Louise Christelle R. Postolero | Enero, 2022
Louise Christelle R. Postolero | Enero, 2022
Ang climate change ang pangunahing suliranin na hinaharap ng ating kalikasan, hindi lang sa ating bansa kung ‘di sa buong mundo. Ang climate change ay ang abnormal na pagbabago ng klima na naiuugnay sa pagbabago ng takbo at porma ng karagatan, kalupaan, at mga malalamig na parte ng mundo na nagdudulot ng mga suliraning pangkalikasan. Ito ay dahil sa labis na pagtaas ng lebel ng carbon dioxide sa ating atmospera na nagmumula sa paggamit ng mga fossil fuel, tulad ng uling, langis, at gas.
Halos lahat ng mga bansa ay matagal nang nagsasaliksik ng mga maaaring solusyon para matugunan ang climate change. Ang pangunahing paraan upang maibsan ang suliranin ay ang bawasan ang paggamit ng mga fossil fuel. Isang proyektong ibinunsod ni Greta Thunberg, isang kabataang aktibista para sa kalikasan, ay ang Net-Zero Emission. Ito ay naglalayong gawing balanse ang pagbubuga ng mga panibagong GHG (greenhouse gas) at pagtatanggal ng GHG na nasa atmospera na. Ang proyektong ito ay nilalayong makamit bago ang taong 2050.
Isang mapanghamong solusyon dito ay ang paggamit ng nuclear power plant bilang kapalit ng mga planta ng uling. Ang nuclear power plant ay may sari-saring naidudulot na benepisyo sa kalikasan, ekonomiya, at pati na rin sa ating praktikal na pamumuhay. Ang nuclear power plant ay hindi gumagamit ng proseso ng pagsusunog ng mga fossil fuel dahil ito ay gumagamit ng isang prosesong tinatawag na fission. Kumpara sa planta ng uling, hindi nagbubuga ng carbon dioxide ang nuclear power plant (base sa eia.gov). Kung madadagdagan ang mga bansang gagamit ng nuclear power plant, mas mabilis nating makakamit ang Net-Zero Emission na magbibigay daan upang maibsan ang abnormal na pagbabago ng klima.
Marami nang mga bansa ang gumagamit ng nuclear power plant bilang pinagkukunan ng elektrisidad. Ilan sa mga bansang ito ay ang United States, China, France, South Korea, at Canada (base sa nei.org). Mapapansin na ang mga bansang ito ay mabilis ang pag-unlad at mga tinaguriang first world countries. Ang mga benepisyong hatid ng paggamit ng nuclear power plant ay makikita sa link na ito: Pros ng Nuclear Power Plant.
Bagaman maganda ang magiging epekto ng paggamit ng nuclear power plant sa ating kalikasan, marami pa rin ang salungat sa paggamit nito dahil sa panganib na maaaring maidulot kapag ito ay nasira. Nasaksihan ang peligrong hatid ng nuclear power plant sa ilang bansa, tulad ng Russia kung saan naganap ang “Chernobyl Accident ng 1986”. Dahil sa pangyayaring ito, nagdulot ng matinding pagkatakot sa paggamit ng nuclear power plant hanggang sa nakaligtaan na ng marami ang magagandang epekto nito sa kalikasan pati na rin sa ekonomiya.
Hindi madali at mabilis ang paraang ito, subalit panahon na para bigyan ng tama at radikal na pagpapahalaga ang ating kalikasan. Kung ang ating pag-iisip ay naparalisa na sa takot at negatibong pag-iisip, hindi na tayo uusad sa iba’t ibang pamamaraan upang mapangalagaan ang ating kalikasan at umunlad ang ating pamumuhay.
Ang ating kalikasan ay matagal nang naghihingalo para lang umalalay sa ating mga pangangailangan. Oras na para lakasan ang ating loob at maging matapang na harapin ang mapanghamon ngunit maunlad na kinabukasan.
Tayo naman ngayon ang umalalay sa inang kalikasan.
Mga sanggunian:
https://www.britannica.com/science/nuclear-fission
https://www.projectnetzero.co.uk/
https://www.nei.org/resources/statistics/top-15-nuclear-generating-countries
https://www.investopedia.com/terms/f/first-world.asp
https://www.nsenergybusiness.com/features/top-nuclear-power-plants-china/
https://cloudfront-eu-central-1.images.arcpublishing.com/leparisien/LC3ZOUJIPAFMX4EA7ZIXQKJTEE.jpg