Kung matiim na iisipin ang dahilan ng pagbabago-bago ng panahon, ang labis na pag-init ng temperatura, mga pagguho ng lupa sa sandaling pag-ulan at malawakang pagbaha, masasabing tao na rin ang salarin. Tinatawag ng ekokritisismo ang bawat isip na magnilay tungkol sa mga nangyayaring hindi kanais-nais sa planetang daigdig na tao ang responsable.
Ang Ekokritisismo at Pagpapahalaga sa Kalikasan ay isang kurso na nagsasaalang-alang sa ugnayan ng literatura at buhay na kalikasan. Dito, tinatangkang ipakita ang lawak na ugnayan ng mga piyesang pampanitikan sa lantay na daigdig ng kalikasan. Kabilang dito ang mga kalupaan, katubigan, himpapawid, pananim, kagubatan, mga hayop, ibon at mga isda at halamang-dagat.
Ang Ekokritisismo ay isang teorya sa panitikan na nagbibigay-diin sa ugnayan ng tao at kalikasan. Ito ay nagmula sa mga salitang “ekolohiya” at “kritisismo”. Ang ekolohiya ay ang pag-aaral ng ugnayan sa pagitan ng mga hayop, halaman at ng kalikasan, samantalang ang kritisismo ay tumutukoy sa "puna", "saloobin" o "persepsyon" na pawang bunga ng maagham na pagsusuri ng mga bagay-bagay sa paligid.
Sa tulong ng ekokritisismo, naisisiwalat ang mga kanais-nais at hindi mainam na ugali ng tao upang masira ang kalikasan. nagaganyak ang isip na makibahagi sa lumalalang pinsala ng paligid kapag tinatalakay ang mga akdang nagbibigay kamalayan sa kapaligiran.
Ang pagpapahalaga sa kalikasan ay isang pangunahing layunin at prinsipyo ng ekokritisismo. Ito ay naglalayong muling itaguyod ang paggalang at pagmamahal sa kalikasan sa pamamagitan ng pagsusuri at pagbibigay-tinig sa mga akdang pampanitikan na kumakatawan sa ugnayan ng tao at kalikasan.
Ang mga akdang pampanitikan ay ginagamit bilang isang daluyan upang maipadama at maunawaan ng mambabasa ang kahalagahan ng kalikasan at ang epekto ng mga gawain ng tao sa kapaligiran. Sa pamamagitan ng ekokritisismo, nailalahad ang mga gawi at ugaling kultural na nagpapakita ng pangangalaga o kawalan ng pangangalaga sa inang kalikasan.
Ang bawat piraso ng sining na inyong matutunghayan sa espasyong ito—mula sa mga himig ng eko-awit, hanggang sa mga pahina ng eko-maikling kwento, at sa lalim ng eko-sanaysay—ay bunga ng masining na pagpapahayag at malalim na pagmumuni-muni sa kahalagahan ng kalikasan. Ang mga ito ay hindi lamang basta mga salita at nota na pinagsama-sama, kundi mga orihinal na likhang sining na may puso at diwa, na naglalayong magbigay inspirasyon at mag-udyok ng pagbabago patungo sa mas lantay na pag-unawa at pagpapahalaga sa ekokritisismo at sa ating mahalagang kalikasan.
Nilatag nina Amer Khosain Guro at Trisha Isobelle Arboleda