Kuha ni Chiara Keene Caballes
Kuha ni Chiara Keene Caballes
BAYAN - Abbie Lorraine Alicante, Kyla Mojares, at Merald Veracruz
NAKATAMBAK sa palibot ng Laguna de Bay ang bulto-bultong suliraning unti-unting nagpapalubha sa kalagayan ng lawa. Sa pinakahuling water-quality monitoring ng Laguna Lake Development Authority (LLDA) para sa unang kuwarter ng 2026, pumasa ang lahat ng 16 na monitoring station sa lawa sa ilang pangunahing pamantayan sa kalidad ng tubig. Gayunman, hindi pumasa ang lahat ng istasyon sa pamantayan para sa phosphate, habang lumampas naman sa fecal coliform standard ang lahat ng nasuring tributary.
Pinagmumulan ng buhay
Tinatayang 16,000 mangingisda ang umaasa sa Laguna de Bay para sa kanilang kabuhayan. Pinamamahayan ito ng iba’t ibang uri ng isda gaya ng bangus, tilapia, at carp, partikular sa kanlurang bahagi nito dahil sa maalat na tubig na angkop sa ilang uri ng isda. Karaniwang umaabot sa 80,000 hanggang 90,000 metriko tonelada ang taunang produksiyon ng isda sa lawa. Subalit, ayon sa ulat ng Philippine Statistics Authority noong 2024, 43,210.05 metriko tonelada lamang ang naitala—malayo sa karaniwang produksiyong naiuugnay sa lawa.
Sa pagbaba ng produksiyon ng mga isda, hindi lamang dami ng huli ang nababawasan kundi pati ang pakinabang na naibibigay ng lawa sa mga pamayanang matagal nang nakasandig dito. Kapag kumokonti ang nahuhuling isda, kasabay nitong kumikipot ang pinagkukunan ng kita ng mga mangingisda at suplay na umaabot sa mga pamilihan.
Kabilang si Cesar Hempisalla, isang mangingisdang mahigit 45 taon nang pumapalaot sa Laguna de Bay, sa mga patuloy na nakasalalay sa lawa bilang daluyan ng kabuhayan. Sa panayam niya sa The Fat Kid Inside Studios (FEATR), ibinahagi niya ang malaking pagbabagong naranasan sa kaniyang kabuhayan kasabay ng paglala ng kondisyon ng lawa. Mula sa dating humigit-kumulang Php5,000 kita sa pangingisda, nasa Php1,000 na lamang ito sa kasalukuyan, bunsod ng pagbaba ng produksiyon at kalidad ng mga isda sa Laguna de Bay.
Hindi lamang sa laki ng kita nasusukat ang pagbabagong nararanasan ni Hempisalla. Ayon sa kaniya, sa mga unang taon ng kaniyang pangingisda noong 1970, malinaw ang tubig sa lawa at maaari pa niya itong inumin. Masagana rin ang huli at mas malapit sa mga pampang ang mga isda. Sa paglipas ng mga taon, naging malabo ang tubig, lumayo ang mga isda, at nagbago rin ang lasa ng ilang nahuhuli. Mula sa dating saganang huli, unti-unting kumikipot ang kakayahan ng lawa na tustusan ang kabuhayan ng mga pamayanang umaasa rito.
Ipinaliwanag ni Dr. Victoria Espaldon, propesor sa University of the Philippines Los Baños, sa panayam sa FEATR na maaaring maiugnay ang pagbaba ng huli ng isda sa pagkasira ng kalidad ng tubig. Kapag naaapektuhan ang mga salik na mahalaga sa kalusugan ng ekosistema, naaapektuhan din ang kakayahan ng lawa na magpanatili ng produksiyon ng isda. Higit pa rito, may panganib ding nagmumula sa mga mabibigat na metal na maaaring pumasok sa sistema ng lawa mula sa ilang gawaing industriyal. Kabilang sa mga ito ang mercury, cadmium, chromium, lead, at arsenic, na maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan.
Sumpa ng pagbaha
Kasabay ng polusyon ang panganib ng pagbaha na matagal nang pasan ng mga pamayanang nakapaligid sa Laguna de Bay. Isa sa mga salik dito ang sedimentation o pag-iipon ng latak sa lawa. Kapag hindi napangangalagaan ang mga watershed at patuloy na inaanod ang lupa patungo sa lawa, nababawasan ang kakayahan nitong humawak at magdaloy ng tubig, na maaaring magpalala sa pagbaha sa mga baybayin.
Batay sa ulat ng Philippine Information Agency noong Nobyembre 2025, pinaninindigan ng LLDA na hindi praktikal at maaari pang makapinsala sa kalikasan ang malawakang paghuhukay o dredging sa lawa. Sa halip, binibigyang-diin ng ahensiya ang pangangalaga sa 21 tributary watersheds upang mabawasan ang pagguho ng lupa at pagdaloy ng latak patungo sa Laguna de Bay.
Para kay Gilbert Ryan Raymundo, dating residente ng Brgy. De La Paz, Biñan, hindi na bago ang pagharap sa baha. Sa panayam niya sa Ang Pahayagang Plaridel (APP), ibinahagi niyang bahagi na ito ng kaniyang araw-araw na buhay—mula sa pagpasok sa paaralan at trabaho hanggang sa pag-uwi sa kanilang tahanan, na kapuwa kailangang tawirin sa gitna ng tubig-baha. Paglalahad niya sa APP, “Para sa akin, mahirap ang aming kalagayan dahil araw-araw naming sinusuong ang baha, pati na rin sa pag-uwi sa aming tahanan.”
Sinariwa rin ni Raymundo ang hindi niya malilimutang karanasan sa Bagyong Ompong. “Umabot hanggang tuhod ang baha sa loob ng aming bahay habang lagpas-tao naman sa labas. Dahil walang tigil ang ulan at malakas na hangin, tinangay ang aming bubong, nasira ang aming mga kagamitan, at sumakay kami ng bangka para makalikas,” wika niya. Bukod sa pinsala sa ari-arian, ikinabahala rin niya ang panganib sa kalusugan mula sa maruming tubig-baha, kabilang ang mga sakit gaya ng leptospirosis.
Bagaman nakatulong ang pumping station sa mas mabilis na paghupa ng tubig, hindi nito naalis ang panganib para sa kanilang pamilya. Dahil sa lawak at dalas ng pagbaha, napagpasiyahan nilang tuluyang lumikas sa lugar. Para kay Raymundo, hindi sapat ang pansamantalang pagpigil sa baha; kailangan ding tugunan ang mga kondisyong paulit-ulit na naglalagay sa mga residente sa peligro.
Nakalubog sa walang katiyakang bukas
Hindi na maikakailang humaharap ang Laguna de Bay sa isang matinding krisis sa ekolohiya at lipunan. Sa patuloy na pagbagsak ng taunang huli ng isda at ang mabilis na pag-iipon ng latak sa lawa, hindi lamang ang pisikal na anyo nito ang nagbabago—unti-unti ring natitibag ang seguridad at dignidad ng mga pamayanang nakasandig dito. Hindi isang biglaang sakuna ang trahedyang ito; resulta ito ng mga dekadang pagpapabaya—mula sa dumi ng mga industriya at kabahayan, hanggang sa pagguho ng lupa mula sa mga napabayaang watershed na patuloy na dumadaloy at lumalason sa lawa.
Sa ganitong punto ng pagkasira, malinaw na hindi na sapat ang mga paimbabaw na solusyon. Sintomas ng isang malalim na kapabayaang hindi na kayang pasanin ng lawa ang lumalawak ng banta sa tubig at baybayin nito. Sa likod ng bawat nababawasang huli ng mangingisda at bawat pamilyang sapilitang lumilikas mula sa baha, may mga pamayanang unti-unting nawawalan ng katiyakan sa kabuhayang minsang ipinangako ng lawa.
CONTACT US
app@dlsu.edu.ph
(02) 524-4611 loc. 701
503 Bulwagang Br. Connon,
Pamantasang De La Salle,
2401 Taft Avenue, Maynila, PH