Dibuho ni Lauren Andres
Dibuho ni Lauren Andres
BAYAN - Ziya Agulan, Jonathan Gutierrez, Kyla Mojares, at Daniela Soto
INAASAHANG magsisilbing tulay ang Farm-to-Market Roads (FMR) sa mas mabilis na pagdadala ng ani mula bukid patungo sa pamilihan. Layon ng proyektong itong palakasin ang ugnayan ng produksiyong pang-agrikultura at mga pamilihan upang mapabuti ang kabuhayan sa mga kanayunan.
Batay sa National FMR Master Plan ng Department of Agriculture, tinatayang 131,411 kilometro ng FMR ang kinakailangan ng bansa upang ganap na maikonekta ang mga sakahan at pook pangisdaan sa mga pangunahing pamilihan. Sa kabila ng reporma at bilyong pisong pondong inilaan ng pamahalaan para sa mga naturang proyekto, patuloy pa ring naghihintay ang mga komunidad sa mga kalsadang matagal nang ipinangako.
Sa likod ng mga nakabinbing proyekto
Lumilitaw sa lalawigan ng Bulacan ang mga suliraning kinahaharap ng pamahalaan sa pagpapatupad ng mga proyektong pang-impraestruktura—mula sa mga naantalang proyekto hanggang sa usapin ng pananagutan at pamamahala.
Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP), ibinahagi ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan District Engineer Kenneth Fernando na tinatayang 600 proyekto na nagkakahalaga ng Php14 na bilyon ang nananatiling nakabinbin habang patuloy nilang inaasikaso ang mga naiwang proyekto sa lalawigan. Nangyari ito sa gitna ng mga kontrobersiyang bumalot sa ilang proyekto ng DPWH. Noong Setyembre 4, 2025, sinibak sa puwesto si Bulacan First District Engineer Henry Alcantara matapos mapatunayang nagkasala sa mga kasong administratibong may kaugnayan sa kontrobersiya ng mga ghost flood control project sa lalawigan.
Gayunman, hindi lamang usapin ng pamamahala ang tinukoy ni Fernando bilang dahilan ng pagkaantala. Kabilang din sa mga hamon ang right-of-way concerns, pabago-bagong kondisyon ng panahon, malalakas na pag-ulan, at pagtaas ng presyo ng mga pangunahing materyales.
Sa kabila nito, iginiit ni Fernando na patuloy na pinaiigting ng kanilang tanggapan ang sistema ng operasyon upang matiyak ang pagpapatuloy ng mga proyekto, kabilang ang FMR. “Naiintindihan natin yung time of the essence niyo, na kada buwan na dapat ay mayroon na sanang kalsadang farm-to-market road ay malaking impact ‘yun sa magsasaka, sa mga konsyumer, lalo na sa ekonomiya, eventually sa ekonomiya ng bansa,” ani Fernando.
Ngunit para sa mga komunidad na naghihintay sa mga ipinangakong impraestruktura, hindi lamang sa bilang ng mga proyektong natatapos ang usapin. Nakaugat dito ang epekto ng mga pagkaantala sa mismong kabuhayan ng mga taong dapat nakikinabang sa mga ito. Inilantad ng Bulatlat sa kanilang panayam sa mga residente at mangingisda sa Hagonoy, Bulacan ang ganitong epekto. Sa halip na agarang makatulong ang mga proyektong dapat magdugtong sa mga komunidad at pamilihan, nananatili para sa ilan ang mga suliraning may kaugnayan sa transportasyon, kabuhayan, at akses sa mga pangunahing pangangailangan.
Sa ganitong kalagayan, higit na lumalalim ang usapin sa likod ng mga nakabinbing proyekto. Sa mga munisipalidad tulad ng Hagonoy, direktang nararanasan ng mga komunidad ang epekto ng kakulangan sa maaasahang impraestruktura, lalo na ng mga taong nakasalalay ang kabuhayan sa maayos na paggalaw ng produkto at tao.
Kabuhayan ang nakataya
Sumasalamin din ang bigat ng nakabinbing impraestruktura sa mga komunidad na umaasa sa dagat sa lalawigan ng Cavite. Sa panayam ng APP, isinalaysay ni Treasurer Laarni Villamon ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas ang mga hamong kinakaharap nilang mga mangingisda. Inilahad niyang tumagal ng limang taon ang pagpapagawa ng mga proyekto na nararapat matapos sa loob ng tatlo hanggang apat na buwan lamang. Bukod dito, hindi na niya kailanman natanggap ang ipinangakong Php30,000 ng DPWH kapalit ng paggiba sa kanilang tirahan.
Bagaman Php33 bilyon na ang inilaan ng pamahalaan para sa pagsasaayos at pagsasagawa ng mga FMR sa bansa, natatangi ang hiling ni Villamon. Aniya, “Dapat nga, sa lugar namin, ibigay sa’min ‘yung dapat na nakalaan. ‘Di ‘yung puro sa corruption napupunta. Kaming mahihirap tuloy ang nagsa-suffer sa ginagawa nila. ‘Pag sinabi nilang alis, alis na sila. Pag langgam, aapakan nila. Laging naiiwan sa laylayan.”
Samantala, habang patuloy na lumiliit ang kita ng mga mangingisda dahil sa matitinding pagbagyo at kakulangan sa angkop na materyales at transportasyon, iginiit ni Villamon ang pananagutan ng mga itinuturing niyang sangkot sa mga suliraning kinakaharap ng kanilang sektor. “Dapat managot sila, makulong man ’yan sila. Para kahit papaano, mapalagay ang loob ng tao kasi ’yan ang hinihintay ng mga tao,” aniya.
Sa laylayan ng daan
Hindi kailanman maaaring ikubli sa mga plano, pondo, at ulat ng implementasyon ang mga kuwentong naiiwan sa bawat daang hindi natatapos. Para sa mga magsasaka, maaaring mangahulugan ito ng ani na nahihirapang makarating sa pamilihan. Para sa mga mangingisda, dagdag na pasanin ito sa pagdadala ng kanilang huli. At para sa mga mamimili, maaaring mauwi sa mas mataas na halaga ng mga pangunahing bilihin ang mga suliraning nagsisimula sa produksiyon at transportasyon. Sa likod ng bawat pagkaantala, may mga mamamayang patuloy na nagbabayad sa kabiguan ng isang proyektong dapat nagsisilbi sana sa kanila.
Hangga’t nananatiling nakabinbin ang mga proyekto, patuloy na mababaon sa pagdududa ang mga pangakong kaunlaran dala ng FMR. Sa bawat daang hindi natatapos, hindi lamang semento at pondo ang nasasayang kundi maging ang oportunidad, kabuhayan, at tiwala ng mga mamamayang matagal nang naghihintay na maramdaman ang tunay na bunga ng pag-unlad.
CONTACT US
app@dlsu.edu.ph
(02) 524-4611 loc. 701
503 Bulwagang Br. Connon,
Pamantasang De La Salle,
2401 Taft Avenue, Maynila, PH