Isang taong winasak na ng sistema, o isang tao na nabigyan ng pag-asang magbago?
Sa kabila ng lahat ng ito ay may mga taong pinipili ang pagbabago. Sa loob ng selda, may mga nabubuong matatag na pagkakaibigan, may mga taong nagiging gabay, at mga kaloobang muling natutong umasa. Sila ang patunay na ang tao, gaano man kalalim ang nagawang pagkakamali, ay may kakayahang magbago.
“Ninanais ko ring makalaya…” isang payak na pagsambit, ngunit puno ng lumbay. Ito ang tahimik na sigaw ng isang taong matagal nang bilanggo na umaasang balang araw ay malanghap ang simoy ng kalayaan.
Ang isang aksyon—isang pagkakamali—ay maaaring magdulot ng libo-libong emosyon: lumbay, poot, panghihinayang, at pag-asa. Ngunit hindi dapat doon magtapos ang isinusulat na nobela. Sapagkat sa bawat pusong naghahangad ng kalayaan, may panibagong kabanata ang naghihintay—kung tayo ay handang makinig, umintindi at magbigay ng panibagong pag-asa tungo sa magandang kinabukasan.