Pinoy Ako, Pero Hindi Filipino Major: Pag-aaral sa Karanasan ng Guro sa Pribadong Paaralan
Harold A. Magcalas
La Consolacion University Philippines
Pinoy Ako, Pero Hindi Filipino Major: Pag-aaral sa Karanasan ng Guro sa Pribadong Paaralan
Harold A. Magcalas
La Consolacion University Philippines
ABSTRAK
Ang pananaliksik na ito ay naglalayong masuri ang mga karanasan at kalagayan ng mga gurong nagtuturo ng asignaturang Filipino na hindi ito ang kanilang espesyalisasyon. Tinutukoy nito ang mga hamon na kinahaharap nila, ang mga estratehiyang ginagamit sa pagtuturo, at ang mga hakbang upang mapabuti ang kanilang kakayahan sa pagtuturo ng Filipino. Gumamit ang mga mananaliksik ng deskriptibong-korelasyonal na disenyo at mixed method na lapit, kung saan isinagawa ang pasulat na panayam at pamamahagi ng likert-scale na talatanungan. Sampung guro mula sa isang pribadong paaralan ang lumahok, na pinili sa pamamagitan ng purposive sampling. Karamihan sa kanila ay nagtapos ng BSED major in English at BEED, may edad 30–32, at may 5–10 taong karanasan sa pagtuturo. Lumabas sa resulta na walang makabuluhang ugnayan sa pagitan ng demograpikong profile ng mga guro at ng antas ng mga suliranin sa pagtuturo ng Filipino. Gayunpaman, nakita sa pag-aaral na may potensyal silang mapabuti ang kalidad ng pagtuturo kung mabibigyan ng sapat na suporta. Kabilang sa kanilang mga mungkahi ang regular na pagsasagawa ng seminar, workshop, at iba pang pagsasanay na kaugnay ng asignatura. Ipinapakita ng pag-aaral na hindi hadlang ang pagiging out-of-field teacher sa epektibong pagtuturo ng Filipino. Sa halip, kung mabibigyang tinig at pagkakataon ang mga guro, maaari nilang maipamalas ang kanilang kakayahan at makapag-ambag nang higit sa pagpapabuti ng edukasyon sa Filipino.
susing salita: out-of-field, asignaturang filipino, mga guro sa filipino, pribadong paaralan, istratehiya
PANIMULA
Sa apat na sulok ng silid-aralan at sa mundo ng pagtuturo, mahalaga ang pagkakaroon ng partikular na estilo sa pamamaraan ng pagtuturo sa pagkatuto. Ang mabilis at epektibong pagkatuto ay nakasalalay sa tamang paggamit ng mabibisang pamamaraan sa pagtuturo. Sa guro nakasalalay ang kapangyarihan na pumili ng angkop na paraan ng pagtuturo, batay sa kanyang kaalaman sa iba’t ibang pangangailangan ng mag-aaral na angkop sa sitwasyon, at sa uri ng paksang-aralin na tatalakayin. Ayon kay Lopez (2021), isang mahalagang papel na ginagampanan ng guro ay ang pag-iisip ng mga epektibong estratehiya na maaaring gamitin upang palawakin at paunlarin ang kasanayan ng mga mag-aaral sa ating sariling wika at panitikan. Dagdag pa ni Barberos, Gozalo, at Padayogdog (2019), ang guro ang nagsisilbing instrumento na bumubuhay sa malikhaing pag-iisip ng mga mag-aaral kaya nararapat lamang na magtaglay din sila ng malawak at sapat na kaalaman upang matugunan ang pangangailangan ng bawat isa. Masasabi nating sa bawat tagumpay na nakakamit ng bawat mag-aaral ay may isang epektibong guro na nagsasakripisyo at naghirap upang marating ng bawat isa ang hinahangad na pagbabago sa kanilang buhay (Burroughs et al., 2019).
Sa hanay ng mga guro hindi lamang sila basta nagtuturo, mahalaga rin na ang mga natututuhan nila sa loob ng silid-aralan ay nagagamit nila sa pang-araw-araw nilang buhay. Masasabing tunay ngang nagampanan at nagawa nila ang kanilang mga responsibilidad at obligasyon sa bawat mag-aaral dahil tumimo at naikintal sa mga puso ng mga mag-aaral ang bawat aral na kanilangkanilang itinuturo.
Sa isinagawang pananaliksik ni Anez (2022), ayon sa kanya hindi biro ang gawain ng isang guro, sa katunayan marami sa kanila ay pikit-matang tinatanggap at niyayakap ang asignaturang hindi naman nila pinagkadalubhasaan. Madalas na nangyayari ito lalo na sa mga pribadong paaralan sa kasalukuyan at wala kang pagpipilian dahil kailangan mong magtrabaho at kumita ng pera. Kaya ang ilan sa kanila ay nahihirapan at isang nagiging dahilan kaya sila tumitigil sa pagtuturo. Hindi maikakailang malaki ang gampanin ng edukasyon sa pag-unlad ng lipunan at susi rin ito sa isang matatag at progresibong bansa.
Isa ito sa mga pangunahing sanhi ng mga pagbabago sa iba't ibang aspekto ng buhay, at hindi maikakaila na ito rin ang susi sa hinahanap na kaunlaran. Ang mga pagbabagong ito ay mas binigyang pansin sa istilo ng pagtuturo na ipinatutupad ng mga guro sa iba't ibang asignatura. Ang mga tradisyonal na paraan ay hinahanay ng mga bagong pamamaraan na mas nagpapaunlad sa interes at aktibong paglahok ng mga mag-aaral sa kanilang pag-aaral. Samakatuwid, isang mahalagang hakbang tungo sa pagtataguyod ng maunlad at matatag na sistema ng edukasyon ay ang pagkakaroon ng mga guro na may sapat na kasanayan, kaalaman, at paghahanda sa mga paksa na ituturo sa loob ng klase.
Ang implementasyon ng programang K-12, partikular na ang pagpapatupad ng Senior High School (SHS) noong 2016, ay nagdulot ng malaking hamon sa sistema ng edukasyon sa Pilipinas. Ito ay isang mahalagang yugto sa kasaysayan ng edukasyon sa bansa, at nagdulot ng ilang pagbabago at pangangailangan. Ang layunin ng programang K-12, partikular ang SHS, ay magbigay ng karagdagang dalawang taon ng pag-aaral pagkatapos magtapos sa sekundarya. Sa pamamagitan nito, inaasahan na mas mapaghandaan ang mga mag-aaral para sa kolehiyo. Dahil dito, nangangailangan ang kagawaran ng edukasyon ng mas maraming guro na may kasanayan sa mga espesyalisadong larangan. Ito ay nagdulot ng pagtataguyod para sa pagpapabuti ng pagsasanay at pagkalap ng mga guro.
Sa sistema ng edukasyon, hindi maitatanggi ang kakulangan ng mga guro sa bawat paaralan. Kahit na nagkaroon ng bakanteng posisyon alinsunod sa Kautusang Pangkagawaran Blg. 7, s. 2015, hindi ito sapat para sa malaking bilang ng mga mag-aaral sa iba't ibang paaralan sa bansa. Upang tugunan ang suliraning ito, isinagawa ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) ang pagbabago sa pamamaraan ng pagtanggap ng mga guro para sa Senior High School (SHS). Sa rebisyon na ito, pinapayagan ang mga hindi lisensyadong guro na magturo upang masolusyunan ang kakulangan sa mga pwesto (Bernardo et al., 2020). Bilang resulta, maraming nagtuturo sa mga pribadong paaralan na may iba't ibang larangan tulad ng mga accountant at inhinyero, kahit na may mga guro na may edukasyong panggurong kurso. Sa pagsagot sa isyung ito, inilabas ng DepEd ang DepEd Order 3, Serye 2016, na nagbibigay daan sa mga aplikanteng guro na hindi pa lisensyado, ngunit kinakailangang pumasa sa Licensure Examination for Teachers (LET) sa unang limang taon ng kanilang pagtuturo partikular sa Senior High School para maging opisyal na kwalipikado. Ang polisiya na ito ay isang tugon sa isyu ng kakulangan ng mga guro at naglalayong masiguro ang kalidad ng pagtuturo sa SHS. Sa pamamagitan ng pagtutok sa mga hindi lisensyadong guro at pagpapatupad ng isang mekanismong pang-ebalwasyon, ang DepEd ay naghahanda para sa mas mataas na kalidad ng edukasyon.
Sa pagsusuri ni O’Meara at Faulkner (2021), napatunayan na ang mga guro ay may malaking impluwensya sa mga saloobin at pagganap ng kanilang mga mag-aaral. Ito ay nagpapatunay na mahalaga ang paglilipat ng kaalaman mula sa guro patungo sa mga mag-aaral. Gayunpaman, may mga guro pa rin na tinatanggap ang hamon ng pagtuturo ng asignaturang hindi bahagi ng kanilang pangunahing medyor. Ito ay nagaganap sa pagsunod sa itinakdang responsibilidad sa kanila at sa pangarap na ipakita ang kanilang kahusayan sa pagtuturo kahit na ito ay ibang larangan mula sa kanilang nakasanayang itinuturo. Sa isang pag-aaral nina Pacana et al. (2019), napatunayan na ito ay laganap, partikular sa konteksto ng Pilipinas. Bagaman may mga hamon ang mga guro na ito, tinatanggap at sumusunod pa rin sila sa pagtuturo ng asignaturang hindi nila pangunahing larangan. Ito ay dulot ng kanilang diskresyon sa pagsunod sa mga alituntunin ng pamunuan ng paaralan.
Sa pag-aaral ni Añez (2022) naman nagpapahayag na ang pagtugon ng isang guro sa pagtuturo ng asignaturang hindi niya medyor ay maituturing na isang panganib sa proseso ng pagtuturo at pagkatuto. Ipinakikita ng pagsusuri ang potensyal na epekto ng ganitong uri ng pagtuturo sa pag-unlad ng mga mag-aaral. Ang pagsusuri ay naglalaman ng obserbasyon na ang pagtuturo ng hindi pinagkadalubhasaan ng guro ay nagiging mahirap dahil sa kawalan ng kasanayan at kaalaman sa mga itinuturo na maaaring maging hadlang sa wastong pang-unawa at pagkatuto ng mga mag-aaral. Ipinapaabot nito na ang tagumpay ng pagkatuto ng mga mag-aaral ay depende sa pagtuturo ng kanilang mga guro, at sa ganitong paraan, nagiging malaking hamon sa kanila ang pagtuturo ng asignaturang hindi nila pangunahing larangan.
Kaakibat nito, ayon kay Lopez et al. (2022), isa sa mga kinahinatnan ng mga guro na nagtuturo ng asignaturang hindi nakaangkla sa kanilang espesyalisasyon ay ang posibilidad ng kabiguan at kawalan ng kasiyahan sa kanilang trabaho, na maaaring maging dahilan ng kanilang pag-alis sa kanilang mga pinagtatrabahuhan. Ang pagsusuri ni Recede et al., (2023), na may pamagat na 'Out-of-Field Teaching: Impact on Teachers’ Self-Efficacy and Motivation,' ay sumusuporta sa ideya na may 66.67% ng mga guro ang nagpahayag na wala silang kumpiyansa sa pagtuturo dahil sa kakulangan ng kanilang kaalaman sa paksang kanilang itinuturo. Dahil dito, maraming mag-aaral ang nagpapakita ng mababang antas ng akademikong pag-unlad dahil sa pagtuturong out-of-field.
Ang pagkakaroon ng mga guro na out-of-field ay nagaganap dahil sa kakulangan ng mga guro na may sapat na kasanayan sa iba't ibang paaralan sa Pilipinas, maging ito'y pribado man o pampubliko (Talili et al., 2021). Ayon din sa isinagawang pagsusuri ni Talili et al., (2021), ang karamihan sa mga guro na out-of-field ay nagtuturo ng Araling Panlipunan at Filipino. Ipinapakita nito na ang bilang ng guro na may espesyalisasyon sa Araling Panlipunan at Filipino ay limitado, kung kayâ, kinakailangang punan ang kakulangan sa guro sa mga nasabing asignatura. Isa itong masalimuot na sitwasyon na nagpapakita na patuloy na bumababa ang bilang ng mga kumukuha ng kurso sa Araling Panlipunan, MAPEH, at partikular na sa Filipino. Ito ang nagtutulak sa mga paaralan na kumuha ng guro na kahit hindi eksperto sa asignaturang kanilang ituturo (Lacanlale, 2013).
Ang layunin ng pag-aaral na ito ay maiugnay ang demograpikong profile ng mga guro sa Filipino mula sa isang pribadong paaralan sa Pampanga na hindi nagpakadalubhasa sa asignaturang Filipino, kasama na ang karanasan ng mga gurong nagtuturo ng Filipino kahit na ito ay taliwas sa kanilang pangunahing medyor. Sa pag-aaral na ito, mahahanap ang mga kalakasan at kahinaan ng mga guro sa Filipino sa aspekto ng pagtuturo. Mula rito, makakagawa ng plano ng aksyon ang mananaliksik na naglalaman ng mga mungkahi para sa mas magandang pagtuturo ng asignaturang Filipino, kasama ang mga sanggunian mula sa kanilang larangan at paano ito maipapatupad sa pagtuturo ng Filipino.
Ang pagsulong ng pagsusuri na ito ay may malaking pakinabang para sa mga guro sa Filipino, kahit na ito ay hindi kanilang pangunahing larangan. Ang mga resulta ng pagsusuri ay inaasahang magbibigay ng kontribusyon sa mas epektibong pamamahagi ng kaalaman at kasanayan sa pagtuturo, lalo na sa mga guro na kalahok sa pribadong paaralan sa Pampanga. Sa pangkalahatan, ang layunin nito ay palakasin ang kalidad ng pagtuturo sa asignaturang Filipino, na sumusunod sa mga layunin ng Kagawaran ng Edukasyon at ang pangunahing nilalaman ng kurikulum para sa nasabing asignatura.
TEORETİKAL NA BALANGKAS
Teoryang Lived Experiences
Ayon kay Thomas et al. (2013), ang pagkatuto mula sa karanasan mula sa iba ay isa sa mga malaking oportunidad na mayroon ang isang tao ngunit minsan ay isinasantabi ito at mas pinalalagay na mas kapaki-pakinabang ang mga panlabas at rasyonal na mga lunduyan ng impormasyon. Dulot nito, binibigyang diin nito na ang resulta bunga ng sariling kaisipan, damdamin at karanasan ng isang tao ay maituturing na may mababang kalidad ng impormasyon. Gayunpaman, hindi maikakaila na mula sa mga sariling karanasang inilalahad ng mga tao, mas napagtitibay at napalalalim nito ang perspektiba sa isang bagay o paksa (Finlay, 2013).
Mula sa pag-aaral na isinagawa ni Stegall (2021), na may pamagat na ‘Peaks and Valleys: The Lived Experiences of International Students Within an English Immersion Program Using the Integrated Skills Approach’, ginamit niya ang lived experiences o mga sariling karanasan ng labing isang internayunal na mag-aaral sa ilalim ng English Immersion Program. Mula sa mga testimonya ng mga kalahok ay nagpakita na ang matagumpay na pag-aaral ng wika ay naganap kapag natugunan ng mga instruktor ang kanilang mga pangangailangang panlipunan (hal., nagbigay ng pakiramdam ng pag-aari) at iginagalang ang kanilang mga kultural na kaugalian (hal., suportado ang isang family-orientation sa klase). Sa pamamagitan ng teoryang Lived Experiences, nalaman natin na ang karanasan mismo ay humahantong hindi lamang sa direktang kaalaman sa iba, kundi pati na rin sa kaalaman sa sarili na nakikita sa pamamagitan ng mga mata ng iba - ang tinatawag nating ‘reflected knowledge’. Ang sinasalamin at direktang kaalaman, sa halip, ay nakaaapekto sa pagtitiwala sa pamamagitan ng pagkakakilanlan, pakikibagay, at pagbaba ng hindi pagkakaunawaan (Mortensen & Beyene, 2013).
Kaugnay nito, ang pananaliksik na ito ay nilapatan ng Lived Experience Theory kung saan nilikom ang sariling karanasan ng mga gurong hindi nagpakadalubhasa sa Filipino ngunit nagtuturo ng asignaturang ito sa Senior High School. Mula sa kanilang mga sagot ay nakabuo ang mga mananaliksik ng mga akmang pagsasanay at pagpaplanong programa para sa mga guro at kinauukulan na makatutugon sa suliraning kinahaharap ng mga nasa linya ng out-of-field teaching.
Teoryang Self-efficacy
Ang pag-aaral na ito ay nakaangkla sa teoryang Self-efficacy ni Bandura na nagpapaliwanag sa paniniwala ng tao sa kaniyang kakayahan na magtagumpay sa isang partikular na sitwasyon. Ang teoryang ito ni Albert Bandura ay nabuo noong 1977 na kung saan sa isang artikulo mula sa Psychological Review na pinamagatang ‘Self-Efficacy: Toward a Unifying Theory of Behavioral Change’ tinukoy rito na ang self-efficacy ay may apat na pangunahing pinagmumulan: mastery experience, vicarious experience, verbal/social persuasion at pisyolohikal na estado (Bandura, 1977). Ayon kay Bandura (1977), ang mga mastery experiences ay tumutukoy sa mga karanasang natamo ng isang tao sa tuwing ito ay nagtagumpay sa bawat pagharap nito sa panibagong hamon. Ipinapahiwatig lamang din nito na ang pinakamahusay na paraan upang matuto ng bagong kasanayan ay ang paggawa o pagsasanay rito. Sa konteksto ng mga gurong nagtuturo ng Filipino na hindi pinagkadalubhasaan, ang teoryang self-efficacy na ito ni Albert Bandura ay maiuugnay kapag nagkaroon ng positibong karanasan ang mga guro kahit pa ang itinuturong asignatura ay hindi pinagkadalubhasaan. Sa pamamagitan ng pagtuturong out-of-field, ang guro ay nagkakaroon ng karanasang malampasan ang hamong dulot nito na nagpapataas naman ng kumpiyansa sa sarili ng mga guro. Kaugnay nito, ang vicarious experience naman ay maiuugnay sa pagmamasid sa ibang tao kung paano nito matagumpay na nagawa ang isang gawain. Sa pamamagitan nito, napalalakas nito ang self-efficacy ng isang tao sa tulong ng pag-aaral mula sa naging karanasan ng iba (Bandura, 1977). Sa anggulo ng pagtuturo ng mga gurong out-of-field sa Filipino ang vicarious experience ay nakatutulong nang sa gayon ay magkaroon ng tiwala sa sarili ang mga guro. Isang halimbawa nito ay maaaring gamitin ng gurong out-of-field sa Filipino ang karanasan ng isang gurong matagumpay na nakapagtuturo ng Filipino. Sa pamamagitan ng pagmamasid sa ibang mga gurong dalubhasa sa Filipino ay nagdudulot ito ng motibasyon at inspirasyon sa mga gurong out-of-field na magpatuloy. Sunod ay ang social persuasion naman na tumutukoy sa mga feedback na natatanggap ng tao mula sa iba na maaaring makaapekto sa paniniwala nito sa kaniyang sarili (Bandura, 1977). Kung iuugnay ito sa pagtuturo sa Filipino ng mga gurong hindi dalubhasa rito ay mayroong epekto ang positibo at negatibong komento ng ibang guro sa kanilang pagtuturo. Panghuli, ang pisyolohikal na kalagayan. Ayon kay Bandura (1977), tumutukoy ito sa estado ng pag-iisip ng isang tao na nakaiimpluwensiya sa pagtingin ng isang indibidwal sa kaniyang sarili. Kapag maraming problemang dinadala ang isang guro ay hindi maitatangging kahit anong subok na hindi ito makaapekto sa kanilang trabaho ay nagagawa pa rin nitong maapektuhan ang kanilang pagtuturo. Sa kabila nito, kung maayos ang kalagayang pisyolohikal ng mga guro ay nagdudulot ito ng magandang bunga pagdating sa akademikong tagumpay ng mga mag-aaral maging sa pagtuturo ng mga ito.
Mula naman sa pag-aaral ni Mandado at Varona (2022) na may pamagat na ‘Sulyap sa mga Eksperyensiya at Kakayahang Estratehiya ng Remote Learners sa Pagkatuto ng Bagong Kadawyan’ inaangkla ang teoryang self-efficacy upang maipaliwanag ang pag-uugali at kilos ng mga mag-aaral na mula sa malalayong lugar tungo sa kanilang akademikong tagumpay. Sa pamamagitan ng paggamit ng teoryang self-efficacy ay layunin ng pag-aaral nina Mandado at Varona na suriin ang pang-araw-araw na karanasan ng mga mag-aaral mula sa malalayong lugar, matukoy ang kanilang istratehiya sa pagganap at malaman ang kanilang kalagayan mula sa bagong moda ng pag-aaral. Tinukoy sa pag-aaral na ito kung paano hinaharap ng mga mag-aaral mula sa malalayong lugar ang mga pang-akademikong hamon at patuloy na nag-aaral sa kabila ng mga kinakaharap na problema.
Sa buong kaganapan, ang teoryang self-efficacy ni Albert Bandura ay maiuugnay sa nangyayaring pagtuturong out-of-field ng mga guro mula sa Senior High School na kung saan nagagawa nitong maapektuhan ang kumpiyansa sa sarili ng mga guro. Dagdag pa rito, ang demograpikong profayl ng mga guro ay maaaring magdala ng iba't ibang kaalaman, kakayahan, at karanasan na nakaaapekto sa paraan nang pagtuturo ng mga gurong out-of-field. Halimbawa na lamang, ang isang gurong out-of-field na may mataas na edukasyong nakamit ay mahusay sa paglinang ng istratehiya sa pagtuturo na nagpapahiwatig ng dahil mahusay ito sa paglinang ng istratehiya ay nakatatanggap ito ng positibong komento o feedback, ang vicarious experience nito ay siya namang gagamiting inspirasyon ng ibang guro na nagdudulot ng magandang karanasan dahil sa pagtatagumpay nito sa pagharap ng guro sa hamon ng pagtuturo sa Filipino kahit hindi naman eksperto at maayos na pisyolohikal na kalagayan. Nilapatan ang pag-aaral na ito ng teoryang self-efficacy kung saan nalaman ang epekto ng pagkakaroon ng kumpiyansa at tiwala sa sarili ng mga gurong nagtuturo sa Filipino sa Senior High School na hindi naman dalubhasa rito sa kanilang pang-araw-araw na karanasan at pagtuturo. Mula rito ay nakabuo ang mga mananaliksik ng mga maaaring istratehiya at programang tutugon sa pag-unlad at pangangailangan ng mga ito.
Teoryang Cognitive Flexibility
Isang pinagbatayan ng pag-aaral na ito ay ang Cognitive Flexibility Theory ni Spiro na tumutukoy sa kakayahan ng isang indibidwal na umangkop sa patuloy na nagbabagong mundo. Ayon kay Spiro (1988), ang ‘Cognitive Flexibility Theory’ ay tungkol sa paghahanda sa indibidwal na pumili, umangkop at pagsamahin ang kaalaman at karanasan sa mga bagong pamamaraan upang harapin ang mga sitwasyong iba sa mga nakaraang karanasan. Ang teoryang ito ay ipinakilala ni Rand J. Spiro noong 1988, na kung saan nagbigay ng tiyak na pamamaraan ng paggamit ng teknolohiya sa pagbuo ng kakayahang tumugon nang angkop sa mga bago at makatotohanang nagaganap sa mundo sa halip na nakabatay lamang sa mga nakasanayang pamamaraan. Sa artikulong eLearning Industry, tinukoy na ang teoryang ito ay naniniwala sa mga prinsipyong, (1) ang mga aktibidad sa pampagkatuto ay dapat magbigay ng maraming representasyon ng nilalaman, (2) ang pagpapasimple sa domain ng nilalaman ay dapat iwasan, (3) ang pagtuturo ay dapat ‘case-based’ at bigyang-diin ang pagbuo ng kaalaman, at (4) ang mga mapagkukunan ng kaalaman ay dapat na magkakaugnay sa halip na magkahiwalay.
Sa pag-aaral ni Öztürk et al., (2020), na pinamagatang ‘The Relationship between Pre-service Teachers’ Cognitive Flexibility Levels and Techno-pedagogical Education Competencies’, ginamit ang teorya upang tukuyin ang kaugnayan sa pagitan ng cognitive flexibility at techno-pedagogical na kasanayan. Layunin ng nasabing pag-aaral na matukoy ang antas ng cognitive flexibility at techno-pedagogical na kakayahan ng mga pre-service teachers at mabatid ang kaugnayan ng antas ng cognitive flexibility at kakahayang techno-pedagogical. Mula sa pag-aaral, lumabas na maaaring makaapekto ang cognitive flexibility sa pag-unlad at paggamit ng techno-pedagogical na kasanayan.
Maiuugnay ang teoryang Cognitive Flexibility sa pagharap ng mga gurong out-of-field sa hamon ng pagtuturo sa asignaturang hindi saklaw ng kanilang pinagpakadalubhasaan. Ang pag-aaral na ito ay nilapatan ng Cognitive Flexibility, kung saan, natukoy na ang kakayahan ng mga gurong out-of-field sa pang-angkop sa pagbabago at ang kakayahang pagsamahin ang natamong kaalaman sa pagtuturo at mga makabagong pamamaraan upang makalinang ng istratehiyang angkop sa asignaturang kasalukuyang itinuturo. Gayundin ay nabatid ang kakayahan ng guro sa paggamit ng teknolohiya bilang pamamaraan sa mas epektibong istratehiyang gagamitin sa pagtuturo at mas malalim na pagkatuto ng mga mag-aaral sa asignaturang Filipino.
KONSEPTUWAL NA BALANGKAS
Figura 1. Paradigma ng Pag-aaral
Ang balangkas na ito ay nagpapakita ng Input-Process-Output na disenyo. Ang mga kasagutang makukuha mula sa mga respondente gamit ang demograpikong profayl ng mga gurong hindi nagpakadalubhasa sa asignaturang Filipino batay sa kanilang edad, kasarian, bilang ng taon sa pagtuturo, pinakamataas na edukasyon na nakamit, at kursong pinagtapusan sa kolehiyo, Istandardisadong Talatanungan mula sa pag-aaral ni Coronel (2019), at maging ang kanilang opinyon, saloobin, at pananaw mula sa Interbyung Pasulat ang magiging Input sa pag-aaral. Ang tumatayong Process naman ng pag-aaral na ito ay ang paggamit ng Linear Regression Analysis para sa kwantitatibong datos at Inductive Thematic Coding Analysis mula kina Braun at Clarke (2016) ang ginamit para sa kwalitatibong datos. Samantala, ang magiging resulta o ang Output naman ng pag-aaral ay ang Mungkahing Programa hinggil sa Suliraning Nararanasan ng mga Gurong Out-of-Field sa Pagtuturo ng Asignaturang Filipino.
PAGLALAHAD NG SULIRANIN
PAGLALAHAD NG SULIRANIN
Layunin ng pag-aaral na ito na mailarawan ang pananaw ng mga gurong nagtuturo ng Filipino na taliwas sa kanilang tinapos na medyor hinggil sa kanilang mga karanasan sa pagtuturo ng asignaturang Filipino sa pribadong paaralan. Nilalayon ng pananaliksik na ito na matugunan ang mga sumusunod na katanungan:
Paano ilalarawan ang mga guro na hindi nagpakadalubhasa sa asignaturang Filipino batay sa mga sumusunod:
1.1 Edad,
1.2 Kasarian,
1.3 Bilang ng taon sa pagtuturo,
1.4 Pinakamataas na edukasyon na nakamit, at
1.5 Kursong tinapos sa kolehiyo
Ano-ano ang mga suliranin ng mga gurong hindi dalubhasa sa Filipino sa paggamit ng mga estratehiyang pampagtuturo?
Ano ang mga karanasan ng mga guro na hindi dalubhasa sa asignaturang Filipino ngunit nagtuturo nito sa aspekto ng:
3.1 Paggamit ng estratehiya sa pagtuturo ng asignaturang Filipino, at
3.2 Pagsusulong ng mga programa na maaaring maging solusyon sa mga suliranin ng mga guro na nasa kategoryang "out-of-field teaching”?
METODOLOHIYA
DISENYO NG PANANALIKSIK
Ang mananaliksik ay gumamit ng convergent parallel na paraan ng pagsusuri kung saan sabay na nagtipon ng datos ang mananaliksik gamit ang parehong quantitative (numerical) at qualitative (descriptive) na mga pamamaraan dahil layon nitong maipakita ang pananaw ng mga gurong nagtuturo ng Filipino na taliwas sa kanilang medyor at ng kanilang demograpikong profile at kung mayroon bang makabuluhang ugnayan sa pagitan ng dalawang baryabol na nabanggit. Sa pagtukoy ng mga ito, isang plan of action ang iminumungkahi at mapaghihinuha ito batay sa kung ano ang kinalabasan ng pag-aaral ng mga guro ng nagtuturo ng Filipino. Ang estrukturang Mixed Method Research (MMR) ang gagamitin sa pagsasagawa ng pananaliksik na ito, kung saan ang mga mananaliksik ay magkakaroon ng koleksyon at analisis ng kwalitatibo at kwantitatibong datos sa iisang pag-aaral (Smith & Shorten, 2017). Ang pangkalahatang layunin ng MMR ay ang pagbuklod ng kwalitatibong at kwantitatibong datos upang mapalawak at palakasin ang mga konklusyon na maaaring maging pundasyon para sa mga hinaharap na pananaliksik (Schoonenboom & Johnson, 2017).
MGA KALAHOK NG PAG-AARAL AT INSTRUMENTO NG PANANALIKSIK
Sa pangunguna ng pag-aaral, ginamit ang kwantitatibong pamamaraan sa pagsusuri ng demograpikong profile ng mga guro, kabilang ang kanilang edad, kasarian, taon ng pagtuturo, pinakamataas na antas ng edukasyon, at ang kurso na kanilang tinapos sa kolehiyo. Purposive sampling ang ginamit na paraan sa pagpili ng mga kalahok. Sampung (10) mga guro sa pampribadong paaralan na nagtuturo ng asignaturang Filipino na hindi nila medyor ang sumagot sa istandardisadong talatanungan na binuo sa anyo ng likert scale, batay sa pag-aaral ni Coronel (2019) na may pamagat na "Mga Suliranin at Akmang Programa ng mga Gurong Hindi Nagpakadalubhasa sa Asignaturang Filipino," upang masuri ang mga suliranin na hinaharap ng mga guro na hindi dalubhasa sa Filipino ngunit nagtuturo sa nasabing asignatura.
Bukod dito, ginamit din ang kwalitatibong pamamaraan sa pamamagitan ng pagsasagawa ng interbyu sa pasulat sa mga guro mula sa pribadong sekundaryang paaralan sa Pampanga na hindi nagpakadalubhasa sa asignaturang Filipino ngunit nagtuturo nito. Ang layunin ay ang makakalap ng sariling opinyon at mungkahi mula sa mga guro, na magiging kapaki-pakinabang sa pagtugon sa lumalaganap na suliranin sa larangan ng out-of-field teaching.
Ang isang kategorya ng MMR na tinatawag na Convergent Parallel Design ang naging batayan ng balangkas ng pananaliksik. Ito ay naglayong paghambingin at pag-isa-isahin ang mga datos mula sa magkaibang pamamaraan upang magbigay ng masusing pagsusuri matapos ang pagsasaliksik nito (Fischler, 2017). Sa kabuuan, sinunod ng pananaliksik ang balangkas ng Convergent Parallel Design, kung saan ang mga datos mula sa kwantitatibong at kwalitatibong pamamaraan ay nagbigay linaw sa kahalagahan sa kabuuang pananaliksik.
PAG-AANALISA NG DATOS
Ang bahagi ng papel na ito ay naglahad, nagsuri at nagbigay ng angkop na pagpapakahulugan sa bawat datos na nakalap mula sa ipinamahaging talatanungan hinggil sa demograpikong profile at suliraning kinahaharap batay sa estratehiya sa pagtuturo ng mga gurong hindi medyor sa Filipino ngunit nagtuturo ng asignaturang ito. Ang pagtalakay sa mga kasagutan ng tagatugon ay nahahati sa apat na bahagi:
Ang unang bahagi ay nagtaglay ng datos hinggil sa Demograpikong Pofile ng mga gurong hindi medyor sa Filipino batay sa kanilang edad, kasarian, kursong pinagtapusan sa kolehiyo, bilang ng taon sa pagtuturo, at pinakamataas na edukasyong nakamit. Inilahad naman sa ikalawang bahagi ang datos tungkol sa mga suliraning kinahaharap ng gurong hindi medyor sa Filipino mula sa istandardisadong talatanungang ginamit ni Coronel (2019) sa kaniyang pananaliksik na may pamagat na, “Mga Suliranin at Akmang Programa ng mga Gurong Hindi Nagpakadalubhasa sa Asignaturang Filipino”
RESULTA NG PAG-AARAL
Talahanayan 1. Profile ng mga Gurong Nagtuturo ng Asignaturang Filipino na Hindi nila Medyor
Sa bahaging ito napapaloob ang profile ng mga guro na nagtuturo ng asignaturang Filipino na hindi medyor. Ang profile ay nahahati sa mga sumusunod: 1) Kurso; 2) Taon ng Pagtuturo; at 3) Edukasyong Natamo. Ang mga gurong tagatugon ng isinagawang pag-aaral ay mula sa paaralan ng isang pampribadong paaralan.
Kasama sa profile ng mga guro ang kursong napagtapusan, ang edukasyong kanilang natamo at kanilang mga naging karanasan sa pagtuturo. Inilalarawan sa talahanayan na ang mga guro na nagtuturo sa asignaturang Filipino na hindi medyor ay mayroong dalawang magkakaibang kurso. Ilan sa kanila ay nagtapos ng kursong BSED at BEED. BSED English (60%) at ang panghuli ay ang BEED (40%). Masasabi natin na medyo magaan ang pagtuturo ng asignaturang Filipino sa mga guro na Ingles ang medyor sapagkat kadalasan ay nagkakatulad ang ilang mga aralin ng Filipino at Ingles pagdating sa pagtuturo ng wika at panitikan. Katulad na lamang din ng mga guro na nagtapos ng BEED, maaari silang makaranas ng iba’t ibang suliranin sa pagtuturo dahil kahit pa sabihing may pagkakatulad ang ilang mga paksa na tinatalakay at pinag-aaralan iba pa rin ang lehitimong guro sa Filipino. Sa kabila nito hindi dapat ito maging hadlang upang magawa nila ang kanilang obligasyon at responsibilidad na maging tulay sa pagkatuto ng mga mag-aaral.
Ayon sa isinagawang pag-aaral lumalabas na marami sa mga guro na matagal na sa propesyon o serbisyo ng pagiging guro ang nagtuturo ng asignaturang Filipino, sa katunayan mula 2-5 na taon, 6-9 na taon, at 10-14 na tao mayroong tig-tatlong (3) mga guro ang nabigyan ng asignaturang Filipino. Samantala mula 0-1 na taon mayroong isang gurong baguhan ang nabigyan ng asignaturang Filipino. Sila yung mga tipikal na guro na dahil matagal na sa serbisyo ay hindi na nila ito nagiging suliranin dahil sa dami na rin ng mga karansanang kanilang napagdaanan na maaaring makakatulong upang kanilang mas pag-igihan at pagbutihan ang panibagong hamon ng pagiging isang guro sa Filipino.
Nasa 90% na mga guro ang nakapagtapos ng “Bachelor’s Degree” ng kanilang pag-aaral. Samantalang 10% ang nagpapatuloy ng kaniyang pag-aaral sa gradwado. Ang ilan sa kanila ay matagal na sa serbisyo ng pagtuturo at mas pinauunlad ang kanilang kaalaman sa pamamagitan ng mga pagdalo at paglahok sa mga seminar na maaaring makatulong sa pagpapalawak ng kanilang kaalaman at kasanayan sa kanilang propseyon. Ipinakikita lamang dito na kahit hindi sila mga medyor sa Filipino ay nagnanais silang mas paunlarin ang kanilang kakayahan at kasanayan para maging isang epektibong guro na magiging tulay sa pagbabago
Talahanayan 2. Mga Suliraning Kinakaharap ng mga Guro na nagtuturo ng Filipino na hindi Medyor ng asignaturang Filipino
Lumabas sa pag-aaral na ito na sa mga suliraning kinakaharap ng mga guro sa pagtuturo, ang “pag-unawa sa mga malalalim na mga salitang ginagamit sa mga akdang pampanitikan” ang may pinakamataas na mean na 2.90. Nangangahulugan lamang na sa bahaging ito nahirapan ang mga kalahok sa pag-aaral bagaman ang deskriptibong interpretasyon nito sa iskala ay Di-gaanong Nahihirapan. Ayon kay Panganiban (n.d.), dalawa sa tinukoy niyang suliranin sa pagtuturo ng Filipino ay ang kakulangan sa bokabularyong Filipino o Tagalog at di-lubusang paglinang sa kahusayang magamit ang wikang Filipino sa pagtuturo. Sa Pilipinas, ang paggamit ng wika ay may malalim na kahalagahan hindi lamang sa akademikong aspekto kundi pati na rin sa pang-araw-araw na buhay. Ito ang dahilan kung bakit ang pagsusuri ng paraan kung paano maaring gamitin ang diksyunaryo sa pagpapabuti ng kakayahan sa Filipino ay may matinding epekto sa mga mag-aaral, guro, at sa buong edukasyon sa bansa (Lima et. al, 2023).
Sa kabilang banda, lumutang naman mula sa sampung (10) mga kalahok ng pag-aaral, ang Talastasan o diyalogo gamit ang wikang Filipino sa mga mag-aaral sa loob ng klase ang may pinakamababang mean na 1.80. Ibig sabihin, hindi nahihirapan ang mga gurong na gamitin ang wikang Filipino sa pakikipag-usap o pakikipagtalastasan sa mga mag-aaral sa loob ng klase sa kadahilanang karamihan sa kanilang mga tinuturuan sa loob ng klase ay nakauunawa at nakapagsasalita ng wikang Filipino.
Talahanayan 3. Buod ng Tema, Kaugnay na Kodigo at Tugon ng mga Respondente ukol sa karanasan sa Pagtuturo ng Asignaturang Filipino
Mula sa talahanayang ito, lumabas na karamihan sa kanila ay nahihirapan pagdating sa kalaliman ng salita at pagbibigay ng halimbawa ng salitang malalalim na naging dahilan ng kahirapan sa pag-unawa o pag-intindi ng mga pangungusap at salita upang ituro ang isang aralin. Bukod pa roon ay may mga respondente na hindi pamilyar sa mga terminolohiya sa Filipino kaya naman may mga pagkakataon na nahihirapan ang mga guro na ipaliwanag ito. Kaugnay nito ay ilan din sa naging tugon ng mga respondente ay nahihirapan sa pagsasalin ng mga aralin at salita mula sa wikang Ingles patungo sa wikang Filipino, ito ay marahil ang mga respondente ay walang sapat na kaalaman sa tamang pagsasalin ng wika. Mula rito ay may ilan pang mga respondente na nagbigay ng mga tugon batay sa mga naging karanasan nila sa pagtuturo ng asignaturang Filipino kabilang na rito ay hindi sila pamilyar sa aralin, walang sapat na kaalaman sa pagtuturo ng asignaturang Filipino, kahirapan sa paglapat ng pamamaraan/istratehiya sa pagtuturo, kahirapan sa pagtuturo ng asignatura dahil sa iba ang unang wika ng guro, pagtuturo ng vernakular na wika at paggamit ng purong wikang Filipino sa pagtuturo, ito ay patunay na lamang na hindi nila porte ang pagtuturo ng asignaturang Filipino kaya naman sila ay nakararanas ng iba’t ibang suliranin sa pagtuturo nito.
Talahanayan 4. Buod ng Tema, Kaugnay na Kodigo at Tugon ng mga Respondente ukol sa Mungkahing programa para sa Kinauukulan
Konklusyon
Naipakita sa isinagawang pag-aaral na walang makabuluhang ugnayan ang demograpikong profile ng mga gurong out-of-field sa antas ng suliraning kinahaharap sa istratehiya sa pagtuturo ng asignaturang Filipino. Lumabas sa isinagawang pag-aaral na karaniwan sa mga gurong respondente ay nasa pagitan ng Early Adulthood at Early Middle Age, na karaniwang nasa edad na 30 hanggang 32. Karamihan sa kanila ay nagtapos sa kursong BSED na nagpapakadalubhasa sa Ingles, dahilan upang tumanggap sila ng teaching load sa Filipino, at iba pa ay may kursong BEED. Ang mga gurong kalahok sa pag-aaral ay may malalim na kaalaman hinggil sa iba’t ibang pedagohiya, nilalaman, at wika, na esensiyal sa epektibong pagtuturo at pagkatuto. Sa pinakamataas na edukasyong nakamit, isa ang kasalukuyang kumukuha ng masteral degree habang ang karamihan ay may Bachelor's degree. Ipinakikita rito ang kahalagahan ng walang katapusang pag-aaral upang malinang ang propesyonal na karera ng mga guro.
Sa mga gurong out-of-field, nahihirapan sila sa pag-unawa ng mga malalalim na salitang ginagamit sa mga akdang pampanitikan. Aktibo silang naghahanap ng mga paraan upang mapabuti ang kanilang kasanayan sa pagtuturo, kabilang ang pagbabasa, pagsasagawa ng pananaliksik, at pagkonsulta sa mga eksperto. Kabilang din dito ang paghingi ng patnubay mula sa mga bihasang tagapagturo ng Filipino, pagbuo ng mga angkop na pamamaraan ng pagtuturo, at pagdalo sa mga seminar. Ang mga hakbang na ito ay nagpapakita ng determinasyon ng mga gurong out-of-field na palalimin ang kanilang pag-unawa sa asignaturang Filipino. Inirekomenda rin ang pagsasagawa ng mga seminar, workshop, at iba pang programa upang mapabuti ang kalidad ng edukasyon na kanilang maibibigay. Ang mga mungkahing ito ay inaasahang maipatupad bilang suporta mula sa mga kinauukulan upang matugunan ang kanilang mga pangangailangan at mapabuti ang istratehiya sa pagtuturo ng asignaturang Filipino.
Rekomendasyon
Batay sa natapos na pag-aaral, naglunsad ng mga sumusunod na rekomendasyon ang mananaliksik:
Pagpapatupad ng Regular at Inklusibong Seminar at Workshop sa Filipino - Iminumungkahi ang regular na pagsasagawa ng mga seminar, workshop, at pagsasanay na nakatuon sa pag-unawa sa masalimuot na wika at nilalaman ng mga akdang pampanitikan. Dapat itong bukas hindi lamang sa mga guro ng Filipino kundi lalo na sa mga gurong out-of-field upang mapalalim ang kanilang kaalaman at kasanayan.
Pagbuo ng Mentoring Program sa Paaralan - Mahalaga ang pagtatag ng mentoring program kung saan ang mga bihasa at lisensyadong guro sa Filipino ay magsisilbing gabay sa mga gurong out-of-field. Sa ganitong paraan, magkakaroon sila ng tuloy-tuloy na suporta, payo, at pagbabahagi ng mga mabisang estratehiya sa pagtuturo.
Pagsasama ng Filipino sa Continuing Professional Development (CPD) - Inirerekomendang maisama sa mga CPD programs ng mga guro ang mga kursong nakatuon sa pagtuturo ng Filipino upang magkaroon ng oportunidad ang mga gurong out-of-field na mapalawak ang kanilang kaalaman sa disiplina habang tinutupad ang rekisito ng propesyonal na pag-unlad.
Pagtatatag ng Learning Resource Center para sa Filipino - Makatutulong ang pagtatayo ng isang aklatan o online resource center na may koleksiyon ng mga akdang pampanitikan, gabay sa pagtuturo, at iba pang kagamitang pampagtuturo ng Filipino. Layunin nitong bigyang akses ang mga guro sa de-kalidad na sanggunian at materyales na magagamit sa pagtuturo.
Pagbibigay ng Insentibo sa mga Guro na Kumukuha ng Karagdagang Kaalaman sa Filipino - Inirerekomenda rin ang pagbibigay ng insentibo tulad ng scholarship, study grant, o recognition sa mga gurong out-of-field na nag-aaral o nagpapakadalubhasa sa Filipino bilang pagpapahalaga sa kanilang dedikasyon.
Masusing Pag-aaral sa Teacher Deployment Policy - Mainam ding suriin ng mga tagapangasiwa ng paaralan at sangay ng edukasyon ang kanilang teacher deployment upang matiyak na ang pagtuturo ng Filipino ay ibinibigay sa mga guro na may sapat na kaalaman sa disiplina, o kaya ay maihanda ang mga out-of-field teachers bago sila italaga.
Pagsasama ng Pananaliksik at Pagbabasa bilang Bahagi ng Gawaing Pang-guro - Dapat palakasin ang kultura ng pagbabasa at pananaliksik sa mga guro upang mahubog ang kanilang kakayahan sa kritikal na pag-unawa sa wika at panitikan. Maaaring isama ito bilang bahagi ng kanilang performance metrics o IPCRF.
Sa kabuuan, ang mga rekomendasyong ito ay layuning suportahan ang mga gurong out-of-field sa kanilang propesyonal na pag-unlad at mapabuti ang kalidad ng pagtuturo sa asignaturang Filipino, na siyang susi sa mas epektibong pagkatuto ng mga mag-aaral.
MGA SANGGUNIAN
Anez, R. (2022, May 8). Pananaw at danas ng mga gurong Filipino: Batayan sa pagbuo ng plan of action. SlideShare. https://www.slideshare.net/AJHSSRJournal/pananaw-at-danas-ng-mga-gurong-filipino-batayan-sa-pagbuo-ng-plan-of-action
Barberos, M., Gazaro, A., & Padayogdog, E. (2019). The effect of the teacher's teaching style on students' motivation. [Unpublished manuscript or institutional repository; link appears broken].
Bernardo, A. B. I., Wong-Fernandez, B., Macalaguing Jr, M. D., & Navarro, R. C. (2020). Filipino senior high school teachers' continuing professional development attitudes: Exploring the roles of perceived demand amid a national education reform. Journal of Research, Policy & Practice of Teachers & Teacher Education, 10(2), 63–76. https://doi.org/10.37134/jrpptte.vol10.2.5.2020
Burroughs, N., Gardner, J., Lee, Y., Guo, S., Touitou, I., Jansen, K., & Schmidt, W. (2019). Teaching for excellence and equity: Analyzing teacher characteristics, behaviors and student outcomes with TIMSS. Springer. https://link.springer.com/book/10.1007/978-3-030-16151-4
Coronel, J. A. (2019). Mga suliraning nararanasan at akmang pagsasanay para sa mga gurong hindi nagpakadalubhasa sa asignaturang Filipino. [Unpublished paper or institutional material].
Fischler, A. S. (2017). Mixed methods. NOVA Southeastern University. https://education.nova.edu/Resources/uploads/app/35/files/arc_doc/mixed_methods.pdf
Lacanlale, C. R. (2013). Ningas ng sulo ng mga natatanging gurong di-medyor sa Filipino sa maalong dagat ng pagtuturo. https://rpo.ua.edu.ph/wp-content/uploads/2020/06/5.-Celia-R.-Lacanlale-137-198.pdf
Lima, J. A., Dagdag, A. A., Fernandez, M. A., & Mendoza, R. (2023). Kahalagahan ng paggamit ng diksyunaryo sa pagkatuto ng wikang Filipino. [Institutional publication; please supply journal or publisher if available].
Lopez, R. (2021, December 21). Pagtuturo ng asignaturang Filipino ngayong online class. ResearchGate. https://www.researchgate.net/publication/356853584_Pagtuturo_ng_Asignaturang_Filipino_Ngayong_Online_Class
Lopez Jr., H. B., & Roble, D. B. (2022, November 3). [Unclear entry: appears merged with Sambe reference—please clarify author or source]
O’Meara, N., & Faulkner, F. (2021). Professional development for out-of-field post-primary teachers of mathematics: An analysis of the impact of mathematics-specific pedagogy training. Irish Educational Studies, 1–20. https://doi.org/10.1080/03323315.2021.1899026
Pacana, R. M., Magsayo, E. M., & Orsos, R. J. (2019). Challenges of out-of-field teaching: A basis for a strategic action plan. International Journal of Scientific and Research Publications, 9(7), 681–686. https://doi.org/10.29322/IJSRP.9.07.2019.p9159
Panganiban, J. V. (n.d.). Mga suliranin ng mga guro sa pagtuturo ng Filipino. [Unpublished manuscript or institutional study].
Sambe, M. (2015). Out-of-field teaching: The African perspective. TAP Magazine. http://www.tapmagonline.com/out-of-field-teaching-by-mariam-sambe/
Schoonenboom, J., & Johnson, R. B. (2017). How to construct a mixed methods research design. KZfSS Kölner Zeitschrift für Soziologie und Sozialpsychologie, 69, 107–131. https://doi.org/10.1007/s11577-017-0454-1
Talili, N. R., Montalbo, D. B., & Gaban, M. R. (2021). Experiences of teachers in teaching non-major subject: Basis for intervention program. International Journal of Multidisciplinary: Applied Business and Education Research, 2(6), 463–470. https://doi.org/10.11594/ijmaber.02.06.03