Beyond Racelis Street | 2-minute read
Beyond Racelis Street | 2-minute read
Para sa Kasarinlan
26 August, 2024 | By Jenica Gonzales
Tila mga ibon na nakakandado sa isang hawla na lumilimita sa paggalaw ang hindi mabilang na mga palahaw. Sa araw-araw, ramdam ang labis na paghihirap sa lakas ng pagtangis at panaghoy. Ang mataas na paglipad sa lawak na saklaw ng kalangitan ang munting hiling ng mga tinig. Muli pa nga bang maibabalik ang ginhawa na dulot ng kalayaan o mananatili na lamang ito sa isang dakong tago sa mundo?
Datapwat, hindi masisilayan ang pagsikat ng umaga nang walang takot at pangambang nananahan sa puso kung walang nag-alay at nagsakripisyo ng sarili. Kasabay nang pagdanak ng dugo mula sa buhay ng mga magigiting na bayani ang siyang pag-alpas ng mas marami pang mga tinig.
Mula sa henerasyon noon hanggang sa ngayon at sa mga susunod pa, ang bakas ng pagsasakripisyo ng mga bayani para sa bayan ay patuloy na niyayakap at nakakamtan ng marami. Noong Hunyo 4, 1946, muling nabawi ang kalayaan mula sa kamay ng mga manlulupig. Kaya naman sa magiting na pagtindig at pagwagayway ng Watawat ng Pilipinas ay isang paalala ng demokrasya at liberalismo na napagtagumpayan gamit ang sariling dugo at pawis.
Sa araw na ito ay ipinagdiriwang ang Araw ng mga Bayani bilang pag-alala sa kanilang katapangan, kahusayan, at katatagan na ipinakita upang isulong ang karapatang maging malaya ang bawat Pilipino. Sila ay lumaban at tumindig para mapasakamay ang inaasam ng lahat na ‘kalayaan’.
Posible pa na mabuksan ang pinto na matagal nang kinandado ng marami. Habang ang mga busal ng bibig ay unti-unting natatanggal. At hindi na lamang makikita sa hawla ang mga ibon sapagkat mababanaag din ito sa kalangitan. Lahat ng mga mithiing inakalang imposible ay naisakatuparan.
Nawa ay hindi tayo maging bulag sa mga marka o bakas na kanilang iniwan sa bayan - kalayaan. Ang dugo, pawis, at luha na kanilang inialay ay huwag sanang mabura sa isipan ng sambayanan. Patuloy nawa silang kilalanin at ang kanilang mga kontribusyon. At sambitin mula sa puso ang higit na pasasalamat na ika’y malaya na nakalilipad sa kahit saang sulok ng tinatapakan mong bayan.