ABSTRACT
Nakapokus ang pag-aaral na ito sa paglalawan sa profile ng mga mag-aaral at kaugnayan nito sa pamaraang ginagamit sa pananaliksik, kaugalian sa pagtuklas at pagsuri sa pananaliksik at mga batayang kasanayan sa pananaliksik gayundin ang pamaraang karaniwang ginagamit ng mga mag-aaral sa pananaliksik at antas ng kaugalian at kasanayan sa pagsasagawa ng pananaliksik. Natuklasan sa pag-aaral na karamihan sa mga respondente ay kababaihan, wikang Iloko ang ginagamit bilang unang wika, ang pagbabasa ng mga piksiyon na uri ng babasahin ang kanilang kinagigiliwang babasahin at ang paggamit ng selpon at laptop ang kagamitang panteknolohiyang ginagamit sa pananaliksik. May makabuluhang ugnayan ang mga profile ng mga respondent sa pamaraan, kaugalian at batayang kasanayan ng mga mag-aaral sa pagsusuri ng pananaliksik. Palaging ginagamit ang sarbey at partisipatoryo na disenyo na pamaraan sa pagsusuri sa pananaliksik sa Filipino. Ang sosyolohikal na pamaraan ang palagiang ginagamit bilang disiplina sa pananaliksik sa Filipino. Madalas gamitin ang pagtatanong–tanong bilang pamaraan sa pangangalap ng mga datos sa pananaliksik sa Filipino. Palaging ginagamit ang kwestyuner, pakikilahok, pagmamatyag, pakikisama, pagmamasid, pakikisalamuha at pakikisangkot bilang pamaraan sa pangangalap ng datos sa pananaliksik sa Filipino. Ang kaugaliang namumukod - tangi sa pananaliksik sa Filipino ay ang pagpapalitaw sa sarili, kapwa at komunidad. Ang mga batayang kasanayan ng mga mag-aaral sa pananaliksik sa Filipino ay luminang ng abilidad na humanap, kumalap, sumuri at tumimbang sa bisa ng impormasyon upang patalasin ang imahinasyong sosyolohikal, paguugnay ng sarili sa mga nagaganap sa lipunan, kultura, at wika.
Keywords: kasanayan, kaugalian, pananaliksik, mag-aaral, senior high school