Ang Araling Panlipunan ay nakatuon sa pag-unawa sa kasalukuyang lipunan habang patuloy na nakaugat sa nakaraan. Gagamitin ng mga mag-aaral ang mga kaalamang ito upang makabuo ng napagnilayang desisyon tungo sa isang mas mabuting hinaharap.
Sa pagtalakay ng mga aralin, ginagabayan ang mga guro ng asignatura ng sumusunod na pananaw at paniniwala:
Nilalayon ng programa ng Araling Panlipunan ng Ateneo de Manila Junior High School na hubugin sa bawat mag-aaral ang damdamin ng pagiging “mamamayan-para-sa-kapwa”, mga mamamayang nagtataglay ng mga sumusunod na katangian: panlipunang kamulatan, panlipunang kamalayan at panlipunang pakikisangkot.
Upang bigyang buhay ang pananaw na ito, ginagamit ang mga sumusunod na silabo:
Silabo A – Batayang Aklat o Natipong Kagamitang Panturo:
Pagsusuri sa mga pangyayari sa nakaraan at sa mga aral na itinuturo ng mga pangyayaring ito.
Silabo B – Balitaan:
Pagtalakay ng mga kasalukuyang pangyayari kung saan magagamit ang mga aral ng nakaraan sa pagkakaroon ng isang malalim at kritikal na pag-unawa sa ating lipunan.
Silabo C – Pakikisangkot:
Pagsasabuhay ng paninindigan sa pamamagitan ng aktibong pagkilos sa lipunang kinabibilangan.
Inaasahang sa pag-aaral ng mga ito, mabibigyan ng lakas ng loob ang bawat mag-aaral na higit na mamulat, maging malay at makisangkot sa mga isyung kinahaharap ng bayan.
Gagabayan ang mga guro at mag-aaral ng sumusunod na pagpapakahulugan sa nilalayong taglay na katangian ng mga mag-aaral:
Mulat:
Pagkakaroon ng kaalaman at kabukasan upang tumuklas at higit na palawakin ang pananaw sa lipunan
Malay:
Pagkakaroon ng paninindigang mapaangat at mapabuti ang lipunan
Nakikisangkot:
Pagsasabuhay ng paninindigan sa pamamagitan ng aktibong pagkilos sa lipunang kinabibilangan