Distinguish the common natural hazards in the Philippines to help learners to be responsible during these times. (Natutukoy ang mga paghahandang nararapat gawin sa harap ng panganib na dulot ng mga suliraning pangkapaligiran)
Foster the value of citizen and government cooperation during a disaster. (Nasusuri ang kahalagahan ng kahandaan, disiplina at kooperasyon sa pagtugon ng mga hamong pangkapaligiran)
Hindi maikakaila na ang Pilipinas ay isang bansang biniyayaan ng saganang likas na yaman—mga kabundukan, kagubatan, karagatan, at yamang-mineral na mahalagang pinagkukunan ng ikinabubuhay ng mga mamamayan. Subalit kasabay ng biyayang ito ay ang hindi rin maitatangging katotohanan na ang bansa ay isa sa mga lugar na may mataas na antas ng panganib pagdating sa mga sakuna at kalamidad. Dahil sa heograpikal na lokasyon nito sa tinatawag na “Pacific Ring of Fire,” madalas itong makaranas ng mga lindol at pagputok ng bulkan. Bukod pa rito, ang pagiging isang arkipelago at pagkakalapit sa karagatang Pasipiko ay dahilan kung bakit palagian ring dinadalaw ang bansa ng malalakas na bagyo, storm surge, at tsunami.
Ang mga kalamidad na ito ay bahagi ng likas na kalikasan—hindi maiiwasan, hindi mapipigilan. Subalit ang epekto nito ay lalong pinapalala ng mga gawaing mapanira ng tao. Ang mga malulubhang pagbaha, halimbawa, ay nag-uugat hindi lamang sa lakas ng ulan kundi sa maling gawain ng mga tao gaya ng walang pakundangang pagtatapon ng basura, pagkakalbo ng kagubatan dulot ng ilegal na pagtotroso at pagquarrying, at ang pagkasira ng mga natural na daluyan ng tubig. Ang kapabayaan sa kapaligiran ay may direktang epekto sa kaligtasan, kabuhayan, at kalusugan ng bawat mamamayan.
Magkarugtong ang buhay ng tao at ng kalikasan. Ang likas na yaman ang pinagkukunan natin ng pagkain, tubig, tirahan, at kabuhayan. Kaya’t isang mahalagang pananagutan ng bawat isa ang pangangalaga sa kalikasan upang masiguro na magpapatuloy itong makapagbigay ng kabuhayan hindi lamang sa kasalukuyang henerasyon kundi pati na rin sa mga susunod pa. Ang patuloy na pagsira at pagpapawalang-bahala sa kapaligiran ay nauuwi sa mas malalalang suliranin tulad ng polusyon sa hangin, tubig, at lupa; pagkasira ng biodiversity; at paglala ng climate change o pagbabago ng klima—mga isyung may pandaigdigang epekto ngunit ramdam na ramdam din sa lokal na antas.
Layunin:
Maipakita sa pamamagitan ng malikhaing representasyon ang mga paghahandang nararapat gawin ng isang mamamayan sa harap ng mga suliraning pangkapaligiran tulad ng bagyo, lindol, pagbaha, at polusyon.
Panuto:
Pagmumuni-muni (5 minuto):
Isipin ang isang partikular na suliraning pangkapaligiran na madalas maranasan sa inyong komunidad (hal. pagbaha, landslide, bagyo, polusyon sa hangin o tubig, atbp.). Ipikit ang mga mata at tanungin ang sarili:
Ano ang maaaring mangyari kung walang paghahanda?
Paano maaapektuhan ang komunidad?
Ano ang maaari kong gawin bilang isang mamamayang may malasakit?
Pagbuo ng Larawan sa Isip (Visualization Drawing):
Gumuhit ng isang "Dalawang Mukha ng Komunidad" sa isang papel:
Kaliwa: Komunidad na walang paghahanda sa harap ng suliraning pangkapaligiran.
Kanan: Komunidad na may aktibong paghahanda at pakikilahok ng mga mamamayan.
Pagpapaliwanag
Sa likod ng papel, sagutin sa 3-5 pangungusap ang tanong: “Paano makatutulong ang aking kaalaman at kilos bilang mamamayan upang mapangalagaan ang aking komunidad sa panahon ng panganib?”
Pagbabahagi (Optional kung may oras):
Pumili ng 3-5 mag-aaral na maaaring magbahagi ng kanilang guhit at paliwanag sa klase.
Hakbang sa Aktibi (Gabay ng Guro)
Layunin ng Gawain: Ang mga mag-aaral ay inaasahan na suriin at magmungkahi ng mga konkretong hakbang sa pagtugon sa mga hamong pangkapaligiran. Sa pamamagitan nito, kanilang mauunawaan ang kahalagahan ng pagiging handa, disiplinado, at may pakikiisa bilang aktibong mamamayan ng bansa.
Ang inyong barangay ay nakaranas ng matinding pagbaha dulot ng isang malakas na bagyo. Maraming bahay ang nasira, may banta sa kalusugan dahil sa tubig-baha, at naapektuhan ang kabuhayan ng mga residente. Bilang mga miyembro ng Barangay Disaster Risk Reduction and Management Council (BDRRMC), kailangang pag-aralan ang sitwasyon at gumawa ng plano na magsusulong ng kahandaan, disiplina, at kooperasyon ng mamamayan.
Ipangkat ang klase sa maliliit na grupo (4–5 miyembro). Bawat grupo ay kakatawan sa isang yunit ng BDRRMC (hal. Kalusugan at Kalinisan, Reskyu at Relief, Impormasyon at Edukasyon, Pamamahala sa Basura, Logistik at Koordinasyon).
Susuriin ng bawat grupo kung paano nakaapekto ang kakulangan sa kahandaan, disiplina, o kooperasyon sa naging kalagayan ng barangay.
Tukuyin ang mga pangunahing suliranin dulot ng pagbaha.
Bubuo ng isang 5-point action plan na sumasagot sa:
Paano nakakatulong ang kahandaan sa pag-iwas o pagbawas ng pinsala?
Paano mapapalaganap ang disiplina sa komunidad (hal. tamang pagtatapon ng basura)?
Anu-anong hakbang ang magpapalakas sa kooperasyon ng mga mamamayan at opisyal?
Ipapakita ng bawat grupo ang kanilang plano sa klase sa pamamagitan ng isang simuladong pulong ng barangay, na parang presentasyon sa mga opisyal at mamamayan. Ipaliwanag kung paanong ang kanilang mga mungkahi ay nagpapakita ng aktibong pagkamamamayan.
Ano ang naging epekto ng kakulangan sa kahandaan, disiplina, at kooperasyon sa inilahad na sitwasyon?
Paano ka makakatulong bilang isang aktibong mamamayan sa pagharap sa mga suliranin sa kapaligiran?
Sa iyong palagay, paano mo maisasabuhay ang mga natutunan mo sa aktibidad na ito sa iyong sariling barangay?
Layunin ng Gawain:
Sa pamamagitan ng simulation na ito, inaasahang:
Maipamalas ng mga mag-aaral ang malasakit at responsibilidad sa kanilang komunidad.
Maipakita ang kahalagahan ng aktibong pakikilahok sa mga gawaing pangkaligtasan.
Maipamalas ang pagpapahalaga sa kapakanan ng kapwa bilang mamamayan.
1. Panimulang Talakayan (15 minuto)
Magpapakita ang guro ng isang video o larawan ng mga epekto ng kalamidad sa isang pamayanan (hal. bagyo, lindol, pagbaha).
Tatalakayin ang emosyon at reaksyon ng mga mamamayan sa ganitong sitwasyon.
Magtatanong ang guro: "Kung kayo ang nasa ganitong sitwasyon, ano ang magiging damdamin ninyo? Ano ang gagawin ninyo bilang miyembro ng komunidad?"
2. Simulation Activity Proper: “Disaster Preparedness Task Force” (40 minuto)
Pagbuo ng Grupo:
Hatiin ang klase sa maliliit na grupo (4-5 miyembro).
Ang bawat grupo ay gaganap bilang isang Disaster Preparedness Task Force ng kanilang barangay.
Sitwasyon:
Nagbabala ang PAGASA ng isang paparating na malakas na bagyo. Inatasan kayo bilang kabataang boluntaryo na tumulong sa paghahanda ng barangay. Anong mga hakbang ang inyong gagawin upang masiguro ang kaligtasan ng bawat mamamayan, lalo na ang mga bata, matatanda, at may kapansanan?
Gagawin ng Grupo:
Gagawa sila ng Emergency Action Plan para sa barangay (kasama ang mga: pre-evacuation steps, impormasyong ipapamahagi, tulong para sa mga vulnerable sectors).
Ihahanda nila ito bilang simulation (hal. announcement, pagbibigay ng babala, tulong sa evacuation center, etc.)
Bawat miyembro ay dapat may aktibong papel at dapat makita ang empathy, concern, at sense of responsibility.
3. Pagpapakita ng Role-Play at Pagninilay (30 minuto)
Ipapakita ng bawat grupo ang kanilang simulation sa klase.
Pagkatapos ng bawat pagtatanghal, magbibigay ng feedback ang guro at klase:
"Anong damdamin ang ipinakita sa inyong performance na nagpapakita ng pagiging aktibong mamamayan?"
"Ano ang naunawaan ninyo tungkol sa inyong responsibilidad bilang kabataan?"
4. Pagpapalalim (Written Reflection - Homework / Journal Entry)
Pasusulatin ang mga mag-aaral ng maikling journal sa tanong:
"Paano ko maipapakita ang aking pagiging aktibong mamamayan sa panahon ng kalamidad, kahit ako ay isang estudyante pa lamang?"
Hakbang sa Pagsasagawa ng isang Informational Display
Ang mga mag-aaral ay hahatiin sa maliliit na grupo. Bawat grupo ay gagawa ng isang information display (poster, infographic, o bulletin board) na magpapakita ng mga kongkretong hakbang sa paghahanda sa harap ng mga sumusunod na suliraning pangkapaligiran:
Baha
Lindol
Pagputok ng bulkan
Tagtuyot
Polusyon
Mga Hakbang:
Pagsasaliksik at Talakayan (1 araw):
Magtipon ng impormasyon ukol sa isang suliraning pangkapaligiran na nakatalaga sa grupo.
Tukuyin ang mga praktikal na hakbang ng paghahanda na maaaring gawin sa tahanan, paaralan, at komunidad.
Iugnay ang mga hakbang na ito sa kahalagahan ng kahandaan, disiplina, at kooperasyon.
Pagdidisenyo ng Information Display (2 araw):
Gumamit ng malikhain at madaling maintindihang paraan ng pagbibigay impormasyon.
Tiyaking may bahagi sa display na tumutukoy sa:
Mga hakbang sa paghahanda
Papel ng bawat mamamayan
Pagsusulong ng pagtutulungan at disiplina sa komunidad
Pagbabahagi sa Komunidad (1 araw):
Ipapaskil ang mga awtput sa iba't ibang lugar sa paaralan (gaya ng covered court, waiting shed, o hallway).
Maaaring imbitahan ang ilang miyembro ng barangay (tulad ng SK o barangay tanod) upang makita ang gawa ng mga mag-aaral.
Pagninilay at Talakayan (1 araw):
Pagsagot ng tanong: “Paano ako maaaring maging aktibong mamamayan sa panahon ng sakuna?”
Magbahagi ng plano sa klase kung paano nila maisasabuhay ang kanilang natutunan.
Hakbang sa Pagsasagawa ng Gawain
Hakbang sa Gawain:
Pagtuklas ng Suliranin (Pananaliksik sa Komunidad)
Magsasagawa ng community observation o panayam ang vbawat grupo (maaaring sa mga magulang o barangay tanod) upang tukuyin ang pangunahing suliraning pangkapaligiran sa kanilang lugar (hal. pagbaha, landslide, kakulangan sa segregation, basura, polusyon, atbp.).
Gumamit ng simpleng surbey o tseklist para sa datos.
Pagbuo ng Action Plan
Gamit ang format ng Simpleng Action Plan, ang bawat grupo ay gagawa ng plano na sumasagot sa tanong: “Paano namin matutugunan ang suliraning ito gamit ang kahandaan, disiplina, at kooperasyon?”
Kasama sa plano ang mga bahagi:
Layunin
Mga Gagawin (Hakbang)
Mga Kailangan (Resources)
Inaasahang Resulta
Taga-pangasiwa o Gagampan (Role)
Petsa ng Pagsasagawa
Aktwal na Pagpapatupad
Pumili ng isang bahagi ng plano na kayang isagawa sa loob ng paaralan o komunidad (hal. info campaign, paggawa ng poster, clean-up drive, pagbabahagi ng tips sa kahandaan sa loob ng klase o barangay).
Itala ang dokumentasyon ng isinagawang aktibidad (larawan, ulat, o reflection video).
Pagpapalalim at Repleksyon
Magkaroon ng talakayan:
Ano ang natutunan mo sa paggawa at pagpapatupad ng plano?
Paano mo ipapakita ang kahandaan, disiplina, at kooperasyon sa mga susunod na hamong pangkapaligiran?
Ano ang papel mo bilang isang kabataang mamamayan sa ganitong mga isyu?
I-click ang STUDENT ACTIVITY SHEET upang pagtungo sa pahina na iyon.