Dibuho ni Samantha Abadier
Dibuho ni Samantha Abadier
BAYAN - Gwen Cabinbin, Jacqui Danielle De Gueño, at Gie Anne Disono
UMABOT sa 98 milyon ang gumagamit ng internet sa Pilipinas batay sa ulat ng Digital 2026: Philippines Report ng Meltwater at We Are Social. Kasabay ng patuloy na paglawak ng paggamit ng streaming, elektronikong transaksiyon, at artificial intelligence (AI), tumitindi rin ang pangangailangan sa mga impraestrukturang kayang tumugon sa lumalaking daloy ng datos at digital na serbisyo. Kabilang na sa mga impraestrukturang ito ang hyperscale data centers—malaki at malawak na pasilidad na idinisenyo para sa pagproseso at pag-imbak ng napakaraming datos, kasama ang mga gawaing nangangailangan ng mataas na kapasidad para sa AI at cloud services.
Bigat ng digital na impraestruktura
Sa likod ng lumalawak na serbisyong digital, kinakailangan ang malalawak na lupain, tuloy-tuloy na suplay ng kuryente, at mga sistemang gumagamit ng tubig upang mapanatili ang operasyon ng mga hyperscale data center. Libo-libong server ang kailangang panatilihin sa wasto at akmang temperatura, dahilan upang maging mahalagang bahagi ng operasyon ang mga sistema ng pagpapalamig. Sa gayong lawak ng operasyon, hindi na maihihiwalay ang paglago ng digital na ekonomiya sa paggamit at pagkonsumo ng pisikal na yaman.
Ipinaliwanag ni Assistant Secretary Celine Dee ng Department of Information and Communications Technology sa Ang Pahayagang Plaridel (APP) na higit na malaki ang saklaw, kapasidad, at dami ng server na kayang patakbuhin ng mga hyperscale data center kompara sa karaniwang mga data center. “Kung ang karaniwang data center ay parang isang tangke ng tubig para sa isang komunidad, ang hyperscale data center ay parang isang malaking dam na nagbibigay ng suplay ng tubig para sa maraming lungsod,” ani Dee.
Sumasalamin ang lawak na ito sa inilunsad na VITRO Santa Rosa sa Santa Rosa, Laguna noong Abril 2025 bilang unang AI-ready hyperscale data center sa Pilipinas. May kapasidad itong 50 megawatts at tinatayang 4,500 racks para sa AI at cloud workloads. Sa ganitong laki ng pasilidad, tumataas din ang pangangailangan sa mga yamang nararapat gamitin upang mapanatili ang tuloy-tuloy na operasyon nito.
Binigyang-diin naman ni Dee ang mataas na pangangailangan ng mga hyperscale data center sa kuryente at tubig. Dahil tuloy-tuloy ang kanilang operasyon, maaari nitong dagdagan ang presyur sa power grid. Gayunman, hindi lamang sa Pilipinas nararanasan ang ganitong hamon. Sa pandaigdigang antas, tinatayang maaaring umabot sa 945 terawatt-hours ang taunang konsumo ng kuryenteng may kaugnayan sa AI data centers pagsapit ng 2030. Kasabay nito, inaasahang lalawak din ang pangangailangan ng mga ito sa tubig at lupa—mga yamang may hangganan ang suplay sa harap ng mabilis na paglawak ng teknolohiya.
Pangako ng paglago
Gayunman, hindi maikakaila ang mga benepisyong ipinapangako ng paglawak ng ganitong impraestruktura. Hindi lamang karagdagang gusali ang pagpasok ng mga hyperscale data center sa bansa; bahagi rin ang mga ito ng mas malawak na pagtulak tungo sa digital transformation.
Inilahad ni Dee na nagsisilbing pundasyon ang AI at cloud infrastructure para sa computing power, data storage, at networking na maaaring gamitin ng mga negosyo, ahensiya ng pamahalaan, at iba pang institusyon. Sa pamamagitan nito, maaaring mapabilis ang mga serbisyong digital sa sektor ng pananalapi, pangangalagang pangkalusugan, edukasyon, at mga transaksiyon sa pamahalaan.
Kaakibat ng paglawak ng impraestruktura ang posibilidad ng karagdagang pamumuhunan at trabaho. Dagdag ni Dee, “Para sa Pilipinas, nangangahulugan ito na habang lumalago ang investments, trabaho, at kasanayan, tumataas din ang productivity ng ekonomiya, na nagreresulta sa mas mataas na GDP growth, mas maraming negosyo na naeengganyo mag-operate sa bansa, at mas malakas na digital competitiveness ng Pilipinas sa global stage.”
Subalit, hindi sapat ang pagtatayo ng mga pasilidad upang masabing handa na ang bansa sa mabilis na mga data center at serbisyong digital. Kailangang sabayan ito ng sapat na pamumuhunan, kasanayan, at ecosystem na makatutugon sa lumalaking pangangailangan ng teknolohiya.
Sa panayam sa APP, inilahad ni Atty. Jocelle Batapa-Sigue, dating pangulo ng National ICT Confederation of the Philippines, na nahuhuli pa ang Pilipinas kompara sa ilang bansa sa Timog-Silangang Asya sa AI at cloud infrastructure. “Sa kasalukuyan, we are so behind. Kung ikokompara mo sa ibang Southeast Asian countries tulad ng Singapore at Malaysia, talagang nahuhuli tayo. Dito sa Pilipinas, bilang na bilang pa lang talaga ang mga industriya at infrastructure that govern the use of AI. We are always using international governance,” aniya.
Yamang saklaw ng pagpapalawak
Kasabay ng ipinapangakong pag-unlad, lumalaki rin ang tanong sa lawak ng lupa at likas-yamang kakailanganin para sa pag-usbong ng impraestrukturang digital. Sa pagtataya ni Dee, maaaring lumaki rin ang pangangailangan sa kuryente at tubig sa mabilis na pagdami ng mga data center, lalo na sa mga lugar na limitado ang suplay ng mga ito.
Isa sa mga proyektong naglalantad sa ganitong usapin ang Pax Silica Economic Security Zone sa New Clark City, Capas, Tarlac. Higit pa sa isang hyperscale data center, nakapaloob dito ang mas malawak na ecosystem para sa AI, advanced manufacturing, at semiconductor-related industries. Saklaw ng iminungkahing proyekto ang humigit-kumulang 1,600 ektarya ng lupa. Gayunman, sinalubong ito ng pagtutol mula sa mga magsasaka at miyembro ng komunidad ng Aeta sa Capas dahil sa pangambang maaapektuhan ang kanilang lupang sinasaka, kabuhayan, tahanan, at pinagkukunan ng tubig.
Mariin namang tinututulan ni Cathleen de Guzman, national coordinator ng Kalikasan People's Network for the Environment, ang Pax Silica sa kaniyang panayam sa APP. Aniya, “Ang pagtingin natin sa Pax Silica ay kahit kailanman hindi nito matutugunan ‘yung pangangailangan ng mamamayan dahil ‘yung tubig sana na mapupunta sa mamamayan ay kukunin ng Pax Silica at ang lupa na para sana sa magsasaka ay kukunin ng Pax Silica.”
Samantala, iginiit ng Bases Conversion and Development Authority, korporasyong nangangasiwa sa pagpapaunlad ng mga dating base militar at mga lupang pag-aari nito, na pinag-aaralan nito ang pag-iipon at paggamit ng tubig mula sa mga anyong-tubig sa ibabaw ng lupa upang matugunan ang pangangailangan at mabawasan ang pagkuha ng tubig sa ilalim ng lupa.
Sa patuloy na pagpasok ng mga ganitong proyekto, nananatiling hamon ang pagtugon sa lumalaking pangangailangan para sa mga data center habang isinasaalang-alang ang paggamit ng lupa, tubig, at enerhiya at ang mga epekto nito sa mga komunidad. Sa ganitong konteksto, hindi lamang dami ng mga data center ang nasusukat sa paglawak ng digital na ekonomiya, kundi pati ang kakayahan ng bansa na suportahan ang kanilang operasyon nang naaayon sa kapasidad ng mga yamang pinagkukunan nito.
CONTACT US
app@dlsu.edu.ph
(02) 524-4611 loc. 701
503 Bulwagang Br. Connon,
Pamantasang De La Salle,
2401 Taft Avenue, Maynila, PH