Likha ni Alister Oliva
Likha ni Alister Oliva
BAYAN - Adia Avendaño, Lian De Castro, at Jovel Escaño
Hindi lamang ilaw ang binubuhay ng kuryente—nakasalalay rito ang kabuhayan ng mga pamilya, ang pagpapatuloy ng maliliit na negosyo, at ang pang-araw-araw na galaw ng lipunan. Ngunit sa patuloy na pagtaas ng gastusin, unti-unting nagiging dagdag na bigat ang pangunahing pangangailangang itong pikit-matang pinapasan ng mga Pilipino.
Nanguna ang Pilipinas sa Timog-Silangang Asya sa pinakamataas na presyo ng kuryente nitong Hunyo. Matapos ang isang buwan, muling itinaas ng Meralco ang singil sa kuryente ng Php0.3428 kada kilowatt-hour, dahilan upang umabot sa Php14.8261 kada kilowatt-hour ang kabuoang singil nito. Sa gitna ng implasyon sa bansa, napipilitang magtipid at magsakripisyo ang bawat pamilyang Pilipino sa bawat dagdag-singil sa kuryente.
Ugat ng krisis sa kuryente
Inilahad ng Meralco sa ulat nito ang mga salik ng pagpanhik sa singil sa kuryente nitong Hulyo. Kabilang dito ang pagtaas ng generation charge ng Php0.1800 na umabot sa Php9.2504 kada kilowatt-hour, pagmahal ng gasolina at iba pang pinagkukunan ng enerhiya, at maintenance shutdown ng Malampaya natural gas facility nitong Hunyo 15. Nakaambag din ang nagpapatuloy na tensiyon sa Gitnang Silangan na nagpataas sa presyo sa pandaigdigang merkado ng enerhiya.
Ipinakikita ng mga salik na ito na hindi lamang usapin ng buwanang bayarin ang dagdag-singil, kundi bahagi ng mas malawak na krisis sa enerhiya. Sa ulat na inilabas ng De La Salle University nitong Hunyo, ipinaliwanag ng mga Lasalyanong ekonomistang sina Jesus Felipe, Mariel Monica Sauler, Gerome Vedeja, at Seth Paolo Paden na bahagi ng tinatawag nilang energy shock ang tumataas na gastusin sa enerhiya.
Ipinunto ng mga ekonomista na itinutulak ng pagmahal ng enerhiya ang pagtaas ng gastos sa transportasyon, produksiyon, at iba pang pangunahing bilihin. Bunga nito, hindi lamang singil sa kuryente ang tumataas—unti-unti ring nababawasan ang kakayahan ng mga sambahayan at maliliit na negosyo na tustusan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.
Pakikibaka sa tumataas na gastusin
Hindi lamang sa mga datos at ulat nasusukat ang epekto ng pagtaas ng singil sa kuryente. Sa araw-araw na operasyon ng maliliit na negosyo, ramdam ang pagnipis ng kita at pagbigat ng gastusin habang pilit nilang iniiwasang ipasa ang dagdag na pasanin sa kanilang mga mamimili.
Ibinahagi ni Medi Bragado, may-ari ng isang maliit na tindahan, sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) na isa na namang pasaning kailangang isaalang-alang sa pagpapatakbo ng negosyo ang taas-singil sa kuryente. Sa halip na ibigay ang dagdag-gastos sa kanilang mga mamimili, pinipili nilang panatilihin ang presyo ng kanilang mga paninda kahit nababawasan ang maaaring kitain. “Hindi kami nagtataas ng presyo sa mga binebenta namin kahit mula pa noon dahil ang bumibili sa tindahan ay mga karaniwang tao lang tulad namin na nagigipit at hirap din sa budget nila,” ani Bragado.
Kinakaharap din ni Catherine Sy, manager ng Master-A Soya, ang hamon ng pagtugon sa tumataas na gastusin upang maipagpatuloy ang operasyon ng kanilang negosyo. Ibinahagi ni Sy sa APP na nadagdagan ng humigit-kumulang Php2,000 ang kanilang singil sa kuryente nitong mga nakaraang buwan kahit hindi nagbago ang kanilang pagkonsumo sa kuryente.
Sa gitna ng lumolobong gastusin, pinipiling saluhin ng maliliit na negosyo ang dagdag na pasanin sa halip na agad itong ipasa sa kanilang mga mamimili. Kapalit nito, kinakailangan nilang tanggapin ang pagnipis ng kita habang patuloy na ipinaglalaban ang pagpapanatili ng kalidad ng produkto at pagpapatuloy ng kanilang operasyon.
Bigat ng kinabukasan
Hindi lamang usapin ng halaga ng enerhiya ang patuloy na pagtaas ng singil sa kuryente, kundi usapin ng kakayahan ng mga Pilipino na mabuhay at magpatuloy sa gitna ng tumitinding gastusin. Bilang tugon sa krisis na ito, nanawagan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Kongreso sa kaniyang ikalimang State of the Nation Address na emyendahan ang Electric Power Industry Reform Act upang hindi na ipataw sa mga konsyumer ang system loss charges.
Sa kabila nito, nananatiling hamon ang pagpapatupad ng mga reporma sa sektor ng enerhiya. Higit sa pansamantalang ginhawa, kinakailangan ang pangmatagalang mga hakbang upang matiyak ang matatag, sapat, at abot-kayang suplay ng kuryente para sa mga pamilyang Pilipino at maliliit na negosyong araw-araw na humaharap sa tumataas na gastusin.
CONTACT US
app@dlsu.edu.ph
(02) 524-4611 loc. 701
503 Bulwagang Br. Connon,
Pamantasang De La Salle,
2401 Taft Avenue, Maynila, PH