Echoes & Experiences | 5-minute read
Echoes & Experiences | 5-minute read
Alaala sa Bawat Hapag
01 April, 2026 | By Ara Nayolie Cruz
Sa bawat lasa, nabubuhay ang alaala.
May mga alaalang kailanman ay hindi naisusulat— hindi sa papel, hindi sa larawan—kundi natatagpuan sa bawat hapagkainan. Sa bawat putaheng inihahain, may mga istoryang tahimik na naipapasa, henerasyon kada henerasyon. Sa mata ng ilan, ang pagkain ay simpleng pantawid-gutom. Ngunit para sa iba, ito ay isang buhay na gunita ng pamilya, kutura, at pinagmulan.
Tayo’y iminulat ng panahon sa mga tahanang ang kusina ay ang puso ng bahay. Doon, nakikita natin ang ating mga magulang lalo na ang ating mga ina na nagluluto hindi lamang gamit ang mga sangkap, kundi gamit ang damdamin at karanasan.
Walang saktong sukat o sinusunod na pamantayan. Isang tantyang timpla o isang kurot ng asin, at sa huli ay nabubuo ang isang putaheng may lalim ang halaga.
Habang tayo ay nasa murang edad, hindi natin agad nauunawaan ang tunay na halaga nito. Sa bawat paglaon, napapansin natin na ang bawat luto ay may kaakibat na memorya. Mga hapunan kasama ang pamilya, mga pagbubuklod, at mga sandaling puno ng tawanan. At sa paglipas ng panahon, ang mga aral na iyon ay ating nadadala hanggang sa tayo na ang nagluluto sa sariling kusina.
Hindi lamang sa loob ng tahanan makikita ang kahalagahan ng pagkain. Maraming tao ang naghahanap ng lasa o sangkap na nagpapaalala sa kanilang tahanan. Isang simpleng pagkain ay kayang maibalik ang damdamin at alaala mula sa malayong lugar o nakaraan. Ito ay isang patunay na ang pagkain ay may abilidad na mag-ugnay sa ating buong pagkatao.
Sa mga pagtitipon gaya ng kaarawan, kasal, o simpleng salusalo, mas nagiging malinaw ang papel ng pagkain. Kapag nagsasama-sama ang mga tao sa iisang hapag, mas nagiging bukas ang usapan at tumitibay ang samahan. Ito ang nagiging tulay ng magandang koneksyon.
Sa mabilis na takbo ng daigdig ngayon, may pangamba na unti-unting maglaho ang ganitong tradisyon. Marami ang abala at kulang sa oras upang matuto at magluto. Kapag hindi naipasa ang recipe, maaari itong mabaon sa limot.
Subalit may pag-asa pa rin. Dumarami ang mga kabataang bumabalik sa kusina upang matuto at ipagpatuloy ang kasaysayan.
Ang mga resipeng ito ay hindi lamang isang gabay. Ito ay ang mga alaalang may bitbit na pagmamahal at kasaysayan ng pamilya. Dapat itong ingatan at ituro sa mga susunod pang henerasyon. Sa bawat ulam na ating iniluluto at pinagsasaluhan, may bahagi ng ating sarili ang naipamamana.
Bawat luto ay may kwento. Bawat subo ay may alaala. At sa bawat hapag, patuloy na nilalasap ang mga pamanang hindi kailanman kukupas.