Napakasaya ng aking karanasan sa pagtuturo sa mga batang ito. Nang sabihan ko ang aking resource teacher tungkol sa huling araw ko sa aking Field Study, binigyan niya ako ng pagkakataon na magturo sa kanyang mga estudyante. Hindi ako nangamba na marinig iyon, sapagkat ako ay natuwa. Agad kong ginawan ng paraan na makagawa ng kahit kaunti at simple lang na mga materyales sa pagtuturo. Talagang hinanda ko ang aking sarili. Pinag-aralan ko ang paksa at inisip kung paano ko maihahatid ito sa isang masigla at kakaibang paraan.
Nang mag-umpisa ang aking partisipasyon sa pagtuturo, napansin ko na ang lahat ay nakikinig at naglaan ng buong atensyon sa aking klase. Sabi pa nga nila, nag-enjoy sila habang ako'y nagtuturo. Binigyan ko sila ng mga aktibidad na pupukaw sa kanilang atensyon, tulad ng roleplaying. Isinapuso ko ang aking buong lakas at kakayahan sa aking huling araw ng Field Study. Masaya ako na nagustuhan ng aking mga estudyante ang aking estratehiya. Naging matagumpay ang aking partisipasyon sa pagtuturo, kaya naman ako ay nagagalak muling magturo kanila sa aking internship journey! See yah! ;)
Assistantship
Malaking tulong na aking naranasan ang mga bagay na ginagawa ng isang guro. Ito ay magiging gabay ko sa aking pagiging guro sa hinaharap. Ang aking resource teacher na si Gng. Giann O. Paras ay nakatalaga sa Grade 9-10 Filipino Department, kung saan naroroon din ang department chairperson na si Gng. Evelyn Gomolon. Sila ang nagbigay sa amin ng mga gawain upang maging handa kami sa hinaharap.
Isa sa mga mahalagang gawain na aming isinagawa ay ang paghahanda ng mga test papers para sa darating na eksaminasyon ng mga bata. Mahalaga ang pagbibigay ng sapat na oras sa paggawa ng mga ito, lalo na't maraming estudyante mula sa iba't ibang seksyon ang kailangang paghandaan. Isang mabigat na trabaho ito, lalo na kung iilang tao lamang ang gagawa nito. At dahil nagtulungan kaming lahat, matagumpay naming natapos ang gawain sa maikli at tamang oras.
Anim na seksyon ang tinuturuan ni Ma'am Giann O. Paras, kaya't marami rin siyang test papers na kailangang i-check. Naranasan ko talaga kung gaano kahirap ang ganitong gawain, ngunit nabilib ako sa aking resource teacher dahil kitang-kita ko na sanay na siya dito. Binigyan niya rin ako ng pagkakataon na mag-check ng mga papel ng mga bata, masaya naman itong gawin para sa akin dahil naaaliw akong basahin ang mga sagot ng mga estudyante, lalo na kapag sila'y gumagawa ng isang sanaysay. Hindi rin talaga nawawala ang pagod, lalo na sa kamay, kaya't kailangan nito ng mahabang oras at enerhiya.
Napagtanto ko na ang pagiging guro ay nagdadala ng malalaking responsibilidad, at mahalaga ang kooperasyon at pagtutulungan ng buong departamento. Ito ang nagbibigay sa akin ng inspirasyon at gabay sa aking paglalakbay tungo sa pagiging isang guro.