Mga Pagbasa mula sa
Lunes ng Ika-21 na Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
UNANG PAGBASA
1 Tesalonica 1, 1-5. 8b-10
Ang simula ng unang sulat ni Apostol San Pablo
sa mga taga-Tesalonica
Mula kina Pablo, Silas, at Timoteo –
Sa simbahan sa Tesalonica – mga hinirang ng Diyos Ama at ng Panginoong Hesukristo:
Sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaan.
Lagi kaming nagpapasalamat sa Diyos dahil sa inyo at tuwina’y isinasama namin kayo sa aming dalangin. Ginugunita namin sa harapan ng ating Diyos at Ama ang inyong mga gawang bunga ng pananampalataya, ang inyong mga pagpapagal na udyok ng pag-ibig, at ang matibay ninyong pag-asa sa Panginoong Hesukristo. Nalalaman namin, mga kapatid, na kayo’y hinirang ng Diyos na nagmamahal sa inyo. Ang Mabuting Balita na lubos naming pinaniniwalaan ay ipinahayag namin sa inyo hindi sa salita lamang. Ito’y may kapangyarihan at patotoo ng Espiritu Santo. Nakita ninyo kung paano kami namuhay sa inyong piling – ito’y ginawa namin para sa inyong kabutihan. Sapagkat hindi lamang ang salita ng Panginoon ang lumalaganap sa Macedonia at Acaya sa pamamagitan ninyo. Pati ang balita tungkol sa inyong pananampalataya ay kumalat sa lahat ng dako. Anupat hindi na kailangang magsalita pa kami tungkol dito. Sila na ang nagbabalita kung paano ninyo kami tinanggap. Sila rin ang nagsabing tinalikdan na ninyo ang pagsamba sa mga diyus-diyusan upang maglingkod sa tunay at buhay na Diyos, at maghintay sa kanyang Anak na si Hesus. Siya ang muling binuhay na magbabalik mula sa langit at magliligtas sa atin sa darating na poot ng Diyos.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 149, 1-2. 3-4. 5 at 6a at 9b
Panginoo’y nagagalak
sa hirang n’yang mga anak.
o kaya: Aleluya.
Ang Panginoo’y purihin, awitan ng bagong awit,
purihin sa pagtitipon ng tapat sa pananalig.
Magalak ka, O Israel, dahilan sa Manlilikha;
dahilan sa iyong hari, ikaw Sion ay matuwa.
Panginoo’y nagagalak
sa hirang n’yang mga anak.
Purihin sa pagsasayaw, purihin ang kanyang ngalan;
alpa’t tambol ay tugtugin at siya ay papurihan.
Panginoo’y nagagalak sa kanyang mga hirang,
sa nangagpapakumbaba’y tagumpay ang ibibigay.
Panginoo’y nagagalak
sa hirang n’yang mga anak.
Sa tagumpay na natamo, magalak ang mga hirang,
sa kanilang pagpipista ay magsaya’t mag-awitan.
Sa pagpuri sa Panginoon, ay bayaang magsigawan.
Ang tatanggap ng tagumpay, ay ang kanyang mga hirang.
Panginoo’y nagagalak
sa hirang n’yang mga anak.
ALELUYA
Juan 10, 27
Aleluya! Aleluya!
Ang tinig ko’y pakikinggan
ng kabilang sa ‘king kawan,
ako’y kanilang susundan.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 23, 13-22
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus, “Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Pariseo! Mga mapagpaimbabaw! Hinahadlangan ninyo ang mga tao upang hindi sila mapagharian ng Diyos. Ayaw na ninyong pasakop sa paghahari ng Diyos, hinahadlangan pa ninyo ang ibig pasakop!
“Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Pariseo! Mga mapagpaimbabaw! Inuubos ninyo ang kabuhayan ng mga babaing balo, at ang sinasangkalan ninyo’y ang pagdarasal nang mahaba! Dahil dito’y lalo pang bibigat ang parusa sa inyo!
“Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Pariseo! Mga mapagpaimbabaw! Nilalakbay ninyo ang karagatan at ginagalugad ang buong daigdig, makahikayat lamang kayo ng kahit isang Hentil sa pananampalatayang Judio. At kung mahikayat na’y ginagawa ninyong masahol pa kaysa inyo, kaya’t nagiging ibayo ang dahilan para siya’y parusahan sa impiyerno.
“Sa aba ninyo, mga bulag na taga-akay! Itinuturo ninyo na kung ipanumpa ninuman ang templo, walang anuman ito, ngunit kung ang ipanumpa ay ang ginto ng templo, dapat niyang tuparin ang kanyang sumpa. Mga bulag! Mga hangal! Alin ang mas mahalaga, ang ginto o ang templong nagpapabanal sa ginto? Sinasabi rin ninyo na kung ipanumpa ninuman ang dambana, walang anuman ito, ngunit kung ang ipanumpa ay ang handog na nasa dambana, dapat niyang tupdin ang kanyang sumpa. Mga bulag! Alin ba ang mas mahalaga, ang handog o ang dambanang nagpapabanal sa handog? Kaya nga, kapag ipinanumpa ninuman ang dambana, ipinanunumpa niya iyon at ang lahat ng handog na naroon. Kapag ipinanumpa ninuman ang templo, ipinanunumpa niya iyon at ang tumatahan doon. At kapag ipinanumpa ninuman ang langit, ipinanunumpa niya ang trono ng Diyos at ang nakaluklok doon.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Pahayag 21, 9b-14
Pagbasa mula sa aklat ng Pahayag
Wika ng anghel sa akin, “Halika, at ipakikita ko sa iyo ang Babaing makakaisang-dibdib ng Kordero.” Nilukuban ako ng Espiritu, at inihatid ako ng anghel sa ibabaw ng isang napakataas na bundok. Ipinakita niya sa akin ang Jerusalem, ang Banal ng Lungsod, na bumababa mula sa langit buhat sa Diyos. Nagliliwanag ito dahil sa kaningningan ng Diyos; kumikislap na gaya ng hiyas na haspeng sinlinaw ng kristal. Ang pader nito’y makapal at mataas at may labindalawang pinto, bawat isa’y may bantay na anghel. Nakasulat sa mga pinto ang pangalan ng labindalawang lipi ng Israel. Tatlo ang pinto ng bawat panig: tatlo sa silangan, tatlo sa timog, tatlo sa hilaga, at tatlo sa kanluran. Ang pader ng lungsod ay may labindalawang saligang-bato at nakasulat dito ang pangalan ng labindalawang apostol ng Kordero.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 144, 10-11. 12-13ab. 17-18
Talastas ng mga tao
dakilang paghahari mo.
Magpupuring lahat sa iyo, O Panginoon, ang iyong nilalang;
lahat mong nilikha ay pupurihin ka’t pasasalamatan.
Babanggitin nilang tunay na dakila ang ‘yong kaharian,
at ibababalitang tunay kang dakila’t makapangyarihan.
Talastas ng mga tao
dakilang paghahari mo.
Dakila mong gawa’y upang matalastas ng lahat ng tao,
mababatid nila ang kadikalaan ng paghahari mo.
Ang paghahari mo’y sadyang walang hanggan, hindi magbabago.
Talastas ng mga tao
dakilang paghahari mo.
Matuwid ang Diyos sa lahat ng bagay niyang ginagawa;
kahit anong gawin ay kalakip doon ang habag at awa.
Siya’y nakikinig at handang tumulong sa lahat ng tao
sa sinumang taong pagtawag sa kanya’y tapat at totoo.
Talastas ng mga tao
dakilang paghahari mo.
ALELUYA
Juan 1, 49b
Aleluya! Aleluya!
Guro, Anak na Butihin
ng Diyos Amang masintahin,
ika’y hari ng Israel.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 1, 45-51
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, hinanap ni Felipe si Natanael, at sinabi rito, “Natagpuan namin si Hesus na taga-Nazaret, ang anak ni Jose. Siya ang tinutukoy ni Moises sa kanyang sinulat sa Kautusan, at gayun din ng mga propeta.” “May nagmumula bang mabuti sa Nazaret?” Tanong ni Natanael. Sumagot si Felipe, “Halika’t tingnan mo.”
Nang malapit na si Natanael ay sinabi ni Hesus, “Masdan ninyo ang isang tunay na Israelita; siya’y hindi magdaraya!” Tinanong siya ni Natanael, “Paano ninyo ako nakilala?” Sumagot si Hesus, “Bago ka pa tawagin ni Felipe, nakita na kita nang ikaw ay nasa ilalim ng puno ng igos.” “Rabi, kayo po ang Anak ng Diyos! Kayo ang Hari ng Israel!” wika ni Natanael. Sinabi ni Hesus, “nanampalataya ka ba dahil sa sinabi ko sa iyong nakita kita sa ilalim ng puno ng igos? Makakikita ka ng mga bagay na higit kaysa rito!” At sinabi niya sa lahat, “Tandaan ninyo: makikita ninyong bukas ang langit, at ang mga anghel ng Diyos ay manhik-manaog sa kinaroroonan ng Anak ng Tao!”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
1 Tesalonica 2, 9-13
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga Taga-Tesalonica
Tiyak na natatandaan pa ninyo, mga kapatid, kung paano kami gumawa at nagpagal araw-gabi para hindi kami maging pasanin ninuman samantalang ipinahahayag namin sa inyo ang Mabuting Balita.
Saksi namin kayo at gayun din ang Diyos na kami ay tapat, mabuti, at ganap sa pakikitungo sa inyo na mga sumasampalataya. Tulad ng alam ninyo, kami’y naging parang ama ng bawat isa sa inyo. Pinalakas namin ang inyong loob, inaliw kayo at hinimok na mamuhay nang tapat sa paningin ng Diyos na humirang sa inyo upang makahati sa kanyang kaharian at kaluwalhatian.
Ito pa ang lagi naming ipinagpapasalamat sa Diyos: nang ipangaral namin sa inyo ang kanyang salita, tinanggap ninyo ito bilang tunay na salita ng Diyos, at hindi ng tao. Anupat ang bisa nito’y nakikita sa buhay ninyo mga sumasampalataya.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 138, 7-8. 9-10. 11-12ab
Ako’y iyong siniyasat,
kilala mo akong ganap.
Saan ako magpupunta, upang ako’y makatakas?
Sa Banal mong Espiritu’y hindi ako makaiwas.
Kung langit ang puntahan ko, pihong ika’y naroroon,
sa Sheol ay naroon ka kung do’n ako manganganlong.
Ako’y iyong siniyasat,
kilala mo akong ganap.
Kung ako ay makalipad, umiwas na pasilangan,
o kaya ang tirahan ko’y ang duluhan ng kanluran;
pihong ikaw ay naroon, upang ako’y pangunahan,
Matatagpo kita roon upang ako ay tulungan.
Ako’y iyong siniyasat,
kilala mo akong ganap.
Kung ang aking pagtaguan ay ang dilim na pusikit,
padiliming parang gabi ang liwanag sa paligid;
maging itong kadiliman sa iyo ay hindi dilim,
at sa iyo yaong gabi’y parang araw na maningning.
Ako’y iyong siniyasat,
kilala mo akong ganap.
ALELUYA
1 Juan 2, 5
Aleluya! Aleluya!
Lubos na magtatamasa
ng pag-ibig ng D’yos Ama
ang sumunod sa Anak n’ya.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 23, 27-32
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus, “Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Pariseo! Mga mapagpaimbabaw! Ang katulad ninyo’y mga libingang pinaputi, magaganda sa labas, ngunit sa loob ay puno ng kabulukan at buto ng mga patay. Ganyang-ganyan kayo! Sa paningin ng tao’y mabubuti kayo, ngunit ang totoo, punung-puno kayo ng pagpapaimbabaw at kasamaan.
“Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Pariseo! Mga mapagpaimbabaw! Ipinagtatayo ninyo ng mga libingan ang mga propeta at ginagayakan ang mga puntod ng mga taong namuhay nang matuwid. At sinasabi ninyo, ‘Kung kami sana’y nabuhay sa kapanahunan ng aming mga ninuno, hindi namin ipapapatay ang mga propeta.’ Sa sinabi ninyong iyan, inaamin ninyong kayo’y mga anak ng mga nagpapatay sa mga propeta! Sige! Tapusin ninyo ang pinasimulan ng inyong mga ninuno!”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
1 Tesalonica 3, 7-13
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo
sa mga taga-Tesalonica
Dahil sa inyong pananalig kay Kristo, mga kapatid, naaliw kami sa gitna ng aming hirap at pagkabalisa. Ang pananatili ninyong matatag sa pananampalataya ang nagpasigla sa buhay namin. Paano kaya namin mapasasalamatan nang sapat ang Diyos sa kagalakang dulot ninyo sa amin? Mataimtim naming idinadalangin araw-gabi na kayo’y muli naming makita at matulungan sa ikagaganap ng inyong pananampalataya.
Loobin nawa ng ating Diyos at Ama at ng ating Panginoong Hesukristo na makapunta kami riyan. Palaguin nawa at pag-alabin ng Panginoon ang inyong pag-ibig sa isa’t isa at sa lahat ng tao, tulad ng pag-ibig namin sa inyo. Kung ito ang mangyayari, palalakasin niya ang inyong loob. Sa gayun, kayo’y mananatiling banal at walang kapintasan sa harapan ng ating Diyos at Ama hanggang sa muling pagdating ng ating Panginoong Hesus, kasama ang mga hinirang niya.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 89, 3-4. 12-13. 14 at 17
Pag-ibig mo’y ipadama,
aawit kaming masaya.
Yaong taong nilikha mo’y bumabalik sa alabok
sa lupa ay nagbabalik kapag iyong iniutos.
Ang sanlibong mga taon, ay para bang isang araw,
sa mata mo, Panginoon, isang kisap-mata lamang;
isang saglit sa magdamag na ito ay dumaraan.
Pag-ibig mo’y ipadama,
aawit kaming masaya.
Yamang itong buhay nami’y maikli lang na panahon,
itanim sa isip namin upang kami ay dumunong
hanggang kailan magtitiis na magdusa, Panginoon,
kaming iyong mga lingkod na naghihirap sa ngayon.
Pag-ibig mo’y ipadama,
aawit kaming masaya.
Kung umaga’y ipadama ang pag-ibig mo’t paggiliw
at sa aming buong buhay may galak ang awit namin.
Panginoon naming Diyos, kami sana’y pagpalain,
magtagumpay sana kami sa anumang aming gawin.
Pag-ibig mo’y ipadama,
aawit kaming masaya.
ALELUYA
Mateo 24, 42a. 44
Aleluya! Aleluya!
Lagi tayong magtanod
sapagkat di natin talos
ang pagbabalik ni Hesus.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 24, 42-51
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Kaya magbantay kayo, sapagkat hindi ninyo alam kung anong araw paririto ang inyong Panginoon. Tandaan ninyo ito: kung alam lamang ng puno ng sambahayan kung anong oras ng gabi darating ang magnanakaw, siya’y magbabantay at hindi niya pababayaang pasukin ang kanyang bahay. Kaya maging handa kayong lagi, sapagkat darating ang Anak ng Tao sa oras na di ninyo inaasahan.
“Ang tapat at matalinong alipin ang siyang pinapamahala ng kanyang panginoon sa ibang mga alapin, upang bigyan sila ng kanilang pagkain sa karampatang panahon. Mapalad ang aliping iyon, kapag dinatnan siyang gumagawa ng gayun sa pagbabalik ng kanyang panginoon! Sinasabi ko sa inyo: pamamahalain siya ng kanyang panginoon sa lahat ng kanyang ari-arian. Ngunit kung masama ang aliping iyon, sasabihin niya sa sarili, ‘Matatagalan pa bago magbalik ang aking panginoon,’ at sisimulang bugbugin ang kanyang mga kapawa alipin, at makipagkainan at makipag-inuman sa mga lasenggo. Babalik ang panginoon ng aliping iyon sa araw na hindi niya inaasahan at sa oras na hindi niya alam. Buong higpit na parurusahan siya ng Panginoon, at isasama sa mga mapagpaimbabaw. Doo’y tatangis siya at magngangalit ang kanyang ngipin.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
1 Tesalonica 4, 1-8
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo
sa mga taga-Tesalonica
Mga kapatid, isa pang bagay ang ipinapayo namin sa inyo sa pangalan ng Panginoong Hesus. Sana’y lalo pang pagbutihin ninyo ang pamumuhay ninyo ngayon — pamumuhay na ayon sa inyong natutuhan sa amin — upang kayo’y maging kalugud-lugod sa Diyos. Batid naman ninyo ang mga aral na ibinigay namin sa inyo buhat sa Panginoong Hesus. Ibig ng Diyos na kayo’y magpakabanal at lumayo sa kahalayan. Dapat maging banal at marangal ang layunin ng sinuman sa kanyang pag-aasawa, at hindi pagsunod lamang sa pita ng laman, tulad ng inaasal ng mga taong hindi nakakakilala sa Diyos. Sa gayun, hindi yuyurakan ninuman ang karapatan ng kanyang kapwa ni pupugayan man ng dangal. Tulad ng sinabi namin sa inyo noon pa at mahigpit na ibinabala, parurusahan ng Panginoon ang gumawa ng ganitong kasamaan. Tayo’y tinawag ng Diyos upang mamuhay sa kalinisan, hindi sa kahalayan. Kaya, ang sinumang humamak sa aral na ito ay humahamak, hindi sa tao, kundi sa Diyos na siyang nagkakaloob sa atin ng kanyang Espiritu Santo.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 96, 1 at 2b. 5-6. 10. 11-12
Sa Panginoo’y magalak
ang masunuri’t matapat.
Ang Poon ay maghahari, magalak ang kalupaan!
Lahat kayong mga pulo ay magsaya at magdiwang!
Kaharian niya’y tapat at salig sa katarungan.
Sa Panginoo’y magalak
ang masunuri’t matapat.
Yaong mga kabunduka’y natutunaw, parang pagkit,
sa harapan ng dakilang Panginoon ng daigdig.
Sa langit ay nahahayag yaong kanyang katuwiran,
sa lupa ay makikita ang kanyang kadakilaan.
Sa Panginoo’y magalak
ang masunuri’t matapat.
Ang lahat ng namumuhi sa masama’y mahal ng Diyos,
at siya ang nag-iingat sa buhay ng mga lingkod;
ililigtas niya sila sa kamay ng mga buktot.
Sa Panginoo’y magalak
ang masunuri’t matapat.
Sa tapat ang pamumuhay ay sisinag ang liwayway,
sa dalisay namang puso maghahari’y kagalakan.
Ang matuwid ang gawain ay galak ang masusumpong,
sa maraming kabutihang ginawa ng Panginoon;
ang ginawa niyang ito’y dapat nating gunitain,
at sa Poon ay iukol ang papuring walang maliw!
Sa Panginoo’y magalak
ang masunuri’t matapat.
ALELUYA
Lucas 21, 36
Aleluya! Aleluya!
Manalanging walang humpay
samantalang hinihintay
si Hesus na Poong mahal.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 25, 1-13
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad ang talinghagang ito: “Dito maitutulad ang pagpasok sa kaharian ng Diyos: may sampung dalagang lumabas upang sumalubong sa lalaking ikakasal. Bawat isa’y may dalang ilawan. Ang lima sa kanila’y hangal at ang lima’y matalino. Ang mga hangal ay nagdala ng kanilang mga ilawan ngunit hindi nagbaon ng langis. Subalit ang matatalino’y nagdala ng langis bukod pa sa nasa kanilang ilawan. Nabalam ng dating ang lalaking ikakasal, kaya’t inantok silang lahat at nakatulog.
Ngunit nang hatinggabi na’y may sumigaw: ‘Narito na ang lalaking ikakasal! Salubungin ninyo!’ Agad nagbangon ang sampung dalaga at inayos ang kanilang ilawan. Sinabi ng mga hangal sa matatalino, ‘Bigyan naman ninyo kami ng kaunting langis. Aandap-andap na ang aming mga ilawan, e!’ ‘Baka hindi magkasiya ito sa ating lahat,’ tugon ng matatalino. ‘Mabuti pa’y pumunta muna kayo sa nagtitinda at bumili ng para sa inyo.’ Kaya’t lumakad ang limang hangal na dalaga. Samantalang bumibili sila, dumating ang lalaking ikakasal. Ang limang nakahanda ay kasama niyang pumasok sa kasalan, at ipininid ang pinto.
Pagkatapos, dumating naman ang limang hangal na dalaga. ‘Panginoon, papasukin po ninyo kami!’ sigaw nila. Ngunit tumugon siya, ‘Sinasabi ko sa inyo: hindi ko kayo nakikilala.’ Kaya magbantay kayo, sapagkat hindi ninyo alam ang araw ni ang oras.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
1 Tesalonica 4, 9-11
Pagbasa mula sa Unang sulat ni Apostol San Pablo
sa mga taga-Tesalonica
Mga kapatid, hindi na kailangang paalalahanan pa kayo tungkol sa pag-ibig na dapat iukol sa mga kapatid sa pananampalataya, yamang itinuro na sa inyo ng Diyos kung paano kayo mag-iibigan. At ito nga ang ginagawa ninyo sa mga kapatid sa Macedonia. Gayunman, ipinakikiusap pa rin namin sa inyo, mga kapatid, na pag-ibayuhin ninyo ang inyong pag-ibig. Pagsikapin ninyong mamuhay nang tahimik. Ang inyong harapin ay ang sarili ninyong gawain. Magpagal kayo para sa inyong ikabubuhay tulad ng sinabi namin sa inyo.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 97, 1. 7-8. 9
Poong Hukom ay darating,
taglay ang katarungan natin.
Umawit ng bagong awit at sa Poon ay ialay,
pagkat yaong ginawa n’ya ay kahanga-hangang tunay!
Sa sariling lakas niya at taglay na kabanalan,
walang hirap na natamo yaong hangad na tagumpay.
Poong Hukom ay darating,
taglay ang katarungan natin.
Umingay ka, karagatan, at lahat ng lumalangoy,
umawit ang daigdigan at lahat ng naroroon.
Umugong sa palakpakan pati yaong kalaliman;
umawit ding nagagalak ang lahat ng kabundukan.
Poong Hukom ay darating,
taglay ang katarungan natin.
Pagkat siya’y dumarating maghahari sa daigdig;
taglay niya’y katarungan at paghatol na matuwid.
Poong Hukom ay darating,
taglay ang katarungan natin.
ALELUYA
Juan 13, 34
Aleluya! Aleluya!
Bagong utos, ani Kristo,
mag-ibigan sana kayo
katulad ng pag-ibig ko.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 25, 14-30
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad ang talinghagang ito: “Ang paghahari ng Diyos ay maitutulad dito: May isang taong maglalakbay, kaya tinawag niya ang kanyang mga alipin at ipinagkatiwala sa kanila ang kanyang ari-arian. Binigyan niya ng salapi ang bawat isa ayon sa kanya-kanyang kakayahan: binigyan niya ang isa ng limang libong piso, ang isa nama’y dalawang libong piso, at ang isa pa’y isang libong piso. Pagkatapos, siya’y umalis. Humayo agad ang tumanggap ng limang libong piso at ipinangalakal iyon. At nagtubo siya ng limang libong piso. Gayun din naman, ang tumanggap ng dalawang libong piso ay nagtubo ng dalawang libong piso. Ngunit ang tumanggap ng isang libong piso ay humukay sa lupa at itinago ang salapi ng kanyang panginoon.
Pagkaraan ng mahabang panahon, bumalik ang panginoon ng mga aliping iyon at pinapagsulit sila. Lumapit ang tumanggap ng limang libo. Wika niya, ‘Panginoon, heto po ang limang libo na bigay ninyo sa akin. Heto pa po ang limang libo na tinubo ko.’ Sinabi sa kanya ng panginoon, ‘Magaling! Tapat ay mabuting alipin! Yamang naging tapat ka sa kaunting halaga, pamamahalain kita sa malaking halaga. Makihati ka sa aking kagalakan!’ Lumapit din ang tumanggap ng dalawang libo, at ang sabi, ‘Panginoon, heto po ang ibinigay ninyong dalawang libo. Heto naman po ang dalawang libong piso na tinubo ko.’ Sinabi ng kanyang panginoon, ‘Magaling! Tapat at mabuting alipin! Naging tapat ka sa kaunting halaga, kaya pamamahalain kita sa malaking halaga. Makihati ka sa aking kagalakan.’ At lumapit naman ang tumanggap ng isang libong piso. ‘Alam ko pong kayo’y mahigpit,’ aniya. ‘Gumagapas kayo sa hindi ninyo tinamnan, at nag-aani sa hindi ninyo hinasikan. Natakot po ako, kaya’t ibinaon ko sa lupa ang inyong salapi. Heto na po ang isang libo ninyo.’ ‘Masama at tamad na alipin!’ tugon ng kanyang panginoon. ‘Alam mo palang gumagapas ako sa hindi ko tinamnan at nag-aani sa hindi ko hinasikan! Bakit hindi mo iyan inilagak sa bangko, di sana’y may nakuha akong tubo ngayon? Kunin ninyo sa kanya ang isang libong piso at ibigay sa may sampung libo. Sapagkat ang mayroon ay bibigyan pa, at mananagana; ngunit ang wala, kahit ang kakaunting nasa kanya ay kukunin pa. Itapon ninyo sa kadiliman sa labas ang aliping walang kabuluhan. Doo’y tatangis siya at magngangalit ang kanyang ngipin.’”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Deuteronomio 4, 1-2. 6-8
Pagbasa mula sa aklat ng Deuteronomio
Sinabi ni Moises sa mga tao: “Ngayon, mga Israelita, upang mabuhay kayo nang matagal at makarating sa lupaing ibinigay sa inyo ng Panginoon, unawain ninyong mabuti at sundin ang tuntuning itinuturo ko sa inyo. Huwag ninyo itong daragdagan ni babawasan. Sundin ninyo ito nang walang labis at walang kulang. Unawain ninyo ito at sunding mabuti. Sa gayon, makikita ng ibang bansa ang inyong karunungan at lawak ng pang-unawa. Sa gayon, hindi nila mapipigilang sabihin ang ganito: ‘Ang bansang ito’y matalino at may malawak na pagkaunawa.’
“Sinong diyos ng ibang bansa ang handang tumulong anumang oras liban sa Panginoon? Aling bansa ang may tuntuning kasing inam ng mga tuntuning ibinigay ko sa inyo ngayon?”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 14, 2-3a. 3kd-4ab. 5
Sino kayang tatanggapin
sa templo ng Poon natin?
Yaong mga masunurin na sa iyo’y nakikinig,
at ang laging ginagawa’y naaayon sa matuwid,
kung mangusap ay totoo, sa lahat at bawat saglit,
yaong gawang paninira’y hindi niya naiisip.
Sino kayang tatanggapin
sa templo ng Poon natin?
Kailanman, siya’y tapat makisama sa kapwa,
sa kanyang kaibiga’y wala siyang maling gawa;
hindi siya nagkakalat ng di tunay na balita.
At itinatampok niya ang matapat sa lumikha.
Sino kayang tatanggapin
sa templo ng Poon natin?
Hindi siya humihingi ng patubo sa pautang,
at kahit na anong gawi’y hindi siya masuhulan,
upang yaong walang sala’y patawan ng kasalanan.
Ang ganitong mga tao’y mag-aani ng tagumpay.
Sino kayang tatanggapin
sa templo ng Poon natin?
IKALAWANG PAGBASA
Santiago 1, 17-18. 21b-22. 27
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol Santiago
Mga kapatid, bawat kaloob na mabuti at ganap ay buhat sa langit, mula sa Ama na lumikha ng mga tanglaw sa langit. Hindi siya nagbabago. Hindi niya tao iniiwan o binabayaan man sa dilim. Niloob niyang tayo’y maging anak niya sa pamamagitan ng salita ng katotohanan, upang matangi tayo at maging higit sa lahat ng kanyang mga nilalang.
Buong pagpapakumbabang tanggapin ang salita ng Diyos na natanim sa inyong puso. Ito ang makapagliligtas sa inyo.
Mamuhay kayo ayon sa salita ng Diyos. Kung ito’y pinakikinggan lamang ninyo ngunit hindi isinasagawa, dinadaya ninyo ang inyong sarili.
Ganito ang pagkarelihiyoso na minamarapat at kinalulugdan ng ating Diyos at Ama: tulungan ang mga ulila at mga babaing balo sa kanilang kahirapan, at ingatan ang sarili na huwag mahawa sa kasamaan ng sanlibutang ito.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Santiago 1, 18
Aleluya! Aleluya!
Magulang nati’y D’yos Ama,
anak ng salita niya
tayong mga aning una.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 7, 1-8. 14-15. 21-23
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, may mga Pariseo at ilang eskribang galing sa Jerusalem, na lumapit kay Hesus. Nakita nila na ang ilan sa mga alagad ni Hesus ay kumain nang hindi muna naghugas ng kamay sa paraang naaayon sa turong minana nila.
Ang mga Judio, lalo na ang mga Pariseo, ay hindi kumakain hangga’t hindi nakapaghuhugas ng kamay ayon sa mga turong minana nila sa kanilang mga ninuno. Hindi rin sila kumakain ng anumang galing sa palengke nang hindi muna ito hinuhugasan. At marami pang ibang minanang turo ang kanilang sinusunod, tulad ng tanging paraan ng paghuhugas ng mga inuman, ng mga saro, ng mga sisidlang tanso, at mga higaan.
Kaya’t tinanong si Hesus ng mga Pariseo at mga eskriba, “Bakit hindi sumusunod ang mga alagad mo sa mga turo ng ating mga ninuno? Kumain sila nang hindi man lamang naghugas ng kamay ayon sa paraang iniutos!” Sinagot sila ni Hesus, “Tama ang hula ni Isaias tungkol sa inyo. Mapagpaimbabaw nga kayo, gaya ng kanyang isinulat:
‘Paggalang na handog sa ‘kin ng bayan ko’y paimbabaw lamang,
sapagkat sa bibig at hindi sa puso ito bumubukal.
Pagpuri’t pagsambang ginagawa nila’y walang kabuluhan,
ang utos ng tao ay itinuturong utos ng Maykapal.’
Niwawalang-kabuluhan nga ninyo ang utos ng Diyos, at ang sinusunod ninyo’y ang turo ng tao.”
Muling pinalapit ni Hesus ang mga tao at sinabi sa kanila, “Makinig kayong lahat, at unawain ang aking sasabihin! Hindi ang pumapasok sa bibig ng tao ang nakapagpaparumi sa kanya sa mata ng Diyos kundi ang mga nagmumula sa kanya.
“Sapagkat sa loob – sa puso ng tao – nagmumula ang masasamang isipang nag-uudyok sa kanya na makiapid, magnakaw, pumatay, mangalunya, mag-imbot, at gumawa ng lahat ng kabuktutan, tulad ng pagdaraya, kahalayan, pagkainggit, paninirang-puri, kapalaluan, at kahangalan. Ang lahat ng ito’y nanggagaling sa puso ng tao, at siyang nagpaparumi sa kanya.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Mga Hukom 2, 11-19
Pagbasa mula sa aklat ng mga Hukom
Noong mga araw na iyon, ang mga Israelita ay gumawa ng masama sa Panginoon. Naglingkod sila sa mga Baal. Tinalikdan nila ang Panginoon, ang Diyos ng kanilang mga ninuno at siyang nag-alis sa kanila sa Egipto. Naglingkod sila at sumamba sa mga diyus-diyusan ng mga bayan sa paligid. Kaya, nagalit sa kanila ang Panginoon. Tinalikdan nga nila ang Panginoon at naglingkod sa mga Baal at kay Astarot. Dahil dito, nagalit ang Panginoon sa Israel. Kaya, sila’y pinabayaan niyang malupig ng kaaway at samsaman ng ari-arian. Tuwing sila’y makikipagdigma, ipinalulupig sila ng Panginoon, tulad ng kanyang sumpa. Anupat wala silang kapanatagan.
Ang Israel ay binigyan ng Panginoon ng mga hukom upang magtanggol sa kanila. Ngunit hindi nila pinakinggan ang mga ito. Tinalikdan nila ang Panginoon at naglingkod sa mga diyus-diyusan. Lahat ng hukom na inilagay ng Panginoon ay tinulungan niya upang iligtas sila sa kanilang mga kaaway. Nababagbag ang kanyang kalooban dahil sa kanilang mga daing bunga ng hirap na dinaranas nila. Ngunit pagkamatay ng hukom na inilagay niya, ang mga Israelita’y nagbabalik sa pagsamba sa mga diyus-diyusan. Higit pa sa kasamaan ng kanilang mga ninuno ang kanilang ginagawa Hindi nila maiwan ang kanilang kasamaan.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 105, 34-35. 36-37. 39-40. 43ab at 44
Panginoong masintahin,
ang bayan mo’y gunitain.
Di nila nilipol yaong mga taong naro’n sa Canaan,
bagaman at ito’y iniutos ng Diyos na dapat gampanan.
Sa halip na sundin ang utos ng Diyos, bagkus nakisama,
at maling gawain ng mga pagano ang sinunod nila.
Panginoong masintahin,
ang bayan mo’y gunitain.
Ang diyus-diyosan ang sinamba nila at pinaglingkuran,
sa ginawang ito, sila ang nagkamit ng kaparusahan.
Pati anak nilang babai’t lalaki’y inihaing lubos,
sa diyus-diyosan, mga batang ito ay dinalang handog.
Panginoong masintahin,
ang bayan mo’y gunitain.
Ang sarili nila yaong nadungisan sa gayong ginawa,
sa Panginoong Diyos sila ay nagtaksil at pawang sumama.
Itong Panginoo’y nagpuyos ang galit sa mga hinirang,
siya ay nagdamdam sa ginawa nilang pawang kataksilan.
Panginoong masintahin,
ang bayan mo’y gunitain.
Hindi na miminsan, marami nang beses iniligtas sila,
naghimagsik pa rin, kaya naman sila’y lalong nagkasala.
Gayunman, hindi rin siya tinitiis pag nananambitan,
dinirinig niya’t sa taglay na hirap kinahahabagan.
Panginoong masintahin,
ang bayan mo’y gunitain.
ALELUYA
Mateo 5, 3
Aleluya! Aleluya!
Mapalad ang mga dukha
na tanging D’yos na lumikha
ang pag-asa at adhika.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 19, 16-22
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, may isang lalaking lumapit kay Hesus at nagtanong, “Guro, ano pong kabutihan ang kailangan kong gawin upang magkamit ng buhay na walang hanggan?” Sumagot si Hesus, “Bakit mo ako tinatanong kung ano ang mabuti? Iisa lamang ang mabuti. Kung ibig mong magkamit ng buhay, sundin mo ang mga utos.” “Alin-alin po?” tanong niya. Sumagot si Hesus, “Huwag kang papatay; huwag kang mangangalunya; huwag kang magnanakaw; huwag kang magsisinungaling sa iyong pagsaksi; igalang mo ang iyong ama at ina; at, ibigin mo ang iyong kapwa, gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.” Sinabi ng binata, “Tinutupad ko na pong lahat iyan. Ano pa po ang dapat kong gawin?” “Kung ibig mong maging ganap, humayo ka, ipagbili mo ang iyong ari-arian at ipamahagi sa mga dukha ang pinagbilhan. Kapag ginawa mo iyan, magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod sa akin,” sagot ni Hesus. Pagkarinig nito, malungkot na umalis ang binata, sapagkat siya’y napakayaman.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Mga Hukom 6,11-24a
Pagbasa mula sa aklat ng mga Hukom
Noong mga araw na iyon, dumating sa Ofra ang anghel ng Panginoon at naupo sa ilalim ng puno ng encina ni Joas na kabilang sa lipi ni Abiezer. Si Gedeon na anak ni Joas ay kasalukuyang gumigiik noon ng trigo sa pisaan ng ubas. Patago ang kanyang paggiik at baka siya makita ng mga Madianita.
Nilapitan siya ng anghel ng Panginoon at sinabi sa kanya, “Sumasaiyo ang Panginoon, matapang na bayani.”
Sumagot si Gedeon, “Bakit ganito ang pamumuhay namin kung sumasaamin ang Panginoon? Bakit wala siyang ginagawang kababalaghan ngayon, tulad noong ialis niya sa Egipto ang aming mga ninuno, ayon na rin sa kuwento nila sa amin? Kami’y pinabayaan na ng Panginoon. Kung hindi ay bakit natitiis niya kaming pahirapan ng mga Madianitang ito?”
Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Lumakad ka at gamitin mo ang buong lakas mo sa pagliligtas sa Israel.”
Sumagot si Gedeon, “Paano ko maililigtas ang Israel? Ang aming sambahayan ang pinakamaliit sa lipi ni Manases, at ako naman ang pinakamahina sa amin.”
Sinabi sa kanya Panginoon, “Maililigtas mo ang Israel pagkat tutulungan kita. Lulupigin mo ang mga Madianitang ito na para ka lang pumatay ng isang tao.”
Sumagot si Gedeon, “Kung ako, Panginoon, ay talagang kalugud-lugod sa inyo, bigyan ninyo ako ng palatandaang kayo nga ang nag-uutos sa akin. Huwag muna kayong umalis at hahainan ko kayo ng pagkaing handog.”
“Hihintayin kita,” sagot ng Panginoon.
Lumakad na nga si Gedeon. Nagluto siya ng isang batang kambing at isang takal na harinang walang lebadura. Pagkaluto, inilagay niya ito sa basket at naglagay ng sabaw sa isang palayok. Inihain niya ito sa anghel ng Panginoon sa ilalim ng punong encina. Sinabi sa kanya ng anghel, “Ipatong mo sa malaking batong iyan ang karne at ang tinapay. Pagkatapos, busan mo ng sabaw.” Gayun nga ang ginawa ni Gedeon. Ang pagkain ay sinaling ng anghel sa pamamagitan ng tungkod. Nagkaroon ng apoy at nasunog ang handog. At biglang nawala ang anghel.
Noon naniwala si Gedeon na ang anghel nga ng Panginoon ang nakausap niya. Dahil dito, kinilabutan siya sa takot at nanginginig na nagsalita, “Diyos ko, nakita ko nang mukhaan ang anghel ng Panginoon!”
Ngunit sinabi sa kanya ng Panginoon, “Huwag kang matakot. Hindi ka maaano.”
At si Gedeon ay nagtayo roon ng isang altar na tinawag niyang Ang Panginoon ay Kapayapaan, Panginoon — Salom.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 84, 9. 11-12. 13-14
Ang Poo’y nagsasalita
na bayan n’ya’y papayapa.
Aking naririnig magmula sa Poon ang sinasalita;
sinasabi niyang ang mga lingkod n’ya’y magiging payapa,
kung mangagsisisi at di na babalik sa gawang masama.
Ang Poo’y nagsasalita
na bayan n’ya’y papayapa.
Ang pagtatapatan at pag-iibiga’y magdadaup-palad,
ang kapayapaan at ang katwira’y magsasamang ganap.
Sa balat ng lupa’y pawang maghahari yaong pagtatapat,
at ang katarungan nama’y maghahari mula sa itaas.
Ang Poo’y nagsasalita
na bayan n’ya’y papayapa.
Gagawing maunlad ng Panginoong Diyos itong ating buhay,
ang mga halaman sa ating lupai’y bubungang mainam;
sa harapan niya yaong maghahari’y pawang katarungan,
magiging payapa’t susunod ang madla sa kanyang daan.
Ang Poo’y nagsasalita
na bayan n’ya’y papayapa.
ALELUYA
2 Corinto 8, 9
Aleluya! Aleluya!
Si Kristo ay naging dukha
upang tayo’y managana
sa bigay n’yang pagpapala.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 19, 23-30
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Sinasabi ko sa inyo: napakahirap mapabilang ang mayayaman sa mga pinaghaharian ng Diyos! At sinasabi ko rin sa inyo: madali pang makaraan ang kamelyo sa butas ng karayom kaysa pasakop sa paghahari ng Diyos ang isang mayaman.” Nagtaka ang mga alagad nang marinig ito, kaya’t naitanong nila. “Kung gayun, sino po ang maliligtas?” Tinitigan sila ni Hesus at sinabi, “Hindi ito magagawa ng tao, ngunit magagawa ng Diyos ang lahat ng bagay.”
At nagsalita si Pedro, “Tingnan po ninyo: iniwan namin ang lahat at kami’y sumunod sa inyo. Ano po naman ang para sa amin?” Sinabi sa kanila ni Hesus, “Tandaan ninyo ito: kapag nakaluklok na ang Anak ng Tao sa kanyang maringal na trono sa bagong daigdig, kayong sumunod sa akin ay luluklok din sa labindalawang trono upang hukuman ang labindalawang lipi ng Israel. At ang sinumang magtiis na iwan ang tahanan, mga kapatid na lalaki at babae, ama, ina, mga anak, o mga lupain alang-alang sa akin ay tatanggap ng makasandaang ibayo, at pagkakalooban ng buhay na walang hanggan. Ngunit maraming una na magiging huli, at maraming huli na magiging una.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Mga Hukom 6,11-24a
Pagbasa mula sa aklat ng mga Hukom
Noong mga araw na iyon, dumating sa Ofra ang anghel ng Panginoon at naupo sa ilalim ng puno ng encina ni Joas na kabilang sa lipi ni Abiezer. Si Gedeon na anak ni Joas ay kasalukuyang gumigiik noon ng trigo sa pisaan ng ubas. Patago ang kanyang paggiik at baka siya makita ng mga Madianita.
Nilapitan siya ng anghel ng Panginoon at sinabi sa kanya, “Sumasaiyo ang Panginoon, matapang na bayani.”
Sumagot si Gedeon, “Bakit ganito ang pamumuhay namin kung sumasaamin ang Panginoon? Bakit wala siyang ginagawang kababalaghan ngayon, tulad noong ialis niya sa Egipto ang aming mga ninuno, ayon na rin sa kuwento nila sa amin? Kami’y pinabayaan na ng Panginoon. Kung hindi ay bakit natitiis niya kaming pahirapan ng mga Madianitang ito?”
Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Lumakad ka at gamitin mo ang buong lakas mo sa pagliligtas sa Israel.”
Sumagot si Gedeon, “Paano ko maililigtas ang Israel? Ang aming sambahayan ang pinakamaliit sa lipi ni Manases, at ako naman ang pinakamahina sa amin.”
Sinabi sa kanya Panginoon, “Maililigtas mo ang Israel pagkat tutulungan kita. Lulupigin mo ang mga Madianitang ito na para ka lang pumatay ng isang tao.”
Sumagot si Gedeon, “Kung ako, Panginoon, ay talagang kalugud-lugod sa inyo, bigyan ninyo ako ng palatandaang kayo nga ang nag-uutos sa akin. Huwag muna kayong umalis at hahainan ko kayo ng pagkaing handog.”
“Hihintayin kita,” sagot ng Panginoon.
Lumakad na nga si Gedeon. Nagluto siya ng isang batang kambing at isang takal na harinang walang lebadura. Pagkaluto, inilagay niya ito sa basket at naglagay ng sabaw sa isang palayok. Inihain niya ito sa anghel ng Panginoon sa ilalim ng punong encina. Sinabi sa kanya ng anghel, “Ipatong mo sa malaking batong iyan ang karne at ang tinapay. Pagkatapos, busan mo ng sabaw.” Gayun nga ang ginawa ni Gedeon. Ang pagkain ay sinaling ng anghel sa pamamagitan ng tungkod. Nagkaroon ng apoy at nasunog ang handog. At biglang nawala ang anghel.
Noon naniwala si Gedeon na ang anghel nga ng Panginoon ang nakausap niya. Dahil dito, kinilabutan siya sa takot at nanginginig na nagsalita, “Diyos ko, nakita ko nang mukhaan ang anghel ng Panginoon!”
Ngunit sinabi sa kanya ng Panginoon, “Huwag kang matakot. Hindi ka maaano.”
At si Gedeon ay nagtayo roon ng isang altar na tinawag niyang Ang Panginoon ay Kapayapaan, Panginoon — Salom.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 84, 9. 11-12. 13-14
Ang Poo’y nagsasalita
na bayan n’ya’y papayapa.
Aking naririnig magmula sa Poon ang sinasalita;
sinasabi niyang ang mga lingkod n’ya’y magiging payapa,
kung mangagsisisi at di na babalik sa gawang masama.
Ang Poo’y nagsasalita
na bayan n’ya’y papayapa.
Ang pagtatapatan at pag-iibiga’y magdadaup-palad,
ang kapayapaan at ang katwira’y magsasamang ganap.
Sa balat ng lupa’y pawang maghahari yaong pagtatapat,
at ang katarungan nama’y maghahari mula sa itaas.
Ang Poo’y nagsasalita
na bayan n’ya’y papayapa.
Gagawing maunlad ng Panginoong Diyos itong ating buhay,
ang mga halaman sa ating lupai’y bubungang mainam;
sa harapan niya yaong maghahari’y pawang katarungan,
magiging payapa’t susunod ang madla sa kanyang daan.
Ang Poo’y nagsasalita
na bayan n’ya’y papayapa.
ALELUYA
2 Corinto 8, 9
Aleluya! Aleluya!
Si Kristo ay naging dukha
upang tayo’y managana
sa bigay n’yang pagpapala.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 19, 23-30
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Sinasabi ko sa inyo: napakahirap mapabilang ang mayayaman sa mga pinaghaharian ng Diyos! At sinasabi ko rin sa inyo: madali pang makaraan ang kamelyo sa butas ng karayom kaysa pasakop sa paghahari ng Diyos ang isang mayaman.” Nagtaka ang mga alagad nang marinig ito, kaya’t naitanong nila. “Kung gayun, sino po ang maliligtas?” Tinitigan sila ni Hesus at sinabi, “Hindi ito magagawa ng tao, ngunit magagawa ng Diyos ang lahat ng bagay.”
At nagsalita si Pedro, “Tingnan po ninyo: iniwan namin ang lahat at kami’y sumunod sa inyo. Ano po naman ang para sa amin?” Sinabi sa kanila ni Hesus, “Tandaan ninyo ito: kapag nakaluklok na ang Anak ng Tao sa kanyang maringal na trono sa bagong daigdig, kayong sumunod sa akin ay luluklok din sa labindalawang trono upang hukuman ang labindalawang lipi ng Israel. At ang sinumang magtiis na iwan ang tahanan, mga kapatid na lalaki at babae, ama, ina, mga anak, o mga lupain alang-alang sa akin ay tatanggap ng makasandaang ibayo, at pagkakalooban ng buhay na walang hanggan. Ngunit maraming una na magiging huli, at maraming huli na magiging una.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Mga Hukom 9, 6-15
Pagbasa mula sa aklat ng mga Hukom
Noong panahong iyon, ang mga taga-Siquem at Betmilo ay sama-samang nagpunta sa may sagradong puno ng encina sa Siquem at itinalagang hari si Abimelec.
Nang mabalitaan ito ni Joatam, tumayo siya sa itaas ng Bundok ng Gerizim, at humiyaw, “Mga taga-Siquem, makinig kayo sa akin at makikinig sa inyo ang Diyos. Noong unang panahon, nag-usap-usap ang mga punongkahoy upang pumili ng hari. Sinabi nila sa olibo, ‘Ikaw ang maghari sa amin.’ Sumagot ang olibo, ‘Kakailanganin kong itapon ang aking langis na gamit sa pagpaparangal sa mga diyos at sa mga tao kung ako ang mamamahala sa inyo.’ Sinabi nila sa igos, ‘Ikaw na ang maghari sa amin.’ Ngunit sumagot ang igos, ‘Kakailanganin kong iwan ang masasarap kong bunga kung pamamahalaan ko kayo.’ Kaya sinabi nila sa ubas, ‘Ikaw na ang maghari sa amin.’ Sumagot ang ubas, ‘Sa akin nanggagaling ang alak na pampasaya sa mga diyos at sa mga tao. Kakailanganin kong iwan yaon kung ako ang maghahari sa inyo.’ Kaya, sinabi nila sa dawag, ‘Ikaw na nga ang maghari sa amin.’ Ang sagot ng dawag, ‘Kung talagang ibig ninyo akong maging hari, sumilong kayo sa akin. Kung ayaw ninyong sumilong, magpapalabas ako ng apoy upang sunugin ang mga sedro ng Libano.’”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 20, 2-3. 4-5. 6-7
Poon, ang bigay mong lakas,
sa hari’y nagpapagalak.
Nagagalak ang hari,
O Poon, dahilan sa lakas mong bigay,
siya’y nagagalak sa kanyang tagumpay.
Binigyan mo siya
ng lahat ng kanyang mga kailangan,
at iyong dininig, kanyang kahilingan.
Poon, ang bigay mong lakas,
sa hari’y nagpapagalak.
Dinalaw mo siya
na ang iyong taglay ay gintong korona,
iyong pinagpala’t pinutungan siya.
Hiling niya’y buhay
at iyon ang iyong ipinagkaloob,
buhay na mahaba’t walang pagkatapos.
Poon, ang bigay mong lakas,
sa hari’y nagpapagalak.
At naging dakila,
pinadakila mo nang iyong tulungan,
naging bantog siya’t makapangyarihan.
Iyong pinagpala ng pagpapala mong walang katapusan,
nagagalak siya sa iyong patnubay.
Poon, ang bigay mong lakas,
sa hari’y nagpapagalak.
ALELUYA
Hebreo 4, 12
Aleluya! Aleluya!
Buhay ang Salita ng Diyos
Ganap nitong natatalos
Tanang ating niloloob.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 20, 1-16a
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad ang talinghagang ito: “Ang paghahari ng Diyos ay katulad nito: lumabas nang umagang-umaga ang may-ari ng ubasan upang humanap ng mga manggagawa. Nang magkasundo na sila sa upa na isang denaryo maghapon, sila’y pinapunta niya sa kanyang ubasan. Lumabas siyang muli nang mag-iikasiyam ng umaga at nakakita siya ng iba pang tatayu-tayo lamang sa liwasang-bayan. Sinabi niya sa kanila, ‘Pumaroon din kayo at magtrabaho sa aking ubasan, at bibigyan ko kayo ng karampatang upa.’ At pumaroon nga sila. Lumabas na naman siya nang mag-iikalabindalawa ng tanghali at nang mag-iikatlo ng hapon, at gayun din ang ginawa niya. Nang mag-iikalima ng hapon, siya’y lumabas uli at nakakita pa ng mga ibang wala ring ginagawa. Sinabi niya sa kanila, ‘Bakit kayo tatayu-tayo lang dito sa buong maghapon?’ “Wala pong magbigay sa amin ng trabaho, e!’ sagot nila. At sinabi niya, ‘Kung gayun, pumaroon kayo at gumawa sa aking ubasan.’
“Pagtatakip-silim, sinabi ng may-ari ng ubasan sa kanyang katiwala, ‘Tawagin mo na ang mga manggagawa at sila’y upahan, magmula sa huli hanggang sa buong nagtrabaho.’ Ang mga nagsimula nang mag-iikalima ng hapon ay tumanggap ng tig-iisang denaryo. At nang lumapit ang mga nauna, inakala nilang tatanggap sila nang higit doon; ngunit ang bawat isa’y tumanggap din ng isang denaryo. Pagkatanggap nito, nagreklamo sila sa may-ari ng ubasan. Sabi nila, ‘Isang oras lang pong gumawa ang mga huling dumating, samantalang maghapon kaming nagpagal at nagtiis ng nakapapasong init ng araw. Bakit naman po ninyo pinagpare-pareho ang upa sa amin?’ At sinabi niya sa isa sa kanila, ‘Kaibigan, hindi kita dinadaya. Hindi ba’t nagkasundo tayo sa isang denaryo? Kunin mo ang ganang iyo, at umalis ka na. Maano kung ibig kong upahan ang nahuli nang tulad ng upa ko sa iyo? Wala ba akong karapatang gawin ang aking maibigan sa ari-arian ko? O naiinggit ka lang sa aking kabutihang-loob?’ Kaya’t ang nahuhuli ay mauuna, at ang nauuna ay mahuhuli.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Mga Hukom, 11, 29-39a
Pagbasa mula sa aklat ng mga Hukom
Noong mga araw na iyon, ang Espiritu ng Panginoon ay lumukob kay Jefte. Nagpunta siya sa Galaad at Manases, pagkatapos ay nagbalik sa Mizpa, Galaad at saka nagtuloy upang salakayin ang mga Ammonito. At nangako si Jefte sa Panginoon ng ganito: “Kapag niloob ninyo na malupig ko ang mga Ammonitong ito, susunugin ko bilang handog sa inyo ang unang sasalubong sa akin pag-uwi ko.” Sinalakay nga ni Jefte ang mga Ammonito at pinagtagumpay siya ng Panginoon. Nalupig nila ang mga kalaban at nasakop ang dalawampung lungsod mula sa Aroer, sa palibot ng Minit hanggang sa Abelqueramim. Marami silang napatay na Ammonito.
Nang magbalik si Jefte sa Mizpa, sinalubong siya ng anak niyang babae na sumasayaw sa saliw ng kanyang tamburin. Siya lamang ang anak ni Jefte. Nang makita siya ni Jefte, hinatak niya ang kanyang kasuotan at buong paghihinagpis na sinabi, “Anak ko, kay bigat na bagay nitong ginawa mo sa akin ngayon. Naipangako ko sa Panginoon na ihahandog ko sa kanya ang unang kasambahay kong sasalubong sa akin ngayon.”
Sumagot ang anak ni Jefte, “Kung nakapangako kayo sa kanya, tuparin ninyo yamang niloob niyang magtagumpay kayo sa inyong mga kaaway na mga Ammonito. Ngunit may isa lamang po akong ipakikiusap sa inyo: bayaan ninyong isama ko sa bundok ang aking mga kaibigan upang ipagluksa ko nang dalawang buwan ang aking pagkadalaga.” Pumayag naman si Jefte na umalis nang dalawang buwan ang anak niya. Nagpunta nga ito sa bundok, kasama ang kanyang mga kaibigan upang ipagluksa ang kanyang pagkadalaga pagkat mamamatay siya nang hindi magkakaasawa. Pagkaraan nang dalawang buwan, nagbalik siya sa kanyang ama at isinagawa naman nito ang kanyang pangako sa Panginoon.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 39, 5. 7-8a. 8b-9. 10
Handa akong naririto
upang sundin ang loob mo.
Mapalad ang taong may tiwala sa Diyos
at sa diyus-diyosa’y hindi dumudulog;
hindi sumasama sa nananambahan,
sa mga nagkalat na diyus-diyosan.
Handa akong naririto
upang sundin ang loob mo.
Ang mga panghandog, pati mga hain,
at mga hayop na handang sunugin
hindi mo na ibig sa dambana dalhin,
upang yaong sala’y iyong patawarin;
sa halip, ang iyong kaloob sa akin
ay ang pandinig ko upang ika’y dinggin.
Handa akong naririto
upang sundin ang loob mo.
Kaya ang tugon ko, “Ako’y naririto;
nasa Kautusan ang mga turo mo.
Ang nais kong sundi’y iyong kalooban;
aking itatago sa puso ang aral.”
Handa akong naririto
upang sundin ang loob mo.
Ang pagliligtas mo’y aking inihayag
saanman magtipon ang ‘yong mga anak;
di ako titigil ng pagpapahayag.
Handa akong naririto
upang sundin ang loob mo.
ALELUYA
Salmo 94, 8ab
Aleluya! Aleluya!
Dinggin ninyong lahat ngayon
ang tinig ng Panginoon
sa loob na mahinahon.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 22, 1-14
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon San Mateo
Noong panahong iyon, muling nagsalita sa mga punong saserdote at matatanda ng bayan si Hesus sa pamamagitan ng talinghaga. Sinabi niya, “Ang paghahari ng Diyos ay katulad nito: naghandog ng isang piging ang isang hari sa kasal ng kanyang anak na lalaki. Sinugo niya ang kanyang mga alipin upang tawagin ang mga inanyayahan ngunit ayaw nilang dumalo. Muli siyang nagsugo ng ibang mga alipin at kanyang pinagbilinan, ‘Sabihin ninyo sa mga inanyayahan na naihanda ko na ang aking piging: napatay na ang aking mga baka at mga pinatabang guya, at handa na ang lahat ng bagay. Halina kayo sa piging!’ Ngunit hindi ito pinansin ng mga inanyayahan. Humayo sila sa kani-kanilang lakad; ang isa’y sa kanyang bukid at sa kanyang pangangalakal naman ang isa. Sinunggaban naman ng iba ang mga alipin, hinamak at pinatay. Galit na galit ang hari. Pinaparoon niya ang kanyang mga kawal, ipinapuksa ang mga mamamatay-taong iyon at ipinasunog ang kanilang lungsod. Sinabi niya sa kanyang mga alipin, ‘Nakahanda na ang piging, ngunit hindi karapat-dapat ang mga inanyayahan. Kaya’t pumunta kayo sa mga langsangang matao, at inyong anyayahan sa kasalan ang lahat ng makita ninyo.’ Lumabas nga sa mga pangunahing lansangan ang mga alipin at isinama ang lahat ng natagpuan, masasama’t mabubuti, anupat napuno ng mga panauhin ang bulwagang pangkasalan.
“Pumasok ang hari upang tingnan ang mga panauhin, at nakita niya roon ang isang taong hindi nakadamit pangkasalan. ‘Kaibigan, bakit ka pumasok dito nang hindi nakadamit pangkasalan?’ tanong niya. Hindi nakaimik ang tao. Kaya’t sinabi ng hari sa mga katulong, ‘Gapusin ninyo ang kanyang kamay at paa at itapon siya sa kadiliman sa labas. Doo’y mananangis siya at magngangalit ang kanyang ngipin.’ Sapagkat marami ang tinatawag, ngunit kakaunti ang nahihirang.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Ruth 1, 1. 3-6. 14b-16. 22
Ang simula ng aklat ni Ruth
Nang ang Israel ay pinamumunuan ng mga hukom, nagkaroon ng taggutom sa buong bayan. Kaya’t may isang lalaking taga-Betlehem, Juda na sandali munang nanirahan sa Moab, kasama ang kanyang asawa’t dalawang anak na lalaki. Namatay si Elimelec at naiwan si Noemi. Ang dalawa nilang anak ay nakapangasawa ng mga Moabito, sina Orpa at Ruth. Pagkalipas ng mga sampung taon, namatay naman sina Mahalon at Quelion, kaya’t si Noemi ay naiwang ulila sa asawa’t mga anak.
Nabalitaan ni Noemi na ang kanyang bayan ay pinagkalooban ng Diyos ng mabuting ani kaya’t humanda sila ng kanyang mga manugang ng umalis sa Moab.
Hinagkan ni Orpa ang kanyang biyenan, at tuluyang bumalik sa kanyang bayan. Ngunit nagpaiwan si Ruth.
Sinabi ni Noemi kay Ruth: “Ang bilas mo’y nagbalik na sa kanyang bayan at sa kanyang mga diyos. Umuwi ka na rin.” Tumugon si Ruth: “Huwag na ninyong hilinging iwan ko kayo. Hayaan na ninyo akong sumama sa inyo. Saanman kayo pumaroon, doon ako paroroon. Kung saan kayo tumira doon din ako titira. Ang inyong bayan ang magiging aking bayan. Ang inyong Diyos ang aking magiging Diyos.”
Iyan ang nangyari kaya mula sa Moab ay nagbalik si Noemi, kasama si Ruth, ang manugang niyang Moabita. Nang dumating sila sa Betlehem ay sinisimulan nang anihin ang sebada.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 145, 5-6. 7. 8-9a. 9bk-10
Kalul’wa ko, ‘yong purihin
ang Panginoong butihin.
o kaya: Aleluya.
Mapalad ang tao, na ang kanyang Diyos
na laging katulong ay ang Diyos ni Jacob;
sa Diyos na Panginoon, umaasang lubos.
Sa Diyos na lumikha niyong kalangitan,
ng lupa at dagat, at lahat ng bagay.
Kalul’wa ko, ‘yong purihin
ang Panginoong butihin.
Ang maaasahang lagi’y Panginoon,
panig sa naaapi, ang Diyos na hukom,
may pagkaing handa, sa nangagugutom.
Kalul’wa ko, ‘yong purihin
ang Panginoong butihin.
Pinalaya niya ang mga nabihag;
isinasauli, paningin ng bulag;
lahat ng inapi ay itinataas,
ang mga hinirang niya’y nililingap.
Kalul’wa ko, ‘yong purihin
ang Panginoong butihin.
Isinasanggalang ang mga dayuhang
sa lupain nila’y doon tumatahan;
tumutulong siya sa balo’t ulila,
masamang balangkas pinipigil niya.
Walang hanggang Hari, ang Diyos na Poon!
Nabubuhay lagi ang Diyos mo, Sion!
Kalul’wa ko, ‘yong purihin
ang Panginoong butihin.
ALELUYA
Salmo 24, 4b. 5a
Aleluya! Aleluya!
Panginoon, ituro mo
na ‘yong landas ay sundin ko
sa pagtahak sa totoo.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 22, 34-40
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, nagtipun-tipon ang mga Pariseo nang mabalitaan nilang napatahimik ni Hesus ang mga Saduseo. At isa sa kanila, isang dalubhasa sa Kautusan, ang nagtanong kay Hesus upang subukin ito: “Guro, alin po ang pinakamahalagang utos sa Kautusan?” Sumagot si Hesus, “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong pag-iisip. Ito ang pinakamahalagang utos. Ito naman ang pangalawa: “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili. Sa dalawang utos na ito nakasalalay ang buong Kautusan ni Moises at ang turo ng mga propeta.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Ruth 2, 1-3. 8-11; 4, 13-17
Pagbasa mula sa aklat ni Ruth
Si Elimelec, ang nasirang asawa ni Noemi, ay may isang kamag-anak na ang pangala’y Booz. Mayaman ito at makapangyarihan. Isang araw, sinabi ni Ruth kay Noemi, “Pupunta po ako sa bukid at mamumulot ng mga uhay na naiiwan ng mga gumagapas. Doon ako sa may likuran ng sinumang papayag.”
Sumagot si Noemi, “Ikaw ang bahala, anak.” Kaya’t si Ruth ay nagtungo sa bukid at namulot ng mga uhay, kasunod ng mga gumagapas. Ang napuntahan niya ay bukid ni Booz.
Nilapitan ni Booz si Ruth at kinausap: “Anak, huwag ka nang pupunta sa ibang bukid. Dito ka na lamang mamulot kasama ng aking mga manggagawang babae. Tingnan mo kung saan sila gumagapas, at sumunod ka. Sinabi ko na sa mga tauhan ko na huwag kang babawalan.”
Yumukod si Ruth, bilang pagbibigay-galang, at ang wika: “Napakabuti ninyo sa akin, gayong ako’y dayuhan lamang.”
Sumagot si Booz: “Nabalitaan ko ang lahat ng ginawa mo sa iyong biyenan mula nang mamatay ang iyong asawa. Alam ko ring iniwan mo ang iyong mga magulang at sariling bayan upang makipamayan sa isang lugar na wala kang kakilala.”
Napangasawa nga ni Booz si Ruth at iniuwi sa kanyang tahanan. Sa kapanahunan, pinagkalooban sila ng Panginoon ng isang anak na lalaki. Si Noemi ay binati ng kababaihan: “Purihin ang Panginoon! Binigyan ka niya sa araw na ito ng isang apo na kakalinga sa iyo. Maging tanyag nawa sa Israel ang bata! Maghatid nawa siya ng kaaliwan sa puso mo at maging gabay sa iyong katandaan. Ang mapagmahal mong manugang, na nagsilang sa bata, ay higit kaysa pitong anak na lalaki.” Kinuha ni Noemi ang bata, magiliw na kinalong, at inalagaang mabuti. Siya’y tinawag nilang Obed. Balana’y sinabihan nilang nagkaapo ng lalaki si Noemi. Si Obed ang ama ni Jesse na ama ni David.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 127, 1-2. 3. 4. 5
S’ya’y laging pagpapalain
kung ang Poon ay susundin.
Mapalad ang bawat tao na sa Diyos ay may takot,
ang maalab na adhika’y sumunod sa kanyang utos.
Hindi siya magkukulang sa anumang kailangan,
ang buhay ay maligaya’t uunlad ang kanyang buhay.
S’ya’y laging pagpapalain
kung ang Poon ay susundin.
Sa tahanan, ang asawa’y parang ubas na mabunga.
Bagong tanim na olibo sa may dulang ang anak n’ya.
S’ya’y laging pagpapalain
kung ang Poon ay susundin.
Ang sinuman kung ang Diyos buong pusong susundin,
buhay niya ay uunlad at laging pagpapalain.
Mula sa Sion, pagpapala nawa ng Diyos ay tanggapin,
at makita habang buhay, pag-unlad ng Jerusalem.
S’ya’y laging pagpapalain
kung ang Poon ay susundin.
ALELUYA
Mateo 23, 9b. 10b
Aleluya! Aleluya!
Tayo’y may iisang Ama,
at guro nati’y iisa:
Si Kristo na Anak niya.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 23, 1-12
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga tao at sa kanyang mga alagad, “Ang mga eskriba at ang mga Pariseo ang kinikilalang tagapagpaliwanag ng Kautusan ni Moises. Kaya’t gawin ninyo ang itinuturo nila at sundin ang kanilang iniuutos. Ngunit huwag ninyong tularan ang kanilang gawa, sapagkat hindi nila isinasagawa ang kanilang ipinangangaral. Nagbibigkis sila ng mabibigat na dalahin at ipinapasan sa mga tao; ngunit ni daliri ay ayaw nilang igalaw upang tumulong sa pagdadala ng mga iyon. Pawang pakitang-tao ang kanilang mga gawa. Nilalaparan nila ang kanilang mga pilakterya at hinahabaan ang palawit sa laylayan ng kanilang mga damit. Ang ibig nila’y ang mga upuang pandangal sa mga piging at ang mga tanging luklukan sa mga sinagoga. Ang ibig nila’y pagpugayan sila sa mga liwasang-bayan, at tawaging guro. Ngunit kayo — huwag kayong patawag na guro, sapagkat iisa ang inyong Guro, at kayong lahat ay magkakapatid. At huwag ninyo tawaging ama ang sinumang tao sa lupa, sapagkat iisa ang inyong Ama, ang Amang nasa langit. Huwag kayong patawag na tagapagturo, sapagkat iisa ang inyong Tagapagturo, ang Mesias. Ang pinakadakila sa inyo ay dapat maging lingkod ninyo. Ang nagpakakataas ay ibababa, at ang nagpapakababa ay itataas.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Josue 24, 1-2a. 15-17. 18b
Pagbasa mula sa aklat ni Josue
Noong mga araw na iyon, tinipon ni Josue sa Siquem ang lahat ng lipi. Pagkatapos, tinawag niya ang matatanda, ang mga hukom, ang mga pinuno at mga tagapangasiwa sa Israael, at sila’y humarap sa Panginoon. Sinabi niya: “Kung ayaw ninyong maglingkod sa Panginoon, sabihin ninyo kung kanino kayo maglilingkod: sa diyus-diyusang sinamba ng inyong mga ninuno sa Mesopotamia, o sa mga diyus-diyusan ng mga Amorreo, na sinasamba dito sa lupaing inyong tinatahanan. Ngunit ako at ang aking angkan ay sa Panginoon lamang maglilingkod.”
Sumagot ang bayan: “Wala kaming balak na talikuran ang Panginoon at maglingkod sa mga diyus-diyusan. Ang Panginoon, na ating Diyos ang siyang humango sa atin sa pagkaalipin sa Egipto. Nasaksihan din namin ang mga kababalaghang ginawa niya upang tayo’y maingatan saanman tayo mapadako at mailigtas sa mga kaaway na ating nadaanan. Kaya’t kami rin ay sa Panginoon maglilingkod. Siya ang ating Diyos.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 33, 2-3. 16-17. 18-19. 20-21. 22-23
Magsumikap tayong kamtin
ang Panginoong butihin.
Panginoo’y aking laging pupurihin;
sa pasasalamat di ako titigil.
Aking pupurihin kanyang mga agawa,
kayong naaapi, makinig, matuwa!
Magsumikap tayong kamtin
ang Panginoong butihin.
Kinukupkop ng Diyos ang mga matuwid
at ang taghoy nila’y kanyang dinirinig.
Nililipol niya yaong masasama
hanggang sa mapawi sa isip ng madla.
Magsumikap tayong kamtin
ang Panginoong butihin.
Agad dinirinig daing ng matuwid
inililigtas sila sa mga panganib.
Tumutulong siya sa nasisiphayo
ang walang pag-asa’y hindi binibigo.
Magsumikap tayong kamtin
ang Panginoong butihin.
Ang taong matuwid, masuliranin man,
sa tulong Poon, agad maiibsan.
Kukupkupin siya nang lubus-lubusan,
kahit isang buto’y hindi magagalaw.
Magsumikap tayong kamtin
ang Panginoong butihin.
Ngunit ang masama, ay kasamaan din
sa taglay na buhay ang siyang kikitil.
Mga lingkod niya’y kanyang ililigtas,
sa napakukupkop, siyang mag-iingat!
Magsumikap tayong kamtin
ang Panginoong butihin.
IKALAWANG PAGBASA
Efeso 5, 21-32
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Efeso
Mga kapatid, pasakop kayo sa isa’t isa tanda ng inyong paggalang kay Kristo. Mga babae, pasakop kayo sa inyu-inyong asawa tulad ng pagpapasakop ninyo sa Panginoon. Sapagkat ang lalaki ang ulo ng kanyang asawa, tulad ni Kristo na siyang ulo ng simbahan, na kanyang katawan, at siyang Tagapagligtas nito. Kung paanong nasasakop ni Kristo ang simbahan, gayon din naman, ang mga babae’y dapat pasakop nang lubusan sa kani-kanilang asawa.
Mga lalaki, ibigin ninyo ang inyu-inyong asawa, gaya ng pag-ibig ni Kristo sa simbahan, gaya ng pag-ibig ni Kristo sa simbahan. Inihandog niya ang kanyang buhay para rito, upang ang simbaha’y italaga ng Diyos matapos linisin sa pamamagitan ng tubig at ng salita. Ginawa niya ito upang maiharap sa kanyang sarili ang simbahan, marilag, banal, walang batik at walang anumang dungis o kulubot. Dapat mahalin ng mga lalaki ang kani-kanilang asawa tulad ng sariling nilang katawan. Ang lalaking nagmamahal sa kanyang asawa ay nagmamahal sa kanyang sarili. Walang taong namumuhi sa sarili niyang katawan, bagkus ito’y pinakakain at inaalagaan, gaya ng ginagawa ni Kristo sa simbahan. Tayo’y mga bahagi ng kanyang katawan. “Dahil dito, iiwan ng lalaki ang kanyang ama’t ina at magsasama sila ng kanyang asawa; at sila’y magiging isa.” Isang dakilang katotohanan ang inihahayag nito ang kaugnayan ni Kristo sa simbahan ang tinutukoy ko.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Juan 6, 63k. 68k
Aleluya! Aleluya!
Espiritung bumubuhay
ang Salita mo, Maykapal,
buhay mo ang tinataglay.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 6, 60-69
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, marami sa mga alagad ni Hesus ang nagsabi, “Mabigat na pananalita ito; sino ang makatatanggap nito?” Alam ni Hesus na nagbubulung-bulungan ang kanyang mga alagad tungkol dito, kaya’t sinabi niya, “Dahil ba rito’y tatalikuran na ninyo ako? Gaano pa kaya kung makita ninyong umaakyat ang Anak ng Tao sa dati niyang kinaroroonan?
Ang Espiritu ang nagbibigay-buhay; hindi ito magagawa ng laman. Ang mga salitang sinabi ko sa inyo ay Espiritu at buhay. Ngunit may ilan sa inyong hindi nananalig sa akin.” Sapagkat talastas ni Hesus buhat pa noong una kung sinu-sino ang hindi nananalig sa kanya, at kung sino ang magkakanulo sa kanya. Idinugtong pa niya, “Iyan ang dahilan kaya ko sinabi sa inyo na walang makalalapit sa akin malibang loobin ito ng Ama.”
Mula noo’y marami sa kanyang mga alagad ang tumalikod at hindi na sumama sa kanya. Kaya’t tinanong ni Hesus ang Labindalawa, “Ibig din ba ninyong umalis?” Sumagot si Simon Pedro, “Panginoon, kanino po kami pupunta? Nasa inyo ang mga salitang nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Naniniwala kami at ngayo’y natitiyak naming kayo ang Banal ng Diyos.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Deuteronomio 10, 12-22
Pagbasa mula sa aklat ng Deuteronomio
Sinabi ni Moises sa mga tao, “Bayang Israel, ito ang nais sa inyo ng Panginoon: Magkaroon kayo ng takot sa kanya, lumakad sa kanyang mga daan, ibigin siya, paglingkuran nang buong puso’t kaluluwa, at sundin ang kanyang Kautusan at mga tuntunin. Ito naman ay sa ikabubuti rin ninyo. Isipin na lang ninyo na ang langit, ang daigdig at lahat ng narito ay sa Panginoon. Ngunit sa laki ng pag-ibig niya sa inyong mga ninuno, kayong lahi nila ay pinili niya sa gitna ng maraming bansa. Kaya nga, buksan ninyo ang inyong mga puso at alisin ninyo ang katigasan ng inyong mga ulo. Pagkat ang Panginoon ay Diyos ng mga diyos, Panginoon ng mga panginoon, makapangyarihan at kakila-kilabot. Pantay-pantay ang tingin niya sa mga tao at hindi napasusuhol. Iginagawad niya ang katarungan sa mga ulila at balo; nilulukuban niya ng pagmamahal ang mga taga-ibang bayan at binibigyan ng kanilang pangangailangan. Ibigin ninyo ang mga taga-ibang bayan pagkat kayo ma’y naging taga-ibang bayan sa Egipto. Magkaroon kayo ng takot sa Panginoon. Paglingkuran ninyo siya, huwag kayong hihiwalay sa kanya, at ipahayag ninyo ang kanyang pangalan. Siya lamang ang dapat ninyong pag-ukulan ng pagpupuri, siya ang inyong Diyos, ang gumawa ng marami at kakila-kilabot na mga bagay na inyong nasaksihan. Pitumpu lamang ang inyong mga ninuno nang pumunta sila sa Egipto ngunit ngayo’y marami na kayo, sindami ng bituin sa langit.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 147, 12-13. 14-15. 19-20
Purihin mo, Jerusalem,
ang Panginoong butihin.
o kaya: Aleluya.
Purihin mo, Jerusalem, purihin ang Panginoon,
purihin mo ang iyong Diyos, kayong mga taga-Sion.
Yaong mga pintuan mo ay siya ang nag-iingat,
ang lahat ng iyong lingkod ay siya ang nagbabasbas.
Purihin mo, Jerusalem,
ang Panginoong butihin.
Ginagawang matahimik yaong mga hangganan mo,
bibigyan kang kasiyahan sa kaloob niyang trigo.
Kung siya ay nag-uutos, agad itong natutupad,
dumarating sa daigdig, na hindi na nagluluwat.
Purihin mo, Jerusalem,
ang Panginoong butihin.
Kay Jacob n’ya ibinigay ang balita at pabilin,
ang tuntuni’t mga aral, ibinigay sa Israel.
Ang ganitong karapatan ay wala ang ibang bansa,
pagkat hindi nila batid ang utos na itinakda.
Purihin ang Panginoon!
Purihin mo, Jerusalem,
ang Panginoong butihin.
ALELUYA
2 Tesalonica 2, 14
Aleluya! Aleluya!
Tayo’y tinawag ng Diyos
upang magningning na lubos
sa aral ni Kristo Hesus.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 17, 22-27
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, nang nagkakatipon sa Galilea sina Hesus at ang mga alagad, sinabi niya sa kanila, “Ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo at papatayin, ngunit muling mabubuhay sa ikatlong araw.” At sila’y lubhang nagdalamhati.
Pagdating nila sa Capernaum, lumapit kay Pedro ang mga maniningil ng buwis para sa templo. Tinanong siya, “Nagbabayad ba ng buwis para sa templo ang inyong Guro?” “Opo,” sagot ni Pedro. At nang dumating siya sa bahay, tinanong na siya agad ni Hesus, “Ano ba ang palagay mo, Simon? Kanino sumisingil ng bayad sa lisensya o buwis ang mga hari sa lupa? Sa mga mamamayan ba o sa mga dayuhan?” “Sa mga dayuhan po,” tugon niya. Sinabi ni Hesus, “Kung gayun, hindi pinagbabayad ang mga mamamayan. Gayunman, para wala silang masabi sa atin, pumaroon ka sa lawa at ihagis mo ang kawil. Kunin mo ang unang isdang mahuhuli. Ibuka mo ang bibig nito at may makikita kang isang salaping pilak. Kunin mo ito at ibayad sa buwis nating dalawa.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
2 Corinto 9, 6-10
Pagbasa mula sa ikalawang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto
Mga kapatid, ang naghahasik ng kakaunti ay mag-aani ng kakaunti, at ang naghahasik naman ng marami ay mag-aani ng marami. Ang bawat isa’y dapat magbigay ayon sa sariling pasiya, maluwag sa loob at di napipilitan lamang, sapagkat ang ibig ng Diyos ay kusang pagkakaloob. Magagawa ng Diyos na pasaganain kayo sa lahat ng bagay – higit pa sa inyong pangangailangan — upang may magamit kayo sa pagkakawanggawa. Gaya nga ng sinasabi ng Kasulatan:
“Siya’y namudmod sa mga dukha;
walang hanggan ang kanyang kabutihan.”
Ang Diyos na nagbigay ng binhing ihahasik at tinapay na makakain, ang siya ring magbibigay sa inyo ng binhi at magpapalago nito upang mamunga nang sagana ang inyong kabutihang loob.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 111, 1-2. 5-6. 7-8. 9
Ang taong tunay na mat’wid
ay mahabagi’t mabait.
Mapalad ang tao na may takot sa Diyos,
siyang sumusunod nang buong alindog.
Ang kanyang lipi’y magiging dakila
pati mga angkan ay pinagpapala.
Ang taong tunay na mat’wid
ay mahabagi’t mabait.
Ang mapagpautang nagiging mapalad
kung sa hanapbuhay siya’y laging tapat.
Hindi mabibigo ang taong matuwid.
Di malilimutan kahit isang saglit.
Ang taong tunay na mat’wid
ay mahabagi’t mabait.
Anumang balita’y hindi siya takot,
matatag ang puso’t may tiwala sa Diyos.
Wala siyang takot hindi nangangamba,
alam na babagsak ang kaaway niya.
Ang taong tunay na mat’wid
ay mahabagi’t mabait.
Mabait na lubha, lalo sa mahirap,
ang pagiging mat’wid ay di nagwawakas.
Buong karangalan siyang itataas.
Ang taong tunay na mat’wid
ay mahabagi’t mabait.
ALELUYA
Juan 8, 12bk
Aleluya! Aleluya!
Kapag si Kristo’y sinundan
liwanag n’ya’y makakamtan
para mabuhay kailanman.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 12, 24-26
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Tandaan ninyo: malibang mahulog sa lupa ang butil ng trigo at mamatay, mananatili itong nag-iisa. Ngunit kung mamatay, ito’y mamumunga nang marami. Ang taong labis na nagpapahalaga sa kanyang buhay ay siyang mawawalan nito, ngunit ang napopoot sa kanyang buhay sa daigdig na ito ay siyang magkakaroon nito hanggang sa buhay na walang hanggan. Dapat sumunod sa akin ang naglilingkod sa akin, at saanman ako naroroon ay naroon din ang aking lingkod. Pararangalan ng Ama ang sinumang naglilingkod sa akin.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Deuteronomio 34, 1-12
Pagbasa mula sa aklat ng Deuteronomio
Noong mga araw na iyon, si Moises ay umahon sa Bundok ng Nebo, sa ituktok ng Pisga, sa gawing silangan ng Jerico. Doon ipinakita sa kanyan ng Panginoon ang buong lupain. Mula sa Galaad hanggang Dan, ang buong Neftali, ang lupain ng Efraim at Manases, ang buong lupain ng Juda hanggang sa kanluran, ang Negeb at ang kapatagan, samakatwid ay ang kapatagan ng Jerico. Ang lungsod ng mga palaspas, hanggang Zoar. Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Iyan ang lupain na aking ipinangako sa iyong mga ninunong sina Abraham, Isaac at Jacob. Ipinakita ko ito sa iyo ngunit hindi mo mararating.”
At si Moises na lingkod ng Panginoon ay namatay sa lupain ng Moab, ayon sa salita ng Panginoon. Inilibing siya ng Panginoon sa isang lambak sa Moab sa tapat ng Bet-peor, ngunit ngayo’y walang nakaaalam ng tiyak na lugar. Siya’y sandaa’t dalawampung taon nang mamatay ngunit hindi lumabo ang kanyang paningin. Ni hindi nanghina ang kanyang pangangatawan. Tatlumpung araw siyang ipinagluksa ng Israel.
Si Josue ay puspos ng kaalaman at kakayahan sa pamamahala pagkat ipinatong sa kanya ni Moises ang mga kamay nito. At sinunod siya ng mga Israelita. Ginawa nila ang lahat ng utos ng Panginoon. Sa Israel ay wala nang lumitaw na propetang tulad ni Moises na naging tapat at nakakausap nang tuwiran sa Panginoon. Wala ring nakagawa ng mga kababalaghang tulad ng ipinagawa sa kanya ng Panginoon sa Egipto, sa harapan ng Faraon at ng mga lingkod nito. Wala ring nakagawa ng makapangyarihan at pambihirang mga gawa tulad ng ginawa ni Moises sa harapan ng bayang Israel.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 65, 1-3a. 5 at 16-17
Ang Diyos ay papurihan!
Ang buhay ko’y kanyang bigay.
Sumigaw sa galak ang mga nilalang!
At purihin ang Diyos na may kagalakan;
wagas na pagpuri sa kanya’y ibigay!
Ito ang sabihin sa Diyos na Dakila:
“Ang mga gawa mo ay kahanga-hanga.”
Ang Diyos ay papurihan!
Ang buhay ko’y kanyang bigay.
Ang ginawa ng Diyos, lapit at pagmasdan.
Ang kahanga-hangang ginawa sa tanan.
Lapit at makinig, ang nagpaparangal
sa Diyos, at sa inyo’y aking isasaysay
ang kanyang ginawang mga kabutihan.
No’ng ako’y balisa, ako ay dumaing,
dumaing sa Diyos na dapat purihin;
handa kong purihin ng mga awitin.
Ang Diyos ay papurihan!
Ang buhay ko’y kanyang bigay.
ALELUYA
2 Corinto 5, 19
Aleluya! Aleluya!
Pinagkasundo ni Kristo
ang Diyos at mga tao;
kaya’t napatawad tayo.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 18, 15-20
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Kung magkasala sa iyo ang kapatid mo, puntahan mo siya at kausapin nang sarilinan. Kapag nakinig siya sa iyo, ang pagasasama ninyong magkapatid ay napapanauli mo sa dati at napapanumbalik mo siya sa Ama. Ngunit kung hindi siya makinig sa iyo, magsama ka pa ng isa o dalawang tao upang ang lahat ng pinag-usapan ninyo ay mapatunayan ng dalawa o tatlong saksi. Kung hindi siya makinig sa kanila, sabihin mo ito sa pagtitipon ng simbahan. At kung hindi pa siya makinig sa natitipong simbahan, ituring mo siyang Hentil o isang publikano.
Sinasabi ko sa inyo: anumang ipagbawal ninyo sa lupa ay ipagbabawal sa langit, at anumang ipahintulot ninyo sa lupa ay ipahihintulot sa langit.
Sinasabi ko pa rin sa inyo: kung ang dalawa sa inyo rito sa lupa ay magkaisa sa paghingi ng anumang bagay sa inyong panalangin, ipagkakaloob ito sa inyo ng aking Amang nasa langit. Sapagkat saanman may dalawa o tatlong nagkakatipon dahil sa akin, naroon akong kasama nila.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Josue 3, 7-10a. 11. 13-17
Pagbasa mula sa aklat ni Josue
Noong mga araw na iyon, sinabi ng Pangninoon kay Josue: “Sa araw na ito’y padadakilain kita sa paningin ng buong Israel. Sa ganito makikilala nilang ako’y sumasaiyo, tulad ng ginawa ko kay Moises. Sabihin mo sa mga saserdoteng Levita na magdadala ng Kaban ng Tipan na magtuloy na sila sa Ilog Jordan, ngunit hihinto pagtuntong ninyo sa tubig.”
At tinawag ni Josue ang mga tao: “Halikayo at pakinggan ninyo ang ipinasasabi ng Panginoon, ang inyong Diyos.” At sinabi niya sa mga tao: “Dito ninyo malalaman na sumasainyo ang Diyos na buhay. Pagdating ninyo roon, lilipulin niya ang mga Cananeo. Ang Kaban ng Tipan ng Panginoon, ang Panginoon ng sangkalupaan ay mauunang itatawid ng Ilog Jordan. Kapag ang mga saserdoteng may dala ng Kaban ng Tipan ay tumuntong sa tubig, titigil ng pag-agos ang Ilog Jordan. Ang tubig ay matitipon sa isang lugar sa hulo.”
Sa pangunguna ng mga saserdoteng may dala ng Kaban ng Tipan, umalis ng kampamento ang bayang Israel upang tumawid sa ilog. Malaki ang tubig ng Jordan sa panahon ng tag-ani. Nang sumapit sa Ilog Jordan ang mga saserdoteng may dala ng Kaban ng Tipan, tumigil ang agos sa hulo, at ang tubig ay natipon sa tapat ng bayan ng Adam, lungsod na nasa tabi ng Sartan. Samantala, ang agos na pababa sa Dagat na Patay, sa Araba, ay nagpatuloy hanggang sa natuyo ang ilog at nakatawid ang buong Israel. Malapit sa Jerico ang kanilang tinawiran. Nanatili sa gitna ng natuyong ilog ang mga saserdoteng may dala ng Kaban ng Tipan, samantalang tumatawid sa ibayo ang buong bayan; tuyo ang nilalakaran nila.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 113 A, 1-2. 3-4. 5-6
Aleluya.
Ang bayang Israel
sa bansang Egipto’y doon inilabas,
nang ang lahing ito
sa bansang dayuhan ay pawang lumikas;
magmula na noon
ang lupaing Juda’y naging dakong banal,
at yaong Israel
ginawa ng Diyos na sariling bayan.
Aleluya.
Ang Dagat ng Tambo,
nang ito’y makita, ay tumakas na rin,
Magkabilang panig
ng Ilog ng Jordan, noon ay humimpil.
Maging mga bundok,
katulad ng tupa, ay pawang nanginig,
pati mga burol,
nanginig na parang tupang maliliit.
Aleluya.
Ano ang nangyari,
at ikaw, O dagat, wala nang dayuhan?
Ikaw naman, Jordan,
bakit ang tubig mo’y hindi na dumaloy?
Kayong mga bundok,
nanginginig kayong tupa ang kapara,
at ang mga burol,
natakot na parang maliit na tupa?
Aleluya.
ALELUYA
Salmo 118, 135
Aleluya! Aleluya!
Poon, iyong pasikatin
kagandahan ng loobin
ng kabutihan mo sa ‘min.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 18, 21 – 19, 1
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, lumapit si Pedro at nagtanong kay Hesus, “Panginoon, makailan pong patatawarin ang aking kapatid na paulit-ulit na nagkakasala sa akin? Makapito po ba?” Sinagot siya ni Hesus, “Hindi ko sinasabing makapito, kundi pitumpung ulit pa nito. Sapagkat ang paghahari ng Diyos ay katulad nito: ipinasiya ng isang hari na pagbayarin ang kanyang mga lingkod na may utang sa kanya. Unang dinala sa kanya ang isang may utang na sampungmilyong piso. Dahil sa siya’y walang ibayad, iniutos ng hari na ipagbili siya, ang kanyang asawa, mga anak, at lahat ng ari-arian upang makabayad. Nanikluhod ang taong ito sa harapan ng hari at nagmakaawa: ‘Bigyan pa ninyo ako ng panahon, at babayaran ko sa inyo ang lahat.’ Naawa sa kanya ang hari kaya ipinatawad ang kanyang mga utang at pinayaon siya.
“Ngunit pagkaalis niya roon ay nakatagpo niya ang isa sa kanyang kapwa lingkod na may utang na limandaang piso sa kanya. Sinunggaban niya ito at sinakal, sabay wika: ‘Magbayad ka ng utang mo!’ Naglumuhod iyon at nagmakaawa sa kanya: ‘Bigyan mo pa ako ng panahon at babayaran kita.’ Ngunit hindi siya pumayag; sa halip ipinabilanggo niya ang kanyang kapwa lingkod hanggang sa ito’y makabayad. Nang makita ng kanyang mga kapwa lingkod ang nangyari, sila’y labis na nagdamdam; pumunta sila sa hari at isinumbong ang nangyari. Kaya’t ipinatawag siya ng hari. ‘Ikaw — napakasama mo!’ sabi niya. ‘Pinatawad kita sa utang mo sapagkat nagmakaawa ka sa akin. Nahabag ako sa iyo; hindi ba dapat ka ring mahabag sa kapwa mo?’ At sa galit ng hari, siya’y ipinabilanggo hanggang sa mabayaran niya ang kanyang utang. Gayun din ang gagawin sa inyo ng aking Amang nasa langit kung hindi ninyo patatawarin ang inyong kapatid.”
Pagkatapos sabihin ni Hesus ang mga bagay na ito, siya’y umalis sa Galilea at nagtungo sa lupain ng Judea, sa kabila ng Ilog Jordan.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Josue 23, 1-13
Pagbasa mula sa aklat ni Josue
Noong mga araw na iyon, tinipon ni Josue sa Siquem ang lahat ng lipi. Pagkatapos, tinawag niya ang matatanda, ang mga hukom, ang mga pinuno at mga tagapangasiwa sa Israel, at sila’y humarap sa Panginoon. Sinabi niya: “Ito ang ipinasasabi sa inyo ng Panginoon, ang Diyos ng Israel: ‘Noong una, ang inyong mga ninuno ay nakatira sa kabila ng Ilog Eufrates. Isa sa mga ito si Tare na ama ni Abraham at ni Nacor. Sumasamba sila sa ibang diyus-diyusan. Tinawag ko si Abraham buhat sa lupaing iyon at dinala ko siya at pinatnubayan sa buong kalawakan ng Canaan. Pinagkalooban ko siya ng maraming inanak at inapo. Naging anak niya si Isaac, at naging anak naman nito si Esau at si Jacob. Ibinigay ko kay Esau ang kaburulan ng Seir bilang bahagi niya. Ngunit si Jacob at ang kanyang mga anak ay nagpunta sa Egipto. Sinugo ko si Moises at si Aaron, at sa tulong ng mga himala’y pinahirapan ko nang katakut-takot ang mga Egipcio. Sa gayong paraan ay hinango ko kayo roon. Inilabas ko sa Egipto ang inyong mga ninuno at nakarating sa Dagat ng mga Tambo. Hinabol sila ng mga Egipcio at itinaboy papunta sa dagat. Ang inyong mga ninuno’y nanalangin sa akin, at pinalatag ko ang dilim sa pagitan nila at ng mga Egipcio. Pinaguho ko sa mga ito ang nahating dagat at sila’y natabunan ng tubig. Nasaksihan ninyo ang mga ginawa ko sa mga Egipcio. At matagal kayong nanirahan sa ilang.
“Pagkatapos, dinala ko kayo sa lupain ng mga Amorreo sa silangan ng Jordan. Binaka nila kayo, at pinapagtagumpay ko kayo sa kanila. Pinuksa ko sila at nasakop ninyo ang kanilang lupain. Nilabanan kayo ng hari ng Moab, ni Balac na anak ni Zipor at sinugo niya si Balaam na anak ni Beor upang sumpain kayo. Ngunit hindi ko dininig si Balaam, sa halip pinagpala niya kayo. Sa gayun, iniligtas ko kayo sa kamay ni Balac. Tumawid ako ng Jordan at sumapit sa Jerico. Nilabanan kayo ng mga taga-Jerico at ng mga Amorreo, Perezeo, Cananeo, Heteo, Gergeseo, Heveo, at Jebuseo. At sila’y nalupig ninyo sa tulong ko. Ipinasalakay ko sa mga pukyutan ang dalawang haring Amorreo at pinalayas ko sila bago kayo dumating. Walang kinalaman sa pangyayaring iyon ang inyong mga tabak at pana. Binigyan ko kayo ng lupaing hindi ninyo binungkal. Pinatira ko kayo sa mga bayang hindi kayo ang nagtayo. Kumakain kayo ngayon ng ubas at olibo na galing sa mga punong hindi kayo ang nagtanim.’”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 135, 1-3. 16-18. 21-22 at 24
Ang pag-ibig ng Maykapal
ay tunay na walang hanggan.
o kaya: Aleluya.
O pasalamatan ang Panginoong Diyos pagkat s’ya’y mabuti,
ang kanyang pag-ibig ay pangwalang-hanggan at mananatili.
Pinakadakilang Diyos ng mga diyos ay pasalamatan,
ang pag-ibig niya ay mananatili at pangwalang-hanggan.
Makapangyarihang higit kaninuman itong Panginoon,
ang kanyang pag-ibig ay mamamalaging panghabang-panahon.
Ang pag-ibig ng Maykapal
ay tunay na walang hanggan.
Nang mailabas na’y siya ang kasama habang nasa ilang,
ang kanyang pag-ibig ay mananatili at pangwalang-hanggan.
Pinagpapatay n’ya yaong mga haring may kapangyarihan,
ang pag-ibig niya ay mananatili at pangwalang-hanggan.
Maging mga haring bantog noong una ay kanyang pinatay,
ang kanyang pag-ibig ay hindi kukupas at pangwalang-hanggan.
Ang pag-ibig ng Maykapal
ay tunay na walang hanggan.
Ang lupain nila’y ipinamahagi sa kanyang hinirang,
ang pag-ibig ng Diyos ay mananatili at pangwalang-hanggan.
Ipinamahagi niya sa Israel, kanyang mga lingkod,
hindi kumukupas at mananatili ang pag-ibig ng Diyos.
Nang tayo’y masakop ng mga kaaway, pinalaya tayo,
ang kanyang pag-ibig ay mananatili, hindi magbabago.
Ang pag-ibig ng Maykapal
ay tunay na walang hanggan.
ALELUYA
1 Tesalonica 2, 13
Aleluya! Aleluya!
Tanggapin n’yo ang salita
na di sa tao nagmula
kundi sa D’yos na dakila.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 19, 3-12
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, may mga Pariseong lumapit kay Hesus at tinangkang siluin siya sa pamamagitan ng tanong na ito: “Naaayon ba sa Kautusan na hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa sa kahit anong kadahilanan?” Sumagot si Hesus, “Hindi pa ba ninyo nababasa sa Kasulutan na sa pasimula’y nilalang sila ng Maykapal, lalaki at babae? At sinabi, ‘Dahil dito, iiwan ng lalaki ang kanyang ama’t ina, at magsasama sila ng kanyang asawa; at sila’y magiging isa.’ Kaya’t hindi na sila dalawa kundi isa. Ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao.” Tinanong siya ng mga Pariseo, “Bakit iniutos ni Moises na bigyan ng lalaki ang kanyang asawa ng kasulatan sa paghihiwalay bago hiwalayan iyon?” Sumagot si Hesus, “Dahil sa katigasan ng inyong ulo kaya ipinahintulot ni Moises na hiwalayan ninyo ang inyong asawa. Subalit hindi gayun sa pasimula. Kaya sinasabi ko sa inyo: sinumang lalaking humiwalay sa kanyang asawa sa anumang dahilan liban sa pakikiapid, at mag-asawa sa iba, ay nangangalunya. At ang mag-asawa sa babaing hiniwalayan ay nangangalunya rin.”
Sinabi ng mga alagad, “Kung ganyan po ang kalagayan ng lalaki sa kanyang asawa, mabuti pang huwag nang mag-asawa.” Sumagot si Hesus, “Hindi lahat ay makatatanggap ng simulaing iyan kundi yaon lamang pinagkalooban ng Diyos. Sapagkat may iba’t ibang dahilan kung bakit may mga lalaking hindi makapag-asawa: ang ilan, dahil sa kanilang katutubong kalagayan; ang iba, dahil sa kagagawan ng ibang tao ay nagkagayon sila; mayroon namang hindi nag-aasawa alang-alang sa ikauunlad ng paghahari ng Diyos. Ang makatatanggap ng simulaing ito ay tumanggap nito.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Josue 24, 14-29
Pagbasa mula sa aklat ni Josue
Noong mga araw na iyon, sinabi ni Josue sa mga tao: “Kaya naman ngayon, sambahin ninyo ang Panginoon at paglingkuran ninyo siya nang tapat. Kalimutan na ninyo ang mga diyus-diyosang dating sinasamba ng inyong mga ninuno sa Mesopotamia at sa Egipto. Ang Panginoon lamang ang inyong paglingkuran. At kung ayaw ninyong maglingkod sa Panginoon, sabihin ninyo kung kanino kayo maglilingkod: sa diyus-diyosang sinamba ng inyong mga ninuno sa Mesopotamia, o sa mga diyus-diyosan ng mga Amorreo, na sinasamba dito sa lupaing inyong tinatahanan. Ngunit ako at ang aking angkan ay sa Panginoon lamang maglilingkod.”
Sumagot ang bayan: “Wala kaming balak na talikuran ang Panginoon at maglingkod sa mga diyus-diyusan. Ang Panginoon, na aming Diyos ang siyang humango sa atin sa pagkaalipin sa Egipto. Nasaksihan din namin ang mga kababalaghang ginawa niya upang tayo’y maingatan saanman tayo mapadako at mailigtas sa mga kaaway na ating nadaanan. Kaya’t kami rin ay sa Panginoon maglilingkod. Siya ang ating Diyos.”
Muling nangusap si Josue sa bayan: “Hindi kayo makapaglilingkod sa Panginoon sapagkat siya’y isang Diyos na banal at ayaw ng nahahating paglilingkod. Hindi niya ipahihintulot ang inyong mga pagsuway at pagkakasala. Kapag tinalikuran ninyo siya at naglingkod kayo sa mga diyus-diyusan, mapopoot siya sa inyo at parurusahan niya kayo. Hindi niya panghihinayangang lipulin kayo sa kabila ng maraming pagpapalang ginawa na niya sa inyo.”
Sumagot ang mga tao: “Hindi po bale! Basta sa Panginoon kami maglilingkod.”
Sinabi ni Josue: “Kayo na rin ang mga saksi na kayo ang nagpasyang maglingkod sa Panginoon.”
Sumagot naman sila: “Opo! Saksi kami.”
Sinabi uli ni Josue: “Kung gayun, itapon ninyo ang mga diyus-diyosang iniingatan pa ninyo. Manumpa kayo sa Panginoon, sa Diyos ng Israel.”
Sumagot uli ang mga tao: “Ang Panginoon ang aming Diyos. Siya ang aming paglilingkuran! Susundin namin ang kanyang mga utos.” Gumawa si Josue ng kasunduan para tuparin ng mga tao; doon sa Siquem, kanyang binigyan sila ng mga batas at alituntunin. Isinulat ni Josue ang mga batas na ito sa Aklat ng Kautusan ng Diyos. Kumuha siya ng isang malaking bato, itinayo sa lilim ng puno ng roble sa Banal na Lugar ng Panginoon. At sinabi niya sa lahat: “Tingnan ninyo ang batong ito. Ito ang ating saksi. Narinig nito ang lahat ng sinabi sa atin ng Panginoon. Ito rin ang magiging saksi laban sa inyo, kapag kayo’y tumalikod sa Diyos.” Pagkatapos, pinaalis na ni Josue ang mga tao, at umuwi sila sa kani-kanilang lupain.
Hindi nagtagal at namatay si Josue na anak ni Nun at lingkod ng Panginoon, sa gulang na sandaa’t sampung taon.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 15, 1-2a at 5. 7-8. 11
D’yos ko, aking kapalara’y
manahin ang iyong buhay.
O Diyos, ako’y ingatan mo, ingatan ang iyong lingkod,
ang hangad ko ay maligtas kaya sa ‘yo dumudulog;
“Ika’y aking Panginoon,” ang wika ko sa aking Diyos,
“kabutihang tinanggap ko, ay ikaw ang nagkaloob.”
Ikaw lamang, O Poon ko, ang lahat sa aking buhay,
ako’y iyong tinutugon sa lahat kong kailangan.
D’yos ko, aking kapalara’y
manahin ang iyong buhay.
Pinupuri ko ang Poon na sa akin ay patnubay.
Kahit gabi diwa niya ang sa aki’y umaakay.
Nababatid ko na siya’y kasama ko oras-oras.
Sa piling n’ya kailanma’y hindi ako matitinag.
D’yos ko, aking kapalara’y
manahin ang iyong buhay.
Ituturo mo ang landas na buhay ang hahantungan,
sa piling mo’y madarama ang lubos na kagalakan;
ang tulong mo’y nagdudulot ng ligayang walang hanggan.
D’yos ko, aking kapalara’y
manahin ang iyong buhay.
ALELUYA
Mateo 11, 25
Aleluya! Aleluya!
Papuri sa Diyos Ama
pagkat ipinahayag n’ya
Hari s’ya ng mga aba.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 19, 13-15
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, may nagdala ng mga bata kay Hesus upang hilinging ipatong niya sa mga ito ang kanyang kamay at ipanalangin. Ngunit pinagwikaan sila ng mga alagad. Datapwat sinabi ni Hesus, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata. Huwag ninyo silang hadlangan, sapagkat sa mga katulad nila naghahari ang Diyos.” Ipinatong niya sa kanila ang kanyang kamay, saka umalis.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Pahayag 11, 19a; 12, 1-6. 10ab
Pagbasa mula sa aklat ng Pahayag
Nabuksan ang templo ng Diyos sa langit, at nakita ang Kaban ng Tipan.
Kasunod nito’y lumitaw sa langit ang isang kagila-gilalas na tanda: isang babaing nararamtan ng araw at nakatuntong sa buwan; ang ulo niya’y may koronang binubuo ng labindalawang bituin. Malapit na siyang manganak kaya’t napasigaw siya sa matinding sakit at hirap.
Isa pang tanda ang lumitaw sa langit: isang pulang dragon na napakalaki. Ito’y may pitong ulo at sampung sungay, at may korona ang bawat ulo. Sinaklot ng kanyang buntot ang ikatlong bahagi ng mga bituin sa langit at inihagis ang mga iyon sa lupa. Pagkatapos ay tumayo siya sa paanan ng babaing malapit nang manganak upang lamunin ang sanggol sa sandaling ito’y isilang. At ang babae ay nagsilang ng sanggol na lalaki, ngunit may umagaw sa bata at dinala ito sa Diyos, sa kanyang trono. Ang sanggol na ito ang itinakdang maghahari sa lahat ng bansa sa pamamagitan ng kamay na bakal. Ang babae naman ay tumakas patungo sa ilang, sa isang dakong inihanda ng Diyos para sa kanya.
At narinig ko ang isang malakas na tinig buhat sa langit na nagsasabi, “Dumating na ang pagliligtas ng Diyos! Ipinamalas na niya ang kanyang kapangyarihan bilang Hari! Ipinamalas na ng Mesiyas ang kanyang karapatan!”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 44, 10bk. 11. 12ab. 16
Nasa kanan mo ang reyna,
maningning sa ginto’t ganda.
Samantalang sa kanan mo nakatayo yaong reyna,
palamuti’y gintong lantay sa damit na suot niya.
Nasa kanan mo ang reyna,
maningning sa ginto’t ganda.
O kabiyak nitong hari, ang payo ko’y ulinigin;
ang lahat mong kamag-anak at ang madla ay limutin.
Nasa kanan mo ang reyna,
maningning sa ginto’t ganda.
Sa taglay mong kagandahan ang hari ang paibigin;
siya’y iyong Panginoon, marapat na iyong sundin.
Nasa kanan mo ang reyna,
maningning sa ginto’t ganda.
Sama-samang masasaya, ang lahat ay nagagalak
na pumasok sa palasyo at sa hari ay humarap.
Nasa kanan mo ang reyna,
maningning sa ginto’t ganda.
IKALAWANG PAGBASA
1 Corinto 15, 20-27
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto
Mga kapatid, si Kristo’y muling binuhay bilang katibayan na muling bubuhayin ang mga patay. Kung paanong dumating ang kamatayan sa pamamagitan ng isang tao, gayun din naman, dumating din ang muling pagkabuhay sa pamamagitan ng isang tao. Sapagkat kung paanong mamamatay ang lahat dahil sa kanilang kaugnayan kay Adan, gayun din naman, mabubuhay ang lahat dahil sa kanilang kaugnayan kay Kristo, ngunit ang bawat isa’y sa kanya-kanyang takdang panahon: Si Kristo ang pinakauna sa lahat; pagkatapos, ang mga kay Kristo sa panahon ng pagparito niya. At darating ang wakas, pagkatapos malupig ni Kristo ang lahat ng kaharian, pamahalaan at kapangyarihan; at ibibigay niya sa Diyos at Ama ang paghahari. Sapagkat si Kristo’y dapat maghari hanggang sa malupig niya at lubusang mapasuko ang kanyang mga kaaway. Ang kahuli-hulihang kaaway na kanyang pasusukuin ay ang kamatayan. Ganito ang sinasabi ng Kasulatan: “Ang lahat ng bagay ay lubusang pinasuko sa kanya ng Diyos.”
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Aleluya! Aleluya!
Mga Anghel ay masaya
nang iakyat si Maria
sa langit na maligaya.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 1, 39-56
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Si Maria’y nagmamadaling pumunta sa isang bayan sa kaburulan ng Juda. Pagdating sa bahay ni Zacarias, binati niya si Elisabet. Nang marinig ni Elisabet ang bati ni Maria, naggagalaw ang sanggol sa kanyang tiyan. Napuspos ng Espiritu Santo si Elisabet, at buong galak na sinabi, “Pinagpala ka sa mga babae, at pinagpala rin ang dinadala mo sa iyong sinapupunan! Sino ako upang dalawin ng ina ng aking Panginoon? Sapagkat pagkarinig ko ng iyong bati ay naggagalaw sa tuwa ang sanggol sa aking tiyan. Mapalad ka sapagkat nanalig kang matutupad ang ipinasabi sa iyo ng Panginoon!”
At sinabi ni Maria,
“Ang puso ko’y nagpupuri sa Panginoon,
at nagagalak ang aking Espiritu dahil sa Diyos na aking Tagapagligtas.
Sapagkat nilingap niya ang kanyang abang alipin!
At mula ngayon, ako’y tatawaging mapalad ng lahat ng salinlahi,
dahil sa mga dakilang bagay na ginawa sa akin ng Makapangyarihan —
Banal ang kanyang pangalan!
Kinahahabagan niya ang mga may takot sa kanya, sa lahat ng sali’t saling lahi.
Ipinakita niya ang lakas ng kanyang mga bisig,
pinangalat niya ang mga palalo ang isipan.
Ibinagsak niya ang mga hari mula sa kanilang trono,
at itinaas ang mga nasa abang kalagayan.
Binusog niya ng mabubuting bagay ang mga nagugutom,
at pinalayas niyang wala ni anuman ang mayayaman.
Tinulungan niya ang kanyang bayang Israel,
bilang pagtupad sa pangako niya sa ating mga magulang,
kay Abraham at sa kanyang lahi, magpakailanman!”
Tumira si Maria kina Elisabet nang may tatlong buwan, at saka umuwi.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Mga Bilang 11, 4b-15
Pagbasa mula sa aklat ng mga Bilang
Noong mga araw na iyon, sinabi ng mga Israelita, “Kailan pa ba tayo makatitikim ng masarap na pagkain? Mabuti pa sa Egipto! Doon, isang hingi lamang namin ay mayroon na agad isda, pipino, pakwan, sibuyas, at bawang. Dito naman, walang makain kundi manna.”
Ang manna ay kamukha ng buto ng kulantro at kakulay ng bedelio. Ito ang laging pinupulot ng mga tao, ginigiling o binabayo. Kung luto, sinsarap ito ng tinapay na niluto sa langis. Ito’y kasama ng hamog na bumabagsak kung gabi.
Hindi kaila kay Moises ang iyakan ng lahat ng sambahayan na nakatayo sa pintuan ng kani-kanilang tolda. Nagalit nang labis ang Diyos, kaya nabalisa si Moises. Itinanong ni Moises sa Panginoon, “Bakit ninyo ako isinuong sa ganito kalaking pasanin? Bakit ninyo ako ginaganito? May nagawa ba akong laban sa inyo? Ako ba ang nagsilang sa kanila? Sila ba’y aalagaan ko tulad ng pag-aalaga ng ina sa kanyang anak, hanggang sa lupang ipinangako ninyo sa aming mga ninuno? Ayaw nila akong tigilan sa kahihingi ng karne. Saan ako kukuha ng karne para sa ganito karaming tao? Hindi ko sila kayang alagaang mag-isa. Napakalaki ng gawaing ito para sa akin! Kung ganito rin lamang ang gagawin ninyo sa akin, mabuti pa’y mamatay na ako ngayon din kaysa maghirap nang matagal.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 80, 12-13. 14-15. 16-17
Masigla nating awitan
ang D’yos nating kaligtasan.
Ngunit ang bayan ko’y hindi ako pansin,
di ako sinunod ng bayang Israel,
sa tigas ng puso, aking binayaan
ang sariling gusto nila’y siyang sundan.
Masigla nating awitan
ang D’yos nating kaligtasan.
Ang tangi kong hangad, sana ako’y sundin,
sundin ang utos ko ng bayang Israel;
ang kaaway nila’y aking lulupigin,
lahat ng kaaway agad lilipulin.
Masigla nating awitan
ang D’yos nating kaligtasan.
Silang namumuhi’t sa aki’y napopoot,
ay magsisiyuko sa laki ng takot,
Ang parusa nila’y walang pagkatapos.
Ang lalong mabuting bunga nitong trigo,
ang siyang sa inyo’y ipapakain ko;
at ang gusto ninyong masarap na pulot,
ang siyang sa inyo’y aking idudulot.
Masigla nating awitan
ang D’yos nating kaligtasan.
ALELUYA
Mateo 4, 4b
Aleluya! Aleluya!
Ang tao ay nabubuhay
sa Salita ng Maykapal
na pagkaing kanyang bigay.
Aleuya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 14, 13-21
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, nang marinig ni Hesus ang pagkamatay ni Juan Bautista, siya’y sumakay sa isang bangka at nag-iisang pumunta sa isang ilang na lugar. Nang mabalitaan naman iyon ng mga tao, sila’y lumabas ng bayan at lakad na sumunod sa kanya. Paglunsad ni Hesus sa dalampasigan, nakita niya ang napakaraming taong yaon. Nahabag siya sa kanila at pinagaling niya ang mga maysakit na dala nila.
Nang dapit-hapon na’y lumapit sa kanya ang mga alagad. Sinabi nila, “Ilang ang pook na ito at malapit nang lumubog ang araw. Papuntahin na po ninyo sa mga nayon ang mga tao upang makabili ng kanilang makakain.” “Hindi na sila kailangang umalis pa,” sabi ni Hesus. “Kayo ang magbibigay sa kanila ng makakain.” Sumagot sila, “Lilima po ang tinapay at dadalawa ang isda natin.” “Dalhin ninyo rito,” sabi niya. Pinaupo niya sa damuhan ang mga tao, kinuha ang limpang tinapay at dalawang isda; tumingala siya sa langit at nagpasalamat sa Diyos. Pinagpira-piraso niya ang mga tinapay at iniutos sa mga alagad na ipamigay iyon sa mga tao. Kumain silang lahat at nabusog. Tinipon ng mga alagad ang lumabis, at sila’y nakapuno ng labindalawang bakol ng pira-pirasong tinapay. May limang libong lalaki ang kumain, bukod pa sa mga babae at mga bata.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Mga Bilang 12, 1-13
Pagbasa mula sa aklat ng mga Bilang
Noong mga araw na iyon, sina Miriam at Aaron ay nag-usap laban kay Moises tungkol sa asawa niyang taga-Cus. Ang sabi nila, “Si Moises lamang ba ang kinausap ng Panginoon? Hindi ba’t tayo man?” Hindi kaila sa Panginoon ang usapan nilang ito. Si Moises naman ay mapagkumbaba higit kaninumang nabuhay sa ibabaw ng lupa.
Walang anu-ano, sina Moises, Aaron at Miriam ay tinawag ng Panginoon. Sinabi niya, “Magpunta kayong tatlo sa Toldang Tipanan.” At nagpunta nga sila. Ang Panginoon ay bumaba sa anyo ng haliging ulap at lumagay sa pintuan ng Toldang Tipanan. Tinawag niya sina Aaron at Miriam. Paglapit nila, sinabi niya, “Pakinggan ninyo ito: Kung ang sinuma’y nais kong hiranging propeta, napakikita ako sa kanya sa pangitain at kinakausap ko siya sa panaginip. Ngunit kaiba ang ginawa ko kay Moises pagkat siya lamang ang lubos kong mapagtitiwalaan sa aking sambahayan. Kinausap ko siya nang harapan at sinabi ko sa kanya ang lahat sa maliwanag na paraan, hindi sa pamamagitan ng talinghaga. At siya lamang ang nakakita sa aking anyo. Bakit kayo nag-uusap laban sa kanya?” Pagkasabi niyon, galit na umalis ang Panginoon.
Nang mawala na ang ulap sa ibabaw ng Toldang Tipanan, si Miriam ay namumuti sa ketong. Nang makita ito ni Aaron, sinabi niya kay Moises, “Kapatid ko, isinasamo kong huwag mo kaming parusahan dahil sa aming kamangmangan at kasamaan. Huwag mong pabayaang matulad siya sa isang buhay na patay, parang ipinanganak nang wala ang kabiyak ng katawan.” Kaya, si Moises ay dumaing sa Panginoon na pagalingin si Miriam.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 50, 3-4. 5-6a. 6bk-7. 12-13
Poon, iyong kaawaan
kaming sa ‘yo’y nagsisuway.
Ako’y kaawaan, O mahal kong Diyos,
sang-ayon sa iyong kagandahang-loob
mga kasalanan ko’y iyong pawiin,
ayon din sa iyong pag-ibig sa akin!
Linisin mo sana ang aking karumhan
at ipatawad mo yaring kasalanan!
Poon, iyong kaawaan
kaming sa ‘yo’y nagsisuway.
Ang pagsalansang ko ay kinikilala,
laging nasa isip ko at alaala.
Sa iyo lang ako nagkasalang tunay,
at ang nagawa ko’y di mo nagustuhan.
Poon, iyong kaawaan
kaming sa ‘yo’y nagsisuway.
Kaya matuwid ka na ako’y hatulan,
marapat na ako’y iyong parusahan.
Ako’y masama na buhat nang iluwal,
makasalanan na ang ako’y isilang.
Poon, iyong kaawaan
kaming sa ‘yo’y nagsisuway.
Isang pusong tapat sa aki’y likhain,
bigyan mo, O Diyos, ng bagong damdamin.
Sa iyong harapa’y h’wag akong alisin;
ang Espiritu mo ang papaghariin.
Poon, iyong kaawaan
kaming sa ‘yo’y nagsisuway.
ALELUYA
Juan 1, 49b
Aleluya! Aleluya!
Guro, Anak na butihin
ng D’yos Amang masintahin,
Ika’y Hari ng Israel.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 14, 22-36
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Matapos mabusog ang mga tao, agad pinasakay ni Hesus sa bangka ang kanyang mga alagad at pinauna sa kabilang ibayo samantalang pinauuwi niya ang mga tao. Pagkaalis ng mga ito, umahon siya sa burol upang manalangin. Nag-iisa siyang inabot doon ng gabi. Samantala, nasa laot na noon ang bangka at sinasalpok ng mga alon sapagkat pasalungat sa hangin. At nang madaling araw na’y sumunod sa kanila si Hesus na naglalakad sa ibabaw ng tubig. Kinilabutan sa takot ang mga alagad nang makita nilang may lumalakad sa ibabaw ng tubig. “Multo!” sigaw nila. Ngunit agad siyang nagsalita at sinabi sa kanila, “Huwag kayong matakot; si Hesus ito!” At nagsalita si Pedro, “Panginoon, kung talagang kayo iyan, papariyanin ninyo ako sa ibabaw ng tubig.” Sumagot siya, “Halika.” Kaya’t lumunsad si Pedro sa bangka at lumakad sa ibabaw ng tubig, palapit kay Hesus. Ngunit nang mapansin niya ang hangin, siya’y natakot at nagsimulang lumubog. “Sagipin ninyo ako, Panginoon!” sigaw niya. Agad siyang inabot ni Hesus. “Napakaliit ng iyong pananalig!” sabi niya kay Pedro. “Bakit ka nag-alinlangan?” Pagkasakay nila sa bangka, tumigil ang hangin. At sinamba siya ng mga nasa bangka. “Tunay na kayo ang Anak ng Diyos!” sabi nila.
Tumawid sila ng lawa, at dumaong sa Genesaret. Nakilala si Hesus ng mga tagaroon. Agad nilang ipinamalita sa buong palibot ng lupaing iyon ang pagdating ni Hesus kaya’t dinala nila sa kanya ang lahat ng maysakit. Hiniling nila sa kanya na ipahipo man lamang sa mga maysakit kahit ang laylayan ng kanyang kasuutan. At lahat ng makahipo nito ay gumagaling.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
o kaya
Mateo 15, 1-2. 10-14
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, lumapit kay Hesus ang ilang Pariseo at mga eskribang galing sa Jerusalem. Kanilang tinanong siya, “Bakit nilalabag ng mga alagad mo ang turo na minana natin sa ating mga ninuno? Kumakain sila nang hindi muna naghuhugas ng kamay ayon sa paraang iniutos!”
Pinalapit ni Hesus ang mga tao at kanyang sinabi, “Makinig kayong lahat, at unawain ang aking sasabihin. Hindi ang pumapasok sa bibig ng tao kundi ang lumalabas ang nakapagpaparumi sa kanya sa mata ng Diyos.”
Lumapit ang mga alagad at kanilang sinabi, “Alam ninyo, nagdamdam po ang mga Pariseo sa sinabi ninyo!” Sumagot siya, “Bubunutin ang bawat halamang hindi itinanim ng aking Amang nasa langit. Hayaan ninyo sila. Sila’y mga bulag na taga-akay; at kapag bulag ang umakay sa bulag, kapwa sila mahuhulog sa hukay.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Mga Bilang 13, 1-2. 25 – 14, 1. 26-29. 34-35
Pagbasa mula sa aklat ng mga Bilang
Noong mga araw na iyon, sinabi ng Panginoon kay Moises sa ilang ng Paran, “Piliin mo ang kinikilalang puno ng bawat lipi at patiktikan mo ang Canaan, ang lupaing ibibigay ko sa inyo.”
Pagkaraan ng apatnapung araw ng paniniktik, umuwi na sila at humarap kina Moises, Aaron at sa buong bayang Israel na natitipon noon sa Paran, Cades. Iniulat nila ang kanilang nakita at ipinakita ang mga uwi nilang bungangkahoy. Ang sabi nila, “Nagpunta kami sa lugar na pinatiktikan ninyo sa amin. Mainam ang lupaing iyon. Saganang-sagana sa lahat ng bagay. Katunayan ang bungangkahoy na kinuha namin doon. Ngunit malalakas ang mga tagaroon. Malalaki ang lungsod at matitibay ang muog. Bukod dito, naroon pa ang lahi ni Anac. Sakop ng mga Amalecita ang Negeb. Ang kataasan ay tinitirhan naman ng mga Heteo, Jebuseo at Amorreo. Ang nasa baybay-dagat naman at Ilog Jordan ay mga Cananeo.”
Pagkatapos nilang magsalita, pinatahimik ni Caleb ang bayan, at kanyang sinabi, “Hindi tayo dapat mag-aksaya ng panahon. Lusubin na natin sila at tiyak na malulupig natin.”
Sumagot ang ibang tiktik, “Hindi natin sila kaya pagkat mas malakas sila sa atin.” Hindi maganda ang kanilang ulat. Ito ang sinabi nila, “Higante ang mga tagaroon at sinumang magtangkang sumakop sa kanila ay lalamunin nila nang buo. Nakita namin doon ang mga Nefilim, ito’y lahi ni Anac buhat sa Nefilim. Halos hanggang tuhod lamang kami.”
Ang buong bayan ng Israel ay nalungkot, at magdamag na nanangis.
At nagbalik ang mga tiktik, sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron, “Hanggang ngayo’y patuloy pa ang mga Israelita sa pagrereklamo laban sa akin. Kailan pa ba sila tatahimik? Sabihin ninyo sa kanila na ito ang ipinasasabi ko: ‘Buhay akong Panginoon, gagawin ko sa inyo ang narinig kong pinag-uusapan ninyo. Kayo’y mamamatay dito sa ilang. Ang apatnapung araw na paniniktik ninyo sa lupaing yaon ay tutumbasan ko ng apatnapung taon ng pagpapahirap upang madama ninyo ang aking poot sa loob ng panahong yaon.’ Akong Panginoon ang may sabi nito at gagawin ko ito sa masamang bayang ito. Mamamatay sila rito sa ilang.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 105, 6-7a. 13-14. 21-22. 23
Panginoong masintahin
ang bayan mo’y gunitain.
o kaya: Aleluya.
Nagkasala kami, tulad ng ginawa ng aming magulang,
ang aming ginawa’y tunay na di tumpak, pawang kasamaan.
Ang magulang namin nang nasa Egipto, hindi alumana
ang kahanga-hangang mga ginawa mong kanilang nakita.
Panginoong masintahin
ang bayan mo’y gunitain.
Parang ningas-kugon, ang lahat ng ito’y kanilang nilimot,
sariling balangkas ang sinunod nila, hindi ang sa Diyos.
Habang nasa ilang, ang sariling hilig ang siyang sinunod,
sa ilang na iyo’y kinalaban nila’t sinubok ang Diyos.
Panginoong masintahin
ang bayan mo’y gunitain.
Kanilang nilimot ang Panginoong Diyos, ang Tagapagligtas,
na yaong ginawa doon sa Egipto’y kagila-gilalas.
Sa lupaing iyon ang ginawa niya’y tunay na himala.
Sa Dagat na Tambo yaong nasaksihan ay kahanga-hanga.
Panginoong masintahin
ang bayan mo’y gunitain.
Ang pasiya ng Diyos sa ginawa nila’y lipulin pagdaka,
agad na dumulog sa Poon, si Moises namagitan siya,
at hindi natuloy yaong kapasiyahan na lipulin sila.
Panginoong masintahin,
ang bayan mo’y gunitain.
ALELUYA
Lucas 7, 16
Aleluya! Aleluya!
Narito at dumating na
isang dakilang propeta
sugo ng D’yos sa bayan n’ya.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 15, 21-28
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, nagpunta si Hesus sa lupaing malapit sa Tiro at Sidon. Lumapit sa kanya ang isang Cananeang naninirahan doon at malakas na sinabi, “Panginoon, Anak ni David, mahabag po kayo sa akin! Ang anak kong babae ay inaalihan ng demonyo at masyadong pinahihirapan.” Ngunit gaputok ma’y di tumugon si Hesus. At lumapit ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanya, “Pagbigyan na nga po ninyo at nang umalis. Siya’y nag-iingay at susunud-sunod sa atin.” Sumagot si Hesus, “Sa mga tupang naliligaw ng sambahayan ng Israel lamang ako sinugo.” Ngunit lumapit sa kanya ang babae, lumuhod sa harapan at ang sabi, “Tulungan po ninyo ako, Panginoon.” Sumagot si Hesus, “Hindi dapat kunin ang pagkain ng mga anak upang ihagis sa mga tuta.” “Tunay nga po, Panginoon,” tugon ng babae, “Ngunit ang mga tuta man ay nagsisikain ng mumong nalalaglag sa hapag ng kanilang panginoon.” Kaya’t sinabi sa kanya ni Hesus, “Napakalaki ng iyong pananalig! Mangyayari ang hinihiling mo.” At noon di’y gumaling ang kanyang anak.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Mga Bilang 20, 1-13
Pagbasa mula sa aklat ng mga Bilang
Noong mga araw na iyon, ang mga Israelita’y nakarating sa ilang ng Zin at tumigil sa Cades. Doon namatay at inilibing si Miriam.
Wala silang makuhang tubig doon, kaya nag-usap-usap sila laban kina Moises at Aaron. Sinabi nila, “Mabuti pa’y namatay na kami sa harap ng Toldang Tipanan kasama ng iba naming mga kapatid. Bakit pa ninyo kami dinala rito, upang patayin, pati ang aming mga hayop? Bakit ninyo kami inialis sa Egipto at dinala sa disyertong ito na wala kahit isang butil na pagkain? Ni walang igos, ubas o granada! Wala man lang tubig!” Nagpunta sina Moises at Aaron sa harap ng Toldang Tipanan at nagpatirapa. Napakita naman sa kanila ang kaningningan ng Panginoon.
Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Dalhin mo ang tungkod ni Aaron. Isama ninyo ni Aaron ang buong bayan sa harap ng malaking bato. Pagdating doon, magsalita ka sa bato at lalabas ang tubig para sa bayan at sa kanilang kawan.” Kinuha nga ni Moises ang tungkod sa harap ng Kaban ng Tipan.
Tinipon nina Moises at Aaron sa harap ng malaking bato ang buong bayan. Sinabi niya, “Makinig kayo, mga mapanghimagsik. Ibig ba ninyong magpabukal kami ng tubig sa batong ito?” Pagkasabi noon, makalawang pinalo ni Moises ang bato sa pamamagitan ng tungkod. Bumukal ang masaganang tubig at nakainom ang bayan pati ng kanilang kawan.
Ngunit pinagsabihan ng Panginoon sina Moises at Aaron. Wika niya: “Dahil sa kakulangan ng inyong pagtitiwala na ipakikilala ang aking kabanalan sa harapan ng bayan, hindi kayo makararating sa lupaing ibibigay ko sa kanila.”
Ito ang bukal ng Meriba, ang lugar ng paghihimagsik ng Israel laban sa Panginoon; ipinakita niya dito ang kanyang kabanalan.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 94, 1-2. 6-7. 8-9
Panginoo’y inyong dinggin,
huwag n’yo s’yang salungatin.
Tayo ay lumapit
sa ‘ting Panginoon, siya ay awitan,
ating papurihan
ang batong kublihan nati’t kalakasan.
Tayo ay lumapit,
sa kanyang harapan na may pasalamat,
siya ay purihin,
ng mga awiting may tuwa at galak.
Panginoo’y inyong dinggin,
huwag n’yo s’yang salungatin.
Tayo ay lumapit,
sa kanya’y sumamba at magbigay-galang,
lumuhod sa harap nitong Panginoong sa ati’y lumalang.
Siya ang ating Diyos,
tayo ay kalinga niyang mga hirang,
mga tupa tayong inaalagaan.
Panginoo’y inyong dinggin,
huwag n’yo s’yang salungatin.
Ang kanyang salita ay ating pakinggan:
“Iyang inyong puso’y
huwag patigasin, tulad ng ginawa
ng inyong magulang
nang nasa Meriba, sa ilang ng Masa.
Ako ay tinukso’t
doon ay sinubok ng inyong magulang, bagamat nakita
ang aking ginawang sila’ng nakinabang.”
Panginoo’y inyong dinggin,
huwag n’yo s’yang salungatin.
ALELUYA
Mateo 16, 18
Aleluya! Aleluya!
Ikaw, Pedro, ang saligan
ng aking simbahang banal
na daig ang kamatayan.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 16, 13-23
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, nang dumating si Hesus sa lupain ng Cesarea ng Filipos, tinanong niya ang kanyang mga alagad, “Sino raw ang Anak ng Tao, ayon sa mga tao?” At sumagot sila, “Ang sabi po ng ilan ay si Juan Bautista kayo. Sabi naman ng iba, si Elias kayo. At may nagsasabi pang si Jeremias kayo o isa sa mga propeta.” “Kayo naman, ano ang sabi ninyo? Sino ako?” tanong niya sa kanila. Sumagot si Simon Pedro, “Kayo po ang Kristo, ang Anak ng Diyos na buhay.” Sinabi sa kanya ni Hesus, “Mapalad ka, Simon na anak ni Jonas! Sapagkat ang katotohanang ito’y hindi inihayag sa iyo ng sinumang tao kundi ng aking Amang nasa langit. At sinasabi ko naman sa iyo, ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking simbahan, at hindi makapananaig sa kanya kahit ang kapangyarihan ng kamatayan. Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit: ang ipagbawal mo sa lupa ay ipagbabawal sa langit, at ang ipahintulot mo sa lupa ay ipahihintulot sa langit.” At mahigpit niyang tinagubilin ang kanyang mga alagad na huwag sasabihin na siya ang Kristo.
Mula noon ay ipinaalam na ni Hesus sa kanyang mga alagad na dapat siyang magtungo sa Jerusalem at magbata ng maraming hirap sa kamay ng matatanda ng bayan, ng mga punong saserdote at ng mga eskriba, at kanilang ipapapatay siya. Ngunit sa ikatlong araw siya’y muling mabubuhay. Niyaya siya ni Pedro sa isang tabi at pinagsabihan ng ganito: “Panginoon, huwag naman itulot ng Diyos! Hindi po dapat mangyari ito sa inyo.” Ngunit hinarap siya ni Hesus at sinabihan, “Lumayo ka, Satanas! Hadlang ka sa aking landas. Ang iniisip mo’y hindi sa Diyos kundi sa tao.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Daniel 7, 9-10. 13-14
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Daniel
Habang ako’y nakatingin, may naglagay ng mga trono. Naupo sa isa sa mga ito ang isang nabubuhay magpakailanman. Kumikinang sa kaputian ang kanyang kasuotan at parang lantay na lana ang kanyang buhok. Ang trono niya’y nagniningning. Ang mga gulong nito ay apoy na nagliliyab. Waring agos ng tubig ang apoy na bumubuga mula sa trono. Ang naglilingkod sa kanya’y isang milyon bukod pa sa milyon-milyong nakaantabay. Humanda na siya sa paggagawad ng hatol at binuksan ang mga aklat. Patuloy ang aking pangitain. Ang nakita ko naman ay isang tila taong nakasakay sa ulap. Bumaba ito at lumapit sa nabubuhay magpakailanman. Binigyan siya ng kapamahalaan, ng karangalan at ng kaharian. Siya ay paglilingkuran ng lahat ng tao, bansa at wika. Ang pamamahala niya ay di matatapos, at di babawiin, at hindi mawawasak ang kanyang kaharian.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 96, 1-2. 5-6. 9
Panginoo’y maghahari,
lakas n’ya’y mananatili.
Ang Poon ay maghahari, magalak ang kalupaan!
Lahat kayong mga pulo ay magsaya at magdiwang!
Ang paligid niya’y ulap na lipos ng kadiliman,
kaharian niya’y tapat at salig sa katarungan.
Panginoo’y maghahari,
lakas n’ya’y mananatili.
Yaong mga kabunduka’y natutunaw, parang pagkit,
sa harapan ng dakilang Panginoon ng daigdig.
Sa langit ay nahahayag yaong kanyang katuwiran,
sa lupa ay makikita ang kanyang kadakilaan.
Panginoo’y maghahari,
lakas n’ya’y mananatili.
Ikaw, Poon, ay Dakila at hari ng buong lupa,
dakila ka sa alinmang mga diyos na ginawa.
Panginoo’y maghahari,
lakas n’ya’y mananatili.
IKALAWANG PAGBASA
2 Pedro 1, 16-19
Pagbasa mula sa ikalawang sulat ni Apostol San Pedro
Mga pinakamamahal, ang ipinahayag namin sa inyo tungkol sa muling pagparito ng ating Panginoong Hesukristo, na puspos ng kapangyarihan, ay hindi sa mga alamat na katha lamang ng tao. Nasaksihan namin ang kanyang kadakilaan nang ipagkaloob sa kanya ng Diyos Ama ang karangalan at kapurihan. Ito’y nangyari nang marinig ang tinig mula sa Dakilang Kaluwalhatian ng langit. “Ito ang pinakamamahal kong Anak; siya ang lubos kong kinalulugdan.” Narinig namin ito sapagkat kami’y kasama niya sa banal na bundok.
Kaya naman lalong tumibay ang aming paniniwala sa ipinahayag ng mga propeta. Makabubuting ito’y pag-ukulan ninyo ng pansin, sapagkat ang nakakatulad nito ay isang ilaw sa karimlan na tumatanglaw sa inyo hanggang sa mamanaag ang Araw ng Panginoon at ang sinag ng tala ng umaga’y maglagos sa inyong puso.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Mateo 17, 5k
Aleluya! Aleluya!
Sabi ng D’yos ay pakinggan
ang Anak n’yang minamahal
na lubhang kinalulugdan.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 9, 2-10
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, umakyat si Hesus sa isang mataas na bundok. Wala siyang isinama kundi sina Pedro, Santiago at Juan. Samantalang sila’y naroon, nakita nilang nagbagong-anyo si Hesus, nagningning ang kanyang kasuotan na naging puting-puti, anupat walang sinumang makapagpapaputi nang gayun. At nakita ng tatlong alagad si Moises at si Elias, na nakikipag-usap kay Hesus. Sinabi ni Pedro kay Hesus, “Guro, mabuti pa’y dumito na tayo. Gagawa po kami ng tatlong kubol: isa sa inyo, isa kay Moises at isa kay Elias.” Hindi nalalaman ni Pedro ang kanyang sinasabi sapagkat masyado ang takot niya at ng kanyang mga kasama. At nililiman sila ng isang alapaap at mula rito’y may tinig na nagsabi, “Ito ang minamahal kong Anak. Pakinggan ninyo siya!” Pagdaka, tumingin ang mga alagad sa paligid nila at nakitang wala na silang kasama roon kundi si Hesus.
Habang bumababa sila sa bundok ay mahigpit na itinagubilin sa kanila ni Hesus: “Huwag ninyong sasabihin kaninuman ang inyong nakita hangga’t hindi muling nabubuhay ang Anak ng Tao.” Sinunod nila ang tagubiling ito, ngunit sila-sila’y nagtanungan kung ano ang kahulugan ng sinabi niyang muling pagkabuhay.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Deuteronomio 6, 4-13
Pagbasa mula sa aklat ng Deuteronomio
Sinabi ni Moises sa mga tao, “Dinggin ninyo mga Israelita: Ang Panginoon lamang ang Diyos. Ibigin ninyo siya nang buong puso, kaluluwa at lakas. Ang mga utos niya’y itanim ninyo sa inyong isip. Ituro ninyo ito sa inyong mga anak; sa loob at labas ng inyong tahanan, sa oras ng paggawa at pamamahinga, sa lahat ng lugar at sa lahat ng panahon. Ipulupot ninyo ito sa inyong mga kamay bilang tanda, itali sa inyong noo, isulat sa mga hamba ng inyong pinto at mga tarangkahan.
“Kayo’y malapit nang dalhin ng Panginoon sa lupaing ipinangako niya sa inyong mga ninunong sina Abraham, Isaac at Jacob. Maninirahan kayo sa malalaki at magagandang lungsod na hindi ninyo itinayo. Titira kayo sa mga tahanang husto sa lahat ng bagay ngunit hindi ninyo pinaghirapan. Iinom kayo ng tubig na galing sa mga balong hindi ninyo hinukay. Mamimitas kayo sa mga ubusan at sa mga olibong hindi ninyo itinanim. Kung kayo’y naroon na at nananagana sa lahat ng bagay, huwag ninyong kalimutan ang Panginoon na nag-alis sa inyo sa bansang Egipto. Magkaroon kayo ng takot sa kanya, paglingkuran ninyo siya at mamuhay kayo nang tapat.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 17, 2-3a. 3bk-4. 47 at 51ab
Poong aking kalakasan,
iniibig kitang tunay.
O Panginoon kong aking kalakasan,
Minamahal kita nang tunay na tunay.
Panginoo’y batong hindi matitibag,
matibay kong muog at Tagapagligtas.
Poong aking kalakasan,
iniibig kitang tunay.
D’yos ko ang sa akin ay s’yang nag-iingat,
Tagapagtanggol ko at aking kalasag.
Sa ‘yo, Panginoon, ako’y tumatawag,
Sa mga kaaway ako’y ‘yong iligtas.
Poong aking kalakasan,
iniibig kitang tunay.
Panginoo’y buhay, s’ya’y Tagapagligtas,
matibay kong muog, purihin ng lahat!
Sa piniling hari, dakilang tagumpay,
ang kaloob ng D’yos sa kanyang hinirang.
Poong aking kalakasan,
iniibig kitang tunay.
ALELUYA
2 Timoteo 1, 10
Aleluya! Aleluya!
Si Kristo ay nagtagumpay
nalupig ang kamatayan
nagningning ang pagkabuhay.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 17, 14-20
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, lumapit ang isang lalaki, lumuhod sa harapan ni Hesus at ang sabi, “Ginoo, mahabag po kayo sa anak kong lalaki! Siya po’y himatayin at lubhang nahihirapan kung sinusumpong, sapagkat madalas siyang mabuwal sa apoy o kaya’y mahulog sa tubig. Dinala ko na siya sa inyong mga alagad, ngunit hindi nila mapagaling.” Sumagot si Hesus, “Lahing walang pananampalataya at matigas ang ulo! Hanggang kailan dapat akong manatiling kasama ninyo? Hanggang kailan ko kayo pagtitiisan? Dalhin ninyo rito ang bata!” Pinagwikaan ni Hesus ang demonyo at lumabas ito, at ang bata’y gumaling agad.
Pagkatapos ay lumapit ang mga alagad kay Hesus at nagtanong nang walang ibang nakaririnig, “Bakit hindi po namin mapalayas ang demonyo?” Sumagot siya, “Dahil sa kaliitan ng inyong pananalig. Sinasabi ko sa inyo: kung maging sinlaki man lamang ng butil ng mustasa ang inyong pananalig sa Diyos, masasabi ninyo sa bundok na ito, ‘Lumipat ka roon!’ at lilipat ito. Walang bagay na hindi ninyo mapangyayari.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
1 Hari 19, 4-8
Pagbasa mula sa aklat ng mga Hari
Noong mga araw na iyon, si Elias ay mag-isang pumunta sa ilang. Pagkatapos ng maghapong paglalakad ay naupo siya sa lilim ng isang puno ng retama at nanalangin nang ganito: “Panginoon, kunin na po ninyo ako. Ako po’y hirap na hirap na. Nais ko na pong mamatay.”
Pagkatapos, nahiga siya at nakatulog. Ngunit dumating ang isang anghel, kinalabit siya at ang sabi: “Gising na at kumain ka!” Nang siya’y lumingon, nakita niya sa may ulunan ang isang tinapay na niluto sa ibabaw ng mainit na bato, at tubig sa isang sisidlan. Kumain nga siya at uminom. Pagkatapos ay nahiga uli. Ngunit bumalik ang anghel ng Panginoon, kinalabit siya uli at sinabi: “Bumangon ka at kumain. Napakahaba pa ang lalakarin mo.” Kumain nga siya uli at uminom at siya’y lumakas. Sa tulong ng pagkaing iyon, naglakbay siyang apatnapung araw at apatnapung gabi, hanggang sa Horeb, ang Bundok ng Diyos.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 33, 2-3. 4-5. 6-7. 8. 9
Magsumikap tayong kamtin
ang Panginoong butihin.
Panginoo’y aking laging pupurihin;
sa pasasalamat di ako titigil.
Aking pupurihin kanyang mga gawa,
kayong naaapi, makinig, matuwa!
Magsumikap tayong kamtin
ang Panginoong butihin.
Ang pagkadakila niya ay ihayag
at ang ngalan niya’y purihin ng lahat!
Ang aking dalangi’y dininig ng Diyos,
nawala sa akin ang lahat kong takot.
Magsumikap tayong kamtin
ang Panginoong butihin.
Nagalak ang aping umasa sa kanya,
pagkat di nabigo ang pag-asa nila.
Tumatawag sa Diyos ang walang pag-asa,
sila’y iniligtas sa hirap at dusa.
Magsumikap tayong kamtin
ang Panginoong butihin.
Anghel yaong bantay sa may takot sa Diyos,
sa mga panganib, sila’y kinukupkop.
Ang galing ng Poon hanaping masikap;
yaong nagtiwala sa kanya’y naligtas
ay maituturing na taong mapalad.
Magsumikap tayong kamtin
ang Panginoong butihin.
IKALAWANG PAGBASA
Efeso 4, 30 – 5, 2
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Efeso
Mga kapatid, huwag ninyong dulutan ng pighati ang Espiritu Santo, sapagkat ito ang tatak ng Diyos sa inyo, ang katibayan ng inyong katubusan pagdating ng takdang araw. Alisin na ninyo ang lahat ng sama ng loob, galit at poot; huwag na kayong mambubulyaw, manlalait, at mananakit ng damdamin ng kapwa. Sa halip, maging mabait kayo at maawain sa isa’t isa, at magpatawaran, tulad ng pagpapatawad sa inyo ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo.
Yamang kayo’y mga anak na minamahal ng Diyos, tularan niyo siya. Mamuhay kayong puspos ng pag-ibig tulad ni Kristo; dahil sa pag-ibig sa atin, inihandog niya ang kanyang buhay bilang mahalimuyak na hain ng Diyos.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Juan 6, 51
Aleluya! Aleluya!
Pagkaing dulot ay buhay
Si Hesus na Poong mahal,
Buhay natin s’ya kailanman.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 6, 44-51
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong mga panahong iyon, nagbulung-bulungan ang mga Judio dahil sa sinabi ni Hesus, “Ako ang pagkaing bumaba, mula sa langit.” Sinabi nila, “Hindi ba ito si Hesus na anak ni Jose? Kilala natin ang kanyang ama’t ina. Paano niya ngayong masasabi: ‘Bumaba ako mula sa langit’?” Kaya’t sinabi ni Hesus, “Huwag kayong magbulung-bulungan. Walang makalalapit sa akin malibang dalhin siya ng Amang nagsugo sa akin. At ang lalapit sa akin ay muli kong bubuhayin sa huling araw. Nasusulat sa aklat ng mga propeta, ‘At silang lahat ay tuturuan ng Diyos.’ Ang bawat nakikinig sa Ama at natututo ay lalapit sa akin. Hindi ito nangangahulugang may nakakita na sa Ama; yaong nagmula sa Diyos ang tanging nakakita sa Ama.
“Sinasabi ko sa inyo: ang nananalig sa akin ay may buhay na walang hanggan. Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay. Kumain ng manna ang inyong mga ninuno nang sila’y nasa ilang, gayunman’y namatay sila. Ngunit ang sinumang kumain ng pagkaing bumaba mula sa langit ay hindi mamamatay. Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay na bumaba mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain nito. At ang pagkaing ibibigay ko sa ikabubuhay ng sanlibutan ay ang aking laman.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Exodo 14, 5-18
Pagbasa mula sa aklat ng Exodo
Noong mga araw na iyon, nang makarating sa Faraon ang balita tungkol sa pag-alis ng mga Israelita, nagbago siya ng isip, pati ang kanyang mga tauhan. Sinabi nila, “Bakit natin pinayagang umalis ang mga Israelita? Di wala nang maglilingkod sa atin!” Ipinahanda ng Faraon ang kanyang mga karwaheng pandigma at kanyang mga kawal. Ang dala niya’y animnaraang piling karwaheng pandigma, kasama ang lahat ng karwahe sa buong Egipto; bawat isa’y may sakay na punong kawal. Ang Faraon ay pinagmatigas ng Panginoon at hinabol niya ang mga Israelita na noo’y naglalakbay na sa pamamatnubay niya. Hinabol nga ng mga Egipcio, ng mga kawal ng Faraon, sakay ng kanilang karwahe. Inabot nila ang mga Israelita, sa tabing dagat, malapit sa Pi-hahirot sa tapat ng Baal-zefon.
Pinagharian ng matinding takot ang mga Israelita nang makita nilang dumarating ang Faraon at ang mga Egipcio. Kaya, dumaing sila sa Panginoon. Sinabi nila kay Moises, “Wala na bang mapaglilibingan sa amin sa Egipto kaya mo kami dinala sa ilang para dito mamatay? Inialis mo kami sa Egipto, tingnan mo ang nangyari! Hindi ba’t bago tayo umalis ay sinabi na namin sa iyo na ganito ang aming sasapitin? Sinabi na namin sa iyo na huwag kaming pakialaman, at pabayaan na kaming manatiling alipin ng mga Egipcio sapagkat ibig pa namin ang manatiling alipin kaysa mamatay dito sa ilang.”
Sumagot si Moises, “Lakasan ninyo ang inyong loob; huwag kayong matakot. Tingnan na lang ninyo kung paano kayo ililigtas ng Panginoon. Hindi na ninyo makikita uli ang mga Egipciong iyan. Ipagtatangol kayo ng Panginoon, wala kayong gagawing anuman.”
Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Bakit mo ako tinatawag? Palakarin mo ang mga Israelita. Itapat mo sa ibabaw ng dagat ang iyong tungkod; mahahati ang tubig at matutuyo ang lalakaran ninyo. Lalo kong pagmamatigasin ang mga Egipcio at pasusundan ko kayo sa kanila, ngunit doon ko sila lilipulin: ang mga Egipcio, ang mga kawal ng Faraon, pati ang kanilang mga karwahe. Ipakikita ko sa kanila ang aking kapangyarihan. Sa gayun, malalaman ng mga Egipciong iyan na ako ang Panginoon.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Exodo 15, 1-2. 3-4. 5-6.
Poon ay ating awitan
sa kinamtan n’yang tagumpay.
Ang Panginoo’y atin ngayong awitan
sakanyang kinamtang Dakilang tagumpay;
ang mga kabayo’t kawal ng kaaway
sa pusod ng dagat, lahat natabunan.
Ako’y pinalakas niya’t pinatatag,
siya ang sa aki’y nagkupkop, nag-ingat,
Diyos ng magulang ko, aking manliligtas.
Poon ay ating awitan
sa kinamtan n’yang tagumpay.
Siya’y mandirigma na walang kapantay,
Panginoo’y kanyang pangalan.
Nang ang mga kawal ng Faraon
sa Dagat ng mga Tambo ay mangagsilusong,
ang lahat ng ito ay kanyang nilunod
pati na sasakya’y kanyang pinalubog.
Poon ay ating awitan
sa kinamtan n’yang tagumpay.
Sila’y natabunan ng alon sa dagat,
tulad nila’y batong lumubog kaagad.
Ang mga bisig mo ay walang katulad,
wala ngang katulad, walang kasinlakas,
sa isang hampas mo, kaaway nangalat,
nangadurgo mandin sa ‘yong mga palad.
Poon ay ating awitan
sa kinamtan n’yang tagumpay.
ALELUYA
Salmo 94, 8ab
Aleluya! Aleluya!
Dinggin ninyong lahat ngayon
ang tinig ng Panginoon
sa loob na mahinahon.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 12, 38-42
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ng ilang eskriba at Pariseo kay Hesus, “Guro, maaari po bang pagpakitaan ninyo kami ng tanda mula sa langit?” Sumagot si Hesus, “Lahing masama at di-tapat sa Diyos! Naghahanap kayo ng tanda ngunit walang ipakikita sa inyo maliban sa palatandaaang inilalarawan ng nangyari kay Propeta Jonas. Kung paanong si Jonas ay tatlong araw at tatlong gabing nasa tiyan ng dambuhalang isda, gayun din ang Anak ng Tao ay tatlong araw at tatlong gabing sasailalim ng lupa. Sa Araw ng Paghuhukom, titindig ang mga taga-Ninive laban sa lahing ito at ito’y hahatulan ng kaparusahan, sapagkat nagsisi sila dahil sa pangangaral ni Jonas; ngunit higit na di hamak kay Jonas ang naririto! Sa araw na yaon, titindig ang Reyna ng Timog laban sa lahing ito at ito’y hahatulan ng kaparusahan, sapagkat nanggaling siya sa dulo ng daigdig upang pakinggan ang karunungan ni Solomon; ngunit higit na di-hamak kay Solomon ang naririto!”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Exodo 14, 21 – 15, 1
Pagbasa mula sa aklat ng Exodo
Noong mga araw na iyon, itinapat ni Moises ang kanyang tungkod sa ibabaw ng dagat. Magdamag na pinaihip ng Panginoon ang isang malakas na hangin mula sa silangan at nahati ang tubig. Ang mga Israelita’y bumagtas sa dagat na ang nilakara’y tuyong lupa, sa pagitan ng animo’y pader na tubig. Hinabol sila ng mga Egipcio, ng mga kawal, karwahe at kabayuhan ng Faraon. Nang magbubukang-liwayway na, ang mga Egipcio’y ginulo ng Panginoon mula sa haliging apoy at ulap. Nalubog ang gulong ng mga karwahe at hindi na sila makatugis nang matulin. Kaya sinabi nila, “Umalis na tayo rito sapagkat ang Panginoon na ang kalaban natin.”
Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Itapat mo ang iyong tungkod sa ibabaw ng dagat at tatabunan ng tubig ang mga Egipcio pati ng kanilang karwahe.” Ganoon nga ang ginawa ni Moises, at pagbubukang-liwayway, nanumbalik sa dati ang dagat. Ang mga Egipcio’y nagsikap makatakas ngunit pinalakas ng Panginoon ang dating ng tubig kaya’t sila’y nalunod na lahat. Nang manauli ang dagat, natabunan ang mga karwahe’t kabayo ng Faraon, pati ng kanyang mga kawal at walang natira isa man. Ngunit ang mga Israelita’y nakatawid sa dagat, na tuyo ang dinaanan, sa pagitan ng animo’y pader na tubig.
Nang araw na yaon ang mga Israelita’y iniligtas ng Panginoon sa mga Egipcio; nakita nila ang bangkay ng mga Egipcio, nagkalat sa baybay-dagat. Dahil sa kapangyarihang ipinakita ng Panginoon laban sa mga taga-Egipcio, nagkaroon sila ng takot sa kanya at sumampalataya sila sa kanya at sa alagad niyang si Moises.
Ito ang inawit ni Moises at ng mga Israelita para sa Panginoon.
“Ang Panginoo’y atin ngayong awitan
Sa kanyang kinamtang Dakilang tagumpay;
Ang mga kabayo’t kawal ng kaaway
Sa pusod ng dagat, lahat natabunan.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Exodo 15, 8-9. 10 at 12. 17
Poon ay ating awitan
sa kinamtan n’yang tagumpay.
Hininga mo’y parang hanging umiihip
kayang pataasin pati na ang tubig;
napahihinto mo ang agos ng batis,
pati kalaliman ay natutuyo mo kung siya mong nais.
Wika ng kaaway,
“Aking tutugisin, tiyak aabutan,
kukunin kong lahat
ang makikita ko kahit anong bagay
hahati-hatiin yaong kayamanan.
Sa aking patalim at lakas na taglay,
kakamkaming lahat ang ari-arian.”
Poon ay ating awitan
sa kinamtan n’yang tagumpay.
Ang isang hinga mo’y
malakas na hanging nagpapadaluyong,
para silang tingga
na nagsisilubog kung takpan ng alon.
Poon ay ating awitan
sa kinamtan n’yang tagumpay.
Nang ang iyong kamay
ang kanang kamay mo,
nang iyong itaas,
sila sa daigdig, naglaho at sukat.
Sila’y dadalhin mo sa pinili mong bundok.
Sa lugar na itinangi mo, para maging iyong lubos
at sa santwaryong natayo ayon sa iyong loob.
Poon ay ating awitan
sa kinamtan n’yang tagumpay.
ALELUYA
Juan 14, 23
Aleluya! Aleluya!
Ang sa aki’y nagmamahal
tutupad sa aking aral.
Ama’t ako’y mananahan.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 12, 46-50
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, samantalang nagsasalita pa si Hesus, dumating ang kanyang ina at mga kapatid. Naghihintay sila sa labas at ibig siyang makausap. May nagsabi sa kanya, “Nasa labas po ang inyong ina at mga kapatid, at ibig kayong makausap.” Ngunit sinabi ni Hesus, “Sino ang aking ina, at sinu-sino ang aking mga kapatid? Itinuro niya ang kanyang mga alagad at sinabi, “Ito ang aking ina at mga kapatid! Sapagkat ang sinumang sumusunod sa kalooban ng aking Amang nasa langit ang siya kong ina at mga kapatid.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Exodo 16, 1-5. 9-15
Pagbasa mula sa aklat ng Exodo
Mula sa Elim, nagpatuloy sa paglalakbay ang mga Israelita, at ikalabinlima ng ikalawang buwan nang sila’y dumating sa ilang ng Sin, sa pagitan ng Elim at Sinai. Ang mga Israelita’y nagreklamo kina Moises at Aaron. Sinabi nila, “Mabuti pa sana’y pinatay na kami ng Panginoon sa Egipto. Doon, nakakakain kami ng karne at tinapay hanggang gusto namin. Dito naman sa ilang na pinagdalhan ninyo sa amin, mamamatay kami sa gutom.”
Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Pauulanan ko kayo ng tinapay mula sa langit. Araw-araw, palalabasin mo ng bahay ang mga tao para mamulot ng kakanin nila sa maghapon. Sa pamamagitan nito’y susubukin ko kung hanggang saan nila susundin ang aking mga tagubilin. Tuwing ikaanim na araw, doble sa karaniwan ang kanilang pupulutin at ihahanda.”
Sinabi ni Moises kay Aaron, “Ang buong bayan ay paharapin mo sa Panginoon sapagkat narinig niya ang kanilang reklamo.” Nang sabihin ito ni Aaron, ang buong bayan ay humarap sa Panginoon, sa gawi ng disyerto, at bigla na lamang nilang nakita sa ulap ang kaningningan ng Panginoon. Sinabi niya kay Moises, “Narinig ko ang reklamo ng mga Israelita. Sabihin mo sa kanila na pagtatakip-silim, bibigyan ko sila ng karne. Sa umaga, bibigyan ko sila ng tinapay hanggang gusto nila. Sa gayo’y malalaman nilang ako ang Panginoon, ang kanilang Diyos.”
Nang magtakip-silim, dumagsa sa kampo ang napakaraming pugo. Kinaumagahan naman ay makapal na makapal ang hamog sa paligid ng kampo. Nang mapawi ang hamog, nakita nilang ang lupa’y nalalatagan ng maliliit at maninipis na mga bagay na animo’y pinipig. Hindi nila alam kung ano iyon, kaya nagtanungan sila, “Ano kaya ito?”
Sinabi ni Moises, “Iyan ang tinapay na bigay sa inyo ng Panginoon.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 77, 18-19. 23-24. 25-26. 27-28
Panginoon ang nagbigay
ng pagkaing bumubuhay.
Tinitikis nilang kusa, sinusubok nila ang Diyos,
ang hiningi ay pagkaing gustung-gusto nilang lubos.
Kinalaban nila ang Diyos nang sabihin ang ganito:
“Sa gitna ba nitong ilang mabubusog niya tayo?”
Panginoon ang nagbigay
ng pagkaing bumubuhay.
Gayun pa man, itong Diyos nag-utos sa kalangitan,
at ang mga pinto nito’y agad-agad na nabuksan.
Bunga nito, ang pagkai’y bumuhos na parang ulan,
ang pagkain nilang manna, sa kanila’y ibinigay.
Panginoon ang nagbigay
ng pagkaing bumubuhay.
Ang kaloob na pagkai’y pagkain ng mga anghel,
hindi sila nagkukulang, masagana kung dumating.
Yaong ihip ng amihan, ay siya rin ang nag-utos,
sa taglay na lakas niya’y dumating ang hanging timog.
Panginoon ang nagbigay
ng pagkaing bumubuhay.
Ang pagkain nilang karne’y masaganang dumarating,
makapal na mga ibon na sindami ng buhangin.
Sa gitna ng kampo nila ay doon na bumabagsak,
sa palibot niyong tolda’y doon nila tinatanggap.
Panginoon ang nagbigay
ng pagkaing bumubuhay.
ALELUYA
Aleluya! Aleluya!
Salita ng D’yos ang buto
na tanim ni Hesukristo
upang tumubo sa tao.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 13, 1-9
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noon ding araw na iyon, si Hesus ay lumabas ng bahay at naupo sa tabi ng lawa. Pinagkalipumpunan siya ng makapal na tao, kaya sumakay siya sa isang bangka at doon naupo. Nasa dalampasigan naman ang mga tao. At nagturo siya ng maraming bagay sa pamamagitan ng mga talinghaga.
“May isang magsasakang lumabas upang maghasik. Sa kanyang paghahasik ay may binhing nalaglag sa tabi ng daan. Dumating ang mga ibon at tinuka ang mga iyon. May binhi namang nalaglag sa kabatuhan. Sapagkat manipis lang ang lupa roon, sumibol agad ang binhing iyon, ngunit nang mapabilad sa matinding sikat ng araw ay natuyo, palibhasa’y walang gaanong ugat. May binhi namang nalaglag sa dawagan; lumago ang mga dawag at ininis ang mga iyon. Ngunit ang binhing nalaglag sa mabuting lupa ay nag-uhay: may tigsasandaan, may tig-aanimnapu, at may tigtatatlumpung butil ang bawat uhay. Ang may pandinig ay makinig!”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Awit ni Solomon 3, 1-4a
Pagbasa mula sa Awit ni Solomon
Gabi-gabi, sa higaan ang mahal ko’y hinahanap,
ngunit hindi masumpungan kahit na sa pangarap.
Akong ito’y bumabangon, sa lungsod ay naglalakad,
ang lansangan sa paligid ay aking ginagalugad;
ngunit hindi matagpuan ang sinta kong nililiyag.
Sa akin ngang paglalakad, nakita ko’y mga bantay
nagmamanman, naglilibot sa paligid, sa lansangan.
Sa kanila ang tanong ko, “Mahal ko ba ay nasaan?”
Nang kami ay maghiwalay ng nasabing mga tanod,
Bigla na lang na nakita ang mahal kong iniirog.
Ang Salita ng Diyos.
o kaya:
2 Corinto 5, 14-17
Pagbasa mula sa ikalawang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto
Mga kapatid, ang pag-ibig ni Kristo ang nag-uudyok sa aking magkaganyan, ngayong malaman kong siya’y namatay para sa lahat at dahil diyan, ang lahat ay maibibilang nang patay. Namatay siya para sa lahat upang ang mga nabubuhay ngayon ay huwag nang mabuhay para sa sarili, kundi para kay Kristo na namatay at muling nabuhay para sa kanila.
Kaya ngayon, ang pagtingin namin kaninuman ay hindi na batay sa sukatan ng tao. Noong una’y gayun ang aming pagkakilala kay Kristo, ngunit ngayo’y hindi na. Kaya’t ang sinumang nakipag-isa kay Kristo ay isa nang bagong nilalang. Wala na ang dating pagkatao; siya’y bago na.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 62, 2, 3-4, 5-6, 8-9
Aking kinasasabikan,
Panginoon, ikaw lamang.
O Diyos, ikaw ang aking Diyos na lagi kong hinahanap;
ang uhaw kong kaluluwa’y tanging ikaw yaong hangad;
Para akong tuyong lupa na tubig ang siyang lunas.
Aking kinasasabikan,
Panginoon, ikaw lamang.
Bayaan mong sa santwaryo, sa lugar na dakong banal,
ikaw roo’y mamasdan ko, sa likas mong karangalan.
Ang wagas na pag-ibig mo’y mahigit pa kaysa buhay.
Kaya ako’y magpupuri’t ikaw ang pag-uukulan.
Aking kinasasabikan,
Panginoon, ikaw lamang.
Habang ako’y nabubuhay, ako’y magpapasalamat.
At ako ay dadalangin na kamay ko’y nakataas.
Itong aking kaluluwa’y kakaing may kasiyahan,
magagalak na umawit ng papuring iaalay.
Aking kinasasabikan,
Panginoon, ikaw lamang.
Pagkat ikaw sa tuwina ang katulong na malapit,
sa lilim ng iyong pakpak galak akong umaawit.
Itong aking kaluluwa’y sa iyo lang nanghahawak,
pagkat ako kung hawak mo, kaligtasa’y natitiyak.
Aking kinasasabikan,
Panginoon, ikaw lamang.
ALELUYA
Aleluya! Aleluya!
Ipahayag mo, Maria,
na si Kristo’y nabuhay na
libingan nya’y ‘yong nakita.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 20, 1-2. 11-18
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Madilim-dilim pa nang araw ng Linggo, naparoon na si Maria Magdalena sa libingan. Naratnan niyang naalis na ang batong panakip sa pinto ng libingan. Dahil dito, patakbo siyang pumunta kay Simon Pedro at sa alagad na mahal ni Hesus, at sinabi sa kanila, “Kinuha sa libingan ang Panginoon at hindi namin alam kung saan dinala!”
Si Maria’y nakatayong umiiyak sa labas ng libingan; yumuko siya at tumingin sa loob. May nakita siyang dalawang anghel na nakaupo sa pinaglagyan ng bangkay ni Hesus, ang isa’y sa gawing ulunan at ang isa nama’y sa paanan. Tinanong nila si Maria, “Ale, bakit kayo umiiyak?” Sumagot siya, “Kinuha po nila ang aking Panginoon, at hindi ko alam kung saan nila dinala.” Lumingon siya pagkasabi nito, at nakita niya si Hesus na nakatayo roon, ngunit hindi niya nakilalang si Hesus iyon. Tinanong siya ni Hesus, “Bakit ka umiiyak? Sino ang hinahanap mo?” Akala ni Maria’y siya ang tagapag-alaga ng halamanan, kaya’t sinabi niya, “Ginoo, kung kayo po ang kumuha sa kanya, ituro ninyo sa akin kung saan ninyo dinala at kukunin ko.” “Maria!” ani Hesus. Humarap siya at kanyang sinabi, “Raboni!” — ibig sabihi’y “Guro.” “Huwag mo akong hawakan, sapagkat hindi pa ako nakapupunta sa Ama,” wika ni Hesus. “Sa halip, pumunta ka sa aking mga kapatid at sabihin mong aakyat ako sa aking Ama at inyong Ama, sa aking Diyos at inyong Diyos.” Kaya’t si Maria Magdalena’y pumunta sa mga alagad at sinabi, “Nakita ko ang Panginoon!” At tuloy sinabi sa kanila ang bilin ni Hesus.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Exodo 20, 1-17
Pagbasa mula sa aklat ng Exodo
Noong mga araw na iyon, sinabi ng Diyos: “Ako ang Panginoon, ang inyong Diyos na naglabas sa inyo sa Egipto at humango sa inyo sa pagkaalipin.
Huwag kayong magkakaroon ng ibang diyos, maliban sa akin.
Huwag kayong magkakaroon ng diyus-diyusan o kaya’y larawan o rebulto ng anumang nilalang na nasa himpapawid, nasa lupa o nasa tubig. Huwag kayong yuyukod o maglilingkod sa alinman sa mga diyus-diyusang iyan sapagkat akong Panginoon ay mapanibughuin. Parurusahan ko ang lahat ng aayaw sa akin pati ang kanilang mga anak hanggang sa ikaapat na salinlahi. Ngunit ang lahat ng umiibig sa akin ay pagpapalain ko hanggang sa kanilang kaapu-apuhan.
Huwag ninyong babanggitin sa walang kabuluhan ang pangalang Panginoon sapagkat parurusahan ko ang sinumang bumanggit nito nang walang kabuluhan.
Italaga ninyo sa akin ang Araw ng Pamamahinga. Anim na araw kayong gagawa ng inyong gawain. Ang ikapitong araw ay Araw ng Pamamahinga, at itatalaga ninyo sa akin. Sa ikapitong araw, walang gagawa isa man sa inyo: kayo, ang inyong mga anak, mga katulong, ang inyong mga hayop o sinumang naninirahan sa inyong bayan. Anim na araw na ginawa ko ang langit, ang lupa, ang mga dagat at ang lahat ng nasa mga ito; namahinga ako sa ikapitong araw. Itinangi ko ito at itinalaga para sa akin.
Igalang ninyo ang inyong ama’t ina. Sa gayo’y mabubuhay kayo nang matagal sa lupaing ibinigay ko sa inyo.
Huwag kayong papatay.
Huwag kayong mangangalunya.
Huwag kayong magnanakaw.
Huwag kayong sasaksi sa di katotohanan laban sa inyong kapwa.
Huwag ninyong pag-iimbutan ang sambahayan ng inyong kapwa: ang kanyang asawa, mga alila, mga baka, asno o ang anumang pag-aari niya.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 18, 8. 9. 10. 11
Panginoon, iyong taglay
ang Salitang bumubuhay.
Ang batas ng Panginoon ay batas na walang kulang,
ito’y utos na ang dulot sa tao ay bagong buhay;
yaong kanyang mga batas ay mapagtitiwalaan,
nagbibigay ng talino sa pahat ang kaisipan.
Panginoon, iyong taglay
ang Salitang bumubuhay.
Ang tuntuning ibinigay ng Poon ay wastong utos,
liligaya ang sinuman kapag ito ang sinunod;
ito’y wagas at matuwid pagkat mula ito sa Diyos,
pang-unawa ng isipan yaong bungang idudulot.
Panginoon, iyong taglay
ang Salitang bumubuhay.
Yaong paggalang sa Poon ay marapat at mabuti,
isang banal na tungkulin na iiral na parati;
pati mga hatol niya’y matuwid na kahatulan,
kapag siya ang humatol, ang pasiya ay pantay-pantay.
Panginoon, iyong taglay
ang Salitang bumubuhay.
Ito’y higit pa sa ginto, na maraming nagnanais.
Higit pa sa gintong lantay na ang hangad ay makamit;
matamis pa kaysa pulot, sa pulot na sakdal tamis,
kahit anong pulot ito na dalisay at malinis.
Panginoon, iyong taglay
ang Salitang bumubuhay.
ALELUYA
Lucas 8, 15
Aleluya! Aleluya!
Ang Salitang mula sa D’yos
kapag isinasaloob
ay mamumunga nang lubos.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 13, 18-23
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Pakinggan nga ninyo ang kahulugan ng talinghaga tungkol sa manghahasik. Ang mga nakikinig ng Salita tungkol sa paghahari ng Diyos ngunit hindi nakauunawa nito ay katulad ng mga binhing nahasik sa tabi ng daan. Dumarating ang Masama at inaagaw ang nahasik sa kanilang puso. Inilalarawan ng binhing nahasik sa kabatuhan ang nakikinig ng Salita at masayang tumatanggap nito kaagad. Ngunit hindi ito tumitimo sa puso nila kaya’t hindi sila nananatili. Pagdating ng mga kapighatian o pag-uusig dahil sa Salita, agad silang nanlalamig. Inilalarawan naman ng naghasik sa dawagan ang nakikinig ng Salita, ngunit naging abala sa mga bagay ukol sa mundong ito, at naging maibigin sa mga kayamanan anupat ang Salita’y nawalan na ng puwang sa kanilang puso, kaya’t hindi makapamunga. At inilalarawan ng naghasik sa matabang lupa ang mga nakikinig ng Salita at nakauunawa nito. Sila’y namumunga: may tigsasandaan, may tig-aanimnapu, at may tigtatatlumpu.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Exodo 24, 3-8
Pagbasa mula sa aklat ng Exodo
Noong mga araw na iyon, dumating si Moises at sinabi niya sa mga Israelita ang lahat ng iniutos ng Panginoon. Ang mga ito nama’y parang iisang taong sumagot, “Lahat ng iniuutos ng Panginoon ay susundin namin.” Isinulat ni Moises ang lahat ng utos ng Panginoon. Kinabukasan, maagang-maaga siyang nagtayo ng altar sa paanan ng bundok. Nagtayo rin siya ng labindalawang bato, na kumakatawan sa labindalawang lipi ni Israel. Pagkatapos, inutusan niya ang ilang kabataang lalaki na magdala sa altar ng mga handog na susunugin. Sila rin ang inutusan niyang pumatay ng mga hayop na gagamiting handog sa pakikipagtipan sa Panginoon. Ang kalahati ng dugo ng pinatay na hayop ay inilagay niya sa malalaking mangkok at ang kalahati’y ibinuhos niya sa altar. Kinuha niya ang aklat ng tipan at binasa nang malakas. Sabay-sabay namang tumugon ang mga Israelita, “Susundin namin ang lahat ng utos ng Panginoon.”
Pagkatapos, kinuha ni Moises ang mga mangkok ng dugo at winisikan ang mga tao. Sinabi niya, “Ang dugong ito ang siyang katibayan ng pakikipagtipang ginawa sa inyo ng Panginoon sa pagbibigay sa inyo ng kautusang ito.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 49, 1-2. 5-6. 14-15
Sa D’yos tayo ay maghandog
pasalamat na malugod.
Ang dakilang Panginoon, ang Diyos na nagsasaysay,
ang lahat ay tinatawag sa silangan at kanluran,
magmula sa dakong Sion, ang lungsod ng kagandahan,
makikita siya roong nagniningning kung pagmasdan.
Sa D’yos tayo ay maghandog
pasalamat na malugod.
Ang lahat ng matatapat na lingkod ko ay tipunin,
silang tapat sa tipan ko’t naghahandog niyong hain.
Ang buong kalangita’y naghahayag na ang Diyos,
isang hukom na matuwid, kung humatol ay maayos.
Sa D’yos tayo ay maghandog
pasalamat na malugod.
Ang ihandog ninyo sa Diyos ay ang inyong pasalamat;
ang pangakong handog ninyo ay tuparin ninyong lahat.
Kung kayo ay may bagabag, ako lagi ang tawagin;
kayo’y aking ililigtas, ako’y inyong pupurihin.
Sa D’yos tayo ay maghandog
pasalamat na malugod.
ALELUYA
Santiago 1, 21bk
Aleluya! Aleluya!
Sa kababaan ng loob
dinggin ang salita ng D’yos
upang kayo ay matubos.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 13, 24-30
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, inilahad ni Hesus ang talinghagang ito sa mga tao, “Ang paghahari ng Diyos ay katulad nito: may isang taong naghasik ng mabuting binhi sa kanyang bukid. Isang gabi, samantalang natutulog ang mga tao, dumating ang kanyang kaaway at naghasik ng masasamang damo sa triguhan. Nang tumubo ang trigo at magkauhay, lumitaw rin ang masasamang damo. Kaya’t lumapit ang mga alipin sa puno ng sambahayan at sinabi rito, ‘Hindi po ba mabuting binhi ang inihasik ninyo sa inyong bukid? Bakit po may damo ngayon?’ Sumagot siya, ‘Isang kaaway ang may kagagawan nito.’ Tinanong siya ng mga utusan, ‘Bubunutin po ba namin ang mga iyon?’ ‘Huwag,’ sagot niya. ‘Baka mabunot pati trigo. Hayaan na ninyong lumago kapwa hanggang sa anihan. Pag-aani’y sasabihin ko sa mga tagapag-ani: Tipunin muna ninyo ang mga damo at inyong pagbigkis-bigkisin upang sunugin, at ang trigo’y inyong tipunin sa aking kamalig.’”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
2 Hari 4, 42-44
Pagbasa mula sa ikalawang aklat ng mga Hari
Noong panahong iyon, isang lalaking taga-Baal-salisa ang lumapit kay Eliseo. May dala siyang bagong aning trigo at dalawampung tinapay na yari sa unang ani niya ng sebada. Sinabi ni Eliseo, “Ihain ninyo iyan sa mga tao.” Sumagot ang kanyang katulong, “Hindi ito magkakasya sa sandaang tao.” Iniutos niya uli, “Ihain ninyo iyan sa mga tao sapagkat sinabi ng Panginoon: Mabubusog sila at may matitira pa.” At inihain nga nila iyon. Kumain ang lahat at nabusog, ngunit marami pang natira, tulad ng sinabi ng Panginoon.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 144, 10-11. 15-16. 17-18
Pinakakain mong tunay
kaming lahat, O Maykapal.
Magpupuring lahat sa iyo, O Poon, ang iyong nilalang;
Lahat mong nilikha ay pupurihin ka’t pasasalamatan.
Babanggitin nilang tunay na dakila ang ‘yong kaharian,
at ibabalitang tunay kang dakila’t makapangyarihan.
Pinakakain mong tunay
kaming lahat, O Maykapal.
Tanging Panginoon ang inaasahan ng tanang nabubuhay
Siyang nagdudulot ng pagkain nilang kinakailangan.
Binibigyan sila nang sapat na sapat, hindi nagkukulang;
anupa’t ang lahat ay may tinatanggap na ikabubuhay.
Pinakakain mong tunay
kaming lahat, O Maykapal.
Matuwid ang Diyos sa lahat ng bagay niyang ginagawa;
kahit anong gawin ay kalakip doon ang habag at awa.
Siya’y nakikinig at handang tumulong sa lahat ng tao
sa sinumang taong pagtawag sa kanya’y tapat at totoo.
Pinakakain mong tunay
kaming lahat, O Maykapal.
IKALAWANG PAGBASA
Efeso 4, 1-6
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Efeso
Mga kapatid, ako na isang bilanggo dahil sa Panginoon, ay namamanhik sa inyo na mamuhay kayo gaya ng nararapat sa mga tinawag ng Diyos. Kayo’y maging mapagpakumbaba, mabait, at matiyaga. Magmahalan kayo at magpaumanhinan. Pagsumikatan ninyong mapanatili ang pagkakaisang mula sa Espiritu, sa pamamagitan ng bukolod ng kapayapaan. Iisa lamang ang katawan at iisa rin ang Espiritu, gayun din naman, iisa lamang ang pag-asa ninyong lahat, dulot ng pagkatawag sa inyo ng Diyos. May isa lamang Panginoon, isang pananampalataya, at isang pagbibinyag, isang Diyos at Ama nating lahat. Siya’y higit sa lahat, gumagawa sa lahat, at sumasalahat.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Lucas 7, 16
Aleluya! Aleluya!
Narito at dumating na
isang dakilang propeta
sugo ang D’yos sa bayan n’ya.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 6, 1-15
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, tumawid si Hesus sa ibayo ng Lawa ng Galilea, na tinatawag ding Lawa ng Tiberias. Sinundan siya ng napakaraming tao sapagkat nakita nila ang mga kababalaghang ginawa niya sa pagpapagaling sa mga maysakit. Umahon si Hesus sa burol kasama ang kanyang mga alagad at naupo roon. Malapit na noon ang Pista ng Paskuwa ng mga Judio. Tumanaw si Hesus, at nakita niyang dumarating ang napakaraming tao. Tinanong niya si Felipe, “Saan tayo bibili ng tinapay upang makakain ang mga taong ito?” Sinabi niya ito para subukin si Felipe, sapagkat alam ni Hesus ang kanyang gagawin. Sumagot si Felipe, “Kahit na po halagang dalawandaang denaryong tinapay ang bilhin ay di sasapat para makakain nang tigkakaunti ang mga tao.” Sinabi ng isa sa kanyang mga alagad, si Andres na kapatid ni Simon Pedro, “Mayroon po ritong isang batang lalaki na may dalang limang tinapay na sebada at dalawang isda. Ngunit gaano na ito sa ganyang karaming tao?” “Paupuin ninyo sila,” wika ni Hesus. Madamo sa lugar na yaon. Umupo ang lahat humigit kumulang sa limanlibo ang mga lalaki. Kinuha ni Hesus ang tinapay at matapos magpasalamat sa Diyos ay ipinamahagi sa mga tao; gayun din ang ginawa niya sa isda. Binigyan ang lahat hangga’t gusto nila. At nang makakain na sila, sinabi niya sa mga alagad, “Tipunin ninyo ang lumabis para hindi masayang.” Gayun nga ang ginawa nila, at nakapuno sila ng labindalawang bakol.
Nang makita ng mga tao ang kababalaghang ginawa ni Hesus, sinabi nila, “Tunay na ito ang Propetang paririto sa sanlibutan!” Nahalata ni Hesus na lalapit ang mga tao at pilit siyang kukunin upang gawing hari, kaya muli siyang umalis na mag-isa patungo sa kaburolan.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
1 Corinto 15, 1-8
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto
At ngayo’y ipinaaalaala ko sa inyo, mga kapatid, ang Mabuting Balita na ipinangaral ko sa inyo. Iyan ang inyong tinanggap at naging saligan ng iyong pananampalataya. Sa pamamagitan nito’y naliligtas kayo, kung matatag kayong nananangan sa salitang ipinangaral ko sa inyo – liban na nga lamang kung kayo’y sumampalataya na di iniisip ang inyong sinampalatayanan.
Sapagkat ibinigay ko sa inyo itong pinakamahalagang aral na tinanggap ko rin: si Kristo’y namatay dahil sa ating mga kasalanan, bilang katuparan ng nasasaad sa Kasulatan: inilibing siya at muling nabuhay sa ikatlong araw, ayon din sa Kasulatan: at siya’y napakita kay Pedro, saka sa Labindalawa. Pagkatapos, napakita siya sa mahigit na limandaang kapatid na nagkakatipon. Marami sa kanila’y buhay pa hanggang ngayon, bagamat patay na ang ilan. At napakita rin siya kay Santiago, saka sa mga apostol na sama-sama noon.
Sa kahuli-huliha’y nagpakita rin siya sa akin – bagamat ako’y tulad ng batang ipinanganak nang di-kapanahunan.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 18, 2-3. 4-5
Laganap na sa daigdig
ang kanilang mga tinig.
Ang langit ay naghahayag na ang Diyos ay dakila!
Malinaw na nagsasaad kung ano ang kanyang gawa!
Bawat araw, bawat gabi, ang ulat ay walang patlang,
patuloy na nag-uulat sa sunod na gabi’t araw.
Laganap na sa daigdig
ang kanilang mga tinig.
Walang tinig o salitang ginagamit kung sabagay,
at wala ring naririnig na kahit na anong ingay;
gayun pa man, sa daigdig ay laganap yaong tinig,
ang balita’y umaabot sa duluhan ng daigdig.
Laganap na sa daigdig
ang kanilang mga tinig.
ALELUYA
Juan 14, 6b. 9k
Aleluya! Aleluya!
Felipe, ako ang daan,
katotohanan at buhay;
Ama’y sa ‘kin matatanaw.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 14, 6-14
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus kay Tomas, “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang makapupunta sa Ama kundi sa pamamagitan ko. Kung ako’y kilala ninyo, kilala na rin ninyo ang aking Ama. Mula ngayon ay kilala na ninyo siya at inyong nakita.”
Sinabi sa kanya ni Felipe, “Panginoon, ipakita po ninyo sa amin ang Ama, at masisiyahan na kami.” Sumagot si Hesus, “Matagal na ninyo akong kasama, Felipe! Diyata’t hindi mo pa ako nakikilala? Ang nakakita sa akin ay nakakita na sa Ama. Bakit mo sinasabing: ‘Ipakita mo sa amin ang Ama’? Hindi ka ba naniniwalang ako’y sumasa-Ama at ang Ama’y sumasaakin? Ang mga salitang sinasabi ko ay hindi ko sinasabi sa ganang aking sarili. Ang Ama na sumasaakin ang gumaganap ng kanyang mga gawain. Maniwala kayo sa akin: ako’y sumasa-Ama at ang Ama’y sumasaakin. Kung ayaw ninyong maniwala sa sinasabi ko, maniwala kayo dahil sa mga gawang ito. Sinasabi ko sa inyo: ang nananalig sa akin ay makagagawa ng mga ginagawa ko at higit pa rito, sapagkat pupunta na ako sa Ama. At anumang hilingin ninyo sa Ama sa aking pangalan ay gagawin ko, upang maparangalan ang Ama sa pamamagitan ng Anak. Gagawin ko ang anumang hihilingin ninyo sa pangalan ko.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 14, 19-28
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol
Noong mga araw na iyon, may mga Judiong dumating doon mula sa Antioquia at Iconio. Sinulsulan nila ang mga tao laban kay Pablo at kanilang binato siya. Pagkatapos, kinaladkad siya sa labas ng bayan, sa pag-aakalang patay na. Subalit nang paligiran siya ng mga alagad, nagtindig si Pablo at pumasok sa lungsod. Kinabukasan, nagtungo sila ni Bernabe sa Derbe.
Ipinangaral nina Pablo at Bernabe ang Mabuting Balita sa Derbe, at marami silang nahikayat na maging alagad. Pagkatapos, nagbalik sila sa Listra, sa Iconio, at sa Antioquia ng Pisidia. Pinatatag nila ang kalooban ng mga alagad at pinagpayuhan na manatiling tapat sa pananampalataya. “Magdaranas muna tayo ng maraming kapighatian bago makapasok sa kaharian ng Diyos,” turo nila sa kanila. Sa bawat simbahan, humirang sila ng matatandang mamamahala, at matapos manalangin at mag-ayuno, ang mga ito’y itinagubilin nila sa Panginoon na kanilang pinananaligan.
Tinahak nila ang Pisidia, at nakarating ng Panfilia. Ipinangaral nila sa Perga ang salita ng Diyos, at pagkatapos ay bumaba sila sa Atalia. Mula roon, naglayag silang pabalik sa Antiquia. Dito sila nagsimula ng gawaing ginanap nila matapos silang itagubilin sa pagkalinga ng Diyos.
Pagdating doon, tinipon nila ang mga kaanib ng simbahan at isinalaysay ang lahat ng ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila, at kung paanong binuksan niya ang daan upang makapanampalataya ang mga Hentil. At mahabang panahon silang nanatili roon, kasama ng mga alagad.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 114, 10-11. 12-13ab. 21
Talastas ng mga tao
dakilang paghahari mo.
o kaya: Aleluya!
Magpupuring lahat sa iyo, O Panginoon, ang iyong nilalang;
lahat mong nilikha ay pupurihin ka’t pasasalamatan.
Babanggitin nilang tunay na dakila ang ‘yong kaharian,
at ibabalitang tunay kang dakila’t makapangyarihan.
Talastas ng mga tao
dakilang paghahari mo.
Dakila mong gawa’y upang matalastas ng lahat ng tao,
mababatid nila ang kadakilaan ng paghahari mo.
Ang paghahari mo’y sadyang walang hanggan, hindi magbabago.
Talastas ng mga tao
dakilang paghahari mo.
Aking pupurihin ang Diyos na Panginoon, di ko tutugutan
sa ngalan niyang banal, lahat ay magpuri magpakailanman.
Talastas ng mga tao
dakilang paghahari mo.
ALELUYA
Lucas 24, 46. 26
Aleluya! Aleluya!
Si Kristo’y laang magtiis
nang tagumpay ay makamit
at sumaatin ang langit.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 14, 27-31a
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo. Ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko sa inyo; hindi ito katulad ng ibinibigay ng sanlibutan. Huwag kayong mabalisa; huwag kayong matakot. Sinabi ko na sa inyo, ‘Ako’y aalis, ngunit babalik ako.’ Kung iniibig ninyo ako, ikagagalak ninyo ang pagpunta ko sa Ama, sapagkat dakila ang Ama kaysa sa akin. Sinasabi ko na ito sa inyo bago pa mangyari upang, kung mangyari na, kayo’y manalig sa akin. Hindi na ako pakahahaba ng pagsasalita sa inyo, sapagkat dumarating na ang pinuno ng sanlibutang ito. Wala siyang kapangyarihan sa akin, subalit dapat makilala ng sanlibutan na iniibig ko ang Ama at ang ginagawa ko’y ang iniutos niya sa akin.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 15, 1-6
Pagbasa mula sa Gawa ng Mga Apostol
Noong mga araw na iyon, may ilang taong dumating sa Antioquia, mula sa Judea, at itinuro sa mga kapatid ang ganito: “Kapag hindi kayo nagpatuli ayon sa Kautusan ni Moises, hindi kayo maliligtas.” Tinutulan ito nina Pablo at Bernabe at naging mainitan ang kanilang pagtatalo tungkol dito. Kaya’t napagkaisahang papuntahin sa Jerusalem sina Pablo at Bernabe at ang ilan pang kapatid sa Antioquia, upang makipagkita sa mga apostol at sa matatanda tungkol sa suliraning ito.
Sinugo nga sila ng simbahan, at pagdaan nila sa Fenicia at Samaria, ibinalita nila ang pagkahikayat sa mga Hentil. Ito’y labis na ikinagalak ng mga kapatid. Pagdating sa Jerusalem, malugod silang tinanggap ng mga apostol, ng matatanda, at ng buong simbahan, at isinalaysay nila ang lahat ng isinagawa ng Diyos, sa pamamagitan nila. Ngunit tumindig ang ilang mananampalatayang kabilang sa pangkat ng mga Pariseo, at ang sabi nila, “Kailangang tuliin ang mga Hentil na sumasampalataya, at utusang tumupad sa Kautusan ni Moises.”
Nagpulong ang mga apostol at ang matatanda upang pag-aralan ang suliraning ito.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 122, 1-2. 3-4a. 4b-5
Masaya tayong papasok
sa tahanan ng Poong D’yos.
Ako ay nagalak, sa sabing ganito:
“Sa bahay ng Poon ay pumasok tayo!”
Sama-sama kami matapos sapitin,
ang pintuang-lungsod nitong Jerusalem.
Masaya tayong papasok
sa tahanan ng Poong D’yos.
Yaong Jerusalem, kay ganda ng anyo,
maganda ang ayos nang muling matayo.
Dito umaahon ang lahat ng angkan,
lipi ng Israel upang magsambahan.
Masaya tayong papasok
sa tahanan ng Poong D’yos.
Ang hangad, ang Poon ay pasalamatan,
pagkat ito’y utos na dapat gampanan.
Doon din naroon ang mga hukuman
at trono ng haring hahatol sa tanan.
Masaya tayong papasok
sa tahanan ng Poong D’yos.
ALELUYA
Juan 15, 4a. 5b
Aleluya! Aleluya!
Sa Poon ay manatili
siya’y sa atin lalagi
mamungang maluwalhati.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 15, 1-8
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Ako ang tunay na puno ng ubas, at ang aking Ama ang tagapag-alaga. Pinuputol niya ang bawat sangang hindi namumunga; at kanya namang pinuputulan at nililinis ang bawat sangang namumunga upang lalong dumami ang bunga. Nalinis na kayo sa pamamagitan ng salitang sinabi ko sa inyo. Manatili kayo sa akin at mananatili ako sa inyo. Hindi makapamumunga ang sangang hindi nananatiling nakakabit sa puno. Gayun din naman, hindi kayo makapamumunga kung hindi kayo mananatili sa akin.
“Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga. Ang nananatili sa akin, at ako sa kanya, ang siyang namumunga nang sagana; sapagkat wala kayong magagawa kung kayo’y hiwalay sa akin. Ang hindi nananatili sa akin ay itatapon at matutuyo, gaya ng sanga. Ang gayong mga sanga ay titipunin at susunugin. Kung nananatili kayo sa akin at nananatili sa inyo ang salita ko, hingin ninyo ang inyong maibigan, at ipagkakaloob sa inyo. Napararangalan ang Ama kung kayo’y namumunga nang sagana at sa gayo’y napatutunayang mga alagad ko kayo.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 15, 7-21
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol
Noong mga araw na iyon, pagkatapos ng mahabang pagtatalo, tumindig si Pedro at sinabi sa mga apostol at sa matatanda: Mga kapatid, nalalaman ninyo na noong nakaraang mga araw, hinirang ako ng Diyos upang iparangal sa mga Hentil ang Mabuting Balita, at sila nama’y sumampalataya. At ang Diyos na nakasasaliksik ng puso ang nagpatotoo na, tulad natin, sila’y tinatanggap niya nang pagkalooban sila ng Espiritu Santo. Iisa ang tingin ng Diyos sa kanila’t sa atin; nilinis din niya ang kanilang puso sapagkat nanalig sila kay Hesukristo. Bakit ba marunong pa kayo sa Diyos? Ba’t ninyo ipinapapasan sa mga alagad ang isang dalahing mabigat na hindi natin napasan, ni ng ating mga magulang? Sumampalataya tayo at naligtas sa pamamagitan ng kagandahang-loob ng Panginoong Hesus, gayun din naman sila.”
Tumahimik ang buong kapulungan. Nakinig sila kina Bernabe at Pablo habang isinasalaysay nila ang kababalaghang ginawa ng Diyos sa mga Hentil sa pamamagitan nila. Pagkatapos, si Santiago naman ang nagsalita, “Mga kapatid, pakinggan ninyo ako. Katatapos pa lamang isalaysay ni Simon ang unang pagkatawag ng Diyos sa mga Hentil upang sila rin ay maging bayan niya, ayon sa hula ng mga propeta:
‘Pagkatapos nito ay babalik ako,
at muli kong itatayo ang bumagsak na tahanan ni David.
Muli kong ibabangon mula sa kanyang pagkaguho,
upang ang Panginoo’y hanapin ang ibang tao,
ng lahat ng bansang tinawag ko upang maging akin.
Gayun ang sabi ng Panginoon na nagpahayag ng mga bagay na ito mula pa noong una.’
“Kaya’t ang pasiya ko’y huwag nating ligaligin ang mga Hentil na lumalapit sa Diyos. Sa halip, sulatan natin sila na huwag kakain ng anumang inihandog sa diyus-diyusan; huwag makikiapid; huwag kakain ng hayop ng binigti, at ng dugo. Sapagkat mula pa nang unang panahon, ang Kautusan ni Moises ay binabasa sa mga sinagoga tuwing Araw ng Pamamahinga, at ipinangangaral ang kanyang salita sa bawat bayan.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 95, 1-2a. 2b-3. 10
Sa lahat ay pinahayag
gawa ng Poong nagligtas.
o kaya: Aleluya!
Purihin ang Panginoon, awitan ng bagong awit;
Panginoo’y papurihan nitong lahat sa daigdig!
Sa lahat ay pinahayag
gawa ng Poong nagligtas.
Awitan ang Panginoon, ngalan niya ay purihin;
araw-araw ang ginawang pagliligtas ay banggitin.
Kahit saa’y ipahayag na ang Poon ay dakila,
sa madla ay ipapahayag ang dakila niyang gawa.
Sa lahat ay pinahayag
gawa ng Poong nagligtas.
“Panginoo’y siyang hari,” sa daigdig ay sabihin,
“sanlibuta’y matatag na, kahit ito ay ugain;
sa paghatol sa nilikha, lahat ay pantay sa paningin.”
Sa lahat ay pinahayag
gawa ng Poong nagligtas.
ALELUYA
Juan 10, 27
Aleluya! Aleluya!
Ang tinig ko’y pakikinggan
ng kabilang sa ‘king kawan,
ako’y kanilang susundan.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 15, 9-11
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Kung paanong iniibig ako ng Ama, gayun din naman, iniibig ko kayo; manatili kayo sa aking pag-ibig. Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, mananatili kayo sa aking pag-ibig; tulad ko, tinutupad ko ang mga utos ng aking Ama at ako’y nananatili sa kanyang pag-ibig.
“Sinasabi ko sa inyo ang mga bagay na ito upang makahati kayo sa kagalakan ko at malubos ang inyong kagalakan.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 15, 22-31
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol
Noong mga araw na iyon, minabuti ng mga apostol, ng matatanda, at ng buong simbahan na pumili ng ilan sa kanila upang suguin sa Antioquia, kasama nina Pablo at Bernabe. At sinugo nila ang mga pangunahin ng mga kapatid: si Judas na tinatawag na Barsabas, at si Silas. Ipinadala nila ang sulat na ganito ang nilalaman:
“Kaming mga apostol at matatanda ay bumabati sa mga kapatid na Hentil sa Antioquia, sa Siria at Cilicia. Nabalitaan naming ginugulo kayo ng ilang kasamahang galing dini, bagamat hindi namin sila inutusan. Di-umano’y binabagabag kayo sa pamamagitan ng kanilang sinasabi. Kaya’t napagkaisahan naming magpadala sa inyo ng mga sugo. Kasama sila ng ating minamahal na Bernabe at Pablo, na di nag-atubiling itaya ang kanilang buhay sa paglilingkod sa ating Panginoong Hesukristo. Sinusugo nga namin sa inyo sina Judas at Silas upang ipaliwanag sa inyo ang nasasaad sa sulat na ito. Sa udyok ng Espiritu Santo, ang naging pasiya namin ay huwag na kayong atangan ng iba pang pasanin maliban sa mga bagay na talagang kailangan: huwag kayong kakain ng anumang inihandog sa mga diyus-diyusan, ng dugo, at ng hayop na binigti. Huwag kayong makikiapid. Layuan ninyo ang mga bagay na ito, at mapapabuti kayo. Paalam.”
Pinayaon ang mga sugo. Pagdating sa Antioquia, tinipon nila ang mga kapatid at ibinigay ang sulat. Pagkabasa sa liham, ang mga tao’y nagalak dahil sa kanilang narinig.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 56, 8-9. 10-12
Sa gitna ng mga bansa
sabihing “D’yos ay Dakila!”
o kaya: Aleluya!
Naghahanda ako, O Diyos, ako ngayon ay handa na,
purihin ka at awitan, ng awiting masisigla.
Gumising ka, katawan ko, gumising ka, kaluluwa,
gumising ka’t tugtugin mo yaong lumang lira’t alpa;
tumugtog ka at hintayin ang liwayway ng umaga.
Sa gitna ng mga bansa
sabihing “D’yos ay Dakila!”
Sa gitna ng mga bansa kita’y pasasalamatan;
Poon, ika’y pupurihin sa gitna ng mga hirang.
Pag-ibig mong walang maliw ay abot sa kalangitan,
nadarama sa itaas ang lubos mong katapatan.
Ihayag mo sa itaas ang taglay mong kabantuga’t
dito naman sa daigdig ay ang iyong kaningningan!
Sa gitna ng mga bansa
sabihing “D’yos ay Dakila!”
ALELUYA
Juan 15, 15b
Aleluya! Aleluya!
Aking mga kaibigan,
alam na ninyo ang tanan
na mula sa Amang mahal.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 15, 12-17
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Ito ang aking utos: mag-ibigan kayo gaya ng pag-ibig ko sa inyo. Walang pag-ibig na hihigit pa sa pag-ibig ng isang taong nag-aalay ng kanyang buhay para sa kanyang mga kaibigan. Kayo’y mga kaibigan ko kung tinutupad ninyo ang mga utos ko. Hindi ko na kayo inaaring alipin, sapagkat hindi alam ng alipin ang ginagawa ng kanyang panginoon. Sa halip, inaari ko kayong mga kaibigan, sapagkat sinabi ko sa inyo ang lahat ng narinig ko sa aking Ama. Hindi kayo ang pumili sa akin; ako ang pumili at humirang sa inyo upang kayo’y humayo at mamunga, at manatili ang inyong bunga. Sa gayun, ang anumang hingin ninyo sa Ama sa aking pangalan ay ipagkakaloob sa inyo. Ito ang inuutos ko sa inyo: mag-ibigan kayo.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 16, 1-10
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol
Noong mga araw na iyon, nagpunta si Pablo sa Derbe at Listra. At may isang alagad doon na ang pangala’y Timoteo, anak ng isang mananampalatayang Judio, at ng isang Griego. Pinatunayan ng mga kapatid sa Listra at sa Iconio na mabuting tao si Timoteo. Ibig isama ni Pablo si Timoteo, kaya’t tinuli niya ito sapagkat alam ng lahat ng Judio sa lungsod na iyon na Griego ang kanyang ama. Sa bawat lungsod na kanilang dinalaw ay ipinaalam nila sa mga kapatid ang pasiya ng mga apostol at matatanda sa Jerusalem, at iniutos na sundin iyon. Kaya’t tumibay sa pananampalataya ang mga kaanib ng bawat simbahan at dumarami ang bilang ng mga alagad araw-araw.
Naglakbay sina Pablo sa lupain ng Frigia at Galacia, sapagkat sinansala sila ng Espiritu Santo na mangaral sa Asia. Pagdating sa hangganan ng Misia, ibig sana nilang pumasok sa Bitinia, subalit hindi sila pinahintulutan ng Espiritu ni Hesus. Kaya’t bumagtas sila ng Misia at nagtungo sa Troas. Kinagabihan, nagkaroon si Pablo ng isang pangitain: may isang lalaking taga-Macedonia, nakatayo at namamanhik sa kanya, “Tumawid po kayo rito sa Macedonia at tulungan ninyo kami.” Pagkatapos ng pangitaing ito, gumayak kami agad sapagkat natanto naming kami’y tinatawag ng Diyos upang ipangaral sa Macedonia ang Mabuting Balita.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 99, 2. 3. 5
Purihin ng lahat ang D’yos,
parangalan s’yang malugod.
o kaya: Aleluya!
Umawit sa kagalakan ang lahat ng mga bansa!
Panginoo’y papurihan, paglingkuran siyang kusa;
lumapit sa harap niya at umawit na may tuwa!
Purihin ng lahat ang D’yos,
parangalan s’yang malugod.
Ang Panginoo’y ating Diyos! Ito’y dapat malaman,
tayo’y kanya, kanyang lahat, tayong lahat na nilalang;
lahat tayo’y bayan niya, kabilang sa kanyang kawan.
Purihin ng lahat ang D’yos,
parangalan s’yang malugod.
Mabuti ang Panginoon, pag-ibig niya’y walang hanggan,
Siya’y Diyos na mabuti’t laging tapat kailanman.
Purihin ng lahat ang D’yos,
parangalan s’yang malugod.
ALELUYA
Colosas 3, 1
Aleluya! Aleluya!
Kayong kay Kristo nabuhay
ay sa langit nakalaan
upang kay Kristo pumisan.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 15, 18-21
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Kung napopoot sa inyo ang sanlibutan, dapat ninyong malamang napoot na ito sa akin bago sa inyo. Kung kayo nga’y sa sanlibutan, iibigin kayo nito bilang kanya. Ngunit yamang hindi kayo sa sanlibutan, kundi pinili ko kayo mula rito, ito’y napopoot sa inyo. Alalahanin ninyo ang sinabi ko sa inyo: walang aliping higit kaysa kanyang panginoon. Kung ako’y inusig nila, uusigin din nila kayo; kung tinupad nila ang aking salita, tutuparin din nila ang salita ninyo. Ngunit ang lahat ng ito’y gagawin nila sa inyo dahil sa akin, sapagkat hindi nila nakikilala ang nagsugo sa akin.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 10, 25-26. 34-35. 44-48
Pagbasa mula sa mga Gawa ng mga Apostol
Sinalubong ni Cornelio si Pedro at nagpatirapa sa harapan nito at sumamba. Ngunit sinabi ni Pedro, “Tumindig kayo. Ako’y tao ring tulad ninyo. Ngayon ko lubusang natanto na walang itinatangi ang Diyos. Nalulugod siya sa sinumang may takot sa kanya at gumagawa ng matuwid, kahit saang bansa.”
Nagsasalita pa si Pedro nang bumaba ang Espiritu Santo sa mga nakikinig ng salita. Namangha ang mga mananampalatayang Judio na kasama ni Pedro, sapagkat ang mga ito ay pinagkalooban din ng Espiritu Santo. Narinig nila ang mga Hentil na nagsasalita sa iba’t ibang wika at nagpupuri sa Diyos. Kaya’t sinabi ni Pedro, “Tulad natin, sila’y pinagkalooban din ng Espiritu Santo. Sino pa ang makahahadlang na binyagan sila sa tubig?” At iniutos niyang binyagan sila sa pangalan ni Hesukristo. Pagkatapos, hiniling nila kay Pedro na manatili roon ilang araw.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 97, 1. 2-3ab. 3kd-4
Panginoong nagliligtas
sa tanang bansa’y nahayag.
o kaya: Aleluya!
Umawit ng bagong awit at sa Poon ay ialay,
pagkat yaong ginawa n’ya ay kahanga-hangang tunay!
Sa sariling lakas niya at taglay na kabanalan,
walang hirap na natamo yaong hangad na tagumpay.
Panginoong nagliligtas
sa tanang bansa’y nahayag.
Ang tagumpay niyang ito’y siya na rin ang naghayag,
sa harap ng mga bansa’y nahayag ang pagliligtas
Ang pangako sa Israel lubos niyang tinutupad.
Panginoong nagliligtas
sa tanang bansa’y nahayag.
Tapat siya sa kanila at ang pag-ibig ay wagas.
Ang tagumpay ng ating Diyos kahit saan ay namalas!
Magkaingay na may galak, yaong lahat sa daigdig;
ang Poon ay buong galak na purihin sa pag-awit!
Panginoong nagliligtas
sa tanang bansa’y nahayag.
IKALAWANG PAGBASA
1 Juan 4, 7-10
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Juan
Mga pinakamamahal: Mag-ibigan tayo sapagkat mula sa Diyos ang pag-ibig. Ang bawat umiibig ay anak ng Diyos, at kumikilala sa Diyos. Ang hindi umiibig ay hindi kumikilala sa Diyos, sapagkat ang Diyos ay pag-ibig. Inihayag ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin nang suguin niya ang kanyang bugtong na Anak upang magkaroon tayo ng buhay sa pamamagitan niya. Ito ang pag-ibig: hindi sa inibig natin ang Diyos kundi tayo ang inibig niya at sinugo ang kanyang Anak upang maging handog sa ikapagpapatawad ng ating mga kasalanan.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Juan 14, 23
Aleluya! Aleluya!
Ang sa aki’y nagmamahal,
tutupad sa aking aral,
Ama’t ako’y mananahan.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 15, 9-17
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Kung paanong iniibig ako ng Ama, gayon din naman, iniibig ko kayo; manatili kayo sa aking pag-ibig. Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, mananatili kayo sa aking pag-ibig; tulad ko, tinutupad ko ang mga utos ng aking Ama at ako’y nananatili sa kanyang pag-ibig.
“Sinasabi ko sa inyo ang mga bagay na ito upang makahati kayo sa kagalakan ko at malubos ang inyong kagalakan. Ito ang aking utos: mag-ibigan kayo gaya ng pag-ibig ko sa inyo. Walang pag-ibig na hihigit pa sa pag-ibig ng isang taong nag-aalay ng kanyang buhay para sa kanyang mga kaibigan. Kayo’y mga kaibigan ko kung tinutupad ninyo ang mga utos ko. Hindi ko na kayo inaaring alipin, sapagkat hindi alam ng alipin ang ginagawa ng kanyang panginoon. Sa halip, inaari ko kayong mga kaibigan, sapagkat sinabi ko sa inyo ang lahat ng narinig ko sa aking Ama. Hindi kayo ang pumili sa akin; ako ang pumili at humirang sa inyo upang kayo’y humayo at mamunga, at manatili ang inyong bunga. Sa gayun, ang anumang hingin ninyo sa Ama sa aking pangalan ay ipagkakaloob sa inyo. Ito ang inuutos ko sa inyo: mag-ibigan kayo.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 11, 1-18
Pagbasa mula sa mga Gawa ng mga Apostol
Noong mga araw na iyon, nabalitaan ng mga apostol at ng mga kapatid sa buong Judea na tinanggap din ng mga Hentil ang salita ng Diyos. Kaya’t nang umahon si Pedro sa Jerusalem, siya’y pinuna ng mga kapatid na Judio. “Nakituloy ka sa mga Hentil, at nakisalo sa kanila!” sabi nila. Kaya’t isinaysay sa kanila ni Pedro ang buong pangyayari, buhat sa pasimula:
“Nasa lungsod ako ng Jope at nananalangin nang magkaroon ako ng pangitain. Mula sa langit ay inihugos sa kinaroroonan ko ang isang tila malaking kumot na nakabitin sa apat na panulukan. Pinagmasdan ko itong mabuti at nakita ko roon ang lahat ng uri ng hayop: lumalakad at gumagapang sa lupa, pati maiilap, at mga lumilipad sa himpapawid. At narinig ko ang isang tinig na nagsabi, ‘Tumindig ka, Pedro. Magpatay ka’t kumain!’ Subalit sinabi ko, ‘Hinding-hindi ko po magagawa iyon, Panginoon. Hindi ako kumakain ng anumang bagay na itinuturing na marumi o di karapat-dapat.’ Muli kong narinig ang tinig mula sa langit, ‘Huwag mong ituring na marumi ang mga nilinis ng Diyos!’ Tatlong ulit na nangyari ito at pagkatapos ay binatak na pataas sa langit ang bagay na iyon. Nang sandali ring iyon, dumating sa bahay na tinutuluyan ko ang tatlong lalaking sinugo sa akin buhat sa Cesarea. Sinabi sa akin ng Espiritu na huwag akong mag-atubiling sumama sa kanila. Sumama rin sa akin ang anim na kapatid na ito at pumasok kami sa bahay ni Cornelio. Isinalaysay niya sa amin na nakakita siya ng isang anghel na nakatayo sa loob ng kanyang bahay, at sinabi sa kanya, ‘Magpasugo ka sa Jope at ipasundo mo si Simon na tinatawag ding Pedro. Sasabihin niya sa iyo ang tungkol sa ikaliligtas mo at ng iyong sambahayan.’ Nagsisimula pa lamang akong magsalita ay bumaba na sa kanila ang Espiritu Santo gaya ng pagkababa nito sa atin noong una. At naalaala ko ang sinabi ng Panginoon, ‘Si Juan ay nagbibinyag sa tubig, ngunit bibinyagan kayo sa Espiritu Santo.’ Kung binigyan sila ng Diyos ng kaloob na tulad ng ibinigay niya sa atin nang manalig tayo sa Panginoong Hesukristo, sino akong hahadlang sa Diyos?” Nang marinig nila ito, tumigil na sila ng pagpuna, at sa halip ay nagpuri sa Diyos. “Kung gayun,” sabi nila, “ang mga Hentil ma’y binigyan din ng pagkakataong magsisi’t magbagong-buhay upang maligtas!”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 41, 2. 3; Salmo 42, 3. 4
Aking kinasasabikan ang Diyos na nabubuhay.
Kung paanong yaong batis ang hanap ng isang usa;
gayun hinahanap ang Diyos ng uhaw kong kaluluwa.
Aking kinasasabikan ang Diyos na nabubuhay.
Nananabik ako sa Diyos, Diyos na buhay, walang iba;
kailan kaya maaaring sa harap mo ay sumamba?
Aking kinasasabikan ang Diyos na nabubuhay.
Ang totoo’t ang liwanag, buhat sa ‘yo ay pakamtan,
upang sa Sion ay mabalik, sa bundok mong dakong banal
sa bundok mong pinagpala, at sa templo mong tirahan.
Aking kinasasabikan ang Diyos na nabubuhay.
Sa dambana mo, O Diyos, ako naman ay dudulog,
yamang galak at ligaya ang sa aki’y iyong dulot;
sa saliw ng aking alpa’y magpupuri akong lubos
buong lugod na aawit ako sa Diyos, na aking Diyos!
Aking kinasasabikan ang Diyos na nabubuhay.
ALELUYA
Juan 10, 14
Aleluya! Aleluya!
Ako’y pastol na butihin
kilala ko’ng tupang akin;
ako’y kilala nila rin.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 10, 1-10
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus, “Tandaan ninyo ito: ang pumapasok sa kulungan ng mga tupa nang hindi sa pinto nagdaraan, kundi umaakyat sa di dapat pagdaanan, ay magnanakaw at tulisan. Ngunit ang nagdaraan sa pintuan ay siyang pastol ng mga tupa. Pinapapasok siya ng bantay-pinto, at pinakikinggan ng mga tupa ang kanyang tinig. Tinatawag niya ang kanyang mga tupa sa kani-kanilang pangalan, at inilalabas sa kulungan. Kapag nailabas na, siya’y nangunguna sa kanila at sumusunod naman ang mga tupa sapagkat nakikilala nila ang kanyang tinig. Hindi sila sumusunod sa iba, bagkus pa nga’y patakbong lumalayo, sapagkat hindi nila nakikilala ang kanyang tinig.”
Sinabi ni Hesus ang talinghagang ito, ngunit hindi nila naunawaan ang ibig niyang sabihin.
Kaya’t muling sinabi ni Hesus, “Tandaan ninyo: ako ang pintuang dinaraanan ng mga tupa. Ang mga nauna sa akin ay mga magnanakaw at mga tulisan, ngunit hindi sila pinakinggan ng mga tupa. Ako ang pintuan. Ang sinumang pumapasok sa pamamagitan ko’y maliligtas. Papasok siya’t lalabas, at makatatagpo ng pastulan. Kaya lamang pupunta rito ang magnanakaw ay upang magnakaw, pumatay, at magwasak. Naparito ako upang ang mga tupa’y magkaroon ng buhay – isang buhay na ganap at kasiya-siya.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 11, 19-26
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol
Noong mga araw na iyon, ang mga mananampalataya ay nagkahiwa-hiwalay dahil sa pag-uusig na nagsimula nang patayin si Esteban. May nakarating sa Fenicia, sa Chipre at sa Antioquia. Saan man sila makarating, ipinangangaral nila ang salita, ngunit sa mga Judio lamang. Subalit may kasama silang ilang taga-Chipre at taga-Cirene na pagdating sa Antioquia ay nangaral naman sa mga Griego ng Mabuting Balita tungkol sa Panginoong Hesus. Sumakanila ang kapangyarihan ng Panginoon at maraming naniwala at nanalig sa Panginoon.
Nabalitaan ito ng simbahan sa Jerusalem, kaya’t sinugo nila sa Antioquia si Bernabe. Nang dumating siya roon at makita ang pagpapala ng Diyos sa kanila, siya’y nagalak at pinagpayuhan silang lahat na manatiling tapat sa Panginoon. Mabuting tao si Bernabe, puspos ng Espiritu Santo at matibay ang pananampalataya, kaya marami siyang nadala sa Panginoon.
Nagpunta si Bernabe sa Tarso upang hanapin si Saulo, at nang kanyang matagpuan ay isinama sa Antioquia. Isang taong singkad silang nanatili roong kasa-kasama ng simbahan, at nagturo sa maraming tao. At doon sa Antioquia unang tinawag na Kristiyano ang mga alagad.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 86, 1-3. 4-5. 6-7
Purihin ng tanang bansa ang Panginoong Dakila.
Sa bundok ng Sion,
itinayo ng Diyos ang banal na lungsod,
ang lungsod na ito’y
higit niyang mahal sa alinmang bayan ng angkan ni Jacob.
Kaya’t iyong dinggin
ang ulat sa iyong mabubuting bagay, O lungsod ng Diyos.
Purihin ng tanang bansa ang Panginoong Dakila.
“Pag itinala ko
yaong mga bansang sa iyo’y sasama,
aking ibibilang ang bansang Egipto at ang Babilonia;
ibibilang ko rin yaong Filistia, Tiro at Etiopia.
“At tungkol sa Sion,
yaong sasabihi’y, “Ang lahat ng bansa ay masasakupan,
siya’y palalakasin at patatatagin ng Kataas-taasan.”
Purihin ng tanang bansa ang Panginoong Dakila.
Ang Poon ay gagawa,
ng isang talaan ng lahat ng taong doo’y mamamayan,
ang lahat ng ito ay magsisiawit at pawang sasayaw.
Purihin ng tanang bansa ang Panginoong Dakila.
ALELUYA
Juan 10, 27
Aleluya! Aleluya!
Ang tinig ko’y pakikinggan
ng kabilang sa ‘king kawan,
ako’y kanilang susundan.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 10, 22-30
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Taglamig na noon. Kasalukuyang ipinagdiriwang sa Jerusalem ang Pista ng Pagtatalaga ng templo. Naglalakad si Hesus sa templo, sa Portiko ni Solomon. Pinaligiran siya ng mga Judio at sinabi sa kanya, “Hanggang kailan mo kami pag-aalinlanganin? Kung ikaw ang Kristo, sabihin mo na nang tiyakan.” Sumagot si Hesus, “Sinabi ko na sa inyo, ngunit ayaw ninyong maniwala. Ang mga ginagawa ko sa ngalan ng aking Ama ay nagpapatotoo tungkol sa akin. Ngunit ayaw ninyong maniwala, sapagkat hindi kayo kabilang sa aking mga tupa. Nakikinig sa akin ang aking mga tupa; nakikilala ko sila, at sumusunod sila sa akin. Binibigyan ko sila ng buhay na walang hanggan, at kailanma’y di sila mapapahamak; hindi sila maaagaw sa akin ninuman. Ang aking Ama, na nagbigay sa kanila sa akin, ay lalong dakila sa lahat, at hindi sila maaagaw ninuman sa aking Ama. Ako at ang Ama ay iisa.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 12, 24 – 13, 5a
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol
Noong mga araw na iyon, lumalago at lumalaganap ang salita ng Diyos.
Sina Bernabe at Saulo ay bumalik buhat sa Jerusalem nang maganap na nila ang kanilang tungkulin, at isinama si Juan na tinatawag ding Marcos.
May mga propeta at mga guro sa simbahan sa Antioquia. Kabilang dito sina Bernabe, Simeon na tinaguriang Negro, Lucio na taga-Cirene, Saulo at Manaen, kababata ng tetrarkang si Herodes. Samantalang sila’y nag-aayuno at sumasamba sa Panginoon, sinabi sa kanila ng Espiritu Santo, “Ibukod ninyo sina Bernabe at Saulo. Sila’y hinirang ko para sa tanging gawaing inilaan ko sa kanila.” Pagkatapos nilang mag-ayuno at manalangin, ipinatong nila sa dalawa ang kanilang mga kamay at sila’y pinayaon.
Kaya’t bumaba sa Seleucia sina Bernabe at Saulo, na sinugo ng Espiritu Santo, at buhat doo’y naglayag patungong Chipre. Nang dumating sila sa Salamina, ipinahayag nila ang salita ng Diyos sa mga sinagoga ng mga Judio roon. Kasama nila si Juan Marcos bilang katulong.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 66, 2-3. 5. 6 at 8
Nawa’y magpuri sa iyo ang lahat ng mga tao.
o kaya: Aleluya!
O Diyos, pagpalain kami’t kahabagan,
kami Panginoo’y iyong kaawaan,
upang sa daigdig mabatid ng lahat
ang iyong kalooban at ang pagliligtas.
Nawa’y magpuri sa iyo ang lahat ng mga tao.
Nawa’y purihin ka ng mga nilikha,
pagkat matuwid kang humatol sa madla;
ikaw ang patnubay ng lahat ng bansa.
Nawa’y magpuri sa iyo ang lahat ng mga tao.
Purihin ka nawa ng lahat ng tao,
purihin ka nila sa lahat ng dako.
Ang lahat sa ami’y iyong pinagpala,
nawa’y igalang ka ng lahat ng bansa.
Nawa’y magpuri sa iyo ang lahat ng mga tao.
ALELUYA
Juan 8, 12
Aleluya! Aleluya!
Sinabi ni Hesukristo:
“Ako ang ilaw ng mundo
at buhay ng alagad ko.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 12, 44-50
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, malakas na sinabi ni Hesus, “Ang nananalig sa akin ay hindi lamang sa akin nananalig, kundi pati sa nagsugo sa akin. At ang nakakita sa akin ay nakakita sa kanya. Ako’y naparito bilang ilaw ng sanlibutan, upang hindi manatili sa kadiliman ang nananalig sa akin. Kung mapakinggan ninuman ang aking mga salita ngunit hindi niya tuparin ito, hindi ko siya hahatulan. Sapagkat naparito ako hindi upang hatulan ang sanlibutan kundi upang iligtas ito. May hahatol sa sinumang magtakwil sa akin at hindi tumanggap sa aking mga salita; ang salitang ipinahayag ko ang hahatol sa kanya sa huling araw. Sapagkat hindi ako nagsalita sa ganang sarili ko lamang, kundi ang Amang nagsugo sa akin ang siyang nag-utos kung ano ang aking sasabihin at ipahahayag. At alam kong ang kanyang utos ay nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Kaya’t ang ipinasasabi ng Ama ang siya kong sinasabi.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 13, 13-25
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol
Mula sa Pafos, si Pablo at ang kanyang mga kasama ay naglayag, at dumating sa Perga ng Panfilia; ngunit humiwalay sa kanila si Juan at nagbalik sa Jerusalem. Mula sa Perga, nagpatuloy sila at dumating sa Antioquia ng Pisidia. Nang Araw ng Pamamahinga, pumasok sila sa sinagoga at naupo. Matapos ang pagbasa sa ilang bahagi ng mga aklat ng Kautusan at ng mga propeta, nagpasabi sa kanila ang mga tagapamahala ng sinagoga, “Mga kapatid, kung mayroon kayong iaaral sa mga tao, magsalita na kayo!” Kaya’t tumayo si Pablo at sinenyasan silang tumahimik.
“Mga Israelita at mga taong may takot sa Diyos – makinig kayo! Ang Diyos ng ating bansang Israel ang humirang sa ating mga ninuno. Sila’y ginawa niyang isang malaking bansa samantalang naninirahan sa lupain ng Egipto, inilabas doon sa pamamagitan ng kanyang dakilang kapangyarihan, at pinagtiisan sa ilang sa loob ng halos apatnapung taon. Pagkatapos niyang lipulin ang pitong bansa sa lupain ng Canaan, ipinagkaloob sa kanila ang lupain ng mga iyon sa loob ng halos apatnaraa’t limampung taon.
“Pagkatapos, sila’y binigyan niya ng mga hukom hanggang kay Propeta Samuel. Nang humingi sila ng hari, ibinigay sa kanila ng Diyos ang isang lalaki mula sa lipi ni Benjamin, si Saulo na anak ni Cis. Naghari si Saulo sa loob ng apatnapung taon. At nang siya’y alisin ng Diyos, inihalili si David upang maghari sa kanila. At ganito ang patotoo ng Diyos tungkol sa kanya. ‘Natagpuan ko kay David na anak ni Jesse ang lalaking nakalulugod sa akin, isang lalaking handang tumupad sa lahat ng iniuutos ko.’ Mula sa angkan ng lalaking ito ipinagkaloob ng Diyos sa Israel si Hesus, ang kanyang ipinangakong Tagapagligtas. Bago siya dumating, ipinangaral ni Juan sa buong Israel na dapat nilang pagsisiha’t talikdan ang kanilang mga kasalanan, at pabinyag. Nang matapos na ni Juan ang kanyang gawain, sinabi niya sa mga tao, ‘Sino ba ako sa akala ninyo? Hindi ako ang Kristo. Ngunit siya’y darating na kasunod ko. At hindi ako karapat-dapat kahit taga-alis ng panyapak.’”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 88, 2-3. 21-22. 25 at 27
Pag-ibig mong walang maliw ay lagi kong sasambitin.
Pag-ibig mo, Poon, na di magmamaliw
ang sa tuwi-t’wina’y aking aawitin;
ang katapatan mo’y laging sasambitin.
Yaong pag-ibig mo’y walang katapusan,
sintatag ng langit ang ‘yong katapatan.
Pag-ibig mong walang maliw ay lagi kong sasambitin.
Ang piniling lingkod na ito’y si David,
aking pinahiran ng banal na langis.
Kaya’t palagi ko siyang aakbayan
at siya’y lalakas sa aking patnubay.
Pag-ibig mong walang maliw ay lagi kong sasambitin.
Ang pagtatapat ko’t pag-ibig na wagas,
ay iuukol ko’t aking igagawad,
at magtatagumpay siya oras-oras.
Ako’y tatawaging ama niya’t Diyos,
Tagapagsanggalang niya’t Manunubos.
Pag-ibig mong walang maliw ay lagi kong sasambitin.
ALELUYA
Pahayag 1, 5ab
Aleluya! Aleluya!
Si Hesukristo ay tapat,
saksi at buhay ng lahat;
tayo’y kanyang iniligtas.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 13, 16-20
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Nang mahugasan na ni Hesus ang mga paa ng kanyang mga alagad, sinabi niya sa kanila: “Sinasabi ko sa inyo: ang alipin ay hindi dakila kaysa kanyang panginoon, ni ang sinugo kaysa nagsugo sa kanya. Kung nauunawaan ninyo ang mga bagay na ito at inyong gagawin, mapapalad kayo.
“Hindi para sa inyong lahat ang sinasabi ko; nakikilala ko ang aking mga hinirang. Ngunit dapat matupad ang nasasabi sa Kasulatan, ‘Ako’y pinagtataksilan ng taong pinakakain ko.’ Sinasabi ko ito sa inyo bago pa mangyari upang, kung ito’y mangyari na, ay manalig kayo na ‘Ako’y si Ako Nga.’ Tandaan ninyo: ang tumatanggap sa sinugo ko’y tumatanggap sa akin; at ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 13, 26-33
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol
Noong mga araw na iyon, nang dumating si Pablo sa Antioquia ng Pisidia, siya ay pumasok sa sinagoga at sinabi: “Mga kapatid kong mula sa lahi ni Abraham, at mga taong may takot sa Diyos: tayo ang pinadalhan ng balitang ito tungkol sa kaligtasan. Hindi kinilala ng mga naninirahan sa Jerusalem at ng kanilang mga pinuno na si Kristo ang Tagapagligtas. Hindi rin nila inunawa ang mga hula ng mga propeta, na binabasa tuwing Araw ng Pamamahinga; ngunit sila na rin ang nagsakatuparan ng hulang iyon nang hatulan nila ng kamatayan si Hesus. Bagamat wala silang sapat na katibayan para siya’y hatulan ng kamatayan, hiniling pa rin nila kay Pilato na siya’y ipapatay. At nang matupad na nila ang lahat ng nasusulat tungkol sa kanya, ibinaba nila ito sa krus at inilibing. Subalit siya’y muling binuhay ng Diyos, at sa loob ng maraming araw ay napakita sa mga sumama sa kanya nang siya’y pumunta sa Jerusalem mula sa Galilea. Ngayon, sila’y mga saksi niya sa mga Israelita. At narito kami upang ipahayag sa inyo ang Mabuting Balita. Ito ang pangako ng Diyos sa ating mga ninuno na kanyang tinupad sa atin nang muli niyang buhayin si Hesus. Ito ang nasusulat sa ikalawang Awit:
‘Ikaw ang aking Anak,
Ako ang iyong Ama.’”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 2, 6-7. 8-9. 10-11
Anak ng Diyos kailanman sa simula pa sumilang.
o kaya: Aleluya!
Tungkol sa ‘kin ay sinabi ng Poong D’yos: “Sa bundok kong mahal,
sa tuktok ng Sion, aking iniluklok ang haring Marangal.”
Ganito ang sabi ng lingkod ng Poon na hari sa Sion:
“Aking ihahayag ang ipinag-utos nitong Panginoon,
‘Ikaw ang anak kong pinakamamahal, at magmula ngayon,
Ako namang ito ang giliw mong ama sa habang panahon.
Anak ng Diyos kailanman sa simula pa sumilang.
Hingin mo sa akin ang lahat ng bansa, at ibibigay ko,
anumang narito sa buong daigdig ay magiging iyo.
Pamamahalaan mo ng kamay na bakal ang lahat ng ito,
tulad ng palayok, durugin mo sila sa mga kamay mo.’”
Anak ng Diyos kailanman sa simula pa sumilang.
Kayong mga hari at tagapamuno sa lahat ng bansa,
mangag-ingat kayo at magpakabuti sa pamamahala;
ang Panginoong Diyos inyong paglingkura’t katakutang lubha.
Anak ng Diyos kailanman sa simula pa sumilang.
ALELUYA
Juan 14, 6
Aleluya! Aleluya!
Ikaw, O Kristo, ang Daan,
ang Katotohana’t Buhay
patungo sa Amang mahal.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 14, 1-6
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Huwag kayong mabalisa; manalig kayo sa Diyos at manalig din kayo sa akin. Sa bahay ng aking Ama ay maraming silid; kung hindi gayun, sinabi ko na sana sa inyo. At paroroon ako upang ipaghanda ko kayo ng matitirhan. Kapag naroroon na ako at naipaghanda na kayo ng matitirhan, babalik ako at isasama kayo sa kinaroroonan ko. At alam na ninyo ang daan patungo sa pupuntahan ko.” Sinabi sa kanya ni Tomas, “Panginoon, hindi po namin alam kung saan kayo pupunta, paano naming malalaman ang daan?” Sumagot si Hesus, “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang makapupunta sa Ama kundi sa pamamagitan ko.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 13, 44-52
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Apostol
Nang sumunod na Araw ng Pamamahinga, halos lahat ng tao sa lungsod ay nagkatipon upang pakinggan ang salita ng Diyos. Inggit na inggit ang mga Judio nang makita nila ang makapal na tao, kaya’t nilait nila at sinalungat si Pablo. Ngunit buong tapang na sinabi nina Pablo at Bernabe, “Sa inyo muna dapat ipahayag ang salita ng Diyos. Yamang itinakwil ninyo ito, hinatulan ninyo ang inyong sarili na hindi karapat-dapat sa buhay na walang hanggan, kaya’t pupunta kami sa mga Hentil. Sapagkat ganito ang iniutos sa amin ng Panginoon:
‘Inilagay kita na maging ilaw sa mga Hentil
upang maibalita mo ang kaligtasan
hanggang sa dulo ng daigdig.’”
Nagalak ang mga Hentil nang marinig ito, at nagpuri sa Panginoon dahil sa salita niya; at sumampalataya ang mga hinirang para sa buhay na walang hanggan.
Kaya’t lumaganap sa buong lupain ang salita ng Panginoon. Ngunit sinulsulan ng mga Judio ang mga babaing sumasamba sa Diyos at kilala sa lipunan, gayun din ang mga lalaking pinuno ng lungsod: ipinausig nila sina Pablo at Bernabe, at pinalayas sa lupaing iyon. Kaya’t ipinagpag ng dalawa ang alikabok sa kanilang mga paa bilang saksi laban sa mga tagaroon, at sila’y nagtungo sa Iconio. Ang mga alagad naman sa Antioquia ay natigib ng galak at napuspos ng Espiritu Santo.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 97, 1. 2-3ab. 3kd-4
Kahit saa’y namamalas
tagumpay ng Nagliligtas.
o kaya: Aleluya
Umawit ng bagong awit at sa Poon ay ialay,
pagkat yaong ginawa n’ya ay kahanga-hangang tunay!
Sa sariling lakas niya at taglay na kabanalan,
walang hirap na natamo yaong hangad na tagumpay.
Kahit saa’y namamalas
tagumpay ng Nagliligtas.
Ang tagumpay niyang ito’y siya na rin ang naghayag,
sa harap ng mga bansa’y nahayag ang pagliligtas.
Ang pangako sa Israel lubos niyang tinutupad.
Kahit saa’y namamalas
tagumpay ng Nagliligtas.
Tapat siya sa kanila at ang pag-ibig ay wagas.
Ang tagumpay ng ating Diyos kahit saan ay namalas!
Magkaingay na may galak, yaong lahat sa daigdig;
ang Poon ay buong galak na purihin sa pag-awit!
Kahit saa’y namamalas
tagumpay ng Nagliligtas.
ALELUYA
Juan 8, 31b-32
Aleluya! Aleluya!
Kapag ang aking salita
sa inyo’y naidambana,
taglay n’yo ang aking diwa.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 14, 7-14
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Kung ako’y kilala ninyo, kilala na rin ninyo ang aking Ama. Mula ngayon ay kilala na ninyo siya at inyong nakita.”
Sinabi sa kanya ni Felipe, “Panginoon, ipakita po ninyo sa amin ang Ama, at masisiyahan na kami.” Sumagot si Hesus, “Matagal na ninyo akong kasama, Felipe! Diyata’t hindi mo pa ako nakikilala? Ang nakakita sa akin ay nakakita na sa Ama. Bakit mo sinasabing: ‘Ipakita mo sa amin ang Ama’? Hindi ka ba naniniwalang ako’y sumasa-Ama at ang Ama’y sumasaakin? Ang mga salitang sinasabi ko ay hindi ko sinasabi sa ganang aking sarili. Ang Amang sumasaakin ang gumaganap ng kanyang mga gawain. Maniwala kayo sa akin: ako’y sumasa-Ama at ang Ama’y sumasa-akin. Kung ayaw ninyong maniwala sa sinasabi ko, maniwala kayo dahil sa mga gawang ito. Sinasabi ko sa inyo: ang nananalig sa akin ay makagagawa ng mga ginagawa ko at higit pa rito, sapagkat pupunta na ako sa Ama. At anumang hilingin ninyo sa Ama sa aking pangalan ay gagawin ko, upang maparangalan ang Ama sa pamamagitan ng Anak. Gagawin ko ang anumang hihilingin ninyo sa pangalan ko.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 9, 26-31
Pagbasa mula sa mga Gawa ng mga Apostol
Noong mga araw na iyon: Pagdating ni Saulo sa Jerusalem, sinikap niyang mapabilang sa mga alagad doon. Ngunit ang mga ito ay takot sa kanya, at hindi makapaniwalang isa na siyang alagad. Subalit isinama siya ni Bernabe sa mga apostol. Isinalaysay niya sa kanila kung paano napakita ang Panginoon kay Saulo at nakipag-usap dito nang ito’y nasa daan. Sinabi rin niyang si Saulo’y buong tapang na nangaral sa Damasco, sa pangalan ni Hesus. At mula noon, si Saulo’y kasama-sama nila sa Jerusalem, at buong tapang na nangangaral doon sa pangalan ng Panginoon. Nakipag-usap din siya at nakipagtalo sa mga Helenista, kaya’t itinangka nilang patayin siya. Nang malaman ito ng mga kapatid, dinala nila si Saulo sa Cesarea at pinauwi sa Tarso. Kaya’t naging matiwasay ang simbahan sa buong Judea, Galilea at Samaria. Ito’y tumatag at lumaganap sa tulong ng Espiritu Santo at namuhay na may pagkatakot sa Panginoon.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 21, 26b-27. 28 at 30. 31-32
Pupurihin kita, Poon,
ngayong kami’y natitipon.
o kaya: Aleluya!
Sa harap ng masunuring mga lingkod mong hinirang,
ang handog na panata ko ay doon ko iaalay.
Magsasawa sa pagkain yaong mga nagdarahop,
aawit na pagpupuri ang sa Diyos ay dudulog;
Buhay nila ay uunlad, sasagana silang lubos.
Pupurihin kita, Poon,
ngayong kami’y natitipon.
Sa dakilang Panginoon, ang lahat ay magbabalik,
ang lahat ng mga lahi ay sasambang may pag-ibig.
Mangangayupapang lahat ang palalo’t mayayabang,
ang lahat ng mga tao ay yuyuko sa Maykapal,
ang narito sa daigdig na nilikhang mamamatay.
Pupurihin kita, Poon,
ngayong kami’y natitipon.
Maging lahing susunod pa ay sasamba’t maglilingkod,
ay mayroong mangangaral sa kanila tungkol sa Diyos.
Sa lahat ng sisilang pa’y ganito ang ihahayag,
“sa hinirang niyang bansa ay Panginoon ang nagligtas.”
Pupurihin kita, Poon,
ngayong kami’y natitipon.
IKALAWANG PAGBASA
1 Juan 3, 18-24
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Juan
Mga anak, huwag tayong umibig sa pamamagitan ng salita o wika lamang. Ipakita natin ang tunay na pag-ibig sa pamamagitan ng gawa. Dito natin makikilalang tayo’y nasa panig ng katotohanan, at matatahimik ang ating budhi sa harapan ng Diyos sakali mang tayo’y usigin niyon. Sapagkat ang Diyos ay higit sa ating budhi at alam niya ang lahat ng bagay. Mga minamahal, kung hindi tayo inuusig ng ating budhi, panatag ang ating loob na makalalapit sa Diyos. Tinatanggap natin ang anumang ating hingin sa kanya, sapagkat sinusunod natin ang kanyang mga utos at ginagawa ang nakalulugod sa kanya. Ito ang kanyang utos: manalig tayo sa kanyang Anak na si Hesukristo, at mag-ibigan, gaya ng iniutos ni Kristo sa atin. Ang sumusunod sa mga utos ng Diyos ay nananatili sa Diyos, at nananatili naman sa kanya ang Diyos. At sa pamamagitan ng Espiritung ipinagkaloob niya sa atin ay nalalaman nating nananatili siya sa atin.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Juan 15, 4a. 5b
Aleluya! Aleluya!
Sa Poon ay manatili,
Siya’y sa atin lalagi,
mamungang maluwalhati.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 15, 1-8
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Ako ang tunay na puno ng ubas, at ang aking Ama ang tagapag-alaga. Pinuputol niya ang bawat sangang hindi namumunga; at kanya namang pinuputulan at nililinis ang bawat sangang namumunga upang lalong dumami ang bunga. Nalinis na kayo sa pamamagitan ng salitang sinabi ko sa inyo. Manatili kayo sa akin at mananatili ako sa inyo. Hindi makapamumunga ang sangang hindi nananatiling nakakabit sa puno. Gayun din naman, hindi kayo makapamumunga kung hindi kayo mananatili sa akin.
“Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga. Ang nananatili sa akin, at ako sa kanya, ang siyang namumunga nang sagana; sapagkat wala kayong magagawa kung kayo’y hiwalay sa akin. Ang hindi nananatili sa akin ay itatapon at matutuyo, gaya ng sanga. Ang gayong mga sanga ay titipunin at susunugin. Kung nananatili kayo sa akin at nananatili sa inyo ang salita ko, hingin ninyo ang inyong maibigan, at ipagkaloob sa inyo. Napararangalan ang Ama kung kayo’y namumunga nang sagana at sa gayo’y napatutunayang mga alagad ko kayo.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 4, 23-31
Pagbasa mula sa aklat ng Mga Gawa ng Apostol
Noong mga araw na iyon, nang mapalaya na sina Pedro at Juan, sila’y nagpunta sa mga kasamahan nila at ibinalita ang sinabi ng mga punong saserdote at ng matatanda ng bayan. Nang marinig ito, sama-sama silang nanalangin sa Diyos. Sinabi nila, “Kayo po ang lumikha ng langit, ng lupa, ng dagat at ng lahat ng nasa mga ito! Kayo po ang nagsalita sa pamamagitan ng aming nunong si David na inyong lingkod nang sabihin niya, sa patnubay ng Espiritu Santo:
‘Bakit galit na galit ang mga Hentil,
at ang mga tao’y nagbabalak nang walang kabuluhan?
Naghahandang lumaban ang mga hari sa lupa,
at nagtitipon ang mga pinuno
laban sa Panginoon at sa kanyang Hinirang.’
Nagkatipon sa lungsod na ito sina Herodes at Poncio Pilato, kasama ang mga Hentil at ang buong Israel, laban sa iyong banal na Lingkod na si Hesus, ang iyong Hinirang. Isinagawa nila ang lahat ng bagay na dapat mangyari na itinakda mo noon pa. At ngayon, Panginoon, pinagbabantaan nila kami. Tulungan mo ang iyong mga alipin na mapaingaral nang buong tapang ang iyong Salita. Iunat mo ang iyong kamay upang magpagaling, at loobin mo na sa pangalan ng iyong banal na Lingkod na si Hesus ay makagawa kami ng mga kababalaghan.” Pagkatapos nilang manalangin, nayanig ang pinagtitipunan nila. Silang lahat ay napuspos ng Espiritu Santo at buong tapang na nangaral ng salita ng Diyos.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 2, 1-3. 4-6. 7-9
Mapalad ang may tiwala sa Panginoong Dakila.
o kaya: Aleluya!
Bakit nagbabalak itong mga bansa na sila’y mag-alsa?
Anong kabuluhan ng lahat ng itong binabalak nila?
Mga hari nila ay naghihimagsik at nagkakaisa,
na ang Panginoon at ang kanyang hirang ay bakahin nila.
“Pagsikapan nating tayo ay lumaya sa pagkaalipin,
at ating igupo ang pamahalaang sumakop sa atin.”
Mapalad ang may tiwala sa Panginoong Dakila.
Sa trono ng langit, nagtawa ang Poon nang iyo’y sabihin,
at sila’y kinutya sa kanilang balak na mahirap gawin.
Sa galit ng Diyos, sila’y buong bagsik na pinangusapan,
sa tindi ng poot, yaong mga hari ay nahintakutan;
at tungkol sa akin ay kanyang sinabi:
“Sa bundok kong mahal,
sa tuktok ng Sion, aking iniluklok ang haring marangal.”
Mapalad ang may tiwala sa Panginoong Dakila.
Ganito ang sabi ng lingkod ng Poon na hari sa Sion:
“Aking ihahayag ang ipinag-utos nitong Panginoon,
‘ikaw ang anak kong pinakamamahal, at magmula ngayon,
Ako namang ito ang giliw mong ama sa habang panahon.
Hingin mo sa akin ang lahat ng bansa, at ibibigay ko,
anumang narito sa buong daigdig ay magiging iyo;
pamahalaan mo ng kamay na bakal ang lahat ng ito,
tulad ng palayok, durugin mo sila sa mga kamay mo.’”
Mapalad ang may tiwala sa Panginoong Dakila.
ALELUYA
Colosas 3, 1
Aleluya! Aleluya!
Kayong kay Kristo nabuhay
ay sa langit nakalaan
upang kay Kristo pumisan.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 3, 1-8
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
May isang Pariseo at pinuno ng mga Judio, na nagngangalang Nicodemo. Isang gabi, siya’y nagsadya kay Hesus. “Rabi,” sabi niya, “nalalaman po naming kayo’y isang gurong mula sa Diyos, sapagkat walang makagagawa ng mga kababalaghang ginagawa ninyong malibang sumasakanya ang Diyos.” Sumagot si Hesus, “Sinasabi ko sa inyo: maliban na ipanganak na muli ang isang tao, hindi siya paghaharian ng Diyos.” “Paano pong maipapanganak na muli ang isang tao kung matanda na siya? Makapapasok pa ba siya sa tiyan ng kanyang ina para ipanganak uli?” tanong ni Nicodemo. “Sinasabi ko sa inyo,” ani Hesus, “maliban na ang tao’y ipanganak sa tubig at sa Espiritu, hindi siya paghaharian ng Diyos. Ang ipinanganak sa laman ay laman, at ang ipinanganak sa Espiritu ay espiritu. Huwag kayong magtaka sa sinabi ko sa inyo, ‘Lahat ay kailangang ipanganak na muli.’ Umiihip ang hangin kung saan ibig at naririnig ninyo ang ugong nito, ngunit hindi ninyo alam kung saan nanggagaling at kung saan naparoroon. Gayun din ang bawat ipinanganak sa Espiritu.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 4, 32-37
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng mga Apostol
Nagkaisa ang damdami’t isipan ng lahat ng sumasampalataya at di itinuring ninuman na sarili niya ang kanyang mga ari-arian, kundi para sa lahat. Ang mga apostol ay patuloy na gumagawa ng kababalaghan at nagpapatotoo sa muling pagkabuhay ng Panginoong Hesus. At ibinuhos ng Diyos ang kanyang pagpapala sa kanilang lahat. Walang nagdarahop sa kanila, sapagkat ipinagbibili nila ang kanilang lupa o bahay, at ang pinagbilhan ay ibinibigay sa mga apostol. Ipinamamahagi naman ito ayon sa pangangailangan ng bawat isa.
Gayun ang ginawa ni Jose, isang Levitang taga-Chipre, kaya’t Bernabe ang itinaguri sa kanya ng mga apostol, ibig sabihi’y “Matulungin.” Ipinagbili niya ang kanyang bukid at ibinigay sa mga apostol ang pinagbilhan.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 92, 1ab. 1k2. 5
Panginoo’y naghari na! Ang damit n’ya’y maharlika.
o kaya: Aleluya!
Panginoo’y naghahari, na ang suot sa katawan
ay damit na maharlika at batbat ng kalakasan.
Panginoo’y naghari na! Ang damit n’ya’y maharlika.
Ang sandigan ng daigdig, matatag ang pinatungan
kahit ano ang gawin pa’y hindi ito magagalaw.
Ang trono mo ay matatag simula pa noong una.
Bago pa ang ano pa man, likas ikaw’y naroon na.
Panginoo’y naghari na! Ang damit n’ya’y maharlika.
Walang hanggan, Panginoon, ang lahat ng tuntunin mo,
sadyang banal at matatag ang sambahang iyong templo.
Panginoo’y naghari na! Ang damit n’ya’y maharlika.
ALELUYA
Juan 3, 15
Aleluya! Aleluya!
Ang Anak ng Tao’y dapat
na itampok at itaas
upang lahat ay maligtas.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 3, 7b-15
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus kay Nicodemo: “Huwag kayong magtaka sa sinabi ko sa inyo, ‘Lahat ay kailangang ipanganak na muli.’ Umiihip ang hangin kung saan ibig at naririnig ninyo ang ugong nito, ngunit hindi ninyo alam kung saan nanggagaling at kung saan naparoroon. Gayun din ang bawat ipinanganak sa Espiritu.” “Paano pong mangyayari ito?” tanong ni Nicodemo. Sumagot si Hesus, “Guro pa naman kayo sa Israel ay hindi ninyo nauunawaan ang mga bagay na ito? Tandaan ninyo: ang aming nalalaman ang sinasabi namin, at ang aming nasaksihan ang pinatototohanan namin, ngunit hindi ninyo tinatanggap ang aming patotoo. Kung hindi ninyo pinaniniwalaan ang sinasabi ko tungkol sa mga bagay sa sanlibutang ito, paano ninyo paniniwalaan kung ang sabihin ko’y tungkol sa mga bagay sa langit? Walang umakyat sa langit kundi ang bumaba mula sa langit – ang Anak ng Tao.
“At kung paanong itinaas ni Moises ang ahas doon sa ilang, gayun din namin kailangang itaas ang Anak ng Tao, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 5, 17-26
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol
Noong mga araw na iyon, inggit na inggit ang pinakapunong saserdote at ang mga kasamahan niya na kaanib na sekta ng mga Saduseo, kaya’t kumilos sila. Dinakip nila ang mga apostol at ibinilanggo. Ngunit kinagabiha’y binuksan ng anghel ng Panginoon ang bilangguan at inilabas ang mga apostol. Sinabi nito sa kanila, “Pumaroon kayo sa templo at mangaral tungkol sa bagong pamumuhay na ito.”
Sumunod naman ang mga apostol, kaya’t nang magbubukang-liwayway, pumasok sila sa templo at nagturo.
Nang dumating ang pinakapunong saserdote at ang mga kasama niya, tinawag nila ang lahat ng matatanda ng Israel sa pulong ng buong Sanedrin. Ipinakuha nila sa bilangguan ang mga apostol. Ngunit pagdating doon ng mga bantay, wala na ang mga iyon. Kaya’t nagbalik sila sa Sanedrin at ganito ang ulat: “Nakita po namin na nakasusing mabuti ang bilangguan at nakatayo ang mga bantay. Ngunit nang buksan namin, wala kaming nakitang tao sa loob!” Nabahala ang mga punong saserdote at ang kapitan ng mga bantay sa templo nang marinig ito, at di nila maubos-maisip kung ano ang nangyari sa mga apostol. Ngunit may dumating at nagbalita sa kanila, “Ang mga lalaking ikinulong ninyo ay naroon sa templo’t nagtuturo sa mga tao.” Kaya’t ang kapitan ay pumunta sa templo, kasama ang kanyang mga tauhan. Isinama nila ang mga apostol, ngunit hindi gumagamit ng dahas dahil sa pangambang sila’y batuhin ng mga tao.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 33, 2-3. 4-5. 6-7. 8-9
Dukhang sa D’yos tumatawag ay kanyang inililigtas.
o kaya: Aleluya!
Panginoo’y aking laging pupurihin;
sa pasasalamat di ako titigil.
Aking pupurihin kanyang mga gawa,
kayong naaapi, makinig, matuwa!
Dukhang sa D’yos tumatawag ay kanyang inililigtas.
Ang pagkadakila niya ay ihayag
at ang ngalan niya’y purihin ng lahat!
Ang aking dalangi’y dininig ng Diyos,
nawala sa akin ang lahat kong takot.
Dukhang sa D’yos tumatawag ay kanyang inililigtas.
Nagalak ang aping umasa sa kanya,
pagkat di nabigo ang pag-asa nila.
Tumatawag sa Diyos ang walang pag-asa,
sila’y iniligtas sa hirap at dusa.
Dukhang sa D’yos tumatawag ay kanyang inililigtas.
Anghel yaong bantay sa may takot sa Diyos,
sa mga panganib, sila’y kinukupkop.
Ang galing ng Poon hanaping masikap;
yaong nagtiwala sa kanya’y naligtas
ay maituturing na taong mapalad.
Dukhang sa D’yos tumatawag ay kanyang inililigtas.
ALELUYA
Juan 3, 16
Aleluya! Aleluya!
Kaylaki ng pagmamahal
ng Diyos sa sanlibutan
kaya’t Anak n’ya’y ‘binigay.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 3, 16-21
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Gayun na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. Sapagkat sinugo ng Diyos ang kanyang Anak, hindi upang hatulang maparusahan ang sanlibutan, kundi upang iligtas ito sa pamamagitan niya.
Hindi hinahatulang maparusahan ang nananampalataya sa bugtong na Anak ng Diyos; ngunit hinatulan nang parusahan ang hindi nananampalataya sa kanya. Hinatulan sila sapagkat naparito sa sanlibutan ang ilaw, ngunit inibig pa ng mga tao ang dilim kaysa liwanag, sapagkat masama ang kanilang mga gawa. Ang gumagawa ng masama ay ayaw sa ilaw, at hindi lumalapit dito upang hindi mahayag ang kanyang mga gawa. Ngunit ang namumuhay sa katotohanan ay lumalapit sa ilaw; sa gayun, nahahayag na ang kanyang mga ginagawa’y pagsunod sa Diyos.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 5, 27-33
Pagbasa mula sa mga Gawa ng mga Apostol
Noong mga araw na iyon, ang mga apostol ay siniyasat ng pinakapunong saserdote. “Mahigpit naming ipinagbawal sa inyo ang pangangaral sa pangalan ng Hesus na iyan,” wika niya, “ngunit tingnan ninyo ang inyong ginawa! Laganap na sa Jerusalem ang inyong aral, at ibig pa ninyo kaming panagutin sa pagkamatay ng taong iyan!” Ngunit sumagot si Pedro at ang ibang mga apostol, “Ang Diyos ang dapat naming sundin, hindi ang tao. Ang Diyos ng ating mga ninuno ang muling bumuhay kay Hesus na pinatay ninyo nang inyong ipabitay sa krus. Iniakyat siya ng Diyos sa kanyang kanan bilang Tagapanguna at Tagapagligtas, upang bigyan ng pagkakataon ang mga Israelita na magsisi’t tumalikod sa kanilang mga kasalanan, at sa gayun, sila’y patawarin. Saksi kami sa mga bagay na ito – kami at ang Espiritu Santo na ipinagkaloob ng Diyos sa mga tumatalima sa kanya.” Nagngitngit sa galit ang mga bumubuo ng Sanedrin nang marinig ito, at ibig nilang ipapatay ang mga apostol.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 33, 2 at 9. 17-18. 19-20
Dukhang sa D’yos tumatawag ay kanyang inililigtas.
o kaya: Aleluya!
Panginoo’y aking laging pupurihin;
sa pasasalamat di ako titigil.
Ang galing ng Poon hanaping masikap;
yaong nagtiwala sa kanya’t naligtas
ay maituturing na taong mapalad.
Dukhang sa D’yos tumatawag ay kanyang inililigtas.
Nililipol niya yaong masasama
hanggang sa mapawi sa isip ng madla.
Agad dinirinig daing ng matuwid,
inililigtas sila sa mga panganib.
Dukhang sa D’yos tumatawag ay kanyang inililigtas.
Tumutulong siya sa nasisiphayo
ang walang pag-asa’y hindi binibigo.
Ang taong matuwid, masuliranin man,
sa tulong Poon, agad maiibsan.
Dukhang sa D’yos tumatawag ay kanyang inililigtas.
ALELUYA
Juan 20, 29
Aleluya! Aleluya!
Mapalad at maligaya
ang sumasampalataya
sa di nakita ng mata!
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 3, 31-36
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon: sinabi ni Hesus kay Nicodemo:
“Ang mula sa itaas ay dakila sa lahat; ang mula sa lupa ay taga-lupa at nagsasalita tungkol sa mga bagay sa lupa. Ang mula sa langit ay dakila sa lahat. Pinatototohanan niya ang kanyang nakita at narinig, ngunit walang maniwala sa kanyang patotoo. Ang naniniwala sa kanyang patotoo ay nagpapatunay na tapat ang Diyos. Sapagkat ang sinugo ng Diyos ay nagpapahayag ng mga salita ng Diyos; at walang sukat ang kanyang pagkakaloob ng Espiritu Santo. Minamahal ng Ama ang Anak, at ibinigay sa kanya ang kapamahalaan ng lahat ng bagay. Ang nananalig sa Anak ay may buhay na walang hanggan; ngunit ang hindi tumatalima sa Anak, hindi nagkakaroon ng buhay – mananatili sa kanya ang poot ng Diyos.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 5, 34-42
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng mga Apostol
Noong mga araw na iyon, tumindig ang isang Pariseong nagngangalang Gamaliel, tagapagturo ng Kautusan, at iginagalang ng buong bayan. Iniutos niyang ilabas muna ang mga apostol, saka nagsalita:
“Mga kababayan, isipin ninyong mabuti ang gagawin sa mga taong ito. Hindi pa nagtatagal na lumitaw si Teudas na nagpanggap na isang dakilang pinuno, at nakaakit ng may apatnaraang tagasunod. Ngunit nang mapatay siya, nagkawatak-watak ang mga tauhan niya at nauwi sa wala ang kilusan. Pagkatapos, lumitaw naman si Judas na taga-Galilea noong panahon ng pagpapatala at nakaakit din ng maraming tauhan. Nang mapatay siya, nagkawatak-watak din ang mga tagasunod niya. Kaya’t sinasabi ko sa inyo: huwag ninyong pakialaman ang mga taong ito; hayaan ninyo sila. Kung ang kanilang panukala o pagpupunyaging ito’y mula sa tao, ito’y mabibigo. Ngunit kung mula sa Diyos, hindi ninyo ito masasansala at lilitaw pang lumalaban kayo sa Diyos! Napahinuhod sila sa payo ni Gamaliel. Pinapasok na muli ang mga apostol, at pagkatapos ipapalo at pagbawalang mangaral sa pangalan ni Hesus, sila’y pinalaya. Galak na galak na umalis ang mga apostol sa harap ng Sanedrin sapagkat minarapat ng Diyos na sila’y malagay sa kahihiyan alang-alang sa pangalan ni Hesus. At araw-araw, nagpupunta sila sa templo at sa mga tahanan, at doo’y nagtuturo at nangangaral tungkol kay Hesus, ang Kristo.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 26, 1. 4. 13-14
Ang tanging aking mithii’y Panginoo’y makapiling.
o kaya: Aleluya!
Tanglaw ko’y ang Poon, aking kaligtasan,
kaya walang takot ako kaninuman;
sa mga panganib kanyang iingatan,
kaya naman ako’y walang agam-agam.
Ang tanging aking mithii’y Panginoo’y makapiling.
Isang bagay lamang ang aking mithiin,
isang bagay itong sa Poon hinihiling:
ang ako’y lumagi sa banal na templo
upang kagandahan niya’y mamasdan ko
at yaong patnubay niya ay matamo.
Ang tanging aking mithii’y Panginoo’y makapiling.
Ako’y nananalig na bago mamatay
masasaksihan ko ang ‘yong kabutihan
na igagawad mo sa mga hinirang.
Sa Panginoong Diyos tayo’y magtiwala!
Ating patatagin ang paniniwala;
tayo ay umasa sa kanyang kalinga!
Ang tanging aking mithii’y Panginoo’y makapiling.
ALELUYA
Mateo 4, 4b
Aleluya! Aleluya!
Ang tao ay nabubuhay
sa Salita ng Maykapal
na pagkaing kanyang bigay.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 6, 1-15
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, tumawid si Hesus sa ibayo ng Lawa ng Galilea, na tinatawag ding Lawa ng Tiberias. Sinundan siya ng napakaraming tao sapagkat nakita nila ang mga kababalaghang ginawa niya sa pagpapagaling sa mga maysakit. Umahon si Hesus sa burol kasama ang kanyang mga alagad at naupo roon. Malapit na noon ang Pista ng Paskuwa ng mga Judio. Tumanaw si Hesus, at nakita niyang dumarating ang napakaraming tao. Tinanong siya ni Felipe, “Saan tayo bibili ng tinapay upang makakain ang mga taong ito?” Sinabi niya ito para subukin si Felipe, sapagkat alam ni Hesus ang kanyang gagawin. Sumagot si Felipe, “Kahit na po halagang dalawandaang denaryong tinapay ang bilhin ay di sasapat para makakain nang tigkakaunti ang mga tao.” Sinabi ng isa sa kanyang mga alagad, si Andres na kapatid ni Simon Pedro, “Mayroon po ritong isang batang lalaki na may dalang limang tinapay na sebada at dalawang isda. Ngunit gaano na ito sa ganyang karaming tao?” “Paupuin ninyo sila,” wika ni Hesus. Madamo sa lugar na yaon. Umupo ang lahat — humigit-kumulang sa limang libo ang mga lalaki. Kinuha ni Hesus ang tinapay at matapos magpasalamat sa Diyos ay ipinamahagi sa mga tao; gayun din ang ginawa niya sa isda. Binigyan ang lahat hangga’t sa gusto nila. At nang makakain na sila, sinabi niya sa mga alagad, “Tipunin ninyo ang lumabis para hindi masayang.” Gayun nga ang ginawa nila, at nakapuno sila ng labindalawang bakol.
Nang makita ng mga tao ang kababalaghang ginawa ni Hesus, sinabi nila, “Tunay na ito ang Propetang paririto sa sanlibutan!” Nahalata ni Hesus na lalapit ang mga tao at pilit siyang kukunin upang gawing hari, kaya muli siyang umalis na mag-isa patungo sa kaburulan.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 6, 1-7
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng mga Apostol
Noong mga araw na iyon, dumarami na ang mga sumasampalataya at nagreklamo ang mga Helenista laban sa mga Hebreo. Sinabi nilang ang mga babaing balo sa pangkat nila ay napapabayaan sa pang-araw-araw na pamamahagi ng ikabubuhay. Kaya’t tinipon ng Labindalawa ang buong kapulungan ng mga sumasampalataya at sinabi sa kanila, “Hindi namin dapat pabayaan ang pangangaral ng salita ng Diyos upang mangasiwa sa pamamahagi ng ikabubuhay. Kaya, mga kapatid, pumili kayo ng pitong lalaking kilala sa pagiging mabuti, matatalino at puspos ng Espiritu Santo, at ilalagay namin sila sa tungkuling ito. At iuukol naman namin ang buong panahon sa pananalangin at sa pangangaral ng Salita.” Nalugod ang buong kapulungan sa panukala ng mga apostol; kaya’t pinili nila si Esteban, isang lalaking matibay ang pananalig sa Diyos at puspos ng Espiritu Santo, at sina Felipe, Procoro, Nicanor, Timon, Parmenas, at Nicolas na taga-Antioquia, isang Hentil na naakit sa Judaismo. Iniharap sila sa mga apostol; sila’y ipinanalangin ng mga ito at pinatungan ng kamay.
Patuloy na lumaganap ang salita ng Diyos; at ang sumasampalataya ay parami nang parami sa Jerusalem. At maging sa mga saserdote, marami ang sumampalataya.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 32, 1-2. 4-5. 18-19
Poon, pag-asa ka namin, pag-ibig mo’y aming hiling.
o kaya: Aleluya!
Lahat ng matuwid dapat na magsaya
dahil sa ginawa ng Diyos sa kanila;
Kayong masunuri’y magpuri sa kanya!
Ang Panginoong Diyos ay pasalamatan,
tugtugin ang alpa’t awit ay saliwan.
Poon, pag-asa ka namin, pag-ibig mo’y aming hiling.
Panginoo’y tapat sa kanyang salita,
at maaasahan ang kanyang ginawa.
Minamahal niya ang gawang matapat,
ang pag-ibig niya sa mundo’y laganap.
Poon, pag-asa ka namin, pag-ibig mo’y aming hiling.
Ang may takot sa Diyos, at nagtitiwala
sa kanyang pag-ibig, ay kinakalinga.
Hindi babayaang sila ay mamatay,
kahit magtataggutom sila’y binubuhay.
Poon, pag-asa ka namin, pag-ibig mo’y aming hiling.
ALELUYA
Aleluya! Aleluya!
Si Kristo’y muling nabuhay,
kanyang nilikha ang tanan,
mga tao’y dinamayan.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 6, 16-21
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Nang nagtatakipsilim na, ang mga alagad ay pumunta sa tabi ng lawa, sumakay sa bangka, patawid sa Capernaum. Madilim na’y wala pa si Hesus. Lumakas ang hangin at lumaki ang alon. Nang makagaod sila nang mga lima o anim na kilometro, nakita nila si Hesus na lumalakad sa ibabaw ng tubig, palapit sa bangka. At sila’y natakot. Ngunit sinabi niya sa kanila, “Huwag kayong matakot. Ako ito!” Tuwang-tuwa nilang pinasakay si Hesus sa bangka; at pagdaka’y sumadsad ang bangka sa kanilang patutunguhan.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 3, 13-15. 17-19
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol
Noong mga araw na iyon: Sinabi ni Pedro sa mga tao: “Ang Diyos nina Abraham, Isaac at Jacob, ang Diyos ng ating mga ninuno, ang nagbigay ng pinakamataas na karangalan sa kanyang Lingkod na si Hesus. Ngunit siya’y ibinigay ninyo sa maykapangyarihan at itinakwil sa harapan ni Pilato, gayong ipinasiya na nitong palayain siya. Itinakwil ninyo ang Banal at Matuwid, at isang mamamatay-tao ang hiniling ninyong palayain. Pinatay ninyo ang Pinagmumulan ng buhay, ngunit siya’y muling binuhay ng Diyos, at saksi kami sa bagay na ito.
“At ngayon, mga kapatid, batid kong hindi ninyo nalalaman ang inyong ginawa, gayun din ang inyong mga pinuno. Ngunit sa ginawa ninyo’y natupad ang malaon nang ipinahayag ng Diyos sa pamamagitan ng mga propeta na ang Kristo’y kailangang magbata. Kaya’t magsisi kayo at magbalik-loob sa Diyos upang pawiin niya ang inyong mga kasalanan.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 4, 2. 4. 7. 9
Poon, sa ‘mi’y pasikatin liwanag sa iyong piling.
o kaya: Aleluya!
Sagutin mo ako sa aking pagtawag,
Panginoong Diyos na aking kalasag;
Ikaw na humango sa dusa ko’t hirap,
ngayo’y pakinggan mo, sa aki’y mahabag.
Poon, sa ‘mi’y pasikatin liwanag sa iyong piling.
Dapat mapagkuro ninyo at malaman
na mahal ng Poon akong kanyang hirang,
dinirinig niya sa pananawagan.
Poon, sa ‘mi’y pasikatin liwanag sa iyong piling.
O Diyos, ang ligayang bigay mo sa akin,
higit na di hamak sa galak na angkin,
nilang may maraming imbak na pagkain
at iniingatang alak na inumin.
Poon, sa ‘mi’y pasikatin liwanag sa iyong piling.
Sa aking paghimlay, ako’y mapayapa,
pagkat ikaw, Poon, ang nangangalaga.
Poon, sa ‘mi’y pasikatin liwanag sa iyong piling.
IKALAWANG PAGBASA
1 Juan 2, 1-5a
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Juan
Mga anak, isinusulat ko ito sa inyo para hindi kayo magkasala. Ngunit kung magkasala ang sinuman, may Tagapamagitan tayo sa Ama. At iya’y si Hesukristo, ang walang sala. Sapagkat si Kristo ang handog sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan natin, at kasalanan din ng lahat ng tao.
Nakatitiyak tayong nakikilala natin ang Diyos kung sinusunod natin ang kanyang mga utos. Ang nagsasabing, “Nakikilala ko siya,” ngunit sumusuway naman sa kanyang mga utos ay sinungaling, at wala sa kanya ang katotohanan. Ngunit ang tumutupad sa salita ng Diyos ay umiibig sa kanya nang wagas. Ganito natin nalalamang tayo’y nasa kanya. `
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Lucas 24, 32
Aleluya! Aleluya!
Poong Hesus, aming hiling
Kasulata’y liwanagin
kami ngayo’y pag-alabin.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 24, 35-48
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon: Samantalang pinag-uusapan ng mga alagad ni Hesus kung paanong nakilala si Hesus sa paghahati-hati ng tinapay, si Hesus ay tumayo sa gitna nila. “Sumainyo ang kapayapaan!” sabi niya sa kanila. Ngunit nagulat sila at natakot sapagkat akala nila’y multo ang nasa harapan nila. Kaya’t sinabi ni Hesus sa kanila, “Ano’t kayo’y nagugulumihanan? Bakit nag-aalinlangan pa kayo? Tingnan ninyo ang aking kamay at paa, ako nga ito. Hipuin ninyo ako at pagmasdan. Ang multo’y walang laman at buto, ngunit ako’y mayroon, tulad ng nakikita ninyo.” At pagkasabi nito, ipinakita niya sa kanila ang kanyang mga kamay at mga paa. Nang hindi pa rin sila makapaniwala dahil sa malaking galak at pagkamangha, tinanong sila ni Hesus “May makakain ba riyan?” Siya’y binigyan nila ng kaputol na isdang inihaw; kinuha niya ito at kinain sa harapan nila.
Pagkatapos sinabi sa mga alagad, “Ito ang tinutukoy ko nang sabihin ko sa inyo noong kasama-sama pa ninyo ako: dapat matupad ang lahat ng nasusulat tungkol sa akin sa Kautusan ni Moises, sa mga aklat ng mga propeta at sa aklat ng mga Awit.” At binuksan niya ang kanilang pag-iisip upang maunawaan nila ang mga Kasulatan. Sinabi niya sa kanila, “Ganito ang nasusulat: kinakailangang magbata ng hirap at mamatay ang Mesiyas at muling mabuhay sa ikatlong araw. Sa kanyang pangalan, ang pagsisisi at kapatawaran ng mga kasalanan ay dapat ipangaral sa lahat ng bansa, magmula sa Jerusalem. Kayo ang mga saksi sa mga bagay na ito.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 2, 14. 22-33
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol
Noong araw ng Pentekostes, tumayo si Pedro at ang labing-isang apostol, at nagsalita nang malakas, “Mga kababayan, at mga naninirahan sa Jerusalem: pakinggan ninyong mabuti ang aking sasabihin.
“Mga Israelita, pakinggan ninyo ito! Si Hesus na taga-Nazaret ay sinugo ng Diyos. Pinatutunayan ito ng mga himala, mga kababalaghan, at mga tandang ginawa ng Diyos sa pamamagitan niya. Alam ninyo ito sapagkat lahat ay naganap sa gitna ninyo. Ngunit ang taong ito na ibinigay sa inyo ayon sa pasiya at pagkaalam ng Diyos sa mula’t mula pa, ay ipinapako ninyo at ipinapatay sa mga makasalanan. Subalit siya’y muling binuhay ng Diyos at pinalaya sa kapangyarihan ng kamatayan. Hindi ito maaaring mamayani sa kanya, gaya ng sinabi ni David:
‘Nakita ko na laging nasa tabi ko ang Panginoon,
Siya’y kasama ko kaya’t hindi ako matitigatig.
Dahil dito, nagalak ang puso ko at umawit sa tuwa ang aking dila,
At ang katawan ko’y nahihimlay na may pag-asa.
Sapagkat ang kaluluwa ko’y di mo pababayaan sa daigdig ng mga patay,
At hindi mo itutulot na mabulok ang iyong Banal.
Ituro mo sa akin ang mga landasing patungo sa buhay,
Dahil sa ikaw ang kasama ko, ako’y mapupuspos ng kagalakan.’
“Mga kapatid, masasabi ko sa inyo nang tiyakan na ang patriyarkang si David ay namatay at inilibing; naririto ang kanyang libingan hanggang ngayon. Siya’y propeta at nalalaman niya ang pangako sa kanya ng Diyos: na magiging haring tulad niya ang isa sa kanyang mga inapo. Ang muling pagkabuhay ng Mesias ang nakita’t hinulaan ni David nang kanyang sabihin:
‘Hindi siya pinabayaan sa daigdig ng mga patay;
At hindi itinulot na mabulok ang kanyang katawan.’
Itong si Hesus ay muling binuhay ng Diyos, at saksi kaming lahat sa bagay na ito. Nang itaas siya sa kanan ng Diyos, tinanggap niya sa kanyang Ama ang ipinangakong Espiritu Santo at ito’y kanyang ipinagkaloob sa amin, tulad ng inyong nakikita at naririnig ngayon.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 15, 1-2a at 5. 7-8. 9-10. 11
D’yos ko, ang aking dalangi’y ako’y iyong tangkilikin.
o kaya: Aleluya.
O Diyos, ako’y ingatan mo, ingatan ang iyong lingkod,
ang hangad ko ay maligtas kaya sa ‘yo dumudulog;
“Ika’y aking Panginoon,” ang wika ko sa aking Diyos,
“Kabutihang tinanggap ko, ay ikaw ang nagkaloob.”
Ikaw lamang, O Poon ko, ang lahat sa aking buhay,
ako’y iyong tinutugon sa lahat kong kailangan.
D’yos ko, ang aking dalangi’y ako’y iyong tangkilikin.
Pinupuri ko ang Poon na sa akin ay patnubay.
Kahit gabi diwa niya ang sa aki’y umaakay.
Nababatid ko na siya’y kasama ko oras-oras.
sa piling n’ya kailanma’y hindi ako matitinag.
D’yos ko, ang aking dalangi’y ako’y iyong tangkilikin.
Kaya’t ako’y nagdiriwang, ang diwa ko’y nagagalak,
ang lagi kong nadarama’y hindi ako matitinag.
Pagkat di mo tutulutang ang mahal mo ay malagak,
sa balon ng mga patay upang doon ay maagnas.
D’yos ko, ang aking dalangi’y ako’y iyong tangkilikin.
Ituturo mo ang landas na buhay ang hahantungan,
sa piling mo’y madarama ang lubos na kagalakan;
ang tulong mo’y nagdudulot ng ligayang walang hanggan.
D’yos ko, ang aking dalangi’y ako’y iyong tangkilikin.
ALELUYA
Salmo 117, 24
Aleluya! Aleluya!
Araw ngayong gawa ng D’yos,
magdiwang tayo nang lubos.
Purihin ang Manunubos.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 28, 8-15
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, dali-daling umalis ang mga babae ng libingan. Pinagharian sila ng magkahalong takot at galak. At patakbong nagpunta sa mga alagad upang ibalita ang nangyari.
Ngunit sinalubong sila ni Hesus at binati. At lumapit sila, niyakap ang kanyang paa at sinamba siya. Sinabi sa kanila ni Hesus, “Huwag kayong matakot! Humayo kayo at sabihin sa mga kapatid ko na pumunta sila sa Galilea, at makikita nila ako roon!”
Pagkaalis ng mga babae, pumunta naman sa lungsod ang ilan sa mga kawal na nagbabantay sa libingan at ibinalita sa mga punong saserdote ang lahat ng nangyari. Nagtipun-tipon ang mga ito at matapos makipagpulong sa matatanda ng bayan, sinuhulan nang malaki ang mga kawal. At inutusan sila na ganito ang ipinamalita, “Samantalang natutulog kami kagabi, naparito ang kanyang mga alagad at ninakaw ang kanyang bangkay.” Sinabi pa nila, “Huwag kayong mag-alaala, makarating man ito sa gobernador. Kami ang bahala!” Tinanggap ng mga bantay ang salapi at ginawa ang bilin sa kanila. Hanggang ngayon, ito pa rin ang sabi-sabi ng mga Judio.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 2, 36-41
Pagbasa mula sa mga Gawa ng Mga Apostol
Noong araw ng Pentekostes, sinabi ni Pedro sa mga Judio: “Dapat malaman ng buong Israel na itong si Hesus na ipinako ninyo sa krus – siya ang ginawa ng Diyos na Panginoon at Kristo!”
Nabagabag ang kanilang kalooban nang marinig ito, at tinanong nila si Pedro at ang mga apostol, “Mga kapatid, ano ang gagawin namin?” Sumagot si Pedro, “Pagsisihan ninyo’t talikdan ang inyong mga kasalanan at magpabinyag kayo sa pangalan ni Hesukristo upang kayo’y patawarin; at ipagkakaloob sa inyo ang Espiritu Santo. Sapagkat ang pangako’y para sa inyo at sa inyong mga anak, at sa lahat ng nasa malayo – sa bawat tatawagin ng Panginoong Diyos.”
Marami pa siyang inilahad upang patunayan ang kanyang sinabi, at nanawagan siya sa kanila, “Lumayo kayo sa masamang lahing ito upang kayo’y maligtas.” Kaya’t ang mga naniwala sa kanyang sinabi ay nagpabinyag; at nadagdag sa kanila ang may tatlong libong tao nang araw na iyon.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 32, 4-5. 18-19. 20 at 22
Awa’t pag-ibig ng Diyos sa sangkalupaa’y lubos.
o kaya: Aleluya!
Panginoo’y tapat sa kanyang salita,
at maaasahan ang kanyang ginawa.
Minamahal niya ang gawang matapat,
ang pag-ibig niya sa mundo’y laganap.
Awa’t pag-ibig ng Diyos sa sangkalupaa’y lubos.
Ang may takot sa Diyos, at nagtitiwala
sa kanyang pag-ibig, ay kinakalinga.
Hindi babayaang sila ay mamatay,
kahit magtaggutom sila’y binubuhay.
Awa’t pag-ibig ng Diyos sa sangkalupaa’y lubos.
Ang ating pag-asa’y nasa Panginoon;
siya ang sanggalang natin at katulong.
Ipagkaloob mo na aming makamit,
O Poon, ang iyong wagas na pag-ibig,
yamang ang pag-asa’y sa ‘yo nasasalig!
Awa’t pag-ibig ng Diyos sa sangkalupaa’y lubos.
ALELUYA
Salmo 117, 24
Aleluya! Aleluya!
Araw ngayong gawa ng D’yos,
magdiwang tayo nang lubos.
Purihin ang Manunubos.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 20, 11-18
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, si Maria’y nakatayong umiiyak sa labas ng libingan; yumuko siya at tumingin sa loob. May nakita siyang dalawang anghel na nakaupo sa pinaglagyan ng bangkay ni Hesus, ang isa’y sa gawing ulunan at ang isa nama’y sa paanan. Tinanong nila si Maria, “Ale, bakit kayo umiiyak?” Sumagot siya, “Kinuha po nila ang aking Panginoon, at hindi ko alam kung saan dinala.” Lumingon siya pagkasabi nito, at nakita niya si Hesus na nakatayo roon, ngunit hindi niya nakilalang si Hesus iyon. Tinanong siya ni Hesus, “Bakit ka umiiyak? Sino ang hinahanap mo?” Akala ni Maria’y siya ang tagapag-alaga ng halamanan, kaya’t sinabi niya, “Ginoo, kung kayo po ang kumuha sa kanya, ituro ninyo sa akin kung saan ninyo dinala at kukunin ko.” “Maria!” ani Hesus. Humarap siya at kanyang sinabi, “Raboni!” – ibig sabihi’y “Guro.” “Huwag mo akong hawakan, sapagkat hindi pa ako nakapupunta sa Ama,” wika ni Hesus. “Sa halip, pumunta ka sa aking mga kapatid at sabihin mong aakyat ako sa aking Ama at inyong Ama, sa aking Diyos at inyong Diyos.” Kaya’t si Maria Magdalena’y pumunta sa mga alagad at sinabi, “Nakita ko ang Panginoon!” At tuloy sinabi sa kanila ang bilin ni Hesus.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 3, 1-10
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol
Minsan, ikatlo ng hapon, oras ng pananalangin, nagpunta sina Pedro at Juan sa templo. Sa malapit sa tinatawag na Pintuang Maganda ay may isang lalaking ipinanganak na lumpo. Dinadala siya roon araw-araw upang magpalimos. Nang makita niya sina Pedro at Juan na papasok sa templo, siya’y nanghingi ng limos. Tinitigan siya ng dalawa, at sinabihan ni Pedro, “Tumingin ka sa amin!” Tumingin nga siya sa pag-asang siya’y lilimusan. Ngunit sinabi ni Pedro, “Wala akong pilak o ginto, subalit may iba akong ibibigay sa iyo: sa ngalan ni Hesukristong taga-Nazaret, lumakad ka.” Hinawakan niya sa kanang kamay ang lumpo at itinindig. Pagdaka’y lumakas ang mga paa at bukung-bukong ng lalaki; ito’y napalukso at nagsimulang lumakad. Paluksu-lukso siyang pumasok sa templo, kasama nila, at masayang nagpupuri sa Diyos. Nakita ng lahat na siya’y lumalakad at nagpupuri sa Diyos. Nanggilalas sila nang makilala nilang siya ang pulubing dati’y nakaupo sa Pintuang Maganda ng templo.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 104, 1-2. 3-4. 6-7. 8-9
D’yos ay dapat parangalan ng banal n’yang sambayanan.
o kaya: Aleluya!
Dapat na ang Diyos, itong Panginoon, ay pasalamatan,
ang kanyang ginawa sa lahat ng bansa’y dapat ipaalam.
Siya ay purihin, suubin ng awit, ating papurihan,
ang kahanga-hangang mga gawa niya’y dapat na isaysay.
D’yos ay dapat parangalan ng banal n’yang sambayanan.
Tayo ay magalak yamang lahat tayo ay tunay na kanya,
ang kanyang pangalan, ang pangalang banal, napakadakila,
lahat ng may nais maglingkod sa Poon, dapat na magsaya.
Siya ay hanapin, at ang kanyang lakas ay siyang asahan,
siya ay hanapin upang mamalagi sa kanyang harapan.
D’yos ay dapat parangalan ng banal n’yang sambayanan.
Ito’y nasaksihan ng mga alipi’t anak ni Abraham,
gayun din ang lahat na anak ni Jacob na kanyang hinirang.
Ang Panginoong Diyos ay ang Panginoon, siya ang ating Diyos,
sa kanyang paghatol ay ang nasasaklaw, buong sansinukob.
D’yos ay dapat parangalan ng banal n’yang sambayanan.
Ang tipang pangako’y laging nasa isip niya kailanman,
ang mga pangakong kanyang binitiwan sa lahat ng angkan.
Ang tipan ng Diyos ay unang ginawa niya kay Abraham,
at may pangako ring ginawa kay Isaac na lingkod na mahal.
D’yos ay dapat parangalan ng banal n’yang sambayanan.
ALELUYA
Salmo 117, 24
Aleluya! Aleluya!
Araw ngayong gawa ng D’yos,
magdiwang tayo nang lubos.
Purihin ang Manunubos.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 24, 13-35
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Nang araw ding iyon, ang dalawa sa mga alagad ay patungo sa isang nayong tinatawag na Emaus, may labing-isang kilometro ang layo sa Jerusalem. Pinag-uusapan nila ang mga pangyayari. Samantalang nag-uusap sila at nagtatanungan, lumapit si Hesus at nakisabay sa kanila. Siya’y nakita nila, ngunit hindi nakilala agad. Tinanong sila ni Hesus, “Ano ba ang pinag-uusapan ninyo?” At tumigil silang nalulumbay. Sinabi ng isa na ang ngala’y Cleopas, “Kayo lamang po yata ang dayuhan sa Jerusalem na hindi nakaaalam sa mga bagay na katatapos pa lamang nangyari roon.” “Anong mga bagay?” tanong niya. At sumagot sila, “Tungkol kay Hesus na taga-Nazaret, isang propetang makapangyarihan sa gawa at salita, maging sa harapan ng Diyos at ng mga tao. Isinakdal siya ng aming mga punong saserdote at mga pinuno upang mahatulang mamatay, at siya ay ipinako sa krus. Siya pa naman ang inaasahan naming magpapalaya sa Israel. Hindi lamang iyan. Ikatlong araw na ngayon mula nang mangyari ito; nabigla kami sa ibinalita ng ilan sa mga babaing kasamahan namin. Maagang-maaga raw silang nagpunta sa libingan, at di nila natagpuan ang kanyang bangkay. Nagbalik sila at ang sabi’y nakakita raw sila ng isang pangitain – mga anghel na nagsabing buhay si Hesus. Pumunta rin sa libingan ang ilan sa mga kasama namin at gayun nga ang natagpuan nila, ngunit hindi nila nakita si Hesus.”
Sinabi sa kanila ni Hesus, “Kay hahangal ninyo! Ano’t hindi ninyo mapaniwalaan ang lahat ng sinabi ng mga propeta? Hindi ba’t ang Mesiyas ay kailangang magbata ng lahat ng ito bago niya kamtan ang kanyang marangal na katayuan?” At ipinaliwanag sa kanila ni Hesus ang lahat ng nasasaad sa Kasulatan tungkol sa kanyang sarili, simula sa mga aklat ni Moises hanggang sa sinulat ng mga propeta.
Malapit na sila sa nayong kanilang patutunguhan, at si Hesus ay waring magpapatuloy pa ng lakad. Ngunit siya’y pinakapigil-pigil nila. “Tumuloy na po kayo rito sa amin,” anila, “sapagkat palubog na ang araw at dumidilim na.” Kaya’t sumama nga siya sa kanila. Nang siya’y kasalo na nila sa hapag, dumampot siya ng tinapay at nagpasalamat sa Diyos, saka pinaghati-hati at ibinigay sa kanila. Nabuksan ang kanilang paningin at nakilala nila si Hesus, subalit ito’y biglang nawala. At nawika nila, “Kaya pala gayun ang pakiramdam natin habang tayo’y kinakausap sa daan at ipinapaliwanag sa atin ang mga Kasulatan!”
Noon di’y tumindig sila at nagbalik sa Jerusalem. Naratnan nilang nagkakatipon ang Labing-isa at ang ibang mga kasama nila na nag-uusap-usap, “Muli ngang nabuhay ang Panginoon! Napakita kay Simon!” At isinalaysay naman ng dalawa ang nangyari sa daan, at kung paano nila siyang nakilala nang paghati-hatiin niya ang tinapay.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 3, 11-26
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol
Noong mga araw na iyon, samantalang nakahawak ang pinagaling nina Pedro at Juan sa kanila sa may Portiko ni Solomon, patakbong lumapit sa kanila ang mga taong takang-taka sa nangyari. Pagkakita ni Pedro sa mga tao, kanyang sinabi, “Mga Israelita, bakit kayo nanggigilalas sa nangyaring ito? Bakit ninyo kami tinitingnan nang ganyan? Akala ba ninyo’y napalakad namin siya sa pamamagitan ng sarili naming kapangyarihan o kaya’y dahil sa aming kabanalan? Ang Diyos nina Abraham, Isaac at Jacob, ang Diyos ng ating mga ninuno, ang nagbigay ng pinakamataas na karangalan sa kanyang Lingkod na si Hesus. Ngunit siya’y ibinigay ninyo sa maykapangyarihan at itinakwil sa harapan ni Pilato, gayong ipinasiya na nitong palayain siya. Itinakwil ninyo ang Banal at Matuwid, at isang mamamatay-tao ang hiniling ninyong palayain. Pinatay ninyo ang Pinagmumulan ng buhay, ngunit siya’y muling binuhay ng Diyos, at saksi kami sa bagay na ito. Ang kapangyarihan ng pangalan ni Hesus ang nagpagaling sa lalaking ito; nangyari ito dahil sa pananalig sa kanyang pangalan. Ang pananalig kay Hesus ang lubusang nagpagaling sa kanya, tulad ng inyong nakikita.
“At ngayon, mga kapatid, batid kong hindi ninyo nalalaman ang inyong ginawa, gayun din ang inyong mga pinuno. Ngunit sa ginawa ninyo’y natupad ang malaon nang ipinahayag ng Diyos sa pamamagitan ng mga propeta na ang Kristo’y kailangang magbata. Kaya’t magsisi kayo at magbalik-loob sa Diyos upang pawiin niya ang inyong mga kasalanan at bigyan kayo ng kaunting panahon ng pamamahinga. At susuguin niya si Hesus, ang Mesias na hinirang niya para sa inyo. Siya’y dapat munang manatili sa langit hanggang sa dumating ang panahon ng pagbabago ng lahat ng bagay, ayon sa ipinahayag ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang mga banal na propeta mula pa noong una. Sinabi ni Moises, ‘Ang Panginoong inyong Diyos ay pipili ng isa ninyong kalahi at gagawing propetang tulad ko. Pakinggan ninyo ang lahat ng sasabihin niya sa inyo. At lahat ng hindi makikinig sa propetang yaon ay ihihiwalay sa bayan ng Diyos at lilipulin.’ Nagpahayag din tungkol sa mga araw na ito ang mga propeta, mula kay Samuel at lahat ng sumunod sa kanya. Ang mga pangako ng Diyos sa pamamagitan ng mga propeta ay para sa inyo, at kasali kayo sa tipang ginawa ng Diyos at ng inyong mga ninuno nang kanyang sabihin kay Abraham, ‘Pagpapalain ko ang lahat ng angkan sa daigdig sa pamamagitan ng iyong lipi.’ Kaya’t hinirang ng Diyos ang kanyang Lingkod. At siya’y unang sinugo sa inyo upang pagpalain kayo at tulungang tumalikod sa inyong masasamang pamuhay.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 8, 2a at 5. 6-7. 8-9
Maningning ang iyong ngalan, Poon, sa sangkalupaan.
o kaya: Aleluya!
Ikaw, O Poon, Panginoon namin,
laganap sa lupa ang iyong luningning.
Ano nga ang tao upang ‘yong alalahanin?
Ay ano nga siya na sukal mong kalingain?
Maningning ang iyong ngalan, Poon, sa sangkalupaan.
Nilikha mo siya, na halos kapantay
ng iyong luningning at kadakilaan!
Pinamahala mo sa buong daigdig,
sa lahat ng bagay malaki’t maliit.
Maningning ang iyong ngalan, Poon, sa sangkalupaan.
Mga baka’t tupa, hayop na mabangis
at lahat ng ibong nasa himpapawid,
at maging sa isda, sa ilalim ng tubig.
Maningning ang iyong ngalan, Poon, sa sangkalupaan.
ALELUYA
Salmo 117, 24
Aleluya! Aleluya!
Araw ngayong gawa ng D’yos,
magdiwang tayo nang lubos.
Purihin ang Manunubos.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 24, 35-48
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, samantalang isinasalaysay ng mga alagad ni Hesus ang nangyari sa daan, at kung paano nila siyang nakilala nang pagpira-pirasuhin niya ang tinapay, si Hesus ay tumayo sa gitna nila. “Sumainyo ang kapayapaan!” sabi niya sa kanila. Ngunit nagulat sila at natakot sapagkat akala nila’y multo ang nasa harapan nila. Kaya’t sinabi ni Hesus sa kanila, “Ano’t kayo’y nagugulumihanan? Bakit nag-aalinlangan pa kayo? Tingnan ninyo ang aking kamay at paa, ako nga ito. Hipuin ninyo ako at pagmasdan. Ang multo’y walang laman at buto, ngunit ako’y mayroon, tulad ng nakikita ninyo.” At pagkasabi nito, ipinakita niya sa kanila ang kanyang mga kamay at mga paa. Nang hindi pa rin sila makapaniwala dahil sa malaking galak at pagkamangha, tinanong sila ni Hesus “May makakain ba riyan?” Siya’y binigyan nila ng kaputol na isdang inihaw; kinuha niya ito at kinain sa harapan nila.
Pagkatapos sinabi sa mga alagad, “Ito ang tinutukoy ko nang sabihin ko sa inyo noong kasama-sama pa ninyo ako: dapat matupad ang lahat ng nasusulat tungkol sa akin sa Kautusan ni Moises, sa mga aklat ng mga propeta at sa aklat ng mga Awit.” At binuksan niya ang kanilang pag-iisip upang maunawaan nila ang mga Kasulatan. Sinabi niya sa kanila, “Ganito ang nasusulat: kinakailangang magbata ng hirap at mamatay ang Mesiyas at muling mabuhay sa ikatlong araw. Sa kanyang pangalan, ang pagsisisi at kapatawaran ng mga kasalanan ay dapat ipangaral sa lahat ng bansa, magmula sa Jerusalem. Kayo ang mga saksi sa mga bagay na ito.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 4, 1-12
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol
Noong mga araw na iyon, nagsasalita pa sina Pedro at Juan tungkol sa kanilang pinagaling nang dumating ang mga saserdote, ang kapitan ng mga bantay sa templo, at ang mga Saduseo. Galit na galit sila sa dalawang apostol sapagkat ipinapahayag nila sa mga tao na si Hesus ay muling nabuhay at ito ang katunayan na muling mabubuhay ang mga patay. Kaya’t dinakip nila ang dalawa ngunit ikinulong muna hanggang kinabukasan sapagkat gabi na noon. Gayunman, marami sa nakarinig ng kanilang pangangaral ang sumampalataya kay Hesus, at umabot sa limang libo ang bilang ng mga lalaki. Kinabukasan, nagkatipon sa Jerusalem ang mga pinuno, ang matatanda ng bayan, at ang mga eskriba. Kasama nila si Anas na pinakapunong saserdote, si Caifas, si Juan, si Alejandro at ang buong angkan ng pinakapunong saserdote. Pinaharap nila ang mga apostol at tinanong, “Sa anong kapangyarihan o kaninong pangalan ninyo ginagawa ang bagay na ito?” Sumagot si Pedro, na puspos ng Espiritu Santo: “Mga pinuno at matatanda ng bayan, kung sinisiyasat ninyo kami ngayon tungkol sa kabutihang ginawa namin sa lumpong ito at kung paano siya gumaling, talastasin ninyo lahat at ng buong Israel na ang taong ito’y nakatindig sa inyong harapan at lubusang gumaling dahil sa kapangyarihan ng pangalan ni Hesukristong taga-Nazaret. Siya’y inyong ipinako sa krus, ngunit muling binuhay ng Diyos. Ang Hesus na ito ang batong itinakwil ninyong mga tagapagtayo ng bahay ang siyang naging batong panulukan.
Kay Hesukristo lamang matatagpuan ang kaligtasan, sapagkat sa silong ng langit, ang kayang pangalan lamang ang ibinigay ng Diyos sa ikaliligtas ng tao.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 117, 1-2 at 4. 22-24. 25-27a
Batong dating tinanggiha’y siya pang naging saligan.
o kaya: Aleluya!
O pasalamatan
ang Panginoong Diyos, pagkat siya’y mabuti;
ang kanyang pag-ibig
ay napakatatag at mananatili.
Ang taga-Israel,
bayaang sabihi’t kanilang ihayag,
“Ang pag-ibig ng Diyos, ay hindi kukupas.”
Lahat ng may takot
sa Panginoong Diyos, dapat magpahayag,
“Ang pag-ibig niya’y hindi magwawakas.”
Batong dating tinanggiha’y siya pang naging saligan.
Ang batong natakwil
ng nangagtatayo ng tirahang-bahay,
sa lahat ng bato’y higit na mahusay.
Ang lahat ng ito
ang nagpamalas ay ang Panginoong Diyos,
kung iyong mamasdan ay kalugud-lugod!
O kahanga-hanga
ang araw na itong ang Diyos ang nagbigay,
tayo ay magalak, ating ipagdiwang!
Batong dating tinanggiha’y siya pang naging saligan.
Kami ay iligtas,
tubusin mo, Poon, kami ay iligtas,
at pagtagumpayin sa layuni’t hangad.
Ang pumaparito
sa ngalan ng Poon ay pagpapalain;
magmula sa templo,
mga pagpapala’y kanyang tatanggapin!
ang Poon ang Diyos.
Batong dating tinanggiha’y siya pang naging saligan.
ALELUYA
Salmo 117, 24
Aleluya! Aleluya!
Araw ngayong gawa ng D’yos,
magdiwang tayo nang lubos.
Purihin ang Manunubos.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 21, 1-14
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, muling napakita si Hesus sa mga alagad sa tabi ng Lawa ng Tiberias. Ganito ang pangyayari. Magkakasama sina Simon Pedro, Tomas na tinaguriang kambal, Natanael na taga-Cana, Galilea, ang mga anak ni Zebedeo, at dalawang alagad. Sinabi sa kanila ni Simon Pedro, “Mangingisda ako.” “Sasama kami,” wika nila. Umalis sila at lumulan sa bangka, subalit walang nahuli nang gabing iyon. Nang magbubukang-liwayway na, tumayo si Hesus sa pampang, subalit hindi siya nakilala ng mga alagad. Sinabi niya, “Mga anak, mayroon ba kayong huli?” “Wala po,” tugon nila. “Ihulog ninyo ang lambat sa gawing kanan ng bangka at makahuhuli kayo,” sabi ni Hesus. Inihulog nga nila ang lambat at hindi nila ito mahila sa dami ng huli. Sinabi kay Pedro ng alagad na minamahal ni Hesus, “Ang Panginoon iyon!” Nang marinig ito ni Simon Pedro, siya’y nagsuot ng damit sapagkat hubad siya at tumalon sa tubig. Ang kasama niyang mga alagad ay sumapit sa pampang, sakay ng munting bangka, hila-hila ang lambat na puno ng isda. Hindi sila gaanong kalayuan sa pampang – mga siyamnapung metro lamang. Pag-ahon nila sa pampang ay nakakita sila roon ng mga baga na may isdang nakaihaw, at ilang tinapay. “Magdala kayo rito ng ilang isdang nahuli ninyo,” sabi ni Hesus. Kaya’t sumampa sa bangka si Simon Pedro at hinila sa pampang ang lambat na puno ng malalaking isda – sandaan at limampu’t tatlong lahat. Hindi napunit ang lambat, kahit gaano karami ang isda. “Halikayo at mag-almusal tayo,” sabi ni Hesus. Isa man sa mga alagad ay walang nangahas magtanong sa kanya kung sino siya, sapagkat alam nila na siya ang Panginoon. Lumapit si Hesus, kinuha ang tinapay at ibinigay sa kanila, gayundin ang isda.
Ito ang ikatlong pagpapakita ni Hesus sa mga alagad pagkatapos na siya’y muling mabuhay.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 4, 13-21
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol
Noong mga araw na iyon, nagtaka ang mga pinuno at matatanda at mga eskriba sa katapangang ipinakita nina Pedro at Juan, lalo na nang mabatid nilang mga karaniwang tao lamang ang ito at hindi nag-aral. Napagkilala nilang sila’y kasamahan ni Hesus noong nabubuhay pa. At nang makita nila ang taong pinagaling, na nakatayo sa tabi ng dalawa, wala silang masabi laban sa kanila. Kaya’t pinalabas muna sa Sanedrin ang mga alagad, saka sila nag-usap. “Ano ang gagawin natin sa mga taong ito?” tanong nila. “Sapagkat hayag na sa buong Jerusalem at hindi natin maitatatwa na isang pambihirang kababalaghan ang naganap sa pamamagitan nila. Para hindi na kumalat ito, balaan natin sila na huwag nang magsalita kaninuman tungkol sa pangalang ito.” Kaya’t muli nilang ipinatawag sina Pedro, at binalaan na huwag nang magsasalita o magtuturo pa tungkol kay Hesus.
Subalit sumagot sina Pedro at Juan, “Kayo na po ang humatol kung alin ang matuwid sa paningin ng Diyos: ang sumunod sa inyo o ang sumunod sa Diyos. Hindi maaaring di namin ipahayag ang aming nakita’t narinig.” At sila’y binalaan nang lalo pang mahigpit saka pinalaya. Wala silang makitang paraan upang maparusahan ang dalawa, sapagkat ang mga tao’y nagpupuri sa Diyos dahil sa nangyari.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 117, 1 at 14-15. 16ab-18. 19-21
Pinupuri kita, D’yos ko, pagkat ako’y dininig mo.
o kaya: Aleluya!
O pasalamatan
ang Panginoong Diyos, pagkat siya’y mabuti;
ang kanyang pag-ibig
ay napakatatag at mananatili.
Dahilan sa Poon
ako’y pinalakas, at ako’y tumatag;
siya, sa buhay ko, ang Tagapagligtas.
Dinggin ang masayang
sigawan sa tolda ng mga hinirang:
“Ang Poon ay siyang lakas na patnubay!
Pinupuri kita, D’yos ko, pagkat ako’y dininig mo.
Ang lakas ng Poon
ang siyang nagdulot ng ating tagumpay,
sa pakikibaka sa ating kaaway.”
Aking sinasabing
di ako papanaw, mabubuhay ako
upang isalaysay
ang gawa ng Diyos na Panginoon ko.
Pinagdusa ako
at pinarusahan nang labis at labis,
ngunit ang buhay ko’y di niya pinatid.
Pinupuri kita, D’yos ko, pagkat ako’y dininig mo.
Ang mga pintuan
ng banal na templo’y inyo ngayong buksan,
ako ay papasok,
at itong Panginoo’y papupurihan.
Ito yaong pintong
pasukan ng Poon, ang Panginoong Diyos;
tanging ang matuwid
ang pababayaang doo’y makapasok!
Aking pinupuri
Ikaw, O Poon, yamang pinakinggan,
dininig mo ako’t pinapagtagumpay.
Pinupuri kita, D’yos ko, pagkat ako’y dininig mo.
ALELUYA
Salmo 117, 24
Aleluya! Aleluya!
Araw ngayong gawa ng D’yos,
magdiwang tayo nang lubos.
Purihin ang Manunubos.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 16, 9-15
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Umagang-umaga ng araw ng Linggo, matapos na muling mabuhay si Hesus, siya’y unang napakita kay Maria Magdalena. Pitong demonyo ang pinalayas ni Hesus sa babaing ito. Pumunta siya sa mga alagad ni Hesus, na noo’y nahahapis at umiiyak, at ibinalita ang kanyang nakita. Ngunit hindi sila naniwala sa sinabi ni Maria na buhay si Hesus at napakita sa kanya.
Siya’y napakita rin sa dalawang alagad na naglalakad patungo sa bukid, ngunit iba ang kanyang kaanyuan. Bumalik sa Jerusalem ang dalawa at ibinalita sa kanilang kasamahan ang nangyari, ngunit sila ma’y hindi pinaniwalaan.
Pagkatapos, napakita siya sa Labing-isa samantalang kumakain ang mga ito. Pinagwikaan niya sila dahil sa hindi nila pananalig sa kanya, at sa katigasan ng ulo, sapagkat hindi sila naniwala sa mga nakakita sa kanya pagkatapos na siya’y muling mabuhay. At sinabi ni Hesus sa kanila, “Humayo kayo sa buong sanlibutan at ipangaral ninyo sa lahat ang Mabuting Balita.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 4, 32-35
Pagbasa mula sa mga Gawa ng mga Apostol
Nagkaisa ang damdami’t isipan ng lahat ng sumasampalataya at di itinuring ninuman na sarili niya ang kanyang mga ari-arian, kundi para sa lahat. Ang mga apostol ay patuloy na gumagawa ng kababalaghan at nagpapatotoo sa muling pagkabuhay ng Panginoong Hesus. At ibinuhos ng Diyos ang kanyang pagpapala sa kanilang lahat. Walang nagdarahop sa kanila, sapagkat ipinagbibili nila ang kanilang lupa o bahay, at ang pinagbilhan ay ibinibigay sa mga apostol. Ipinamamahagi naman ito ayon sa pangangailangan ng bawat isa.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 117, 2-4. 16ab-18. 22-24
Butihing Poo’y purihin, pag-ibig n’ya’y walang maliw.
o kaya: Aleluya!
O pasalamatan
ang Diyos na Panginoon, pagkat siya’y mabuti;
ang kanyang pag-ibig
ay napakatatag at mananatili.
Ang taga Israel,
bayaang sabihi’t kanilang ihayag,
“Ang pag-ibig ng Diyos, ay hindi kukupas.”
Butihing Poo’y purihin, pag-ibig n’ya’y walang maliw.
Ang lakas ng Poon
ang siyang nagdulot ng ating tagumpay,
sa pakikibaka sa ating kaaway.”
Aking sinasabing
di ako papanaw, mabubuhay ako
upang isalaysay
ang gawa ng Diyos na Panginoon ko.
Pinagdusa ako
at pinarusahan nang labis at labis,
ngunit ang buhay ko’y di niya pinatid.
Butihing Poo’y purihin, pag-ibig n’ya’y walang maliw.
Ang batong natakwil
ng nangagtatayo ng tirahang-bahay,
sa lahat ng bato’y higit na mahusay.
Ang lahat ng ito
ang nagpamalas ay ang Panginoong Diyos,
kung iyong mamasdan ay kalugud-lugod!
O kahanga-hanga
ang araw na itong ang Diyos ang nagbigay,
tayo ay magalak, ating ipagdiwang!
Butihing Poo’y purihin, pag-ibig n’ya’y walang maliw.
IKALAWANG PAGBASA
1 Juan 5, 1-6
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Juan
Minamahal kong mga kapatid:
Inaaring mga anak ng Diyos ang sumasampalatayang si Hesus ang Mesiyas; at sinumang umiibig sa ama ay umiibig din sa mga anak. Ito ang palatandaang iniibig natin ang mga anak ng Diyos: kapag iniibig natin ang Diyos at tinutupad ang kanyang mga utos, sapagkat ang tunay na umiibig sa Diyos ay yaong tumutupad ng kanyang mga utos. At hindi naman mahirap sundin ang kanyang mga utos, sapagkat napagtatagumpayan ng bawat anak ng Diyos ang sanlibutan; at nagtatagumpay tayo sa pamamagitan ng pananampalataya. Sino ang makapagtatagumpay laban sa sanlibutan? Ang sumasampalatayang si Hesus ang Anak ng Diyos.
Si Hesukristo ang naparito sa sanlibutan, bininyagan sa tubig, at nagbubo ng kanyang dugo sa kanyang kamatayan – hindi lamang bininyagan sa tubig, kundi nagbubo pa ng kanyang dugo. Ang Espiritu ang nagpapatotoo tungkol dito, sapagkat ang Espiritu ay katotohanan.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Juan 20, 29
Aleluya! Aleluya!
Mapalad at maligaya
ang sumasampalataya
sa di nakita ng mata!
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 20, 19-31
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Kinagabihan ng Linggo ding iyon, ang mga alagad ay nagkakatipon. Nakapinid ang mga pinto ng bahay na kanilang pinagtitipunan dahil sa takot nila sa mga Judio. Dumating si Hesus at tumayo sa gitna nila. “Sumainyo ang kapayapaan!” sabi niya. Pagkasabi nito, ipinakita niya ang kanyang mga kamay at ang kanyang tagiliran. Tuwang-tuwa ang mga alagad nang makita ang Panginoon. Sinabi na naman ni Hesus, “Sumainyo ang kapayapaan! Kung paanong sinugo ako ng Ama, gayon din naman, sinusugo ko kayo.” Pagkatapos, sila’y hiningahan niya at sinabi, “Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo. Ang patawarin ninyo sa kanilang mga kasalanan ay pinatawad na nga; ang hindi ninyo patawarin ay hindi nga pinatawad.”
Ngunit si Tomas na tinaguriang Kambal, isa sa Labindalawa, ay wala roon nang dumating si Hesus. Kaya’t sinabi sa kanya ng ibang alagad, “Nakita namin ang Panginoon!” Sumagot si Tomas, “Hindi ako maniniwala hangga’t di ko nakikita ang butas ng mga pako sa kanyang mga kamay, at naisusuot dito ang aking daliri, at hangga’t hindi ko naipapasok ang aking kamay sa kanyang tagiliran.”
Makalipas ang walong araw, muling nagkatipon sa loob ng bahay ang mga alagad; kasama nila si Tomas. Nakapinid ang mga pinto, ngunit pumasok si Hesus at tumayo sa gitna nila. Sinabi niya, “Sumainyo ang kapayapaan!” Saka sinabi kay Tomas, “Tingnan mo ang aking mga kamay at ilapit dito ang iyong daliri. Ipasok mo ang iyong kamay sa aking tagiliran. Huwag ka nang mag-alinlangan, maniwala ka na.” Sumagot si Tomas, “Panginoon ko at Diyos ko!” Sinabi sa kanya ni Hesus, “Naniniwala ka na ba sapagkat nakita mo ako? Mapapalad ang mga naniniwala kahit hindi nila ako nakita.”
Marami pang kababalaghang ginawa si Hesus na nasaksihan ng mga alagad, ngunit hindi natatala sa aklat na ito. Ang mga natala rito’y sinulat upang sumampalataya kayong si Hesus ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos, at sa gayo’y magkaroon kayo ng buhay sa pamamagitan niya.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Isaias 42, 1-7
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
“Ito ang lingkod ko na aking itataas,
na aking pinili at kinalulugdan;
ibubuhos ko sa kanya
ang aking Espiritu,
at sa mga bansa ay
Siya ang magpapairal ng katarungan.
Mahinahon at banayad kung siya’y magsalita,
ni hindi magtataas ng kanyang tinig.
Ang marupok na tambo’y hindi babaliin,
ilaw na aandap-andap di n’ya papatayin,
at ang katarungan ang paiiralin.
Di siya mawawalan ng pag-asa
ni masisiraan ng loob,
paghahariin niya ang katarungan sa daigdig,
ang mga bansa sa malayo ay buong pananabik
na maghihintay sa kanyang mga tupa.
Ang Diyos ang lumikha’t nagladlad ng kalangitan,
lumikha ng lupa
at nagbibigay-buhay sa lahat ng bagay dito sa daigdig,
at ngayon ang Panginoong Diyos
ay nagsabi sa kanyang lingkod,
“Akong Panginoon, tumawag sa iyo,
binigyan kita ng kapangyarihan
upang pairalin ang katarungan sa daigdig.
Sa pamamagitan mo ay gagawa ako
ng pakikipagtipan sa lahat ng tao
at magdadala ng liwanag sa lahat ng bansa.
Ikaw ang magpapadilat sa mga bulag
at magpapalaya sa mga bilanggo ng kadiliman.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 26, 1. 2. 3. 13-14
Panginoo’y aking tanglaw, siya’y aking kaligtasan.
Tanglaw ko’y ang Poon, aking kaligtasan,
kaya walang takot ako kaninuman;
sa mga panganib kanyang iingatan,
kaya naman ako’y walang agam-agam.
Panginoo’y aking tanglaw, siya’y aking kaligtasan.
Kung ang aking buhay ay pagtatangkaan,
niyong masasama, sila’y mabubuwal.
Panginoo’y aking tanglaw, siya’y aking kaligtasan.
Kahit salakayin ako ng kaaway,
magtitiwala rin ako sa Maykapal.
Panginoo’y aking tanglaw, siya’y aking kaligtasan.
Ako’y nananalig na bago mamatay
masasaksihan ko ang ‘yong kabutihan
na igagawad mo sa mga hinirang.
Sa Panginoong Diyos tayo’y magtiwala!
Ating patatagin ang paniniwala;
tayo ay umasa sa kanyang kalinga!
Panginoo’y aking tanglaw, siya’y aking kaligtasan.
AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Nagpupuri kami sa ‘yo,
Hari naming Hesukristo,
ang pagdamay mo sa tao
ay talagang patotoo
na kami’y minamahal mo.
MABUTING BALITA
Juan 12, 1-11
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Anim na araw bago mag-Paskuwa, si Hesus ay dumating sa Betania, sa bayan ni Lazaro na kanyang muling binuhay. Ipinaghanda siya roon ng hapunan; naglingkod si Marta, at si Lazaro’y isa sa mga kasalo ni Hesus. Kumuha si Maria ng mamahaling pabango, isang libra ng dalisay na nardo, at ibinuhos sa mga paa ni Hesus. Pagkatapos, pinunasan ng kanyang buhok. At humalimuyak sa buong bahay ang pabango. Si Judas Iscariote, ang alagad na magkakanulo kay Hesus, ay nagsabi, “Bakit hindi ipinagbili ang pabango at ibinigay sa mga dukha ang pinagbilhan? Maaaring umabot sa tatlong daang denaryo ang halaga niyan.” Hindi dahil sa siya’y may malasakit sa mga dukha kaya niya sinabi iyon, kundi dahil sa siya’y magnanakaw. Siya ang nag-iingat ng kanilang salapi at kinukupit niya ito. Sumagot si Hesus, “Ano’t siya’y ginugulo ninyo? Pabayaan ninyong ilaan niya ito para sa paglilibing sa akin. Habang panaho’y kasama ninyo ang mga dukha, ngunit ako’y hindi ninyo kasama sa habang panahon.”
Nabalitaan ng maraming Judio na si Hesus ay nasa Betania kaya’t pumaroon sila, hindi lamang dahil sa kanya, kundi para makita si Lazaro na kanyang muling binuhay. Kaya’t binalak ng mga punong saserdote na ipapatay rin si Lazaro, sapagkat dahil sa kanya’y maraming Judio ang humihiwalay na sa kanila at nananalig kay Hesus.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Isaias 49, 1-6
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Makinig kayo mga taong
naninirahan sa malalayong lugar,
pinili na ako ng Panginoon bago pa isilang
at hinirang niya ako para siya’y paglingkuran,
mga salita ko’y ginawa niyang
sintalas ng tabak,
Siya ang sa aki’y laging nag-iingat.
Ginawa niya akong parang matulis na palaso
na anumang oras ay handang itudla.
Sinabi niya sa akin,
“Israel, ikaw ay lingkod ko,
sa pamamagitan mo
ako’y dadakilain ng mga tao.”
Ngunit ang tugon ko,
“Ako ay nabigo sa aking pagsisikap, hindi nagtagumpay
gayong ibinuhos ko ang aking lakas.”
Gayunman’y itinitiwala ko sa Panginoon
ang aking kalagayan,
na ako’y gagantimpalaan sa aking nakayanan.
Bago pa ako ipanganak ay hinirang na ng Panginoon,
pinili niya ako para maging lingkod niya
upang tipunin ang nangalat na mga Israelita,
at sila’y ibalik sa bayang Israel.
Binigyan ako ng Panginoon ng karangalan,
sa kanya nagbubuhat ang aking karangalan.
Sinabi ng Panginoon sa akin:
“Israel na aking lingkod,
may mas mahalaga pa akong ipagagawa sa iyo.
Bukod sa pagpapanumbalik
sa mga Israelitang nalabi
ay gagawin kitang tanglaw ng mga bansa
upang lahat sa daigdig ay maligtas.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 70, 1-2. 3-4a. 5-6ab. 15ab at 17
Patuloy kong isasaysay ang dulot mong kaligtasan.
Sa iyo lang, Panginoon, lubos akong nananalig,
h’wag mo akong pabayaang mapahiya at malupig;
tulungan mo ako ngayon yamang ikaw ay matuwid.
Ako sana ay sagipin, sa daing ko ay makinig.
Patuloy kong isasaysay ang dulot mong kaligtasan.
Ikaw nawa ang muog ko at ligtas na kakanlungan,
matatag na kublihan ko at matibay na sanggalang.
Sa lahat ng masasama, O Diyos, ako’y ipaglaban,
sa kuko ng mababagsik, huwag mo akong pabayaan.
Patuloy kong isasaysay ang dulot mong kaligtasan.
Panginoon, sa iyo ko inilagak ang pag-asa,
maliit pang bata ako, sa iyo’y may tiwala na;
sa simula at mula pa wala akong inasahang
mag-iingat sa sarili, kundi tanging ikaw lamang;
kaya naman ikaw, Poon, pupurihin araw-araw.
Patuloy kong isasaysay ang dulot mong kaligtasan.
Pagkat ikaw ay dakila, patuloy kong isasaysay,
maghapon kong ihahayag ang dulot mong kaligtasan:
sapul pa sa pagkabata ako’y iyong tinuruan,
hanggang ngayo’y sinasambit ang gawa mong hinangaan.
Patuloy kong isasaysay ang dulot mong kaligtasan.
AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Nagpupuri kami sa ‘yo,
Hari naming Hesukristo,
masunurin kang Kordero,
sa katubusan ng tao
hain sa krus ang buhay mo.
MABUTING BALITA
Juan 13, 21-33. 36-38
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, habang nakahilig kasama ng kanyang mga alagad, nagugulumihanang sinabi ni Hesus, “Tandaan ninyo: ako’y ipagkakanulo ng isa sa inyo.” Nagkatinginan ang mga alagad; hindi nila alam kung sino ang kanyang tinutukoy.
Ang alagad na minamahal ni Hesus ay nakahilig na kalapit niya. Kinalabit siya ni Simon Pedro at sinabi, “Itanong mo kung sino ang tinutukoy niya.” Kaya humilig siya sa dibdib ni Hesus at itinanong: “Panginoon, sino po ba ang tinutukoy ninyo?” Sumagot si Hesus, “Ang ipagsawsaw ko ng tinapay, siya na nga.” At nang maisawsaw ang tinapay, ibinigay niya ito kay Judas na anak ni Simon Iscariote. Nang matanggap na ni Judas ang tinapay, si Satanas ay pumasok sa kanya. Sinabi ni Hesus, “Gawin mo na ang gagawin mo!” Ngunit isa man sa mga kasalo niya ay walang nakaalam kung bakit niya sinabi ito. Sapagkat si Judas ang nag-iingat ng kanilang salapi, inakala nilang pinabibili siya ni Hesus ng kakailanganin sa pista o kaya’y pinapaglilimos sa mga dukha. Nang makain na ni Judas ang tinapay, siya’y umalis. Gabi na noon.
Pagkaalis ni Judas ay sinabi ni Hesus, “Ngayo’y mahahayag na ang karangalan ng Anak ng Tao; at mahahayag din ang karangalan ng Diyos sa pamamagitan niya. At kung mahayag na ang karangalan ng Diyos, ang Diyos naman ang maghahayag ng karangalan ng Anak, at gagawin niya ito agad. Mga anak, kaunting panahon na lamang ninyo akong makakasama. Hahanapin ninyo ako; ngunit sinasabi ko sa inyo ngayon ang sinabi ko sa mga Judio, ‘Hindi kayo makapupunta sa paroroonan ko.’”
“Saan po kayo pupunta, Panginoon?” tanong ni Simon Pedro. Sumagot si Hesus, “Sa paroroonan ko’y hindi ka makasusunod ngayon, ngunit susunod ka pagkatapos.” “Bakit po hindi ako makasusunod sa inyo ngayon?” tanong ni Pedro. “Buhay ko ma’y iaalay ko dahil sa inyo.” Sumagot si Hesus, “Iaalay mo ang iyong buhay dahil sa akin? Tandaan mo: bago tumilaok ang manok, makaitlo mo akong itatatwa.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Isaias 50, 4-9a
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Ang Makapangyarihang Panginoon
ang nagturo sa akin ng sasabihin ko,
para tulungan ang mahihina.
Tuwing umaga’y
nananabik akong malaman
kung ano ang ituturo niya sa akin.
Binigyan niya ako ng pang-unawa,
hindi ako naghimagsik ni tumalikod sa kanya.
Hindi ako tumutol
nang bugbugin nila ako,
hindi ako kumibo
nang ako’y kanilang insultuhin.
Pinabayaan ko silang bunutin
ang buhok ko’t balbas,
gayon din nang lurhan nila ako sa mukha.
Ang mga pagdustang ginawa nila’y
di ko pinapansin,
pagkat ang Makapangyarihang Panginoon
ang tumutulong sa akin.
Handa akong magtiis
pagkat aking batid
na ang sarili ko’y di mapapahiya.
Ang Diyos ay malapit
at siya ang magpapatunay na wala akong sala.
May mangangahas bang maghabla sa akin?
Magharap kami sa hukuman,
at ilahad ang kanyang bintang.
Ang Panginoon mismo ang magtatanggol sa akin.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 68, 8-10. 21bkd-22. 31 at 33-34
Poon, ako’y iyong dinggin sa panahong ‘yong ibigin.
“Dahilan sa iyo, ako’y inaglahi,
napahiyang lubos sa pagkaunsiyami.
Sa mga kapatid parang ako’y iba,
kasambahay ko na’y di ako kilala.
Ang pagmamahal ko sa banal mong templo,
matinding-matindi sa kalooban ko;
sa akin bumagsak, paghamak sa iyo.
Poon, ako’y iyong dinggin sa panahong ‘yong ibigin.
Kaya naman ako’y wala nang magawa;
ang inasahan kong habag ay nawala,
ni walang umaliw sa buhay kong aba.
Sa halip na pagkain, nang ako’y magutom,
ang dulot sa aki’y mabagsik na lason.
Suka at di tubig ang ipinainom.
Poon, ako’y iyong dinggin sa panahong ‘yong ibigin.
Pupurihin ang Diyos, aking aawitan,
dadakilain ko’t pasasalamatan.
Kung makita ito niyong mga dukha,
sila ay sasamba sa laki ng tuwa.
Dinirinig ng Diyos ang may kailangan,
lingkod na bilanggoy’s di nalilimutan.
Poon, ako’y iyong dinggin sa panahong ‘yong ibigin.
AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Nagpupuri kami sa ‘yo,
Hari naming Hesukristo,
ang pagdamay mo sa tao
ay talagang patotoo
na kami’y minamahal mo.
o kaya:
Nagpupuri kami sa ‘yo,
Hari naming Hesukristo,
masunurin kang Kordero,
sa katubusan ng tao
hain sa krus ang buhay mo.
MABUTING BALITA
Mateo 26, 14-25
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Si Judas Iscariote, isa sa Labindalawa, ay nakipagkita sa mga punong saserdote. “Ano po ang ibibigay ninyo sa akin kung tulungan ko kayong madakip si Hesus?” tanong niya. Noon din ay binilangan nila siya ng tatlumpung salaping pilak. Mula noon, humanap na si Judas ng pagkakataon upang maipagkanulo si Hesus.
Dumating ang unang araw ng Kapistahan ng Tinapay na Walang Lebadura. Lumapit kay Hesus ang mga alagad at nagtanong, “Saan po ninyo ibig na ipaghanda namin kayo ng Hapunang Pampaskuwa?” Sumagot siya, “Pumunta kayo sa lunsod at hanapin ninyo ang taong ito. Sabihin sa kanyang ganito ang ipinasasabi ng Guro: ‘Malapit na ang aking oras. Ako at ang mga alagad ko’y sa bahay mo kakain ng Hapunang Pampaskuwa.’” Sinunod ng mga alagad ang utos ni Hesus, at inihanda nila ang Hapunang Pampaskuwa.
Nang gabing yaon, dumulog sa hapag si Hesus, kasama ang labindalawang alagad. Samantalang sila’y kumakain, nangusap si Hesus, “Sinasabi ko: isa sa inyo ang mga magkakanulo sa akin.” Nanlumo ang mga alagad, at isa’t isa’y nagtanong sa kanya, “Ako po ba, Panginoon?” Sumagot siya, “Ang kasabay kong sumawsaw sa mangkok ang siyang magkakanulo sa akin. Papanaw ang Anak ng Tao, ayon sa nasusulat, ngunit sa aba ng magkakanulo sa kanya! Mabuti pang hindi na ipinanganak ang taong iyon.” Si Judas, na magkakanulo sa kanya, ay nagtanong din, “Guro, ako po ba?” Sumagot si Hesus, “Ikaw na ang nagsabi.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Isaias 61, 1-3a. 6a. 8b-9
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Pinuspos ako ng Panginoon
ng kanyang Espiritu.
Hinirang niya ako
upang ang magandang balita’y
dalhin sa mahihirap,
pagalingin ang sugat ng puso,
palayain ang mga bihag at bilanggo.
Sinugo n’ya ako,
upang ibalitang ngayo’y panahon nang
iligtas ng Panginoon ang mga tao na hinirang niya,
at upang lupigin lahat ang mga kaaway;
ako ay sinugo upang aliwin ang nangungulila,
upang ang tumatangis
na mga taga-Sion ay paligayahin.
Sa halip ng lungkot,
awit ng pagpuri yaong aawitin;
upang ang langis ng kagalakan
ay ihatid sa tanan;
ang Diyos na Panginoon
iingatan sila at kakalingain.
Ngunit kayo nama’y
siyang maglilingkod sa Diyos na Panginoon,
kayo ay gagawin niyang saserdote.
Ang kayamanan ng ibang bansa’y
inyong makakamtan,
aariin ninyong may galak sa buhay.
Ang sabi ng Panginoon:
“Ako’y namumuhi sa pagkakasala at pang-aalipin,
gawang katarungan ang mahal sa akin.
Gagantimapalaan ko ang mga taong tapat sa akin,
walang hanggang tipan ang aking gagawin.
Itong lahi nila
ay makikilala sa lahat ng bansa,
pati anak nila’y
makikilala rin sa gitna ng madla;
sila’y kikilanling anak ng Panginoon saanman makita,
at tatawaging bayang pinagpala, hinirang ng Panginoon.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 88, 21-22. 25 at 27
Pag-ibig mong walang maliw ay lagi kong sasambitin.
Ang piniling lingkod na ito’y si David,
aking pinahiran ng banal na langis.
Kaya’t palagi ko siyang aakbayan
at siya’y lalakas sa aking patnubay.
Pag-ibig mong walang maliw ay lagi kong sasambitin.
Ang pagtatapat ko’t pag-ibig na wagas,
ay iuukol ko’t aking igagawad,
at magtatagumpay siya oras-oras.
Ako’y tatawaging ama niya’t Diyos,
tagapagsanggalang niya’t Manunubos.
Pag-ibig mong walang maliw ay lagi kong sasambitin.
IKALAWANG PAGBASA
Pahayag 1, 5-8
Pagbasa mula sa aklat ng Pahayag
Sumainyo ang pagpapala at kapayapaan mula kay Hesukristo, ang tapat na saksi, ang unang nabuhay sa mga patay, at Hari ng mga hari sa lupa.
Iniibig niya tayo, at sa kanyang pagkamatay ay pinalaya niya tayo mula sa ating mga kasalanan. Ginawa niya tayong isang liping maharlika upang maglingkod sa Diyos at kanyang Ama bilang mga saserdote. Kay Hesukristo ang kapurihan at kapangyarihan magpakailanman! Amen. Pakatandaan ninyo, darating siyang nasa mga alapaap, makikita ng lahat, pati ng umulos sa kanyang tagiliran; dahil sa kanya, iiyak ang lahat ng lipi sa lupa. Magkakagayon nga. Amen.
“Ako ang Alpha at ang Omega,” wika ng Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat, Diyos sa kasalukuyan, sa nakaraan, at siyang darating.
Ang Salita ng Diyos.
AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Isaias 61, 1
Espiritu ng Poong D’yos
sa akin ay lumulukob.
Ako’y sugo niyang lingkod
nang sa dukha’y maidulot
ang balita ng pagtubos
MABUTING BALITA
Lucas 4, 16-21
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, umuwi si Jesus sa Nazaret na kanyang nilakhan. Gaya ng kanyang kinagawian, pumasok siya sa sinagoga nang Araw ng Pamamahinga. Tumindig siya upang bumasa; at ibinigay sa kanya ang aklat ni Propeta Isaias. Binuksan niya ang aklat sa dakong kinasusulatan ng ganito:
“Sumasaakin ang Espiritu ng Panginoon,
Sapagkat hinirang niya ako upang ipangaral sa mga dukha ang Mabuting Balita.
Sinugo niya ako upang ipahayag sa mga bihag na sila’y lalaya,
At sa mga bulag na sila’y makakikita;
Upang bigyang-kaluwagan ang mga sinisiil,
At ipahayag ang pagliligtas na gagawin ng Panginoon.”
Binalumbon niya ang kasulatan, at matapos isauli sa tagapaglingkod, siya’y naupo. Nakatitig sa kanya ang lahat ng nasa sinagoga. At sinabi niya sa kanila: “Natupad ngayon ang bahaging ito ng Kasulatan samantalang nakikinig kayo.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Huwebes Santo sa Paghahapunan ng Panginoon
UNANG PAGBASA
Exodo 12, 1-8. 11-14
Pagbasa mula sa aklat ng Exodo
Noong mga araw na iyon: Sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron, “Mula ngayon, ang buwang ito ang magiging unang buwan ng taon para sa inyo. At sabihin ninyo sa buong pamayanan ng Israel na sa ikasampung araw ng buwang ito, bawat puno ng sambahayan ay pipili ng isang kordero o bisirong kambing para sa kanyang pamilya. Kung maliit ang pamilya at hindi makauubos ng isang buong kordero, magsasalo sila ng kalapit na pamilya, na hindi rin makauubos ng isang buo. Ang dami ng magsasalu-salo sa isang kordero ay ibabatay sa dami ng makakain ng bawat isa. Kailangang ang kordero ay lalaki, isang taong gulang, walang pinsala o kapintasan. Kung walang tupa ay kahit kambing. Aalagaan itong mabuti hanggang sa ikalabing apat ng buwan at sa kinagabihan, sabay-sabay na papatayin ng buong bayan ang kani-kanilang kordero. Kukuha sila ng dugo nito at ipapahid sa mga hamba at sombrero ng pintuan ng bahay na kakainan ng kordero. Sa gabi ring iyon, lilitsunin ito at kakaning kasama ng tinapay na walang lebadura at ng mapapait na gulay. Ganito naman ang magiging ayos ninyo sa pagkain nito: nakabigkis, nakasandalyas at may tangang tungkod; dalidali ang inyong pagkain nito. Ito ang Paskuwa ng Panginoon.
“Sa gabing yaon, lilibutin ko ang buong Egipto at papatayin ang lahat ng panganay na lalaki, maging tao o hayop man. At parurusahan ko ang lahat ng diyus-diyusan sa Egipto. Ako ang Panginoon. Lalampasan ko ang lahat ng bahay na makita kong may pahid na dugo, at walang pinsalang mangyayari sa inyo sa pagpaparusa ko sa buong Egipto. Ang dugo ang siyang magiging palatandaan na Israelita ang nakatira sa bahay na iyon. Ang araw na ito’y ipagdiriwang ninyo magpakailanman bilang pista ng Panginoon.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 115, 12-13. 15-16bk. 17-18
Sa kalis ng pagbabasbas si Kristo ang tinatanggap.
Sa Diyos ko’t Panginoon, ano’ng aking ihahandog
sa lahat ng kabutihan na sa akin ay kaloob?
Ang handog ko sa dambana, ay inumin na masarap,
bilang aking pagkilala sa ginawang pagliligtas.
Sa kalis ng pagbabasbas si Kristo ang tinatanggap.
Masakit sa kalooban ng Poon kung may papanaw,
kahit ito ay iisa, labis siyang magdaramdam,
katulad ng aking ina, maglilingkod akong lubos
yamang ako’y iniligtas, kinalinga at tinubos.
Sa kalis ng pagbabasbas si Kristo ang tinatanggap.
Ako ngayo’y maghahandog ng haing pasasalamat,
ang handog kong panalangi’y sa iyo ko ilalagak.
Sa templo sa Jerusalem, ay doon ko ibibgay
ang anumang pangako kong sa iyo ay binitiwan.
Sa kalis ng pagbabasbas si Kristo ang tinatanggap.
IKALAWANG PAGBASA
1 Corinto 11, 23-26
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto
Mga kapatid:
Ito ang aral na tinanggap ko sa Panginoon at ibinibigay ko naman sa inyo: ang Panginoong Hesus, noong gabing siya’y ipagkanulo ay dumampot ng tinapay, nagpasalamat, at pinaghati-hati ito, at sinabi, “Ito ang aking katawan na inihahandog para sa inyo. Gawin ninyo ito sa pag-alala sa akin.” Gayon din naman, matapos maghapunan ay hinawakan niya ang kalis at sinabi, “Ang kalis na ito ang bagong tipan na pinagtitibay ng aking dugo. Tuwing iinumin ninyo ito, gawin ninyo sa pag-alala sa akin.” Sapagkat tuwing kakain kayo ng tinapay na ito at iinom sa kalis na ito ay ipinahahayag ninyo ang kamatayan ng Panginoon, hanggang sa muling pagparito niya.
Ang Salita ng Diyos.
AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Juan 13, 34
Ang bagong utos ko’y ito:
mag-ibigan sana kayo
katulad ng ginawa ko
na pagmamahal sa inyo,
ang sabi ni Hesukristo.
MABUTING BALITA
Juan 13, 1-15
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Bisperas na ng Paskuwa. Alam ni Hesus na dumating na ang panahon ng kanyang paglisan sa sanlibutang ito upang bumalik sa Ama. Mahal niya ang kanyang mga tagasunod na nasa sanlibutan, at ngayo’y ipakikita niya kung hanggang saan ang kanyang pag-ibig sa kanila.
Naghahapunan si Hesus at ang mga alagad. Naisilid na ng diyablo sa isip ni Judas, anak ni Simon Iscariote, ang pagkakanulo kay Hesus. Alam ni Hesus na ibinigay na sa kanya ng Ama ang buong kapangyarihan; alam din niyang siya’y mula sa Diyos at babalik sa Diyos. Kaya’t nang sila’y naghahapunan, tumindig si Hesus, naghubad ng kanyang panlabas na kasuotan, at nagbigkis ng tuwalya. Pagkatapos, nagbuhos siya ng tubig sa palanggana, at sinimulang hugasan ang paa ng mga alagad at punasan ng tuwalyang nakabigkis sa kanya. Paglapit niya kay Simon Pedro, tumutol ito. “Panginoon,” sabi niya, “diyata’t kayo pa ang maghuhugas ng aking mga paa?” Sumagot si Hesus, “Hindi mo nauunawan ngayon ang ginagawa ko, ngunit mauunawaan mo rin pagkatapos.” Sinabi sa kanya ni Pedro. “Hinding-hindi ko po pahuhugasan sa inyo ang aking mga paa.” “Kung hindi kita huhugasan, wala kang kaugnayan sa akin,” tugon ni Hesus. Kaya’t sinabi ni Pedro, “Panginoon, hindi lamang po ang mga paa ko, kundi pati ang aking kamay at ulo!” Ani Hesus, “Maliban sa kanyang mga paa, hindi na kailangang hugasan pa ang naligo na, sapagkat malinis na ang kanyang buong katawan. At malinis na kayo, ngunit hindi lahat.” Sapagkat alam ni Hesus kung sino ang magkakanulo sa kanya, kaya sinabi niyang malinis na sila, ngunit hindi lahat.
Nang mahugasan na ni Hesus ang kanilang mga paa, siya’y nagsuot ng damit at nagbalik sa hapag. “Nauunawaan ba ninyo kung ano ang ginawa ko sa inyo?” tanong niya sa kanila. “Tinatawag ninyo akong Guro at Panginoon, at tama kayo, sapagkat ako nga. Kung akong Panginoon niyo at Guro ay naghugas ng inyong mga paa, dapat din kayong mahugasan ng paa. Binigyan ko kayo ng halimbawa at ito’y dapat ninyong tularan.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Isaias 52, 13 – 53, 12
Pagbasa mula sa aklat ni Propeta Isaias
Sinabi ng Panginoon,
“Ang lingkod ko’y magtatagumpay sa kanyang gawain,
mababantog siya at dadakilain.
Marami ang nagitla
nang siya’y makita,
dahil sa pagkabugbog sa kanya’y
halos di makilala kung siya’y tao.
Ngayo’y marami rin
ang mga bansang magugulantang;
pati mga hari pag siya’y nakita ay matitigilan,
makikita nila ang di nabalita kahit na kailan,
at mauunawa ang di pa narinig ninuman!”
Sagot ng mga tao,
“Sino ang maniniwala sa ibinabalita naming ito?
Sino ang makapagpapatunay na pinahihintulutan ito ng Panginoon?
Kalooban ng Panginoon na ang kanyang lingkod
ay matulad sa isang halamang
Natanim sa tuyong lupa,
Walang katangian o kagandahang makatawag-pansin,
wala siyang taglay na pang-akit para lapitan siya.
Hinamak siya ng mga tao at itinakwil.
Nagdanas siya ng sakit at hirap.
Wala man lang nagtapon ng sulyap sa kanya.
Hindi natin siya pinansin, para siyang walang kabuluhan.
Tiniis niya ang hirap
na tayo ang dapat magbata,
gayon din ang kirot na tayo sana ang lumasap;
akala natin ang dinanas niya’y
parusa sa kanya ng Diyos.
Dahil sa ating mga kasalanan kaya siya nasugatan;
Siya ay binugbog dahil sa ating kasamaan.
Tayo ay gumaling dahil sa pahirap na tinamo niya
at sa mga hampas na kanyang tinanggap.
Tayong lahat ay parang mga tupang naligaw;
nagkanya-kanya tayo ng lakad.
Ngunit inibig ng Panginoon
na sa kanya ipataw ang parusang
tayo ang dapat tumanggap.
Siya ay binugbog at pinahirapan,
ngunit di tumutol kahit kamunti man;
tulad ay korderong hatid sa patayan,
parang mga tupang
hindi tumututol kahit na gupitan,
ni hindi umimik kahit gaputok man.
Nang siya’y hulihin, hatulan at dalhin sa dakong patayan,
wala mang nangahas na ipagsanggalang,
wala man lang dumamay.
Siya ay pinatay dahil sa sala ng sangkatauhan.
Siya’y inilibing
na kasama ng masasama at mayayaman,
bagaman wala siyang kasalanan
o nagsabi man ng kasinungalingan.
Sinabi ng Panginoon, “Ang kanyang paghihirap ay kalooban ko:
inihandog niya ang sarili upang sa pamamagitan noon ay magkaroon ng kapatawaran.
Dahil dito’y mabubuhay siya nang matagal, makikita ang lahing susunod sa kanya.
At sa pamamagitan niya’y maisasagawa ang aking panukala.
Pagkatapos ng pagdurusa, lalasap siya ng ligaya, malalaman niyang hindi nawalan ng kabuluhan ang kanyang pagtitiis.
Ang aking tapat na lingkod at lubos kong kinalulugdan ang siyang tatanggap sa parusa ng marami at alang-alang sa kanya sila’y aking patatawarin.
Dahil dito siya’y aking pararangalan,
kasama ng mga dakila;
pagkat kusang-loob niyang ibinigay ang sarili
At nilasap ang kaparusahan ng masasama.
Inako niya ang mga makasalanan
at idinalanging sila’y patawarin.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 30, 2 at 6. 12-13. 15-16. 17 at 25
Ama, sa mga kamay mo habilin ko ang buhay ko.
Sa iyo, O Poon, ako’y lumalapit
upang ingatan mo, nang hindi malupig;
sa mga kamay mo habilin ko’y buhay ko
Tagapagligtas kong tapat at totoo.
Ama, sa mga kamay mo habilin ko ang buhay ko.
Lahat kong kaaway ay humahalakhak,
pati kapitbahay ako’y hinahamak;
dating kakilala ay nagsisiilag,
kung masalubong ko ay nagsisiiwas.
Nilimot na aking tulad ng namatay,
di na pinapansin, parang yagit lamang.
Ama, sa mga kamay mo habilin ko ang buhay ko.
Subalit, O Poon, ang aking tiwala
ay nasasaiyo, Diyos na dakila!
Sa iyong kalinga, umaasa ako,
laban sa kaaway ay ipagtatanggol mo;
at sa umuusig na sinumang tao.
Ama, sa mga kamay mo habilin ko ang buhay ko.
Itong iyong lingkod, sana ay lingapin,
ingatan mo ako’t iyong pagpalain;
iligtas mo ako at iyong sagipin,
tanda ng pag-ibig na di nagmamaliw!
O magpakatatag ang mga nilikha,
lahat ng sa Poon ay nagtitiwala.
Ama, sa mga kamay mo habilin ko ang buhay ko.
IKALAWANG PAGBASA
Hebreo 4, 14-16; 5, 7-9
Pagbasa mula sa sulat sa mga Hebreo
Mga kapatid:
Magpakatatag tayo sa ating pananampalataya, yamang mayroon tayong dakilang saserdote na pumasok sa kalangitan sa harapan ng Diyos, walang iba kundi si Hesus na Anak ng Diyos. Ang dakilang saserdote nating ito ay nakauunawa sa ating mga kahinaan sapagkat sa lahat ng paraa’y tinukso siyang tulad natin, ngunit hindi nagkasala. Kaya’t huwag na tayong mag-atubiling lumapit sa trono ng mahabaging Diyos, at doo’y kakamtan natin ang habag at kalinga sa panahong kailangan natin ito.
Noong si Hesus ay namumuhay dito sa lupa, siya’y dumalangin at lumuluhang sumamo sa Diyos na makapagliligtas sa kanya sa kamatayan. At dininig siya dahil sa lubusan siyang nagpakumbaba. Bagamat siya’y Anak ng Diyos, natutuhan niya ang tunay na kahulugan ng pagsunod sa pamamagitan ng pagtitiis. At nang maganap na niya ito, siya’y naging walang hanggang Tagapagligtas ng lahat ng sumusunod sa kanya.
Ang Salita ng Diyos.
AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Filipos 2, 8-9
Masunuring Kristo Hesus
naghain ng buhay sa krus,
kaya’t dinakila ng D’yos
binigyan ng ngalang tampok
sa langit at sansinukob.
MABUTING BALITA
Juan 18, 1 – 19, 42
Ang pagpapakasakit ng ating Panginoong Hesukristo ayon kay San Juan
Noong panahong iyon: Umalis si Hesus kasama ang kanyang mga alagad. Pumunta sila sa ibayo ng batis Cedron at pumasok sa isang halamanan doon. Ang lugar na ito’y alam ni Judas na nagkanulo sa kanya, sapagkat madalas magpunta roon si Hesus at ang kanyang mga alagad. Pumaroon si Judas, kasama ang ilang bantay sa templo at isang pangkat ng mga kawal na padala ng mga punong saserdote at mga Pariseo. May dala silang mga parol, sulo at sandata. Alam ni Hesus ang lahat ng mangyayari sa kanya, kaya’t sila’y sinalubong niya at tinanong, “Sino ang hinahanap ninyo?” “Si Hesus na taga-Nazaret,” tugon nila. Sinabi niya, “Ako si Hesus.”
Kaharap nila si Judas na nagkanulo sa kanya. Nang sabihin ni Hesus na siya nga, napaurong sila at nabuwal sa lupa. Muli siyang nagtanong, “Sino nga ba ang hinahanap ninyo?” “Si Hesus na taga-Nazaret,” sagot nila. “Sinabi ko na sa inyong ako si Hesus. Kung ako ang hinahanap ninyo, hayaan ninyong umalis ang mga taong ito,” wika niya. Sinabi niya ito upang matupad ang kanyang salita, “Walang napahamak kahit isa sa mga ibinigay mo sa akin, Ama.” Binunot ni Simon Pedro ang kanyang tabak at tinaga ang alipin ng pinakapunong saserdote. Natigpas ang kanang tainga ng aliping yaon na ang pangala’y Malco. Sinabi ni Hesus kay Pedro, “Isalong mo ang iyong tabak! Dapat kong inumin ang kalis ng paghihirap na ibinigay sa akin ng Ama.”
Si Hesus ay dinakip at ginapos ng mga bantay na Judio at ng pangkat ng mga kawal sa pamumuno ng kanilang kapitan. Siya’y dinala muna kay Anas na biyanan ni Caifas na pinakapunong saserdote nang panahong yaon. Si Caifas ang nagpayo sa mga Judio na mas mabuti para sa kanila na isang tao lamang ang mamatay alang-alang sa bayan.
Si Simon Pedro at ang isa pang alagad ay sumunod kay Hesus. Kilala ng pinakapunong saserdote ang alagad na ito, kaya’t nakapasok siyang kasama ni Hesus sa patyo ng bahay ng pinakapunong saserdote. Naiwan naman si Pedro sa labas ng pintuan. Lumabas ang alagad na kilala ng pinakapunong saserdote, kinausap ang dalagang nagbabantay sa pinto, at pinapasok si Pedro. Si Pedro’y tinanong ng dalaga, “Hindi ba’t isa ka sa mga alagad ng taong iyan?” “Hindi,” sagot ni Pedro.
Maginaw noon, kaya’t nagpabaga ng uling ang mga alipin at mga bantay at tumayo sa paligid ng siga upang, magpainit. Nakihalo si Pedro at nagpainit din.
Si Hesus ay tinanong ng pinakapunong saserdote tungkol sa kanyang mga alagad at sa kanyang itinuturo. Sumagot si Hesus, “Hayagan akong nagsasalita sa madla; lagi akong nagtuturo sa mga sinagoga at sa templo ng mga Judio. Wala akong sinabing palihim. Bakit ako ang tinatanong ninyo? Ang tanungin ninyo’y ang mga nakarinig sa akin; alam nila kung ano ang sinabi ko.” Pagkasabi nito, siya’y sinampal ng isa sa mga bantay na naroroon. “Bakit mo sinasagot nang ganyan ang pinakapunong saserdote?” tanong niya. Sinagot siya ni Hesus, “Kung nagsalita ako ng masama, patunayan mo! Ngunit kung mabuti ang sinabi ko, bakit mo ako sinampal?”
Si Hesus na nagagapos pa noon ay ipinadala ni Anas kay Caifas, ang pinakapunong saserdote.
Samantala, naroon pa rin si Simon Pedro at nagpapainit. Siya’y tinanong nila, “Hindi ba’t alagad ka rin ng taong iyan?” “Hindi!” sagot ni Pedro. Tinanong naman siya ng isa sa mga alipin ng pinakapunong saserdote, kamag-anak ng lalaking tinigpasan niya ng tainga, “Hindi ba ikaw ang nakita kong kasama ni Hesus sa halamanan?” Muling itinatwa ito ni Pedro. Siya namang pagtilaok ng manok.
Mula sa bahay ni Caifas, si Hesus ay dinala nila sa palasyo ng gobernador. Umaga na noon. Hindi pumasok ang mga Judio sa palasyo ng gobernador, upang sila’y huwag maituring na di-karapat-dapat kumain ng Hapunang Pampaskuwa. Kaya’t sa labas sila tinanggap ni Pilato at tinanong, “Ano ang sakdal ninyo laban sa taong ito?” Sumagot sila, “Kung hindi po siya gumawa ng masama, hindi namin siya dadalhin sa inyo.” Sinabi sa kanila ni Pilato, “Dalhin ninyo siya, at hatulan ayon sa inyong kautusan.” Sumagot ang mga Judio, “Wala po kaming kapangyarihang humatol ng kamatayan kaninuman.” Nangyari ito upang matupad ang sinabi ni Hesus tungkol sa paraan ng kanyang pagkamatay. Si Pilato’y pumasok uli sa palasyo at tinawag si Hesus, “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?’ tanong niya. Sumagot si Hesus, “Iyan ba’y galing sa inyong sariling isipan, o may nagsabi sa inyo?” “Ako ba’y Judio?” tanong ni Pilato. “Ang mga kababayan mo at ang mga punong saserdote ang nagdala sa iyo rito. Ano ba ang ginawa mo?” Sumagot si Hesus, “Ang kaharian ko’y hindi sa sanlibutang ito. Kung sa sanlibutang ito ang aking kaharian, ipinakipaglaban sana ako ng aking mga tauhan at hindi naipagkanulo sa mga Judio. Ngunit hindi sa sanlibutang ito ang aking kaharian!” “Kung gayon, isa kang hari?” sabi ni Pilato. Sumagot si Hesus, “Kayo na ang nagsasabing ako’y hari. Ito ang dahilan kung bakit ako ipinanganak at naparito sa sanlibutan: upang magsalita tungkol sa katotohanan. Nakikinig sa aking tinig ang sinumang nasa katotohanan.” “Ano ba ang katotohanan?” tanong ni Pilato.
Pagkasabi nito, muling lumabas si Pilato at sinabi sa mga Judio, “Wala akong makitang kasalanan sa taong ito. Ngunit ayon sa inyong kaugalian, dapat akong magpalaya ng isang bilanggo kung araw ng Paskuwa. Ibig ba ninyong palayain ko ang Hari ng mga Judio?” “Hindi!” sigaw nila. “Huwag siya, kundi si Barrabas!” Si Barrabas ay isang tulisan.
Kaya’t ipinakuha ni Pilato si Hesus at ipinahagupit. Ang mga kawal ay kumuha ng halamang matinik, ginawang korona, at ipinutong kay Hesus. At sinuutan siya ng balabal na purpura. Isa’t isa’y lumalapit sa kanya at ang wika, “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!” At siya’y pinagsasampal.
Lumabas uli si Pilato at sinabi sa kanila, “Ihaharap ko siya sa inyo upang malaman ninyo na wala akong makitang kasalanan niya!” At inilabas si Hesus na may koronang tinik at balabal na purpura. Sinabi sa kanila ni Pilato, “Narito ang tao!” Pagkakita sa kanya ng mga punong saserdote at ng mga bantay, sila’y sumigaw: “Ipako siya sa krus! Ipako sa krus!” Sinabi ni Pilato, “Kunin ninyo siya, at kayo ang magpako sa kanya. Wala akong makitang kasalanan niya.” Sumagot ang mga Judio, “Ayon sa aming kautusa’y nararapat siyang mamatay, sapagkat siya’y nagpapanggap na Anak ng Diyos.”
Lalong natakot si Pilato nang marinig ang mga pananalitang ito. Muli siyang pumasok sa palasyo at tinanong si Hesus, “Tagasaan ka ba?” Subalit hindi tumugon si Hesus. “Ayaw mo bang makipag-usap sa akin?” ani Pilato. “Hindi mo ba alam na maaari kitang palayain o ipapako sa krus?” At sumagot si Hesus, “Kaya mo lamang magagawa iyan ay sapagkat ipinagkaloob sa iyo ng Diyos ang kapangyarihang iyan, kaya mas mabigat ang kasalanan ng nagdala sa akin dito.” Nang marinig ito ni Pilato, lalo niyang hinangad na palayain si Hesus. Ngunit nagsigawan ang mga tao, “Kapag pinalaya mo ang taong iyan, hindi ka kaibigan ni Cesar! Sinumang nagpapanggap na hari ay kalaban ng Cesar.” Pagkarinig ni Pilato sa pangungusap na ito, inilabas niya si Hesus. At siya’y lumuklok sa hukuman, sa dakong tinatawag na “Ang Plataporma,” Gabata sa wikang Hebreo.
Araw noon ng Paghahanda sa Paskuwa at mag-iikalabindalawa na ng tanghali. Sinabi ni Pilato sa mga Judio, “Narito ang inyong hari!” Sumigaw sila, “Patayin siya! Patayin! Ipako sa krus!” “Ipapako ko ba sa krus ang inyong hari?” tanong ni Pilato. Sumagot ang mga punong saserdote, “Wala kaming hari kundi ang Cesar!” Kaya’t si Hesus ay ibinigay sa kanila ni Pilato upang ipako sa krus.
Kinuha nga nila si Hesus. At lumabas siya na pasan ang kanyang krus, patungo sa lugar na kung tawagi’y “Dako ng Bungo,” Golgota sa wikang Hebreo. Pagdating doon, siya’y ipinako sa krus, kasama ng dalawa pa – isa sa gawing kanan at isa sa kaliwa. Sumulat si Pilato ng ganitong pangungusap at ipinalagay sa krus: “Si Hesus na taga-Nazaret, ang Hari ng mga Judio.” Nasusulat ito sa mga wikang Hebreo, Latin, at Griego at marami sa mga Judio ang nakabasa nito, sapagkat malapit sa lungsod ang dakong pinagpakuan kay Hesus. Kaya’t sinabi ng mga punong saserdote kay Pilato, “Huwag ninyong isulat na Hari ng mga Judio, kundi, ‘Sinabi ng taong ito, Ako ang Hari ng mga Judio.’” Sumagot si Pilato, “Ang naisulat ko’y naisulat ko na.”
Nang maipako na ng mga kawal si Hesus, kinuha nila ang kanyang kasuotan at pinaghati-hatian ng apat. Kinuha rin nila ang kanyang tunika; ito’y walang tahi at hinabi nang buo mula sa itaas hanggang sa ibaba. Nag-usap-usap ang mga kawal, “Huwag nating punitin ito; magsapalaran na lamang tayo para malaman kung kanino ito mauuwi.” Nangyari ito upang matupad ang isinasaad ng Kasulatan,
“Pinaghati-hatian nila ang aking mga kasuotan;
at ang aking damit ay kanilang pinagsapalaran.”
Gayon nga ang ginawa ng mga kawal.
Nakatayo sa tabi ng krus ni Hesus ang kanyang ina at ang kapatid na babae nitong si Maria, na asawa ni Cleopas. Naroon din si Maria Magdalena. Nang makita ni Hesus ang kanyang ina, at ang minamahal niyang alagad sa tabi nito, kanyang sinabi, “Ginang, narito ang iyong anak!” At sinabi sa alagad, “Narito ang iyong ina!” Mula noon, siya’y pinatira ng alagad na ito sa kanyang bahay.
Pagkatapos nito, alam ni Hesus na naganap na ang lahat ng bagay; at bilang katuparan ng Kasulatan ay sinabi niya, “Nauuhaw ako!” May isang mangkok doon na puno ng maasim na alak. Itinubog nila rito ang isang espongha, ikinabit sa sanga ng isopo at idiniit sa kanyang bibig. Nang masisip ni Hesus ang alak ay kanyang sinabi, “Naganap na!” Iniyukayok niya ang kanyang ulo at nalagot ang kanyang hininga.
Dito luluhod ang tanan at sandaling mananahimik.
Noo’y Araw ng Paghahanda, at ayaw ng mga Judio na manatili sa krus ang mga bangkay sa Araw ng Pamamahinga sapagkat dakila ang Araw ng Pamamahingang ito. Kaya’t hiniling nila kay Pilato na ipabali nito ang mga binti ng mga ipinako sa krus, at alisin doon ang mga bangkay. Naparoon nga ang mga kawal at binali ang mga binti ng dalawang ipinakong kasabay ni Hesus. Ngunit pagdating nila kay Hesus at makitang patay na siya, hindi na nila binali ang kanyang binti. Subalit inulos ng sibat ng isa sa mga kawal ang tagiliran ni Hesus, at biglang dumaloy ang dugo at tubig. Ang nakakito nito ang nagpapatotoo — tunay ang kanyang patotoo at alam niyang katotohanan ang sinabi niya – upang kayo’y maniwala. Nangyari ang mga ito upang matupad ang sinabi ng kasulutan, “Walang mababali isa man sa kanyang mga buto.” At sinabi naman ng ibang bahagi ng Kasulatan, “Pagmamasdan nila ang kanilang inulos.”
Pagkatapos nito, si Jose na taga-Arimatea ay nagsadya kay Pilato upang humingi ng pahintulot na makuha ang bangkay ni Hesus. Si Jose’y isang alagad ni Hesus, ngunit palihim nga lamang dahil sa takot sa mga Judio. At pinahintulutan siya ni Pilato; kaya’t kinuha ni Jose ang bangkay ni Hesus. Sumama sa kanya si Nicodemo, may dalang pabango – mga sandaang libra ng pinaghalong mira at aloe. Siya ang nagsadya kay Hesus isang gabi. Kinuha nila ang bangkay ni Hesus, at nilagyan ng pabango habang binabalot sa kayong lino, ayon sa kaugalian ng mga Judio. Sa pinagpakuan kay Hesus ay may isang halamanan, at dito’y may isang bagong libingang hindi pa napaglilibingan. Yamang noo’y araw ng Paghahanda ng mga Judio, at dahil sa malapit naman ang libingang ito, doon nila inilibing si Hesus.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Genesis 1, 1. 26-31a
Pagbasa mula sa aklat ng Genesis
Nang simulang likhain ng Diyos ang lupa at ang langit, sinabi ng Diyos: “Ngayon, lalangin natin ang tao. Ating gagawin siyang kalarawan natin. Siya ang mamamahala sa mga isda, mga ibon at lahat ng hayop, maging maamo o mailap, malaki o maliit.” Nilalang nga ng Diyos ang tao ayon sa kanyang larawan. Lumalang siya ng isang lalaki at isang babae, at sila’y pinagpala. Wika niya, “Magpakarami kayo at punuin ng inyong mga supling ang buong daigdig, at pamahalaan ito. Binibigyan ko kayo ng kapangyarihan sa mga isda, sa mga ibon, at sa lahat ng maiilap na hayop, maging malalaki o maliliit. Bibigyan ko rin kayo ng lahat ng uri ng butil at mga bungangkahoy na inyong makakain. Ang lahat ng halamang luntian ay ibibigay ko naman sa maiilap na hayop, malaki man o maliit, at sa lahat ng mga ibon.” At ito nga ang nangyari. Pinagmasdan ng Diyos ang lahat niyang ginawa, at lubos siyang nasiyahan.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 103, 1-2a. 5-6. 10 at 12. 13-14. 24 at 35k
Espiritu mo’y suguin Poon, tana’y ‘yong baguhin.
Pinupuri ka, Poong Diyos, nitong aking kaluluwa
ikaw Panginoong Diyos ko, kay dakila mong talaga!
Ang taglay mong kasuuta’y dakila ri’t marangal pa.
Nababatbat ka, Poong Diyos, ng liwanag na kay ganda.
Espiritu mo’y suguin Poon, tana’y ‘yong baguhin.
Ikaw na rin ang nagtayo ng saligan nitong lupa,
matatag na ginawa mo’t hindi ito mauuga.
Ang ibabaw ng saliga’y ginawa mong karagatan,
at tubig din ang bumalot sa lahat ng kabundukan.
Espiritu mo’y suguin Poon, tana’y ‘yong baguhin.
Lumilikha ka ng ilog na patungong kapatagan,
sa gilid ng mga burol, umaagos na marahan.
Sa naroong kakahuya’y umaawit ng masaya,
mga ibo’y nagpupugad sa malabay nilang sanga.
Espiritu mo’y suguin Poon, tana’y ‘yong baguhin.
Magmula sa kalangitan, mga bundok ay nadilig,
ibinuhos ang biyaya’t lumaganap sa daigdig.
Tumubo ang mga damong pagkain ng mga baka.
Nagkaroon ng halamang masaganang namumunga;
anupa’t ang mga tao’y may pagkaing nakukuha.
Espiritu mo’y suguin Poon, tana’y ‘yong baguhin.
Sa daigdig, Panginoon, kay rami ng iyong likha
pagkat ikaw ay marunong kaya ito ay nagawa,
ang dami ng nilikha mong nakalaganap sa lupa
Panginoo’y purihin mo, purihin mo, kaluluwa!
Purihin ang Panginoon, o purihin mo nga siya!
Espiritu mo’y suguin Poon, tana’y ‘yong baguhin.
IKALAWANG PAGBASA
Genesis 22, 1-2. 9a, 10-13. 15-18
Pagbasa mula sa aklat ng Genesis
Noong mga araw na iyon: Sinubok ng Diyos si Abraham. Tinawag siya ng Diyos at tumugon naman siya.
Sinabi sa kanya, “Isama mo ang pinakamamahal mong anak na si Isaac, at magpunta kayo sa lupain ng Moria. Umakyat kayo sa bundok na ituturo ko sa iyo, at ihandog mo siya sa akin.”
Pagsapit nila sa dakong itinuro ng Diyos, gumawa ng dambana si Abraham. Inayos niya sa ibabaw nito ang panggatong. Nang sasaksakin na niya ang bata, tinawag siya ng anghel ng Panginoon at mula sa langit ay sinabi: “Abraham! Abraham! Huwag mong patayin ang bata. Huwag mo siyang saktan! Naipakita mo nang handa kang sumunod sa Diyos, sapagkat hindi mo ipinagkait sa kanya ang kaisa-isa at pinakamamahal mong anak.”
Paglingon niya’y may nakita siyang isang lalaking tupa na ang mga sungay ay napasabit sa mga sanga ng kahoy. Ito ang kinuha ni Abraham at inihandog kapalit ng kanyang anak.
Mula sa langit, nagsalitang muli kay Abraham ang anghel ng Panginoon. Wika nito, “Akong Panginoon ang nangangako sa iyo: yamang hindi mo ipinagkait sa akin ang kaisa-isa mong anak, pagpapalain kita. Ang lahi mo’y magiging sindami ng bituin sa langit at ng buhangin sa dagat. Lulupigin nila ang mga lungsod ng kanilang mga kaaway. Sa pamamagitan ng iyong lahi, pagpapalain ang lahat ng bansa sa daigdig sapagkat ikaw ay tumalima sa akin.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 15, 5 at 8. 9-10. 11
D’yos ko, ang aking dalangi’y ako’y iyong tangkilikin.
Ikaw lamang, Panginoon, ang lahat sa aking buhay.
Ako’y iyong tinutugon sa lahat kong kailangan;
ang biyayang kaloob mo ay kahanga-hangang tunay.
Nababatid ko na ika’y kasama ko oras-oras,
sa piling mo kailanma’y hindi ako matitinag.
D’yos ko, ang aking dalangi’y ako’y iyong tangkilikin.
Kaya’t ako’y nagdiriwang, ang diwa ko’y nagagalak,
ang lagi kong nadarama’y hindi ako matitinag.
Pagkat di mo tutulutang ang mahal mo ay malagak,
sa balon ng mga patay upang doon ay maagnas.
D’yos ko, ang aking dalangi’y ako’y iyong tangkilikin.
Ituturo mo ang landas na buhay ang hahantungan,
sa piling mo’y madarama ang lubos na kagalakan;
ang tulong mo’y nagdudulot ng ligayang walang hanggan.
D’yos ko, ang aking dalangi’y ako’y iyong tangkilikin.
IKATLONG PAGBASA
Exodo 14, 15 – 15, 1
Pagbasa mula sa aklat ng Exodo
Noong mga araw na iyon: Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Bakit mo ako tinatawag? Palakarin mo ang mga Israelita. Itapat mo sa ibabaw ng dagat ang iyong tungkod; mahahati ang tubig at matutuyo ang lalakaran ninyo. Lalo kong pagmamatigasin ang mga Egipcio at pasusundan ko kayo sa kanila, ngunit doon sila lilipulin: ang mga Egipcio, ang mga kawal ng Faraon, pati ang kanilang mga karwahe. Ipakikita ko sa kanila ang aking kapangyarihan. Sa gayon, malalaman ng mga Egipciong iyan na ako ang Panginoon.”
Ang anghel ng Diyos na pumapatnubay sa paglalakbay ng mga Israelita ay nagpatihuli sa kanila, gayon din ang haliging ulap. Ang ulap ay lumagay sa pagitan ng mga Israelita at ng mga Egipcio at lumatag ang kadiliman. Dumating ang gabi at ang mga Egipcio ay di makalapit sa mga Israelita.
Itinapat ni Moises ang kanyang tungkod sa ibabaw ng dagat. Magdamag na pinaihip ng Panginoon ang isang malakas na hangin mula sa silangan at nahati ang tubig. Ang mga Israelita’y bumagtas sa dagat na ang nilakara’y tuyong lupa, sa pagitan ng animo’y pader na tubig. Hinabol sila ng mga Egipcio, ng mga kawal, karwahe at kabayuhan ng Faraon. Nang magbubukang-liwayway na, ang mga Egipcio’y ginulo ng Panginoon mula sa haliging apoy at ulap. Nalubog ang gulong ng mga karwahe at hindi na sila makatugis nang matulin. Kaya sinabi nila, “Umalis na tayo rito sapagkat ang Panginoon na ang kalaban natin.”
Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Itapat mo ang iyong tungkod sa ibabaw ng dagat at tatabunan ng tubig ang mga Egipcio pati ng kanilang karwahe.” Ganoon nga ang ginawa ni Moises, at pagbubukang-liwayway, nanumbalik sa dati ang dagat. Ang mga Egipcio’y nagsikap makatakas ngunit pinalakas ng Panginoon ang dating ng tubig kaya’t sila’y nalunod na lahat. Nang manauli ang dagat, natabunan ang mga karwahe’t kabayo ng Faraon, pati ng kanyang mga kawal at walang natira isa man. Ngunit ang mga Israelita’y nakatawid sa dagat, na tuyo ang dinaanan, sa pagitan ng animo’y pader na tubig.
Nang araw na yaon ang mga Israelita’y iniligtas ng Panginoon sa mga Egipcio; nakita nila ang bangkay ng mga Egipcio, nagkalat sa baybay-dagat. Dahil sa kapangyarihang ipinakita ng Panginoon laban sa mga Egipcio, nagkaroon sila ng takot sa kanya at sumampalataya sila sa kanya at sa alagad niyang si Moises.
Ito ang inawit ni Moises at ng mga Israelita para sa Panginoon.
“Ang Panginoo’y atin ngayong awitan
Sa kanyang kinamtang Dakilang tagumpay;
ang mga kabayo’t kawal ng kaaway
sa pusod ng dagat, lahat natabunan.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Exodo 15, 1-2. 3-4. 5-6. 17-18
Poon ay ating awitan sa kinamtan n’yang tagumpay.
Ang Panginoo’y atin ngayong awitan
sa kanyang kinamtang Dakilang tagumpay;
ang mga kabayo’t kawal ng kaaway
sa pusod ng dagat, lahat natabunan.
Ako’y pinalakas niya’t pinatatag,
siya ang sa aki’y nagkupkop, nag-ingat,
Diyos ng magulang ko, aking manliligtas.
Poon ay ating awitan sa kinamtan n’yang tagumpay.
Siya’y mandirigma na walang kapantay,
Panginoo’y kanyang pangalan.
Nang ang mga kawal ng Faraon
sa Dagat ng mga Tambo ay mangagsilusong,
ang lahat ng ito ay kanyang nilunod
pati na sasakya’y kanyang pinalubog.
Poon ay ating awitan sa kinamtan n’yang tagumpay.
Sila’y natabunan ng alon sa dagat,
tulad nila’y batong lumubog kaagad.
Ang mga bisig mo ay walang katulad,
wala ngang katulad, walang kasinlakas,
sa isang hampas mo, kaaway nangalat,
nangadurog mandin sa ‘yong mga palad.
Poon ay ating awitan sa kinamtan n’yang tagumpay.
Sila’y dadalhin mo sa pinili mong bundok.
Sa lugar na itinangi mo, para maging iyong lubos
at sa santwaryong natayo ayon sa iyong loob.
Ikaw, Poon, maghahari magpakailanman.
Poon ay ating awitan sa kinamtan n’yang tagumpay.
IKAAPAT NA PAGBASA
Isaias 54, 5-14
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Ang iyong naging kasintaha’y
ang may likha sa iyo,
Siya ang Makapangyarihang Panginoon;
ililigtas ka ng Diyos ng Israel,
Siya ang hari ng lahat ng bansa.
Israel, ang katulad mo ay babaing bagong kasal,
iniwan ng asawa, batbat ng kalungkutan.
Ngunit tinawag kang muli ng Panginoon
sa kanyang piling at sinabi:
“Sandaling panahong kita’y iniwanan
ngunit dahil sa tapat kong pag-ibig,
muli kitang kukupkupin.
Sa tindi ng galit nilisan kita sandali,
ngunit habang panahon kong ipadarama sa iyo ang tapat kong pagmamahal.”
Iyan ang sabi ng Panginoon na nagligtas sa iyo.
“Nang panahon ni Noe,
Ako ay sumumpang di na mauulit
na ang mundong ito’y gunawin sa tubig.
Gayon din sa ngayon,
iiwasan ko nang sa iyo’y magalit
at hindi na kita parurusahan uli.
Maguguho ang mga bundok at ang mga burol,
ngunit ang pag-ibig ko’y hindi maglalaho,
at mananatili ang kapayapaang aking pangako.”
Iyan ang sinasabi ng Diyos na Panginoon,
na nagmamahal sa iyo.
Sinabi ng Panginoon, “O Jerusalem, nagdurusang lungsod
na walang umaliw sa kapighatian,
muling itatayo ang mga pundasyon mo,
ang gagamitin ko’y mamahaling bato.
Gagamiti’y rubi sa mga tore mo,
batong maningning ang iyong pintuan,
at sa mga pader ay mga hiyas na makinang.
Ako ang magtuturo sa iyong mga anak.
Sila’y magiging payapa at buhay ay uunlad.
Patatatagin ka ng katarungan at katuwiran,
magiging malayo sa mananakop at sa takot.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 29, 2 at 4. 5-6. 11 at 12a at 13b
Poong sa aki’y nagligtas, ang dangal mo’y aking galak.
O Panginoon ko,
sa iyong ginawa, kita’y pinupuri’t ako’y iniligtas,
kaya ang kaaway ay di na nakuhang matuwa’t magalak.
Mula sa libingang daigdig ng patay, hinango mo ako at muling binuhay;
ako, na kasama nilang napabaon sa kailaliman.
Poong sa aki’y nagligtas, ang dangal mo’y aking galak.
Purihin ang Poon,
Siya ay awitan ng lahat ng tapat na mga hinirang.
Iyong gunitain ang mga ginawa ng Diyos na Banal,
ang kanyang ginawa ay alalahanin at pasalamatan!
Hindi nagtatagal
yaong kanyang galit, at ang kabutihan niya’y walang wakas.
Ang abang may hapis at tigmak sa luha sa buong magdamag,
sa bukang-liwayway ay wala nang lungkot, kapalit ay galak.
Poong sa aki’y nagligtas, ang dangal mo’y aking galak.
Kaya’t ako’y dinggin,
Ikaw ay mahabag sa akin, O Poon, ako ay pakinggan,
mahabag ka, Poon! Ako ay dinggin mo at iyong tulungan.
Nadama ko’y galak nang iyong hubarin ang aking panluksa.
Sa pasasalamat sa iyo, O Poon, ay di magsasawa.
Poong sa aki’y nagligtas, ang dangal mo’y aking galak.
IKALIMANG PAGBASA
Isaias 55, 1-11
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Sinabi ng Panginoon, “Narito ang tubig, mga nauuhaw.
Ang mga walang salapi ay
kumuha rito at bumili ng pagkain.
Halikayo at bumili ng alak at gatas,
bumili kayo, ngunit walang bayad.
Bakit ginugugol ang salapi
sa mga bagay na hindi nakabubusog?
Bakit inuubos ang pera
sa mga bagay na walang halaga?
Makinig kayo sa akin at sundin ang utos ko
at matitikman ninyo ang pinakamasarap na pagkain.
Pumarito kayo,
kayo ay lumapit at ako’y pakinggan,
makinig sa akin nang kayo’y mabuhay;
ako’y may gagawing walang hanggang tipan,
at ipalalasap sa inyo ang pagpapalang
ipinangako ko kay David.
Ginawa ko siyang hari
at puno ng mga bansa
at sa pamamagitan niya’y ipinamalas ang aking kapangyarihan.
Iyong tatawagin ang mga bansang hindi mo kilala,
mga bansang di ka kilala’y sa iyo pupunta,
dahilan sa Panginoon,
Banal ng Israel,
ang Diyos na nagpala’t sa iyo’y dumakila.”
Hanapin ang Panginoon
samantalang siya’y iyong makikita,
Siya ay tawagin habang malapit pa.
Ang mga gawain ng taong masama’y
dapat nang talikdan, at ang mga liko’y
dapat magbago na ng maling isipan;
sila’y manumbalik,
lumapit sa Panginoon upang kahabagan,
at mula sa Diyos,
matatamo nila ang kapatawaran,
ang wika ng Panginoon:
“Ang aking isipa’y di ninyo isipan,
at magkaiba ang ating daan.
Kung paanong ang langit
higit na mataas, mataas sa lupa,
ang daa’t isip ko’y
hindi maaabot ng inyong akala.
Ang ulan at niyebe
paglagpak sa lupa’y di na nagbabalik,
aagos na ito sa balat ng lupa’t nagiging pandilig,
Kaya may pagkai’t butil na panghasik.
Ganyan din ang aking mga salita,
magaganap nito ang lahat kong nasa.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Isaias 12, 2-3. 4bkd. 5-6
May galak tayong sumalok sa batis ng Manunubos.
Ang Diyos ang siyang nagliligtas sa akin,
tiwalang-tiwala ako at wala munti mang pangamba.
Sapagkat ang Poon ang lahat sa akin,
Siya ang aking awit, ang aking kaligtasan.
Malugod kayong sasalok ng tubig
sa batis ng kaligtasan.
May galak tayong sumalok sa batis ng Manunubos.
Magpasalamat kayo sa Poon,
Siya ang inyong tawagan;
ipaalam ninyo sa mga bansa ang kanyang ginawa.
Ipahayag ninyo ang kadakilaan ng kanyang pangalan.
May galak tayong sumalok sa batis ng Manunubos.
“Umawit kayo ng papuri sa Poon,
sapagkat kahanga-hanga ang kanyang mga ginawa,
ipinahayag ninyo ito sa buong daigdig.
Mga anak ng Sion, umawit kayo nang buong galak,
sapagkat nasa piling ninyo ang dakila at
ang Banal ng Israel.”
May galak tayong sumalok sa batis ng Manunubos.
IKA-ANIM NA PAGBASA
Baruc 3, 9-15. 32 – 4, 4
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Baruc
Dinggin mo, Israel, ang mga kautusang nagbibigay-buhay; makinig ka at nang ikaw ay matuto. Israel, bakit ka nasa lupain ng iyong mga kaaway? Bakit ka tumanda sa ibang lupain? Bakit itinakwil kang parang patay at ibinilang na sa mga patay? Ang dahilan ay sapagkat itinakwil mo ang bukal ng Karunungan. Kung lumakad ka lang sa landas ng Diyos, sana’y namumuhay kang matiwasay sa habang panahon. Hanapin mo ang bukal ng pang-unawa, lakas at kaalaman, at malalaman mo kung nasaan ang mahabang buhay, ang liwanag na sa iyo’y papatnubay, at ang kapayapaan.
May nakatuklas na ba kung saan nakatira ang Karunungan, o nakapasok sa kanyang taguan ng yaman?
Ang Diyos na naakaalam ng lahat ng bagay ang tanging nakakikilala sa Karunungan. Natatarok din niya ito sa pamamagitan ng kanyang kaalaman. Siya ang lumikha at naglagay dito ng lahat ng uri ng mga hayop. Nag-utos siya at lumitaw ang liwanag; nanginginig ito sa takot kapag siya’y tumatawag. Tinawag din niya ang mga tala at madali silang nagsitugon: “Narito po kami.” Lumagay sila sa kani-kanilang lugar at masayang nagniningning para bigyang lugod ang lumikha sa kanila. Ito ang ating Diyos! Walang makapapantay sa kanya. Alam niya ang daan ng Karunungan, at ito’y ipinagkaloob niya sa lingkod niyang si Jacob, kay Israel na kanyang minamahal. Mula noon, nakita na sa daigdigang Karunungan, at nanatili sa sangkatauhan.
Ang Karunungan ang siyang aklat ng mga utos ng Diyos, ang batas na mananatili magpakailanman. Ang manghawak dito’y mabubuhay, at ang tumalikod ay mamamatay. O bayang Israel, tanggapin ninyo ang Karunungan at lumakad kayo sa kanyang liwanag. Huwag ninyong ibigay sa ibang lahi ang inyong karangalan at mga karapatan. Mapalad tayo, mga Israelita, pagkat alam natin kung ano ang nakasisiya sa Diyos.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 18, 8. 9. 10. 11
Panginoon, iyong taglay ang Salitang bumubuhay.
Ang batas ng Panginoon ay batas na walang kulang,
ito’y utos na ang dulot sa tao ay bagong buhay;
yaong kanyang mga batas ay mapagtitiwalaan,
nagbibigay ng talino sa pahat ang kaisipan.
Panginoon, iyong taglay ang Salitang bumubuhay.
Ang tuntuning ibinigay ng Poon ay wastong utos,
liligaya ang sinuman kapag ito ang sinunod;
ito’y wagas at matuwid pagkat mula ito sa Diyos,
pang-unawa ng isipan yaong bungang idudulot.
Panginoon, iyong taglay ang Salitang bumubuhay.
Yaong paggalang sa Poon ay marapat at mabuti,
isang banal na tungkulin na iiral na parati;
pati mga hatol niya’y matuwid na kahatulan,
kapag siya ang humatol, ang pasya ay pantay-pantay.
Panginoon, iyong taglay ang Salitang bumubuhay.
Ito’y higit pa sa gitna, na maraming nagnanais,
higit pa sa gintong lantay na ang hangad ay makamit;
matamis pa kaysa pulot, sa pulot na sakdal tamis,
kahit anong pulot ito na dalisay at malinis.
Panginoon, iyong taglay ang Salitang bumubuhay.
IKAPITONG PAGBASA
Ezekiel 36, 16-17a. 18-28
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Ezekiel
Sinabi sa akin ng Panginoon, “Tao, nang ang Israel ay unang tumira sa kanilang lupain, pinarumi nila ito sa kanilang kasamaan. At dahil sa dugong pinadanak nila sa lupain, at dahil sa kanilang mga diyus-diyusan, ibinuhos ko sa kanila ang aking matinding poot. Itinapon ko sila at ikinalat sa iba’t ibang panig ng daigdig. Ginawa ko sa kanila ang nararapat sa kanila. Ngunit sa mga lugar na kinatapunan nila, binigyang-daan nila ang mga tao upang hamakin ang aking pangalan. Sinabi ng mga tao sa kanila, ‘Hindi ba sila’y mga mamamayan ng Panginoon, bakit pinaalis sa kanilang bayan?’ Nabahala ako dahil sa banal kong pangalan na ipinahamak ng mga Israelita sa mga dakong kinapuntahan nila.
“Kaya sabihin mo sa Israel na ito ang ipinasasabi ko: Lahat ng ginagawa ko ay hindi dahil sa inyo, mga Israelita, kundi sa banal kong pangalan na inyong binigyan-daang hamakin sa mga lugar na pinagtapunan ko sa inyo. Ipakikita ko ang kabanalan ng dakila kong pangalan na nalapastangan sa harap ng mga bansa. Makikilala ng lahat na ako ang Panginoon kung maipakita ko na sa kanila ang aking kabanalan. Titipunin ko kayo mula sa iba’t ibang bansa upang ibalik sa inyong bayan. Wiwisikan ko kayo ng tubig na dalisay upang kayo’y luminis. Aalisin ko rin ang naging mantsa ninyo dahil sa inyong mga diyus-diyusan. Bibigyan ko kayo ng bagong puso at bagong espiritu. Ang masuwayin ninyong puso ay gagawin kong masunurin. Bibigyan ko kayo ng aking Espiritu upang makalakad kayo ayon sa aking mga tuntunin at masunod ninyong mabuti ang aking mga utos. Ititira ko kayo sa lupaing ibinibigay ko sa inyong mga ninuno. Kayo ay magiging bayan ko at ako ang inyong Diyos.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 41, 3. 5bkd; Salmo 42, 3. 4
Parang usang nauuhaw akong sabik sa Maykapal.
Nananabik ako sa Diyos, Diyos na buhay, walang iba;
kailan kaya maaaring sa harap mo ay sumamba?
Parang usang nauuhaw akong sabik sa Maykapal.
Papunta sa templo ng Diyos ako ang siyang nangunguna;
pinupuri namin ang Diyos, sa pag-awit na masaya!
Parang usang nauuhaw akong sabik sa Maykapal.
Ang totoo’t ang liwanag, buhat sa’yo ay pakamtan,
upang sa Sion ay mabalik, sa bundok mong dakong banal
sa bundok mong pinagpala, at sa templo mong tirahan.
Parang usang nauuhaw akong sabik sa Maykapal.
Sa dambana mo, O Diyos, ako naman ay dudulog,
yamang galak at ligaya ang sa aki’y iyong dulot;
sa saliw ng aking alpa’y magpupuri akong lubos
buong lugod na aawit ako sa Diyos na aking Diyos!
Parang usang nauuhaw akong sabik sa Maykapal.
SULAT
Roma 6, 3-11
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma
Mga kapatid:
Hindi ba ninyo nalalaman na tayong lahat na nabinyagan kay Kristo Hesus ay nabinyagan sa kanyang kamatayan? Samakatwid, tayo’y namatay at nalibing na kasama niya sa pamamagitan ng binyag upang kung paanong binuhay na muli si Kristo sa pamamagitan ng dakilang kapangyarihan ng Ama, tayo nama’y mabuhay sa isang bagong pamumuhay.
Sapagkat kung nakaisa tayo ni Kristo sa isang kamatayang tulad ng kanyang kamatayan, tiyak na makakaisa niya tayo sa isang muling pagkabuhay tulad ng kayang pagkabuhay. Alam natin na ang dati nating pagkatao ay ipinakong kasama niya upang mamatay ang makasalanang katawan at nang hindi na tayo maalipin pa ng kasalanan. Sapagkat ang namatay na ay pinalaya mula sa kapangyarihan ng kasalanan. Ngunit tayo’y naniniwalang mabubuhay tayong kasama ni Kristo kung namatay tayong kasama niya. Alam nating si Kristo na muling binuhay ay hindi na muling mamamatay. Wala nang kapangyarihan sa kanya ang kamatayan. Nang siya’y mamatay, namatay siya nang minsanan para sa kasalanan, at ang buhay niya ngayo’y para sa Diyos. Kaya dapat ninyong ibilang ang inyong sarili na patay na sa kasalanan datapwa’t buhay naman para sa Diyos sa inyong pakikipag-isa kay Kristo Hesus.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 117, 1-2. 16ab-17. 22-23
Aleluya! Aleluya! Aleluya!
O pasalamatan
ang D’yos na Panginoon, pagkat siya’y mabuti;
ang kanyang pag-ibig
ay napakatatag at mananatili.
Ang taga-Israel,
bayaang sabihi’t kanilang ihayag,
“Ang pag-ibig ng Diyos, ay hindi kukupas.”
Aleluya! Aleluya! Aleluya!
Ang lakas ng Poon,
ang siyang nagdulot ng ating tagumpay
sa pakikibaka sa ating kaaway.
Aking sinasabing
di ako papanaw, mabubuhay ako
upang isalaysay
ang gawa ng Diyos na Panginoon ko.
Aleluya! Aleluya! Aleluya!
Ang batong natakwil
ng nangagtatayo ng tirahang-bahay,
sa lahat ng bato’y higit na mahusay.
Ang lahat ng ito
ang nagpamalas ay ang Panginoong Diyos.
kung iyong mamasdan ay kalugud-lugod.
Aleluya! Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 16, 1-7
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Pagkaraan ng Araw ng Pamamahinga, si Maria Magdalena, si Mariang ina ni Santiago at si Salome ay bumili ng pabango upang ipahid sa bangkay ni Hesus. At nang Linggo ng umaga, pagsikat ng araw, sila’y nagpunta sa libingan. Nag-uusap-usap sila habang nasa daan: “Sino kaya ang ating mapakikiusapang magpagulong ng batong nakatakip sa pintuan ng libingan?” Napakalaki ng batong iyon kaya gayon ang sabi nila. Ngunit nang tanawin nila ang libingan, nakita nilang naigulong na ang bato. Pagpasok nila sa libingan, nakita nilang nakaupo sa gawing kanan ang isang binatang nararamtan ng mahaba at puting damit. At sila’y natakot. “Huwag kayong matakot,” sabi ng lalaki. “Hinahanap ninyo si Hesus, ang taga-Nazaret na ipinako sa krus. Wala na siya rito – siya’y muling nabuhay! Tingnan ninyo ang pinaglagyan sa kanya. Kaya, humayo kayo at sabihin ninyo sa mga alagad, lalo na kay Pedro, na mauuna siya sa inyo sa Galilea. Makikita ninyo siya roon, gaya ng sinabi niya sa inyo.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 10, 34a. 37-43
Pagbasa mula sa mga Gawa ng mga Apostol
Noong mga araw na iyon: Nagsalita si Pedro, “Alam ninyo ang nangyari sa buong Judea na nagsimula sa Galilea nang mangaral si Juan tungkol sa binyag. Ang sinasabi ko’y tungkol kay Hesus na taga-Nazaret. Ipinagkaloob sa kanya ng Diyos ang Espiritu Santo at ang kapangyarihan bilang katunayan na siya nga ang Hinirang. Sapagkat sumasakanya ang Diyos, saanman siya pumaroon ay gumagawa siya ng kabutihan at nagpapagaling sa lahat ng pinahihirapan ng diyablo. Saksi kami sa lahat ng ginawa niya sa lupain ng mga Judio at sa Jerusalem. Gayunman, siya’y ipinako nila sa krus. Ngunit muli siyang binuhay ng Diyos sa ikatlong araw. Napakita siya, hindi sa lahat ng tao kundi sa amin lamang na noon pang una’y pinili na ng Diyos bilang mga saksi. Kami ang nakasama niyang kumain at uminom pagkatapos na siya’y muling mabuhay. Inatasan niya kaming mangaral sa mga tao at magpatotoo na siya ang itinalaga ng Diyos na maging Hukom ng mga buhay at mga patay. Siya ang tinutukoy ng mga propeta nang kanilang ipahayag na bawat mananalig sa kanya ay tatanggap ng kapatawaran sa kanilang mga kasalanan, sa pamamagitan ng kanyang pangalan.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 117, 1-2. 16ab-17. 22-23
Araw ngayon ng Maykapal magalak tayo’t magdiwang.
o kaya: Aleluya!
O pasalamatan
ang Panginoong Diyos, pagkat siya’y mabuti;
ang kanyang pag-ibig
ay napakatatag at mananatili.
Ang taga-Israel,
bayaang sabihi’t kanilang ihayag,
“Ang pag-ibig ng Diyos, ay hindi kukupas.”
Araw ngayon ng Maykapal magalak tayo’t magdiwang.
Ang lakas ng Poon,
ang siyang nagdulot ng ating tagumpay
sa pakikibaka sa ating kaaway.
Aking sinasabing
di ako papanaw, mabubuhay ako
upang isalaysay
ang gawa ng Diyos na Panginoon ko.
Araw ngayon ng Maykapal magalak tayo’t magdiwang.
Ang batong natakwil
ng nangagtatayo ng tirahang-bahay,
sa lahat ng bato’y higit na mahusay.
Ang lahat ng ito
ang nagpamalas ay ang Panginoong Diyos.
Kung iyong mamasdan ay kalugud-lugod.
Araw ngayon ng Maykapal magalak tayo’t magdiwang.
IKALAWANG PAGBASA
Colosas 3, 1-4
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Colosas
Mga kapatid:
Binuhay kayong muli, kasama ni Kristo, kaya’t ang pagsumakitan ninyo ay ang mga bagay na nasa langit na kinaroroonan ni Kristo na nakaupo sa kanan ng Diyos. Isaisip ninyo ang mga bagay na panlangit, hindi ang mga bagay na panlupa, sapagkat namatay na kayo at ang tunay na buhay ninyo’y natatago sa Diyos, kasama ni Kristo. Si Kristo ang tunay na buhay ninyo, at pag siya’y nahayag, mahahayag din kayong kasama niya at makakahati sa kanyang karangalan.
Ang Salita ng Diyos.
o kaya:
1 Corinto 5, 6b-8
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto
Mga kapatid:
Hindi ba ninyo alam ang kasabihang, “Napaaalsa ng kaunting lebadura ang buong masa?” Alisin ninyo ang lumang lebadura, ang kasalanan, upang kayo’y maging malinis. Sa gayon, matutulad kayo sa isang bagong masa na walang lebadura – at ganyan nga kayo. Sapagkat naihandog na ang ating Korderong Pampaskuwa – si Kristo. Kaya’t ipagdiwang natin ang Paskuwa, ngunit hindi sa pamamagitan ng tinapay na may lumang lebadura ng kasamaan at kahalayan, kundi sa pamamagitan ng tinapay na walang lebadura, sagisag ng kalinisan at katapatan.
Ang Salita ng Diyos.
AWIT TUNGKOL SA MABUTING BALITA
Purihin si Hesukristo
hain para sa tao.
Nagligtas na Kordero
nang makasundo tayo
ng Amang Lumikha nitong mundo.
Buhay at kamatayan
kapwa nagtunggalian
at ang nagtagumpay
“Pagkabuhay.”
Ano ba Maria,
ang ‘yong mga nakita?
Puntod ni Kristong nabuhay,
liwanag niya’t kaningningan.
Anghel na malinaw,
kumot at kasuotan.
Buhay si Kristong pag-asa
pupunta s’ya sa Galilea.
Kami’y sumasampalatayang
buhay kang talaga,
Hari ng ligaya,
magbasbas ka.
ALELUYA
1 Corinto 5, 7b-8a
Aleluya! Aleluya!
Si Kristo’y inihain na
pamaskong maamong tupa.
Magsalo tayo sa kanya!
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 20, 1-9
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Madilim-dilim pa nang araw ng Linggo, naparoon na si Maria Magdalena sa libingan. Naratnan niyang naalis na ang batong panakip sa pinto ng libingan. Dahil dito, patakbo siyang pumunta kay Simon Pedro at sa alagad na mahal ni Hesus, at sinabi sa kanila, “Kinuha sa libingan ang Panginoon at hindi namin alam kung saan dinala!” Kaya’t si Pedro at ang nasabing alagad ay nagpunta sa libingan. Kapwa sila tumakbo ngunit si Pedro’y naunahan ng kasamang alagad. Yumuko ito at sumilip sa loob. Nakita niyang nakalagay ang mga kayong lino, ngunit hindi siya pumasok. Kasunod niyang dumating si Simon Pedro at tuloy-tuloy itong pumasok sa libingan. Nakita niya ang mga kayong lino, at ang panyong ibinalot sa ulo. Hindi ito kasama ng mga kayong lino, kundi hiwalay na nakatiklop sa isang tabi. Pumasok din ang alagad na naunang dumating; nakita niya ito at siya’y naniwala. Hindi pa nila nauunawaan ang nasasaad sa Kasulatan, na kailangang muling mabuhay si Hesus.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Daniel 13, 41k-62
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Daniel
Noong mga araw na iyon, ang mga tao ay nagkaisang parusahan ng kamatayan si Susana. Dahil dito, malakas at umiiyak na sinabi ni Susana, “Diyos na Walang Hanggan, nalalaman mo po ang lahat ng lihim at nakikita ang lahat ng bagay bago pa mangyari. Alam mo pong walang katotohanan ang ibinibintang nila sa akin. Hindi ko ginagawa kailanman ang ipinararatang nila sa akin. Bakit ako kailangang mamatay?”
Dininig ng Diyos ang kanyang dalangin. Nang si Susana ay dinadala na sa pagpapatayan sa kanya, isang binatang nagngangalang Daniel ang malakas na tumutol. “Ayokong mapabilang sa magbububo ng dugo ng babaing ito,” sabi niya.
Tinanong siya ng mga tao, “Ano ang ibig mong sabihin, binata?”
Lumapit sa unahan ang binata at nagpatuloy ng pagsasalita, “Mga Israelita, hangal ba kayo at hinatulan ninyo ang babaing ito nang di muna sinisiyasat at maingat na sinasaliksik ang katotohanan? Kailangang ulitin ang paglilitis; walang katotohanan ang katibayang inilahad ng dalawang iyan.”
Nagdudumaling bumalik ang mga tao. Sinabi ng mga pinuno, “Daniel, yamang binigyan ka ng Diyos ng karunungang gaya ng sa isang matanda, halika at sumama ka sa amin sa paghatol sa usaping ito.”
Pagkatapos, nagsalita si Daniel, “Paglayuin ninyo ang dalawang hukom at magkahiwalay ko silang sisiyasatin.” Nang mapaglayo na sila, tinawag ni Daniel ang isa at sinabi, “Matandang walang pinagkatandaan! Inilalantad ka na ng maraming kasalanang ginawa mo. Hindi makatarungan ang mga hatol na iginagawad mo; pinarurusahan mo ang walang kasalanan at pinalalaya ang talagang nagkasala. Di ba sinabi ng Diyos: ‘Huwag ninyong parurusahan ng kamatayan ang walang sala?’ Kung talagang nakita mo ang ipinararatang mo sa babaing ito, sabihin mo sa amin: sa ilalim ng anong puno sila nagtatalik nang matutop ninyo?”
Sumagot siya, “Sa ilalim ng punong hati.”
Sinabi ni Daniel, “A, gayun! Buhay mo ang kapalit ng iyong sagot, pagkat ibinigay na ng Diyos sa kanyang anghel ang parusa mo, at hahatiin ka sa dalawa.”
Inilayo siya roon, at ipinatawag ang kanyang kasama. Paglapit nito, sinabi ni Daniel, “Ikaw naman, anak ni Canaan, hindi ka tunay na Judio. Binihag ng alindog ng babae ang iyong isip at inalipin ng kahalayan ang iyong puso. Alam na namin ngayon ang ginagawa mo sa kababaihan ng Israel. Tinatakot mo sila para pagbigyan ang iyong kahalayan. Subalit narito ang isang babae ng Juda na hindi natakot sa iyong kaimbihan! Sabihin mo: sa ilalim ng anong puno ninyo nakita ang inyong pinagbibintangan?”
At sumagot ang matanda, “Sa ilalim ng punong putol.”
“A, gayun!” pakli naman ni Daniel. “Buhay mo ang katumbas ng kasinungalingang ito, pagkat naghihintay na ang anghel ng Diyos upang putulin ka sa pamamagitan ng tabak.”
Dahil dito, nagsigawan sa tuwa ang lahat ng nakasaksi at nagpuri sila sa Diyos sapagkat inililigtas niya ang mga nagtitiwala sa kanya. Binalingan nila ang dalawang hukom matapos patunayan ni Daniel na sila’y nagsisinungaling at nanumpa nang di totoo. Hinatulan silang mamatay. Ayon sa Kautusan ni Moises, ang nagparatang nang di totoo ay siyang lalapatan ng parusang nakatakda sa kasalanang ipinaratang niya. Naligtas nga sa kamatayan ang isang taong walang kasalanan.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 22, 1-3a. 3b-4. 5. 6
Kahit sa daang madilim, Panginoon ko’y kapiling.
Panginoo’y aking Pastol, hindi ako magkukulang.
Ako’y pinahihimlay sa mainam na pastulan,
at inaakay niya ako sa tahimik na batisan,
binibigyan niya ako niyong bagong kalakasan.
Kahit sa daang madilim, Panginoon ko’y kapiling.
At sang-ayon sa pangako na kaniyang binitiwan
sa matuwid na landasi’y doon ako inaakay.
Kahit na ang daang iyo’y tumatahak sa karimlan,
hindi ako matatakot pagkat ika’y kaagapay;
ang tungkod mo at pamalo ang gabay ko at sanggalang.
Kahit sa daang madilim, Panginoon ko’y kapiling.
Sa harapan ng lingkod mo, ikaw ay may handang dulang,
ito’y iyong ginagawang nakikita ng kaaway;
nalulugod ka sa akin na ulo ko ay langisan
at pati na ang kalis ko ay iyong pinaaapaw.
Kahit sa daang madilim, Panginoon ko’y kapiling.
Tunay na ang pag-ibig mo at ang iyong kabutihan,
sasaaki’t tataglayin habang ako’y nabubuhay;
doon ako sa templo mo lalagi at mananahan.
Kahit sa daang madilim, Panginoon ko’y kapiling.
AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Ezekiel 33, 11
Sinabi ng Poong mahal:
“Di ko nais na mamatay
ang mga makasalanang
nagbabagong-kalooban
upang sila ay mabuhay.”
MABUTING BALITA
Juan 8, 1-11
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, si Hesus ay pumunta sa Bundok ng mga Olibo. Kinaumagaha’y nagbalik siya sa templo. Lumapit sa kanya ang lahat, kaya’t umupo siya at sila’y tinuruan. Noo’y dinala sa kanya ng mga eskriba at ng mga Pariseo ang isang babaing nahuli sa pakikiapid. Pinatayo ito sa harapan nila, at sinabi kay Hesus, “Guro, ang babaing ito’y nahuli sa pakikiapid. Ayon sa Kautusan ni Moises, dapat batuhin hanggang sa mamatay ang mga gaya niya. Ano ang masasabi mo?” Itinanong nila ito upang subukin siya, nang may maisumbong sila laban sa kanya. Ngunit yumuko si Hesus at sumulat sa lupa sa pamamagitan ng daliri. Ayaw nilang tigilan nang katatanong si Hesus, kaya’t sila’y tiningnan niya at sinabi ang ganito, “Sinuman sa inyo na walang kasalanan ang siyang maunang bumato sa kanya.” At muli siyang yumuko at sumulat sa lupa. Nang marinig nila ito, sila’y isa-isang umalis, simula sa pinakamatanda. Walang naiwan kundi si Hesus at ang babaing naroon pa rin sa harapan niya. Tiningnan siya ni Hesus at tinanong: “Nasaan sila? Wala bang nagparusa sa iyo?” “Wala po, Ginoo,” sagot ng babae. Sinabi ni Hesus: “Hindi rin kita parurusahan. Humayo ka, at huwag nang magkasala.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Bilang 21, 4-9
Pagbasa mula sa aklat ng mga Bilang
Noong mga araw na iyon, mula sa Bundok ng Hor, nagpatuloy ang mga Israelita patungong Dagat ng mga Tambo upang lihisan ang Edom. Dahil dito, nainip ang mga tao sa pasikut-sikot na paglalakbay na yaon. Nagreklamo sila kay Moises, “Inialis mo ba kami sa Egipto para patayin sa ilang na ito? Wala kaming makain ni mainom! Sawa na kami sa walang kuwentang pagkaing ito.” Dahil dito, sila’y pinadalhan ng Panginoon ng makamandag na ahas at sinumang matuka nito ay namamatay. Kaya, lumapit sila kay Moises. Sinabi nila “Nagkasala kami sa Panginoon at sa iyo. Idalangin mo sa kanyang paalisin ang mga ahas na ito.” Dumalangin nga si Moises at ganito ang sagot sa kanya ng Panginoon, “Gumawa ka ng isang ahas na tanso. Ilagay mo iyon sa dulo ng isang tikin at sinumang natuklaw ng ahas na tumingin doon ay hindi mamamatay.” Gayun nga ang ginawa ni Moises. Mula noon, lahat ng matuklaw ng ahas ngunit tumingin sa ahas na tanso ay hindi namamatay.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 101, 2-3. 16-18. 19-21
Dinggin mo ang aking dasal, pagsamo ko’y paunlakan.
Dinggin mo, O Poon, ang aking dalangin,
lingapin mo ako sa aking pagdaing;
O huwag ka sanang magkubli sa akin,
lalo sa panahong may dusa’t hilahil.
Pag ako’y tumawag, ako’y iyong dinggin
Sa sandaling iyo’y agad mong sagutin.
Dinggin mo ang aking dasal, pagsamo ko’y paunlakan.
Ang lahat ng bansa sa Poon ay takot,
maging mga hari sa buong sinukob.
Kung iyong itayong pamuli ang Sion,
Ikaw’y mahahayag doon, Panginoon.
Daing ng mahirap ay iyong diringgin,
di mo tatanggihan ang kanilang daing.
Dinggin mo ang aking dasal, pagsamo ko’y paunlakan.
Ito’y matititik upang matunghayan,
Ng sunod na lahing di pa dumaratal;
ikaw nga, O Poon, ay papupurihan.
Mula sa itaas, luklukan mong banal,
ang lahat sa lupa’y iyong minamasdan.
Iyong dinirinig ang pagtataghuyan
ng mga bilanggong ang hatol ay bitay,
upang palayain sa hirap na taglay.
Dinggin mo ang aking dasal, pagsamo ko’y paunlakan.
AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Ang butil na ipinunla
ay ang banal na Salita.
Paghahasik ay ginawa
ng Poong Gurong dakila
upang tana’y sumagana.
MABUTING BALITA
Juan 8, 21-30
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga Pariseo: “Ako’y yayaon; hahanapin ninyo ako, ngunit mamamatay kayo sa inyong mga kasalanan. Hindi kayo makapupunta sa paroroonan ko.” Sinabi ng mga Judio, “Magpapakamatay kaya siya kaya niya sinasabing, ‘Hindi kayo makapupunta sa paroroonan ko?’” Sumagot si Hesus, “Kayo’y taga-ibaba, ako’y taga-itaas. Kayo’y taga-sanlibutang ito, ako’y hindi. Kaya sinabi ko sa inyo na mamamatay kayo sa inyong mga kasalanan. Mamamatay nga kayo sa inyong mga kasalanan kung hindi kayo maniniwalang ‘Ako’y si Ako Nga’. “Sino ka ba?” tanong nila. Sumagot si Hesus, “Ako’y yaong sinabi ko na sa inyo mula pa noong una. Marami akong masasabi at maihahatol laban sa inyo. Ngunit totoo ang sinasabi ng nagsugo sa akin, at ang narinig ko sa kanya ang ipinapahayag ko sa sanlibutan.”
Hindi nila naunawaan na siya’y nagsasalita tungkol sa Ama. Kaya’t sinabi ni Hesus, “Kapag naitaas na ninyo ang Anak ng Tao, malalaman ninyong ‘Ako’y si Ako Nga.’ Wala akong ginagawa sa ganang sarili ko lamang; nagsasalita ako ayon sa itinuturo sa akin ng Ama. At kasama ko ang nagsugo sa akin; hindi niya ako iniiwan, sapagkat lagi kong ginagawa ang nakalulugod sa kanya.” Marami sa nakarinig nito ang naniwala sa kanya.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Daniel 3, 14-20. 91-92. 95
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Daniel
Noong mga araw na iyon, sinabi ni Haring Nabucodnosor: “Sadrac, Mesac, at Abednego, totoo bang hindi kayo sumasamba sa rebultong ipinagawa ko?” tanong ng hari. “Iniuutos ko sa inyong sumamba kayo sa ipinagawa kong rebulto sa sandaling marinig ninyo ang tunog ng mga instrumento. Kung hindi, ipahahagis ko kayo sa naglalagablab na pugon. Tingnan ko lang kung may diyos na makapagliligtas sa inyo.”
Sinabi nina Sadrac, Mesac at Abednego, “Mahal na hari, wala po kaming itututol sa inyo tungkol sa bagay na ito. Gawin ninyo kung iyan ang gusto ninyo. Ang Diyos na aming pinaglilingkuran ang magliligtas sa amin sa pugong iyon at sa inyong kapangyarihan. At kung hindi man niya gawin ito, hindi pa rin kami sasamba sa rebultong ipinagawa ninyo.”
Namula si Haring Nabucodnosor sa tindi ng galit kina Sadrac, Mesac at Abednego. Kaya, iniutos niyang painiting makapitong ibayo ang pugon. Iniutos din niya sa pinakamalalakas niyang tauhan na gapusin sina Sadrac, Mesac at Abednego at ihagis sa apoy.
Walang anu-ano’y napalundag si Haring Nabucodnosor. Pamanhang itinanong niya sa kanyang mga tagapayo, “Hindi ba’t tatlo lamang ang inihagis sa apoy?”
“Opo, kamahalan,” sagot nila.
“Bakit apat ang nakikita kong lalakad-lakad sa apoy at hindi nasunog? At yaong isa, ang tingin ko’y diyos!”
Dahil dito, sinabi ng hari, “Purihin ang Diyos nina Sadrac, Mesac at Abednego! Nagsugo siya ng anghel upang iligtas ang mga lingkod niyang ito na ganap na nanalig sa kanya. Hindi sinunod ng mga ito ang aking utos; ginusto pa nilang sila’y ihagis sa apoy kaysa sumamba sa diyus-diyusan.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Daniel 3, 52. 53. 54. 55. 56
Purihin at ipagdangal ang Diyos magpakailanman.
Pinupuri ka namin, Panginoon;
Diyos ng aming mga ninuno;
karapat-dapat kang ipagdangal at dakilain magpakailanman.
Purihin ang iyong banal at maluwalhating pangalan,
nararapat purihin at ipagdangal magpakailanman.
Purihin at ipagdangal ang Diyos magpakailanman.
Purihin ka sa iyong banal at marangal na tahanan;
lubhang karapat-dapat kang awitan at dakilain magpakailanman.
Purihin at ipagdangal ang Diyos magpakailanman.
Purihin ka, na nakaluklok sa maringal mong trono,
karapat-dapat kang awitan at dakilain magpakailanman.
Purihin at ipagdangal ang Diyos magpakailanman.
Mula sa iyong luklukan sa ibabaw ng mga kerubin,
nakikita mo ang kalaliman, ang daigdig ng mga patay.
Karapat-dapat kang purihin at dakilain magpakailanman.
Purihin at ipagdangal ang Diyos magpakailanman.
Purihin ka sa buong sangkalangitan;
karapat-dapat kang awitan at dakilain magpakailanman.
Purihin at ipagdangal ang Diyos magpakailanman.
AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Lucas 8, 15
Mapalad ang nag-iingat
sa kanyang pusong matapat
ng Salitang nagbubuhat
sa Poong D’yos ng liwanag,
sa t’yaga’y aaning ganap.
MABUTING BALITA
Juan 8, 31-42
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, sinabi ng Hesus sa mga Judiong naniniwala sa kanya, “Kung patuloy kayong susunod sa aking aral, tunay ngang kayo’y mga alagad ko; makikilala ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.” Lahi kami ni Abraham,” tugon nila, “at kailanma’y di kami naalipin ninuman. Paano mo masasabing palalayain kami?” Sumagot si Hesus, “Tandaan ninyo: alipin ng kasalanan ang lahat ng nagkakasala. Ang alipin ay hindi kabilang sa sambahayan sa habang panahon, subalit ang anak ay kabilang magpakailanman. Kapag kayo’y pinalaya ng Anak, tunay nga kayong malaya. Nalalaman kong lahi kayo ni Abraham; gayunma’y pinagsisikapan ninyo akong patayin, sapagkat walang pitak sa inyong puso ang aral ko. Sinasabi ko ang aking nakita sa aking Ama; ginagawa naman ninyo ang inyong narinig sa inyong ama.”
Sumagot sila, “Si Abraham ang aming ama.” “Kung kayo’y mga anak ni Abraham, tutularan ninyo ang kanyang ginawa,” ani Hesus. “Ngunit pinagsisikapan ninyo akong patayin, gayong sinasabi ko lamang ang katotohanang narinig ko sa Diyos. Hindi ganyan ang ginawa ni Abraham. Ang ginagawa ninyo’y tulad ng ginawa ng inyong ama.” “Hindi kami mga anak sa labas,” tugon nila. “Ang Diyos ang aming Ama.” Sinabi ni Hesus, “Kung talagang ang Diyos ang inyong Ama, iibigin ninyo ako, sapagkat nagmula ako sa Diyos. Hindi ako naparito sa ganang sarili ko lamang, kundi sinugo niya ako.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Isaias 7, 10-14; 8, 10
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Noong mga araw na iyon, ipinasabi ng Panginoon kay Acaz: “Humingi ka sa akin ng palatandaan, maging sa kalaliman ng Sheol o sa kaitaasan ng langit.” Sumagot si Acaz: “Hindi po ako hihingi. Hindi ko susubukin ang Panginoon.”
Sinabi ni Isaias:
“Pakinggan mo, sambahayan ni David,
Kulang pa ba ang galitin ninyo ang mga tao
Na pati ang aking Diyos ay inyong niyayamot?
Kaya nga’t ang Panginoon na rin ang magbibigay ng palatandaan:
Maglilihi ang isang dalaga
At manganganak ng lalaki
At ito’y tatawaging Emmanuel.
Sapagkat ang Diyos ay sumasaatin.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 39, 7-8a. 8b-9. 10. 11
Handa akong naririto upang sundin ang loob mo.
Ang mga paghandog, pati mga hain,
at mga hayop na handang sunugin
hindi mo na ibig sa dambana dalhin,
upang yaong sala’y iyong patawarin;
sa halip, ang iyong kaloob sa akin
ay ang pandinig ko upang ika’y dinggin.
Handa akong naririto upang sundin ang loob mo.
Kaya ang tugon ko, “Ako’y naririto;
nasa kautusan ang mga turo mo.
Ang nais kong sundi’y iyong kalooban;
aking itatago sa puso ang aral.”
Handa akong naririto upang sundin ang loob mo.
Ang pagliligtas mo’y aking inihayag
saanman magtipon ang ‘yong mga anak;
di ako titigil ng pagpapahayag.
Handa akong naririto upang sundin ang loob mo.
Ang pagliligtas mo’y ipinagsasabi,
di ko inilihim sa aking sarili;
pati pagtulong mo’t pag-ibig na tapat,
sa mga lingkod mo’y isinisiwalat.
Handa akong naririto upang sundin ang loob mo.
IKALAWANG PAGBASA
Hebreo 10, 4-10
Pagbasa mula sa sulat sa mga Hebreo
Mga kapatid, ang dugo ng mga toro at ng mga kambing ay hindi makapapawi ng mga kasalanan.
Dahil diyan, nang si Kristo’y manaog sa sanlibutan, sinabi niya sa Diyos,
“Ang mga hain at handog na mga hayop ay hindi mo ibig, kaya’t inihanda mo ang aking katawan upang maging hain.
Hindi mo kinalugdan ang mga handog na susunugin at ang mga handog dahil sa kasalanan.
Kaya’t aking sinabi, ‘Narito ako, O Diyos, upang tupdin ang iyong kalooban’ —
Ayon sa nasusulat sa Kasulatan tungkol sa akin.”
Sinabi muna niya, “Hindi mo inibig o kinalugdan ang mga hain at handog na mga hayop, mga handog na susunugin at mga handog dahil sa kasalanan” – bagamat ito’y inihahandog ayon sa Kautusan. Saka niya sinabi, “Narito ako upang tupdin ang iyong kalooban.” Inalis ng Diyos ang unang handog at pinalitan ng handog ni Kristo. At dahil sa kanyang pagsunod sa kalooban ng Diyos, nilinis tayo ni Hesukristo sa ating mga kasalanan sa pamamagitan ng minsang paghahandog ng kanyang sarili at iyo’y sapat na.
Ang Salita ng Diyos.
AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Juan 1, 14ab
Purihin ang Poong Hesus,
salita ng Amang Diyos,
mula sa langit nanaog.
Naging tao sa pagsakop
sa sala ng sansinukob.
MABUTING BALITA
Lucas 1, 26-38
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, ang anghel Gabriel ay sinugo ng Diyos sa Nazaret, Galilea, sa isang dalaga na ang pangala’y Maria. Siya’y nakatakdang ikasal kay Jose, isang lalaki buhat sa lipi ni Haring David. Paglapit ng anghel sa kinaroroonan ng dalaga, binati niya ito. “Matuwa ka! Ikaw ay kalugud-lugod sa Diyos,” wika niya. “Sumasaiyo ang Panginoon!” Nagulumihanan si Maria sa gayong pangungusap, at inisip niyang mabuti kung ano ang kahulugan niyon. Kaya’t sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Maria, sapagkat kinalulugdan ka ng Diyos. Makinig ka! Ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang lalaki, at siya’y tatawagin mong Hesus. Magiging dakila siya, at tatawaging Anak ng Kataas-taasan. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang amang si David. Maghahari siya sa angkan ni Jacob magpakailanman, at ang kanyang paghahari ay walang hanggan.”
“Paanong mangyayari ito, gayong ako’y dalaga?” tanong ni Maria. Sumagot ang anghel, “Bababa sa iyo ang Espiritu Santo, at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan. Kaya’t banal ang ipanganganak mo at tatawaging Anak ng Diyos. Natatandaan mo ang iyong kamag-anak na si Elisabet? Alam ng lahat na siya’y baog, ngunit naglihi siya sa kabila ng kanyang katandaan. At ngayo’y ikaanim na buwan na ng kanyang pagdadalantao – sapagkat walang hindi mapangyayari ang Diyos.”
Sumagot si Maria, “Ako’y alipin ng Panginoon. Mangyari sa akin ang iyong sinabi.” At nilisan siya ng anghel.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Jeremias 20, 10-13
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Jeremias
Naririnig kong nagbubulungan ang karamihan.
Tinagurian nila akong “Kilabot saanman.”
Sinabi nila, “Isuplong natin! Isuplong natin!”
Pati matatalik kong kaibiga’y naghahangad ng aking kapahamakan.
Wika pa nila, “Marahil ay malilinlang natin siya;
pagkatapos, dakpin natin at paghigantihan.”
Subalit ikaw’y nasa panig ko, Panginoon, malakas ka’t makapangyarihan;
Madarapa ang lahat ng umuusig sa akin, hindi sila magtatagumpay kailanman.
Mapapahiya sila sapagkat hindi sila magwawagi.
Mapapahiya sila habang panahon, at ito’y hindi na makakalimutan.
Makatarungan ka kung sumubok sa mga tao,
Panginoon, Diyos na Makapangyarihan,
alam mo ang laman ng kanilang mga puso’t isip.
Kaya’t ikaw ang maghiganti sa mga kaaway ko, ipinagkakatiwala ko sa mga kamay mo ang aking kapakanan.
Awitan ninyo ang Panginoon, inyong purihin ang Panginoon
sapagkat inililigtas niya ang mga apo mula sa kamay ng mga gumagawa ng masama.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 17, 2-3a. 3bk-4. 5-6. 7
Sa kahirapa’y humibik, at ako’y iyong dininig.
O Panginoon kong aking kalakasan,
minamahal kita nang tunay na tunay.
Panginoo’y batong hindi matitibag,
matibay kong muog at Tagapagligtas.
Sa kahirapa’y humibik, at ako’y iyong dininig.
D’yos ko ang sa akin ay s’yang nag-iingat,
Tagapagtanggol ko at aking kalasag.
Sa ‘yo, Panginoon, ako’y tumatawag,
sa mga kaaway ako’y ‘yong iligtas.
Sa kahirapa’y humibik, at ako’y iyong dininig.
Gapos ako ng tali ng kamatayan;
siniklot ng alon ng kapahamakan.
Nabibingit ako sa kamatayan,
nakaumang na sa labi ng libingan.
Sa kahirapa’y humibik, at ako’y iyong dininig.
Kaya’t ang Poon ay tinawag ko;
sa aking kahirapan, humingi ng saklolo.
Mula sa templo n’ya, tinig ko’y narinig,
umabot sa kanya ang aking paghibik.
Sa kahirapa’y humibik, at ako’y iyong dininig.
AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Juan 6, 63k. 68k
Salita mo, Kristong mahal,
Espiritung bumubuhay,
nagtuturo’t umaakay
sa nagnanais makamtan
ang langit na walang hanggan.
MABUTING BALITA
Juan 10, 31-42
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, ang mga Judio’y kumuha ng bato upang batuhin si Hesus. Kaya’t sinabi sa kanila ni Hesus:
“Maraming mabubuting gawa mula sa Ama ang ipinakita ko sa inyo; alin ba sa mga ito ang dahilan at ako’y inyong babatuhin?” Sinagot siya ng mga Judio, “Hindi dahil sa mabuting gawa kaya ka namin babatuhin, kundi dahil sa paglapastangan mo sa Diyos! Sapagkat nagpapanggap kang Diyos gayong tao ka lang.” Tumugon si Hesus, “Hindi ba nasusulat sa inyong Kautusan, ‘Sinabi ko, Mga diyos kayo?’ Mga diyos ang tawag ng Kautusan sa mga pinagkatiwalaan ng salita ng Diyos, at hindi maaaring tanggihan ang sinasabi ng Kasulatan. Ako’y hinirang at sinugo ng Ama; paano ninyong masasabi ngayon na nilalapastangan ko ang Diyos sa sinabi kong ako ang Anak ng Diyos? Kung hindi ko ginagawa ang mga ipinagagawa ng aking Ama, huwag ninyo akong paniwalaan. Ngunit kung ginagawa ko iyon, paniwalaan ninyo ang aking mga gawa, kung ayaw man ninyo akong paniwalaan. Sa gayun, matitiyak ninyong nasa akin ang Ama at ako’y nasa kanya.”
Tinangka na naman nilang dakpin siya, ngunit siya’y nakatalilis. Muling pumunta si Hesus sa ibayo ng Jordan, sa pook na noong una’y pinagbibinyagan ni Juan. Nanatili siya roon, at maraming lumapit sa kanya. Sinabi nila, “Si Juan ay walang ginawang kababalaghan, ngunit totoong lahat ang sinabi niya tungkol sa taong ito.” At doo’y maraming sumampalataya kay Hesus.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Ezekiel 37, 21-28
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Ezekiel
Ito ang ipinasasabi ng Panginoon: “Titipunin ko ang mga Israelita mula sa mga dakong kinatapunan nila upang ibalik sila sa sarili nilang bayan. Sila’y pag-iisahin ko na lamang. Isa lamang ang magiging hari nila; hindi na sila mahahati, sila’y gagawin kong isa na lamang kaharian. Hindi na sila sasamba sa diyus-diyusan ni gagawa ng kasuklam-suklam na mga bagay o anumang paglabag. Hindi na sila tatalikod sa akin. Lilinisin ko sila. Sila ang magiging bayan ko at ako ang magiging Diyos nila. Isang tulad ng lingkod kong si David ang magiging hari nila. Susundin na nilang mabuti ang aking mga utos at tuntunin. Sila’y doon na maninirahan sa lupaing tinirhan ng kanilang mga ninuno, sa lupaing ibinigay ko kay Jacob. Sila, at ang kanilang mga anak at magiging anak ng mga anak ay doon mananatili habang panahon. Isang haring tulad ni David na aking lingkod ang magiging pinuno nila magpakailanman. Gagawa ako ng isang tipan sa kanila. Ito ay tipan ng kapayapaan at mamamalagi magpakailanman. Pagpapalain ko sila at pararamihin. Itatayo ko sa kalagitnaan nila ang aking Templo. Ako’y mananatiling kasama nila magpakailanman. Ako ang magiging Diyos nila, sila ay magiging bayan ko. At kung mananatili sa kalagitnaan nila ang aking Templo, malalaman ng lahat ng bansa na akong Panginoon ang humirang sa Israel upang maging akin.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Jeremias 31, 10. 11-12ab. 13
Pumapatnubay na Diyos ay Pastol na kumukupkop.
Mga bansa, pakinggan ninyo ang sabi ng Poon,
at ipahayag ninyo sa malalayong lupain:
“Pinapangalat ko ang mga anak ni Israel, ngunit sila’y muli kong
titipunin at aalagaan,
gaya ng pagbabantay ng isang pastol
sa kanyang mga tupa.”
Pumapatnubay na Diyos ay Pastol na kumukupkop.
Sapagkat tinubos ng Poon si Jacob,
at pinalaya sa kapangyarihan ng
kaaway na lubhang makapangyarihan at malakas.
Aakyat silang nagsisigawan sa tuwa
patungo sa Bundok ng Sion,
tigib ng kaligayahan dahil sa mga pagpapala ng Poon.
Pumapatnubay na Diyos ay Pastol na kumukupkop.
Kung magkagayon, sasayaw sa katuwaan ang mga dalaga,
makikigalak pati mga binata’t matatanda;
ang kanilang dalamhati ay magiging tuwa,
papalitan ko ng kagalakan
ang kanilang kalungkutan.
Pumapatnubay na Diyos ay Pastol na kumukupkop.
AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Ezekiel 18, 31
Sinabi ng Poong mahal:
“Kasamaan ay layuan,
kasalana’y pagsisihan;
kayo ay magbagong-buhay,
magbalik-loob na tunay.”
MABUTING BALITA
Juan 11, 45-56
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, marami sa mga Judiong dumalaw kay Maria ang nakakita sa ginawa ni Hesus, at nanalig sa kaniya. Ngunit ang ilan sa kanila’y pumunta sa mga Pariseo at ibinalita ang ginawa ni Hesus. Kaya’t tinipon ng mga punong saserdote at ng mga Pariseo ang mga kagawad ng Sanedrin.
“Ano ang gagawin natin?” wika nila. “Gumagawa ng maraming kababalaghan ang taong ito. Kung siya’y pababayaan natin, mananampalataya sa kanya ang lahat. Paririto ang mga Romano at wawasakin ang Templo at ang ating bansa.” Ngunit isa sa kanila, si Caifas, ang pinakapunong saserdote noon ay nagsabi ng ganito: “Ano ba kayo? Hindi ba ninyo naiisip na mas mabuti para sa atin na isang tao lamang ang mamatay alang-alang sa bayan, sa halip na mapahamak ang buong bansa?” Sinabi niya ito hindi sa ganang kanyang sarili lamang. Bilang pinakapunong saserdote ng panahong iyon, hinulaan niyang mamamatay si Hesus dahil sa bansa – at hindi dahil sa bansang iyon lamang, kundi upang tipunin ang nagkawatak-watak na mga anak ng Diyos. Mula noon, binalangkas na nila kung paano ipapapatay si Hesus, kaya’t hindi na siya hayagang naglakad sa Judea. Sa halip, siya’y nagpunta sa Efraim, isang bayang malapit sa ilang. At doon siya nanirahang kasama ng kanyang mga alagad.
Nalalapit na ang Pista ng Paskuwa. Maraming taga-lalawigang pumunta sa Jerusalem bago mag-Paskuwa upang isagawa ang paglilinis ayon sa Kautusan. Hindi nila nakita si Hesus sa templo, kaya’t nagtanungan sila, “Ano sa akala ninyo? Paririto kaya sa pista o hindi?” Ipinag-utos ng mga punong saserdote at ng mga Pariseo na ituro ng sinumang nakaaalam kung nasaan si Hesus upang siya’y maipadakip nila.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
MABUTING BALITA
Marcos 11, 1-10
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Malapit na sina Hesus sa Jerusalem – nasa gulod ng Bundok ng mga Olibo at natatanaw na ang mga bayan ng Betfage at Betania. Pinauna ni Hesus ang dalawa sa mga alagad, at sinabi sa kanila, “Pumunta kayo sa susunod na nayon. Sa pagpasok doo’y makikita ninyong nakatali ang isang bisirong asno na hindi pa nasasakyan ninuman. Kalagin ninyo at dalhin dito. Kapag may nagtanong kung bakit ninyo kinakalag iyon, sabihin ninyong kailangan ito ng Panginoon, at ibabalik din agad dito.” Kaya’t lumakad na sila, at natagpuan nga nila ang asno sa tabi ng daan, nakatali sa may pintuan ng isang bahay. Nang kinakalag na nila ang hayop, tinanong sila ng ilan sa mga nakatayo roon, “Bakit ninyo kinakalag iyan?” Sumagot sila gaya ng bilin sa kanila ni Hesus, at hinayaan silang umalis. Dinala nila kay Hesus ang bisirong asno, at matapos isapin sa likod nito ang kanilang mga balabal, ito’y sinakyan ni Hesus. Maraming naglatag ng kanilang mga balabal sa daan; ang iba nama’y pumutol ng madahong sanga ng kahoy at siyang inilatag sa daan. Ang mga tao sa unahan at hulihan niya’y sumisigaw ng: “Hosanna! Pagpalain ang dumarating sa pangalan ng Panginoon! Pagpalain nawa ang kaharian ng ating amang si David, na muling itinatatag! Purihin ang Panginoon!”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Isaias 50, 4-7
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Ang Makapangyarihang Panginoon
ang nagturo sa akin ng sasabihin ko,
para tulungan ang mahihina.
Tuwing umaga’y
kanyang binubuksan ang aking pandinig.
Nananabik akong malaman
kung ano ang ituturo niya sa akin.
Binigyan niya ako ng pang-unawa,
hindi ako naghimagsik ni tumalikod sa kanya.
Hindi ako tumutol
nang bugbugin nila ako,
hindi ako kumibo
nang ako’y kanilang insultuhin.
Pinabayaan ko silang bunutin
ang buhok ko’t balbas,
gayon din nang lurhan nila ako sa mukha.
Ang mga pagdustang ginawa nila’y
di ko pinapansin,
pagkat ang Makapangyarihang Panginoon
ang tumutulong sa akin.
Handa akong magtiis
na sampaling parang bato
pagkat aking batid
na ang sarili ko’y di mapapahiya.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 21, 8-9. 17-18a. 19-20. 23-24
D’yos ko! D’yos ko! Bakit naman ako’y ‘yong pinabayaan.
Bawat taong makakita’y umiiling, nanunukso,
palibak na nagtatawa’t sinasabi ang ganito:
“Nagtiwala siya sa Diyos, ngunit hindi siya pansin,
kung talagang minamahal, bakit hindi intindihin?”
D’yos ko! D’yos ko! Bakit naman ako’y ‘yong pinabayaan.
May pangkat ng mga buhong na sa aki’y pumaligid,
para akong nasa gitna niyong asong mababangis,
mga kamay ko at paa’y butas sa pakong matulis
ang buto ng katawan ko ay mabibilang sa masid.
D’yos ko! D’yos ko! Bakit naman ako’y ‘yong pinabayaan.
Pinaghati-hati nila ang damit ko sa katawan,
ang hinubad na tunika’y dinaan sa sapalaran.
H’wag mo akong ulilahin, h’wag talikdan, Panginoon,
O aking Tagapagligtas, bilisan mo ang pagtulong.
D’yos ko! D’yos ko! Bakit naman ako’y ‘yong pinabayaan.
Ang lahat ng ginawa mo’y ihahayag ko sa lahat,
sa gitna ng kapulunga’y pupurihin kitang ganap.
Purihin ang Panginoon ng lahat ng kanyang lingkod,
Siya’y inyong dakilain, kayong angkan ni Jacob;
ikaw bayan ng Israel ay sumamba at maglingkod.
D’yos ko! D’yos ko! Bakit naman ako’y ‘yong pinabayaan.
IKALAWANG PAGBASA
Filipos 2, 6-11
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Filipos
Si Kristo Hesus, bagamat siya’y Diyos ay hindi nagpilit na manatiling kapantay ng Diyos, bagkus hinubad niya ang lahat ng katangian ng pagka-Diyos, nagkatawang-tao at namuhay na isang alipin. Nang maging tao, siya’y nagpakababa at naging masunurin hanggang kamatayan, oo, hanggang kamatayan sa krus. Kaya naman, siya’y itinampok ng Diyos at binigyan ng pangalang higit sa lahat ng pangalan. Anupa’t ang lahat ng nilalang na nasa langit, nasa lupa, at nasa ilalim ng lupa ay maninikluhod at sasamba sa kanya. At ipapahayag ng lahat na si Hesukristo ang Panginoon, sa ikararangal ng Diyos Ama.
Ang Salita ng Diyos.
AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Filipos 2, 8-9
Masunuring Kristo Hesus
naghain ng buhay sa krus,
kaya’t dinakila ng D’yos
binigyan ng ngalang tampok
sa langit at sansinukob.
MABUTING BALITA
Marcos 14, 1 – 15, 47
Ang Pagpapakasakit ng ating Panginoong Hesukristo ayon kay San Marcos
Dalawang araw na lamang at Pista na ng Paskuwa at ng Tinapay na Walang Labadura. Ang mga punong saserdote at ang mga eskriba ay naghahanap ng paraan upang lihim na maipadakip si Hesus at maipapatay. Sinabi nila, “Ngunit huwag sa kapistahan, baka magkagulo ang mga tao.”
Noo’y nasa Betania si Hesus, sa bahay ni Simong ketongin. Samantalang siya’y kumakain, dumating ang isang babaing may dalang sisidlang alabastro na puno ng mamahaling pabango – ito’y dalisay na nardo. Binasag niya ang sisidlan at ang pabango’y ibinuhos sa ulo ni Hesus. Nagalit ang ilang naroroon, at sila’y nag-usap-usap, “Ano’t inaksiya ang pabango? Maipagbibili sana iyon nang higit pa sa tatlong daang denaryo, at maibibigay sa mga dukha ang pinagbilhan!” At sinisi nila ang babae. Ngunit sinabi ni Hesus, “Bakit ninyo siya ginugulo? Pabayaan ninyo siya! Mabuti ang ginawa niyang ito sa akin. Habang panaho’y kasama ninyo ang mga dukha, at anumang oras na inyong ibigin ay magagawan ninyo sila ng mabuti. Ngunit ako’y hindi ninyo kasama sa habang panahon. Ginawa niya ang kanyang makakaya – hindi pa ma’y binusan na niya ng pabango ang aking katawan bilang paghahanda sa paglilibing sa akin. Sinasabi ko sa inyo: saanman ipangaral ang Mabuting Balita, mababanggit din naman ang ginawa niyang ito bilang pag-aalaala sa kanya.”
Si Judas Iscariote, isa sa Labindalawa, ay pumunta sa mga punong saserdote upang ipagkanulo si Hesus. Natuwa sila nang marinig ang gayon at nangakong bibigyan siya ng salapi. Mula noo’y humanap na si Judas ng pagkakataon upang maipagkanulo si Hesus.
Unang araw ng Pista ng Tinapay na Walang Lebadura, araw ng pagpatay ng kordero para sa Paskuwa. Tinanong si Hesus ng kanyang mga alagad, “Saan po ninyo ibig na ipaghanda namin kayo ng Hapunang Pampaskuwa?” Inutusan niya ang dalawa sa kanyang mga alagad. “Pumunta kayo sa bayan. May masasalubong kayong isang lalaki na may dalang isang bangang tubig. Sundan ninyo siya sa bahay na kanyang papasukan at sabihin ninyo sa may-ari, ‘Ipinatatanong po ng Guro kung saang silid siya maaaring kumain ng Hapunang Pampaskuwa, kasalo ng kanyang mga alagad.’ At ituturo niya sa inyo ang isang malaking silid sa itaas na mayroon nang kagamitan. Doon kayo maghanda para sa atin.” Nagtungo sa bayan ang mga alagad at natagpuan nga nila roon ang lahat, gaya ng sinabi niya sa kanila. At inihanda nila ang Hapunang Pampaskuwa.
Kinagabiha’y dumating si Hesus, kasama ang Labindalawa. Nang sila’y kumakain na, sinabi ni Hesus: ”Tandaan ninyo ito: isa sa inyo na kasalo ko’y magkakanulo sa akin.” Nanlumo ang mga alagad, at isa’t isa’y nagtanong sa kanya, “Ako po ba Panginoon?” Sumagot siya, “Isa sa inyo na kasalo ko sa pagsawsaw ng tinapay sa mangkok. Papanaw ang Anak ng Tao, ayon sa nasusulat, ngunit sa aba ng taong magkakanulo sa kanya! Mabuti pa sa taong yaon ang hindi na ipinanganak.”
Samantalang sila’y kumakain, dumampot ng tinapay si Hesus, at matapos magpasalamat sa Diyos ay kanyang pinaghati-hati at ibinigay sa mga alagad. “Kunin ninyo; ito ang aking katawan,” wika niya. Hinawakan niya ang kalis, at matapos magpasalamat ay ibinigay sa kanila; at uminom silang lahat. Sinabi niya, “Ito ang aking dugo ng tipan, ang dugong mabubuhos dahil sa marami. Sinasabi ko sa inyo, hindi na ako iinom ng alak na mula sa ubas hanggang sa araw na inumin ko ang bagong alak sa kaharian ng Diyos.” Umawit sila ng isang imno, at pagkatapos nagtungo sa Bundok ng mga Olibo.
Sinabi ni Hesus sa kanila, “Ako’y iiwan ninyong lahat, sapagkat nasasaad sa Kasulatan, ‘Papatayin ko ang pastol, at mangangalat ang mga tupa,’ Ngunit pagkatapos na ako’y muling mabuhay, mauuna ako sa inyo sa Galilea.” Sumagot si Pedro, “Kahit na po iwan kayo ng lahat, hindi ko kayo iiwan.” “Tandaan mo,” sabi ni Hesus sa kanya, “sa gabi ring ito, bago tumilaok nang makalawa ang manok ay makaitlo mo akong itatatwa.” Subalit matigas na sinabi ni Pedro, “Kahit ako’y pataying kasama ninyo, hindi ko kayo itatatwa.” Gayon din ang sabi ng ibang alagad.
Dumating sila sa isang lugar na tinatawag na Getsemani. Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Dito muna kayo at mananalangin ako.” Ngunit isinama niya si Pedro, Santiago at Juan. At nagsimulang mabagabag at maghirap ang kanyang kalooban. Sinabi niya sa kanila, “Ang puso ko’y tigib ng hapis at halos ikamatay ko! Maghintay kayo rito at magbantay.” Pagkalayo nang kaunti, siya’y nagpatirapa at nanalangin na kung maaari’y huwag nang dumating sa kanya ang oras ng paghihirap. “Ama, Ama ko!” wika niya, “mapangyayari mo ang lahat ng bagay. Alisin mo sa akin ang kalis na ito ng paghihirap. Gayunma’y huwag ang kalooban ko kundi ang kalooban mo ang masunod.”
Nagbalik siya at dinatnan niyang natutulog ang tatlong alagad. Sinabi niya kay Pedro, “Natutulog ka, Simon? Hindi ka ba makapagbantay kahit isang oras man lang? Magpuyat kayo at manalangin upang huwag kayong madaig ng tukso. Ang espiritu’y nakahanda, ngunit ang laman ay mahina.”
Muling lumayo si Hesus at nanalangin, at ang dati niyang kahilingan ang siyang sinambit. Nagbalik siyang muli sa kanyang mga alagad at naratnan na namang natutulog, sapagkat sila’y antok na antok. At hindi nila malaman kung ano ang kanilang sasabihin sa kanya.
Sa ikatlong pagbabalik niya ay kanyang sinabi sa kanila, “Tulog pa ba kayo hanggang ngayon? Kayo ba’y namamahinga pa? Tama na! Dumating na ang oras na ang Anak ng Tao’y ipagkakanulo sa masasama. Tayo na’t narito na ang magkakanulo sa akin!”
Nagsasalita pa si Hesus nang dumating si Judas, isa sa Labindalawa, na kasama ng maraming taong may mga dalang tabak at pamalo. Inutusan sila ng mga punong saserdote, ng mga eskriba at ng matatanda ng bayan. Ang taksil ay nagbigay sa kanila ng isang hudyat: “Ang hagkan ko – iyon ang inyong hinahanap. Siya’y dakpin ninyo at dalhin, ngunit bantayang mabuti.”
Pagdating ni Judas, agad siyang lumapit kay Hesus, “Guro!” ang bati niya, sabay halik. At sinunggaban si Hesus ng mga tao at dinakip. Nagbunot ng tabak ang isa sa mga naroon, at tinaga ang alipin ng pinakapunong saserdote, at natigpas ang tainga niyon. At sinabi ni Hesus sa mga tao, “Tulisan ba ako at naparito kayong may mga dalang tabak at pamalo upang ako’y dakpin? Araw-araw ako’y nagtuturo sa templo at naroon din kayo, ngunit hindi ninyo ako dinakip. Subalit kailangang matupad ang sinasabi ng Kasulatan!” Nagsitakas ang mga alagad at iniwan siya.
Sinundan siya ng isang binatang walang damit sa katawan maliban sa balabal niyang kayong lino. Sinunggaban siya ng mga tao, ngunit iniwan niya ang kanyang balabal at tumakas na walang kadamit-damit.
At dinala nila si Hesus sa bahay ng pinakapunong saserdote; doo’y nagkatipon ang lahat ng punong saserdote, ang matatanda ng bayan, at ang mga eskriba. Si Pedro’y sumunod sa kanya, ngunit malayo ang agwat. Nagtuloy siya hanggang sa patyo ng bahay ng pinakapunong saserdote, naupo sa tabi ng apoy at nagpainit na kasama ng mga bantay. Ang mga punong saserdote at ang buong Sanedrin ay naghahanap ng maipararatang kay Hesus upang maipapatay siya, ngunit wala silang makuha. Maraming saksi ang nagsabi ng kasinungalingan laban sa kanya, ngunit hindi nagkaisa ang kanilang mga patotoo.
May ilang sumaksi laban sa kanya at nagsabi ng ganitong kasinungalingan: “Narinig naming sinabi niya, ‘Gigibain ko ang templong ito na gawa ng tao, at sa loob ng tatlong araw ay magtatayo ako ng iba na di gawa ng tao.’” Gayunma’y hindi pa rin nagkaisa ang kanilang mga patotoo.
Tumindig ang pinakapunong saserdote sa harap ng kapulungan, at tinanong si Hesus, “Ano ang masasabi mo sa paratang nila sa iyo? Bakit di ka sumagot?” Ngunit hindi umimik si Hesus; hindi siya nagsalita gaputok man. Muli siyang tinanong ng pinakapunong saserdote: “Ikaw ba ang Mesiyas, ang Anak ng Kataastaasan?” “Ako nga,” sagot ni Hesus. “At makikita ninyo ang Anak ng Tao, na nakaupo sa kanan ng Makapangyarihan sa lahat. At makikita ninyong siya’y dumarating, nasa alapaap ng langit.” Winasak ng pinakapunong saserdote ang sariling kasuotan, at sinabi, “Hindi na natin kailangan ang mga saksi! Kayo na ang nakarinig ng kanyang kalapastanganan sa Diyos! Ano ang pasya ninyo?” Ang hatol nilang lahat ay kamatayan.
At niluran siya ng ilan, piniringan at pinagsusuntok, kasabay ng wikang “Hulaan mo nga, sino ang sumuntok sa iyo?” at pinagsasampal siya ng mga bantay.
Si Pedro nama’y naroon pa sa ibaba, sa patyo, nang dumating ang isa sa mga alila ng pinakapunong saserdote. Nakita ng babaing ito si Pedro na nagpapainit sa apoy, at kanyang pinagmasdang mabuti. “Kasama ka rin ng Hesus na iyang taga-Nazaret!” sabi niya. Ngunit tumanggi si Pedro. “Hindi ko nalalaman… hindi ko nauunawaan ang sinasabi mo,” sagot niya. At siya’y lumabas sa pasilyo at tumilaok ang manok. Nakita na naman siya roon ng alilang babae at sinabi sa mga naroon, “Ang taong ito’y isa sa kanila!” Ngunit itinatwa na naman ito ni Pedro. Makalipas ang ilang sandali’y sinabi na naman kay Pedro ng mga nakatayo roon, “Talagang isa ka sa kanila. Taga-Galilea ka rin!” “Sumpain man ako ng langit, talagang hindi ko nakikilala ang taong iyan!” sagot ni Pedro. Siyang namang pagtilaok ng manok. Naalaala ni Pedro ng sinabi sa kanya ni Hesus, “Bago tumilaok nang makalawa ang manok ay makaitlo mo akong itatatwa.” At siya’y nanangis.
Kinaumagahan, nagpulong agad ang mga punong saserdote, ang matatanda ng bayan, ang mga eskriba, at ang iba pang bumubuo ng Sanedrin. Ipinagapos nila si Hesus, at dinala kay Pilato. “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” tanong sa kanya ni Pilato. “Kayo na ang nagsasabi,” tugon naman ni Hesus. Nagharap ng maraming sumbong ang mga punong saserdote laban kay Hesus, kaya’t siya’y muling tinanong ni Pilato, “Wala ka bang isasagot? Narinig mo ang dami ng kanilang sumbong laban sa iyo.” Ngunit hindi na tumugon pa si Hesus, kaya’t nagtaka si Pilato.
Tuwing Pista ng Paskuwa ay nagpapalaya si Pilato ng isang bilanggo – sinuman ang hilingin sa kanya ng taong-bayan. Nakabilanggo noon ang isang lalaking nagngangalang Barrabas, kasama ng ibang naghimagsik at nakapatay nang nagdaang himagsikan. Lumapit ang mga tao at hiniling kay Pilato na isagawa na ang kanyang kinaugaliang pagpapalaya ng isang bilanggo. “Ibig ba ninyong palayain ko ang Hari ng mga Judio?” tanong niya sa kanila. Alam ni Pilato na inggit ang nag-udyok sa mga punong saserdote na dalhin sa kanya si Hesus. Ngunit ang mga tao’y sinulsulan ng mga punong saserdote na si Barrabas ang hilinging palayain. “Kung gayon, ano ang gagawin ko sa taong ito na tinatawag ninyong Hari ng mga Judio?” tanong uli ni Pilato. “Ipako sa krus!” sigaw ng mga tao. “Bakit, ano ba ang kasalanan niya?” ani Pilato. Ngunit lalo pang sumigaw ang mga tao, “Ipako siya sa krus!” Sa paghahangad ni Pilato na pagbigyan ang mga tao, pinalaya niya si Barrabas. Si Hesus ay kanyang ipinahagupit at ibinigay sa kanila upang ipako sa krus.
Dinala ng mga kawal si Hesus sa pretoryo, ang tirahan ng gobernador, at kanilang tinipon ang buong batalyon. Sinuutan nila si Hesus ng isang balabal na purpura. Kumuha sila ng halamang matinik, ginawang korona at ipinutong sa kanya. At sila’y patuyang nagpugay at bumati sa kanya: “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!” Siya’y pinaghahampas nila ng tambo sa ulo, pinaglulurhan, at palibak na niluhud-luhuran. At matapos kutyain, siya’y inalisan nila ng balabal, sinuutan ng sariling damit, at inilabas upang ipako sa krus.
Nasalubong nila ang isang lalaking galing sa bukid, si Simon na taga-Cirene, ama nina Alejandro at Rufo. Pilit nilang ipinapasan sa kanya ang krus ni Hesus. At kanilang dinala si Hesus sa lugar na kung tawagi’y Golgota – ibig sabihi’y “Pook ng Bungo.” Binigyan nila siya ng alak na may kahalong mira, ngunit hindi niya ininom. Ipinako siya sa krus, at nagsapalaran sila upang malaman kung alin sa kanyang mga damit ang mapupunta sa bawat isa. Ikasiyam ng umaga nang ipako nila sa krus si Hesus. Sa itaas ng krus isinulat ang sakdal laban sa kanya, “Ang Hari ng mga Judio.” Dalawang tulisan ang kasabay niyang ipinako sa krus – isa sa kanan niya at isa sa kaliwa. Sa gayo’y natupad ang nasasaad sa Kasulatan: “Ibinilang siya sa mga salarin.”
Nilibak siya ng mga nagdaraan, na tatangu-tangong nagsabi, “Di ba ikaw ang gigiba ng templo at muling magtatayo nito sa loob ng tatlong araw? Iligtas mo ngayon ang iyong sarili! Bumaba ka sa krus!” Kinutya rin siya ng mga punong saserdote at ng mga eskriba, at ang sabi sa isa’t isa: “Iniligtas niya ang iba, ngunit di mailigtas ang sarili! Makita lang nating bumaba sa krus ang Mesiyas na iyan na Hari ng Israel – maniniwala tayo sa kanya.” Inalipusta din siya ng mga nakapakong kasama niya.
At nagdilim sa buong lupain mula sa tanghaling tapat hanggang sa ikatlo ng hapon. Nang mag-iikatlo ng hapon, si Hesus ay sumigaw, “Eloi, Eloi, lema sabachthani?” na ang ibig sabihi’y “Diyos ko! Diyos ko! Bakit mo ako pinabayaan?” Narinig ito ng ilan sa mga nakatayo roon, at kanilang sinabi, “Pakinggan ninyo, tinatawag niya si Elias!” May tumakbo at kumuha ng espongha; ito’y binasa ng maasim na alak, at pagkatapos ay inilagay sa dulo ng isang tambo at ipinasipsip kay Hesus. Sabi niya, “Tingnan nga natin kung darating si Elias upang ibaba siya.” Sumigaw nang malakas si Hesus at nalagutan ng hininga.
Dito luluhod ang tanan at sandaling mananahimik.
Biglang nawasak sa gitna ang tabing ng templo, mula sa itaas hanggang sa ibaba. Nakatayo sa harap ng krus ang isang kapitan ng mga kawal at kanyang nakita kung paano namatay si Hesus kaya’t sinabi niya, “Tunay ngang Anak ng Diyos ang taong ito!” Naroon din ang ilang babae at nakatanaw mula sa malayo; kabilang sa kanila si Maria Magdalena, si Mariang ina nina Santiagong bata, at Jose at Salome. Mula pa sa Galilea’y nagsisunod na sila at naglingkod kay Hesus. At naroon din ang iba pang babaing sumama kay Hesus sa Jerusalem.
Nang magtatakipsilim na, dumating si Jose na taga-Arimatea, isang iginagalang na kagawad ng Sanedrin; siya’y naghihintay sa pagdating ng paghahari ng Diyos. Sapagkat araw noon ng Paghahanda, o bisperas ng Araw ng Pamamahinga, naglakas-loob siyang lumapit kay Pilato at hiningi ang bangkay ni Hesus. Nagtaka si Pilato nang marinig niyang patay na si Hesus, kaya’t ipinatawag niya ang kapitan at tinanong kung ito’y totoo. Nang malaman niya sa kapitan na talagang patay na si Hesus, pumayag siyang kunin ni Jose ang bangkay. Bumili si Jose ng kayong lino. Nang maibaba na ang bangkay ay kanyang binalot sa kayong ito at inilagay sa isang libingang inuka sa tagiliran ng dalisdis na bato. Pagkatapos, iginulong ang isang malaking bato sa pintuan ng libingan. Nagmamasid naman si Maria Magdalena at si Mariang ina ni Jose, at nakita nila kung saan inilibing si Hesus.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Isaias 65, 17-21
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Ang sabi ng Panginoon:
“Ako ay lilikha,
isang bagong lupa’t isang bagong langit;
mga pangyayaring pawang lumipas na
ay di na babalik!
Kaya naman kayo’y
dapat na magalak sa aking nilalang,
yamang nilikha ko itong Jerusalem
na ang aking pakay maging kagalakan ng mga hinirang.
Ako mismo’y magagalak
dahil sa Jerusalem at sa kanyang mamamayan.
Doo’y walang panambitan o kaguluhan.
Doo’y wala nang sanggol na papanaw,
lahat ng titira roon ay mabubuhay nang matagal.
Ituturing pa rin na kabataan pa ang edad sandaan,
ang hindi umabot ng gulang na ito ay pinarusahan.
Magtatayo sila ng mga tahanang kanilang titirhan,
sa tanim na ubas ay sila ang aani.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 29, 2 at 4. 5-6. 11-12a at 13b
Poong sa aki’y nagligtas, ang dangal mo’y aking galak.
O Panginoon ko,
sa iyong ginawa, kita’y pinupuri’t ako’y iniligtas,
kaya kaaway ay di na nakuhang matuwa’t magalak.
Mula sa libingang
daigdig ng patay, hinango mo ako at muling binuhay;
ako, na kasama nilang napabaon sa kailaliman.
Poong sa aki’y nagligtas, ang dangal mo’y aking galak.
Purihin ang Poon,
siya ay awitan ng lahat ng tapat na mga hinirang.
Iyong gunitain ang mga ginawa ng Diyos na Banal,
ang kanyang ginawa ay alalahanin at pasalamatan!
Hindi nagtatagal
yaong kanyang galit, at ang kabutihan niya’y walang wakas.
Ang abang may hapis at tigmak sa luha sa buong magdamag,
sa bukang-liwayway ay wala nang lungkot, kapalit ay galak.
Poong sa aki’y nagligtas, ang dangal mo’y aking galak.
Kaya’t ako’y dinggin,
ikaw ay mahabag sa akin, O Poon, ako ay pakinggan,
mahabag ka, Poon! Ako ay dinggin mo at iyong tulungan.
Nadama ko’y galak nang iyong hubarin ang aking panluksa.
Sa pasasalamat sa iyo, O Poon, ay di magsasawa.
Poong sa aki’y nagligtas, ang dangal mo’y aking galak.
AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Amos 5, 14
Matuwid ang dapat gawin,
masama’y iwasan natin,
at tayo ay bubuhayin;
ang Diyos ay sasaatin,
atin s’yang makakapiling.
MABUTING BALITA
Juan 4, 43-54
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, umalis si Hesus sa Samaria at nagtungo sa Galilea. Sapagkat si Hesus na rin ang nagsabing ang isang propeta’y hindi iginagalang sa kanyang sariling bayan. Pagdating niya sa Galilea ay mabuti ang pagtanggap sa kanya ng mga tagaroon, sapagkat nasa Jerusalem din sila noong Pista ng Paskuwa at nakita nila ang lahat ng kanyang ginawa roon.
Nagpunta uli si Hesus sa Cana, Galilea. Doon niya ginawang alak ang tubig. Doon naman sa Capernaum ay may isang mataas na pinuno ng pamahalaan; at may sakit ang kanyang anak na lalaki. Nang mabalitaan niyang bumalik si Hesus sa Galilea mula sa Judea, pinuntahan niya ito. Pinakiusapan niya itong pumunta sa Capernaum at pagalingin ang kanyang anak na naghihingalo. Sinabi sa kanya ni Hesus, “Hangga’t hindi kayo nakakikita ng mga palatandaan at mga kababalaghan, hindi kayo mananampalataya.” Ngunit sinabi ng pinuno, “Tayo na po, Ginoo, bago mamatay ang aking anak.” Sumagot si Hesus, “Umuwi na kayo; magaling na ang inyong anak.” Naniwala ang lalaki sa salita ni Hesus, at umuwi nga siya. Sa daan pa’y sinalubong na siya ng kanyang mga alipin at sinabing magaling na ang kanyang anak. Tinanong niya sila, “Anong oras siya gumaling?” “Siya po’y inibsan ng lagnat kahapong mag-aala-una ng hapon,” tugon nila. Naalaala ng ama na noong oras na iyon sinabi sa kanya ni Hesus, “Magaling na ang inyong anak.” Kaya’t siya at ang kanyang buong sambahayan ay sumampalataya kay Hesus.
Ito ang pangalawang kababalaghang ginawa ni Hesus sa Galilea pagpunta niya roon buhat sa Judea.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Ezekiel 47, 1-9. 12
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Ezekiel
Bumalik kami sa pintuan ng templo. Sa ilalim nito’y may agos ng tubig papunta sa silangan. Ang templo’y paharap sa silangan. Ito’y nagmumula sa gawing timog na bahagi ng templo, sa gawing timog ng altar. Lumabas kami sa pintuan sa gawing hilaga at iniligid niya ako papalabas sa pintuan sa gawing silangan. Doon ay may mahinang agos ng tubig mula sa gawing timog ng hagdanan.
Nagtuloy kami sa gawing silangan; may hawak siyang panukat. Sumukat siya ng limandaang metro. Pagkatapos, lumusong kami sa tubig na hanggang bukung-bukong. Sumukat uli siya ng limandaang metro at nang lumusong kami sa tubig, ito’y hanggang baywang. Sumukat uli siya ng limandaang metro ngunit yaon ay isa nang ilog at hindi na ako makalusong. Malalim ang tubig at kailangang languyin upang matawid. Sinabi niya sa akin, “Tao, tandaan mo ang lugar na ito.”
Naglakad kami sa pampang ng nasabing ilog. Nang ako’y pabalik na, nakita ko ang makapal na puno sa magkabilang pampang ng ilog. Sinabi niya sa akin, “Ang tubig na ito ay papunta sa dakong silangan, hanggang Dagat na Patay. Pag-abot nito sa Dagat na Patay, malilinis ang tubig nito. Lahat ng lugar na maagusan nito ay magkakaroon ng lahat ng uri ng hayop at isda. Pagdating ng agos na ito sa Dagat na Patay, magiging tabang ang tubig ng dagat. Lahat ng lugar na abutin nito ay magkakaroon ng buhay. Sa magkabilang pampang ng ilog ay tutubo ang sari-saring punongkahoy na makakain ang bunga. Hindi malalanta ang mga dahon nito ni mawawalan ng bunga pagkat ang didilig dito ay ang tubig na umaagos mula sa templo; ito ay patuloy na mamumunga sa buong taon. Ang bunga nito ay pagkain, at gamot naman ang mga dahon.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 45, 2-3. 5-6. 8-9
D’yos na makapangyariha’y kapiling nating kanlungan.
Ang Diyos ang lakas natin at kanlungan,
at handang saklolo kung may kaguluhan;
di dapat matakot, mundo’y mayanig man,
kahit na sa dagat ang bundok mabuwal.
D’yos na makapangyariha’y kapiling nating kanlungan.
May ilog ng galak sa bayan ng Diyos,
sa banal na templo’y ligaya ang dulot.
Ang tahanang-lungsod ay di masisira;
ito ang tahanan ng Diyos na Dakila,
mula sa umaga ay kanyang alaga.
D’yos na makapangyariha’y kapiling nating kanlungan.
Nasa atin ang Diyos Makapangyarihan,
ang Diyos ni Jacob na ating kanlungan.
Anuman ang kanyang ginawa sa lupa,
sapat nang pagmasdan at ika’y hahanga!
D’yos na makapangyariha’y kapiling nating kanlungan.
AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Salmo 50, 12a. 14a
D’yos ko, sa aki’y igawad
loobing tunay na tapat;
puso ko’y gawin mong wagas
nang manauli ang galak
bunga ng ‘yong pagliligtas.
MABUTING BALITA
Juan 5, 1-16
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Nang dumating ang pagdiriwang ng pista ng mga Judio, pumunta si Hesus sa Jerusalem. Sa lungsod na ito, malapit sa Pintuan ng mga Tupa, ay may malaking deposito ng tubig na may limang portiko. Kung tawagin ito sa wikang Hebreo ay Betesda. Natitipon dito ang maraming maysakit——mga bulag, mga pilay, at mga paralitiko. Hinihintay nilang gumalaw ang tubig, sapagkat may panahong bumababa ang isang anghel ng Panginoon at kinakalawkaw ang tubig. Ang maunang lumusong pagkatapos makalawkaw ang tubig ay gumagaling, anuman ang kanyang karamdaman. Doo’y may isang lalaking tatlumpu’t walong taon nang may sakit, at siya’y nakita ni Hesus. Alam nitong matagal nang may sakit ang lalaki. Tinanong siya ni Hesus, “Ibig mo bang gumaling?” Sumagot ang maysakit, “Ginoo, wala pong maglusong sa akin kapag nakalawkaw na ang tubig; patungo pa lamang ako roon ay may nauuna na sa akin.” Sinabi sa kanya ni Hesus, “Tumindig ka, dalhin mo ang iyong higaan, at lumakad ka.” At pagdaka’y gumaling ang lalaki, dinala ang kanyang higaan, at lumakad.
Noo’y Araw ng Pamamahinga. Kaya’t sinabi ng mga Judio sa lalaking pinagaling, “Araw ng Pamamahinga ngayon! Labag sa Kautusan na dalhin mo ang iyong higaan.” Ngunit sumagot siya, “Ang nagpagaling sa akin ang nagsabing dalhin ko ang aking higaan at lumakad ako.” At siya’y tinanong nila, “Sino ang nagsabi sa iyo na dalhin mo ang iyong higaan at lumakad ka?” Ngunit hindi nakilala ng lalaki kung sino ang nagpagaling sa kanya, sapagkat nawala na si Hesus sa karamihan ng tao.
Pagkatapos, nakita ni Hesus sa loob ng templo ang lalaki at sinabihan, “Magaling ka na ngayon! Huwag ka nang magkakasala at baka may mangyari sa iyo na lalo pang masama.” Umalis ang lalaki at sinabi sa mga Judio na si Hesus ang nagpagaling sa kanya. Dahil dito, si Hesus ay sinimulang usigin ng mga Judio sapagkat nagpagaling siya sa Araw ng Pamamahinga.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Isaias 49, 8-15
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Sabi ng Panginoon sa kanyang bayan:
“Sa araw ng pagliligtas sa iyo
ay lilingapin kita,
at tutugunin ang paghingi mo ng saklolo.
Babantayan kita at iingatan;
sa pamamagitan mo’y
gagawa ako ng tipan sa mga tao,
ibabalik kita sa sariling lupain
na ngayon ay walang kaayusan.
Palalayain ko ang nasa bilangguan
at bibigyan ng liwanag ang nasa kadiliman.
Sila’y matutulad sa mga tupang
nanginginain sa magandang pastulan.
Hindi sila magugutom ni mauuhaw.
Hindi rin daranas
Ng matinding init ng sikat ng araw at sa disyerto
sapagkat papatnubayan sila noong isa
na nagmamahal sa kanila.
Sila’y ihahatid niya sa bukal ng tubig.
Gagawa ako ng lansangan sa gitna ng mga bundok
at ako’y maghahanda ng daan,
para siyang daanan ng aking bayan.
Darating ang bayan ko buhat sa malayo,
mula sa hilaga at sa kanluran,
gayun din sa Sevene sa timog.”
Kalangitan umawit ka!
Lupa, ikaw ay magalak,
gayun din ang mga bundok,
pagkat inaaliw ng Panginoon
ang kanyang hinirang,
sa gitna ng hirap ay kinahahabagan.
Ang sabi ng mga taga-Jerusalem,
“Pinabayaan na tayo ng Panginoon.
nakalimutan na niya tayo.”
Ang sagot ng Panginoon,
“Malilimot kaya ng ina
ang sarili niyang anak?
Hindi kaya niya mahalin ang sanggol na iniluwal?
Kung mayroon mang inang
lumilimot sa kanyang bunso,
Ako’y hindi lilimot sa inyo
kahit na sandali.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 144, 8-9. 13kd-14. 17-18
Pag-ibig ng D’yos ay ganap, sa tanan s’ya’y nahahabag.
Ang Panginoong D’yos ay puspos ng pag-ibig at lipos ng habag,
banayad magalit, ang pag-ibig niya’y hindi kumukupas.
Siya ay mabuti at kahit kanino’y hindi nagtatangi;
sa kanyang nilikha, ang pagtingin niya ay mamamalagi.
Pag-ibig ng D’yos ay ganap, sa tanan s’ya’y nahahabag.
Di ka bibiguin sa mga pangako pagkat ang Diyos ay tapat,
ang kanyang ginawa kahit na ano ito ay mabuting lahat.
Siya’y tumutulong sa lahat ng tao na may suliranin;
yaong inaapi’y inaalis niya sa pagkagupiling.
Pag-ibig ng D’yos ay ganap, sa tanan s’ya’y nahahabag.
Matuwid ang Diyos sa lahat ng bagay niyang ginagawa;
kahit anong gawin ay kalakip doon ang habag at awa.
Siya’y nakikinig at handang tumulong sa lahat ng tao
sa sinumang taong pagtawag sa kanya’y tapat at totoo.
Pag-ibig ng D’yos ay ganap, sa tanan s’ya’y nahahabag.
AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Juan 11, 25a. 26
Pagkabuhay ako’t buhay,
nabubuhay na sinumang
ako’y pinananaligan
ay di mapapanaigan
ng kamatayan kailanman.
MABUTING BALITA
Juan 5, 17-30
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga Judio: “Ang aking Ama’y patuloy sa paggawa, at gayun din ako.” Lalong pinagsikapan ng mga Judio na patayin siya, sapagkat nilabag na niya ang batas tungkol sa Araw ng Pamamahinga ay sinasabi pa niyang ang Diyos ang kanyang Ama, at sa gayo’y ipinapantay ang sarili sa Diyos.
Kaya’t sinabi sa kanila ni Hesus, “Dapat ninyong malaman na walang ginagawa ang Anak sa kanyang sarili lamang; ang ginagawa lamang niya’y ang nakikita niyang ginagawa ng Ama. Ang ginagawa ng Ama ay siya ring ginagawa ng Anak. Sapagkat minamahal ng Ama ang Anak, at ipinakikita sa Anak ang lahat ng ginagawa niya. At higit pa sa mga ito ang mga gawang ipakikita sa kanya ng Ama at manggigilalas kayo. Kung paanong binubuhay ng Ama ang mga patay, gayun din naman, bubuhayin ng Anak ang sinumang nais niyang buhayin. Hindi humahatol kaninuman ang Ama. Ibinigay niya sa Anak ang buong kapangyarihang humatol upang parangalan ng lahat ang Anak, tulad ng kanilang pagpaparangal sa Ama. Ang hindi nagpaparangal sa Anak ay hindi nagpaparangal sa Amang nagsugo sa Anak.
“Sinasabi ko sa inyo: Ang nakikinig sa aking salita at nananalig sa nagsugo sa akin ay may buhay na walang hanggan. Hindi na siya hahatulan kundi inilipat na sa buhay mula sa kamatayan. Tandaan ninyo: darating ang panahon – ngayon na nga – na maririnig ng mga patay ang tinig ng Anak ng Diyos at ang makinig sa kanya ay mabubuhay. Ang Ama ang may kapangyarihang magbigay-buhay at ang Anak ay binigyan niya ng kapangyarihang magbigay-buhay. Binigyan din siya ng kapangyarihang humatol sapagkat siya ang Anak ng Tao. Huwag ninyo itong pagtakhan, sapagkat darating ang oras na maririnig ng mga patay ang kanyang tinig. Sila’y muling mabubuhay at lalabas sa kinalilibingan nila. Lahat ng gumawa ng mabuti ay pagkakalooban ng buhay na walang hanggan at lahat ng masama ay parurusahan.”
“Wala akong ginagawa sa sarili ko lamang. Humahatol ako ayon sa sinasabi sa akin ng Ama, kaya’t matuwid ang hatol ko; hindi ang sarili kong kalooban ang aking sinusunod kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Exodo 32, 7-14
Pagbasa mula sa aklat ng Exodo
Noong mga araw na iyon, sinabi ng Panginoon kay Moises, “Balikan mo ngayon din ang mga Israelitang inialis mo sa Egipto, naroon at nagpapakasama. Tinalikdan nila agad ang mga utos ko. Gumawa sila ng guyang ginto. Iyon ang sinasamba nila ngayon at hinahandugan. Ang sabi nila’y iyon ang diyos na nag-alis sa kanila sa Egipto. Kilala ko ang mga taong iyan at alam kong matigas ang kanilang ulo. Kung gusto mo, lilipulin ko sila at sa iyo ko pagmumulain ang isang malaking bansa.”
Nagsumamo si Moises sa Panginoon, “Huwag po! Huwag ninyong lilipulin ang mga taong inialis ninyo sa Egipto sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan. Kapag nilipol ninyo sila, masasabi ng mga Egipcio na ang mga Israelita’y inialis ninyo sa Egipto upang lipulin sa kabundukan. Huwag na po kayong magalit sa kanila at huwag na ninyong ituloy ang inyong balak laban sa kanila. Alalahanin ninyo ang mga lingkod ninyong sina Abraham, Isaac at Jacob. Ipinangako ninyo sa kanila na ang lahi nila’y pararamihin tulad ng mga bituin sa langit at magiging kanila habang panahon ang lupaing ipinangako ninyo.” Hindi nga itinuloy ng Panginoon ang balak na paglipol sa mga Israelita.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 105, 19-20. 21-22. 23
Panginoong masintahin, ang bayan mo’y gunitain.
Sa may Bundok ng Horeb, doon ay naghugis niyong gintong baka,
matapos mahugis ang ginawa nila’y kanilang sinamba.
Ang dakilang Diyos ay ipinagpalit sa diyos na nilikha,
sa diyos na baka na ang kinakain ay damong sariwa.
Panginoong masintahin, ang bayan mo’y gunitain.
Kanilang nilimot ang Panginoong Diyos, ang Tagapagligtas,
na yaong ginawa doon sa Egipto’y kagila-gilalas.
Sa lupaing iyon ang ginawa niya’y tunay na himala.
Sa Dagat na Tambo yaong nasaksihan ay kahanga-hanga.
Panginoong masintahin, ang bayan mo’y gunitain.
Ang pasiya ng Diyos sa ginawa nila’y lipulin pagdaka,
agad na dumulog sa Poon, si Moises namagitan siya,
at hindi natuloy yaong kapasiyahan na lipulin sila.
Panginoong masintahin, ang bayan mo’y gunitain.
AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Juan 3, 16
Pag-ibig sa sanlibutan
ng D’yos ay gayun na lamang,
kanyang Anak ibinigay
upang mabuhay kailanman
ang nananalig na tunay.
MABUTING BALITA
Juan 5, 31-47
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga Judio: “Kung ako lamang ang nagpapatotoo tungkol sa aking sarili, huwag ninyong tanggapin, ngunit may ibang nagpapatotoo tungkol sa akin, at totoo ang kanyang sinasabi. Nagpasugo kayo kay Juan, at nagpatotoo siya tungkol sa katotohanan. Hindi sa kailangan ko ang patotoo ng tao; sinasabi ko lamang ito para maligtas kayo. Si Juan ay parang maningas na ilaw na nagliliwanag noon, at kayo’y sandaling nasiyahan sa kanyang liwanag. Ngunit may patotoo tungkol sa akin na higit sa patotoo ni Juan: ang mga gawang ipinagagawa sa akin ng Ama, at siya ko namang ginaganap – iyan ang nagpapatotoo na ako’y sinugo niya. At ang Amang nagsugo sa akin ay nagpapatotoo rin tungkol sa akin. Kailanma’y hindi ninyo narinig ang kanyang tinig, at nakita ang kanyang anyo. Walang pitak sa inyong puso ang kanyang salita, sapagkat hindi kayo nananalig sa akin na sinugo niya. Sinasaliksik ninyo ang mga Kasulatan, sa paniwalang doon ninyo matatagpuan ang buhay na walang hanggan. Ang mga ito ang nagpapatotoo tungkol sa akin, ngunit ayaw naman ninyong lumapit sa akin upang kayo’y magkaroon ng buhay.
“Hindi ako naghahangad ng parangal ng mga tao. Ngunit kilala ko kayo; alam kong wala kayong pag-ibig sa Diyos. Naparito ako sa ngalan ng aking Ama, at ayaw ninyo akong tanggapin. Kung may ibang pumarito sa kanyang sariling pangalan, siya’y inyong tatanggapin. Ang hinahangad ninyo’y parangal ng isa’t isa, at hindi ang parangal na nanggagaling sa iisang Diyos; paano kayong makapaniniwala? Huwag ninyong isiping ako ang magsasakdal sa Ama laban sa inyo; si Moises na inaasahan ninyo ang siyang maghaharap ng sakdal laban sa inyo. Kung talagang pinaniniwalaan ninyo si Moises, ako’y paniniwalaan din sana ninyo, sapagkat sumulat siya tungkol sa akin. Ngunit kung hindi ninyo pinaniniwalaan ang mga sulat niya, paano ninyong paniniwalaan ang mga sinasabi ko?”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
2 Samuel 7, 4-5a. 12-14a. 16
Pagbasa mula sa ikalawang aklat ni Samuel
Noong mga araw na iyon, sinabi ng Panginoon kay Natan, “Ganito ang sabihin mo kay David: ‘Pagkamatay mo, isa sa iyong mga anak ang ipapalit ko sa iyo. Patatatagin ko ang kanyang kaharian. Siya ang magtatayo ng templo para sa akin, at sa kanyang angkan magmumula ang maghahari sa aking bayan magpakailanman. Kikilanlin ko siyang anak at ako nama’y magiging ama niya. Magiging matatag ang iyong sambahayan, ang iyong kaharia’y hindi mawawaglit sa aking paningin at mananatili ang iyong trono.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 88, 2-3. 4-5. 27 at 29
Lahi niya’y walang wakas, kailanma’y hindi lilipas.
Pag-ibig mo, Poon, na di nagmamaliw
ang sa tuwi-t’wina’y aking aawitin;
ang katapatan mo’y laging sasambitin.
Yaong pag-ibig mo’y walang katapusan,
sintatag ng langit ang ‘yong katapatan.
Lahi niya’y walang wakas, kailanma’y hindi lilipas.
Sabi mo, O Poon, ikaw ay may tipan
na iyong ginawa kay David mong hirang
at ito ang iyong pangakong iniwan:
“Isa sa lahi mo’y laging maghahari,
ang kaharian mo ay mamamalagi.”
Lahi niya’y walang wakas, kailanma’y hindi lilipas.
Ako’y tatawaging ama niya’t Diyos,
Tagapagsanggalang niya’t Manunubos.
Ang aking pangako sa kanya’y iiral
At mananatili sa kanya ang tipan.
Lahi niya’y walang wakas, kailanma’y hindi lilipas.
IKALAWANG PAGBASA
Roma 4, 13. 16-18. 22
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma.
Mga kapatid, ipinangako ng Diyos kay Abraham at sa kanyang lahi na mamanahin nila ang sanlibutan, hindi dahil sa pagsunod niya sa kautusan kundi sa kanyang pananalig sa Diyos at sa gayun siya’y pinawalang-sala.
Kaya nga, ang pangako ay nababatay sa pananalig upang ito’y maging isang kaloob sa lahi ni Abraham – hindi lamang sa mga sumusunod sa Kautusan kundi sa lahat ng nananalig sa Diyos, tulad niya, yamang siya ang ama nating lahat. Ganito ang nasusulat: “Ginawa kitang ama ng maraming bansa.” Ang pangakong ito ay may bisa sa harap ng Diyos na kanyang pinanaligan, ang Diyos na bumubuhay sa mga patay at lumikha sa lahat ng bagay. Bagamat wala nang pag-asang magkaanak, nanalig pa rin si Abraham na siya’y magiging ama ng maraming bansa, ayon sa sinabi sa kanya, “Kasindami ng bituin ang magiging lahi mo.” Kaya’t dahil sa kanyang pananalig, siya’y pinawalang-sala.
Ang Salita ng Diyos.
AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Salmo 83, 5
Purihin ang Poong mahal
sa angkin n’yang kabutihan.
Mapalad ang tumatahan
sa templo ng Poong banal,
nagpupuring walang hanggan.
MABUTING BALITA
Mateo 1, 16. 18-21. 24a
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Si Jacob, ang ama ni Jose na asawa ni Maria. Si Maria naman ang ina ni Hesus na tinatawag na Kristo.
Ganito ang pagkapanganak kay Hesukristo. Si Maria na kanyang ina at si Jose ay nakatakda nang pakasal. Ngunit bago sila nakasal, si Maria’y natagpuang nagdadalang-tao. Ito’y sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Isang taong matuwid itong si Jose na kanyang magiging asawa, ngunit ayaw niyang mapahiya si Maria, kaya ipinasiya niyang hiwalayan ito ng lihim. Samantalang iniisip ni Jose ito, nagpakita sa kanya sa panaginip ang isang anghel ng Panginoon. Sabi niya sa kanya, “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na tuluyang pakasalan si Maria, sapagkat siya’y naglihi sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Manganganak siya ng isang lalaki at ito’y pangangalanan mong Hesus, sapagkat siya ang magliligtas sa kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan.”
Nang magising si Jose, sinunod niya ang utos ng anghel ng Panginoon.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Jeremias 11, 18-20
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Jeremias
Ipinabatid sa akin ng Panginoon ang masamang balak laban sa akin ng mga kaaway ko. Ako’y parang maamong tupang dinadala sa patayan at hindi ko nalalamang may masamang balak pala sila sa akin. Wika nila, “Putulin natin ang puno habang malusog; patayin natin siya nang wala nang makaalaala pa sa kanya.”
At dumalangin si Jeremias, “Panginoon, ikaw ay hukom na makatarungan. Nababatid mo ang isipan at damdamin ng bawat tao. Ikaw ang maghiganti sa mga taong ito; ipinauubaya ko po sa iyo ang aking gawain.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 7, 2-3. 9bk-10. 11-12
Panginoon, aking Diyos, pag-asa ko sa ‘yo’y lubos.
Panginoon, aking Diyos, sa iyo ko natagpuan
yaong aking minimithi at hangad na kaligtasan;
iligtas mo sana ako, sa pag-usig ng kaaway,
tinutugis nila ako, hindi sila naglulubay.
Kapag ako ay inabot, sila’y leon ang katulad,
tatangayin nila ako, sa malayo itatakas;
at kung ito ang mangyari, pihong walang magliligtas,
dudurugin nila ako, luluraying walang habag.
Panginoon, aking Diyos, pag-asa ko sa ‘yo’y lubos.
Humatol ka sa panig ko yamang ako’y di masama.
Pigilin ang di matuwid sa kanilang mga gawa,
yaon namang mabubuti ay bigyan ng gantimpala;
yamang ikaw, Panginoon, ay ang Diyos na dakila,
at sa iyo ay di lingid ang laman ng puso’t diwa.
Panginoon, aking Diyos, pag-asa ko sa ‘yo’y lubos.
Ikaw rin po, Panginoon, ang sa aki’y nag-iingat,
ang lahat ng masunurin sa iyo ay naliligtas;
ikaw ang Diyos na matuwid, isang Hukom na matapat,
laging handang magparusa sa sinumang gawa’y linsad.
Panginoon, aking Diyos, pag-asa ko sa ‘yo’y lubos.
AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Lucas 8, 15
Mapalad ang nag-iingat
sa kanyang pusong matapat
sa Salitang nagbubuhat
sa Poong D’yos ng liwanag,
sa t’yaga’y aaning ganap.
MABUTING BALITA
Juan 7, 40-53
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, marami sa mga nakarinig kay Hesus ang nagsabi, “Tunay ngang ito ang Propetang hinihintay natin!” “Ito nga ang Mesias!” sabi ng iba. Ngunit sumagot naman ang iba pa, “Maaari bang magmula sa Galilea ang Mesias? Hindi ba sinabi ng Kasulatan na magmumula ang Mesias sa lipi ni David, at sa Betlehem na bayan ni David ipanganganak?” Magkakaiba ang palagay ng mga tao tungkol sa kanya. Ibig ng ilan na dakpin siya, ngunit wala namang nangahas humuli sa kanya.
Ang mga kawal na bantay sa templo ay nagbalik sa mga punong saserdote at sa mga Pariseo. “Bakit hindi ninyo siya dinala rito?” tanong nila sa mga bantay. Sumagot sila, “Wala pa pong nagsalita nang gaya niya!” “Kayo man ba’y nalinlang din?” Tanong ng mga Pariseo. “Mayroon bang pinuno o Pariseong naniwala sa kanya? Wala! Mga tao lamang na walang nalalaman sa Kautusan ang naniniwala sa kanya – mga sinumpa!” Isa sa mga naroon ay si Nicodemo, na nagsadya kay Hesus noong una. Tinanong niya sila, “Labag sa ating Kautusan na hatulan ang isang tao nang di muna nililitis at inaalam kung ano ang kanyang ginawa, hindi ba?” Sumagot sila, “Ikaw ba’y taga-Galilea rin? Magsaliksik ka’t makikita mo na walang propetang magmumula sa Galilea.”
At umuwi na ang bawat isa.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Jeremias 31, 31-34
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Jeremias
Sinasabi ng Panginoon, “Darating ang panahon na gagawa ako ng bagong pakikipagtipan sa Israel at sa Juda. Ito’y di gaya ng tipang ginawa ko sa kanilang mga ninuno, nang ilabas ko sila sa Egipto. Bagamat sumira sila sa kasunduan namin, nagtiyaga ako sa kanila. Ganito ang gagawin kong tipan sa Israel: Itatanim ko sa kanilang kalooban ang aking kautusan; isusulat ko sa kanilang mga puso. Ako’y magiging kanilang Diyos at sila ang magiging bayan ko. Hindi na nila kailangang turuan ang isa’t isa upang makilala ang Panginoon; lahat sila, dakila’t hamak ay makakilala sa akin, sapagkat patatawarin ko sila sa kanilang maling gawain at hindi ko na gugunitain pa ang kanilang kasalanan.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 50, 3-4. 12-13. 14-15
D’yos ko, sa aki’y likhain tapat na puso’t loobin.
Ako’y kaawaan, O mahal kong Diyos,
sang-ayon sa iyong kagandahang-loob
mga kasalanan ko’y iyong pawiin,
ayon din sa iyong pag-ibig sa akin!
Linisin mo sana ang aking karumihan
at ipatawad mo yaring kasalanan!
D’yos ko, sa aki’y likhain tapat na puso’t loobin.
Isang pusong tapat sa aki’y likhain,
bigyan mo, O Diyos, ng bagong damdamin.
Sa iyong harapa’y h’wag akong alisin;
ang Espiritu mo ang papaghariin.
D’yos ko, sa aki’y likhain tapat na puso’t loobin.
Ang galak na dulot ng ‘yong pagliligtas,
ibalik at ako ay gawin mong tapat.
Kung magkagayon na, aking tuturuang
sa iyo lumapit ang makasalanan.
D’yos ko, sa aki’y likhain tapat na puso’t loobin.
IKALAWANG PAGBASA
Hebreo 5, 7-9
Pagbasa mula sa sulat sa mga Hebreo
Mga kapatid:
Noong si Hesus ay namumuhay rito sa lupa, siya’y dumalangin at lumuluhang sumamo sa Diyos na makapagliligtas sa kanya sa kamatayan. At dininig siya dahil sa lubusan siyang nagpakumbaba. Bagamat siya’y Anak ng Diyos, natutuhan niya ang tunay na kahulugan ng pagsunod sa pamamagitan ng pagtitiis. At nang maganap na niya ito, siya’y naging walang hanggang Tagapagligtas ng lahat ng sumusunod sa kanya.
Ang Salita ng Diyos.
AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Juan 12, 26
Ang sinumang naglilingkod
upang sa aki’y sumunod
ay tunay na itatampok
sa kaligayahang lubos
ng mahal na Anak kong D’yos.
MABUTING BALITA
Juan 12, 20-33
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon: Kabilang ang ilang Griego sa mga pumunta sa pista upang sumamba. Lumapit sila kay Felipe na taga-Betsaida, Galilea, at nakiusap, “Ginoo, ibig po naming makita si Hesus.” Sinabi ito ni Felipe kay Andres, at silang dalawa’y lumapit kay Hesus at ipinaalam ang kahilingan ng mga iyon. Sinabi ni Hesus, “Dumating na ang oras upang parangalan ang Anak ng Tao. Tandaan ninyo: malibang mahulog sa lupa ang butil ng trigo at mamatay, mananatili itong nag-iisa. Ngunit kung mamatay, ito’y mamumunga nang marami. Ang taong labis na nagpapahalaga sa kanyang buhay ay siyang mawawalan nito, ngunit ang napopoot sa kanyang buhay sa daigdig na ito ay siyang magkakaroon nito hanggang sa buhay na walang hanggan. Dapat sumunod sa akin ang naglilingkod sa akin, at saanman ako naroroon ay naroon din ang aking lingkod. Pararangalan ng Ama ang sinumang naglilingkod sa akin.”
“Ngayon, ako’y nababagabag. Sasabihin ko ba, ‘Ama, iligtas mo ako sa kahirapang daranasin ko?’ Hindi! Sapagkat ito ang dahilan kung bakit ako naparito — upang danasin ang kahirapang ito. Ama, parangalan mo ang iyong pangalan.” Isang tinig mula sa langit ang nagsabi, “Pinarangalan ko na ito, at muli kong pararangalan.” Narinig ito ng mga taong naroon at ang sabi nila, “Kumulog!” Sabi naman ng iba, “Nagsalita sa kanya ang isang anghel!” Sinabi ni Hesus. “Ipinarinig ang tinig na ito dahil sa inyo, hindi dahil sa akin. Panahon na upang hatulan ang sanlibutan. Itataboy ngayon sa labas ang pinuno ng sanlibutang ito. At kung ako’y maitaas na, ilalapit ko sa akin ang lahat ng tao.” Sinabi niya ito upang ipakilala kung paano siya mamamatay.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
2 Hari 5, 1-15a
Pagbasa mula sa ikalawang aklat ng mga Hari
Noong mga araw na iyon, sa Siria ay may isang pinuno ng hukbo na labis na kinalulugdan ng hari pagkat matapang siya, makapangyarihan at pinapatnubayan ng Panginoon kaya laging matagumpay ang Siria. Ngunit siya’y ketongin. Siya ay si Naaman. Minsan, ang mga taga-Siria ay nakabihag ng isang babaing Israelita. Ginawa nila itong katulong ng asawa ni Naaman. Sinabi nito sa kanyang panginoon, “Kung ang asawa ninyo ay lalapit sa propeta sa Samaria, tiyak na gagaling siya.” Ang sinabi ng Israelita ay sinabi ng babae kay Naaman. Nagpunta naman ito sa hari at ibinalita ang sinabi ng utusan ng kanyang asawa.
Sinabi naman ng hari, “Pumunta ka at pagdadalhin kita ng sulat sa hari ng Israel.”
At lumakad nga si Naaman. May dala siyang tatlumpunlibong putol na pilak, anim na libong pirasong ginto at sampung magagarang kasuutan. Dala rin niya ang sulat para sa hari ng Israel. Anang sulat: “Mahal na Haring Joram, ang may dala nito’y si Naaman na aking lingkod. Ipinakikiusap kong pagalingin mo ang kanyang ketong.”
Nang mabasa ito ng hari ng Israel, ginahak niya ang kanyang kasuutan at sinabi, “Ako ba’y Diyos na maaaring pumatay at bumuhay? Bakit sa akin niya pinapunta ang taong ito para pagalingin sa kanyang sakit? Baka naman humahanap lang siya ng dahilan para magdigmaan kami?”
Nang mabalitaan ni Eliseo ang ginawa ng hari, ipinasabi niya, “Bakit ninyo gagahakin ang inyong kasuutan? Sa akin ninyo siya papuntahin para malaman nilang may isang propeta rito sa Israel.”
Ipinasabi nga ni Haring Joram kay Naaman na ang hanapin nito’y si Eliseo. Kaya, sumakay ito sa kanyang karwahe, at nagpunta kay Eliseo, kasama ang marami niyang kawal na kabayuhan. Ipinasabi sa kanya ni Eliseo: “Pumunta ka sa Ilog Jordan. Lumubog ka ng pitong beses at mananauli sa dati ang iyong katawan. Gagaling ang iyong ketong.”
Nang marinig ang sinabi ni Eliseo, nagalit si Naaman at padabog na umalis. Sinabi niya, “Akala ko pa nama’y sasalubungin niya ako, tatayo siya nang tuwid, tatawagan ang Diyos niyang Panginoon sa Ilog Jordan, at itatapat sa akin ang kanyang mga kamay upang ako’y gumaling. Bakit doon pa niya ako pasisisirin? Bakit hindi sa alinman sa mga ilog ng Damasco tulad ng Abana at ng Farfar. Hindi ba’t mas malinis iyon kaysa alinmang tubig sa Israel? Siguro nama’y mas madali akong gagaling kung doon ako maliligo.” At galit na galit siyang umalis.
Lumapit sa kanya ang kanyang mga katulong at sinabi, “Panginoon, hindi ba’t gagawin ninyo kahit mahirap pa riyan ang ipagawa sa inyo ng propeta? Gaano pa iyang pinaghuhugas lang kayo para luminis?” Kaya, nang mapagisip-isip ito ni Naaman, lumusong siya ng Ilog Jordan at lumubog ng pitong ulit. At tulad ng sinabi Eliseo, nanauli sa dati ang kanyang katawan at kuminis ang kanyang balat, tulad ng balat ng sanggol.
Si Naaman at ang kanyang mga kasama ay nagbalik kay Eliseo. Sinabi niya, “Ngayo’y napatunayan kong walang ibang diyos sa ibabaw ng lupa kundi ang Diyos ng Israel.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 41, 2. 3; Salmo 42, 3. 4
Aking kinasasabikan ang Diyos na nabubuhay.
Kung paanong yaong batis ang hanap ng isang usa;
gayun hinahanap ang Diyos ng uhaw kong kaluluwa.
Aking kinasasabikan ang Diyos na nabubuhay.
Nananabik ako sa Diyos, Diyos na buhay, walang iba;
kailan kaya maaaring sa harap mo ay sumamba?
Aking kinasasabikan ang Diyos na nabubuhay.
Ang totoo’t ang liwanag, buhat sa ‘yo ay pakamtan,
upang sa Sion ay mabalik, sa bundok mong dakong banal
sa bundok mong pinagpala, at sa templo mong tirahan.
Aking kinasasabikan ang Diyos na nabubuhay.
Sa dambana mo, O Diyos, ako naman ay dudulog,
yamang galak at ligaya ang sa aki’y iyong dulot;
sa saliw ng aking alpa’y magpupuri akong lubos
buong lugod na aawit ako sa Diyos, na aking Diyos!
Aking kinasasabikan ang Diyos na nabubuhay.
AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Salmo 129, 5 at 7
Umaasa ako sa D’yos,
nagtitiwala nang lubos
sa salitang nagdudulot
ng pag-ibig na mataos
upang kamtin ang pagtubos.
MABUTING BALITA
Lucas 4, 24-30
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Nang dumating si Hesus sa Nazaret, sinabi niya sa mga nasa sinagoga: “Tandaan ninyo: walang propetang kinikilala sa kanyang sariling bayan. Ngunit sinasabi ko sa inyo: maraming babaing balo sa Israel noong kapanahunan ni Elias nang hindi umulan sa loob ng tatlong tao’t kalahati at magkaroon ng matinding taggutom sa buong lupain. Subalit hindi sa kaninuman sa kanila pinapunta si Elias kundi sa isang babaing balo sa Sarepta, sa lupain ng Sidon. Sa dinami-dami ng mga ketongin sa Israel noong kapanahunan ni Eliseo, walang pinagaling isa man sa kanila; si Naaman pang taga-Siria ang pinagaling.” Galit na galit ang lahat ng nasa sinagoga nang marinig ito. Nagtindigan sila, at ipinagtabuyan siyang palabas, sa taluktok ng burol na kinatatayuan ng bayan, upang ibulid sa bangin. Ngunit dumaan siya sa kalagitnaan nila at umalis.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Daniel 3, 25. 34-43
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Daniel
Noong mga araw na iyon, tumindig si Azarias at dumalangin: “Alang-alang sa iyong karangalan, huwag mo kaming itakwil habang panahon; huwag mong putulin ang iyong tipan sa amin. Muli mo kaming kahabagan, alang-alang kay Abraham na iyong minamahal, kay Isaac na iyong lingkod, at kay Israel na iyong pinabanal. Ipinangako mong pararamihin ang kanilang lahi gaya ng mga bituin sa langit at ng buhanginan sa tabing-dagat. Subalit ngayon, Panginoon, kami ay naging pinakamaliit na bansa. Dahil sa aming mga kasalanan, kami ang pinaka-aba ngayon sa sanlibutan. Wala kaming hari, mga propeta, o mga tagapanguna ngayon. Walang templong mapag-alayan ng mga handog na susunugin, mga hain at kamanyang; wala man lamang lugar na mapaghandugan upang kami ay humingi ng awa mo. Ngunit lumalapit kami sa iyo ngayon na bagbag ang puso at nagpapakumbaba. Tanggapin mo na kami na parang may dalang mga baka, mga guya at libu-libong matatabang tupa na susunugin bilang handog sa iyong harapan. Tanggapin mo ang aming pagsisisi bilang handog, upang kami’y matutong sumunod sa iyo nang buong puso. Walang nagtiwala sa iyo na nabigo. Simula ngayon, buong puso kaming susunod sa iyo, sasamba at magpupuri sa iyo. Huwag mo kaming biguin. Yamang ikaw ay maamo at mapagkalinga, kahabagan mo kami at saklolohan. Muli mong iparanas sa amin ang iyong kahanga-hangang pagliligtas, at sa gayo’y muling dakilain ang iyong pangalan, Panginoon.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 24, 4bk-5ab. 6-7bk. 8-9
Poon, iyong gunitain ang pag-ibig mo sa amin.
Ang kalooban mo’y ituro, O Diyos,
ituro mo sana sa aba mong lingkod;
ayon sa matuwid, ako ay turuan
ituro mo, Poon, ang katotohanan;
Tagapagligtas ko na inaasahan.
Poon, iyong gunitain ang pag-ibig mo sa amin.
Poon, gunitain, pag-ibig mong wagas,
at ang kabutihang noon pa’y nahayag.
Pagkat pag-ibig mo’y hindi nagmamaliw,
ako sana, Poon, ay alalahanin!
Poon, iyong gunitain ang pag-ibig mo sa amin.
Mabuti ang Poon at makatarungan,
sa mga salari’y guro at patnubay;
sa mababang-loob siya yaong gabay,
at nagtuturo ng kanyang kalooban.
Poon, iyong gunitain ang pag-ibig mo sa amin.
AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Joel 2, 12-13
Magsisi tayong mataos,
halinang magbalik-loob
sa mapagpatawad na D’yos;
sa kanya tayo’y dumulog
at manumbalik na lubos.
MABUTING BALITA
Mateo 18, 21-35
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, lumapit si Pedro at nagtanong kay Hesus, “Panginoon, makailan kong patatawarin ang aking kapatid na paulit-ulit na nagkakasala sa akin? Makapito po ba?” Sinagot siya ni Hesus, “Hindi ko sinasabing makapito, kundi pitumpung ulit pa nito. Sapagkat ang paghahari ng Diyos ay katulad nito: ipinasiya ng isang hari na pagbayarin ang kanyang mga lingkod na may utang sa kanya. Unang dinala sa kanya ang isang may utang na sampung milyung piso. Dahil sa siya’y walang ibayad, iniutos ng hari na ipagbili siya, ang kanyang asawa, mga anak, at lahat ng ari-arian, upang makabayad. Nanikluhod ang taong ito sa harapan ng hari at nagmakaawa: ‘Bigyan pa ninyo ako ng panahon, at babayaran ko sa inyo ang lahat.’ Naawa sa kanya ang hari kaya ipinatawad ang kanyang mga utang at pinayaon siya.
“Ngunit pagkaalis niya roon ay nakatagpo niya ang isa sa kanyang kapwa lingkod na may utang na limandaang piso sa kanya. Sinunggaban niya ito at sinakal, sabay wika: ‘Magbayad ka ng utang mo!’ Naglumuhod iyon at nagmakaawa sa kanya: ‘Bigyan mo pa ako ng panahon at babayaran kita.’ Ngunit hindi siya pumayag; sa halip ipinabilanggo niya ang kanyang kapwa lingkod hanggang sa ito’y makabayad. Nang makita ng kanyang mga kapwa lingkod ang nangyari, sila’y labis na nagdamdam; pumunta sila sa hari at isinumbong ang nangyari. Kaya’t ipinatawag siya ng hari. ‘Ikaw – napakasama mo!’ Sabi niya. ‘Pinatawad kita sa utang mo sapagkat nagmakaawa ka sa akin. Nahabag ako sa iyo; hindi ba dapat ka ring mahabag sa kapwa mo?’ At sa galit ng hari, siya’y ipinabilanggo hanggang sa mabayaran niya ang kanyang utang. Gayun din ang gagawin sa inyo ng aking Amang nasa langit kung hindi ninyo patatawarin ang inyong kapatid.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Deuteronomio 4, 1. 5-9
Pagbasa mula sa aklat ng Deuteronomio
Nagsalita si Moises sa mga tao: “Ngayon, mga Israelita, upang mabuhay kayo nang matagal at makarating sa lupaing ibinigay sa inyo ng Panginoon, unawain ninyong mabuti at sundin ang tuntuning itinuturo ko sa inyo.
“Ngayon nga’y itinuturo ko sa inyo ang mga tuntuning ito upang sundin. Unawain ninyo ito at sunding mabuti. Sa gayun makikita ng ibang bansa ang inyong karunungan at lawak ng pang-unawa. Sa gayun, hindi nila mapipigilang sabihin ang ganito: ‘Ang bansang ito’y matalino at may malawak na pagkaunawa.’
“Sinong diyos ng ibang bansa ang handang tumulong anumang oras liban sa Panginoon? Aling bansa ang may tuntuning kasing inam ng mga tuntuning ibinigay ko sa inyo ngayon? Ngunit kaiingat kayo. Ang mga bagay na inyong nasaksihan ay huwag ninyong kalilimutan o ipagwawalang-bahala habang kayo’y nabubuhay; ituro ninyo ito sa inyong mga anak at mga apo.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 147, 12-13. 14-15. 19-20
Purihin mo, Jerusalem, ang Panginoong butihin.
Purihin mo, Jerusalem, purihin ang Panginoon,
purihin mo ang iyong Diyos, kayong mga taga-Sion.
Yaong mga pintuan mo ay siya ang nag-iingat,
ang lahat ng iyong lingkod ay siya ang nagbabasbas.
Purihin mo, Jerusalem, ang Panginoong butihin.
Ginagawang matahimik yaong mga hangganan mo,
bibigyan kang kasiyahan sa kaloob niyang trigo.
Kung siya ay nag-uutos, agad itong natutupad,
dumarating sa daigdig, na hindi na nagluluwat.
Purihin mo, Jerusalem, ang Panginoong butihin.
Kay Jacob n’ya ibinibigay ang balita at pabilin,
ang tuntuni’t mga aral, ibinigay sa Israel.
Ang ganitong karapatan ay wala ang ibang bansa,
pagkat hindi nila batid ang utos na itinakda.
Purihin ang Panginoon!
Purihin mo, Jerusalem, ang Panginoong butihin.
AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Juan 6, 63k. 68k
Salita mo, Kristong mahal,
Espiritung bumubuhay,
nagtuturo’t umaakay
sa nagnanais makamtan
ang langit na walang hanggan.
MABUTING BALITA
Mateo 5, 17-19
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Huwag ninyong akalaing naparito ako upang pawalang-bisa ang Kautusan at ang aral ng mga propeta. Naparito ako, hindi upang pawalang-bisa kundi para ipaliwanag at ganapin ang mga iyon. Tandaan ninyo ito: magwawakas ang langit at ang lupa, ngunit ang kaliit-liitang bahagi ng Kautusan ay di mawawalan ng bisa hangga’t hindi nagaganap ang lahat. Kaya’t sinumang magpawalang-halaga kahit sa kaliit-liitang bahagi nito, at magturo nang gayun sa mga tao, ay ibibilang na pinakamababa sa kaharian ng Diyos. Ngunit ang gumaganap ng Kautusan at nagtuturo na tuparin iyon ay ibibilang na dakila sa kaharian ng Diyos.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Jeremias 7, 23-28
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Jeremias
Sinasabi ng Panginoon: “Inutusan ko ang mga tao na sumunod sa akin upang sila’y maging aking bayan at ako naman ang Diyos nila. Sinabi kong mamuhay sila ayon sa ipinag-uutos ko, at sila’y mapapanuto. Ngunit hindi sila tumalima ayaw nilang makinig sa akin. Sa halip, ginawa nila ang balang maibigan at lubusang nagpakasama, sa halip na magpakabuti. Mula nang lumabas sa Egipto ang inyong mga ninuno hanggang sa araw na ito, patuloy akong nagsugo ng aking mga alipin, ang mga propeta. Subalit hindi ninyo sila pinakinggan ni pinahalagahan. Nagmatigas kayo at masahol pa ang ginawa ninyo kaysa ginawa ng inyong mga ninuno.
“Jeremias, sasabihin mo ang lahat ng ito sa kanila subalit hindi sila makikinig sa iyo. Tatawagin mo sila ngunit hindi ka nila papansinin. Kaya ganito ang sabihin mo sa kanila: ‘Narito ang bansang ayaw makinig sa tinig ng Panginoon kanilang Diyos, at ayaw ituwid ang kanilang landas. Naglaho na sa kanila ang katotohanan at di man lamang nababanggit.’”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 94, 1-2. 6-7. 8-9
Panginoo’y inyong dinggin, huwag n’yo s’yang salungatin.
Tayo ay lumapit
sa ‘ting Panginoon, siya ay awitan,
ating papurihan
ang batong kublihan nati’t kalakasan.
Tayo ay lumapit,
sa kanyang harapan na may pasalamat,
siya ay purihin,
ng mga awiting may tuwa at galak.
Panginoo’y inyong dinggin, huwag n’yo s’yang salungatin.
Tayo ay lumapit,
sa kanya’y sumamba at magbigay-galang,
lumuhod sa harap nitong Panginoong sa ati’y lumalang.
Siya ang ating Diyos,
tayo ay kalinga niyang mga hirang,
mga tupa tayong inaalagaan.
Panginoo’y inyong dinggin, huwag n’yo s’yang salungatin.
Ang kanyang salita ay ating pakinggan:
“Iyang inyong puso’y
huwag patigasin, tulad ng ginawa
ng inyong magulang
nang nasa Meriba, sa ilang ng Masa.
Ako ay tinukso’t
doon ay sinubok ng inyong magulang,
bagamat nakita
ang aking ginawang sila’ng nakinabang.”
Panginoo’y inyong dinggin, huwag n’yo s’yang salungatin.
AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Joel 2, 12-13
Magsisi tayong mataos,
halinang magbalik-loob
sa mapagpatawad na D’yos;
sa kanya tayo’y dumulog
at manunumbalik na lubos.
MABUTING BALITA
Lucas 11, 14-23
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, pinalayas ni Hesus ang isang demonyong sanhi ng pagkapipi ng isang lalaki, at ito’y nakapagsalita na mula noon. Nanggilalas ang mga tao, ngunit may ilan sa kanila ang nagsabi, “Si Beelzebul na prinsipe ng mga demonyo ang nagbigay sa kanya ng kapangyarihang magpalayas ng mga demonyo.” May iba namang nais siyang subukin, kaya’t nagsabi, “Magpakita ka ng kababalaghang magpapakilala na ang Diyos ang sumasaiyo.” Ngunit batid ni Hesus ang kanilang iniisip, kaya’t sinabi sa kanila, “Babagsak ang bawat kahariang nahahati sa magkakalabang pangkat at mawawasak ang mga bahay roon. Kung maghimagsik si Satanas laban sa kanyang sarili, paano mananatili ang kanyang kaharian? Sinasabi ninyong nagpapalayas ako ng mga demonyo sapagkat binigyan ako ni Beelzebul ng kapangyarihang ito. Kung ako’y nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ni Beelzebul, sino naman ang nagbigay ng kapangyarihan sa inyong mga tagasunod na makagawa ng gayun? Sila na rin ang nagpapatunay na maling-mali kayo. Ngayon, kung ako’y nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos, nangangahulugang dumating na sa inyo ang paghahari ng Diyos.
“Kapag ang isang taong malakas at nasasandatahan ay nagbabantay sa kanyang bahay, malayo sa panganib ang kanyang ari-arian. Ngunit kung salakayin siya at talunin ng isang taong higit na malakas, sasamsamin nito ang mga sandatang kanyang inaasahan at ipamahagi ang ari-ariang inagaw.
“Ang hindi panig sa akin ay laban sa akin, at nagkakalat ang hindi tumutulong sa aking mag-ipon.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Oseas 14, 2-10
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Oseas
Ito ang sabi ng Panginoon, “Israel, manumbalik ka na sa Panginoon na iyong Diyos. Ang pagbagsak mo ay bunga ng iyong kasamaan.” Dalhin ninyo ang inyong kahilingan, lumapit kayo sa Panginoon at sabihin ninyo, “Patawarin mo na kami. Kami’y iyong kahabagan at tanggapin. Maghahandog kami sa iyo ng pagpupuri. Hindi kami mailigtas ng Asiria, hindi kami sasakay sa mga kabayo. Hindi na namin tatawaging diyos ang mga larawang ginawa lamang ng aming mga kamay. Sa iyo lamang makatatagpo ng awa ang mga ulila.”
Sabi ng Panginoon, “Patatawarin ko na ang aking bayan.
Mamahalin ko sila nang walang katapusan,
sapagkat mapapawi na ang aking galit.
Ako’y matutulad sa hamog na magpapasariwa sa Israel,
at mamumulaklak siyang gaya ng liryo,
mag-uugat na tulad ng matibay na punongkahoy;
dadami ang kanyang mga sanga,
gaganda siyang tulad ng puno ng olibo,
at hahalimuyak gaya ng Libano.
Magbabalik sila at tatahan sa ilalim ng aking kalinga.
Sila’y yayabong na gaya ng isang halamanan,
mamumulaklak na parang punong ubas,
at ang bango’y katulad ng alak mula sa Libano.
Efraim, lumayo ka na sa mga diyus-diyusan!
Ako lamang ang tumutugon at nagbabantay sa iyo.
Ako’y katulad ng sipres na laging luntian,
at mula sa akin ang iyong bunga.”
Ang mga bagay na ito’y dapat unawain ng matalino, at dapat mabatid ng marunong. Matuwid ang mga daan ng Panginoon, at doon tumatahak ang mabubuti, ngunit madarapa ang mangangahas na sumuway.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 80, 6k-8a. 8bk-9. 10-11ab. 14 at 17
Tinig ko’y iyong pakinggan, ang sabi ng Poong mahal.
Sa paglabas namin sa bansang mabagsik,
ganito ang wika na aking narinig:
“Mabigat mong dalay aking iniibis,
ipinababa ko ang pasaning basket.
Iniligtas kita sa gitna ng hirap,
iniligtas kita nang ika’y tumawag.
Tinig ko’y iyong pakinggan, ang sabi ng Poong mahal.
Tinugon din kita sa gitna ng kidlat,
at sinubok kita sa Batis Meriba.
Kapag nangungusap, ako’y inyong dinggin,
sana’y makinig ka, O bansang Israel.
Tinig ko’y iyong pakinggan, ang sabi ng Poong mahal.
Ang diyus-diyusa’y huwag mong paglingkuran,
diyos ng ibang bansa’y di dapat luhuran.
Ako’y Panginoon, ako ang Diyos mo,
Ako ang tumubos sa ‘yo sa Egipto.
Tinig ko’y iyong pakinggan, ang sabi ng Poong mahal.
Ang tangi kong hangad, sana ako’y sundin,
sundin ang utos ko ng bayang Israel;
ang lalong mabuting bunga nitong trigo,
ang siyang sa inyo’y ipapakain ko;
at ang gusto ninyong masarap na pulot,
ang siya sa inyo’y aking idudulot.
Tinig ko’y iyong pakinggan, ang sabi ng Poong mahal.
AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Mateo 4, 17
Sinabi ng Poong mahal:
“Kasalanan ay talikdan,
pagsuway ay pagsisihan;
maghahari nang lubusan
ang Poong D’yos na Maykapal.”
MABUTING BALITA
Marcos 12, 28b-34
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, lumapit ang isa sa mga eskriba kay Hesus at tinanong siya, “Alin pong utos ang pinakamahalaga?” Sumagot si Hesus, “Ito ang pinakamahalagang utos, ‘Pakinggan mo, Israel! Ang Panginoon na ating Diyos – siya lamang ang Panginoon. Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, nang buong pag-iisip, at nang buong lakas.’ Ito naman ang pangalawa, ‘Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.’ Wala nang ibang utos na hihigit pa sa mga ito.” “Tama po, Guro!” wika ng eskriba. “Totoo ang sinabi ninyo. Iisa ang Diyos at wala nang iba liban sa kanya. At ang umibig sa kanya nang buong puso, buong pag-iisip, at buong lakas, at ang umibig sa kapwa gaya ng kanyang sarili ay higit na mahalaga kaysa magdala ng lahat ng handog na susunugin, at iba pang mga hain.” Nakita ni Hesus na matalino ang kanyang sagot, kaya’t sinabi niya, “Malapit ka nang mapabilang sa mga pinaghaharian ng Diyos.” At wala nang nangahas magtanong kay Hesus mula noon.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Oseas 6, 1-6
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Oseas
Halikayo at tayo’y manumbalik sa Panginoon pagkat ang nanakit ay siya ring magpapagaling. Siya ang nanugat, kaya siya rin ang gagamot. Sa loob ng dalawang araw ay mapalalakas niya tayo uli. At sa ikatlong araw, tayo’y kanyang ibabangon, upang mamuhay sa kanyang pagtangkilik. Halikayo, sikapin nating makilala ang Panginoon; tiyak na tutugunin tayo sa ating panawagan. Sintiyak ng pagdating ng bukang-liwayway, darating siyang walang pagsala, tulad ng patak ng ulan na dumidilig sa kaparangan.
Ano ang gagawin ko sa iyo, Efraim? Ano ang gagawin ko sa iyo, Juda? Ang pag-ibig ninyo sa akin ay tulad ng ulap sa umaga, gaya ng hamog na dagling napapawi. Kaya nga, ipahahampas ko kayo sa aking mga propeta, lilipulin ko kayo sa pamamagitan ng aking mga salita, at simbilis ng kidlat ang pagkatupad ng aking hatol. Sapagkat katapatan ang nais ko at hindi hain, at pagkakilala sa Diyos sa halip ng handog na susunugin.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 50, 3-4. 18-19. 20-21ab
Katapatan ang naisin kalakip ng paghahain.
Ako’y kaawaan, O mahal kong Diyos,
sang-ayon sa iyong kagandahang-loob
mga kasalanan ko’y iyong pawiin,
ayon din sa iyong pag-ibig sa akin!
Linisin mo sana ang aking karumhan
at ipatawad mo yaring kasalanan!
Katapatan ang naisin kalakip ng paghahain.
Hindi mo na nais ang mga panghandog;
sa haing sinunog di ka nalulugod.
Ang handog ko, O Diyos, na karapat-dapat
ay ang pakumbaba’t pusong mapagtapat.
Katapatan ang naisin kalakip ng paghahain.
Iyong kahabagan, O Diyos, ang Sion;
yaong Jerusalem ay muling ibangon.
At kung magkagayon, ang handog na haing
dala sa dambana, torong susunugin,
malugod na ito’y iyong tatanggapin.
Katapatan ang naisin kalakip ng paghahain.
AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Salmo 94, 8ab
Kapag ngayo’y napakinggan
ang tinig ng Poong mahal,
huwag na ninyong hadlangan
ang pagsasakatuparan
ng mithi n’ya’t kalooban.
MABUTING BALITA
Lucas 18, 9-14
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus ang talinghagang ito sa mga taong ang tingin sa sarili’y matuwid at humahamak naman sa iba. “May dalawang lalaking pumanhik sa templo upang manalangin: ang isa’y Pariseo at ang isa nama’y publikano. Tumindig ang Pariseo at pabulong na nanalangin ng ganito: ‘O Diyos, nagpapasalamat ako sa iyo pagkat hindi ako katulad ng iba – mga magnanakaw, mga magdaraya, mga mangangalunya – o kaya’y katulad ng publikanong ito. Makalawa akong nag-aayuno sa loob ng sanlinggo; nagbibigay ako ng ikapu ng lahat kong kinikita.’ Samantala, ang publikano’y nakatayo sa malayo, hindi man lamang makatingin sa langit, kundi dinadagukan ang kanyang dibdib, at sinasabi: ‘O Diyos, mahabag po kayo sa akin na isang makasalanan!’ Sinasabi ko sa inyo: ang lalaking ito’y umuwing kinalulugdan ng Diyos, ngunit hindi ang isa. Sapagkat ang sinumang nagpapakataas ay ibababa, at ang nagpapakababa ay itataas.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
2 Cronica 36, 14-16. 19-23
Pagbasa mula sa ikalawang aklat ng Mga Cronica
Noong mga araw na iyon: Sumama nang sumama ang mga pinuno ng Juda, ang mga saserdote at ang mamamayan. Nakigaya sila sa nakaririmarim na gawain ng ibang bansa. Pati bahay ng Panginoon na itinalaga niya sa Jerusalem ay kanilang itinakwil. Gayunman, dahil sa habag ng Panginoon sa kanila at sa pagmamalasakit sa kanyang Templo, lagi niyang pinadadalhan sila ng mga sugo. Ngunit hinahamak lamang nila ang mga ito at ang mga propeta at pinagtatawanan sa anumang sabihin. Kaya, umabot na sa sukdulan ang poot ng Panginoon. Sinunog ng mga kalaban nila ang bahay ng Panginoon, winasak ang muog ng Jerusalem at ang malalaking gusali. Ang mahahalagang ari-arian doon ay tinupok din, anupa’t ang lahat ay iniwan nilang wasak. Ang nagligtas sa patalim ay dinala nilang bihag sa Babilonia. Doo’y inalipin sila ng hari at ng kanyang mga anak hanggang ang Babilonia’y masakop ng Persia. Sa gayun natupad ang hula ni Jeremias na ang lupai’y nakapamahinga sa loob ng pitumpung taong singkad.
Upang matupad ang salita niyang ito sa pamamagitan ni Jeremias, pinukaw ng Panginoon ang kalooban ni Ciro, hari ng Persia noong unang taon ng kanyang paghahari. Nagpalabas ang haring ito ng isang pahayag sa buong kaharian na ganito ang isinasaad:
“Ito ang pahayag ng Haring Ciro ng Persia: ‘Ipinaubaya sa akin ng Panginoon, Diyos ng Kalangitan, ang lahat ng kaharian sa daigdig at inutusan niya akong magtayo para sa kanya ng templo sa Jerusalem ng Juda. Kaya, ang sinuman sa inyo na kabilang sa kanyang bayan ay pinahihintulutan kong pumunta sa Jerusalem. Samahan nawa siya ng Panginoon, ang kanyang Diyos.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 136, 1-2. 3. 4-5. 6
Kung ika’y aking limutin, wala na ‘kong aawitin.
Sa pampang ng mga ilog nitong bansang Babilonia,
kami roo’y nakaupong tumatangis, sa tuwinang
ang iniwan naming Sion ay aming maalaala.
Sa sanga ng mga kahoy, sa tabi ng ilog nila,
isinabit namin doon, yaong dala naming lira.
Kung ika’y aking limutin, wala na ‘kong aawitin.
Sa amin ay iniutos ng sa amin ay lumupig,
na aliwin namin sila, ng matamis naming tinig,
tungkol sa Sion, yaong paksa, niyong nais nilang awit.
Kung ika’y aking limutin, wala na ‘kong aawitin.
Pa’no namin aawitin, ang awit ng Panginoon,
samantalang bihag kaming nangingibang bayan noon?
Ayaw ko nang ang lira ko’y hawakan pa at tugtugin,
kung ang bunga sa pagtugtog, limutin ang Jerusalem.
Kung ika’y aking limutin, wala na ‘kong aawitin.
Di na ako aawit pa, kung ang lundong sasapitin.
Sa isip ko’t alaala, ika’y ganap na limutin,
kung ang kaligayahan mo ay hindi ko hahangarin.
Kung ika’y aking limutin, wala na ‘kong aawitin.
IKALAWANG PAGBASA
Efeso 2, 4-10
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Efeso
Mga kapatid:
Napakasagana ang habag ng Diyos at napakadakila ang pag-ibig na iniukol niya sa atin. Tayo’y binuhay niya kay Kristo kahit noong tayo’y mga patay pa dahil sa ating pagsuway. Naligtas nga kayo dahil sa kanyang kagandahang-loob. Dahil sa pakikipag-isa kay Kristo Hesus, tayo’y muling binuhay na kasama niya at pinaupong kasama niya sa kalangitan. Ginawa niya ito upang sa darating na mga panahon ay maipakita niya ang di-masukat na kasaganaan ng kanyang kagandahang-loob sa atin sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Dahil sa kagandahang-loob ng Diyos ay naligtas kayo sa pamamagitan ng inyong pananalig kay Kristo. At ang kaligtasang ito’y kaloob ng Diyos, hindi mula sa inyo. Hindi ito dahil sa inyong mga gawa kaya’t walang dapat ipagmalaki ang sinuman. Tayo’y kanyang nilalang, nilikha sa pamamagitan ni Kristo Hesus upang iukol natin ang ating buhay sa paggawa ng mabuti, na itinalaga na ng Diyos para sa atin noon pa mang una.
Ang Salita ng Diyos.
AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Juan 3, 16
Pag-ibig sa sanlibutan
ng D’yos ay gayun na lamang,
kanyang Anak ibinigay,
upang mabuhay kaylan man
ang nananalig na tunay.
MABUTING BALITA
Juan 3, 14-21
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong mga araw na iyon: sinabi ni Hesus kay Nicodemo, “Kung paanong itinaas ni Moises ang ahas doon sa ilang, gayun din naman, kailangang itaas ang Anak ng Tao, upang ang sinumang sumasampalataya sa kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan. Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. Sapagkat sinugo ng Diyos ang kanyang Anak, hindi upang hatulang maparusahan ang sanlibutan, kundi upang iligtas ito sa pamamagitan niya. Hindi hinahatulang maparusahan ang nananampalataya sa bugtong na Anak ng Diyos; ngunit hinatulan nang parusahan ang hindi nananampalataya sa kanya. Hinatulan sila sapagkat naparito sa sanlibutan ang ilaw, ngunit inibig pa ng mga tao ang dilim kaysa liwanag, sapagkat masama ang kanilang mga gawa. Ang gumagawa ng masama ay ayaw sa ilaw, at hindi lumalapit dito upang hindi mahayag ang kanyang mga gawa. Ngunit ang namumuhay sa katotohanan ay lumalapit sa ilaw; sa gayun, nahahayag na ang kanyang mga ginagawa’y pagsunod sa Diyos.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Daniel 9, 4b-10
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Daniel
Panginoon, dakila at Makapangyarihang Diyos na laging tapat sa umiibig sa iyo at sumusunod sa iyong mga utos. Nagkasala po kami. Nagpakasama kami at sumuway sa iyong mga tuntunin at kautusan. Hindi kami nakinig sa iyong mga propeta na nagpahayag sa aming mga hari, tagapamuno, magulang at sa buong bayan. Panginoon, ikaw ay laging nasa matuwid at kami ay laging nasa kasamaan tulad ngayon: ang buong Juda at Jerusalem, ang buong Israel, ang lahat pati mga itinapon mo sa iba’t ibang dako dahil sa kataksilan sa iyo. Kami po, ang aming mga hari, pinuno at ang aming mga magulang ay laging nagkakasala sa iyo. Ikaw, Panginoon, ay mahabagin at mapagpatawad sa kabila ng lagi naming pagsalansang at pagsuway sa mga utos na ibinigay mo sa amin na iyong mga alipin sa pamamagitan ng iyong mga propeta.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 78, 8. 9. 11 at 13
Panginoon, aming hiling: patawad sa sala namin.
Huwag mong parusahan
kaming mga anak, sa pagkakasala ng aming magulang,
ikaw ay mahabag sa mga lingkod mong pag-asa’y pumanaw.
Panginoon, aming hiling: patawad sa sala namin.
Mahabag ka sana,
kami ay tulungan, Panginoong Diyos na Tagapagligtas,
dahil sa ngalan mo, kaming nagkasala’y patawaring ganap
at ang pagpupuri sa iyo ng madla’y hindi maglilikat.
Panginoon, aming hiling: patawad sa sala namin.
Iyong kahabagan
ang mga bilanggong kanilang hinuli, dinggin mo ang daing,
sa taglay mong lakas, iligtas mo silang takdang papatayin.
Kaming iyong lingkod,
lingkod mo kaming parang mga tupa sa iyong pastulan,
magpupuring lagi’t magpapasalamat sa iyong pangalan!
Panginoon, aming hiling: patawad sa sala namin.
AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA:
Juan 6, 63k. 68k
Salita mo, Kristong mahal,
Espiritung bumubuhay,
nagtuturo’t umaakay
sa nagnanais makamtan
ang langit na walang hanggan.
MABUTING BALITA
Lucas 6, 36-38
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Maging mahabagin kayo gaya ng inyong Ama. Huwag kayong humatol at hindi kayo hahatulan ng Diyos. Huwag kayong magparusa at hindi kayo parurusahan ng Diyos. Magpatawad kayo sa inyong kapwa, at patatawarin kayo ng Diyos. Magbigay kayo, at bibigyan kayo ng Diyos: hustong takal, siksik, liglig, at umaapaw pa ang ibibigay sa inyo. Sapagkat ang takalang ginagamit ninyo sa iba ay siya ring gagamitin ng Diyos sa inyo.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Isaias 1, 10. 16-20
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Mga pinuno ng Sodoma,
pakinggan ninyo ang sinasabi ng Panginoon;
mga namamayan sa Gomorra,
pakinggan ninyo ang aral ng ating Diyos.
Magpakabuti na kayo, magbalik-loob sa akin;
talikdan na ninyo ang masasamang gawain.
Tumigil na kayo ng paggawa ng masama.
Pag-aralan ninyong gumawa ng mabuti;
pairalin ang katarungan;
itigil ang pang-aapi;
tulungan ang mga ulila;
ipagtanggol ang mga balo.
“Halikayo at magliwanagan tayo,
gaano man karami ang inyong kasalanan,
handa akong ipatawad ang lahat ng iyan,
kahit na kayo’y maruming-marumi sa kasalanan,
kayo’y magiging busilak sa kaputian.
Kung kayo’y susunod at tatalima,
pasasaganain ko ang ani ng inyong lupain.
ngunit kung magpapatuloy kayo sa inyong pagsuway
ay tiyak na kayo’y mamamatay.”
Ito ang sabi ng Panginoon.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 49, 8-9. 16bk-17. 21 at 23
Ang masunurin sa Diyos ay sasagipin n’yang lubos.
Hindi ako nagagalit dahilan sa inyong handog,
ni sa inyong mga haing sa dambana’y sinusunog,
bagaman ang mga toro’y hindi ko na kailangan,
maging iyang mga kambing at ang inyong mga kawan.
Ang masunurin sa Diyos ay sasagipin n’yang lubos.
Bakit ninyo inuusal yaong aking mga utos?
At bakit ang paksa ninyo ay sa tipan natutungod?
Pag kayo ay tinutuwid, agad kayong napopoot,
at ni ayaw na tanggapin yaong aking mga utos.
Ang masunurin sa Diyos ay sasagipin n’yang lubos.
Kahit ito ay ginawa hindi kayo alumana,
kaya naman ang akala, kayo’t ako’y magkaisa;
ngunit ngayon, panahon nang kayo’y aking pagwikaan
upang inyong maunawa ang ginawang kamalian.
Ang parangal na nais ko na sa aki’y ihahain,
ay handog ng pasalamat, pagpupuring walang maliw;
akin namang ililigtas ang lahat na masunurin.
Ang masunurin sa Diyos ay sasagipin n’yang lubos.
AWIT PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Ezekiel 18, 31
Sinabi ng Poong mahal:
“Kasamaan ay layuan,
kasalana’y pagsisihan;
kayo ay magbagong-buhay,
magbalik-loob na tunay.”
MABUTING BALITA
Mateo 23, 1-12
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyong, sinabi ni Hesus sa mga tao at sa kanyang mga alagad, “Ang mga eskriba at ang mga Pariseo ang kinikilalang tagapagpaliwanang ng Kautusan ni Moises. Kaya’t gawin ninyo ang itinuturo nila at sundin ang kanilang iniuutos. Ngunit huwag ninyo tularan ang kanilang gawa, sapagkat hindi nila isinasagawa ang kanilang ipinangangaral. Nagbibigkis sila ng mabibigat na dalahin at ipinapasan sa mga tao; ngunit ni daliri ay ayaw nilang igalaw upang tumulong sa pagdadala ng mga iyon. Pawang pakitang-tao ang kanilang mga gawa. Nilalaparan nila ang kanilang mga pilakterya at hinahabaan ang palawit sa laylayan ng kanilang mga damit. Ang ibig nila’y ang mga upuang pandangal sa mga piging at ang mga tanging luklukan sa mga sinagoga. Ang ibig nila’y pagpugayan sila sa mga liwasang-bayan, at tawaging guro. Ngunit kayo — huwag kayong patawag na guro, sapagkat iisa ang inyong Guro, at kayong lahat ay magkakapatid. At huwag ninyo tawaging ama ang sinumang tao sa lupa, sapagkat iisa ang inyong Ama, ang Amang nasa langit. Huwag kayong patawag na tagapagturo, sapagkat iisa ang inyong Tagapagturo, ang Mesias. Ang pinakadakila sa inyo ay dapat maging lingkod ninyo. Ang nagpakakataas ay ibababa, at ang nagpapakababa ay itataas.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Jeremias 18, 18-20
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Jeremias
Ang sabi ng mga tao: “Iligpit na natin si Jeremias! May mga saserdote namang magtuturo sa atin, mga pantas na magpapayo, at mga propetang magpapahayag ng salita ng Diyos. Isakdal natin siya, at huwag na nating pakinggan ang mga sinasabi niya.”
Kaya’t nanalangin si Jeremias, “Panginoon, pakinggan mo ang aking dalangin; batid mo ang binabalak ng mga kaaway ko. Ang kabayaran ba ng kabutihan ay kasamaan? Ano’t naghanda sila ng hukay upang ako’y mabitag? Natatandaan mo kung paano ko sila idinalangin sa iyo upang huwag mong ipalasap sa kanila ang iyong poot.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 30, 5-6. 14. 15-16
Pag-ibig mo’y walang maliw kaya’t ako’y ‘yong sagipin.
O aking patnubay, ako ay iligtas.
sa patibong nila at umang na bitag.
Buhay ko’y nabilin sa ‘yong mga kamay,
ang pagliligtas mo sa aki’y pakamtan;
ikaw ang aming Diyos, na tapat ay tunay.
Pag-ibig mo’y walang maliw kaya’t ako’y ‘yong sagipin.
May mga bulungan akong naririnig,
mula sa kaaway sa aking paligid;
sa kanilang balak ako’y nanginginig,
ang binabalangkas, ako ay iligpit.
Pag-ibig mo’y walang maliw kaya’t ako’y ‘yong sagipin.
Ngunit Panginoon, ang aking tiwala
ay nasasaiyo, Diyos na dakila!
Sa iyong kalinga, umaasa ako,
laban sa kaaway ay ipagtatanggol mo;
at sa umuusig na sinumang tao.
Pag-ibig mo’y walang maliw kaya’t ako’y ‘yong sagipin.
AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Juan 8, 12
Ang sabi ng Poong mahal:
“Sa daigdig ako’y ilaw.
Kapag ako ay sinundan,
ang dilim ay mapaparam
at sa aki’y mabubuhay.”
MABUTING BALITA
Mateo 20, 17-18
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, nang nasa daan na si Hesus patungong Jerusalem, ibinukod niya ang Labindalawa. Sinabi niya sa kanila, “Aakyat tayo sa Jerusalem. Doo’y ipagkakanulo sa mga punong saserdote at sa mga eskriba ang Anak ng Tao. Hahatulan siya ng kamatayan, at ibibigay sa mga Hentil. Siya’y tutuyain, hahagupitin at ipapako sa krus; ngunit muli siyang bubuhayin sa ikatlong araw.”
Lumapit kay Hesus ang asawa ni Zebedeo, kasama ang kanyang mga anak. May ibig siyang hilingin, kaya’t lumuhod siya sa harapan ni Hesus. “Ano ang ibig mo?” tanong ni Hesus. Sumagot siya, “Sana’y ipagkaloob ninyo sa dalawa kong anak na ito ang karapatan na makaupong katabi ninyo sa inyong kaharian – isa sa kanan at isa sa kaliwa.” “Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi,” sabi ni Hesus sa kanila. “Makakainom ba kayo sa kopa ng hirap ko?” “Opo”, tugon nila. Sinabi ni Hesus “Ang kopa ng hirap ko ay maiinom nga ninyo. Ngunit wala sa akin ang pagpapasiya kung sino ang mauupo sa aking kanan at sa aking kaliwa. Ang mga luklukang sinasabi ninyo’y para sa mga pinaghandaan ng aking Ama.”
Nang marinig ito ng sampung alagad, nagalit sila sa magkapatid. Kaya’t pinalapit sila ni Hesus at sinabi sa kanila, “Alam ninyo na ang mga pinuno ng mga Hentil ay naghahari sa kanila, at ang mga dinadakila ang siyang nasusunod. Ngunit hindi ganyan ang dapat na umiral sa inyo. Sa halip, ang sinuman sa inyo na ibig maging dakila ay dapat maging lingkod. Ang sinumang ibig maging pinuno ay dapat maging alipin ninyo, tulad ng Anak ng Tao na naparito, hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at ialay ang kanyang buhay upang matubos ang marami.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Jeremias 17, 5-10
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Jeremias
Sinasabi ng Panginoon,
“Parurusahan ko ang sinumang tumatalikod sa akin,
at nagtitiwala sa kanyang kapwa,
sa lakas ng mga taong may hangganan ang buhay.
Ang katulad niya’y halamang tumubo sa ilang,
sa lupang tigang, at sa lupang maalat na walang ibang tumutubo;
walang mabuting mangyayari sa kanya.
“Ngunit maligaya ang taong nananalig sa Panginoon,
pagpapalain ang umaasa sa kanya.
Ang katulad niya’y halamang nakatanim sa tabi ng batisan,
ang mga ugat ay patungo sa tubig;
hindi ito manganganib kahit dumating ang tag-init,
sapagkat mamamalaging luntian ang mga dahon nito,
kahit di umulan ay wala itong aalalahanin;
patuloy pa rin itong mamumunga.
“Sino ang makauunawa sa puso ng tao?
Ito’y magdaraya at walang katulad;
Wala nang lunas ang kanyang kabulukan.
Akong Panginoon ang sumisiyasat sa isip
at sumusubok sa puso ng mga tao.
Ginagantihan ko ang bawat isa ayon sa kanyang pamumuhay,
at ginagantimpalaan ayon sa kanyang ginagawa.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 1, 1-2. 3. 4 at 6
Mapalad ang umaasa sa Panginoon tuwina.
Mapalad ang taong hindi naaakit niyong masasama,
upang sundan niya ang kanilang payo’t maling halimbawa;
hindi sumasama sa sinumang taong ang laging adhika’y
pagtawanan lamang at hamak-hamakin ang Diyos na dakila.
Nagagalak siyang laging magsaliksik ng banal na aral,
ang utos ng Poon siyang binubulay sa gabi at araw.
Mapalad ang umaasa sa Panginoon tuwina.
Ang katulad niya’y isang punongkahoy sa tabing batisan,
sariwa ang daho’t laging namumunga sa kapanahunan,
at anumang gawin ay nakatitityak na magtatagumpay.
Mapalad ang umaasa sa Panginoon tuwina.
Ngunit ibang-iba ang masamang tao; ipa ang kawangis,
siya’y natatangay at naipapadpad kung hangi’y umihip.
Sa taong matuwid ay Panginoon ang s’yang mag-iingat,
ngunit kailanman ang mga masama ay mapapahamak.
Mapalad ang umaasa sa Panginoon tuwina.
AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Lucas 8, 15
Mapalad ang nag-iingat
sa kanyang pusong matapat
ng Salitang nagbubuhat
sa Poong D’yos ng liwanag,
sa t’yaga’y aaning ganap.
MABUTING BALITA
Lucas 16, 19-31
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga Pariseo: “May isang mayamang nagdaramit nang mamahalin at saganang-sagana sa pagkain araw-araw. At may isa namang pulubing nagngangalang Lazaro, tadtad ng sugat, na nakalupasay sa may pintuan ng mayaman upang mamulot kahit mumong nahuhulog mula sa hapag ng mayaman. At doo’y nilalapitan siya ng aso at dinidilaan ang kanyang mga sugat. Namatay ang pulubi, at dinala ng mga anghel sa piling ni Abraham. Namatay rin ang mayaman, at inilibing. Sa gitna ng kanyang pagdurusa sa Hades, tumingala ang mayaman at kanyang natanaw sa malayo si Abraham, kapiling ni Lazaro. At sumigaw siya, ‘Amang Abraham, mahabag po kayo sa akin. Utusan ninyo si Lazaro na isawsaw sa tubig ang dulo ng kanyang daliri at palamigin ang aking dila, sapagkat naghihirap ako sa apoy na ito.’ Ngunit sinabi sa kanya ni Abraham, ‘Anak, alalahanin mong nagpasasa ka sa buhay sa ibabaw ng lupa, at si Lazaro’y nagtiis ng kahirapan. Ngunit ngayo’y inaaliw siya rito, samantalang ikaw nama’y nagdurusa. Higit sa lahat, inilagay sa pagitan natin ang isang malaking bangin upang ang mga narini ay hindi makapariyan at ang mga nariyan ay hindi makaparini.’ At sinabi ng mayaman, ‘Kung gayun po, Amang Abraham, ipinamamanhik ko sa inyong papuntahin si Lazaro sa bahay ng aking ama, sapagkat ako’y may limang kapatid na lalaki. Paparoonin nga ninyo siya upang balaan sila at nang hindi sila humantong sa dakong ito ng pagdurusa.’ Ngunit sinabi sa kanya ni Abraham, ‘Nasa kanila ang mga sinulat ni Moises at ng mga propeta; pakinggan nila ang mga iyon.’ ‘Hindi po sapat ang mga iyon,’ tugon niya, ‘ngunit kung pumunta sa kanila ang isang patay na muling nabuhay, tatalikdan nila ang kanilang mga kasalanan.’ Sinabi sa kanya ni Abraham, ‘Kung ayaw nilang pakinggan ang mga sinulat ni Moises at ng mga propeta, hindi rin nila paniniwalaan kahit ang isang patay na muling nabuhay.’”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Genesis 37, 3-4. 12-13a. 17b-28
Pagbasa mula sa aklat ng Genesis
Mas mahal ni Israel si Jose kaysa ibang mga anak, sapagkat matanda na siya nang ito’y isinilang. Iginawa niya ito ng damit na mahaba at may manggas. Dinamdam ito ng kanyang mga kapatid at ayaw nilang pakisamahang mabuti si Jose.
Nasa Siquem ang mga kapatid ni Jose at doon inaalagaan ang kawan ng kanilang ama. Sinabi ni Israel, “Gumayak ka at sumunod sa iyong mga kapatid.” Sumunod si Jose at natagpuan ang mga kapatid sa Dotan. Malayo pa siya’y natanaw na ng mga ito. Nagkaisa silang patayin siya. Sinabi nila, “Ayan na ang mapanaginipin! Patayin natin at ihulog sa balon, at sabihing sinila ng mabangis na hayop. Tingnan natin kung ano ang mangyayari sa kanyang mga panaginip.”
Narinig ito ni Ruben at binalak na iligtas si Jose. Sabi niya, “Huwag, huwag nating patayin. Huwag natin siyang pagbuhatan ng kamay; ihulog na lamang natin sa balon.” Sinabi niya ito, sapagkat ang balak niya ay iligtas ang kapatid. Paglapit ni Jose, hinubdan nila ito at ihinulog sa isang tuyong balon.
Habang sila’y kumakain, may natanaw silang pangkat ng mga Ismaelitang mula sa Galaad. Ang kanilang mga kamelyo ay may kargang mga gagawing pabango na dadalhin sa Egipto. Sinabi ni Juda sa kanyang mga kapatid, “Wala tayong mapapala kung patayin natin ang ating kapatid. Mabuti pa’y ipagbili na lamang natin siya sa mga Ismaelita kaysa ating saktan! Siya’y kapatid din natin: laman ng ating laman at dugo ng ating dugo.” At sila’y nagkasundo. Nang malapit na ang mga mangangalakal, iniahon nila si Jose at ipinagbilil sa halagang dalawampung pirasong pilak. At si Jose’y dinala ng mga Ismaelita sa Egipto.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 104, 16-17. 18-19. 20-21
Gunitain nang malugod ang dakilang gawa ng D’yos.
Sa lupain nila’y mayroong taggutom na ipinarating
itong Panginoon, kung kaya nagdahop sila sa pagkain.
Subalit ang Diyos sa unahan nila’y may sugong lalaki
tulad ng alipin, ibinenta nila ang batang si Jose.
Gunitain nang malugod ang dakilang gawa ng D’yos.
Mga paa nito’y nagdanas ng hirap nang ito’y ipangaw,
pati leeg niya’y pinapagk’wintas ng kolyar na bakal;
hanggang sa dumating ang isang sandali na siya’y subukin
nitong Panginoon, na siyang nangakong siya’y tutubusin.
Gunitain nang malugod ang dakilang gawa ng D’yos.
Ang kinasangkapan niya’y isang hari, siyang nagpalaya,
pinalaya siya nitong haring ito na namamahala.
Doon sa palasyong tahanan ng hari pinapamahala,
sa buong lupain, si Jose’y ginawa niyang katiwala.
Gunitain nang malugod ang dakilang gawa ng D’yos.
AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Juan 3, 16
Pag-ibig sa sanlibutan
ng D’yos ay gayun na lamang,
kanyang Anak ibinigay
upang mabuhay kailanman
ang nananalig na tunay.
MABUTING BALITA
Mateo 21, 33-43. 45-46
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga punong saserdote at matatanda ng bayan: “Pakinggan ninyo ang isa pang talinghaga. May isang taong nagtanim ng ubas sa kanyang bukid, at ito’y binakuran niya. Gumawa siya roon ng pisaan ng ubas at nagtayo ng isang mataas na bantayan. Pagkatapos, kanyang iniwan sa mga kasama ang ubasan, at siya’y nagtungo sa ibang lupain. Nang dumating ang panahon ng pitasan, pinapunta ng may-ari ng ubasan ang kanyang mga alipin upang kunin sa mga kasama ang kanyang parte. Ngunit sinunggaban ng mga kasama ang mga alipin; binugbog nila ang isa, pinatay ang ikalawa, at binato naman ang ikatlo. Pinapunta uli ng may-ari ang mas maraming alipin, ngunit gayun din ang ginawa ng mga kasama sa mga ito. Sa kahuli-huliha’y pinapunta niya ang kanyang anak na lalaki. ‘Igagalang nila ang aking anak,’ wika niya sa sarili. Ngunit nang makita ng mga kasama ang anak, sila’y nagusap-usap: ‘Ito ang tagapagmana. Halikayo! Patayin natin nang mapasaatin ang kanyang mamanahin. Kaya’t siya’y sinunggaban nila, inilabas sa ubasan at pinatay.
“Pagbalik ng may-ari ng ubasan, ano kaya ang gagawin niya sa mga kasamahang iyon?” Sumagot sila, “Lilipunin niya ang mga buhong na iyon, at paaalagaan ang ubasan sa ibang kasama na magbibigay sa kanya ng kaparte sa panahon ng pamimitas.” Tinanong sila ni Hesus, “Hindi pa ba ninyo nababasa ang talatang ito sa Kasulatan?
‘Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ng bahay
Ang siya naging batong panulukan.
Ginawa ito ng Panginoon,
At ito’y kahanga-hanga!’
Kaya nga sinasabi ko sa inyo: hindi na kayo ang paghaharian ng Diyos kundi ang bansang maglilingkod sa kanya ng tapat.
Narinig ng mga punong saserdote at ng mga Pariseo ang mga talinghaga ni Hesus, at naunawaan nilang sila ang pinatatamaan niya. Dadakpin sana nila siya, ngunit natakot sila sa mga tao, sapagkat kinikilala ng mga ito na propeta si Hesus.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Mikas 7, 14-15. 18-20
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Mikas
Patnubayan mo ang iyong bayan, Panginoon, ang bayan na iyong hinirang. Nag-iisa siya sa gitna ng matabang lupain. Bayaan mo silang manirahan sa magandang pastulan ng Basan at Galaad.
Magpakita ka sa amin ng mga kababalaghan tulad noong ilabas mo sa Egipto ang iyong bayan. Wala nang ibang Diyos na tulad mo. Pinatatawad mo ang mga kasalanan ng nalabi sa bayan mong hinirang. Hindi ka nagkikimkim ng galit. Sa halip ay pinadarama mo sa kanila ang tapat mong pagmamahal. Muli kang mahahabag sa amin, lilimutin mo ang mga pagkakasala namin at ihahagis sa kalaliman ng dagat. Ipamamalas mo ang iyong katapatan sa Israel at ang walang maliw na pag-ibig sa angkan ni Abraham, gaya ng iyong ipinangako sa aming mga magulang mula pa nang unang panahon.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 102, 1-3. 3-4. 9-10. 11-12
Ang ating mahabaging D’yos ay nagmamagandang-loob.
Panginoo’y papurihan, purihin mo, kaluluwa,
ang pangalan niyang banal purihin mo sa tuwina.
Ikaw, aking kaluluwa, ang Diyos ay papurihan,
at huwag mong lilimutin yaong kanyang kabutihan.
Ang ating mahabaging D’yos ay nagmamagandang-loob.
Ang lahat kong kasalana’y siya ang nagpapatawad,
ang anumang aking sakit, ginagamot niyang lahat.
Sa bingit ng kamatayan ako ay inililigtas,
at pinagpapala ako sa pag-ibig niya’t habag.
Ang ating mahabaging D’yos ay nagmamagandang-loob.
Banayad nga kung magalit, hindi siya nagtatanim;
yaong taglay niyang galit, hindi niya kinikimkim.
Kung siya ay magparusa, di katumbas ng pagsuway;
di natayo siningil sa nagawang kasalanan.
Ang ating mahabaging D’yos ay nagmamagandang-loob.
Ang agwat ng lupa’t langit, sukatin ma’y hindi kaya,
gayun ang pag-ibig ng Diyos, sa may takot sa kanya.
Ang silangan at kanluran kung gaano ang distansya
gayung-gayun ang pagtingin sa sinumang nagkasala.
Ang ating mahabaging D’yos ay nagmamagandang-loob.
AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Lucas 15, 18
Babalik ako sa ama,
at aamunin ko siya,
sasabihin ko sa kanya:
“Ako po ay nagkasala
sa D’yos at sa ‘yong pagsinta.”
MABUTING BALITA
Lucas 15, 1-3. 11-32
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, ang mga publikano at ang mga makasalanan ay nagsisilapit upang makinig kay Hesus. Nagbulung-bulungan ang mga Pariseo at ang mga eskriba. Ang sabi nila: “Ang taong ito’y nakikisalamuha sa mga makasalanan at nakikisalo sa kanila.” Kaya’t sinabi sa kanila ni Hesus ang talinghagang ito:
“Isang tao ang may dalawang anak na lalaki. Ang wika ng bunso, ‘Ama, ibigay na po ninyo sa akin ang mamanahin ko.’ At binahagi sa kanila ng ama ang kanyang ari-arian. Pagkalipas ng ilang araw, ipinagbili ng bunso ang kanyang ari-arian at nagtungo sa malayong lupain, taglay ang buo niyang kayamanan, at doo’y nilustay na lahat sa di wastong pamumuhay. Nang malustay na niya ang kanyang kayamanan, nagkaroon ng matinding taggutom sa lupaing yaon, at nagdalita siya. Kaya’t namasukan siya sa isang mamamayan ng lupaing yaon. Siya’y pinapunta nito sa bukid upang mag-alaga ng baboy. Ibig sana niyang punan ang kanyang pagkain kahit ng mga bungang-kahoy na ipinakakain sa mga baboy ngunit walang magbigay sa kanya. Nang mapag-isip-isip niya ang kanyang ginawa, nasabi niya sa sarili, ‘Ang mga alila ng aking ama ay may sapat na pagkain – at lumalabis pa – samantalang ako’y namamatay ng gutom dito! Babalik ako sa kanya, at sasabihin ko, “Ama, nagkasala po ako sa Diyos at sa inyo. Hindi na po ako karapat-dapat na tawagin ninyong anak; ibilang na lamang ninyo akong isa sa inyong mga alila.”, At tumindig siya at pumaroon sa kanyang ama.
“Malayo pa’y natanawan na siya ng ama at ito’y labis na nahabag sa kanya, kaya’t patakbo siyang sinalubong, niyakap, at hinagkan. Sinabi ng anak, ‘Ama, nagkasala po ako sa Diyos at sa inyo. Hindi na po ako karapat-dapat na tawagin ninyong anak.’ Ngunit tinawag ng ama ang kanyang mga alila, ‘Madali! Dalhin ninyo rito ang pinakamahusay na damit at isuot sa kanya. Suutan siya ng singsing at panyapak. Kunin ang pinatabang guya at patayain; kumain tayo at magsaya! Sapagkat namatay na ang anak kong ito; ngunit muling nabuhay; nawala, ngunit nasumpungan.’ At sila’y nagsaya.
“Nasa bukid noon ang anak na panganay. Umuwi siya, at nang malapit na sa bahay ay narinig niya ang tugtugan at sayawan. Tinawag niya ang isa sa mga alila at tinanong: ‘Bakit? May ano sa atin?’ ‘Dumating po ang inyong kapatid!’ tugon ng alila. ‘Ipinapatay ng inyong ama ang pinatabang guya, sapagkat nagbalik siyang buhay at walang sakit.’ Nagalit ang panganay at ayaw itong pumasok sa bahay. Kaya’t lumabas ang kanyang ama at inamu-amo siya. Ngunit sinabi nito, ‘Pinaglingkuran ko po kayo sa loob ng maraming taon, at kailanma’y hindi ko kayo sinuway. Ngunit ni minsa’y hindi ninyo ako binigyan ng kahit isang bisirong kambing para magkatuwaan kami ng aking mga kaibigan. Subalit nang dumating ang anak ninyong lumustay ng inyong kabuhayan sa masasamang babae, ipinagpatay pa ninyo ng pinatabang guya!’ Sumagot ang ama, ‘Anak, lagi kitang kapiling. Ang lahat ng ari-arian ko’y sa iyo. Ngunit dapat tayong magsaya at magalak, sapagkat namatay na ang kapatid mo, ngunit muling nabuhay; nawala, ngunit nasumpungan.’”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Exodo 20, 1-17
Pagbasa mula sa aklat ng Exodo
Noong mga araw na iyon, sinabi ng Diyos: “Ako ang Panginoon, ang inyong Diyos na naglabas sa inyo sa Egipto at humango sa inyo sa pagkaalipin.
“Huwag kayong magkakaroon ng ibang diyos, maliban sa akin.
“Huwag kayong magkakaroon ng diyus-diyusan o kaya’y larawan o rebulto ng anumang nilalang na nasa himpapawid, nasa lupa o nasa tubig. Huwag kayong yuyukod o maglilingkod sa alinman sa mga diyus-diyusang iyan sapagkat akong Panginoon ay mapanibughuin. Parurusahan ko ang lahat ng aayaw sa akin pati ang kanilang mga anak hanggang sa ikaapat na salinlahi. Ngunit ang lahat ng umiibig sa akin ay pagpapalain ko hanggang sa kanilang kaapu-apuhan.
“Huwag ninyong babanggitin sa walang kabuluhan ang pangalang Panginoon sapagkat parurusahan ko ang sinumang bumanggit nito nang walang kabuluhan.”
“Italaga ninyo sa akin ang Araw ng Pamamahinga. Anim na araw kayong gagawa ng inyong gawain. Ang ikapitong araw ay Araw ng Pamamahinga, at itatalaga ninyo sa akin. Sa ikapitong araw, walang gagawa isa man sa inyo: kayo, ang inyong mga anak, mga katulong, ang inyong mga hayop o sinumang naninirahan sa inyong bayan. Anim na araw na ginawa ko ang langit, ang lupa, ang mga dagat at ang lahat ng nasa mga ito; namahinga ako sa ikapitong araw. Itinangi ko ito at itinalaga para sa akin.
“Igalang ninyo ang inyong ama’t ina. Sa gayo’y mabubuhay kayo nang matagal sa lupaing ibinigay ko sa inyo.
“Huwag kayong papatay.
“Huwag kayong mangangalunya.
“Huwag kayong magnanakaw.
“Huwag kayong sasaksi sa di katotohanan laban sa inyong kapwa.
“Huwag ninyong pag-iimbutan ang sambahayan ng inyong kapwa: ang kanyang asawa, mga alila, mga baka, asno o ang anumang pag-aari niya.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 18, 8. 9. 10. 11
Panginoon, iyong taglay ang Salitang bumubuhay.
Ang batas ng Panginoon ay batas na walang kulang,
ito’y utos na ang dulot sa tao ay bagong buhay;
yaong kanyang mga batas ay mapagtitiwalaan,
nagbibigay ng talino sa pahat ng kaisipan.
Panginoon, iyong taglay ang Salitang bumubuhay.
Ang tuntuning ibinigay ng Poon ay wastong utos,
liligaya ang sinuman kapag ito ang sinunod;
ito’y wagas at matuwid pagkat mula ito sa Diyos,
pang-unawa ng isipan yaong bungang idudulot.
Panginoon, iyong taglay ang Salitang bumubuhay.
Yaong paggalang sa Poon ay marapat at mabuti,
isang banal na tungkulin na iiral na parati;
pati mga hatol niya’y matuwid na kahatulan,
kapag siya ang humatol, ang pasya ay pantay-pantay.
Panginoon, iyong taglay ang Salitang bumubuhay.
Ito’y higit pa sa ginto, na maraming nagnanais,
higit pa sa gintong lantay na ang hangad ay makamit;
matamis pa kaysa pulot, sa pulot na sakdal tamis,
kahit anong pulot ito na dalisay at malinis.
Panginoon, iyong taglay ang Salitang bumubuhay.
IKALAWANG PAGBASA
1 Corinto 1, 22-25
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto
Mga kapatid:
Ang mga Judio’y humihingi ng kababalaghan bilang katunayan. Karunungan naman ang hinahanap ng mga Griego. Ngunit ang ipinangangaral nami’y si Kristong ipinako sa krus isang katitisuran sa mga Judio at kahangalan para sa mga Hentil. Subalit sa mga tinawag ng Diyos, maging Judio at Griego, si Kristo ang kapangyarihan at karunungan ng Diyos. Sapagkat ang inaakala nilang kahangalan ng Diyos ay karunungang higit kaysa lahat ng karunungan higit kaysa lahat ng karunungan ng tao, at ang inaakala namang kahinaan ng Diyos ay lakas na higit sa lahat ng kalakasan ng tao.
Ang Salita ng Diyos.
AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Juan 3, 16
Pag-ibig sa sanlibutan
ng D’yos ay gayun na lamang,
kanyang Anak ibinigay,
upang mabuhay kailanman
ang nananalig na tunay.
MABUTING BALITA
Juan 2, 13-25
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Malapit na ang Paskuwa ng mga Judio, kaya’t pumunta si Hesus sa Jerusalem. Nakita niya sa templo ang mga nagbibili ng mga baka, mga tupa, at mga kalapati, at ang namamalit ng salapi. Gumawa siya ng isang panghagupit na lubid at ipinagtabuyang palabas ang mangangalakal, pati mga baka at tupa. Isinabog niya ang salapi ng mga namamalit at pinagtataob ang kanilang mga hapag. Sinabi niya sa mga nagbibili ng kalapati, “Alisin ninyo rito ang mga iyan! Huwag ninyong gawing palengke ang bahay ng aking Ama!” Naalaala ng kanyang mga alagad na sinasabi sa Kasulatan, “Ang aking malasakit sa iyong bahay ay parang apoy na nag-aalab sa puso ko.”
Dahil dito’y tinanong siya ng mga Judio, “Anong tanda ang maibibigay mo upang patunayang may karapatan kang gawin ito?” Tumugon si Hesus, “Gibain ninyo ang templong ito at muli kong itatayo sa loob ng tatlong araw.” Sinabi ng mga Judio, “Apat-napu’t anim na taon na ginawa ang templong ito, at itatayo mo sa loob lamang ng tatlong araw?”
Ngunit ang templong tinutukoy ni Hesus ay ang kanyang katawan. Kaya’t nang siya’y muling mabuhay, naalaala ng kanyang mga alagad na sinabi niya ito; at naniwala sila sa Kasulatan at sa mga sinabi ni Hesus.
Nang pista ng Paskuwa, nasa Jerusalem si Hesus. Marami ang sumampalataya sa kanya nang makita nila ang mga kababalaghang ginawa niya. Subalit hindi nagtiwala sa kanila sa Hesus, sapagkat kilala niya silang lahat. Hindi na kailangang may magsalita pa sa kanya tungkol sa kaninuman, sapagkat talastas niya ang kalooban ng lahat ng tao.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
1 Pedro 5, 1-4
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pedro
Mga pinakamamahal, sa matatandang namamahala sa inyo, nananawagan ako bilang isa ring matandang tulad ninyo. Nasaksihan ko ang paghihirap ni Kristo at makakahati naman ako sa karangalang nalalapit nang ipahayag. Ipinamamanhik kong alagaan ninyo ang kawang ipinagkatiwala sa inyo ng Diyos. Pamahalaan ninyo ito nang maluwag sa loob, hindi napipilitan lamang, sapagkat iyan ang ibig ng Diyos. Gampanan ninyo ang inyong tungkulin, hindi dahil sa masakim na paghahangad ng pansariling kapakinabangan, kundi sa katuwaang maglingkod; hindi bilang panginoon ng inyong mga nasasakupan, kundi bilang uliran ng inyong mga kawan. At pagparito ng Pangulong Pastol ay tatanggap kayo ng maningning na koronang di kukupas kailanman.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 22, 1-3a. 3b-4. 5. 6.
Pastol ko’y Panginoong D’yos, hindi ako magdarahop.
Panginoo’y aking Pastol, hindi ako magkukulang.
Ako’y pinahihimlay sa mainam na pastulan,
at inaakay niya ako sa tahimik na batisan,
binibigyan niya ako niyong bagong kalakasan.
Pastol ko’y Panginoong D’yos, hindi ako magdarahop.
At sang-ayon sa pangako na kaniyang binitiwan
sa matuwid na landasi’y doon ako inaakay.
Kahit na ang daang iyo’y tumatahak sa karimlan,
hindi ako matatakot pagkat ika’y kaagapay;
ang tungkod mo at pamalo ang gabay ko at sanggalang.
Pastol ko’y Panginoong D’yos, hindi ako magdarahop.
Sa harapan ng lingkod mo, ikaw ay may handang dulang,
ito’y iyong ginagawang nakikita ng kaaway;
nalulugod ka sa akin na ulo ko ay langisan
at pati na ang kalis ko ay iyong pinaaapaw.
Pastol ko’y Panginoong D’yos, hindi ako magdarahop.
Tunay na ang pag-ibig mo at ang iyong kabutihan,
sasaaki’t tataglayin habang ako’y nabubuhay;
doon ako sa templo mo lalagi at mananahan.
Pastol ko’y Panginoong D’yos, hindi ako magdarahop.
ALELUYA
Mateo 16, 18
Aleluya! Aleluya!
Ikaw, Pedro, ang saligan
ng aking simbahang banal
na daig ang kamatayan.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 16, 13-19
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, dumating si Hesus sa lupain ng Cesarea ng Filipos. Tinanong niya ang kanyang mga alagad, “Sino raw ang Anak ng Tao, ayon sa mga tao?” At sumagot sila, “Ang sabi po ng ilan ay si Juan Bautista kayo. Sabi naman ng iba, si Elias kayo. At may nagsasabi pang si Jeremias kayo o isa sa mga propeta.” “Kayo naman, ano ang sabi ninyo? Sino ako?” tanong niya sa kanila. Sumagot si Simon Pedro, “Kayo po ang Kristo, ang Anak ng Diyos na Buhay.” Sinabi sa kanya ni Hesus, “Mapalad ka, Simon na anak ni Jonas! Sapagkat ang katotohanang ito’y hindi inihayag sa iyo ng sinumang tao kundi ng aking Amang nasa langit. At sinasabi ko naman sa iyo, ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking simbahan, at hindi makapananaig sa kanya kahit ang kapangyarihan ng kamatayan. Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit: ang ipagbawal mo sa lupa ay ipagbabawal sa langit, at ang ipahintulot mo sa lupa ay ipahihintulot sa langit.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Isaias 55, 10-11
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Sinasabi ng Panginoon:
“Ang ulan at niyebe
paglagpak sa lupa’y di na nagbabalik,
aagos na ito sa balat ng lupa’t nagiging pandilig,
kaya may pagkai’t butil na panghasik.
Ganyan din ang aking mga salita,
magaganap nito ang lahat kong nasa.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 33, 4-5. 6-7. 16-17. 18-19
Mat’wid ay tinutulungan sa lahat ng kagipitan.
Kadakilaan ng Diyos ay ihayag
ang ngalan niya’y purihin ng lahat!
Ang aking dalangi’y dininig ng Diyos,
nawala sa akin ang lahat kong takot.
Mat’wid ay tinutulungan sa lahat ng kagipitan.
Nagalak ang aping umasa sa kanya,
pagkat di nabigo ang pag-asa nila.
Tumatawag sa Diyos ang walang pag-asa,
sila’y iniligtas sa hirap at dusa.
Mat’wid ay tinutulungan sa lahat ng kagipitan.
Kinukupkop ng Diyos ang mga matuwid
at ang taghoy nila’y kanyang dinirinig.
Nililipol niya yaong masasama
hanggang sa mapawi sa isip ng madla.
Mat’wid ay tinutulungan sa lahat ng kagipitan.
Agad dinirinig daing ng matuwid
inililigtas sila sa mga panganib.
Tumutulong siya sa nasisiphayo
ang walang pag-asa’y hindi binibigo.
Mat’wid ay tinutulungan sa lahat ng kagipitan.
AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Mateo 4, 4b
Ang tao ay nabubuhay
hindi lamang sa tinapay
kundi sa Salitang mahal
mula sa bibig na banal
ng Ama nating Maykapal.
MABUTING BALITA
Mateo 6, 7-15
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Sa pananalangin ninyo’y huwag kayong gagamit ng napakaraming salita gaya ng ginagawa ng mga Hentil. Ang akala nila’y pakikinggan sila ng Diyos dahil sa dami ng kanilang salita. Huwag ninyo silang tutularan. Sapagkat alam na ng iyong Ama ang inyong kinakailangan bago pa ninyo hingin sa kanya.
Ganito kayo mananalangin:
‘Ama naming nasa langit,
sambahin nawa ang pangalan mo.
Ikaw nawa ang maghari sa amin,
sundin nawa ang iyong kalooban
dito sa lupa tulad ng sa langit.
Bigyan mo kami ng pagkaing kailangan namin sa araw na ito;
at patawarin mo kami sa aming mga kasalanan,
tulad ng aming pagpapatawad sa mga nagkakasala sa amin.
At huwag mo kaming iharap sa mahigpit na pagsubok,
kundi ilayo mo kami sa Masama!
Sapagkat iyo ang kaharian at ang
kapangyarihan at ang kapurihan,
magpakailanman! Amen.
Sapagkat kung pinatatawad ninyo ang mga nagkakasala sa inyo, patatawarin din kayo ng inyong Amang nasa langit. Ngunit kung hindi ninyo pinatatawad ang mga nagkakasala sa inyo, hindi kayo patatawarin ng iyong Ama.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Jonas 3, 1-10
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Jonas
Sinabi uli ng Panginoon kay Jonas: “Pumunta ka sa Lungsod ng Ninive at ipahayag mo ang mga ipinasasabi ko sa iyo.” Nagpunta nga si Jonas sa Ninive. Malaki ang lungsod na ito. Aabutin ng tatlong araw kung lalakaring pabagtas. Siya’y pumasok sa lungsod.
Pagkaraan ng maghapong paglalakad, malakas niyang ipinahayag, “Gugunawin ang Ninive pagkaraan ng apatnapung araw!” Naniwala ang mga tagaroon sa pahayag na ito mula sa Diyos. Kaya, nag-ayuno sila at nagdamit ng sako bilang tanda ng lubos na pagsisisi at pagtalikod sa kanilang mga kasalanan.
Nang mabalitaan ito ng hari ng Ninive, bumaba siya sa kanyang trono, naghubad ng balabal, nagdamit din ng sako, at naupo sa abo. At ipinasabi niya sa mga taga-Ninive: “Ito’y utos ng hari at ng kanyang mga pinuno. Walang kakain isa man. Wala ring iinom, maging tao o hayop. Lahat ng tao at hayop ay magdamit ng sako. Taimtim na manalangin sa Diyos ang bawat isa. Pagsisihan ng lahat ang nagawa nilang kasalanan at talikdan ang masamang pamumuhay. Baka sa paraang ito’y mapawi ang galit ng Diyos, magbago siya ng kanyang pasiya at hindi na ituloy ang balak na paglipol sa atin.”
Nakita ng Diyos ang kanilang pagalikod sa kasamaan kaya hindi na itinuloy ang paggunaw sa Ninive.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 50, 3-4. 12-13. 18-19
D’yos ko, iyong tinatanggap pakumbaba’t pusong tapat.
Ako’y kaawaan, O mahal kong Diyos,
sang-ayon sa iyong kagandahang-loob
mga kasalanan ko’y iyong pawiin,
ayon din sa iyong pag-ibig sa akin!
Linisin mo sana ang aking karumhan
at ipatawad mo yaring kasalanan!
D’yos ko, iyong tinatanggap pakumbaba’t pusong tapat.
Isang pusong tapat sa aki’y likhain,
bigyan mo, O Diyos, ng bagong damdamin.
Sa iyong harapa’y h’wag akong alisin;
ang Espiritu mo ang papaghariin.
D’yos ko, iyong tinatanggap pakumbaba’t pusong tapat.
Hindi mo na nais ang mga panghandog;
sa haing sinunog di ka nalulugod.
Ang handog ko, O Diyos, na karapat-dapat
ay ang pakumbaba’t pusong mapagtapat.
D’yos ko, iyong tinatanggap pakumbaba’t pusong tapat.
AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Joel 2, 12-13
Magsisi tayong mataos,
halinang magbalik-loob
sa mapagpatawad na D’yos;
sa kanya tayo’y dumulog
at manumbalik na lubos.
MABUTING BALITA
Lucas 11, 29-32
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, samantalang dumaragsa ang mga tao, sinabi ni Hesus, “Napakasama ng lahing ito! Naghahanap sila ng palatandaan mula sa langit, subalit walang ipapakita sa kanila maliban sa palatandaang inilalarawan ng nangyari kay Jonas. Kung paanong naging isang palatandaan si Jonas sa mga taga-Ninive, gayun din naman, magiging isang palatandaan sa lahing ito ang Anak ng Tao. Sa Araw ng Paghuhukom, titindig ang Reyna ng Timog laban sa lahing ito at sila’y hahatulan niya ng kaparusahan. Sapagkat nanggaling siya sa dulo ng daigdig upang pakinggan ang karunungan ni Solomon; ngunit higit na di-hamak kay Solomon ang naririto! Sa Araw ng Paghuhukom ay titindig ang mga taga-Ninive laban sa lahing ito at hahatulan ng kaparusahan, sapagkat nagsisi sila dahil sa pangangaral ni Jonas; ngunit higit na di-hamak kay Jonas ang naririto!”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Ester 4, 17 n. p-r. aa-bb. gg-hh
Pagbasa mula sa aklat ni Ester
Noong mga araw na iyon, labis na nababagabag si Reyna Ester. Dumulog siya sa Panginoon. Ganito ang daing niya sa Panginoong Diyos ng Israel:
“Panginoon ko, tanging ikaw ang Hari namin. Tulungan mo ako na ngayo’y nag-iisa at walang ibang maaasahang tutulong kundi ikaw lamang. Haharap ako sa napakalaking panganib. Mula pa sa aking pagkabata, narinig ko na sa liping kinabibilangan ng aking angkan na ikaw, Panginoon, ang humirang sa Israel mula sa dinami-rami ng mga bansa, at ikaw din ang sa panahong iyon ay pumili sa aming mga magulang upang maging iyong bayan magpakailanman. Tinupad mo ang lahat ng iyong ipinangako sa kanila.
“Alalahanin mo kami, Panginoon. Ipadama mo sa amin ang iyong paglingap sa sandaling ito ng kagipitan. Bigyan mo ako ng lakas ng loob, Hari ng lahat ng mga dinidiyos at Pinuno ng lahat ng kapangyarihan sa lupa. Bigyan mo ako ng kakayahang magsalita sa harap ng leong si Asuero, upang maakit ang kanyang puso na mamuhi sa taong kumakalaban sa amin at sa gayo’y mapahamak siya kasama ng mga nakikipagsabwatan sa kanya. Iligtas mo kami, Panginoon. Tulungan mo ako na ngayo’y nag-iisa at walang ibang maaasahang tutulong kundi ikaw lamang.
“Ganap mong nababatid ang lahat.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 137, 1-2a. 2bk-3. 7k-8
Noong ako ay tumawag, tugon mo’y aking tinanggap.
Ako, Poon, buong pusong aawit ng pasalamat,
sa harap ng mga anghel, pupurihin kitang ganap.
Sa harap ng iyong templo ay yuyulo at gagalang,
pupurihin kita roon, pupurihin ang ‘yong ngalan.
Noong ako ay tumawag, tugon mo’y aking tinanggap.
Dahilan sa pag-ibig mo at sa iyong katapatan,
ika’y tunay na dakila, pati iyong kautusan.
Noong ako ay tumawag, tinanggap ko ang tugon mo,
sa lakas mong itinulong ay lumakas agad ako.
Noong ako ay tumawag, tugon mo’y aking tinanggap.
Nahahandang harapin mo mapupusok kong kaaway,
ligtas ako sa piling mo, sa takas na iyong taglay.
Yaong mga pangako mo ay handa mong tupding lahat,
ang dahilan nito Poon, pag-ibig mo’y di kukupas,
at ang mga sinimulang gawain mo’y magaganap.
Noong ako ay tumawag, tugon mo’y aking tinanggap.
AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Salmo 50, 12a. 14a
D’yos ko, sa aki’y igawad
loobing tunay na tapat;
puso ko’y gawin mong wagas
nang manaulo ang galak
bunga ng ‘yong pagliligtas.
MABUTING BALITA
Mateo 7, 7-12
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Humingi kayo, at kayo’y bibigyan; humanap kayo, at kayo’y makasusumpong; kumatok kayo, at ang pinto’y bubuksan para sa inyo. Sapagkat tumatanggap ang bawat humihingi, nakasusumpong ang bawat humahanap, at binubuksan ang pinto sa bawat kumakatok. Bibigyan ba ninyo ng bato ang inyong anak kung humihingi ng tinapay? Bibigyan ba ninyo siya ng ahas kung humihingi ng isda? Kung kayo na masasama, ay marunong magbigay ng mabubuting bagay sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Amang nasa langit? Ibibigay niya ang mabubuting bagay sa mga humihingi sa kanya!
“Kaya gawin ninyo sa inyong kapwa ang ibig ninyong gawin nila sa inyo. Ito ang kahulugan ng Kautusan ni Moises at ng turo ng mga propeta.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Friday of the First Week of Lent (Violet)
UNANG PAGBASA
Ezekiel 18, 21-28
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Ezekiel
Sinasabi ng Panginoon: “Kung ang isang taong masama ay tumalikod sa kanyang kasamaan, sumunod sa aking mga tuntunin, at gumawa ng mabuti, siya ay mabubuhay. Kakalimutan na ang lahat ng nagawa niyang kasalanan at mabubuhay siya dahil sa kabutihang ginawa niya sa bandang huli. Hindi ko ikinasisiya ang kamatayan ng masama,” sabi pa ng Panginoon, “Ang ibig ko nga, siya’y magsisi at magbagong buhay. Ngunit kung ang isang taong matuwid ay magpakasama at gumawa ng mga kasuklam-suklam na gawain, hindi siya mabubuhay. Mamamatay siya dahil sa kanyang pagtataksil at sa kasalanang nagawa. Mawawalan ng kabuluhan ang lahat ng kabutihang ginawa niya noong una.
“Marahil ay sasabihin ninyong hindi tama itong ginagawa ko. Makinig kayo, mga Israelita: Matuwid ang aking tuntunin, ang pamantayan ninyo ang baluktot. Kapag ang isang taong matuwid ay nagpakasama, mamamatay siya dahil sa kasamaang ginawa niya. At ang masamang nagpakabuti at gumawa ng mga bagay na matuwid ay mabubuhay. Dahil sa pagtalikod sa nagawa niyang kasamaan noong una, mabubuhay siya, hindi mamamatay.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 129, 1-2. 3-4ab. 4k-6. 7-8
Hiling nami’y ‘yong limutin tanang kasalanan namin.
Sa gitna ng paghihirap, tinawag ko’y Panginoon,
Panginoon, ako’y dinggin pagkat ako’y tumataghoy,
dinggin mo ang pagtawag ko’t paghingi ng iyong tulong.
Hiling nami’y ‘yong limutin tanang kasalanan namin.
Kung ikaw ay may talaan nitong aming kasalanan,
lahat kami ay tatanggap ng hatol mong nakalaan.
Ngunit iyong pinatawad, kasalanan ay nilimot,
pinatawad mo nga kami upang sa ‘yo ay matakot.
Hiling nami’y ‘yong limutin tanang kasalanan namin.
Sabik akong naghihintay sa tulong mo, Panginoon,
pagkat ako’y may tiwala sa pangako mong pagtulong.
Yaring aking pananabik, Panginoon ay higit pa,
sa serenong naghihintay ng pagsapit ng umaga.
Hiling nami’y ‘yong limutin tanang kasalanan namin.
Magtiwala ka, Israel, magtiwala sa iyong Diyos,
matatag at di kukupas ang pag-ibig niyang dulot,
lagi siyang nahahandang sa sinuman ay tumubos.
Ililigtas ang Israel, yaong kanyang mga hirang,
ililigtas niya sila sa kanilang kasalanan.
Hiling nami’y ‘yong limutin tanang kasalanan namin.
AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Ezekiel 18, 31
Sinabi ng Poong mahal:
“Kasamaan ay layuan,
kasalana’y pagsisihan;
kayo ay magbagong-buhay,
magbalik-loob na tunay.”
MABUTING BALITA
Mateo 5, 20-26
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Sinasabi ko sa inyo: kung ang pagsugod ninyo sa kalooban ng Diyos ay tulad lamang ng pagsunod ng mga eskriba at mga Pariseo, hindi kayo makapapasok sa kaharian ng Diyos.”
“Narinig ninyo na noong una’y inutos sa mga tao, ‘Huwag kang papatay; ang sinumang makamatay ay mananagot sa hukuman.’ Ngunit ngayo’y sinasabi ko sa inyo: ang mapoot sa kanyang kapatid ay mananagot sa hukuman; ang humamak sa kanyang kapatid ay mananagot sa Sanedrin, at sinumang magsabi sa kanyang kapatid ‘ulol ka!’ ay mapapasaapoy ng impiyero. Kaya’t kung naghahandog ka sa Diyos, at maalaala mo na may sama ng loob sa iyo ang kapatid mo, iwan mo muna ang iyong handog sa harap ng dambana at makipagkasundo ka sa kanya. Saka ka magbalik at maghandog sa Diyos.
“Kung may magsakdal laban sa iyo sa hukuman, makipag-ayos ka sa kanya habang may panahon, bago ka niya iharap sa hukom. At kung hindi’y ibibigay ka niya sa hukom, na magbibigay naman sa iyo ng tanod, at ikaw ay mabibilanggo. Sinasabi ko sa iyo: hindi ka makalalabas doon hangga’t hindi mo nababayaran ang kahuli-hulihang kusing.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Deuteronomio 26, 16-19
Pagbasa mula sa aklat ng Deuteronomio
Sinabi ni Moises sa mga tao: “Ngayon ay ibinigay nga sa inyo ng Panginoon ang mga tuntuning ito; sundin ninyo ito nang buong puso’t kaluluwa. Ipinahayag ninyo ngayon na ang Panginoon ang inyong Diyos, lalakad kayo ayon sa kanyang daan, susundin ang kanyang mga tuntunin at didinggin ang kanyang tinig. Ipinahayag naman niya sa inyo na kayo ay kanyang bayan, tulad ng kanyang pangako, at dapat ninyong sundin ang kanyang mga tuntunin. Palalakihin niya kayo higit sa ibang bansa upang maging kapurihan niya, karangalan at kadakilaan. At tulad ng sabi niya, kayo ay isang bansa na nakatalaga sa kanya.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 118, 1-2. 4-5. 7-8
Mapalad ang sumusunod sa utos ng Poong Diyos.
Mapalad ang mga taong malinis ang pamumuhay,
ayon sa utos ng Poon ang gawain araw-araw.
Mapalad ang sumusunod sa kaniyang kautusan,
buong puso ang pagsunod sa utos na ibinigay.
Mapalad ang sumusunod sa utos ng Poong Diyos.
Ibinigay mo sa amin iyang iyong mga utos,
upang aming talimahin at sundin nang buong lugod.
Gayun ako umaasa, umaasang magiging tapat,
susundin ang iyong utos, susundin nang buong ingat.
Mapalad ang sumusunod sa utos ng Poong Diyos.
Ang matuwid mong tuntunin habang aking tinatarok,
buong pusong magpupuri, pupurihin kitang lubos.
Ang lahat ng iyong utos ay sisikapin kong sundin,
huwag mo akong iiwanan, huwag mo akong lilisanin.
Mapalad ang sumusunod sa utos ng Poong Diyos.
AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA:
2 Corinto 6, 2b
Ngayo’y panahong marapat,
panahon ng pagliligtas,
araw ngayon ng pagtawag
upang makamit ang habag
ng Panginoong matapat.
MABUTING BALITA
Mateo 5, 43-48
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Narinig na ninyong sinabi, ‘Ibigin mo ang iyong kaibigan at kapootan mo ang iyong kaaway.’ Ngunit ito naman sabi ko: ibigin ninyo ang mga umuusig sa inyo, upang kayo’y maging tunay na anak ng inyong Amang nasa langit. Sapagkat pinasisikat niya ang araw sa masasama at sa mabubuti, at pinapapatak niya ang ulan sa mga banal at sa mga makasalanan. Kung ang mga umiibig sa inyo ang siya lamang ninyo iibigin, ano pang gantimpala ang inyong hihintayin? Hindi ba’t ginagawa rin ito ng mga publikano? At kung ang binabati lamang ninyo’y ang inyong mga kapatid, ano ang nagawa ninyong higit kaysa iba? Ginagawa rin iyon ng mga Hentil! Kaya, dapat kayong maging ganap, gaya ng inyong Amang nasa langit.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Genesis 22, 1-2. 9a. 10-13. 15-18
Pagbasa mula sa aklat ng Genesis
Noong mga araw na iyon, sinubok ng Diyos si Abraham. Tinawag siya ng Diyos at tumugon naman siya.
Sinabi sa kanya, “Isama mo ang pinakamamahal mong anak na si Isaac, at magpunta kayo sa lupain ng Moria. Umakyat kayo sa bundok na ituturo ko sa iyo, at ihandog mo siya sa akin.”
Pagsapit nila sa dakong itinuro ng Diyos, gumawa ng dambana si Abraham. Inayos niya sa ibabaw nito ang panggatong at inihiga si Isaac, matapos gapusin. Nang sasaksakin na niya ang bata, tinawag siya ng anghel ng Panginoon at mula sa langit ay sinabi: “Abraham! Abraham! Huwag mong patayin ang bata. Huwag mo siyang saktan! Naipakita mo nang handa kang sumunod sa Diyos, sapagkat hindi mo ipinagkait sa kanya ang kaisa-isa at pinakamamahal mong anak.”
Paglingon niya’y may nakita siyang isang lalaking tupa na ang mga sungay ay napasabit sa mga sanga ng kahoy. Ito ang kinuha ni Abraham at inihandog kapalit ng kanyang anak.
Mula sa langit, nagsalitang muli kay Abraham ang anghel ng Panginoon. Wika nito, “Akong Panginoon ang nangangako sa iyo: yamang hindi mo ipinagkait sa akin ang kaisa-isa mong anak, pagpapalain kita. Ang lahi mo’y magiging sindami ng bituin sa langit at ng buhangin ng dagat. Lulupigin nila ang mga lungsod ng kanilang mga kaaway. Sa pamamagitan ng iyong lahi, pagpapalain ang lahat ng bansa sa daigdig sapagkat ikaw ay tumalima sa akin.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 115, 10 at 15. 16-17. 18-19
Sa piling ng Poong mahal ako’y laging namumuhay.
Laging buhay ang pag-asa, patuloy ang pananalig.
bagamat ang aking sabi’y “Ako’y ganap nang nalupig.”
Masakit sa kalooban ng Poon kung may papanaw,
kahit ito ay iisa, labis siyang magdaramdam.
Sa piling ng Poong mahal ako’y laging namumuhay.
Panginoon, naririto akong inyong abang lingkod,
katulad ng aking ina, maglilingkod akong lubos;
yamang ako’y iniligtas, kinalinga at tinubos.
Ako ngayo’y maghahandog ng haing pasasalamat,
ang handog kong panalangi’y sa iyo ko ilalagak.
Sa piling ng Poong mahal ako’y laging namumuhay.
Kapag nagsasama-sama ang lahat ng iyong hirang,
sa templo sa Jerusalem, ay doon ko ibibigay
ang anumang pangako kong sa iyo ay binitiwan.
Sa piling ng Poong mahal ako’y laging namumuhay.
IKALAWANG PAGBASA
Roma 8, 31b-34
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma
Mga kapatid:
Kung ang Diyos ay panig sa atin, sino ang laban sa atin? Hindi niya ipinagkait ang sarili niyang Anak kundi ibinigay para sa ating lahat. Kung naipagkaloob niya sa atin ang kanyang Anak, hindi ba niya ipagkakaloob sa atin ang lahat ng bagay, kasama ng kanyang Anak? Sino ang maghaharap ng sakdal laban sa mga hinirang ng Diyos, gayung ang Diyos ang nagpapawalang-sala sa kanila? Sino nga ang hahatol ng kaparusahan? Si Kristo Hesus bang nasa kanan ng Diyos? Siya pa nga ang namatay at muling binuhay, at ngayo’y namamagitan para sa atin.
Ang Salita ng Diyos.
AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Sa ulap na maliwanag
ito ang siyang pahayag
ang D’yos Ama na nangusap:
“Ito ang mahal kong Anak
lugod kong dinggin ng lahat.”
MABUTING BALITA
Marcos 9, 2-10
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, umakyat si Hesus sa isang mataas na bundok. Wala siyang isinama kundi sina Pedro, Santiago at Juan. Samantalang sila’y naroon, nakita nilang nagbagong-anyo si Hesus, nagningning ang kanyang kasuutan na naging puting-puti, anupa’t walang sinumang makapagpapaputi nang gayun. At nakita ng tatlong alagad si Moises at si Elias, na nakikipag-usap kay Hesus. Sinabi ni Pedro kay Hesus, “Guro, mabuti pa’y dumito na tayo. Gagawa po kami ng tatlong kubol: isa sa inyo, isa kay Moises at isa kay Elias.” Hindi nalalaman ni Pedro ang kanyang sinasabi sapagkat masyado ang takot niya at ng kanyang mga kasama. At nililiman sila ng isang alapaap at mula rito’y may tinig na nagsabi, “Ito ang minamahal kong Anak. Pakinggan ninyo siya!” Pagdaka, tumingin ang mga alagad sa paligid nila at nakitang wala na silang kasama roon kundi si Hesus.
Habang bumababa sila sa bundok ay mahigpit na itinagubilin sa kanila ni Hesus: “Huwag ninyong sasabihin kaninuman ang inyong nakita hangga’t hindi muling nabubuhay ang Anak ng Tao.” Sinunod nila ang tagubiling ito, ngunit sila-sila’y nagtanungan kung ano ang kahulugan ng sinabi niyang muling pagkabuhay.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Genesis 4, 1-15, 25
Pagbasa mula sa aklat ng Genesis
Sinipingan ni Adan ang kanyang asawa at ito’y nagdalantao. Nang isilang ang kanyang panganay na lalaki ay sinabi ni Eva: “Nagkaroon ako ng anak na lalaki sa tulong ng Panginoon.” Kaya Cain ang ipinangalan niya rito. Sinundan si Cain ng isa pang anak na lalaki, at Abel naman ang ipinangalan dito. Naging pastol ito at si Cain naman ay magsasaka. Dumating ang panahon na si Cain ay naghandog sa Panginoon ng ani niya sa bukid. Kinuha naman ni Abel ang isa sa mga panganay ng kanyang kawan. Pinatay niya ito at inihandog ang pinakamainam na bahagi. Ang Panginoon ay nasiyahan kay Abel at sa kanyang handog, ngunit hindi niya kinalugdan si Cain at ang handog nito. Dahil dito, hindi mailarawan ang mukha ni Cain sa tindi ng galit. Kaya, sinabi ng Panginoon: “Anong ikagagalit mo, Cain? Bakit ganyan ang mukha mo? Kung mabuti ang ginawa mo, dapat kang masaya. Kung masama naman, ang kasalana’y tulad ng mabangis na hayop na laging nag-aabang upang lupigin ka at pagharian. Kailangang pagtagumpayan mo ito.”
Isang araw, nilapitan ni Cain ang kanyang kapatid, Wika niya, “Abel, mamasyal tayo.” Sumama, naman ito, ngunit pagdating sa kabukira’y pinatay niya ito.
Tinanong ng Panginoon si Cain, “Nasaan si Abel?”
“Hindi ko alam,” tugon niya. “Bakit ako ba’y tagapag-alaga ng aking kapatid?”
At sinabi ng Panginoon, “Cain, nakapangingilabot ang ginawa mo. Sumisigaw sa akin mula sa lupa ang dugo ng iyong kapatid, at humihingi ng paghihiganti. Susumpain ka’t palalayasin sa lupaing ito, lupang natigmak sa dugo ng kapatid mo na iyong pinaslang. Bungkalin mo man ang lupang ito upang tamnan, hindi ka mag-aani; wala kang matatahanan at magiging lagalag ka sa daigdig.”
“Napakabigat namang parusa ito!” sabi ni Cain sa Panginoon. “Ngayong pinalalayas mo ako sa lupaing ito upang malayo sa iyong paningin, at maglagalag sa daigdig, papatayin ako ng sinumang makakikita sa akin.”
“Hindi,” sagot ng Panginoon. “Parurusahan ng putong ibayo ang sinumang papatay kay Cain.” At nilagyan niya ng palatandaan si Cain upang maging babala sa sinuman na ito’y di dapat patayin.
Muling sinipingan ni Adan ang kanyang asawa, at ito’y nanganak ng isa pang lalaki. Sinabi ng ina: “Binigyan ako ng Diyos ng kapalit ni Abel”; at ito’y tinawag niyang Set.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 49, 1 at 8. 16bk-17. 20-21
Sa D’yos tayo ay maghandog, pasalamat na malugod.
Ang dakilang Panginoon, ang Diyos na nagsasaysay,
ang lahat ay tinatawag sa silangan at kanluran.
Hindi ako nagagalit dahilan sa inyong handog,
ni sa inyong mga haing sa dambana’y
sinusunog.
Sa D’yos tayo ay maghandog, pasalamat na malugod.
Bakit ninyo inuusal yaong aking mga utos?
At bakit ang paksa ninyo ay sa tipan natutungod?
Pag kayo ay tinutuwid, agad kayong napopoot,
at ni ayaw na tanggapin yaong aking mga utos.
Sa D’yos tayo ay maghandog, pasalamat na malugod.
Handa ninyong paratangan maging tunay na kapatid,
at kay daming kapintasang sa kanila’y nasisilip.
Kahit ito ay ginawa hindi kayo alumana,
kaya naman ang akala, kayo’t ako’y magkaisa;
ngunit ngayon, panahon nang kayo’y aking pagwikaan
upang inyong maunawa ang ginawang kamalian.
Sa D’yos tayo ay maghandog, pasalamat na malugod.
ALELUYA
Juan 14, 6
Aleluya! Aleluya!
Ikaw, O Kristo, ang Daan,
ang Katotohana’t Buhay
patungo sa Amang mahal.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 8, 11-13
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, may dumating na mga Pariseo at nakipagtalo kay Hesus. Ibig nilang masilo siya kaya hiningi nila na magpakita si Hesus ng isang tanda mula sa langit. Napabuntong-hininga nang malalim si Hesus at ang wika, “Bakit naghahanap ng tanda ang lahing ito? Sinasabi ko sa inyo: hindi sila pagpapakitaan ng anumang tanda.” Iniwan niya sila, at pagkasakay sa bangka ay tumawid sa ibayo.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Genesis 6, 5-8; 7, 1-5. 10
Pagbasa mula sa aklat ng Genesis
Nakita ng Panginoon na labis na ang kasamaan ng tao, at wala na itong iniisip na mabuti. Kaya’t ikinalungkot niya ang pagkalalang sa tao. Sinabi niya, “Lilipulin ko ang lahat ng taong aking nilalang. Lilipulin ko rin ang lahat ng hayop at mga ibon. Bakit ba nilalang ko pa ang mga ito?” Sa mga nilalang niya’y si Noe lamang ang naging kalugud-lugod sa kanya.
Sinabi ng Panginoon kay Noe: “Pumasok kayong mag-anak sa daong. Sa lahat ng tao’y ikaw lamang ang karapat-dapat sa akin. Magdala ka ng pitong pares sa bawat hayop na malinis, at isang pares naman sa di malinis. Pitong pares din sa bawat uri ng ibon ang iyong dadalhin. Gawin mo ito upang ang bawat uri ng ibon at hayop ay maligtas; sa gayo’y daraming muli ang mga ito. Pagkaraan ng isang linggo, pauulanin ko nang apatnapung araw at apatnapung gabi upang lipulin ang lahat ng aking nilikha sa daigdig.” At ginawa nga ni Noe ang bawat iniutos ng Panginoon.
Pagkaraan ng isang linggo, bumaha nga sa daigdig.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 28, 1a at 2. 3ak-4. 3b at 9b-10
Basbas ng kapayapaa’y sa bayan ng Poong mahal.
Purihin ang Panginoon ninyong banal na nilalang,
pagkat siya ay dakila’t marangal ang kanyang ngalan;
ang Poon ay dakilain, purihin ang Diyos na Banal,
yumuko ang bawat isa kapag siya ay dumatal.
Basbas ng kapayapaa’y sa bayan ng Poong mahal.
Sa gitna ng karagatan tinig niya’y naririnig.
Sa laot ng karagata’y hindi ito nalilingid.
Pag nangusap na ang Poon, tinig niya’y ubod-lakas,
ngunit tinig-kamahalan, kapag siya’y nangungusap.
Basbas ng kapayapaa’y sa bayan ng Poong mahal.
Ang tinig ng dakilang Diyos, parang kulog na malakas,
kaya’t mga nasa templo’y sumisigaw, nagagalak,
“Panginoo’y papurihan!” ganito ang binibigkas
Siya rin ang naghahari sa dagat na kalaliman,
namumuno siya roon bilang hari, walang hanggan.
Basbas ng kapayapaa’y sa bayan ng Poong mahal.
ALELUYA
Juan 14, 23
Aleluya! Aleluya!
Ang sa aki’y nagmamahal
tutupad sa aking aral.
Ama’t ako’y mananahan.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 8, 14-21
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay san Marcos
Noong panahong iyon, nalimutan ng mga alagad na magdala ng tinapay, at iisa lang ang kanilang tinapay sa bangka. “Kaiingat kayo! Ilagan ninyo ang lebadura ng mga Pariseo at ang lebadura ni Herodes,” babala ni Hesus sa akanila. Nag-usap-usap ang mga alagad, “Wala kasi tayong dalang tinapay kaya niya sinabi iyon.” Alam ito ni Hesus, kaya’t sila’y tinanong niya, “Bakit ninyo pinag-uusapan na kayo’y walang dalang tinapay? Hindi pa ba kayo nakakabatid o nakauunawa? Hindi pa ba ito abot ng inyong isip? Wala ba kayong mata? Wala ba kayong tainga? Nakalimutan na ba ninyo nang paghati-hatiin ko ang limang tinapay para sa limanlibo? Ilang bakol ang napuno ninyo sa mga lumabis na tinapay?” “Labindalawa po,” tugon nila. ‘At nang paghati-hatiin ko ang pitong tinapay para sa apatnalibo, ilang bakol na malalaki ang napuno ninyo?” tanong niya. “Pitong bakol po,” tugon nila. “At hindi pa rin ninyo nauunawaan?” wika niya.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Joel 2, 12-18
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Joel
Sinasabi ngayon ng Panginoon:
“Mataimtim kayong magsisi at manumbalik sa akin,
kayo’y mag-ayuno, managis at magdalamhati.
Magsisi kayo nang taos sa puso, hindi pakitang-tao lamang.”
Magbalik-loob kayo sa Panginoon na inyong Diyos.
Siya’y may magandang-loob at puspos ng awa,
mapaghinuhod at tapat sa kanyang pangako;
laging handang magpatawad at hindi magpaparusa.
Maaaring lingapin kayo ng Panginoon at bigyan ng masaganang ani.
Kung magkagayon, mahahandugan natin siya ng haing butil at alak.
Ang trumpeta ay hipan ninyo, sa ibabaw ng Bundok ng Sion;
iutos ninyo na mag-ayuno ang lahat,
tawagin ninyo ang mga tao para sa isang banal na pagtitipon.
Tipunin ninyo ang lahat, matatanda’t bata,
pati mga sanggol at maging ang mga bagong kasal.
Mga saserdote, kayo’y tumayo sa pagitan ng pasukan at ng dambana,
manangis kayo’t manalangin nang ganito:
“Mahabag ka sa iyong bayan, O Panginoon.
Huwag mong tulutang kami’y hamaki’t pagtawanan ng ibang mga bansa at tanungin,
‘Nasaan ang inyong Diyos?’”
Pagkaraan, ipinamalas ng Panginoon na siya’y nagmamalasakit sa kanyang bayan.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 50, 3-4, 5-6a. 12-13. 14 at 17
Poon, iyong kaawaan kaming sa ‘yo’y nagsisuway.
Ako’y kaawaan, O mahal kong Diyos,
sang-ayon sa iyong kagandahang-loob
mga kasalanan ko’y iyong pawiin,
ayon din sa iyong pag-ibig sa akin!
Linisin mo sana ang aking karumhan
at ipatawad mo yaring kasalanan!
Poon, iyong kaawaan kaming sa ‘yo’y nagsisuway.
Ang pagsalansang ko ay kinikilala,
laging nasa isip ko at alaala.
Sa iyo lang ako nagkasalang tunay,
at ang nagawa ko’y di mo nagustuhan.
Poon, iyong kaawaan kaming sa ‘yo’y nagsisuway.
Isang pusong tapat sa aki’y likhain,
bigyan mo, O Diyos, ng bagong damdamin.
Sa iyong harapa’y h’wag akong alisin;
ang Espiritu mo ang papaghariin.
Poon, iyong kaawaan kaming sa ‘yo’y nagsisuway.
Ang galak na dulot ng ‘yong pagliligtas,
ibalik at ako ay gawin mong tapat.
Turuan mo akong makapagsalita,
at pupurihin ka sa gitna ng madla.
Poon, iyong kaawaan kaming sa ‘yo’y nagsisuway.
IKALAWANG PAGBASA
2 Corinto 5, 20 – 6, 2
Pagbasa mula sa ikalawang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto
Mga kapatid, ako’y sugo ni Kristo; parang ang Diyos na rin ang namamanhik sa inyo sa pamamagitan ko: makipagkasundo kayo sa Diyos. Hindi nagkasala si Kristo, ngunit dahil sa atin, siya’y ibinilang na makasalanan upang makipag-isa tayo sa kanya at mapabanal sa harapan ng Diyos sa pamamagitan niya.
Yamang kami’y mga katulong sa gawain ng Diyos, ipinamamanhik namin sa inyo na huwag ninyong sayangin ang pagkakataong ibinibigay sa atin ng Diyos. Sapagkat sinasabi niya:
“Sa kaukulang panahon ay pinakinggan kita,
Sa araw ng pagliligtas, sinaklolohan kita.”
Tingnan ninyo! Ngayon na ang panahong nararapat! Ngayon ang araw ng pagliligtas!
Ang Salita ng Diyos.
AWIT PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Salmo 94, 8ab
Kapag ngayo’y napakinggan
ang tinig ng Poong mahal,
huwag na ninyong hadlangan
ang pagsasakatuparan
ng mithi n’ya’t kalooban.
MABUTING BALITA
Mateo 6, 1-6. 16-18
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Pag-ingatan ninyo na huwag maging pakitang-tao lamang ang paggawa ninyo ng mabuti. Kapag ganyan ang ginawa ninyo, wala kayong matatamong gantimpala buhat sa inyong Amang nasa langit.
“Kaya nga, kapag naglilimos ka, huwag mo nang ipagmakaingay ito, katulad ng ginagawa ng mga mapagpaimbabaw doon sa sinagoga at sa mga lansangan. Ginagawa nila ito upang purihin sila ng mga tao. Sinasabi ko sa inyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. Ngunit kung naglilimos ka, huwag mo nang ipaalam ito kahit sa iyong pinakamatalik na kaibigan upang malihim ang iyong paglilimos. At gagantihin ka ng iyong Amang nakakikita ng kabutihang ginagawa mo nang lihim.
“At kapag nananalangin kayo, huwag kayong tumulad sa mga mapagpaimbabaw. Mahilig silang manalangin nang patayo sa mga sinagoga at sa mga panukalang-daan, upang makita ng mga tao. Sinasabi ko sa inyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. Ngunit kapag mananalangin ka, pumasok ka sa iyong silid at isara mo ang pinto. Saka ka manalangin sa iyong Amang hindi mo nakikita, at gagantihin ka ng iyong Amang nakakikita ng kabutihang ginagawa mo nang lihim.
“Kapag nag-aayuno kayo, huwag kayong magmukhang malungkot, tulad ng mga mapagimbabaw. Hindi sila nag-aayos upang malaman ng mga tao na sila’y nag-aayuno. Sinasabi ko sa inyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. Kapag ikaw ay nag-aayuno, mag-ayos ka ng buhok at maghilamos upang huwag mapansin ng mga tao na nag-aayuno ka. Ang iyong Amang hindi mo nakikita ang siya lamang nakaaalam nito. Siya, na nakakikita ng kabutihang ginagawa mo ng lihim, ang gaganti sa iyo.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Deuteronomio 30, 15-20
Pagbasa mula sa aklat ng Deuteronomio
Sinabi ni Moises sa mga tao, “Nasa inyo ngayon ang kapasyahan. Kayo ang pipili ng buhay at kasaganaan o ng kahirapan at kamatayan. Kapag sinunod ninyo ang kautusan, inibig ang Panginoon, at nilakaran ang kanyang mga landas, pagpapalain niya kayo sa lupaing ibibigay niya sa inyo. Mabubuhay kayo nang matagal at kanyang pararamihin kayo. Ngunit kapag tumalikod kayo sa kanya at naglingkod sa ibang diyos, ngayon pa’y sinasabi ko sa inyong malilipol kayo. Hindi kayo magtatagal sa lupaing tatahanan ninyo sa ibayo ng Jordan. Saksi ko ang langit at ang lupa na ngayo’y inilahad ko sa inyo ang buhay o kamatayan, at ang pagpapala o sumpa. Kaya, piliin ninyo ang buhay para kayo at ang inyong lahi ay magtagal. Ibigin ninyo ang Panginoon, makinig sa kanyang tinig at manatiling tapat sa kanya. Sa gayun, mabubuhay kayo nang matagal sa lupaing ipinangako niya sa ninuno ninyong sina Abraham, Isaac at Jacob.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 1, 1-2. 3. 4 at 6
Mapalad ang umaasa sa Panginoon tuwina.
Mapalad ang taong hindi naaakit niyong masasama,
upang sundan niya ang kanilang payo’t maling halimbawa;
hindi sumasama sa sinumang taong ang laging adhika’y
pagtawanan lamang at hamak-hamakin ang Diyos na dakila.
Nagagalak siyang laging magsasaliksik ng banal na aral,
ang utos ng Poon siyang binubulay sa gabi at araw.
Mapalad ang umaasa sa Panginoon tuwina.
Ang katulad niya’y isang punongkahoy sa tabing batisan,
sariwa ang daho’t laging namumunga sa kapanahunan,
at anumang gawin ay nakatitityak na magtatagumpay.
Mapalad ang umaasa sa Panginoon tuwina.
Ngunit ibang-iba ang masamang tao; ipa ang kawangis,
siya’y natatangay at naipapadpad kung hangi’y umihip.
Sa taong matuwid ay Panginoon ang s’yang mag-iingat,
ngunit kailanman ang mga masama ay mapapahamak.
Mapalad ang umaasa sa Panginoon tuwina.
AWIT PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Mateo 4, 17
Sinabi ng Poong mahal:
“Kasalanan ay talikdan,
pagsuway ay pagsisihan;
maghahari nang lubusan
ang Poong D’yos na Maykapal.”
MABUTING BALITA
Lucas 9, 22-25
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Ang Anak ng Tao’y dapat magtiis ng maraming hirap. Itatakwil siya ng matatanda ng bayan, ng mga punong saserdote at ng mga eskriba. Ipapapatay nila siya, ngunit sa ikatlong araw ay muling mabubuhay.”
At sinabi niya sa lahat, “Kung ibig ninumang sumunod sa akin, limutin niya ang ukol sa kanyang sarili, pasanin araw-araw ang kanyang krus, at sumunod sa akin. Ang naghahangad magligtas ng kanyang buhay ay siyang mawawalan nito; ngunit ang mag-alay ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay siyang magkakamit noon. Ano nga ang mapapala ng tao, makamtan man niya ang buong sanlibutan kung ang katumbas naman nito’y ang kanyang buhay? Ano nga ang mapapala niya kung siya’y mapapahamak?”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Isaias 58, 1-9a
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Ito ang sinasabi ng Panginoon:
“Ikaw ay sumigaw nang ubos-lakas,
ang sala ng bayan ko sa kanila’y ihayag.
Sinasamba ako,
kunwa’y hinahanap, sinusundan-sundan,
parang natutuwang ang kalooban ko’y kanilang malaman;
ibig palabasin na ang gawain nila ay matuwid,
at di lumilihis sa mga tuntuning aking ibinigay.
Wari’y natutuwang sa aki’y sumamba.
At ang hinihingi’y hatol na matuwid.”
Ang tanong ng mga tao, “Bakit ang pag aayuno nati’y
di pansin ng Panginoon?
Nagugutom lang tayo ngunit walang kabuluhan.”
ang sagot ng Panginoon,
“Pansariling kapakanan pa rin
ang pangunang layunin sa pag-aayuno,
habang ang nag-aayuno’y patuloy na inaapi ang mahihirap.
Ang pag-aayuno ninyo’y
humahantong lamang sa alitan
hanggang kayu-kayo’y nag-aaway-away.
Kung ang pag-aayunong ginagawa ninyo
ay gayun din lamang,
ang inyong pagtawag
ay tiyak na hindi pakikinggan.
Sa inyong pag-aayuno
pinahihirapan ninyo ang inyong sarili.
Yumuyuko kayong parang damong hinihipan ng hangin.
Nagdaramit kayo ng sako at nahihiga sa abo,
pag-aayuno na ba iyan?
Akala ba ninyo’y nasisiyahan ako riyan?
Ito ang gusto kong gawin ninyo:
tigilan na ninyo ang pang-aalipin;
sa halip ay pairalin ang katarungan;
ang mga api’y palayain ninyo at tulungan.
Ang mga nagugutom ay inyong pakanin,
patuluyin sa inyong tahanan ang walang tirahan.
Yaong mga tao
na halos hubad na ay inyong paramtan,
ang iyong pagtulong
sa mga kasama ay huwag tatalikdan.
At kung magkagayon,
matutulad kayo sa bukang-liwayway.
hindi maglalao’t
gagaling ang inyong dugat sa katawan,
ako’y laging sasainyo,
ililigtas kayo at iingatan kahit saang lugar.
Sa araw na iyon.
diringgin ng Panginoon ang dalangin ninyo,
pag kayo’y tumawag,
ako’y tutugon agad.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 50, 3-4. 5-6a. 18-19
D’yos ko, iyong tinatanggap pakumbaba’t pusong tapat.
Ako’y kaawaan, O mahal kong Diyos,
sang-ayon sa iyong kagandahang-loob
mga kasalanan ko’y iyong pawiin,
ayon din sa iyong pag-ibig sa akin!
Hugasan mo sana ang aking karumhan
dalisayin mo ang aking kasalanan!
D’yos ko, iyong tinatanggap pakumbaba’t pusong tapat.
Ang pagsalansang ko ay kinikilala,
laging nasa isip ko at alaala.
Sa iyo lang ako nagkasalang tunay,
at ang nagawa ko’y di mo nagustuhan.
D’yos ko, iyong tinatanggap pakumbaba’t pusong tapat.
Hindi mo na nais ang mga panghandog;
sa haing sinunog di ka nalulugod.
Ang handog ko, O Diyos, na karapat-dapat
ay ang pakumbaba’t pusong mapagtapat.
D’yos ko, iyong tinatanggap pakumbaba’t pusong tapat.
AWIT PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Amos 5, 14
Matuwid ang dapat gawin,
Masama’y iwasan natin,
at tayo ay bubuhayin;
ang Diyos ay sasaatin,
atin s’yang makakapiling.
MABUTING BALITA
Mateo 9, 14-15
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong Panahong iyon, lumapit kay Hesus ang mga alagad ni Juan Bautista at ang wika, “Malimit kaming mag-ayuno, gayun din ang mga Pariseo. Bakit po hindi nag-aayuno ang inyong mga alagad?” Sumagot siya, “Maaari bang magdalamhati ang mga panauhin sa kasalan habang kasama nila ang lalaking ikinasal? Kapag wala na siya, saka pa lamang sila mag-aayuno.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Isaias 58, 9b-14
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Sinasabi ng Panginoon:
“Kung titigilan ninyo
ang pang-aalipin at pagsuway sa akin,
at ang masamang salita’y iiwasan,
kung ang nagugutom
ay pakakainin ninyo at tutulungan,
ang kadilimang bumabalot sa inyo
ay magiging tila liwanag sa katanghalian.
At akong Panginoon
ang siyang sa inyo’y laging papatnubay,
lahat ng mabuting kailangan ninyo’y
aking ibibigay, at palalakasin ang inyong katawan.
Kayo’y matutulad sa pananim na sagana sa dilig,
matutulad sa batis
na di nawawalan ng agos ng tubig.
Muling itatayo ng mga lingkod ko ang kutang nadurog,
muling itatayo sa dating pundasyon,
makikilala kayo bilang tagapagtayo ng sirang muog,
mga tagapagtayo ng wasak na mga bahay.”
Sinabi pa ng Panginoon, “Inyong igagalang ang takdang Araw ng Pamamahinga,
huwag kayong gagawa ng inyong gawain sa araw na banal,
sa araw na ito’y mamamahinga kayo’t huwag maglalakbay
ni gagawa o maghuhunta nang walang kabuluhan.
At kung magkagayon,
ay madarama ninyo ang kagalakan sa paglilingkod sa akin.
Bibigyan ko kayo ng karangalan
sa harap ng buong daigdig
at lalasapin ninyo ang kaligayahan
sa paninirahan sa lupaing
ibinigay ko sa nuno ninyong si Jacob.
Mangyayari ito pagkat akong
Panginoon ang nagsabi nito.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 85, 1-2. 3-4. 5-6
Ituro mo ang ‘yong loob nang matapat kong masunod.
Sa aking dalangin, ako’y iyong dinggin,
tugunin mo, Poon, ang aking pagdaing;
ako’y mahina na’t wala nang tumingin
yamang ako’y tapat, ingatan ang buhay,
lingkod mo’y iligtas sa kapahamakan
pagkat may tiwala sa ‘yo kailanman.
Ituro mo ang ‘yong loob nang matapat kong masunod.
Ikaw ang aking Diyos, ako’y kahabagan,
sa buong maghapo’y siyang tinatawagan.
Poon, ang lingkod mo’y dulutan ng galak,
sapagkat sa iyo ako tumatawag.
Ituro mo ang ‘yong loob nang matapat kong masunod.
Mapagpatawad ka at napakabuti;
sa dumadalangin at sa nagsisisi,
ang iyong pag-ibig ay mananatili.
pakinggan mo, Poon, ang aking dalangin,
tulungan mo ako, ako’y iyong dinggin.
Ituro mo ang ‘yong loob nang matapat kong masunod.
AWIT PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Ezekiel 33, 11
Sinabi ng Poong mahal:
“Di ko nais na mamatay
ang mga makasalanang
nagbabagong-kalooban
upang sila ay mabuhay.”
MABUTING BALITA
Lucas 5, 27-32
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, nakita ni Hesus ang isang publikano na nagngangalang Levi, nakaupo sa paningilan ng buwis. Sinabi sa kanya ni Hesus, “Sumunod ka sa akin,” Tumindig si Levi, iniwan ang lahat, at sumunod kay Hesus.
Si Hesus ay hinandugan ni Levi ng isang malaking piging sa kanyang bahay. Nakasalo niya roon ang mga publikano at ang iba pang mga tao. Nagbulung-bulungan ang mga Pariseo at ang kanilang mga kasamang eskriba. Sinabi nila sa mga alagad ni Hesus, “Bakit kayo kumakain at umiinom na kasalo ng mga publikano at ng mga makasalanan?” Sinagot siya ni Hesus, “Hindi nangangailangan ng manggagamot ang walang sakit kundi ang may sakit. Naparito ako, hindi upang tawagin ang mga matuwid kundi ang mga makasalanan upang magsisi.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Genesis 9, 8-15
Pagbasa mula sa aklat ng Genesis
Ito ang sinabi ng Diyos kay Noe at sa kanyang mga anak, “Ako’y nakikipagtipan sa inyo ngayon, pati na sa inyong magiging mga anak, gayun din sa lahat ng mga bagay na may buhay sa pagligid ninyo – mga ibon, maaamo’t maiilap na hayop na kasama ninyo sa daong. Ito ang masasabi ko sa aking pakikipagtipan sa inyo: Kailanma’y hindi ko na lilipulin sa pamamagitan ng baha ang lahat ng may buhay. Wala nang baha na gugunaw sa daigdig.” Sinabi pa ng Diyos, “Ito ang magiging palatandaan ng walang hanggang tipan na ginagawa ko sa inyo at sa lahat ng hayop: Palilitawin ko sa mga ulap ang aking bahag-hari at iyan ang magiging tanda ng aking pakikipagtipan sa inyo. Tuwing magkakaroon ng ulap at lilitaw ang bahaghari, aalalahanin ko ang aking pangako sa inyo at sa lahat ng hayop. Hindi ko na lilipulin sa baha ang lahat ng may buhay.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 24, 4bk-5ab. 6-7bk. 8-9
Poon, iyong minamahal ang tapat sa iyong tipan.
Ang kalooban mo’y ituri, O Diyos,
ituro mo sana sa aba mong lingkod;
ayon sa matuwid, ako ay turuan
ituro mo, Poon, ang katotohanan;
Tagapagligtas ko na inaasahan.
Poon, iyong minamahal ang tapat sa iyong tipan.
Poon, gunitain, pag-ibig mong wagas,
at ang kabutihang noon pa’y nahayag.
Pagkat pag-ibig mo’y hindi nagmamaliw,
ako sana, Poon, ay alalahanin!
Poon, iyong minamahal ang tapat sa iyong tipan.
Mabuti ang Poon at makatarungan,
sa mga salari’y guro at patnubay;
sa mababang-loob siya yaong gabay,
at nagtuturo ng kanyang kalooban.
Poon, iyong minamahal ang tapat sa iyong tipan.
IKALAWANG PAGBASA
1 Pedro 3, 18-22
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pedro
Pinakamamahal kong mga kapatid:
Si Kristo’y namatay para sa inyo. Namatay siya dahil sa kasalanan ng lahat – ang walang kasalanan para sa mga makasalanan – upang iharap kayo sa Diyos. Siya’y namatay ayon sa laman, at muling binuhay ayon sa Espiritu. Sa kalagayang ito, pinuntahan niya at inaralan ang mga espiritung nakabilanggo. Iyan ang mga espiritung ayaw sumunod nang sila’y matiyagang hinihintay ng Diyos noong panahon ni Noe, samantalang ginagawa nito ang daong. Sa tulong ng daong na ito’y iilang tao – wawalo – ang nakaligtas sa baha. Ang tubig ay larawan ng binyag na nagliligtas ngayon sa inyo. Ang binyag ay hindi paglilinis ng dumi ng katawan kundi isang pangako sa Diyos buhat sa isang malinis na budhi. Inililigtas kayo ng binyag sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Hesukristo, na umakyat sa langit at ngayo’y nakaluklok sa kanan ng Diyos. Naghahari siya roon sa mga anghel at sa mga kapangyarihan at lakas na panlangit.
Ang Salita ng Diyos.
AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Mateo 4, 4b
Ang tao ay nabubuhay
hindi lamang sa tinapay
kundi sa Salitang mahal
mula sa bibig na banal
ng Ama Dating Maykapal.
MABUTING BALITA
Marcos 1, 12-15
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, si Hesus ay agad pinapunta ng Espiritu sa ilang. Nanatili siya roon ng apatnapung araw, na tinutukso ni Satanas. Maiilap na hayop ang naroon ngunit si Hesus ay pinaglilingkuran ng mga anghel.
Pagkatapos dakpin si Juan, si Hesus ay nagtungo sa Galilea at ipinangaral ang Mabuting Balitang mula sa Diyos: “Dumating na ang takdang panahon, at malapit na ang paghahari ng Diyos! Pagsisihan ninyo’t talikdan ang inyong mga kasalanan at maniwala kayo sa Mabuting Balita ito.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Hebreo 11, 32-40
Pagbasa mula sa sulat sa Mga Hebreo
Mga kapatid, magpapatuloy pa ba ako? Kulang ang panahon para isalaysay ko ang tungkol kina Gideon, Barac, Samson, Jefte, David, Samuel, at sa mga propeta. Dahil sa pananalig nila sa Diyos, nakalupig sila ng mga kaharian, gumawa ng matuwid, at nagkamit ng mga ipinangako ng Diyos. Nagpatikom sila ng bunganga ng mga leon, pumatay ng nagngangalit na apoy, at naligtas sa tabak. Sila’y mahihina ngunit binigyan ng lakas upang maging magiting sa digmaan, anupa’t napaurong ang hukbo ng dayuhan. Dahil sa pananalig sa Diyos, ibinalik sa mga babae ang kanilang mga patay matapos buhaying muli.
May mga tumangging palayain, sapagkat pinili nila ang mamatay sa pahirap upang muling buhayin at magtamo ng mas mabuting buhay. Mayroon naman nilibak at hinagupit, at mayroon ding nabilanggong gapos ng tanikala. Sila’y pinagbabato, nilagari nang pahati, pinatay sa tabak. Mga balat ng tupa at kambing ang dinaramit nila. Sila’y mga nagdarahop, aping-api, at pinagmamalupitan. Hindi marapat sa kanila ang daigdig! Nagpagala-gala sila sa mga ilang at kabundukan. Nagtago sila sa lungga at mga yungib sa lupa.
At dahil sa kanilang pananalig sa Diyos, isang kasaysayang di-malilimot kailanman ang kanilang iniwan. Ngunit ang pangako ng Diyos ay hindi natupad sa kanilang kapanahunan sapagkat may lalong mabuting panukala ang Diyos para sa atin – ang tayo’y makasama nila kapag tinupad na niya ang kanyang pangako.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 30, 20. 21. 22. 23. 24
Magpakatatag ang tanang may tiwala sa Maykapal.
Poon, ang pagpapala mo’y ‘yong ilaan
sa mga anak mong may takot na taglay;
kagilas-gilas malasin ninuman,
ang pagkalinga mo sa mga hinirang
na nangagtiwala sa iyong pagmamahal.
Magpakatatag ang tanang may tiwala sa Maykapal.
Iyong kinalinga at iningatan mo
laban sa adhika ng masamang tao;
dinala sa ligtas na dakong kublihan,
upang di hamakin ng mga kaaway.
Magpakatatag ang tanang may tiwala sa Maykapal.
Purihin ang Poon, sa kanyang pag-ibig
na dulot sa akin nang ako’y magipit.
Magpakatatag ang tanang may tiwala sa Maykapal.
Ako ay natakot, labis na nangamba
sa pag-aakalang itinakwil mo na;
ngunit dininig mo yaong aking taghoy,
nang ako’y humingi sa iyo ng tulong.
Magpakatatag ang tanang may tiwala sa Maykapal.
Mahalin ang Poon ng mga hinirang;
ng lahat ng tapat na mga nilalang,
ang tapat sa kanya ay iniingatan,
ngunit ang palalo’y pinarurusahan.
Magpakatatag ang tanang may tiwala sa Maykapal.
ALELUYA
Lucas 7, 16
Aleluya! Aleluya!
Narito at dumating na
isang dakilang propeta
sugo ng Diyos sa bayan n’ya.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 5, 1-20
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, dumating sina Hesus at ang mga alagad sa ibayo ng lawa, sa lupain ng mga Geraseno. Pagkababa ni Hesus sa bangka, siya’y sinalubong ng isang lalaking galing sa libingan. Ang lalaking ito’y inaalihan ng masamang espiritu at sa libingan naninirahan. Hindi siya maigapos nang matagal, kahit tanikala ang gagamitin. Malimit siyang ipangaw at gapusin ng tanikala, ngunit pinaglalagut-lagot niya ito at pinagbabali-bali ang pangaw. Talagang walang makasupil sa kanya. Araw-gabi’y nagsisisigaw siya sa libingan at sa kaburulan, at sinusugatan ng bato ang kanyang sarili.
Malayo pa’y natanawan na niya si Hesus. Siya’y patakbong lumapit at nagpatirapa sa harapan niya, at sumigaw nang malakas, “Hesus, Anak ng Kataas-taasang Diyos, ano ang pakialam mo sa akin? Huwag mo akong pahirapan, alang-alang sa Diyos!” Sinabi niya ito, sapagkat iniutos sa kanya ni Hesus, “Masamang espiritu, lumabas ka sa taong ito!” Tinanong siya ni Hesus, “Ano ang pangalan mo?” “Pulutong, sapagkat marami kami,” tugon niya. At mahigpit nilang ipinakiusap kay Hesus na huwag silang palayasin sa lupaing iyon.
Doon naman sa libis ng bundok ay may malaking kawan ng mga baboy na nanginginain. Nagmakaawa kay Hesus ang masasamang espiritu na ang wika, “Papasukin mo na lang kami sa mga baboy.” At sila’y pinahintulutan niya. Lumabas sa tao ang masasamang espiritu at pumasok nga sa mga baboy. Ang kawan, na may dalawanlibo, ay sumibad ng takbo tungo sa pampang ng lawa, nahulog sa tubig at nalunod.
Nagtatakbo ang mga tagapag-alaga ng kawan at ipinamalita ito sa bayan at sa mga nayon; kaya’t pumaroon ang mga tao upang tingnan kung ano nga ang nangyari. Paglapit nila kay Hesus ay nakita nila ang lalaking inalihan ng mga demonyo. Nakaupo ito, may damit at matino na ang isip. At sila’y natakot. Isinalaysay sa kanila ng mga nakakita ang nangyari sa inalihan ng mga demonyo at ang sinapit ng mga baboy. Kaya’t ipinamanhik nila kay Hesus na umalis sa kanilang lupain.
Nang sumasakay na si Hesus sa bangka, nakiusap ang inalihan ng mga demonyo na isama siya, ngunit hindi pumayag si Hesus. Sa halip ay sinabi niya, “Umuwi ka at sabihin mo sa iyong mga kasambahay ang lahat ng ginawa sa iyo ng Panginoon, at kung paanong nahabag siya sa iyo.” Umalis ang taong iyon at ipinamalita sa Decapolis ang ginawa sa kanya ni Hesus. At nanggilalas ang lahat ng nakarinig niyon.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Malakias 3, 1-4
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Malakias
Ito ang sinabi ng Panginoong Diyos, “Ipadadala ko ang aking sugo upang ihanda ang daraanan ko. At ang Panginoon na inyong hinahanap ay biglang darating sa kanyang templo. Darating ang pinakahihintay ninyong sugo at ipapahayag ang aking tipan.”
Ngunit sino ang makatatagal pagdating ng araw na iyon? Sino ang makakaharap pag siya’y napakita na? Siya’y parang apoy na nagpapadalisay sa bakal at parang matapang na sabon. Darating siya para humatol at dadalisayin niya ang mga saserdote, tulad ng pagdalisay sa pilak at ginto. Sa gayun, magiging karapat-dapat silang maghandog sa Panginoon, at ang mga handog na dadalhin ng mga taga-Juda at Jerusalem ay magiging kalugud-lugod sa kanya, tulad ng dati.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 23, 7. 8. 9. 10.
D’yos na makapangyariha’y dakilang hari kailanman.
Ang pintuang luma ay buksan nang lubos,
ang dakilang hari ay doon papasok.
D’yos na makapangyariha’y dakilang hari kailanman.
Ang dakilang haring ito ay sino ba?
Siya ang Poon, dakilang talaga;
Saanmang labanan tagumpay ay kanya.
D’yos na makapangyariha’y dakilang hari kailanman.
Ang pintuang luma ay buksan nang lubos,
ang dakilang hari ay doon papasok.
D’yos na makapangyariha’y dakilang hari kailanman.
Ang dakilang hari’y sino bang talaga?
Makapangyarihang Diyos at hari siya!
D’yos na makapangyariha’y dakilang hari kailanman.
IKALAWANG PAGBASA
Hebreo 2, 14-18
Pagbasa mula sa sulat sa mga Hebreo
Yamang ang mga anak na tinuturing ng Diyos ay tao, naging tao rin si Hesus, tulad nila – may laman at dugo. Ginawa niya ito upang sa pamamagitan ng kanyang kamatayang ay maigupo niya ang diyablo na siyang may kapangyarihan sa kamatayan. Sa gayun, pinalaya niya ang lahat ng naging alipin habang panahon dahil sa kanilang takot sa kamatayan. Hindi ang mga anghel ang kanyang tinutulungan kundi “Ang lahi ni Abraham.” Kaya’t kinailangang matulad siya sa kanyang mga kapatid sa lahat ng paraan. Sa gayun, siya’y naging isang dakilang saserdote, mahabagin at tapat, naglilingkod sa Diyos at naghahandog ng hain sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan ng tao. Sapagkat siya ma’y tinukso at nagbara, kaya ngayo’y matutulungan niya ang mga tinutukso.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Lucas 2, 32
Aleluya! Aleluya!
Para sa lahat ng bansa
liwanag na nagmumula
sa bayan mong dinakila!
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 2, 22-40
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Nang dumating ang araw ng paglilinis sa kanila ayon sa kautusan ni Moises, si Hesus ay dinala ng kanyang mga magulang sa Jerusalem upang iharap sa Panginoon, sapagkat ayon sa Kautusan, “Ang bawat panganay na lalaki ay nakatalaga sa Panginoon.” At naghandog sila, ayon sa hinihingi ng Kautusan ng Panginoon: “Mag-asawang batu-bato o dalawang inakay na kalapati.”
May isang tao noon sa Jerusalem, ang pangala’y Simeon. Matapat at malapit sa Diyos ang lalaking ito at naghihintay sa katubusan ng Israel. Sumasakanya ang Espiritu Santo na nagpahayag sa kanya na hindi siya mamamatay hangga’t hindi niya nakikita ang Mesiyas na ipinangako ng Panginoon. Sa patnubay ng Espiritu, pumasok siya sa templo. At nang dalhin doon ng kanyang mga magulang ang sanggol na si Hesus upang gawin ang hinihingi ng Kautusan, siya’y kinalong ni Simeon. Ito’y nagpuri sa Diyos, na ang wika,
“Kunin mo na, Panginoon, ang iyong abang alipin,
ayon sa iyong pangako,
yamang nakita na ng aking mga mata ang iyong tagapagligtas,
na inihanda mo para sa lahat ng bansa:
Liwanag itong tatanglaw sa mga Hentil,
at magbibigay-karangalan sa iyong bayang Israel.”
Namangha ang ama’t ina ng sanggol dahil sa sinabi ni Simeon tungkol sa kanya. Binasbasan sila ni Simeon, at sinabi kay Maria, “Tandaan mo, ang batang ito’y nakatalaga sa ikapapahamak o ikaliligtas ng marami sa Israel, isang tanda mula Diyos ngunit hahamakin ng marami kaya’t mahahayag ang kanilang iniisip. Dahil diyan, ang puso mo’y para na ring tinarakan ng isang balaraw.”
Naroon din sa templo ang isang propetang babae na ang pangala’y Ana, anak ni Fanuel na mula sa lipi ni Aser. Siya’y napakatanda na. Pitong taon lamang silang nagsama ng kanyang asawa, nang siya’y mabalo. At ngayon, walumpu’t apat na taon na siya. Lagi siya sa templo at araw-gabi’y sumasamba sa Diyos pamamagitan ng pag-aayuno at pananalangin. Lumapit siya nang oras ding iyon at nagpasalamat sa Diyos. Nagsalita rin siya tungkol kay Hesus sa lahat ng naghihintay sa pagpapalaya ng Diyos sa Jerusalem.
Nang maisagawa nila ang lahat ng bagay ayon sa Kautusan, bumalik na sila sa kanilang bayan, sa Nazaret, Galilea. Ang bata’y lumaking malakas, marunong at kalugod-lugod sa paningin ng Diyos.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
o kaya:
Lucas 2, 22-32
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Nang dumating ang araw ng paglilinis sa kanila ayon sa kautusan ni Moises, si Hesus ay dinala ng kanyang mga magulang sa Jerusalem upang iharap sa Panginoon, sapagkat ayon sa Kautusan, “Ang bawat panganay na lalaki ay nakatalaga sa Panginoon.” At naghandog sila, ayon sa hinihingi ng Kautusan ng Panginoon: “Mag-asawang batu-bato o dalawang inakay na kalapati.”
May isang tao noon sa Jerusalem, ang pangala’y Simeon. Matapat at malapit sa Diyos ang lalaking ito at naghihintay sa katubusan ng Israel. Sumasakanya ang Espiritu Santo na nagpahayag sa kanya na hindi siya mamamatay hangga’t hindi niya nakikita ang Mesiyas na ipinangako ng Panginoon. Sa patnubay ng Espiritu, pumasok siya sa templo. At nang dalhin doon ng kanyang mga magulang ang sanggol na si Hesus upang gawin ang hinihingi ng Kautusan, siya’y kinalong ni Simeon. Ito’y nagpuri sa Diyos, na ang wika,
“Kunin mo na, Panginoon, ang iyong abang alipin,
ayon sa iyong pangako,
yamang nakita na ng aking mga mata ang iyong tagapagligtas,
na inihanda mo para sa lahat ng bansa:
Liwanag itong tatanglaw sa mga Hentil,
at magbibigay-karangalan sa iyong bayang Israel.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Hebreo 12, 4-7. 11-15
Pagbasa mula sa sulat sa Mga Hebreo
Mga kapatid, hindi pa humahantong sa pagdanak ng inyong dugo ang pakikitunggali ninyo sa kasalanan. Nalimutan na ba ninyo ang pangaral ng Diyos sa inyo bilang mga anak niya – mga salitang nagpapalakas ng loob ninyo?
“Anak, huwag kang magwalang-bahala kapag itinutuwid ka ng Panginoon,
At huwag panghinaan ng loob kapag ikaw ay pinarurusahan niya.
Sapagkat pinarurusahan ng Panginoon ang mga iniibig niya,
At pinapalo ang itinuturing niyang anak.”
Tiisin ninyo ang lahat bilng pagtutuwid ng isang ama, sapagkat ito’y nagpapakilalang kayo’y inaari ng Diyos na kanyang mga anak. Sinong anak ang hindi itinuwid ng kanyang ama? Habang tayo’y itinuwid ng kanyang ama? Habang tayo’y itinutuwid hindi tayo natutuwa kundi naghihinagpis. Ngunit pagkaraan niyon, lalasap tayo ng kapayapaang bunga ng matuwid na pamumuhay.
Kaya’t palakasin ninyo ang inyong lupaypay na katawan at tipunin ang nalalabi pang lakas! Lumakad kayo sa daang matuwid upang hindi tuluyang mapilay, kundi gumaling ang paang nalinsad.
Magpakabanal kayo at sikaping makasundo ang inyong kapwa, sapagkat hindi ninyo makikita ang Panginoon kung hindi kayo mamumuhay nang ganito. Pag-ingatan ninyong huwag talikdan ninuman sa inyo ang pag-ibig ng Diyos. Ingatan ninyong huwag sumama ang sinuman sa inyo at makagulo at makahawa pa sa iba.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 102, 1-2. 13-14. 17-18a
Pag-ibig mo’y walang hanggan sa bayan mong nagmamahal.
Panginoo’y papurihan, purihin mo, kaluluwa,
ang pangalan niyang banal purihin mo sa tuwina.
Ikaw, aking kaluluwa, ang Diyos ay papurihan,
at huwag mong lilimutin yaong kanyang kabutihan.
Pag-ibig mo’y walang hanggan sa bayan mong nagmamahal.
Kung paano nahahabag ang mga sa anak niya
gayun siya nahahabag sa may takot sa kanya.
Alam niya na alabok, yaong ating pinagmulan,
alam niyang babalik din sa alabok kung mamatay.
Pag-ibig mo’y walang hanggan sa bayan mong nagmamahal.
Ngunit ang pag-ibig ng Diyos ay tunay na walang hanggan
sa sinuman sa kanya’y may takot at pagmamahal;
Ang matuwid niyang gawa ay wala ring katapusan.
yaong magtatamo nito’y ang tapat sa kanyang tipan.
Pag-ibig mo’y walang hanggan sa bayan mong nagmamahal.
ALELUYA
Juan 10, 27
Aleluya! Aleluya!
Ang tinig ko’y pakikinggan
ng kabilang sa ‘king kawan,
ako’y kanilang susundan.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 6, 1-6
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, si Hesus ay nagtungo sa sariling bayan, kasama ang kanyang mga alagad. Pagdating ng Araw ng Pamamahinga, nagturo siya sa sinagoga. Nagtaka ang maraming nakarinig sa kanya at nagtanong, “Saan niya nakuha ang lahat ng iyan? Anong karunungan itong ipinagkaloob sa kanya? Paano siya nakagagawa ng mga kababalaghan? Hindi ba ito ang karpinterong anak ni Maria, at kapatid nina Santiago at Jose, Judas at Simon? Dito nakatira ang kanyang mga kapatid na babae, hindi ba?” At siya’y ayaw nilang kilanlin. Kaya’t sinabi ni Hesus sa kanila, “Ang propeta’y iginagalang ng lahat, liban lamang ng kanyang mga kababayan, mga kamag-anak, at mga kasambahay.” Hindi siya nakagawa ng anumang kababalaghan doon, maliban sa pagpapatong ng kanyang kamay sa ilang maysakit upang pagalingin ang mga ito. Nagtaka siya sapagkat hindi sila sumampalataya. At nilibot ni Hesus ang mga nayon sa paligid upang magturo.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Hebreo 12, 18-19. 22-24
Pagbasa mula sa sulat sa mga Hebreo
Mga kapatid, hindi kayo lumapit, gawa ng paglapit ng mga Israelita, sa isang bundok na nakikita sa Bundok ng Sinai na may nagliliyab na apoy, balot ng pusikit na kadiliman, may malakas na hangin, may tunog ng trumpeta, at tinig na nagsasalita. Nang ang tinig na ito’y marinig ng mga tao, isinamo nilang tumigil iyon ng pagsasalita sa kanila. Talagang nakakikilabot ang kanilang natatanaw, kaya’t pati si Moises ay nagsabi ng ganito, “Nanginginig ko sa takot!”
Ang nilapitan ninyo’y ang Bundok ng Sion at ang lungsod ng Diyos na buhay, ang Jerusalem sa langit, na kinaroroonan ng di-mabilang na anghel. Lumapit kayo sa masayang pagkakatipon ng mga ibinilang na panganay, na nakatala sa langit. Lumapit kayo sa Diyos na hukom ng lahat, at sa mga espiritu ng mga taong banal na naroon na sa dakong inilaan sa kanila ng Diyos. Lumapit kayo kay Hesus, ang tagapamagitan ng bagong tipan at sa dugong nabubo, na ang isinisigaw ay kaiba sa isinisigaw ng dugo ni Abel.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 47, 2-3a. 3b-4. 9. 10-11
Awa mo’y nagunita ko sa loob ng iyong templo.
Dakila ang Poon, dapat papurihan,
sa lungsod ng Diyos, bundok niyang banal.
Ang Bundok ng Sion, tahanan ng Diyos
ay dakong mataas na nakalulugod.
Awa mo’y nagunita ko sa loob ng iyong templo.
Bundok sa hilaga na galak ang dulot,
sa lahat ng bansa nitong sansinukob.
Sa piling ng Diyos ligtas ang sinuman,
sa loob ng muog ng banal na bayan.
Awa mo’y nagunita ko sa loob ng iyong templo.
Sa banal na lungsod ay aming namasid
ang kanyang ginawa na aming narinig;
Ang Panginoong D’yos, Makapangyarihan,
siyang mag-iingat sa lungsod na banal,
iingatan niya magpakailanman.
Awa mo’y nagunita ko sa loob ng iyong templo.
Sa loob ng iyong templo, O Diyos,
aming nagunita pag-ibig mong lubos.
Ika’y pinupuri ng lahat saanman,
sa buong daigdig ang dakila’y ikaw,
at kung mamahala ay makatarungan.
Awa mo’y nagunita ko sa loob ng iyong templo.
ALELUYA
Marcos 1, 15
Aleluya! Aleluya!
Ang D’yos ay maghahari na,
talikdan ang tanang sala,
manalig sa balita n’ya.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 6, 7-13
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, tinawag ni Hesus ang Labindalawa, at sinugong dala-dalawa. Binigyan niya sila ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu, at pinagbilinan: “Sa inyong paglalakbay, huwag kayong magdala ng anuman, maliban sa tungkod. Ni pagkain, balutan, salapi sa inyong lukbutan o bihisan, ay huwag kayong magdala. Ngunit magsuot kayo ng panyapak.” Sinabi rin niya sa kanila, “At sa alinmang tahanang inyong tuluyan – manatili kayo roon hanggang sa pag-alis ninyo sa bayang iyon. Kung ayaw kayong tanggapin o pakinggan sa isang dako, umalis kayo roon at ipagpag ninyo ang alikabok ng inyong mga paa, bilang babala sa mga tagaroon.” Kaya’t humayo ang Labindalawa at nangaral sa mga tao na pagsisihan nila at talikdan ang kanilang mga kasalanan. Pinalayas nila ang maraming demonyo sa mga inaalihan nito; pinahiran nila ng langis at pinagaling ang maraming maysakit.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Hebreo 13, 1-8
Pagbasa mula sa sulat sa Mga Hebreo
Mga kapatid, magpatuloy kayong nag-iibigan bilang magkakapatid kay Kristo. Huwag ninyong kaligtaan ang pagpapatuloy sa mga taga-ibang bayan. May ilang gumawa nito, at nakapagpatuloy sila ng mga anghel nang di nila nalalaman. Damayan ninyo ang mga nabibilanggo, na parang kayo’y nakabilanggo ring kasama nila. Gayun din ang mga pinagmamalupitan, sapagkat maaaring kayo ma’y dumanas din ng gayun.
Dapat igalang ng lahat ang pag-aasawa, at maging tapat sa isa’t isa ang mag-asawa. Sapagkat hahatulan ng Diyos ang mga nakikiapid at mga nangangalunya.
Huwag kayong magmukhang salapi; masiyahan na kayo sa anumang nasa inyo. Sapagkat sinabi ng Diyos, “Hindi kita iiwan ni pababayaan man.” Walang pag-agam-agam na masasabi natin,
“Ang Panginoon ang tumutulong sa akin,
Hindi ako matatakot,
Ano ang magagawa sa akin ng tao?”
Alalahanin ninyo ang mga nangasiwa sa inyo, na nagpahayag sa inyo ng salita ng Diyos. Isipin nga ninyo kung paano sila namuhay at namatay, at tularan ninyo ang kanilang pananalig sa Diyos. Si Hesukristo noong nakaraan ay siya rin sa kasalukuyan at siya rin magpakailanman.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 26, 1. 3. 5. 8b-9abk
Panginoo’y aking tanglaw, siya’y aking kaligtasan.
Tanglaw ko’y ang Poon, aking kaligtasan,
kaya walang takot ako kaninuman;
sa mga panganib kanyang iingatan,
kaya naman ako’y walang agam-agam.
Panginoo’y aking tanglaw, siya’y aking kaligtasan.
Kahit salakayin ako ng kaaway,
magtitiwala rin ako sa Maykapal.
Panginoo’y aking tanglaw, siya’y aking kaligtasan.
Iingatan ako kapag may bagabag,
sa banal na templo’y iingatang ligtas;
itataas niya sa batong matatag.
Panginoo’y aking tanglaw, siya’y aking kaligtasan.
Ang paanyaya mo’y, “Lumapit sa akin,”
Huwag kang magkukubli’t kita’y hahanapin!
H’wag kang magagalit, huwag mong itatakwil
akong katulong mo at iyong alipin.
Panginoo’y aking tanglaw, siya’y aking kaligtasan.
ALELUYA
Lucas 8, 15
Aleluya! Aleluya!
Ang Salitang mula sa Diyos
kapag isinasaloob
ay mamumunga nang lubos.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 6, 14-29
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, nakarating kay Haring Herodes ang balita tungkol kay Hesus, sapagkat bantog na bantog na ang pangalan nito. May nagsasabi, “Siya’y si Juan Bautista na muling binuhay, kaya nakagagawa siya ng mga himala.” May nagsasabi naman, “Siya’y si Elias.” “Siya’y propeta, katulad ng mga propeta noong una,” anang iba pa.
Sinabi naman ni Herodes nang mabalitaan niya ito, “Muling nabuhay si Juan na pinapugutan ko.” Si Herodes ang nagpahuli, nagpagapos at nagpabilanggo kay Juan dahil kay Herodias. Ang babaing ito’y asawa ni Felipe na kapatid ni Herodes ngunit kinakasama niya. Laging sinasabi sa kanya ni Juan, “Hindi matuwid na kunin ninyo ang asawa ng inyong kapatid.” Kaya’t si Herodias ay nagkimkim ng galit kay Juan. Hinangad niyang ipapatay ito, ngunit hindi niya magawa, sapagkat natatakot si Herodes kay Juan. Alam niyang ito’y taong matuwid at banal, kaya’t ipinagsasanggalang niya. Gustung-gusto niyang makinig kay Juan, bagamat labis siyang nababagabag sa mga sinasabi nito.
Sa wakas ay nagkaroon ng pagkakataon si Herodias nang anyayahan ni Herodes sa kanyang kaarawan ang kanyang mga kagawad, mga pinuno ng hukbo, at ang mga pangunahing mamamayan ng Galilea. Pumasok ang anak na babae ni Herodes at nagsayaw. Labis na nasiyahan si Herodias at ang mga panauhin, kaya’t sinabi ng hari sa dalaga, “Hingin mo sa akin ang anumang ibig mo at ibibigay ko sa iyo.” At naisumpa pa niyang ibibigay kahit ang kalahati ng kanyang kaharian kung ito ang hihilingin. Lumabas ang dalaga at tinanong ang kanyang ina, “Ano ang hihilingin ko?” “Ang ulo ni Juan Bautista,” sagot ng ina. Dali-daling nagbalik ang dalaga sa kinaroroonan ng hari. “Ang ibig ko po’y ibigay ninyo sa akin ngayon din, sa isang pinggan, ang ulo ni Juan Bautista,” sabi niya. Labis na nalungkot ang hari, ngunit dahil sa kanyang sumpa na narinig ng kanyang mga panauhin, hindi niya matanggihan ang dalaga. Kaagad niyang iniutos sa isang bantay na dalhin sa kanya ang ulo ni Juan. Sumunod ang bantay at pinugutan si Juan sa bilangguan, inilagay ang ulo sa isang pinggan, at ibinigay sa dalaga. Ibinigay naman iyon ng dalaga sa kanyang ina. Nang mabalitaan ito ng mga alagad ni Juan, kinuha nila ang kanyang bangkay at inilibing.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Hebreo 13, 15-17. 20-21
Pagbasa mula sa sulat sa mga Hebreo
Mga kapatid, lagi tayong maghandog ng hain ng pagpupuri sa Diyos sa pamamagitan ni Hesus – pagpupuring nagpapahayag ng ating pagkilala sa kanyang pangalan. At huwag nating kaligtaan ang paggawa ng mabuti at ang pagtulong sa iba sapagkat iyan ang haing kinalulugdan ng Diyos.
Pasakop kayo sa mga nangangasiwa sa inyo. Sila’y may pananagutang magbantay sa inyo, at magbibigay-sulit sila sa Diyos ukol dito. Kung sila’y susundin ninyo, magagalak sila sa pagtupad ng kanilang tungkulin. Kung hindi, sila’y mahahapis, at hindi ito makabubuti sa inyo.
Ang Diyos na pinagmumulan ng kapayapaan ang siyang muling bumuhay sa ating Panginoong Hesus na naging Dakilang pastol ng mga tupa dahil sa kanyang dugo na nagpatibay sa walang hanggang tipan. Nawa’y ipagkaloob niya sa inyo ang lahat ng kailangan ninyo upang maisagawa ang kanyang kalooban, at sa pamamagitan ni Hesukristo ay gawin niya sa atin ang nakalulugod sa kanya. Papurihan nawa si Kristo magpakailanman! Amen.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 22, 1-3a. 3b-4. 5. 6
Pastol ko’y Panginoong D’yos, hindi ako magdarahop.
Panginoo’y aking Pastol, hindi ako magkukulang.
Ako’y pinahihimlay sa mainam na pastulan,
at inaakay niya ako sa tahimik na batisan,
binibigyan niya ako niyong bagong kalakasan.
Pastol ko’y Panginoong D’yos, hindi ako magdarahop.
At sang-ayon sa pangako na kaniyang binitiwan
sa matuwid na landasi’y doon ako inaakay.
Kahit na ang daang iyo’y tumatahak sa karimlan,
hindi ako matatakot pagkat ika’y kaagapay;
ang tungkod mo at pamalo ang gabay ko at sanggalang.
Pastol ko’y Panginoong D’yos, hindi ako magdarahop.
Sa harapan ng lingkod mo, ikaw ay may handang dulang,
ito’y iyong ginagawang nakikita ng kaaway;
nalulugod ka sa akin na ulo ko ay langisan
at pati na ang kalis ko ay iyong pinaaapaw.
Pastol ko’y Panginoong D’yos, hindi ako magdarahop.
Tunay na ang pag-ibig mo at ang iyong kabutihan,
sasaaki’t tataglayin habang ako’y nabubuhay;
doon ako sa templo mo lalagi at mananahan.
Pastol ko’y Panginoong D’yos, hindi ako magdarahop.
ALELUYA
Juan 10, 27
Aleluya! Aleluya!
Ang tinig ko’y pakikinggan
ng kabilang sa ‘king kawan,
ako’y kanilang susundan.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 6, 30-34
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, bumalik kay Hesus ang mga apostol at iniulat ang lahat ng kanilang naisagawa at naituro. Napakaraming taong dumarating at umaalis, anupat hindi na makuhang kumain ni Hesus at ng kanyang mga alagad. Kaya’t sinabi niya sa mga ito, “Magtungo tayo sa isang ilang na pook upang malayo sa karamihan at makapagpahinga kayo nang kaunti.” Umalis silang lulan ng bangka, at nagpunta nga sa isang ilang na dako.
Ngunit maraming nakakita sa kanilang pag-alis at nakilala sila. Kaya’t mula sa lahat ng bayan, ang mga tao’y patakbong tumungo sa dakong pupuntahan nin Hesus at nauna pang dumating doon kaysa kanila. Paglunsad ni Hesus, nakita niya ang napakaraming tao; nahabag siya sa kanila sapagkat para silang mga tupang walang pastol. At sila’y tinuruan niya ng maraming bagay.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Job 7, 1-4. 6-7
Pagbasa mula sa aklat ni Job
Nagsalita si Job at sinabi niya:
“Ang buhay ng tao’y sagana sa hirap,
batbat ng tiisin at lungkot na dinaranas.
Siya’y tulad ng alipin, pahinga ang hinahangad,
para siyang manggagawa, naghihintay ng kanyang bayad.
Maraming buwan na ang lumipas, walang layon ang buhay ko,
at tuwing sasapit ang gabi ay namimighati ako.
Ang gabi ay matagal, wari’y wala nang umaga,
di mapanatag sa higaan at palaging balisa.
Mga araw ng buhay ko’y mabilis na nalalagas,
pag-asa ko’y lumalabo, at matuling tumatakas.
“O Diyos, iyong alalahaning ang buhay ko’y parang hangin,
ang ligaya ng buhay ko’y napalitaan na ng lagim.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 146, 1-2. 3-4. 5-6
Panginoon ay purihin; siya ay nagpapagaling.
o kaya: Aleluya.
Purihin ang Panginoon!
O kay buti ng umawit at magpuri sa ating Diyos,
ang magpuri sa kanya’y tunay na nakalulugod.
Ang Lungsod ng Jerusalem, muli niyang ibabalik,
sa kanyang mga lingkod, na natapon at nalupig.
Panginoon ay purihin; siya ay nagpapagaling.
Yaong mga pusong wasak ay kanya ring lulunasan,
ang natamo nilang sugat, agad-agad tatapalan.
Alam niya’t natitiyak ang bilang ng mga tala,
isa-isang tinatawag, yaong ngalang itinakda.
Panginoon ay purihin; siya ay nagpapagaling.
Panginoong ating Diyos ay daila at malakas,
ang taglay n’yang karunugan, ay walang makasusukat.
Yaong mapagkumbaba’y siya niyang itataas,
ngunit yaong mapaghambog sa lupa ay ibabagsak.
Panginoon ay purihin; siya ay nagpapagaling.
IKALAWANG PAGBASA
1 Corinto 9, 16-19. 22-23
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto
Mga kapatid, hindi ngayo’t nangangaral ako ng Mabuting Balita ay maaari na akong magmalaki. Iyan ang tungkuling iniatang sa akin. Sa aba ko, kung hindi ko ipangaral ang Mabuting Balita! Kung ginagawa ko ito sa sarili kong kalooban, ako’y may gantimpalang hihintayin; ngunit ginagawa ko ito bilang pagtupad sa tungkulin sapagkat ito’y ipinagkatiwala sa akin. Ano ngayon ang aking gantimpala? Ang maipangaral ko nang walang bayad ang Mabuting Balita at ang di ko pagkuha ng nauukol sa akin bilang tagapangaral.
Malaya ako at di alipin ninuman; ngunit napaalipin ako sa lahat upang makahikayat ako na lalong marami. Sa piling ng mahihina, ako’y naging gaya ng mahihina, ako’y naging gaya ng mahihina upang mahikayat ko sila. Ako’y nakibagay sa lahat ng tao upang ang ilan man lamang ay mailigtas ko, kahit sa anong paraan.
Ginagawa ko ang lahat ng ito alang-alang sa Mabuting Balita, upang makibahagi ako sa mga pagpapala nito.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Mateo 8, 17
Aleluya! Aleluya!
Inako ni Hesukristo
ang sakit ng mga tao
upang matubos n’ya tayo!
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 1, 29-39
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, mula sa sinagoga, si Hesus ay nagtuloy sa bahay nina Andres at Simon. Kasama niya sina Santiago at Juan. Nararatay noon ang biyenan ni Simon Pedro, dahil sa matinding lagnat, at ito’y agad nilang sinabi kay Hesus. Nilapitan ni Hesus ang babae, hinawakan sa kamay at ibinangon. Noon di’y inibsan ito ng lagnat at naglingkod sa kanila.
Pagkalubog ng araw, dinala kay Hesus ang lahat ng maysakit at ang mga inaalihan ng demonyo, at nagkatipon ang buong bayan sa may pintuan ng bahay. Pinagaling niya ang maraming maysakit, anuman ang kanilang karamdaman at nagpalayas siya ng mga demonyo. Hindi niya hinayaang magsalita ang mga ito, sapagkat alam nila kung sino siya.
Madaling-araw pa’y bumangon na si Hesus at nagtungo sa ilang na pook at nanalangin. Hinanap siya ni Simon at kanyang mga kasama. Nang siya ay matagpuan, sinabi nila, “Hinanap po kayo ng lahat.” Ngunit sinabi ni Hesus, “Kailangang pumunta rin naman tayo sa mga kalapit-bayan upang makaparangal ako roon – ito ang dahilan ng pag-alis ko sa Capernaum.” At nilibot niya ang buong Galilea, na nangangaral sa mga sinagoga at nagpapalayas ng mga demonyo.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 22, 3-16
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol
Noong mga araw na iyon, sinabi ni Pablo sa mga tao, “Ako’y isang Judio, ipinanganak sa Tarso ng Cilicia ngunit lumaki rito sa Jerusalem. Nag-aral ako kay Gamaliel at buong higpit na tinuruan sa Kautusan ng ating mga ninuno. Tulad ninyong lahat, ako’y masugid na naglilingkod sa Diyos. Inusig ko at ipinapatay ang mga sumusunod sa Daang ito. Ipinagapos ko at ipinabilanggo sila, lalaki’t babae.
Makapagpapatotoo tungkol dito ang pinakapunong saserdote at ang buong kapulungan ng matatanda. Binigyan pa nila ako ng mga sulat para sa mga Judio sa Damasco, at pumunta ako roon upang dakpin ang mga tagasunod doon at dalhin dito sa Jerusalem upang parusahan.
“Magtatanghaling-tapat noon, at malapit na ako sa Damasco. Biglang kumislap sa aking paligid ang isang matinding liwanag mula sa langit. Nasubasob ako sa lupa, at narinig ko ang isang tinig na nagsabi sa akin, ‘Saulo, Saulo! Bakit mo ako pinag-uusig?’ Ako’y sumagot, ‘Sino po kayo, Panginoon?’ ‘Ako’y si Hesus na taga-Nazaret na iyong pinag-uusig,’ tugon niya. Nakita ng mga kasama ko ang liwanag, ngunit hindi nila narinig ang tinig ng nagsalita sa akin. At akin ding itinanong, ‘Ano po ang gagawin ko, Panginoon?’ Ang tugon sa aki’y, ‘Tumindig ka at pumunta sa Damasco. Sasabihin sa iyo roon ang lahat ng dapat mong gawin.’ Nabulag ako dahil sa kaningningan ng liwanag na iyon, kaya’t ako’y inakay na lamang ng mga kasama ko papasok sa Damasco.
“May isang lalaki sa Damasco na ang pangala’y Ananias. Siya’y taong may takot sa Diyos, tumutupad sa Kautusan, at iginagalang ng mga Judiong naninirahan doon. Pinuntahan niya ako, tumayo sa tabi ko at sinabi sa akin, ‘Kapatid na Saulo, makakakita ka na.’ Noon di’y nanaulo ang aking paningin at nakita ko siya. Sinabi pa niya, ‘Hinirang ka ng Diyos ng ating mga ninuno upang mabatid mo ang kanyang kalooban, makita ang kanyang Banal na Lingkod at marinig ang kanyang tinig. Sapagkat ikaw ay magiging saksi niya upang patotohanan sa lahat ng tao ang iyong nakita at narinig. At ngayon, huwag ka nang mag-atubili. Tumindig ka, tumawag ka sa kanyang pangalan at magpabinyag, at magiging malinis ka sa iyong mga kasalanan.’”
Ang Salita ng Diyos.
o kaya:
Gawa 9, 1-22
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol
Noong mga araw na iyon, masidhi ang pagnanais ni Saulo na usigin at patayin ang mga alagad ng Panginoon. Kaya’t lumapit siya sa pinakapunong saserdote, at humingi ng mga sulat para sa mga sinagoga sa Damasco upang madakip niya ang sinumang matagpuan niya roong kaanib sa bagong pananampalataya – maging lalaki, maging babae – at madala sa Jerusalem.
Naglakbay si Saulo patungong Damasco. Nang siya’y malapit na sa lungsod, biglang kumislap sa paligid niya ang isang nakasisilaw na liwanag mula sa langit, anupat nasubasob siya. At narinig niya ang isang tinig na nagsalita sa kanya, “Saulo! Saulo! Bakit mo ako inuusig?” “Sino po kayo, Panginoon?” tanong niya. “Ako’y si Hesus, ang inyong inuusig,” tugon sa kanya. “Tumindig ka’t pumasok sa lungsod. Sasabihin sa iyo roon kung ano ang dapat mong gawin.” Natilihan ang mga kasama ni Saulo; narinig nila ang tinig ngunit wala silang makitang sinuman. Tumindig si Saulo at idinilat ang kanyang mata ngunit hindi siya makakita, kaya’t siya’y inakay nila hanggang sa Damasco. Tatlong araw na hindi siya nakakita, at hindi kumain ni uminom.
Sa Damasco naman ay may isang alagad na ang pangala’y Ananias. Tinawag siya ng Panginoon sa isang pangitain, “Ananias!” “Ano po iyon, Panginoon?” tugon niya. “Pumunta ka sa kalye Matuwid, sa bahay ni Judas at ipagtanong mo ang isang lalaking taga-Tarso na ang pangala’y Saulo,” sabi ng Panginoon. “Siya’y nananalangin ngayon. Sa isang pangitain, nakita ka niyang pumasok sa kinaroroonan niya at pinatungan mo siya ng kamay upang makakita.” Sumagot si Ananias, “Panginoon, marami na po ang nagbalita sa akin tungkol sa taong ito, tungkol sa mga kasamaang ginawa niya sa iyong mga banal sa Jerusalem. At naparito siya sa Damasco, taglay ang kapangyarihang galing sa mga punong saserdote, upang dakpin ang lahat ng tumatawag sa iyong pangalan.” Ngunit sinabi sa kanya ng Panginoon, “Pumaroon ka! Sapagkat hinirang ko siya upang ipakilala ang aking pangalan sa mga Hentil, sa mga hari, at sa mga anak ng Israel. At ipaaalam ko sa kanya ang lahat ng dapat niyang tiisin alang-alang sa akin.”
Pumunta nga si Ananias. Pumasok siya sa bahay at ipinatong ang kanyang kamay kay Saulo. “Kapatid na Saulo,” wika niya, “pinapunta ako rito ng Panginoong Hesus na napakita sa iyo sa daan nang ikaw ay papunta rito. Sinugo niya ako upang muli kang makakita, at mapuspos ng Espiritu Santo.” Pagdaka’y may nalaglag na tila mga kaliskis mula sa mga mata ni Saulo, at nakakita na siya. Tumindig siya agad at nagpabinyag. Kumain siya at nanauli ang kanyang lakas.
Si Saulo’y ilang araw na kasama-sama ng mga alagad sa Damasco. Pumasok siya sa mga sinagoga at nangaral tungkol kay Hesus. “Siya ang Anak ng Diyos,” wika niya. Nagtaka ang lahat ng nakarinig sa kanya. “Hindi ba ito ang dating umuusig sa mga tumatawag sa pangalang ito sa Jerusalem?” tanong nila. “Hindi ba’t naparito siya upang sila’y dakpin at dalhing gapos sa mga punong saserdote?”
Ngunit lalong naging mahusay si Saulo sa kanyang pangangaral at nalito ang mga Judiong naninirahan sa Damasco dahil sa kanyang matibay na pagpapatunay na si Hesus ay siyang Kristo.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 116, 1. 2
Humayo’t dalhin sa tanan, Mabuting Balitang aral.
o kaya: Aleluya.
Purihin ang Poon!
Dapat na purihin ang lahat ng bansa,
siya ay purihin
ng lahat ng tao sa balat ng lupa.
Humayo’t dalhin sa tanan, Mabuting Balitang aral.
Pagkat ang pag-ibbig
Na ukol sa ati’y dakila at wagas,
at ang katapatan niya’y walang wakas.
Humayo’t dalhin sa tanan, Mabuting Balitang aral.
ALELUYA
Juan 15, 16
Aleluya! Aleluya!
Hinirang tayo ni Kristo
upang mamungang totoo
bilang mabuting tao.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 16, 15-18
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, nagpakita si Hesus sa Labing-isa at sinabi sa kanila, “Humayo kayo sa buong sanlibutan at ipangaral ninyo sa lahat ang Mabuting Balita. Ang sumasampalataya at magpabinyag ay maliligtas, ngunit ang hindi sumampalataya ay parurusahan. Ang mga sumampalataya ay magtataglay ng ganitong tanda ng kapangyarihan: sa pangalan ko’y magpapalayas sila ng mga demonyo at magsasalita ng ibang wika; sila’y hindi maaano dumampot man ng ahas o uminom ng lason; at gagaling ang mga maysakit na mapatungan ng kanilang kamay.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
2 Timoteo 1, 1-8
Ang simula ng ikalawang sulat ni Apostol San Pablo kay Timoteo
Mula kay Pablo na niloob ng Diyos na maging apostol ni Kristo Hesus upang mangaral tungkol sa buhay na ipinangakong kakamtin natin kay Kristo Hesus –
Kay Timoteo na minamahal kong anak:
Sumaiyo nawa ang pagpapala, ang habag, at ang kapayapaan mula sa Diyos Ama at kay Kristo Hesus na ating Panginoon.
Nagpapasalamat ako sa Diyos na pinaglingkuran ko nang tapat – tulad ng ginawa ng aking mga ninuno – tuwing aalahanin kita sa aking mga panalangin araw-gabi. Sabik na sabik na akong makita ka upang malubos ang aking kagalakan, lalo na kapag naaalaala ko ang iyong pagluha. Hindi ko nakakalimutan ang tapat mong pananampalataya, katulad ng pananampalataya ng iyong Lola Loida at ni Eunice na iyong ina. Natitiyak kong taglay mo pa ngayon ang pananampalatayang iyon. Dahil dito, ipinaaalaala ko sa iyo na maging masigasig ka sa pagtupad sa tungkuling tinanggap mo sa Diyos nang ipatong ko ang aking mga kamay sa ulo mo. Sapagkat hindi espiritu ng kaduwagan ang ibinigay sa atin ng Diyos kundi Espiritu ng kapangyarihan, pag-ibig, at pagpipigil sa sarili.
Kaya’t huwag mong ikahiya ang pagpapatotoo tungkol sa Panginoon o ang aking pagkabilanggo dahil sa kanya. Sa halip, makihati ka sa kahirapan dahil sa Mabuting Balita, sa tulong ng Diyos.
Ang Salita ng Diyos.
o kaya:
Tito 1, 1-5
Ang simula ng sulat ni Apostol San Pablo kay Tito
Mula kay Pablo, alipin ng Diyos at apostol ni Hesukristo.
Sinugo ako upang patibayin ang pananalig ng mga hinirang ng Diyos, palawakin ang kanilang kaalaman tungkol sa katotohanang makapaglalapit sa atin sa Diyos, at bigyan ng pag-asa sa buhay na walang hanggan. Bago pa lalangin ang sanlibutan, ang buhay na ito’y ipinangako na ng Diyos na hindi marunong magsinungaling. Ipinahayag naman ito sa takdang panahon at ipinagkatiwala sa akin upang ipangaral, ayon sa utos ng Diyos na ating Tagapagligtas na si Kristo Hesus.
Kay Tito, tunay kong anak sa pananampalatayang ipinagkaloob sa ating lahat:
Sumaiyo nawa ang pagkalinga at kapayapaan mula sa Diyos Ama at sa ating Tagapagligtas na si Kristo Hesus.
Iniwan kita sa Creta upang ayusin ang mga bagay na wala pa sa ayos at pumili ng matatanda sa simbahan sa bawat bayan, ayon sa itinagubilin ko sa iyo.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 95, 1-2a. 2b-3. 7-8a. 10
Sa lahat ay pinahayag gawa ng Poong nagligtas.
Purihin ang Panginoon, awitan ng bagong awit;
Panginoo’y papurihan nitong lahat sa daigdig!
Sa lahat ay pinahayag gawa ng Poong nagligtas.
Awitan ang Panginoon, ngalan niya ay purihin;
araw-araw ang ginawang pagliligtas ay banggitin.
Kahit saa’y ipahayag na ang Poon ay dakila,
sa madla ay ipahayag ang dakila niyang gawa.
Sa lahat ay pinahayag gawa ng Poong nagligtas.
Panginoon ay purihin ng lahat sa daigdigan!
purihin ang lakas niya at ang kanyang kabanalan!
Ang pagpuri ay iukol sa pangalan niyang banal.
Sa lahat ay pinahayag gawa ng Poong nagligtas.
“Panginoo’y siyang hari,” sa daigdig ay sabihin,
“sanlibuta’y matatag na, kahit ito ay ugain;
sa paghatol sa nilikha, lahat ay pantay sa paningin.”
Sa lahat ay pinahayag gawa ng Poong nagligtas.
ALELUYA
Lucas 4, 18
Aleluya! Aleluya!
Ikaw, Kristo ay sinugo
upang sa dukha’y magturo,
magpalaya sa bilanggo.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 3, 31-35
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, dumating ang ina at mga kapatid ni Hesus. Sila’y nasa labas ng bahay at ipinatawag siya. Noon nama’y maraming taong nakaupo sa palibot ni Hesus, at may nagsabi sa kanya, “Nariyan po sa labas ang inyong ina at mga kapatid; ipinatatawag kayo.” “Sino ang aking ina at mga kapatid?” ani Hesus. Tumingin siya sa mga nakaupo sa palibot niya at nagwika: “Ito ang aking ina at mga kapatid! Sapagkat ang sinumang tumatalima sa kalooban ng Diyos; ay siya kong ina at mga kapatid.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
o kaya:
Lucas 10, 1-9
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, ang Panginoon ay humirang pa ng pitumpu’t dalawa. Pinauna niya sila nang dala-dalawa sa bawat bayan at pook na patutunguhan niya. Sinabi niya sa kanila, “Sagana ang aanihin, ngunit kakaunti ang mga manggagawa. Idalangin ninyo sa may-ari na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang bukirin. Humayo kayo! Sinusugo ko kayong parang mga kordero sa gitna ng mga asong-gubat. Huwag kayong magdala ng lukbutan, supot, o panyapak. Huwag na kayong titigil sa daan upang makipagbatian kaninuman. Pagpasok ninyo sa alinmang bahay, sabihin muna ninyo, ‘Maghari nawa ang kapayapaan sa bahay na ito!’ Kung maibigin sa kapayapaan ang nakatira roon, sasakanila ang kapayapaan; ngunit kung hindi, hindi sila magkakamit nito. Manatili kayo sa bahay na inyong tinutuluyan; kanin ninyo at inumin ang anumang idulot sa inyo – sapagkat ang manggagawa ay may karapatang tumanggap ng kanyang upa. Huwag kayong magpapalipat-lipat ng bahay. Kapag tinanggap kayo sa alinmang bayan, kanin ninyo ang anumang ihain sa inyo; pagalingin ninyo ang mga maysakit doon at sabihin sa bayan, ‘Nalalapit na ang paghahari ng diyos sa inyo.’”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Hebreo 10, 11-18
Pagbasa mula sa sulat sa Mga Hebreo
Bawat saserdote ay nakatayong naglilingkod araw-araw at naghahandog ng iyon at iyon ding mga hain, subalit hindi makapapawi ng kasalanan ang mga haing iyon. Ngunit si Kristo ay minsan lamang naghandog dahil sa mga kasalanan, at ito’y sapat na. Pagkatapos, lumuklok siya sa kanan ng Diyos. At naghihintay siya roon hanggang sa lubusang pasukuin sa kanya ng Diyos ang kanyang mga kaaway. Samakatwid, sa pamamagitan ng isa lamang paghahandog ay kanyang pinagpaging-banal magpakailanman ang mga nililinis niya.
Ang Espiritu Santo’y nagpapatotoo rin sa atin tungkol dito. Una’y sinabi niya,
“Ito ang aking magiging tipan sa kanila
pagdating ng mga araw na iyon, sabi ng Panginoon:
Iuukit ko sa kanilang puso ang aking mga utos,
at itatanim ko ang mga ito sa kanilang mga isip.”
At kanya ring sinabi pagkatapos, “Hindi ko na aalalahanin pa ang kanilang mga kasalanan at mga kasamaan.” Sapagkat ipinatawad na ang mga kasalanan, hindi na kailangan pang maghandog dahil sa kasalanan.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 109. 1. 2. 3. 4
Ika’y paring walang hanggan katulad ni Melquisedec.
Sinabi ng Poon, sa Hari ko’t Panginoon,
“Maupo ka sa kanan ko,
hanggang ang kaaway mo
ay lubos na mapasuko,
pagkat iyong matatalo.”
Ika’y paring walang hanggan katulad ni Melquisedec.
Magmula sa dakong Sion,
ay palalawakin niya ang lupaing iyong sakop;
“At lahat ng kaaway mo’y
sakupin at pagharian,” gayun ang kanyang utos.
Ika’y paring walang hanggan katulad ni Melquisedec.
Sasamahan ka ng madla,
kung dumating ang panahong lusubin ka ng kaaway;
magmula sa mga bundok,
lalabas at sasamahan ka ng mga kabataan.
Ika’y paring walang hanggan katulad ni Melquisedec.
Panginoo’y may pangako na ito’y tiyak mangyayari,
ganito ang kanyang saysay:
“Katulad ni Melquisedec,
gagawin kang saserdote, na hindi na wawakasan.”
Ika’y paring walang hanggan katulad ni Melquisedec.
ALELUYA
Aleluya! Aleluya!
Salita ng D’yos ang buto
na tanim ni Hesukristo
upang tumubo sa tao.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 4, 1-20
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, muling nagturo si Hesus sa tabi ng Lawa ng Galilea. Pinagkalipumpunan siya ng napakaraming tao, kaya’t lumulan siya sa isang bangkang nasa tubig at doon naupo. Ang karamihan nama’y nasa dalampasigan, nasa gilid na ng tubig. At sila’y tinuruan niya ng maraming bagay sa pamamagitan ng talinhaga. Ganito ang sabi niya: “Pakinggan ninyo! May isang magsasaka na lumabas maghasik. Sa kanyang paghahasik ay may binhing nalaglag sa daan. Dumating ang mga ibon at tinuka ang mga iyon. May binhi namang nalaglag sa kabatuhan. Agad sumibol ang mga iyon, sapagkat manipis lamang ang lupa doon; ngunit nang tumindi ang sikat ng araw, nalanta at natuyo ang mga binhing tumubo, palibhasa’y walang gaanong ugat. May binhi namang nalaglag sa dawagan; lumago ang mga dawag at ininis ang mga binhing namang nalaglag sa dawagan; lumago ang mga dawag at ininis ang mga binhing tumubo kaya hindi nakapamunga. At may binhing nalaglag sa matabang lupa, at ito’y tumbo, lumago, at nag-uhay na mainam – may uhay na tigtatatlumpu, tig-aanimnapu, at tigsasandaan ang butil.” Sinabi pa ni Hesus, “Ang may pandinig ay makinig.”
Nang nag-iisa na si Hesus, ang ilang nakarinig sa kanya ay lumapit na kasama ang Labindalawa, at hiniling na ipaliwanag ang talinghaga. Sinabi niya, “Sa inyo’y ipinagkaloob na malaman ang lihim tungkol sa paghahari ng Diyos; ngunit sa iba, ang lahat ng bagay ay itinuturo sa pamamagitan ng talinghaga. Kaya nga’t,
‘Tumingin man sila nang tumingin ay hindi sila makakita.
At makinig man nang makinig ay hindi makaunawa.
Kundi gayon, marahil sila’y magbabalik-loob sa Diyos at patatawarin naman niya.’”
Pagkatapos tinanong sila ni Hesus, “Hindi pa ba ninyo nauunawaan ang talinghagang ito? Paano ninyo mauunawaan ang ibang talinghaga? Ang inihahasik ay ang Salita ng Diyos. Ito ang mga nasa daan, na nahasikan ng Salita: pagkatapos nilang mapakinggan ito, pagdaka’y dumarating si Satanas, at inaalis ang Salitang napahasik sa kanilang puso. Ang iba’y tulad naman ng napahasik sa kanilang puso. Ang iba’y tulad naman ng napahasik sa kabanatuhan. Pagkarinig nila ng Salita, ito’y agad nilang tinatanggap na may galak. Ngunit hindi naman ito tumitimo sa kanilang puso, kaya’t hindi sila nananatili. Pagdating ng kahirapan o pag-uusig dahil sa Salita, agad silang nanlalamig. Ang iba’y tulad ng napahasik sa dawagan. Dininig nga nila ang Salita, ngunit sila’y naging abala sa mga bagay ukol sa mundong ito, naging maibigin sa mga kayamanan, at mapaghangad sa iba pang mga bagay, anupa’t ang Salita’y nawalan na ng puwang sa kanilang mga puso kaya’t hindi sila nakapamunga. Ngunit ang iba’y tulad sa binhing napahasik sa matabang lupa: pinakikinggan nila at tinatanggap ang Salita, at sila’y nagsisipamunga – may tigtatatlumpu, may tig-aanimnapu, at mau tigsasandaan.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Hebreo 10, 19-25
Pagbasa mula sa sulat sa mga Hebreo
Kaya nga, mga kapatid, tayo’y malaya nang makapapasok sa Dakong Kabanal-banalan dahil sa kamatayan ni Hesus. Binuksan niya para sa atin ang isang bago at buhay na daang naglagos hanggang sa kabila ng tabing-alalaong baga’y ang kanyang katawan. Tayo’y may isang Dakilang Saserdote na namamahala sa sambahayan ng Diyos. Kaya’t lumapit tayo sa Diyos nang may tapat na kalooban at matibay na pananalig sa kanya. Lumapit tayong may malinis na budhi sapagkat nalinis na ang atig mga puso at nahugasan na ng dalisay na tubig ang ating mga katawan. Magpakatatag tayo sa ating pag-asa at huwag mag-alinlangan, sapagkat tapat ang nangako sa atin. At sikapin nating mapukaw ang damdamin ng bawat isa sa pag-ibig sa kapwa, at sa paggawa ng mabuti. At huwag kaligtaan ang pagdalp sa ating mga pagtitipon gaya ng ginawa ng ilan, kundi palakasin ang loob ng isa’t isa, lalo na ngayong nakikita nating nalalapit na ang pagdating ng Panginoon.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 23, 1-2. 3-4ab. 5-6
Panginoon, ang bayan mo ay dumudulog sa iyo.
Ang buong daigdig, lahat ng naroon,
may-ari’y ang Diyos, ating Panginoon;
ang mundo’y natayo at yaong sandiga’y
ilalim ng lupa, tubig kalaliman.
Panginoon, ang bayan mo ay dumudulog sa iyo.
Sino ang marapat umahon sa burol,
sa burol ng Poon, sino ngang aahon?
Sino’ng papayagang pumasok sa templo,
Sino’ng tutulutang pumasok na tao?
Siya, na malinis ang isip at buhay,
na hindi sumamba sa diyus-diyusan;
tapat sa pangako na binibitiwan.
Panginoon, ang bayan mo ay dumudulog sa iyo.
Ang Panginoong Diyos, pagpapalain siya,
ililigtas siya’t pawawalang-sala.
Gayun ang sinumang lumalapit sa Diyos
silang lumalapit sa Diyos ni Jacob.
Panginoon, ang bayan mo ay dumudulog sa iyo.
ALELUYA
Salmo 118, 105
Aleluya! Aleluya!
Ang salita mo’y liwanag,
tanglaw sa aking paglakad,
sa paghakbang sa ‘yong landas.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 4, 21-25
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga tao, “Sinisindihan ba ang ilawan para itago sa ilalim ng takalan, o kaya’y sa ilalim ng higaan? Hindi ba upang ilagay sa talagang patungan? Walang natatago na di malalantad at lihim na di mabubunyag. Ang may pandinig ay makinig.”
At idinugtong pa niya, “Unawain ninyong mabuti ang inyong naririnig. Ang panukat na ginamit ninyo ay siya ring gagamitin sa inyo ng Diyos at higit pa. Sapagkat ang mayroon ay bibigyan pa, ngunit ang wala, kahit ang kakaunting nasa kanya ay kukunin pa.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Hebreo 10, 32-39
Pagbasa mula sa sulat sa mga Hebreo
Mga kapatid, alalahanin ninyo ang mga araw na nagdaan, kung paanong kayo’y nagbata ng matinding hirap matapos na kayo’y maliwanagan, ngunit hindi kayo nadaig. Kung minsan, kayo’y inaalipusta at pinahihirapan sa harapan ng madla, at kung minsan nama’y karamay kayo ng mga kasamahang pinahihirapan nang gayun. Dinamayan ninyo ang mga nabibilanggo, at hindi kayo nalungkot nang kayo’y agawan ng ari-arian, sapagkat alam ninyong higit na mabuti at nananatili ang kayamanang nakalaan sa inyo. Kaya’t huwag kayong mawalan ng pananalig sa Diyos, sapagkat taglay nito ang dakilang gantimpala. Kinakailangang kayo’y magtiis upang masunod ninyo ang kalooban ng Diyos at matanggap ang kanyang ipinangako.
Sapagkat,
“Kaunting panahon na lamang, hindi na magluluwat,
at ang paririto ay darating.
Ang tapat kong lingkod ay nabubuhay sa pananalig sa akin,
ngunit kung siya’y tumalikod, hindi ko kalulugdan.”
Ngunit hindi tayo kabilang sa mga tumatalikod at napapahamak, kundi sa mga nananalig sa Diyos at sa gayo’y naliligtas.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 36, 3-4. 5-6. 23-24. 39-40
Nasa D’yos ang kaligtasan ng mga mat’wid at banal.
Umasa ka sa Diyos, ang mabuti’y gawin,
at mananahan kang ligtas sa lupain.
Sa Diyos mo hanapin ang kaligayahan,
at ang pangarap mo’y iyong makakamtan.
Nasa D’yos ang kaligtasan ng mga mat’wid at banal.
Ang iyong sarili’y sa Diyos mo ilagak,
pag nagtiwala ka’y tutulungang ganap;
ang kabutihan mo ay magliliwanag,
katulad ng araw kung tanghaling-tapat.
Nasa D’yos ang kaligtasan ng mga mat’wid at banal.
Ang gabay ng tao sa kanyang paglalakad,
ay ang Panginoon, nang upang maligtas;
sa gawain niya, ang Diyos nagagalak.
Kahit na mabuwal, siya ay babangon,
pagkat ang alalay niya’y Panginoon.
Nasa D’yos ang kaligtasan ng mga mat’wid at banal.
Ililigtas ng Diyos ang mga matuwid,
iingatan sila pag naliligalig.
Ililigtas sila’t kanyang tutulungan
laban sa masama, ipagsasanggalang;
sapagkat sa Poon nangungubling tunay.
Nasa D’yos ang kaligtasan ng mga mat’wid at banal.
ALELUYA
Mateo 11, 25
Aleluya! Aleluya!
Papuri sa Diyos Ama
pagkat ipinahayag n’ya
Hari s’ya ng mga aba.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 4, 26-34
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga tao, “Ang paghahari ng Diyos ay maitutulad sa isang naghahasik ng binhi sa kanyang bukid. Pagkatapos niyon, magpapatuloy siya sa kanyang pang-araw-araw na gawain; tutubo at lalago ang binhi nang hindi niya nalalaman kung paano. Ang lupa’y siyang nagpapasibol at nagpapabunga sa mga pananim: usbong muna, saka uhay na pagkatapos ay mahihitik sa mga butil. Pagkahinog ng mga butil, agad itong ipagagapas sapagkat dapat nang anihin.”
“Sa ano natin ihahambing ang paghahari ng Diyos?” sabi pa ni Hesus. “Anong talinghaga ang gagamitin natin upang ilarawan ito? Tulad ito ng butil ng mustasa na siyang pinakamaliit sa lahat ng binhi. Kapag natanim na at lumago, ito’y nagiging pinakamalaki sa lahat ng puno ng gulay; nagkakasanga ito nang malalabay, anupat ang mga ibon ay nakapamumugad sa mga sanga nito.”
Ang Salita’y ipinangangaral ni Hesus sa kanila sa pamamagitan ng maraming talinghagang tulad nito, ayon sa makakaya ng kanilang pangunawa. Hindi siya nangaral sa kanila nang hindi gumagamit ng talinghaga; ngunit ipinaliwanag niya nang sarilinan sa kanyang mga alagad ang lahat ng bagay.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Hebreo 11, 1-2. 8-19
Pagbasa mula sa sulat sa mga Hebreo
Mga kapatid, tayo’y may pananalig kung nagtitiwala tayong mangyayari ang mga inaasahan natin, at naniniwala sa mga bagay na di natin nakikita. At kinalugdan ng Diyos ang mga tao noong una dahil sa kanilang pananalig sa kanya.
Dahil sa pananalig sa Diyos, tumalima si Abraham nang siya’y papuntahin ng Diyos sa lupang ipinangako sa kanya. At humayo siya, bagamat hindi niya alam kung saan paroroon. Dahil din sa kanyang pananalig, siya’y nanirahan bilang dayuhan sa lupang ipinangako sa kanya ng Diyos. Tumira siya sa mga tolda, kasama nina Isaac at Jacob na kapwa tumanggap ng gayon ding pangako mula sa Diyos, habang hinihintay niyang maitatag ang lungsod, na ang nagplano at nagtayo ay ang Diyos.
Dahil din sa pananalig sa Diyos, si Sara, bagamat matanda na, ay niloob ng Diyos na magkaanak, sapagkat nanalig siya na tapat ang nangako. Kaya’t sa taong maituturing na halos patay na ay nagmula ang isang lahi na naging kasindami ng bituin sa langit at ng buhangin sa dalampasigan.
Silang lahat ay namatay na may pananalig sa Diyos. Hindi nila nakamtan ang mga ipinangako ng Diyos, ngunit natanaw nila iyon mula sa malayo. Kinilala nilang sila’y dayuhan lamang at nangingibang-bayan dito sa lupa. Ipinakikilala ng mga taong nagsasalita nang gayun na naghahanap pa sila ng sariling bayan. Kung ang naaalaala nila’y ang lupaing pinanggalingan nila, may pagkakataon pang makabalik sila roon. Ngunit ang hinahangad nila’y isang lungsod na lalong mabuti, yaong nasa langit. Kaya’t hindi ikinahiya ng Diyos na siya’y maging Diyos nila, sapagkat ipinaghanda niya sila ng isang lungsod.
At nang subukin ng Diyos si Abraham, pananalig din ang nag-udyok sa kanya na ihandog si Isaac bilang hain sa Diyos. Handa niyang ihandog ang kaisa-isa niyang anak, gayong ipinangako sa kanya ng Diyos na kay Isaac magmumula ang magiging lahi niya. Naniniwala siyang muling mabubuhay ng Diyos si Isaac at sa patalinhagang pangungusap, nabalik nga sa kanya si Isaac mula sa mga patay.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Lucas 1, 69-70. 71-72. 73-75
Poong Diyos ay purihin, nilingap n’ya ang Israel.
Nagpadala ang Diyos sa atin ng isang makapangyarihang Tagapagligtas,
Mula sa lipi ni David na kanyang lingkod.
Ipinangako niya sa pamamagitan ng kanyang mga banal na propeta noong una.
Poong Diyos ay purihin, nilingap n’ya ang Israel.
Na ililigtas niya tayo sa ating mga kaaway,
At sa kamay ng lahat ng napopoot sa atin.
Ipinangako rin niya na kahabagan ang ating mga magulang,
at aalalahanin ang kanyang banal na tipan.
Poong Diyos ay purihin, nilingap n’ya ang Israel.
Iyan ang sumpang binitiwan niya sa ating amang si Abraham,
na ililigtas tayo sa ating mga kaaway,
upang walang takot na makasamba sa kanya.
At maging banal at matuwid sa kanyang paningin, habang tayo’y nabubuhay.
Poong Diyos ay purihin, nilingap n’ya ang Israel.
ALELUYA
Juan 3, 16
Aleluya! Aleluya!
Kaylaki ng pagmamahal
ng Diyos sa sanlibutan kaya’t
Anak n’ya’y ‘binigay.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 4, 35-41
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong araw na iyon, habang nagtatakip-silim na, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Tumawid tayo sa ibayo.” Kaya’t iniwan nila ang mga tao, at sumakay sa bangkang kinalululanan nin Hesus upang itawid siya. May kasabay pa silang ibang mga bangka. Dumating ang malakas na unos. Hinampas ng malalaking alon ang bangka, anupat halos mapuno ito ng tubig. Si Hesus nama’y nakahilig sa unan sa may hulihan ng bangka at natutulog. Ginising siya ng mga alagad. “Guro,” anila, “di ba ninyo alintana? Lulubog na tayo!” Bumangon si Hesus at iniutos sa hangin, “Tigil!” At sinabi sa dagat, “Tumahimik ka!” Tumigil ang hangin at tumahimik ang dagat. Pagkatapos, sinabi niya sa mga alagad, “Bakit kayo natatakot? Wala pa ba kayong pananalig?” Sinidlan sila ng matinding takot at panggigilalas, at nagsabi sa isa’t isa, “Sino nga kaya ito, at sinusunod maging ng hangin at ng dagat?”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Deuteronomio 18, 15-20
Pagbasa mula sa aklat ng Deuteronomio
Sinabi ni Moises sa mga tao:
“Mula sa inyo, pipili ang Panginoon ng propetang tulad ko, siya ang inyong pakikinggan. Ito’y katugunan sa hiling ninyo sa Panginoon nang kayo’y nagkatipon sa Horeb. Ang sabi ninyo, ‘Huwag mo nang iparinig uli sa amin ang tinig ng Panginoon ni ipakita pa ang kakilakilabot na apoy na ito pagkat tiyak na mamamatay kami.’ Sinabi naman niya sa akin, ‘Tama ang sabi nila, kaya pipili ako ng propetang tulad mo. Sa kanya ko ipasasabi ang ibig kong sabihin sa kanila. Sinumang hindi makinig sa kanya ay mananagot sa akin. Ngunit tiyak na mamamatay ang propetang mangangahas magsalita sa pangalan ko nang hindi ko pinahihintulutan o magsalita sa pangalan ng alinmang diyus-diyusan.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 94, 1-2. 6-7. 8-9
Panginoo’y inyong dinggin, huwag n’yo s’yang salungatin.
Tayo ay lumapit
sa ‘ting Panginoon, siya ay awitan,
ating papurihan
ang batong kublihan nati’t kalakasan.
Tayo ay lumapit,
sa kanyang harapan na may pasalamat,
siya ay purihin,
ng mga awiting may tuwa at galak.
Panginoo’y inyong dinggin, huwag n’yo s’yang salungatin.
Tayo ay lumapit,
sa kanya’y sumamba at magbigay-galang,
lumuhod sa harap nitong Panginoong sa ati’y lumalang.
siya ang ating Diyos,
tayo ay kalinga niyang mga hirang,
mga tupa tayong inaalagaan.
Panginoo’y inyong dinggin, huwag n’yo s’yang salungatin.
Ang kanyang salita ay ating pakinggan:
“Iyang inyong puso’y
huwag patigasin, tulad ng ginawa
ng inyong magulang
nang nasa Meriba, sa ilang ng Masa.
Ako ay tinukso’t
doon ay sinubok ng inyong magulang,
bagamat nakita
ang aking ginawang sila’ng nakinabang.”
Panginoo’y inyong dinggin, huwag n’yo s’yang salungatin.
IKALAWANG PAGBASA
1 Corinto 7, 32-35
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto
Mga kapatid:
Ibig ko kayong malayo sa mga alalahanin sa buhay. Ang pinagsusumakitan ng lalaking walang asawa ay ang mga gawain ukol sa Panginoon, sapagkat ibig niyang maging kalugud-lugod sa Panginoon. Ngunit ang pinagsusumakitan ng lalaking may asawa ay ang mga bagay ng sanlibutang ito, sapagkat ibig niyang makapagbigay-lugod sa kanyang asawa. Dahil dito’y hati ang kanyang pagmamalasakit. Gayun din naman, ang pinagsisikapan ng dalaga o babaing walang asawa ay ang mga bagay na ukol sa Panginoon sapagkat ibig niyang maitalaga nang lubusan ang sarili sa paglilingkod sa Panginoon. Subalit ang iniintindi ng babaing may-asawa ay ang mga bagay ng sanlibutang ito sapagkat ibig niyang makapagbigay-lugod sa kanyang asawa. Sinasabi ko ito upang tulungan kayo. Hindi ko kayo hinihigpitan; ang ibig ko’y madala kayo sa maayos na pamumuhay, at nang lubusan kayong makapaglingkod sa Panginoon.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Mateo 4, 16
Aleluya! Aleluya!
Bayang nasa kadiliman
sa lilim ng kamatayan
ngayo’y naliliwanagan!
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 1, 21-28
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, si Hesus at ang mga alagad at nagpunta sa Capernaum. Nang sumunod na Araw ng Pamamahinga ay pumasok si Hesus sa sinagoga at nagturo. Namangha ang mga tao sapagkat nagturo siya sa kanila na parang isang may kapangyarihan, at hindi tulad ng mga eskriba.
Bigla namang pumasok sa sinagoga ang isang lalaking inaalihan ng masamang espiritu, at sumigaw: “Ano ang pakialam mo sa amin, Hesus na taga-Nazaret? Naparito ka ba upang puksain kami? Kilala kita: ikaw ang Banal na mula sa Diyos!” Ngunit iniutos ni Hesus sa masamang espiritu, “Tumahimik ka! Lumabas ka sa kanya!” Pinapangisay ng masamang espiritu ang tao, at sumisigaw na lumabas. Nanggilalas ang lahat, kaya’t sila’y nagtanungan, “Ano ito? Bagong aral? Nauutusan niya pati ang masasamang espiritu. At sinusunod naman siya!” At mabilis na kumalat sa buong Galilea ang balita tungkol kay Hesus.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Hebreo 5, 1-10
Pagbasa mula sa sulat sa mga Hebreo
Ang bawat dakilang saserdote’y pinili sa mga tao at itinalagang maglingkod sa Diyos para sa kanila upang maghandog ng mga kaloob at mga hain dahil sa mga kasalanan. Mahinahon niyang napapakitunguhan ang mga mangmang at naliligaw ng landas, sapagkat siya’y mahina rin. At dahil sa kanyang kahinaan, kinakailangang siya’y maghandog ng hain, hindi lamang para sa kasalanan ng mga tao kundi para sa mga kasalanan din niya. Ang karangalan ng pagiging dakilang saserdote ay hindi maaaring kamtan ninuman sa kanyang sariling kagustuhan. Ang Diyos ang humihirang sa kanya, tulad ng pagkahirang kay Aaron.
Gayun din naman, hindi si Kristo ang nagtaas ng kanyang sarili sa pagiging dakilang saserdote. Siya’y hinirang ng Diyos na nagsabi sa kanya,
“Ikaw ang aking Anak,
Ako ang iyong Ama.”
Sinasabi rin niya sa ibang bahagi ng Kasulatan,
“Ikaw ay saserdote magpakailanman
Ayon sa pagkasaserdote ni Melquisedec.”
Noong si Hesus ay namumuhay rito sa lupa, siya’y dumalangin at lumuluhang sumamo sa Diyos na makapagliligtas sa kanya sa kamatayan. At dininig siya dahil sa lubusan siyang nagpakumbaba. Bagamat siya’y Anak ng Diyos, natutuhan niya ang tunay na kahulugan ng pagsunod sa pamamagitan ng pagtitiis. At nang maganap na niya ito, siya’y naging walang hanggang Tagapagligtas ng lahat ng sumusunod sa kanya. Minarapat ng Diyos na siya’y gawing dakilang saserdote ayon sa pagkasaserdote ni Melquisedec.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 109, 1. 2. 3. 4
Ika’y paring walang hanggan katulad ni Melquisedec.
Sinabi ng Poon, sa Hari ko’t Panginoon,
“Maupo ka sa kanan ko,
hanggang ang kaaway mo
ay lubos na mapasuko,
pagkat iyong matatalo.”
Ika’y paring walang hanggan katulad ni Melquisedec.
Magmula sa dakong Sion,
ay palalawakin niya ang lupaing iyong sakop;
“At lahat ng kaaway mo’y
sakupin at pagharian,” gayun ang kanyang utos.
Ika’y paring walang hanggan katulad ni Melquisedec.
Sasamahan ka ng madla,
kung dumating ang panahong lusubin ka ng kaaway;
magmula sa mga bundok,
lalabas at sasamahan ka ng mga kabataan.
Ika’y paring walang hanggan katulad ni Melquisedec.
Panginoo’y may pangako na ito’y tiyak mangyayari,
ganito ang kanyang saysay:
“Katulad ni Melquisedec,
gagawin kang saserdote, na hindi na wawakasan.”
Ika’y paring walang hanggan katulad ni Melquisedec.
ALELUYA
Hebreo 4, 12
Aleluya! Aleluya!
Buhay ang salita ng D’yos,
Ganap nitong natatalos
Tanang ating niloloob.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 2, 18-22
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, nag-aayuno ang mga alagad ni Juan Bautista at ang mga Pariseo. May lumapit kay Hesus at nagtanong, “Bakit po nag-aayuno ang mga alagad ni Juan Bautista at ang mga alagad ng mga Pariseo, ngunit ang mga alagad ninyo’y hindi?” Sumagot si Hesus, “Makapag-aayuno ba ang panauhin sa kasalan samantalang kasama nila ang lalaking ikinasal? Hindi! Kapag wala na ang ikinasal, saka pa lamang sila mag-aayuno.
“Walang nagtatagpi ng bagong kayo sa lumang kasuutan; pag urong ng bagong kayo, mababatak ang luma at lalong lalaki ang punit. Wala rin naman nagsisilid ng bagong alak sa lumang sisidlang-balat, sapagkat papuputukin ng alak ang balat. Kapwa masasayang ang alak at ang sisidlan. Bagong alak, bagong sisidlang-balat!”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Hebreo 6, 10-20
Pagbasa mula sa sulat sa mga Hebreo
Mga kapatid, makatarungan ang Diyos. Hindi niya lilimutin ang inyong ginawa at ang pag-ibig na inyong ipinakita at hanggang ngayo’y ipinakikita sa paglilingkod ninyo sa inyong mga kapwa Kristiyano. At pinakananais ko na ang bawat isa sa inyo’y patuloy na magsumikap hanggang wakas upang kamtan ninyo ang inyong inaasahan. Kaya’t huwag kayong maging tamad. Tularan ninyo ang mga taong nagtitiis at nananalig sa Diyos at sa gayo’y tumangap ng mga ipinangako niya.
Nang mangako kay Abraham ang Diyos, siya’y nanumpa sa kanyang sariling pangalan yamang wala nang hihigit pa rito na kanyang mapanunumpaan. Sinabi niya, “Ipinangangako ko na lubos kitang pagpapalain, at pararamihin ko ang iyong lipi.” Matiyagang naghintay si Abraham, at kanya ngang nakamtan ang ipinangako sa kanya. Nanunumpa ang mga tao sa ngalan ng isang nakahihigit sa kanila, at sa pamamagitan ng panunumpang ito’y natatapos na ang usapan. Gayon din naman, pinatibayan ng Diyos ang kanyang pangako sa pamamagitan ng panunumpa, upang ipakilala sa kanyang mga pinangakuan na hindi nagbabago ang kanyang panukala. At hindi nagbabago ni nagsisinungaling man ang Diyos tungkol sa dalawang bagay na ito–ang kanyang pangako at sumpa. Kaya’t tayong nakatagpo sa kanya ng kalinga ay panatag ang loob na umaasa sa mga pangako niya. Ang pag-asang ito ang siyang matibay at matatag na angkla ng ating buhay. At ito’y umaabot hanggang sa kabila ng tabing sa templong panlangit, sa dakong kabanal-banalan na pinasukan ni Hesus na nangunguna sa atin. Doon, siya’y isang dakilang saserdote magpakailanman, ayon sa pagkasaserdote ni Melquisedec.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 110, 1-2. 4-5. 9 at 10k
Pangako ng Poon nati’y lagi nating gunitain.
o kaya: Aleluya.
Buong puso siyang pasasalamatan,
aking pupurihin sa gitna ng bayan
kasama ng mga lingkod na hinirang.
Napakadakila ang gawa ng Diyos,
pinananabikan ng lahat ng lingkod.
Pangako ng Poon nati’y lagi nating gunitain.
Hindi inaalis sa ating gunita,
na siya’y mabuti’t mahabaging lubha.
Sa may pagkatakot pagkai’y sagana;
pangako ng Poon ay hindi nasisira.
Pangako ng Poon nati’y lagi nating gunitain.
Kaligtasa’y dulot sa mga hinirang,
may ipinangakong walang hanggang tipan;
Banal at dakila ang kanyang pangalan;
At pupurihin pa magpakailanpaman.
Pangako ng Poon nati’y lagi nating gunitain.
ALELUYA
Efeso 1, 17-18
Aleluya! Aleluya!
D’yos Ama ni Hesukristo,
kami ay liwanagan mo
at tutugon kami sa ’yo.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 2, 23-28
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Isang Araw ng Pamamahinga, naparaan si Hesus at ang kanyang mga alagad sa tabi ng triguhan. Habang daa’y nangingitil ng uhay ang mga alagad, kaya’t sinabi ng mga Pariseo kay Hesus, “Tingnan mo ang ginagawa ng iyong mga alagad. Bawal iyan kung Araw ng Pamamahinga!” Sinagot sila ni Hesus, “Hindi pa ba ninyo nababasa ang ginawa ni David noong si Abiatar ang pinakapunong saserdote? Nang siya at kanyang mga kasama’y magutom at walang makain, pumasok siya sa bahay ng Diyos. Ayon sa Kautusan, ang mga saserdote lamang ang may karapatang kumain niyon, ngunit kinain iyon ni David, at binigyan pa ang kanyang mga kasama.” Sinabi pa ni Hesus, “Itinakda ang Araw ng Pamamahinga para sa kabutihan ng tao; hindi nilikha ang tao para sa Araw ng Pamamahinga. Kaya’t maging ang Araw ng Pamamahinga ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng Anak ng Tao.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Hebreo 7, 1-3. 15-17
Pagbasa mula sa sulat sa mga Hebreo
Mga kapatid, itong si Melquisedec ay hari ng Salem, at saserdote ng Kataastaasang Diyos. Nang pabalik na si Abraham mula sa pagpuksa sa mga hari, sinalubong siya ni Melquisedec at sinabi sa kanya, “Pagpalain ka ng Panginoon.” Ibinigay sa kanya ni Abraham ang ikapu ng lahat ng nasamsam sa labanan. Ang unang kahulugan ng pangalan ni Melquisedec ay “Hari ng Katarungan.” At siya’y hari ng Salem, na sa ibang salita’y “Hari ng Kapayapaan.” Walang nababanggit tungkol sa kanyang ama at ina o sa angkang pinagmulan niya. Hindi rin natala ang kanyang kapanganakan o kamatayan. Tulad ng Anak ng Diyos, siya’y saserdote magpakailanman.
Ito’y lalo pang naging maliwanag nang magkaroon ng ibang saserdoteng katulad ni Melquisedec. Naging sasderdote siya dahil sa kapangyarihan ng buhay na kailanma’y di matatapos, at hindi dahil sa lahi–ayon sa tuntunin ng Kautusan. Sapagkat ito ang sinasabi ng Kasulatan tungkol sa kanya, “Ikaw ay saserdote magpakailanman, ayon sa pagkasaserdote ni Meqlquisedec.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 109, 1. 2. 3. 4
Ika’y paring walang hanggan katulad ni Melquisedec.
Sinabi ng Poon, sa Hari ko’t Panginoon,
“Maupo ka sa kanan ko,
hanggang ang kaaway mo
ay lubos na mapasuko,
pagkat iyong matatalo.”
Ika’y paring walang hanggan katulad ni Melquisedec.
Magmula sa dakong Sion,
ay palalawakin niya ang lupaing iyong sakop;
“At lahat ng kaaway mo’y
sakupin at pagharian,” gayun ang kanyang utos.
Ika’y paring walang hanggan katulad ni Melquisedec.
Sasamahan ka ng madla,
kung dumating ang panahong lusubin ka ng kaaway;
magmula sa mga bundok,
lalabas at sasamahan ka ng mga kabataan.
Ika’y paring walang hanggan katulad ni Melquisedec.
Panginoo’y may pangako na ito’y tiyak mangyayari,
ganito ang kanyang saysay:
“Katulad ni Melquisedec,
gagawin kang saserdote, na hindi na wawakasan.”
Ika’y paring walang hanggan katulad ni Melquisedec.
ALELUYA
Mateo 4, 23
Aleluya! Aleluya!
Ipinangaral ni Hesus
ang paghahari ng Diyos
Sakit ay kanyang ginamot.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 3, 1-6
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, muling pumasok si Hesus sa sinagoga, at naratnan niya roon ang isang lalaking patay ang isang kamay. Kaya’t binantayan si Hesus ng ilang taong naroon upang tingnan kung pagagalingin niya ang lalaking iyon sa Araw ng Pamamahinga, para may maiparating sila sa kanya. Tinawag ni Hesus ang lalaking patay ang kamay: “Halika rito sa unahan!” Tinanong niya pagkatapos ang mga tao, “Alin ba ang ayon sa Kautusan: ang gumawa ng mabuti o gumawa ng masama sa Araw ng Pamamahinga? Magligtas ng buhay o pumatay?” Ngunit hindi sila sumagot. Habang tinitingan ni Hesus ang mga taong nasa paligid niya, galit at lungkot ang nabadha sa kanyang mukha, dahil sa katigasan ng kanilang ulo. Bumaling siya sa lalaki at sinabi, “Iunat mo ang iyong kamay.” Iniunat naman ng lalaki ang kanyang kamay at ito’y gumaling. Umalis ang mga Pariseo at nakipagsabwatan sa mga kampon ni Herodes upang ipapatay si Hesus.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Hebreo 7, 25 – 8, 6
Pagbasa mula sa sulat sa mga Hebreo
Mga kapatid, lubusang maililigtas ni Hesus ang lahat ng lumalapit sa Diyos sa pamamagitan niya, sapagkat siya’y nabubuhay magpakailanman upang mamagitan para sa kanila.
Si Hesus, kung gayon, ang Dakilang Saserdoteng makatutugon sa ating pangangailangan. Siya’y banal, walang kapintasan o kasalanan, nahihiwalay sa mga makasalanan at mataas pa kaysa sangkalangitan. Hindi siya katulad ng ibang mga dakilang saserdote na kailangang maghandog ng mga hain araw-araw, una’y para sarili nilang kasalanan, at pagkatapos, para sa kasalanan ng mga tao. Minsang naghandog si Hesus at iya’y pangmagpakailanman–nang ihandog niya ang kanyang sarili. May mga kahinaan ang mga dakilang saserdoteng hinirang ayon sa Kautusan; subalit ang saserdoteng hinirang na may panunumpa ay ang Anak, banal magpakailanman. At ang panunumpa ng Diyos ay huling dumating kaysa Kautusan.
Ito ang buod ng aming sinasabi: tayo’y may Dakilang Saserdote, nakaupo sa kanan ng trono ng Kataas-taasan. Siya’y naglilingkod doon sa tunay na Dakong Banal, sa toldang hindi itinayo ng tao kundi ng Panginoon.
Tungkulin ng bawat dakilang saserdote ang maghandog ng mga kaloob at mga hain, kaya’t kailangang ang ating Dakilang Saserdote ay mayroon ding ihahandog. Dito sa lupa, hindi siya maaaring maging saserdote, sapagkat mayroon nang mga saserdoteng naghahandog ng mga kaloob ayon sa Kautusan. Ang kanilang paglilingkod ay anino lamang ng nasa langit. Sapagkat nang itatayo na ni Moises ang tolda, mahigpit na itinagubilin sa kanya ng Diyos ang ganito: “Gawin mo ang lahat ng bagay ayon sa huwarang ipinakita ko sa iyon sa bundok.” Ngunit ang paglilingkod kay Hesus ay higit na dakila kaysa ipinagkaloob sa kanila, yamang siya’y tagapamagitan ng isang tipang higit na mabuti, sapagkat nasasalig ito sa lalong mahahalagang bagay na ipinangako.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 39, 7-8a. 8b-9. 10. 17
Handa akong naririto upang sundin ang loob mo.
Ang mga paghandog, pati mga hain,
at mga hayop na handang sunugin
Hindi mo na ibig sa dambana dalhin,
upang yaong sala’y iyong patawarin;
sa halip, ang iyong kaloob sa akin
ay ang pandinig ko upang ika’y dinggin.
Handa akong naririto upang sundin ang loob mo.
Kaya ang tugon ko, “Ako’y naririto;
nasa Kautusan ang mga turo mo.
Ang nais kong sundi’y iyong kalooban;
aking itatago sa puso ang aral.”
Handa akong naririto upang sundin ang loob mo.
Ang pagliligtas mo’y aking inihayag
saan man magtipon ang ‘yong mga anak;
di ako titigil ng pagpapahayag.
Handa akong naririto upang sundin ang loob mo.
Silang lumalapit sa iyo’y dulutan
ng ligaya’t galak na walang kapantay;
bayaang sabihing: “Ang Poon ay Dakila!”
Ng nangaghahangad maligtas na kusa.
Handa akong naririto upang sundin ang loob mo.
ALELUYA
2 Timoteo 1, 10
Aleluya! Aleluya!
Si Kristo ay nagtagumpay
nalupig ang kamatayan
nagningning ang pagkabuhay.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 3, 7-12
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, umalis si Hesus at ang kanyang mga alagad at nagpunta sa tabi ng lawa. Sinundan siya ng maraming taong buhat sa Galilea. Nagdatingan din naman ang napakaraming tao mula sa Judea, sa Jerusalem, sa Idumea, sa ibayo ng Jordan, at sa palibot ng Tiro at Sidon nang mabalitaan nila ang lahat ng ginawa ni Hesus. Nagpahanda si Hesus sa kanyang mga alagad ng isang bangkang magagamit niya, upang hindi siya maipit ng mga taong dumaragsa. Marami na siyang pinagaling, kaya’t pinagdumugan siya ng lahat ng maysakit upang mahipo man lamang nila. Bawat inaalihan ng masamang espiritu na makakita sa kanya ay nagpapatirapa sa harapan niya at sumisigaw, “Ikaw ang Anak ng Diyos!” At mahigpit silang pinagbawalan ni Hesus; ayaw niyang ipasabi kung sino siya.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Hebreo 8, 6-13
Pagbasa mula sa sulat sa mga Hebreo
Mga kapatid, ang paglilingkod na ipinagkaloob kay Hesus ay higit na dakila kaysa ipinagkaloob sa kanila, yamang siya’y tagapamagitan ng isang tipang higit na mabuti, sapagkat nasasalig ito sa lalong mahahalagang bagay na ipinangako.
Kung walang kakulangan ang unang tipan, hindi na sana nangailangan ng pangalawa. Ngunit nakita ng Diyos ang pagkukulang ng kanyang bayan, kaya’t sinabi niya,
“Darating ang mga araw,
na ako’y makikipagtipan nang panibago sa bayang Israel
at sa angkan ng Juda,
Hindi tulad ng pakikipagtipan ko sa kanilang mga ninuno,
nang akayin ko sila mula sa Egipto.
Hindi sila naging tapat sa pakikipagtipan sa akin,
kaya’t sila’y pinabayaan ko.
Ito ang aking magiging tipan sa bayang Israel,
pagdating ng mga araw na iyon:
Itatanim ko sa kanilang isip ang aking mga utos,
at iuukit ko ang mga ito sa kanilang puso.
Ako ang magiging Diyos nila,
at sila nama’y magiging bayan ko.
Hindi na kakailanganing ituro ninuman sa kanyang kababayan,
O sabihin sa kanyang kapatid,
‘Kilalanin mo ang Panginoon.’
sapagkat Ako’y kikilalanin nilang lahat,
mula sa pinakaaba hanggang sa pinakadakila.
Sapagkat ipapatawad ko sa kanila ang kanilang mga kasalanan,
at lilimutin ko na ang kanilang mga kasamaan.”
Nang sabihin ng Diyos ang tungkol sa bagong tipan, pinawalan niya ng bisa ang una. At anumang nawawalan ng bisa at naluluma ay malapit nang mawala.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 84, 8 at 10. 11-12. 13-14
Pag-ibig at pagtatapat ay magkakadaup-palad.
Panginoong Diyos, ipakita mo na ang pag-ibig mong wagas.
Kami ay lingapin at sa kahirapan ay iyong iligtas.
Ang nagpaparangal sa pangalan niya’y kanyang ililigtas,
sa ating lupain ay mananatili ang kanyang paglingap.
Pag-ibig at pagtatapat ay magkakadaup-palad.
Ang pagtatapatan at pag-iibiga’y magdadaup-palad,
ang kapayapaan at ang katwira’y magsasamang ganap.
Sa balat ng lupa’y pawang maghahari yaong pagtatapat,
at ang katarungan nama’y maghahari mula sa itaas.
Pag-ibig at pagtatapat ay magkakadaup-palad.
Gagawing maunlad ng Panginoong Diyos itong ating buhay,
ang mga halaman sa ating lupai’y bubungang mainam;
sa harapan niya yaong maghahari’y pawang katarungan,
magiging payapa’t susunod ang madla sa kanyang daan.
Pag-ibig at pagtatapat ay magkakadaup-palad.
ALELUYA
2 Corinto 5, 19
Aleluya! Aleluya!
Pinagkasundo ni Kristo
ang Diyos at mga tao;
kaya’t napatawad tayo.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 3, 13-19
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, umahon si Hesus sa kaburulan, kasama ang kanyang mga pinili. Humirang siya ng labindalawa na tinawag niyang mga apostol upang maging kasa-kasama niya, suguing mangaral, at bigyan ng kapangyarihang magpalayas ng mga demonyo. Ito ang labindalawang hinirang niya: Si Simon na tinagurian niya ng Pedro; Si Santiago at si Juan, na mga anak ni Zebedeo, sila’y tinagurian niyang Boanerges, na ibig sabihi’y mapupusok; sina Andres, Felipe, Bartolome, Mateo, Santiago na anak ni Alfeo, at Tadeo; si Simon na makabayan, at si Judas Iscariote na siyang nagkanulo sa kanya.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Hebreo 9, 2-3. 11-14
Pagbasa mula sa sulat sa mga Hebreo
Mga kapatid, itinayo ang isang tolda na may dalawang bahagi; ang una’y tinatawag na Dakong Banal. Naroon ang ilawan, ang hapag at ang mga tinapay na handog sa Diyos. Ang ikalawa’y nasa kabila ng pangalawang tabing at tinatawag na Dakong Kabanal-banalan.
Ngunit dumating na si Kristo, ang Dakilang Saserdote ng bagong tipan. Siya’y naglilingkod doon sa sambahang lalong dakila at walang katulad, hindi ginawa ng tao, alalaong baga’y wala sa sanlibutang ito. Minsan lamang pumasok si Kristo sa Dakong Kabanal-banalan, at ito’y sapat na. Hindi dugo ng mga kambing at bisirong baka ang kanyang dalang handog, kundi ang sariling dugo, sa ikaapagpapatawad ng mga kasalanan natin. Ang dugo ng mga kambing at mga toro at ang abo ng dumalagang baka ay iwiniwisik sa mga taong itinuturing na marumi. Sa gayon, sila’y nagiging malinis ayon sa Kautusan. Ngunit higit na di-hamak ang magagawa ng dugo ni Kristo. Sa pamamagitan ng walang hanggang Espiritu ay inialay niya sa Diyos ang kanyang sarili na walang kapintasan. Ang kanyang dugo ang lumilinis sa ating puso’t isip upang talikdan na natin ang mga gawang walang kabuluhan at paglingkuran ang Diyos na buhay.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 46, 2-3. 6-7. 8-9
Habang umaakyat ang D’yos, ang tambuli’y tumutunog.
Magdiwang ang lahat ng mga nilikha,
pumalakpak kayong may awit at tuwa,
bilang pagpupuri sa Diyos na Dakila!
Ang Diyos na Poon, Kataas-taasan,
ay dakilang haring dapat katakutan,
siya’y naghahari sa sangkatauhan.
Habang umaakyat ang D’yos, ang tambuli’y tumutunog.
Umakyat sa trono ang Panginoong Diyos,
hatid ng tambuling malakas ang tunog;
masayang sigawan ang ipinansuob.
Purihin ang Diyos, siya ay awitan,
awitan ang hari, siya’y papurihan!
Habang umaakyat ang D’yos, ang tambuli’y tumutunog.
Ang Diyos, siyang hari ng lahat ng bansa,
awita’t purihin ng mga nilikha!
Maghahari siya sa lahat ng bansa,
magmula sa tronong banal at dakila.
Habang umaakyat ang D’yos, ang tambuli’y tumutunog.
ALELUYA
Mga Gawa 16, 14b
Aleluya! Aleluya!
Kami’y iyong pangaralan
upang aming matutuhan
ang Salitang bumubuhay!
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 3, 20-21
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, pag-uwi ni Hesus, muling nagkatipon ang napakaraming tao, anupat hindi man lamang makuhang kumain ni Hesus at ng kanyang mga alagad. Nang mabalitaan ito ng kanyang mga kasambahay, sila’y pumaroon upang kaunin siya, sapagkat ang sabi ng mga tao, “Nasisiraan siya ng bait!”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Jonas 3, 1-5. 10
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Jonas
Sinabi uli ng Panginoon kay Jonas: “Pumunta ka sa Lungsod ng Ninive at ipahayag mo ang mga ipinasasabi ko sa iyo.” Nagpunta nga si Jonas sa Ninive. Malaki ang lungsod na ito. Aabutin ng tatlong araw kung lalakaring pabagtas. Siya’y pumasok sa lungsod.
Pagkaraan ng maghapong paglalakad, malakas niyang ipinahayag, “Gugunawin ang Ninive pagkaraan ng apatnapung araw!” Naniwala ang mga tagaroon sa pahayag na ito mula sa Diyos. Kaya, nag-ayuno sila at nagdamit ng sako bilang tanda ng lubos na pagsisisi at pagtalikod sa kanilang mga kasalanan.
Nakita ng Diyos ang kanilang pagalikod sa kasamaan kaya hindi na itinuloy ang paggunaw sa Ninive.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 24, 4bk-5ab. 6-7bk. 8-9
Poon, ang iyong landasi’y iyong ituro sa akin.
Ang kalooban mo’y ituri, O Diyos,
ituro mo sana sa aba mong lingkod;
ayon sa matuwid, ako ay turuan
ituro mo, Poon, ang katotohanan;
Tagapagligtas ko na inaasahan.
Poon, ang iyong landasi’y iyong ituro sa akin.
Poon, gunitain, pag-ibig mong wagas,
at ang kabutihang noon pa’y nahayag.
Pagkat pag-ibig mo’y hindi nagmamaliw,
ako sana, Poon, ay alalahanin!
Poon, ang iyong landasi’y iyong ituro sa akin.
Mabuti ang Poon at makatarungan,
sa mga salari’y guro at patnubay;
sa mababang-loob siya yaong gabay,
at nagtuturo ng kanyang kalooban.
Poon, ang iyong landasi’y iyong ituro sa akin.
IKALAWANG PAGBASA
1 Corinto 7, 29-31
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto
Ito ang ibig kong sabihin, mga kapatid: malapit na ang takdang panahon, kaya’t mula ngayon, ang may-asawa’y mamuhay na parang walang asawa; ang mga nananangis, na parang di nananangis; ang mga nagagalak, na parang di nagagalak; ang mga namimili, na parang walang ari-arian, at ang mga nagtatamasa sa sanlibutang ito, na parang di nila ito alintana. Sapagkat ang lahat ng bagay sa daigdig na ito’y mapaparam.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Marcos 1, 15
Aleluya! Aleluya!
Ang D’yos ay maghahari na,
talikdan ang tanang sala,
manalig sa balita n’ya.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 1, 14-20
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Pagkatapos dakpin si Juan, si Hesus ay nagtungo sa Galilea at ipinangaral ang Mabuting Balitang mula sa Diyos: “Dumating na ang takdang panahon, at malapit na ang paghahari ng Diyos! Pagsisihan ninyo’t talikdan ang inyong mga kasalanan at maniwala kayo sa Mabuting Balitang ito.”
Samantalang naglalakad si Hesus sa tabi ng Lawa ng Galilea, nakita niya ang magkapatid na Simon at Andres na naghahagis ng lambat. Sila’y mangingisda. Sinabi ni Hesus, “Sumama kayo sa akin at kayo’y gagawin kong mamamalakaya ng tao.” Pagdaka’y iniwan nila ang kanilang lambat, at sumunod sa kanya.
Nagpatuloy siya ng paglakad, at sa di kalayuan ay nakita niya ang magkapatid sa Santiago at Juan, mga anak ni Zebedeo. Sila’y nasa kanilang bangka at naghahayuma ng mga lambat. Tinawag din sila ni Hesus at sumunod naman sa kanya. Iniwan nila sa bangka ang kanilang ama, kasama ng mga taong upahan.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Hebreo 1, 1-6
Pagbasa mula sa sulat sa mga Hebreo
Noong una, nagsalita ang Diyos sa ating mga ninuno sa iba’t ibang panahon at sa iba’t ibang paraan sa pamamagitan ng mga propeta. Ngunit ngayon, siya’y nagsalita sa atin sa pamamagitan ng kanyang Anak. Sa pamamagitan ng Anak ay nilikha ng Diyos ang sansinukob at siya ang itinalaga niyang magmay-ari ng lahat ng bagay. Ang Anak ang maningning na sinag ng Diyos, sapagkat kung ano ang Diyos ay gayun din ang Anak. Siya ang nag-iingat sa sansinukob sa pamamagitan ng kanyang makapangyarihang salita. Pagkatapos niyang linisin tayo sa ating mga kasalanan, siya’y lumuklok sa kanan ng Diyos, ang makapangyarihan sa lahat.
At kung paanong higit na di-hamak ang pangalang ibinigay ng Diyos sa Anak, gayun din, siya’y higit na di-hamak sa mga anghel. Sapagkat hindi kailanman sinabi ng Diyos sa sinumang anghel,
“Ikaw ang aking Anak!
Ako ang iyong Ama.”
Ni hindi rin niya sinabi sa kaninuman sa mga anghel,
“Ako’y magiging kanyang Ama,
at siya’y magiging Anak ko.”
At nang susuguin na ng Diyos ang kanyang bugtong na Anak sa sanlibutan ay sinabi niya,
“Dapat siyang sambahin ng lahat ng anghel ng Diyos.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 96, 1 at 2b, 6 at 7k. 9
Ang Panginoo’y sambahin ng lahat n’yang mga anghel.
Ang Poon ay maghahari, magalak ang kalupaan!
Lahat kayong mga pulo ay magsaya at magdiwang!
Kaharian niya’y tapat at salig sa katarungan.
Ang Panginoo’y sambahin ng lahat n’yang mga anghel.
Sa langit ay nahahayag yaong kanyang katuwiran,
sa tupa ay makikita ang kanyang kadakilaan.
Mga diyus-diyusan nila’y yuyuko sa Maykapal.
Ang Panginoo’y sambahin ng lahat n’yang mga anghel.
Ikaw, Poon, ay Dakila at hari ng buong lupa,
Dakila ka sa alinmang mga diyos na ginawa.
Ang Panginoo’y sambahin ng lahat n’yang mga anghel.
ALELUYA
Marcos 1, 15
Aleluya! Aleluya!
Ang D’yos ay maghahari na,
talikdan ang tangang sala,
manalig sa balita n’ya.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 1, 14-20
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Pagkatapos dakpin si Juan, si Hesus ay nagtungo sa Galilea at ipinangaral ang Mabuting Balitang mula sa Diyos: “Dumating na ang takdang panahon, at malapit na ang paghahari ng Diyos! Pagsisihan ninyo’t talikdan ang inyong mga kasalanan at maniwala kayo sa Mabuting Balitang ito.”
Samantalang naglalakad si Hesus sa tabi ng Lawa ng Galilea, nakita niya ang magkapatid na Simon at Andres na naghahagis ng lambat, “Sumama kayo sa akin at kayo’y gagawin kong mamamalakaya ng tao.” Pagdaka’y iniwan nila ang kanilang lambat, at sumunod sa kanya.
Nagpatuloy siya ng paglakad, at sa di kalayuan ay nakita niya ang magkapatid sa Santiago at Juan, mga anak ni Zebedeo. Sila’y nasa kanilang bangka at naghahayuma ng mga lambat. Tinawag din sila ni Hesus at sumunod naman sa kanya. Iniwan nila sa bangka ang kanilang ama, kasama ng mga taong upahan.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Hebreo 2, 5-12
Pagbasa mula sa sulat sa mga Hebreo
Hindi sa mga anghel ipinailalim ng Diyos ang sanlibutan na noo’y kanyang lilikhain – ang sanlibutang tinutukoy namin. Sa halip ay ganito ang patunay sa isang bahagi ng Kasulatan,
“Ano ang tao upang siya’y iyong alalahanin o ang anak ng tao upang iyong pangalagaan?
Sandaling panahong siya’y pinababa mo kaysa mga anghel,
Ngunit pinagkalooban mo siya ng kadakilaan ay karangalang marapat sa isang hari,
at ipinailalim mo sa kanyang kapangyarihan ang lahat ng bagay.”
Nang ipailalim ng Diyos ang lahat ng bagay sa kapangyarihan ng tao, walang bagay na di ipinailalim sa kanya. Sa kasalukuyan, hindi pa natin nakikitang napapailalim sa kanyang kapangyarihan ang lahat ng bagay. Subalit alam nating si Hesus, bagamat sandaling panahong pinababa kaysa mga anghel, ay binigyan ng karangalan at kadakilaan dahil sa kanyang pagkamatay. Dahil sa pag-ibig ng Diyos, niloob niya na si Hesus ay mamatay para sa ating lahat. Sa pamamagitan ng mga pagtitiis, siya’y pinapaging-ganap ng Diyos na lumikha at nangangalaga sa lahat ng bagay, upang makapagdala ng marami sa kaluwalhatian. Marapat lamang na gawin niya iyon sapagkat si Hesus ang pinagmumulan ng kanilang kaligtasan.
Si Hesus ang nagpapabanal sa kanila, at iisa ang Ama ng nagpapabanal at ng pinapaging-banal. Kaya’t hindi niya ikinahiyang tawagin silang mga kapatid. Ganito ang kanyang sinabi:
“Ipapahayag ko sa aking mga kapatid ang iyong pangalan,
At aawit ako ng papuri sa iyo sa gitna ng kapulungan.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 8, 2a at 5. 6-7. 8-9
Pinamahala sa Anak ang ginawa niyang lahat.
Ikaw, O Poon, Panginoon namin,
laganap sa lupa ang iyong luningning.
Ano nga ang tao upang ‘yong alalahanin?
ay ano nga siya na sukal mong kalingain?
Pinamahala sa Anak ang ginawa niyang lahat.
Nilikha mo siya, na halos kapantay
ng iyong luningning at kadakilaan!
Pinamahala mo sa buong daigdig,
sa lahat ng bagay malaki’t maliit.
Pinamahala sa Anak ang ginawa niyang lahat.
Mga baka’t tupa, hayop na mabangis
at lahat ng ibong nasa himpapawid,
at maging sa isda, sa ilalim ng tubig.
Pinamahala sa Anak ang ginawa niyang lahat.
ALELUYA
1 Tesalonica 2, 13
Aleluya! Aleluya!
Tanggapin n’yo ang salita
na di sa tao nagmula
kundi sa D’yos na dakila.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 1, 21b-28
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Sa lungsod ng Capernaum sa Araw ng Pamamahinga, si Hesus ay pumasok sa sinagoga at nagturo. Namangha ang mga tao sapagkat nagturo siya sa kanila na parang isang may kapangyarihan, at hindi tulad ng mga eskriba.
Bigla namang pumasok sa sinagoga ang isang lalaking inaalihan ng masamang espiritu, at sumigaw: “Ano ang pakialam mo sa amin, Hesus na taga-Nazaret? Naparito ka ba upang puksain kami? Kilala kita: ikaw ang Banal mula sa Diyos!” Ngunit iniutos ni Hesus sa masamang espiritu, “Tumahimik ka! Lumabas ka sa kanya!” Pinapangisay ng masamang espiritu ang tao, at sumisigaw na lumabas. Nanggilalas ang lahat, kaya’t sila’y nagtanungan, “Ano ito? Bagong aral? Nauutusan niya pati ang masamang espiritu. At sinunod naman siya!” At mabilis na kumalat sa buong Galilea ang balita tungkol kay Hesus.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Hebreo 2, 14-18
Pagbasa mula sa sulat sa mga Hebreo
Yamang ang mga anak na tinuturing ng Diyos ay tao, naging tao rin si Hesus, tulad nila – may laman at dugo. Ginawa niya ito upang sa pamamagitan ng kanyang kamatayan ay maigupo niya ang diyablo na siyang may kapangyarihan sa kamatayan. Sa gayun, pinalaya niya ang lahat ng naging alipin habang panahon dahil sa kanilang takot sa kamatayan. Hindi ang mga anghel ang kanyang tinutulungan kundi “Ang lahi ni Abraham.” Kaya’t kinailangang matulad siya sa kanyang mga kapatid sa lahat ng paraan. Sa gayun, siya’y naging isang dakilang saserdote, mahabagin at tapat, naglilingkod sa Diyos at naghahandog ng hain sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan ng tao. Sapagkat siya ma’y tinukso at nagbata, kaya ngayo’y matutulungan niya ang mga tinutukso.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 104, 1-2. 3-4. 6-7. 8-9
Nasa isip ng Maykapal ang tipan niya kailanman.
Dapat na ang Diyos, itong Panginoon, ay pasalamatan,
ang kanyang ginawa sa lahat ng bansa’y dapat ipaalam.
Siya ay purihin, suubin ng awit, ating papurihan,
ang kahanga-hangang mga gawa niya’y dapat na isaysay.
Nasa isip ng Maykapal ang tipan niya kailanman.
Tayo ay magalak yamang lahat tayo ay tunay na kanya,
ang kanyang pangalan, ang pangalang banal, napakadakila,
lahat ng may nais maglingkod sa Poon, dapat na magsaya.
Siya ay hanapin, at ang kanyang lakas ay siyang asahan,
siya ay hanapin upang mamalagi sa kanyang harapan.
Nasa isip ng Maykapal ang tipan niya kailanman.
Ito’y nasaksihan ng mga alipi’t anak ni Abraham,
gayun din ang lahat na anak ni Jacob na kanyang hinirang.
Ang Panginoong Diyos ay ang Panginoon, siya ang ating Diyos,
sa kanyang paghatol ay ang nasasaklaw, buong sansinukob.
Nasa isip ng Maykapal ang tipan niya kailanman.
Ang tipang pangako’y laging nasa isip niya kailanman,
ang mga pangakong kanyang binitiwan sa lahat ng angkan.
Ang tipan ng Diyos ay unang ginawa niya kay Abraham,
at may pangako ring ginawa kay Isaac na lingkod na mahal.
Nasa isip ng Maykapal ang tipan niya kailanman.
ALELUYA
Juan 10, 27
Aleluya! Aleluya!
Ang tinig ko’y pakikinggan
ng kabilang sa ‘king kawan
ako’y kanilang susundan.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 1, 29-39
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, mula sa sinagoga, si Hesus ay nagtuloy sa bahay nina Simon at Andres. Kasama niya sina Santiago at Juan. Nararatay noon ang biyenan ni Simon Pedro, dahil sa matinding lagnat, at ito’y agad nilang sinabi kay Hesus. Nilapitan ni Hesus ang babae, hinawakan sa kamay at ibinangon. Noon di’y inibsan ito ng lagnat at naglingkod sa kanila.
Pagkalubog ng araw, dinala kay Hesus ang lahat ng maysakit at ang mga inaalihan ng demonyo, at nagkatipon ang buong bayan sa may pintuan ng bahay. Pinagaling niya ang maraming maysakit, anuman ang kanilang karamdaman at nagpalayas siya ng mga demonyo. Hindi niya hinayaang magsalita ang mga ito, sapagkat alam nila kung sino siya.
Madaling-araw pa’y bumangon na si Hesus at nagtungo sa ilang na pook at nanalangin. Hinanap siya ni Simon at kanyang mga kasama. Nang siya ay matagpuan, sinabi nila, “Hinanap po kayo ng lahat.” Ngunit sinabi ni Hesus, “Kailangang pumunta rin naman tayo sa mga kalapit-bayan upang makaparangal ako roon – ito ang dahilan ng pag-alis ko sa Capernaum.” At nilibot niya ang buong Galilea, na nangangaral sa mga sinagoga at nagpapalayas ng mga demonyo.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Hebreo 3, 7-14
Pagbasa mula sa sulat sa mga Hebreo
Mga kapatid, gaya ng sabi ng Espiritu Santo,
“Kapag narinig ninyo ngayon ang tinig ng Diyos,
Huwag maging matigas ang inyong ulo, tulad noong maghimagsik kayo at subukin siya sa ilang.
‘Doo’y tinukso ako at sinubok ng inyong mga magulang,’ sabi ng Diyos,
‘Gayong nakita nila ang mga ginawa ko sa loob ng apatnapung taon.
Kaya’t kinapootan ko ang lahing iyon,
At sinabi ko, Lagi silang nagpapakaligaw,
Hindi na nila natutuhan ang aking mga daan.
Kaya’t sa galit ko’y aking isinumpang
Hinding-hindi sila makapapasok at makapamamahinga sa piling ko.’”
Mga kapatid, ingatan ninyong huwag sumama ang sinuman sa inyo at mawalan ng pananampalataya hanggang sa talikdan ang Diyos na buhay. Sa halip, magpaalalahanan kayo araw-araw, habang may panahon pa, upang ang sinuman sa inyo’y di madaya at maging alipin ng kasalanan. Sapagkat tayong lahat ay kasama ni Kristo, kung mananatili tayong matatag hanggang wakas sa ating pananalig sa kanya.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 94, 6-7. 8-9. 10-11
Panginoo’y inyong dinggin, huwag n’yo s’yang salungatin.
Tayo ay lumapit,
sa kanya’y sumamba at magbigay-galang,
lumuhod sa harap
nitong Panginoong sa ati’y lumalang.
Siya ang ating Diyos,
tayo ay kalinga niyang mga hirang,
mga tupa tayong inaalagaan.
Panginoo’y inyong dinggin, huwag n’yo s’yang salungatin.
Ang kanyang salita ay ating pakinggan:
“Iyang inyong puso’y
huwag patigasin, tulad ng ginawa
ng inyong magulang
nang nasa Meriba, sa ilang ng Masa.
Ako ay tinukso’t
doon ay sinubok ng inyong magulang,
bagamat nakita
aking aking ginawang sila’ng nakinabang.”
Panginoo’y inyong dinggin, huwag n’yo s’yang salungatin.
Apatnapung taon,
sa inyong ninuno ako ay nagdamdam,
ang aking sinabi,
“Sila ay suwail, walang pakundangan
at ang mga utos ko ay sinusuway!”
Dahil sa galit ko,
ako ay sumumpang di sila daratal,
sa lupang pangakong aking inilaan.
Panginoo’y inyong dinggin, huwag n’yo s’yang salungatin.
ALELUYA
Mateo 4, 23
Aleluya! Aleluya!
Ipinangaral ni Hesus
ang paghahari ng Diyos.
Sakit ay kanyang ginamot.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 1, 40-45
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, may isang ketonging lumapit kay Hesus, nanikluhod at nagmakaawa: “Kung ibig po ninyo’y mapagagaling ninyo ako.” Nahabag si Hesus at hinipo siya, sabay ang wika, “Ibig ko. Gumaling ka!” Noon di’y nawala ang ketong at gumaling ang tao. Pinaalis siya agad ni Hesus matapos ang ganitong mahigpit na bilin: “Huwag mong sasabihin ito kaninuman. Sa halip ay pasuri ka sa saserdote. Pagkatapos, maghandog ka ayon sa iniutos ni Moises, upang patunayan sa mga tao na ikaw ay magaling na.” Ngunit umalis siya at bagkus ipinamalita ang nangyari, anupat hindi na hayagang makapasok ng bayan si Hesus. Naroon na lamang siya sa labas, sa mga ilang na pook, at doon pinagsasadya ng mga tao buhat sa iba’t ibang dako.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Hebreo 4, 1-5. 11
Pagbasa mula sa sulat sa mga Hebreo
Mga kapatid, nananatili pa ang pangako ng Diyos na tayo’y makapapasok at makapamamahinga sa piling niya. Ngunit mag-ingat kayo, baka mayroon sa inyong hindi magkamit ng pangakong ito. Sapagkat tulad nila’y napakinggan din natin ang Mabuting Balita. Ngunit hindi nila pinakinabangan ang balitang kanilang narinig sapagkat hindi nila iyo pinaniwalaan. Tayong naniniwala ang papasok at mamamahinga sa piling ng Diyos. Ito’y ayon sa kanyang sinabi,
“Sa galit ko’y aking isinumpang
‘Hinding-hindi sila makapapasok at
makapamamahinga sa piling ko.’”
Sinabi niya ito bagamat tapos na ang kanyang pagkalikha sa sanlibutan. Sapagkat sinasabi sa isang bahagi ng Kasulatan ang tungkol sa ikapitong araw: “At sa ikapitong araw, nagpahinga ang Diyos sa kanyang paglikha.” At muli pang sinabi, “Hinding-hindi sila makapapasok at makapamamahinga sa piling ko.” Kaya’t magsikap tayong makapasok at makapahinga sa piling ng Diyos. Huwag sumuway ang sinuman sa atin para hindi mabigong tulad nila.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 77, 3 at 4bk. 6k-7. 8
Hindi nila malilimot ang dakilang gawa ng D’yos.
Ito’y aming narinig na, kaya naman aming alam,
nagbuhat sa aming nuno na sa ami’y isinaysay.
Totoong kahanga-hanga ang tinutukoy na bagay,
mga ginawang dakila ng Panginoong Maykapal.
Hindi nila malilimot ang dakilang gawa ng D’yos.
Sa lahat ng lahi nila ito’y dapat na iaral,
at ang angkang susunod pa ay marapat na turuan.
Sa ganito, masusunod nilang lagi yaong utos,
ang matatag na pag-asa’y ilalagak nila sa Diyos,
at ang dakila niyang gawa’y hindi nila malilimot.
Hindi nila malilimot ang dakilang gawa ng D’yos.
Sa kanilang mga nuno, hindi dapat na pumaris,
na matigas ang damdaming sa Diyos ayy naghimagsik;
isang lahing di marunong magtiwala at magtiis,
ang pag-asa ay marupok at kulang ang pananalig.
Hindi nila malilimot ang dakilang gawa ng D’yos.
ALELUYA
Lucas 7, 16
Aleluya! Aleluya!
Narito at dumating na
isang dakilang propeta
sugo ng Diyos sa bayan n’ya.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 2, 1-12
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, bumalik si Hesus sa Capernaum, at kumalat ang balitang siya’y nasa kanyang tahanan. Kaya’t nagkatipon ang napakaraming tao, anupat wala nang matayuan kahit sa labas ng pintuan. Samantalang nangangaral si Hesus, may idinating na isang paralitikong dala ng apat katao. Hindi nila ito mailapit kay Hesus dahil sa dami ng tao, kaya’t binakbak nila ang bubong sa tapat niya, at inihugos ang paralitikong nakaratay sa kanyang higaan. Nang makita ni Hesus kung gaano kalaki ang kanilang pananalig, sinabi niya sa paralitiko, “Anak, ipinatatawad na ang mga kasalanan mo.” May nakaupo roong ilang eskriba na nagsaloob ng ganito: “Bakit nagsasalita ng ganito ang taong ito? Kalapastanganan sa Diyos iyan! Hindi ba’t Diyos lamang ang makapagpapatawad ng mga kasalanan?”
Talos ni Hesus ang kanilang iniisip, kaya’t sinabi niya, “Bakit kayo nagsasaloob ng ganyan? Alin ba ang lalong madali: ang sabihin sa paralitiko, ‘Ipinatatawad na ang mga kasalanan mo,’ o ang sabihing, ‘Tumindig ka, dalhin mo ang iyong higaan ay lumakad ka’? Patutunayan ko sa inyo na dito sa lupa, ang Anak ng Tao ay may kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan.” Sinabi niya sa paralitiko, “Tumindig ka, dalhin mo ang iyong higaan, at umuwi ka!” Tumindig naman ang paralitiko, binuhat ang kanyang higaan at umalis na nakikita ng lahat. Sila’y pawang nanggigilalas at nagpuri sa Diyos. “Hindi pa kami nakakikita ng ganito!” sabi nila.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Hebreo 4, 12-16
Pagbasa mula sa sulat sa Mga Hebreo
Mga kapatid, sapagkat ang salita ng Diyos ay buhay at mabisa, higit na matalas kaysa alinmang tabak na magkabila’y talim. Ito’y tumatagos maging sa pinaghihiwalayan ng kaluluwa at espiritu, ng mga kasu-kasuan at ng utak sa buto, at nakatataho ng mga iniisip at binabalak ng tao. Walang makapagtatago sa Diyos; ang lahat ay hayag at lantad sa kanyang paningin, at sa kanya tayo magsusulit.
Magpakatatag tayo sa ating pananampalataya, yamang mayroon tayong dakilang saserdote na pumasok sa kalangitan sa harapan ng Diyos, walang iba kundi si Hesus na Anak ng Diyos. Ang dakilang saserdote nating ito ay nakauunawa sa ating mga kahinaan sapagkat sa lahat ng paraa’y tinukso siyang tulad natin, ngunit hindi nagkasala. Kaya’t huwag na tayong mag-atubiling lumapit sa trono ng mahabaging Diyos at doo’y kakamtan natin ang habag at kalinga sa panahong kailangan natin ito.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 18, 8. 9. 10. 15
Espiritung bumubuhay ang salita ng Maykapal.
Ang batas ng Panginoon ay batas na walang kulang,
ito’y utos na ang dulot sa tao ay bagong buhay;
yaong kanyang mga batas ay mapagtitiwalaan,
nagbibigay ng talino sa pahat ng kaisipan.
Espiritung bumubuhay ang salita ng Maykapal.
Ang tuntuning ibinigay ng Poon ay wastong utos,
liligaya ang sinuman kapag ito ang sinunod;
ito’y wagas at matuwid pagkat mula ito sa Diyos,
pang-unawa ng isipan yaong bungang idudulot.
Espiritung bumubuhay ang salita ng Maykapal.
Yaong paggalang sa Poon ay marapat at mabuti,
isang banal na tungkulin na iiral na parati;
pati mga hatol niya’y matuwid na kahatulan,
kapag siya ang humatol, ang pasya ay pantay-pantay.
Espiritung bumubuhay ang salita ng Maykapal.
Nawa’y itong salita ko at ang aking kaisipan,
sa iyo ay makalugod, Panginoon ko’t kanlungan,
O ikaw na kublihan kong ang dulot ay kaligtasan!
Espiritung bumubuhay ang salita ng Maykapal.
ALELUYA
Lucas 4, 18
Aleluya! Aleluya!
Ikaw, Kristo ay sinugo
upang sa dukha’y magturo,
magpalaya sa bilanggo.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 2, 13-17
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, muling pumunta si Hesus sa baybayin ng Lawa ng Galilea. Sinundan siya ng napakaraming tao, at sila’y tinuruan niya. Nagpatuloy siya ng paglakad at nakita niya si Levi na anak ni Alfeo, nakaupo sa paningilan ng buwis. Sinabi sa kanya ni Hesus, “Sumunod ka sa akin.” Tumindig naman si Levi at sumunod.
Nang si Hesus at ang kanyang mga alagad ay kumakain sa bahay ni Levi, nakisalo sa kanila ang maraming publikano at mga makasalanang sumunod sa kanya. Nakita ito ng ilang eskribang kabilang sa pangkat ng mga Pariseo at tinanong nila ang kanyang mga alagad, “Bakit siya sumasalo sa mga publikano at sa mga makasalanan?” Narinig ito ni Hesus, at siya ay sumagot, “Hindi nangangailangan ng manggagamot ang walang sakit, kundi ang maysakit. Naparito ako upang tawagin ang mga makasalanan, hindi ang mga banal.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Isaias 9, 1-6
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Nakatanaw ng isang malaking liwanag
ang bayang malaon nang nasa kadiliman,
namanaag na ang liwanag
sa mga taong namumuhay sa lupaing balot ng dilim.
Iyong pinasigla ang kanilang pagdiriwang,
dinagdagan mo ang kanilang tuwa.
Tulad ng mga tao sa panahon ng anihan,
tulad ng mga taong naghahati ng nasamsam na kayamanan.
Nilupig mo ang bansang umalipin sa iyong bayan
tulad ng pagkalupig sa hukbo ng Madian.
Binali mo ang panghambalos ng mga tagapagpahirap sa kanila.
Sapagkat ang panyapak ng mga mandirigma,
ang lahat ng kasuutang tigmak sa dugo ay susunugin.
Sapagkat ipinanganak para sa atin ang isang sanggol na lalaki.
Ibinigay ang isang anak sa atin
at siya ang mamamahala sa atin.
Siya ang Kahanga-hangang Tagapayo, ang Makapangyarihang Diyos,
walang hanggang Ama, ang Prinsipe ng Kapayapaan.
Malawak na kapangyarihan at walang hanggang kapayapaan.
ang ipagkakaloob sa trono ni David at sa kanyang paghahari
Upang matatag ito at papanatilihin
sa katarungan at katwiran
ngayon at magpakailanman.
Isasagawa ito ng Makapangyarihang Panginoon.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 97, 1. 2-3ab. 3kd-4. 5-6
Kahit saa’y namamalas, tagumpay ng Nagliligtas.
Umawit ng bagong awit at sa Poon ay ialay,
pagkat yaong ginawa n’ya ay kahanga-hangang tunay!
Sa sariling lakas niya at taglay na kabanalan,
walang hirap na natamo yaong hangad na tagumpay.
Kahit saa’y namamalas, tagumpay ng Nagliligtas.
Ang tagumpay niyang ito’y siya na rin ang naghayag,
sa harap ng mga bansa’y nahayag ang pagliligtas.
Ang pangako sa Israel lubos niyang tinutupad.
Kahit saa’y namamalas, tagumpay ng Nagliligtas.
Tapat siya sa kanila at ang pag-ibig ay wagas.
Ang tagumpay ng ating Diyos kahit saan ay namalas!
Magkaingay na may galak, yaong lahat sa daigdig;
ang Poon ay buong galak na purihin sa pag-awit!
Kahit saa’y namamalas, tagumpay ng Nagliligtas.
Sa saliw ng mga lira iparinig yaong tugtog,
at ang Poon ay purihin ng tugtuging maalindog.
Tugtugin din ang trumpeta na kasaliw ang tambulo,
magkaingay sa harapan ng Poon na ating hari.
Kahit saa’y namamalas, tagumpay ng Nagliligtas.
IKALAWANG PAGBASA
Efeso 1, 3-6. 15-18
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Efeso
Mga kapatid:
Magpasalamat tayo sa Diyos at Ama ng ating Panginoong Hesukristo! Pinagkalooban niya tayo ng lahat ng pagpapalang espirituwal dahil sa ating pakikipag-isa kay Kristo. At sa atin ngang pakikipag-isang ito, hinirang na niya tayo bago pa nilikha ang sanlibutan upang maging banal at walang kapintasan sa harapan niya. Dahil sa pag-ibig ng Diyos, tayo’y kanyang itinalaga upang maging mga anak niya sa pamamagitan ni Hesukristo. Iyan ang kanyang layunin at kalooban. Purihin natin siya dahil sa kanyang kahanga-hangang pagkalinga sa atin sa pamamagitan ng kanyang minamahal na Anak!
Kaya nga, mula nang mabalitaan ko ang tungkol sa inyong pananalig sa Panginoong Hesus at ang inyong pag-ibig sa lahat ng hinirang, walang humpay ang pasasalamat ko sa Diyos para sa inyo. Inaalaala ko kayo sa aking pananalangin, at hinihiling sa Diyos ng ating Panginoong Hesukristo, ang dakilang Ama, na pagkalooban niya kayo ng espiritu ng karunungan at ng tunay na pagkakilala sa kanya. Nawa’y liwanagan ng Diyos ang inyong mga isip upang malaman ninyo ang ating inaasahan sa kanyang pagkatawag sa atin. Ito’y ang kaluwalhatiang inilaan niya sa kanyang mga hinirang.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Juan 1, 14. 12
Aleluya! Aleluya!
Naging tao ang Salita,
upang tanang maniwala
ay kanyang gawing dakila.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 10, 13-16
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, may nagdala ng mga bata kay Hesus upang hilinging ipatong niya sa mga ito ang kanyang kamay; ngunit pinagwikaan sila ng mga alagad. Nagalit si Hesus nang makita ito, at sinabi sa kanila, “Pabayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata, huwag ninyo silang sawayin, sapagkat sa mga katulad nila naghahari ng Diyos tulad ng isang maliit na bata ay hindi mapapabilang sa mga pinaghaharian niya.” At kinalong ni Hesus ang mga bata, ipinatong ang kanyang mga kamay sa kanila at pinagpala sila.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
1 Juan 3, 22 – 4, 6
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Juan
Minamahal kong mga kapatid, tinatanggap natin ang anumang ating hingin sa Diyos sapagkat sinusunod natin ang kanyang mga utos at ginagawa ang nakalulugod sa kanya. Ito ang kanyang utos: manalig tayo sa kanyang Anak na si Hesukristo, at mag-ibigan, gaya ng iniutos ni Kristo sa tin. Ang sumusunod sa mga utos ng Diyos ay nananatili sa Diyos, at nananatili naman sa kanya ang Diyos. At sa pamamagitan ng Espiritung ipinagkaloob niya sa atin ay nalalaman nating nananatilo siya sa atin.
Mga minamahal, huwag ninyong paniwalaan agad ang bawat nagsasabing sumasakanila ang Espiritu. Sa halip ay subukin ninyo upang malaman kung mula sa Diyos ang espiritung sumasakanila, sapagkat marami nang bulaang propeta ang lumitaw sa sanlibutan. Ito ang pagkakakilanlan kung sino ang kinaroroonan ng Espiritu ng Diyos: ang nagpapahayag na si Hesukristo ay naging tao ay siyang kinaroroonan ng Espiritung mula sa Diyos. Subalit ang hindi nagpapahayag ng gayun tungkol kay Hesus ay hindi kinaroroonan ng Espiritung mula Diyos. Ang espiritu ng anti-Kristo ang nasa kanya. Nasabi na sa inyong ito’y darating at ngayon nga’y nasa sanlibutan na.
Mga anak, kayo’y sa Diyos at pinagtagumpayan ninyo ang mga bulaang propeta, sapagkat ang espiritung nasa inyo ay makapangyarihan kaysa espiritung nasa mga makasanlibutan. Sila’y sa sanlibutan kaya’t mula sa sanlibutan ang itinuturo nila, at nakikinig sa kanila ang sanlibutan. Ngunit tayo’y sa Diyos. Ang sinumang kumikilala sa Diyos ay nakikinig sa atin, ngunit hindi nakikinig sa atin ang sinumang hindi sa Diyos. Sa ganito nga natin nakikilala ang Espiritu ng katotohanan at ang espiritu ng kamalian.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 2, 7-8. 10-11
Buong daigdig na ito ay ibibigay ko sa ‘yo.
Ganito ang sabi ng lingkod ng Poon na hari sa Sion:
“Aking ihahayag ang ipinag-utos nitong Panginoon,
‘Ikaw ang anak kong pinakamamahal, at magmula ngayon,
Ako namang ito ang giliw mong ama sa habang panahon.
Hingin mo sa akin ang lahat ng bansa, at ibibigay ko,
anumang narito sa buong daigdig ay magiging iyo.’”
Buong daigdig na ito ay ibibigay ko sa ‘yo.
Kayong mga hari at tagapamuno sa lahat ng bansa,
mangag-ingat kayo at magpakabuti sa pamamahala;
ang Panginoong Diyos inyong paglingkura’t katakutang lubha.
Buong daigdig na ito ay ibibigay ko sa ‘yo.
ALELUYA
Mateo 4, 23
Aleluya! Aleluya!
Ipinangaral ni Hesus
ang paghahari ng Diyos
Sakit ay kanyang ginamot.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 4, 12-17. 23-25
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, nabalitaan ni Hesus na ibinilanggo si Juan, kaya’t bumalik siya sa Galilea. Ngunit hindi na siya sa Nazaret nanirahan kundi sa Capernaum. Ang bayang ito’y nasa baybayin ng Lawa ng Galilea, sa mga hangganan ng Zabulon at Neftali. Sa gayo’y natupad ang sinabi ni propeta Isaias:
“Ang lupain ng Zabulon at lupain ng Neftali –
daanan sa gawing dagat sa ibayo ng Jordan, Galilea ng mga Hentil!
Itong bayang nag-apuhap sa gitna ng kadiliman
sa wakas ay nakakita ng maningning niyang ilaw!
Liwanag na taglay nito’y siya ngayong tumalanglaw
sa lahat ng nalugami sa lilim ng kamatayan!”
Magmula noon ay nangaral na si Hesus. Ang sabi niya, “Pagsisihan ninyo’t talikdan ang inyong mga kasalanan, sapagkat malapit nang maghari ang Diyos.”
Nilibot ni Hesus ang buong Galilea. Nagtuturo sa mga sinagoga at ipinangangaral ang Mabuting Balita tungkol sa paghahari ng Diyos. Pinagaling din niya ang mga tao sa kanilang mga sakit at karamdaman. Siya’y nabantog sa buong Siria kaya’t dinadala sa kanya ang lahat ng maysakit at mga pinahihirapan ng iba’t ibang karamdaman: mga inaalihan ng mga demonyo, mga himatayin, mga paralitiko. Silang lahat ay kanyang pinagaling. At sinundan siya ng napakaraming tao buhat sa Galilea, Decapolis, Jerusalem, Judea, at maging sa ibayo ng Jordan.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
1 Juan 4, 7-10
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Juan
Minamahal kong mga kapatid, mag-ibigan tayo sapagkat mula sa Diyos ang pag-ibig. Ang bawat umiibig ay anak ng Diyos, at kumikilala sa Diyos. Ang hindi umiibig ay hindi kumikilala sa Diyos, sapagkat ang Diyos ay pag-ibig. Inihayag ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin nang suguin niya ang kanyang bugtong na Anak upang magkaroon tayo ng buhay sa pamamagitan niya. Ito ang pag-ibig: hindi sa inibig natin ang Diyos kundi tayo ang inibig niya at sinugo ang kanyang Anak upang maging handog sa ikapagpapatawad ng ating mga kasalanan.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 71, 2. 3-4ab. 7-8
Poon, maglilingkod sa ’yo, tanang bansa nitong mundo.
Turuan mo yaong haring humatol ng katuwiran:
sa taglay mong katarungan, O Diyos, siya’y bahaginan;
upang siya’y maging tapat mamahala sa ‘yong bayan,
at pati sa mahihirap maging tapat siyang tunay.
Poon, maglilingkod sa ’yo, tanang bansa nitong mundo.
Ang lupain nawa niya’y umunlad at managana;
maghari ang katarungan sa lupain nitong bansa.
Maging tapat itong hari sa paghatol sa mahirap
at ang mga taong wala’y pag-ukulan ng paglingap.
Poon, maglilingkod sa ’yo, tanang bansa nitong mundo.
Yaong buhay na mat’wid sa kanyang kapanahunan,
madama ng bansa niya at umunlad habang buhay.
Yaong kanyang kaharian ay palawak nang palawak,
mula sa ilog Eufrates, sa daigdig ay kakalat.
Poon, maglilingkod sa ’yo, tanang bansa nitong mundo.
ALELUYA
Lucas 4, 18
Aleluya! Aleluya!
Ikaw, Kristo ay sinugo
upang sa dukha’y magturo,
magpalaya sa bilanggo.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 6, 34-44
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, nakita ni Hesus ang napakaraming tao; nahabag siya sa kanila sapagkat para silang mga tupang walang pastol. At sila’y tinuruan niya ng maraming bagay. Nang dapit-hapon na, lumapit sa kanya ang mga alagad at sinabi, “Ilang ang pook ng ito at malapit nang lumubog ang araw. Payaunin na po ninyo ang mga tao sa mga karatig-nayon at bayan upang makabili ng pagkain.” Ngunit sinabi niya, “Kayo ang magbigay sa kanila ng makakain.” “Bibili po ba kami ng halagang dalawandaang denaryong tinapay upang ipakain sa kanila?” Tanong ng mga alagad. “Ilan ba ang dala ninyong tinapay? Tingnan nga ninyo,” wika niya. Pagkatapos tingnan ay kanilang sinabi, “Lilima po, at dalawang isda.”
Iniutos ni Hesus na ang lahat ay maupo nang pulu-pulutong sa damuhan. Kaya’t naupo sila nang manda-mandaan at lima-limampu. Kinuha ni Hesus ang limang tinapay at dalawang isda, tumingala sa langit, at nagpasalamat sa Diyos. Pinaghati-hati niya ang mga tinapay at ibinigay sa mga alagad upang ipamahagi sa mga tao. At pinaghati-hati niya ang dalawang isda at ipinamahagi rin. Ang lahat ay nakakain at nabusog. Nang tipunin ng mga alagad ang lumabis na hati-hating tinapay at isda, nakapuno sila ng labindalawang bakol. Sa mga nagsikain, limanlibo ang mga lalaki.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
1 Juan 4, 11-18
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Juan
Minamahal kong mga kapatid, yamang gayun kadakila ang pag-ibig ng Diyos sa atin, dapat din tayong mag-ibigan. Walang taong nakakita sa Diyos kailanman, ngunit kung tayo’y nag-iibigan, nasa atin siya nagiging ganap sa atin ang kanyang pag-ibig.
Nalalaman nating nananatili tayo sa Diyos at siya naman sa atin, sapagkat pinagkalooban niya tayo ng kanyang Espiritu. Nakita namin at pinatototohanang sinugo ng Ama ang kanyang Anak bilang Tagapagligtas ng sanlibutan. Ang nagpapahayag na si Hesus ang Anak ng Diyos ay nananatili sa Diyos, at ang Diyos nama’y nananatili sa kanya. Nalalaman natin at pinananaligan ang pag-ibig ng Diyos sa atin.
Ang Diyos ay pag-ibig. Ang nagpapatuloy na umiibig ay nananatili sa Diyos, at nananatili naman sa kanya ang Diyos. Ang pag-ibig ay nagiging ganap kung hindi natin kinatatakutan ang Araw ng Paghuhukom, sapagkat tayo’y tulad ni Kristo, kahit nasa daigdig pang ito. Walang kalakip na takot ang tunay na pag-ibig ang anumang pagkatakot. Hindi pa ganap ang pag-ibig ng sinumang natatakot, sapagkat ang takot ay kaugnay ng parusa.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 71, 2. 10-11. 12-13
Poon, maglilingkod sa ’yo, tanang bansa nitong mundo.
Turuan mo yaong haring humatol ng katuwiran:
sa taglay mong katarungan, O Diyos, siya’y bahaginan;
upang siya’y maging tapat mamahala sa ‘yong bayan,
at pati sa mahihirap maging tapat siyang tunay.
Poon, maglilingkod sa ’yo, tanang bansa nitong mundo.
Mga haring nasa pulo at naroon sa Espanya
maghahandog ng kaloob, ihahain din sa kanya
pati yaong mga hari ng Arabia at Etiopia,
may mga kaloob ding taglay nilang alaala.
Ang lahat ng mga hari, gagalang sa harap niya,
mga bansa’y magpupuri’t maglilingkod sa tuwina.
Poon, maglilingkod sa ’yo, tanang bansa nitong mundo.
Kanya namang ililigtas ang sinumang tumatawag,
lalo yaong nalimot nang mga taong mahihirap;
sa ganitong mga tao siya’y lubhang nahahabag
sa kanila tumutulong, upang sila ay maligtas.
Poon, maglilingkod sa ’yo, tanang bansa nitong mundo.
ALELUYA
1 Timoteo 3, 16
Aleluya! Aleluya!
Si Kristo naging tao,
Hari ng langit at mundo.
Sa kanya’y manalig tayo.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 6, 45-52
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Matapos mapakain ang limang libong lalaki, agad pinasakay ni Hesus sa bangka ang mga alagad at pinauna sa Betsaida, sa kabilang ibayo ng lawa, samantalang pinauuwi niya ang mga tao. Pagkaalis nila, siya’y umahon sa burol upang manalangin. Sumapit ang gabi. Nasa laot na noon ang bangka, samatalang si Hesus ay nag-iisa sa katihan. Nakita niyang nahihirapan sa pagsagwan ang kanyang mga alagad, sapagkat pasalungat sila sa hangin. At nang madaling-araw na, sumunod sa kanila si Hesus na naglalakad sa ibabaw ng tubig. Lalampasan niya sana sila, ngunit nakita ng mga alagad na siya’y lumalakad sa ibabaw ng tubig, kaya’t napasigaw sila. Ang akala nila’y multo, at kinilabutan silang lahat. Ngunit agad niyang sinabi sa kanila, “Huwag kayong matakot, si Hesus ito! Lakasan ninyo ang inyong loob!” Sumakay siya sa bangka, at tumigil ang hangin. Sila’y lubhang nanggilalas, sapagkat hindi nila naunawaan ang nangyari sa tinapay; hindi pa ito abot ng kanilang isip.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
1 Juan 4, 19 – 5, 4
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Juan
Minamahal kong mga kapatid, tayo’y umiibig sapagkat ang Diyos ang unang umibig sa atin. Ang nagsasabing, “Iniibig ko ang Diyos,” at napopoot naman sa kanyang kapatid ay sinungaling. Kung yaong kapatid na kanyang nakikita ay hindi niya maibig, paano niya maiibig ang Diyos na hindi nakikita? Ito ang utos na ibinigay sa atin ni Kristo: ang umiibig sa Diyos ay dapat ding umibig sa kanyang kapatid.
Inaaring mga anak ng Diyos ang sumasampalatayang si Hesus ang Mesias; at sinumang umiibig sa ama ay umiibig din sa mga anak. Ito ang palatandaang iniibig natin ang mga anak ng Diyos: kapag iniibig natin ang Diyos at tinutupad ang kanyang mga utos, sapagkat ang tunay na umiibig sa Diyos ay yaong tumutupad ng kanyang mga utos. At hindi naman mahirap sundin ang kanyang mga utos, sapagkat napagtatagumpayan ng bawat anak ng Diyos ang sanlibutan; at nagtatagumpay tayo sa pamamagitan ng pananampalataya.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 71, 2. 14 at 15bk. 17
Poon, maglilingkod sa ’yo, tanang bansa nitong mundo.
Turuan mo yaong haring humatol ng katuwiran,
sa taglay mong katarungan, O Diyos, siya’y bahaginan;
upang siya’y maging tapat mamahala sa ‘yong bayan,
at pati sa mahihirap maging tapat siyang tunay.
Poon, maglilingkod sa ’yo, tanang bansa nitong mundo.
Inaagaw niya sila sa kamay ng mararahas
sa kanya ang buhay nila’y mahalagang hindi hamak.
Sa tuwina siya nawa’y idalangin nitong bayan,
kalingain nawa ng Diyos, pagpalain habang buhay.
Poon, maglilingkod sa ’yo, tanang bansa nitong mundo.
Nawa’y yaong kanyang ngalan ay h’wag nang malimutan,
manatiling laging bantog na katulad nitong araw;
nawa siya ay purihin ng lahat ng mga bansa,
at sa Diyos, silang lahat dumalanging:
“Harinawa pagpalain kaming lahat, tulad niyang pinagpala.”
Poon, maglilingkod sa ’yo, tanang bansa nitong mundo.
ALELUYA
Lucas 4, 18
Aleluya! Aleluya!
Ikaw, Kristo ay sinugo
upang sa dukha’y magturo,
magpalaya sa bilanggo.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 4, 14-22a
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, bumalik si Hesus sa Galilea, at sumasakanya ang kapangyarihan ng Espiritu Santo. Kumalat sa palibot na lupain ang balita tungkol sa kanya. Nagturo siya sa kanilang mga sinagoga; at dinakila siya ng lahat.
Umuwi si Hesus sa Nazaret na kanyang nilakhan. Gaya ng kanyang kinagawian, pumasok siya sa sinagoga nang Araw ng Pamamahinga. Tumindig siya upang bumasa; at ibinigay sa kanya ang aklat ni propeta Isaias. Binuksan niya ang aklat sa dakong kinasusulatan ng ganito:
“Sumasaakin ang Espiritu ng Panginoon,
Sapagkat hinirang niya ako upang ipangaral sa mga dukha ang Mabuting Balita.
Sinugo niya ako upang ipahayag sa bihag na sila’y lalaya,
At sa mga bulag na sila’y makakikita;
Upang bigyang-kaluwagan ang mga sinisiil,
At ipahayag ang pagliligtas na gagawin ng Panginoon.”
Binalumbon niya ang kasulatan, at matapos isauli sa tagapaglingkod, siya’y naupo. Nakatitig sa kanya ang lahat ng nasa sinagoga. At sinabi niya sa kanila: “Natupad ngayon ang bahaging ito ng Kasulatan samantalang nakikinig kayo.” Pinuri siya ng lahat, at namangha sila sa kanyang napakahusay na pananalita.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
1 Juan 5, 5-13
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Juan
Minamahal kong mga kapatid, sino ang makapagtatagumpay laban sa sanlibutan? Ang sumasampalatayang si Hesus ang Anak ng Diyos.
Si Hesukristo ang naparito sa sanlibutan, bininyagan sa tubig, at nagbubo ng kanyang dugo sa kanyang kamatayan – hindi lamang bininyagan sa tubig, kundi nagbubo pa ng kanyang dugo. Ang Espiritu ang nagpatotoo tungkol dito, sapagkat ang Espiritu ay katotohanan. Tatlo ang nagpatotoo: ang Espiritu, ang tubig, at ang dugo, at nagkakaisa ang tatlong ito. Tinatanggap natin ang patotoo ng tao, ngunit lalong matibay ang patotoo ng Diyos, at iyon ang patotoo ng Diyos tungkol sa kanyang Anak. Ang sinumang nananalig sa Anak ng Diyos ay naniniwala sa patotoong ito. Ngunit ang ayaw maniwala sa Diyos ay ginagawang sinungaling ang Diyos, sapagkat hindi siya naniniwala sa patotoo nito tungkol sa kanyang Anak. At ito ang patotoo: ipinagkaloob sa atin ng Diyos ang buhay na walang hanggan at ito’y makakamtan natin sa pamamagitan ng kanyang Anak. Ang pinananahanan ng Anak ng Diyos ay may buhay na walang hanggan, ngunit wala nito ang hindi pinananahanan ng Anak ng Diyos. Isinulat ko ito sa inyo upang malaman ninyo na kayong nananalig sa Anak ng Diyos ay may buhay na walang hanggan.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 147, 12-13. 14-15. 19-20
Purihin mo, Jerusalem, ang Panginoong butihin.
o kaya: Aleluya.
Purihin mo, Jerusalem, purihin ang Panginoon,
purihin mo ang iyong Diyos, kayong mga taga-Sion.
Yaong mga pintuan mo ay siya ang nag-iingat,
ang lahat ng iyong lingkod ay siya ang nagbabasbas.
Purihin mo, Jerusalem, ang Panginoong butihin.
Ginagawang matahimik yaong mga hangganan mo,
bibigyan kang kasiyahan sa kaloob niyang trigo.
Kung siya ay nag-uutos, agad itong natutupad,
dumarating sa daigdig, na hindi na nagluluwat.
Purihin mo, Jerusalem, ang Panginoong butihin.
Kay Jacob n’ya ibinibigay ang balita at pabilin,
ang tuntuni’t mga aral, ibinigay sa Israel.
Ang ganitong karapatan ay wala ang ibang bansa,
pagkat hindi nila batid ang utos na itinakda.
Purihin ang Panginoon!
Purihin mo, Jerusalem, ang Panginoong butihin.
ALELUYA
Mateo 4, 23
Aleluya! Aleluya!
Ipinangaral ni Hesus
ang paghahari ng Diyos
Sakit ay kanyang ginamot.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 5, 12-16
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong si Hesus ay nasa isang bayan, isang lalaking ketongin ang lumapit sa kanya. Pagkakita ng ketongin sa kanya, ito’y nagpatirapa at namanhik sa kanya. “Ginoo, kung ibig po ninyo, ako’y inyong mapagagaling.” Hinipo siya ni Hesus at ang sabi, “Ibig ko; gumaling ka!” Pagdaka’y nawala ang kanyang ketong. At pinagbilinan siya ni Hesus: “Huwag mong sasabihin ito kaninuman. Sa halip ay pumunta ka sa saserdote at pasuri. Pagkatapos, maghandog ka ng haing iniuutos ni Moises, bilang patotoo sa mga tao na magaling ka na.” Ngunit lalo pang kumalat ang balita tugkol kay Hesus, kaya’t dumagsa ang napakaraming tao upang makinig at magpagamot sa kanya. At si Hesus ay laging nagpupunta sa ilang na pook at nananalangin.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
1 Juan 5, 14-21
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Juan
Minamahal kong mga kapatid, hindi tayo nag-aatubiling lumapit sa Anak ng Diyos, sapagkat alam nating ibibigay niya ang anumang hingin natin na naaayon sa kanyang kalooban. Yamang alam nating dinirinig nga niya tayo, alam din nating ibinibigay niya ang hinihiling natin sa kanya.
Kung makita ninuman na ang kanyang kapatid ay gumagawa ng kasalanang di hahantong sa kamatayang espirituwal, ipanalangin niya ang kapatid na iyon, at ito’y bibigyan ng bagong buhay. Ito’y para sa mga kapatid na ang kasalanan ay hindi hahantong sa kamatayang espirituwal, at hindi ko sinasabing idalangin ninyo ang sinumang gumagawa nito. Ang lahat ng gawaing di matuwid ay kasalanan, ngunit may kasalanang hindi hahantong sa kamatayang espirituwal.
Alam nating ang mga anak ng Diyos ay hindi nagpapatuloy sa pagkakasala, sapagkat iniingatan sila ni Hesukristo, at hindi sila maaaring anhin ng diyablo. Alam nating tayo’y mga anak ng Diyos, at ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng diyablo.
At nalalaman nating naparito ang Anak ng Diyos at binigyan niya tayo ng pang-unawa upang makilala natin ang tunay na Diyos, at tayo’y nasa tunay na Diyos, sa kanyang Anak na si Hesukristo. Ito ang tunay na Diyos at buhay na walang hanggan.
Mga anak, lumayo kayo sa mga diyus-diyusan.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 149, 1-2. 3-4. 5 at 6a at 9b
Panginoo’y nagagalak sa hirang n’yang mga anak.
Ang Panginoo’y purihin, awitan ng bagong awit,
paruhin sa pagtitipon ng tapat sa pananalig.
Magalak ka, O Israel, dahilan sa Manlilikha;
dahilan sa iyong hari, ikaw Sion ay matuwa.
Panginoo’y nagagalak sa hirang n’yang mga anak.
Purihin sa pagsasayaw, purihin ang kanyang ngalan;
alpat’ tambol ay tugtugin at siya ay papurihan.
Panginoo’y nagagalak sa kanyang mga hirang.
Sa nangagpapakumbaba’y tagumpay ang ibibigay.
Panginoo’y nagagalak sa hirang n’yang mga anak.
Sa tagumpay na natamo, magalak ang mga hirang.
Sa kanilang pagpipista ay magsaya’t mag-awitan.
Sa pagpuri sa Panginoon, ay bayaang magsigawan.
Ang tatanggap ng tagumpay, ay ang kanyang mga hirang.
Panginoo’y nagagalak sa hirang n’yang mga anak.
ALELUYA
Mateo 4, 16
Aleluya! Aleluya!
Bayang nasa kadiliman
sa lilim ng kamatayan
ngayo’y naliliwanagan!
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 3, 22-30
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, si Hesus at ang kanyang mga alagad ay nagpunta sa lupain ng Judea. Nanatili siya roon ng kaunting panahon kasama nila, at nagbinyag. Si Juan ay nagbibinyag rin naman sa Enon, malapit sa Salim, sapagkat maraming tubig doon. Pumupunta sa kanya ang mga tao at nagpapabinyag. Hindi pa nakabilanggo noon si Juan.
Minsan, nakatalo ng mga alagad ni Juan ang isang Judio tungkol sa tanging paraan ng paglilinis. Kaya’t pumunta sila kay Juan at sinabi sa kanya, “Rabi, yaon pong lalaking kasama ninyo sa ibayo ng Jordan, na inyong pinatotohanan ay nagbibinyag rin at nagpupunta sa kanya ang lahat!” Sumagot si Juan, “Walang tatanggapin ang tao malibang ipagkaloob sa kanya ng Diyos. Kayo na rin ang makapagpapatunay na sinabi kong hindi ako ang Kristo; sugo lamang akong mauuna sa kanya. Ang babaing ikakasal ay para sa lalaking ikakasal. Ang abay na naghihintay sa pagdating ng lalaking ikakasal ay lubos na nagagalak pagkarinig sa tinig nito. Gayun din naman, lubos na ang kagalakan ko ngayon. Kinakailangang siya ay maging dakila, at ako nama’y mababa.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Isaias 55, 1-11
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Sinabi ng Panginoon, “Narito ang tubig, mga nauuhaw.
Ang mga walang salapi ay
kumuha rito at bumili ng pagkain.
Halikayo at bumili ng alak at gatas,
bumili kayo, ngunit walang bayad.
Bakit ginugugol ang salapi
sa mga bagay na hindi nakabubusog?
Bakit inuubos ang pera
sa mga bagay na walang halaga?
Makinig kayo sa akin at sundin ang utos ko
at matitikman ninyo ang pinakamasarap na pagkain.
Pumarito kayo,
kayo ay lumapit at ako’y pakinggan,
makinig sa akin nang kayo’y mabuhay;
ako’y may gagawing walang hanggang tipan,
at ipalalasap sa inyo ang pagpapalang
ipinangako ko kay David.
Ginawa ko siyang hari
at puno ng mga bansa
at sa pamamagitan niya’y ipinamalas ang aking kapangyarihan.
Iyong tatawagin ang mga bansang hindi mo kilala,
mga bansang di ka kilala’y sa iyo pupunta,
dahilan sa Panginoon,
Banal ng Israel,
ang Diyos na nagpala’t sa iyo’y dumakila.”
Hanapin ang Panginoon
samantalang siya’y iyong makikita,
Siya ay tawagin habang malapit pa.
Ang mga gawain ng taong masama’y
dapat nang talikdan, at ang mga liko’y
dapat magbago na ng maling isipan;
sila’y manumbalik,
lumapit sa Panginoon upang kahabagan,
at mula sa Diyos,
matatamo nila ang kapatawaran,
Ang wika ng Panginoon:
“Ang aking isipa’y di ninyo isipan,
at magkaiba ang ating daan.
Kung paanong ang langit
higit na mataas, mataas sa lupa,
ang daa’t isip ko’y
hindi maaabot ng inyong akala.
Ang ulan at niyebe
paglagpak sa lupa’y di na nagbabalik,
aagos na ito sa balat ng lupa’t nagiging pandilig,
kaya may pagkai’t butil na panghasik.
Ganyan din ang aking mga salita,
magaganap nito ang lahat kong nasa.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Isaias 12, 2-3. 4bkd. 5-6
May galak tayong sumalok sa batis ng Manunubos.
Ang Diyos ang siyang nagliligtas sa akin,
tiwalang-tiwala ako at wala munti mang pangamba.
Sapagkat ang Poon ang lahat sa akin,
siya ang aking awit, ang aking kaligtasan.
Malugod kayong sasalok ng tubig at batis ng kaligtasan.
May galak tayong sumalok sa batis ng Manunubos.
Magpasalamat kayo sa Poon
Siya ang inyong tawagan;
Ipaalam ninyo sa mga bansa ang kanyang ginawa.
Ipahayag ninyo ang kadakilaan ng kanyang pangalan.
May galak tayong sumalok sa batis ng Manunubos.
Umawit kayo ng papuri sa Poon,
sapagkat kahanga-hanga ang kanyang mga ginawa,
ipahayag ninyo ito sa buong daigdig.
Mga anak ng Sion, umawit kayo nang buong galak,
sapagkat nasa piling ninyo ang dakila at ang Banal ng Israel.
May galak tayong sumalok sa batis ng Manunubos.
IKALAWANG PAGBASA
1 Juan 5, 1-9
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Juan
Minamahal kong mga kapatid:
Inaaring mga anak ng Diyos ang sumasampalatayang si Hesus ang Mesiyas; at sinumang umiibig sa Ama ay umiibig din sa mga anak. Ito ang palatandaang iniibig natin ang mga anak ng Diyos: kapag iniibig natin ang Diyos at tinutupad ang kanyang mga utos, sapagkat ang tunay na umiibig sa Diyos ay yaong tumutupad ng kanyang mga utos. At hindi naman mahirap sundin ang kanyang mga utos, sapagkat napagtatagumpayan ng bawat anak ng Diyos ang sanlibutan; at nagtatagumpay tayo sa pamamagitan ng pananampalataya. Sino ang makapagtatagumpay laban sa sanlibutan? Ang sumasampalatayang si Hesus ang Anak ng Diyos.
Si Hesukristo ang naparito sa sanlibutan, bininyagan sa tubig, at nagbubo ng kanyang dugo sa kanyang kamatayan – hindi lamang bininyagan sa tubig kundi nagbubo pa ng kanyang dugo. Ang Espiritu ang nagpapatotoo tungkol dito, sapagkat ang Espiritu ay katotohanan. Tatlo ang nagpapatotoo: ang Espiritu, ang tubig, at ang dugo; at nagkakaisa ang tatlong ito. Tinatanggap natin ang patotoo ng tao, ngunit lalong matibay ang patotoo ng Diyos, at iyon ang patotoo ng Diyos tungkol sa kanyang Anak.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Marcos 9, 6
Aleluya! Aleluya!
Nagsalita ang D’yos Ama:
“Ang Anak kong sinisinta
ay narito, dinggin n’yo s’ya!”
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 1, 7-11
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, sinasabi ni Juan Bautista sa kanyang pangangaral: “Darating na kasunod ko ang isang makapangyarihan kaysa sa akin: ni hindi ako karapat-dapat magkalag ng tali ng kanyang mga panyapak. Binibinyagan ko kayo sa tubig, ngunit bibinyagan niya kayo sa Espiritu Santo.”
Hindi nagluwat, dumating si Hesus mula sa Nazaret, Galilea, at siya’y bininyagan ni Juan sa Ilog-Jordan. Pagkaahung-pagkaahon ni Hesus sa tubig ay nakita niyang nabuksan ang kalangitan, at bumababa sa kanya ang Espiritu na gaya ng isang kalapati. At isang tinig ang nagmula sa langit: “Ikaw ang minamahal kong Anak, lubos kitang kinalulugdan.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Isaias 35, 1-10
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Ang ulilang lupaing malaon nang tigang
ay muling sasaya,
mananariwa at mamumulaklak ang ilang.
Ang dating ilang ay aawit sa tuwa,
ito’y muling gaganda tulad ng mga
Bundok ng Libano
at mamumunga nang sagana, tulad ng Carmelo at Saron,
mamamasdan ng lahat ang kaningningan
at kapangyarihan ng Panginoon.
Inyong palakasin ang mahinang kamay,
at patatagin ang mga tuhod na lupaypay,
ito ang sabihin sa pinanghihinaan ng loob:
“Huwag kang matakot,
laksan mo ang iyong loob,
darating na ang Panginoong Diyos,
at ililigtas ka sa mga kaaway.”
Ang mga bulag ay makakikita,
at makaririnig ang mga bingi;
katulad ng usa, ang pilay lulundag,
aawit sa galak ang mga pipi.
Mula sa gubat ay bubukal ang tubig
at ang mga batis dadaloy sa ilang;
ang umuusok na buhanginan ay magiging isang lawa,
sa tigang na lupa ay babalong ang tubig.
Ang dating tirahan ng mga asong-gubat,
ay tutubuan ng tambo at talahib.
Magkakaroon ng isang maluwang na lansangan,
na tatawaging Landas ng Kabanalan.
Ang mga makasalanan at mga hangal,
sa landas na ito ay di makararaan.
Walang leon o mabangis na hayop
na makalalapit doon;
ito’y para lamang sa mga tinubos.
Ang mga tinubos ng Panginoon ay babalik sa Jerusalem,
masiglang umaawit ng pagpupuri.
Paghaharian sila ng kaligayahan.
Lungkot at dalamhati ay mapapalitan
ng tuwa at galak magpakailanman.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 84, 9ab-10. 11-12. 13-14
Ang Poon D’yos ay darating upang tayo ay tubusin.
Aking naririnig magmula sa Poon ang sinasalita;
sinasabi niyang ang mga lingkod n’ya’y magiging payapa,
kung mangagsisisi at di na babalik sa gawang masama.
Ang nagpaparangal sa pangalan niya’y kanyang ililigtas,
sa ating lupain ay mananatili ang kanyang paglingap.
Ang Poon D’yos ay darating upang tayo ay tubusin.
Ang pagtatapatan at pag-iibiga’y magdadaup-palad,
ang kapayapaan at ang katwira’y magsasamang ganap.
Sa balat ng lupa’y pawang maghahari yaong pagtatapat,
at ang katarungan nama’y maghahari mula sa itaas.
Ang Poon D’yos ay darating upang tayo ay tubusin.
Gagawing maunlad ng Panginoong Diyos itong ating buhay,
ang mga halaman sa ating lupai’y bubungang mainam;
sa harapan niya yaong maghahari’y pawang katarungan,
magiging payapa’t susunod ang madla sa kanyang daan.
Ang Poon D’yos ay darating upang tayo ay tubusin.
ALELUYA
Aleluya! Aleluya!
Ang Panginoo’y darating
tayo’y kanyang hahanguin
sa pagiging bihag natin.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 5, 17-26
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Minsan nang nagtuturo si Hesus, naroon din ang mga Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan na mula sa mga bayan ng Galilea at Judea, at sa Jerusalem. At sumasakanya ang kapangyarihan ng Panginoon upang magpagaling ng mga maysakit. May dumating na ilang tao, dala ang isang paralitikong nasa higaan. Nagpipilit silang makapasok sa bahay upang mailagay sa harapan ni Hesus ang maysakit, subalit wala silang maraanan dahil sa dami ng tao. Kaya’t umakyat sila sa bubungan at binutas iyon, saka inihugos sa harapan ni Hesus ang paralitikong nasa higaan. Nang makita ni Hesus kung gaano kalaki ang kanilang pananalig, sinabi niya sa paralitiko, “Kaibigan, pinatatawad ka na sa iyong mga kasalanan.” Sa loob-loob ng mga eskriba’t Pariseo: “Sino itong nagsasalita ng kalapastanganan sa Diyos? Hindi ba’t Diyos lamang ang makapagpapatawad ng mga kasalanan?” Ngunit batid ni Hesus ang kanilang iniisip, kaya’t sinagot niya sila, “Bakit kayo nag-iisip ng ganyan? Alin ba ang lalong madali: ang sabihin sa paralitiko ‘Pinatatawad ka na sa iyong mga kasalanan’ o ang sabihing ‘Tumindig ka at lumakad’? Patutunayan ko sa inyo ang Anak ng Tao ay may kapangyarihan dito sa lupa na magpatawad ng mga kasalanan.” At sinabi niya sa paralitiko, “Iniuutos ko: tumindig ka, dalhin mo ang iyong higaan at umuwi ka!” Pagdaka’y tumindig ang tao sa harapan ng lahat, binuhat ang kanyang higaan at umuwing nagpupuri sa Diyos. Nanggilalas sila at tigib ng takot na nagpuri sa Diyos. “Nakakita kami ngayon ng mga kahanga-hangang bagay!” wika nila.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Genesis 3, 9-15. 20
Pagbasa mula sa aklat ng Genesis
Pagkakain ni Adan sa bunga ng puno, tinawag siya ng Panginoon at tinanong,
“Saan ka naroon?”
“Natakot po ako nang marinig ko kayong nasa hardin; nagtago po ako sapagkat ako’y hubad,” tugon ng lalaki.
“Sinong may sabi sa iyong hubad ka?” tanong ng Diyos. “Bakit kumain ka ba ng bungang ipinagbabawal ko?”
“Kasi, pinakain po ako ng babaing ibinigay ninyo sa akin,” tugon ng lalaki.
“Bakit mo naman ginawa iyon?” tanong ng Diyos sa babae.
“Mangyari po’y nilinlang ako ng ahas, kaya ako natuksong kumain,” tugon naman niya.
At sinabi ng Panginoon sa ahas:
“Sa iyong ginawa’y may parusang dapat, na tanging ikaw lang yaong magdaranas; ikaw ay gagapang, ang hatol kong gawad, at alikabok ang pagkaing dapat. Kayo ng babae’y laging mag-aaway, binhi mo’t binhi niya’y laging maglalaban. Ito ang dudurog ng ulo mong iyan, at ang sakong niya’y ikaw ang tutuklaw.” Eva ang itinawag ni Adan sa kanyang asawa, sapagkat ito ang ina ng sangkatauhan.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 97, 1. 2-3ab. 3kd-4
Umawit sa D’yos ng awa, ang gawain n’ya’y dakila.
Umawit ng bagong awit at sa Poon ay ialay,
pagkat yaong ginawa n’ya ay kahanga-hangang tunay!
Sa sariling lakas niya at taglay na kabanalan,
walang hirap na natamo yaong hangad na tagumpay.
Umawit sa D’yos ng awa, ang gawain n’ya’y dakila.
Ang tagumpay niyang ito’y siya na rin ang naghayag,
sa harap ng mga bansa’y nahayag ang pagliligtas.
Ang pangako sa Israel lubos niyang tinupad.
Umawit sa D’yos ng awa, ang gawain n’ya’y dakila.
Tapat siya sa kanila at ang pag-ibig ay wagas.
Ang tagumpay ng ating Diyos kahit saan ay namalas!
Magkaingay na may galak, yaong lahat sa daigdig;
ang Poon ay buong galak na purihin sa pag-awit!
Umawit sa D’yos ng awa, ang gawain n’ya’y dakila.
IKALAWANG PAGBASA
Efeso 1, 3-6. 11-12
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Efeso
Magpasalamat tayo sa Diyos at Ama ng ating Panginoong Hesukristo! Pinagkalooban niya tayo ng lahat ng pagpapalang espirituwal dahil sa ating pakikipag-isa kay Kristo. At sa atin ngang pakikipag-isang ito, hinirang na niya tayo bago pa nilikha ang sanlibutan upang maging banal at walang kapintasan sa harapan niya. Dahil sa pag-ibig ng Diyos, tayo’y kanyang itinalaga upang maging mga anak niya sa pamamagitan ni Hesukristo. Iyan ang kanyang layunin at kalooban. Purihin natin siya dahil sa kanyang kahanga-hangang pagkalinga sa atin sa pamamagitan ng kanyang minamahal na Anak!
At dahil kay Kristo, kami’y naging bayan ng Diyos na nagsagawa ng lahat ng bagay ayon sa kanyang panukala at kalooban. Nangyari ito nang kami’y hirangin niya noon pang una – kaming mga unang umasa kay Kristo – sa lalong ikadadakila niya.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Lucas 1, 28
Aleluya! Aleluya!
Aba, Ginoong Maria,
napupuno ka ng grasya,
D’yos ay kapiling mo t’wina.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 1, 26-38
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, ang anghel Gabriel ay sinugo ng Diyos sa Nazaret, Galilea, sa isang dalaga na ang pangala’y Maria. Siya’y nakatakdang ikasal kay Jose, isang lalaki buhat sa lipi ni Haring David. Paglapit ng anghel sa kinaroroonan ng dalaga, binati niya ito. “Matuwa ka! Ikaw ay kalugod-lugod sa Diyos,” wika niya. “Sumasaiyo ang Panginoon!” Nagulumihanan si Maria sa gayong pangungusap, at inisip niyang mabuti kung ano ang kahulugan niyon. Kaya’t sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Maria, sapagkat kinalulugdan ka ng Diyos. Makinig ka! Ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang lalaki, at siya’y tatawagin mong Hesus. Magiging dakila siya, at tatawaging Anak ng Kataas-taasan. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang amang si David. Maghahari siya sa angkan ni Jacob magpakailanman, at ang kanyang paghahari ay walang hanggan.”
“Paanong mangyayari ito, gayong ako’y dalaga?” tanong ni Maria. Sumagot ang anghel, “Bababa sa iyo ang Espiritu Santo, at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan. Kaya’t banal ang ipanganganak mo at tatawaging Anak ng Diyos. Natatandaan mo ang iyong kamag-anak na si Elisabet? Alam ng lahat na siya’y baog, ngunit naglihi siya sa kabila ng kanyang katandaan. At ngayo’y ikaanim na buwan na ng kanyang pagdadalantao – sapagkat walang hindi mapangyayari ang Diyos.”
Sumagot si Maria, “Ako’y alipin ng Panginoon. Mangyari sa akin ang iyong sinabi.” At nilisan siya ng anghel.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Isaias 40, 25-31
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Saan ninyo ngayon ipaparis ang Diyos?
Siya’y kanino itutulad?
Tumingin kayo sa sangkalangitan.
Sino ba ang lumikha ng mga bituin?
Sino ba ang sa kanila’y nagpapakilos
at isa-isang tumatawag sa kanilang pangalan?
Dahil sa kanyang kapangyarihan,
isa ma’y wala siyang nakaligtaan.
Israel, bakit ikaw ay nagrereklamo
na tila di alintana ng Panginoon
ang kabalisahan mo,
at tila di pansin ang iyong kaapihan?
Di ba ninyo alam, di ba ninyo talos,
na itong Panginoon ang walang hanggang Diyos?
Siya ang lumikha ng buong daigdig,
hindi siya napapagod;
sa isipan niya’y walang makatatarok.
Ang mga mahina’t napapagal ay pinalalakas.
Kahit kabataan
ay napapagod at nanlulupaypay.
Ngunit ang nagtitiwala sa Panginoon
ay magpapanibagong sigla.
Ang lakas nila’y matutulad
sa walang pagod na pakpak ng agila.
Sila’y tatakbo nang tatakbo
ngunit di manghihina,
lalakad nang lalakad
ngunit hindi mapapagod.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 102, 1-2. 3-4. 8 at 10
Panginoo’y papurihan, aba kong sariling buhay.
Panginoo’y papurihan, purihin mo, kaluluwa,
ang pangalan niyang banal purihin mo sa tuwina.
Ikaw, aking kaluluwa, ang Diyos ay papurihan,
at huwag mong lilimutin yaong kanyang kabutihan.
Panginoo’y papurihan, aba kong sariling buhay.
Ang lahat kong kasalana’y siya ang nagpapatawad,
ang anumang aking sakit, ginagamot niyang lahat.
Sa bingit ng kamatayan ako ay inililigtas,
at pinagpapala ako sa pag-ibig niya’t habag.
Panginoo’y papurihan, aba kong sariling buhay.
Kay ganda ng kalooban, mahabagin itong Diyos,
kung magalit ay banayad, kung umibig nama’y lubos.
Kung siya ay magparusa, di katumbas ng pagsuway;
di na tayo sinisingil sa nagawang kasalanan.
Panginoo’y papurihan, aba kong sariling buhay.
ALELUYA
Aleluya! Aleluya!
Panginoon nagliligtas
sa ati’y darating tiyak
mapalad s’yang makaharap.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 11, 28-30
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus: “Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na napapagal at nabibigatan sa inyong pasanin, at kayo’y pagpapahingahin ko. Pasanin ninyo ang aking pamatok, at mag-aral kayo sa akin; ako’y maamo at mababang-loob at makasusumpong kayo ng kapahingahan para sa inyong kaluluwa. Sapagkat maginhawang dalhin ang aking pamatok, at magaan ang pasaning ibibigay ko sa inyo.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Isaias 41, 13-20
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
“Ako ang Panginoong inyong Diyos
at siyang nagpapalakas sa inyo,
Ako ang may sabing:
‘Huwag kayong matatakot at tutulungan ko kayo.’”
Sinabi pa ng Panginoon,
“Israel, mahina ka man at maliit,
huwag kang matakot,
tutulungan kita,
Ako, ang Diyos ng Israel, ang magliligtas sa iyo.
Gagawin kitang tulad ng panggiik,
bago at matalim ang kanyang ngipin,
at ang mga bundok at burol
ay iyong gigiikin
at duduruging tila alikabok.
Itatahip sila, tatangayin ng hangin,
pagdating ng bagyo ay pakakalatin;
magdiriwang dahil sa akin na inyong Diyos,
pupurihin ninyo ako at dadakilain.
Pag ang aking baya’y
inabot ng matinding uhaw,
na halos matuyo
ang kanilang lalamunan,
Akong Panginoon ang gagawa ng paraan;
Akong Diyos ng Israel ay di mag-papabaya.
Sa tigang na burol
ay magkakailog,
sa gitna ng lambak
masaganang tubig ay bubukal;
Aking gagawin
na ang disyerto ay maging tubigan;
sa tuyong lupain
ay may mga batis na masusumpungan.
Ang mga disyerto’y
pupunuin ko ng akasya’t sedro,
kahoy na olibo at saka ng mirto;
kahoy na sipre, alerses at olmo.
at kung magkagayon,
makikita nila at mauunawa,
na ang nagbalangkas at lumikha nito
ay ang Panginoon, ang Banal ng Israel.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 144, 1 at 9. 10-11. 12-13ab
Pag-ibig ng D’yos ay ganap, sa tanan s’ya’y nahahabag.
Ang kadakilaan ng Diyos ko at Hari, aking ihahayag,
di ko titigilan magpakailanman ang magpasalamat.
Siya ay mabuti at kahit kanino’y hindi nagtatangi;
sa kanyang nilikha, ang pagtingin niya ay mamamalagi.
Pag-ibig ng D’yos ay ganap, sa tanan s’ya’y nahahabag.
Magpupuring lahat sa iyo, o Panginoon, ang iyong nilalang;
lahat mong nilikha ay pupurihan ka’t pasasalamatan.
Babanggitin nilang tunay na dakila ang ‘yong kaharian,
at ibabalitang tunay kang dakila’t makapangyarihan.
Pag-ibig ng D’yos ay ganap, sa tanan s’ya’y nahahabag.
Dakila mong gawa’y upang matalastas ng lahat ng tao,
mababatid nila ang kadakilaan ng paghahari mo.
Ang paghahari mo’y sadyang walang hanggan, hindi magbabago.
Pag-ibig ng D’yos ay ganap, sa tanan s’ya’y nahahabag.
ALELUYA
Isaias 45, 8
Aleluya! Aleluya!
Pumatak na waring ulan
nawa’y umusbong din naman
ang Manunubos ng tanan.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 11, 11-15
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga tao: “Sinasabi ko sa inyo: sa mga isinilang, walang lumilitaw na higit na dakila kay Juan Bautista; ngunit ang pinakaaba sa mga taong pinaghaharian ng Diyos ay dakila kaysa sa kanya. Mulang nang mangaral si Juan Bautista hanggang ngayon, ang kaharian ng Diyos ay nagdaranas ng karahasan at inaagaw ng mararahas. Sapagkat ang mga propeta at Kautusan ay nagpahayag tungkol sa paghahari ng Diyos hanggang sa dumating si Juan. Kung maniniwala kayo, siya ang Elias na darating. Ang may pandinig ay makinig!”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Isaias 48, 17-19
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Ganito ang sabi ng Banal ng Israel,
ng Panginoong mong sa iyo’y tumubos:
“Ako ang Panginoong iyong Diyos.
Tuturuan kita para ka umunlad,
papatnubayan kita saan ka man pumunta,
Kung sinusunod mo lang ang mga utos ko,
pagpapala sana’y dadaloy sa iyo,
parang ilog na di natutuyo ang agos.
Tagumpay mo sana ay sunud-sunod,
parang dating ng alon sa dalampasigan.
Ang lahi mo sana’y
magiging sinadami ng buhangin sa dagat,
at tinitiyak kong
hindi sila mapapahamak.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 1, 1-2. 3. 4 at 6
Ang sumusunod sa Poon ay sa liwanag hahantong.
Mapalad ang taong hindi naaakit niyong masasama,
upang sundan niya ang kanilang payo’t maling halimbawa;
hindi sumasama sa sinumang taong ang laging adhika’y
pagtawanan lamang at hamak-hamakin ang Diyos na dakila.
Nagagalak siyang laging magsasaliksik ng banal na aral,
ang utos ng Poon siyang binubulay sa gabi at araw.
Ang sumusunod sa Poon ay sa liwanag hahantong.
Ang katulad niya’y isang punongkahoy sa tabing batisan,
sariwa ang daho’t laging namumunga sa kapanahunan,
at anumang gawin ay nakatitityak na magtatagumpay.
Ang sumusunod sa Poon ay sa liwanag hahantong.
Ngunit ibang-iba ang masamang tao; ipa ang kawangis,
siya’y natatangay at naipapadpad kung hangi’y umihip.
Sa taong matuwid ay Panginoon ang s’yang mag-iingat,
ngunit kailanman ang mga masama ay mapapahamak.
Ang sumusunod sa Poon ay sa liwanag hahantong.
ALELUYA
Aleluya! Aleluya!
Ang Panginoo’y darating
siya’y ating salubungin
s’ya’y kapayapaan natin.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 11, 16-19
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga tao, “Sa ano ko nga ihahambing ang tao ngayon? Katulad sila ng mga batang nakaupo sa plasa at sumisigaw sa kanilang mga kalaro, ‘Tinugtugan namin kayo ng plauta, ngunit hindi kayo sumayaw! Nanambitan kami, ngunit hindi kayo tumangis!’ Sapagkat naparito si Juan na nag-aayuno at di umiinom ng alak, at sinasabi nila, ‘Inaalihan siya ng demonyo!’ Naparito rin ang Anak ng Tao, na kumakain at umiinom, at sinasabi naman nila, ‘Masdan ninyo ang taong ito! Matakaw at maglalasing, kaibigan ng mga publikano at mga makasalanan!’ Gayunman, ang karunungan ng Diyos ay napatutunayang tama sa pamamagitan ng kanyang mga gawa.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Zecarias 2, 14-17
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Zacarias
Sinabi ng Panginoon, “Umawit ka sa kagalakan, bayan ng Sion, pagkat maninirahan na ako sa piling mo.”
Sa araw na yaon, maraming bansa ang sama-samang magpupuri sa Panginoon at pasasakop sa kanya. Siya’y maninirahan sa gitna ninyo. Sa gayun, malalaman ninyong sinugo ako ng Panginoon. Muli niyang kukupkupin, ituturing na kanyang sarili, at itatangi ang Jerusalem.
Manahimik sa harapan ng Panginoon ang lahat ng nilalang, pagkat siya’y tumindig mula sa kanyang templo.
Ang Salita ng Diyos.
o kaya:
Pahayag 11, 19a; 12, 1-6a. 10ab
Pagbasa mula sa aklat ng Pahayag
Nabuksan ang templo ng Diyos sa langit, at nakita ang Kaban ng Tipan.
Kasunod nito’y lumitaw sa langit ang isang kagila-gilalas na tanda: isang babaing nararamtan ng araw at nakatuntong sa buwan; ang ulo niya’y may koronang binubuo ng labindalawang bituin. Malapit na siyang manganak kaya’t napasigaw siya sa matinding sakit at hirap.
Isa pang tanda ang lumitaw sa langit: isang pulang dragon na napakalaki. Ito’y may pitong ulo at smapung sungay, at may korona ang bawat ulo. Sinaklot ng kanyang buntot ang ikatlong bahagi ng mga bituin sa langit at inihagis ang mga iyon sa lupa. Pagkatapos ay tumayo siya sa paanan ng babaing malapit nang manganak upang lamunin ang sanggol sa sandaling ito’y isilang. At ang babae ay nagsilang ng sanggol na lalaki, ngunit may umagaw sa bata at dinala ito sa Diyos, sa kanyang trono. Ang sanggol na ito ang itinakdang maghahari sa lahat ng bansa sa pamamagitan ng kamay na bakal. Ang babae naman ay tumakas patungo sa ilang, sa isang dakong inihanda ng Diyos para sa kanya.
At narinig ko ang isang malakas na tinig buhat sa langit na nagsasabi, “Dumating na ang pagliligtas ng Diyos! Ipinamalas na niya ang kanyang kapangyarihan bilang Hari! Ipinamalas na ng Mesiyas ang kanyang karapatan!”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Judith 13, 18bkde. 19
Pinupuri kang lubusan ng lahat sa ating bayan.
Anak, sumasainyo ang pagpapala ng Diyos na Kataas-taasan.
Higit kang pinagpala kaysa lahat ng babae sa lupa.
Purihin ang Panginoon, ang Diyos na lumalang sa langit at lupa.
Pinupuri kang lubusan ng lahat sa ating bayan.
Ang pananalig sa Diyos na nag-udyok sa iyo
ay hindi na mapaparam sa isip ng mga tao
habang ginugunita nila ang kapangyarihan ng Diyos.
Pinupuri kang lubusan ng lahat sa ating bayan.
ALELUYA
Lucas 1, 28
Aleluya! Aleluya!
Aba, Ginoong Maria,
napupuno ka ng grasya,
D’yos ay kapiling mo t’wina.
MABUTING BALITA
Lucas 1, 26-38
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, ang anghel Gabriel ay sinugo ng Diyos sa Nazaret, Galilea, sa isang dalaga na ang pangala’y Maria. Siya’y nakatakdang ikasal kay Jose, isang lalaki buhat sa lipi ni Haring David. Paglapit ng anghel sa kinaroroonan ng dalaga, binati niya ito. “Matuwa ka! Ikaw ay kalugod-lugod sa Diyos,” wika niya. “Sumasaiyo ang Panginoon!” Nagulumihanan si Maria sa gayong pangungusap, at inisip niyang mabuti kung ano ang kahulugan niyon. Kaya’t sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Maria, sapagkat kinalulugdan ka ng Diyos. Makinig ka! Ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang lalaki, at siya’y tatawagin mong Hesus. Magiging dakila siya, at tatawaging Anak ng Kataas-taasan. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang amang si David. Maghahari siya sa angkan ni Jacob magpakailanman, at ang kanyang paghahari ay walang hanggan.”
“Paanong mangyayari ito, gayong ako’y dalaga?” tanong ni Maria. Sumagot ang anghel, “Bababa sa iyo ang Espiritu Santo, at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan. Kaya’t banal ang ipanganganak mo at tatawaging Anak ng Diyos. Natatandaan mo ang iyong kamag-anak na si Elisabet? Alam ng lahat na siya’y baog, ngunit naglihi siya sa kabila ng kanyang katandaan. At ngayo’y ikaanim na buwan na ng kanyang pagdadalantao – sapagkat walang hindi mapangyayari ang Diyos.”
Sumagot si Maria, “Ako’y alipin ng Panginoon. Mangyari sa akin ang iyong sinabi.” At nilisan siya ng anghel.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
o kaya:
Lucas 1, 39-47
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Si Maria’y nagmamadaling pumunta sa isang bayan sa kaburulan ng Juda. Pagdating sa bahay ni Zacarias, binati niya si Elisabet. Nang marinig ni Elisabet ang bati ni Maria, naggagalaw ang sanggol sa kanyang tiyan. Napuspos ng Espiritu Santo si Elisabet, at buong galak na sinabi, “Pinagpala ka sa mga babae, at pinagpala rin ang dinadala mo sa iyong sinapupunan! Sino ako upang dalawin ng ina ng aking Panginoon? Sapagkat pagkarinig ko ng iyong bati ay naggagalaw sa tuwa ang sanggol sa aking tiyan. Mapalad ka sapagkat nanalig kang matutupad ang ipinasasabi sa iyo ng Panginoon!”
At sinabi ni Maria,
“Ang puso ko’y nagpupuri sa Panginoon,
at nagagalak ang aking Espiritu dahil sa Diyos na aking Tagapagligtas.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Isaias 61, 1-2a. 10-11
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Pinuspos ako ng Panginoon
ng kanyang Espiritu.
Hinirang niya ako
upang ang magandang balita’y
dalhin sa mahihirap,
pagalingin ang sugat ng puso,
palayain ang mga bihag at bilanggo.
Sinugo n’ya ako,
upang ibalitang ngayo’y panahon nang
iligtas ng Panginoon ang mga tao na hinirang niya.
At ang Jerusalem
sa ginawang ito’y pawang malulugod,
anaki’y dalagang gayak ay pangkasal,
siya’y parang dinamtan
ng kaligtasan at pagtatagumpay.
Kung paanong ang binhi
ay tiyak na tutubo at sisibol,
gayun ang pagliligtas ng Panginoon
sa bayang kanyang hinirang.
Dahil dito, lahat ng bansa
ay magpupuri sa kanya.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Lucas 1, 46-48. 49-50. 53-54
Sa Poong D’yos malulugod ang hinirang niyang lungsod.
Ang puso ko’y nagpupuri sa Panginoon,
at nagagalak ang aking espiritu dahil sa Diyos na aking Tagapagligtas.
Sapagkat nilingap niya ang kanyang abang alipin!
At mula ngayon, ako’y tatawaging mapalad ng lahat ng salinlahi.
Sa Poong D’yos malulugod ang hinirang niyang lungsod.
Dahil sa mga dakilang bagay na ginawa sa akin ng Makapangyarihan –
Banal ang kanyang pangalan!
Kinahahabagan niya ang mga may takot sa kanya, sa lahat ng sali’t saling lahi.
Sa Poong D’yos malulugod ang hinirang niyang lungsod.
Binusog niya ang mabubuting bagay ang mga nagugutom,
at pinalayas niyang wala ni anuman ang mayayaman.
Tinulungan niya ang kanyang bayang Israel,
bilang pagtupad sa pangako niya sa ating mga magulang.
Sa Poong D’yos malulugod ang hinirang niyang lungsod.
IKALAWANG PAGBASA
1 Tesalonica 5, 16-24
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Tesalonica
Mga kapatid:
Magalak kayong lagi; maging matiyaga sa pananalangin. Ipagpasalamat ninyo sa pangalan ni Kristo Hesus ang lahat ng pangyayari, sapagkat yaon ang ibig ng Diyos.
Huwag ninyong hadlangan ang Espiritu Santo. Huwag ninyong hamakin ang anumang pahayag mula sa Diyos. Suriin ninyo ang lahat ng bagay at pulutin ang mabuti. Lumayo kayo sa lahat ng uri ng kasamaan. Nawa’y lubusan kayong pabanalin ng Diyos na siyang nagbibigay ng kapayapaan. At nawa’y panatilihin niyang walang kapintasan ang buo ninyong katauhan – ang espiritu, kaluluwa, at katawan – hanggang sa pagparito ng ating Panginoong Hesukristo. Tapat ang tumawag sa inyo, at gagawin niya ang mga bagay na ito.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Isaias 61, 1
Aleluya! Aleluya!
Espiritu ng Maykapal
nasa akin upang hat’dan
ang mga dukha nga aral.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 1, 6-8. 19-28
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Sinugo ng Diyos ang isang tao na nagngangalang Juan. Naparito siya upang magpatotoo tungkol sa ilaw at manalig sa ilaw ang lahat dahil sa patotoo niya. Hindi siya ang ilaw kundi naparito siya upang magpatotoo tungkol sa ilaw.
Nang suguin ng mga Judio sa Jerusalem ang ilang saserdote at Levita upang itanong kung sino siya, sinabi ni Juan ang katotohanan. Sinabi niyang hindi siya ang Mesias. “Kung gayo’y sino ka?” tanong nila. “Ikaw ba si Elias?” “Hindi po,” tugon niya. “Ikaw ba ang Propetang hinihintay namin?” Sumagot siya, “Hindi po.” “Sino ka kung gayun?” Tanong nila uli. “Sabihin mo sa amin para masabi namin sa mga nagsugo sa amin. Ano ang masasabi mo tungkol sa iyong sarili?” Sumagot si Juan, “Ako ‘Ang tinig ng isang sumisigaw sa ilang: Tuwirin ninyo ang daraanan ng Panginoon!’” Ang Propeta Isaias ang maysabi nito. Ang mga nagtanong ay sugo ng mga Pariseo. Muli nilang tinanong si Juan, “Bakit ka nagbibinyag, hindi pala naman ikaw ang Mesias, ni si Elias, ni ang Propeta?” Sumagot siya, “Ako’y nagbibinyag sa tubig, ngunit nasa gitna ninyo ang isang hindi ninyo nakikilala. Siya ang susunod sa akin, subalit hindi ako karapat-dapat magkalag man lamang ng tali ng kanyang panyapak.” Ito’y nangyari sa Betania, sa ibayo ng Jordan na pinagbibinyagan ni Juan.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Roma 10, 9-18
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma
Mga kapatid, kung ipahahayag ng iyong mga labi na si Hesus ay Panginoon at mananalig ka nang buong puso na siya’y muling binuhay ng Diyos, maliligtas ka. Sapagkat nananalig ang tao sa pamamagitan ng kanyang puso at sa gayo’y napawawalang-sala; at nagpapahayag sa pamamagitan ng kanyang labi at sa gayo’y naliligtas. Sinasabi sa Kasulatan, “Hindi mabibigo ang sinumang nananalig sa kanya.” Walang pagkakaiba ang katayuan ng Judio at ng Griego. Iisa ang Panginoon ng lahat at siya ang nagkakaloob ng kanyang kayamanan sa lahat ng tumatawag sa kanya. Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, “Maliligtas ang lahat ng tumatawag sa pangalan ng Panginoon.”
Ngunit paanong tatawagan ng mga tao ang hindi nila sinasampalatayanan? Paano silang mananampalataya kung wala pa silang napapakinggan tungkol sa kanya? Paano naman silang makakapakinig kung walang nangangaral? At paanong makapangangaral ang sinuman kung hindi siya isinusugo? Ayon sa nasusulat, “O kay inam na makitang dumarating ang mga nagdadala ng Mabuting Balita!” Ngunit hindi lahat ay naniwala sa Mabuting Balita. Ganito ang sabi ni Isaias, “Panginoon, sino ang naniwala sa sinabi namin?” Kaya’t ang pananampalataya ay bunga ng pakikinig; at makakapakinig lamang kung may mangangaral tungkol kay Kristo.
Ngunit ang tanong ko’y hindi ba sila nakapakinig? Nakapakinig nga sila. Sapagkat,
“Abot sa lahat ng dako ang tinig nila, at ang mga salita nila’y laganap sa sanlibutan.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 18, 2-3. 4-5
Laganap na sa daigdig ang kanilang mga tinig.
Ang langit ay naghahayag na ang Diyos ay dakila!
Malinaw na nagsasaad kung ano ang kanyang gawa!
Bawat araw, bawat gabi, ang ulat ay walang patlang,
patuloy na nag-uulat sa sunod na gabi’t araw.
Laganap na sa daigdig ang kanilang mga tinig.
Walang tinig o salitang ginagamit kung sabagay,
at wala ring naririnig na kahit na anong ingay;
gayun pa man, sa daigdig ay laganap yaong tinig,
ang balita’y umaabot sa duluhan ng daigdig.
Laganap na sa daigdig ang kanilang mga tinig.
ALELUYA
Mateo 4, 19
Aleluya! Aleluya!
Sumunod kayo sa akin
at kayo’y aking gagawing
katambal ko sa tungkulin.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 4, 18-22
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sa paglalakad ni Hesus sa tabi ng Lawa ng Galilea, nakita niya ang dalawang mangingisda, si Simon na tinatawag na Pedro, at ang kapatid niyang si Andres. Sila’y naghahagis ng lambat. Sinabi niya sa kanila, “Sumunod kayo sa akin, at gagawin ko kayong mamamalakaya ng mga tao.” Noon di’y iniwan nila ang kanilang mga lambat at sumunod kay Hesus.
Nagpatuloy siya ng paglakad at nakita rin niya ang magkapatid na Santiago at Juan, mga anak ni Zebedeo. Sila’y nasa bangka, kasama ang kanilang ama, at naghahayuma ng lambat. Tinawag din sila ni Hesus. Agad nilang iniwan ang bangka at ang kanilang ama, at sumunod kay Hesus.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Isaias 11, 1-10
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Sa araw na iyon, sa lahi ni Jesse ay lilitaw ang isang hari,
tulad ng supling mula sa isang tuod.
Mananahan sa kanya ang Espiritu ng Poon,
Bibigyan siya ng katalinuhan at pagkaunawa,
ng kaalaman at kapangyarihan,
ng karunungan at takot sa Panginoon.
Kagalakan niya ang tumalima sa Poon.
Hindi siya hahatol ayon sa nakikita
O batay sa narinig sa iba.
Bibigyan niya ng katarungan ang mga dukha,
ipagtatanggol ang karapatan ng mga kawawa.
Ang salita niya’y parang tungkod na ipapalo sa malulupit,
ang hatol niya’y kamatayan sa masasama.
Katarungan at katapatan ang paiiralin niya sa kanyang pamamahala.
Maninirahan ang asong-gubat sa piling ng kordero,
matutulog ang leopardo sa tabi ng batang kambing,
Magsasama ang guya at ang batang leon,
at ang mag-aalaga sa kanila’y batang paslit.
Ang baka at ang oso’y magkasamang manginginain,
ang mga anak nila’y magkakatabing matutulog,
kakain ng damo ang leon na animo’y toro.
Maglalaro ang batang pasusuhin sa tabi ng lungga ng ahas,
hindi maaamo ang bata kahit laruin ang ulupong.
Walang mananakit o mamiminsala
sa nasasaklaw ng banal na bundok;
sapagkat kung paanong puno ng tubig ang karagatan,
laganap sa buong lupain ang pagkakilala sa Panginoon.
Sa araw na iyon, isisilang ang hari mula sa lahi ni Jesse,
ang magiging palatandaan para sa mga bansa.
Ang mga baya’y tutungo sa banal na lungsod upang parangalan siya.
at magiging maningning ang kanyang luklukan.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 71, 2. 7-8. 12-13. 17
Mabubuhay s’yang marangal at sasagana kailanman.
Turuan mo yaong, haring humatol ng katuwiran,
Sa taglay mong katarungan, O Diyos, siya’y bahaginan;
Upang siya’y maging tapat mamahala sa ‘yong bayan;
at pati sa mahihirap maging tapat siyang tunay.
Mabubuhay s’yang marangal at sasagana kailanman.
Yaong buhay na mat’wid sa kanyang kapanahunan,
madama ng bansa niya at umunlad habang buhay.
Yaong kanyang kaharian ay palawak nang palawak,
mula sa Ilog Eufrates, sa daigdig ay kakalat.
Mabubuhay s’yang marangal at sasagana kailanman.
Kanya namang ililigtas ang sinumang tumatawag,
lalo yaong nalimot nang mga taong mahihirap;
sa ganitong mga tao’y siya’y lubhang nahahabag;
sa kanila tumutulong, upang sila ay maligtas.
Mabubuhay s’yang marangal at sasagana kailanman.
Nawa yaong kanyang ngalan ay h’wag nang malimutan
manatiling laging bantog na katulad nitong araw.
Nawa siya ay purihin ng lahat ng mga bansa,
at sa Diyos, silang lahat dumadalanging:
“Harinawa pagpalain kaming lahat,
tulad niyang pinagpala.”
Mabubuhay s’yang marangal at sasagana kailanman.
ALELUYA
Aleluya! Aleluya!
Panginoon ay darating,
bibigyan n’ya ng paningin
mga bulag na gagaling
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 10, 21-24
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Nang oras ding iyon, si Hesus ay napuspos ng galak ng Espiritu Santo. At sinabi niya, “Pinasasalamatan ng langit ay lupa, sapagkat inilihim mo sa marurunong at pantas ang mga bagay na ito at inihayag mo sa mga taong ang kalooba’y tulad ng sa bata. Oo, Ama, sapagkat gayon ang ikinalulugod mo.
Ibinigay sa akin ng aking Ama ang lahat ng bagay. Walang nakakikilala sa Anak kundi ang Ama, at walang nakakikilala sa Ama kundi ang Anak at yaong marapating pagpahayagan ng Anak.”
Humarap si Hesus sa mga alagad at sinabi, na di naririnig ng iba: “Mapalad kayo, sapagkat nakita ninyo ang inyong nakikita ngayon! Sinasabi ko sa inyo, maraming propeta at mga hari ang nagnasang makakita ng inyong nakikita ngunit hindi nila nakita. Hinangad din nilang mapakinggan ang inyong naririnig ngunit hindi nila napakinggan.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Isaias 25, 6-10a
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Sa araw na iyon:
Sa Bundok ng Sion,
aanyayahan ng Panginoon ang lahat ng bansa,
gagawa siya ng isang piging para sa lahat
na ang handa’y masasarap na pagkain at inumin.
Sa bundok ding ito’y papawiin niya ang kalungkutang
naghahari sa lahat ng bansa.
Lubusan na niiyang papawiin ang kamatayan,
papahirin ng Panginoon ang luha ng lahat;
aalisin niya sa kahihiyan ang kanyang bayan.
Kung magkagayon, sasabihin ng lahat:
“Siya ang ating Diyos na ating pinagtitiwalaan,
ang inaasahan nating magliligtas sa atin;
magalak tayo at ipagdiwang ang kanyang pagliligtas.”
Iingatan ng Diyos ang bundok na ito.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 22, 1-3a. 3b-4. 5. 6
Lagi akong mananahan sa bahay ng Poong mahal.
Panginoo’y aking Pastol, hindi ako magkukulang.
Ako’y pinahihimlay sa mainam na pastulan,
at inaakay niya ako sa tahimik na batisan,
binibigyan niya ako niyong bagong kalakasan.
Lagi akong mananahan sa bahay ng Poong mahal.
At sang-ayon sa pangako na kaniyang binitiwan
sa matuwid na landisa’y doon ako inaakay.
Kahit na ang daang iyo’y tumatahak sa karimlan,
hindi ako matatakot pagkat ika’y kaagapay;
ang tungkod mo at pamalo ang gabay ko at sanggalang.
Lagi akong mananahan sa bahay ng Poong mahal.
Sa harapan ng lingkod mo, ikaw ay may handang dulang,
ito’y iyong ginagawang nakikita ng kaaway;
Nalulugod ka sa akin na ulo ko ay langisan
at pati na ang kalis ko ay iyong pinaaapaw.
Lagi akong mananahan sa bahay ng Poong mahal.
Tunay na ang pag-ibig mo at ang iyong kabutihan,
sasaaki’t tataglayin habang ako’y nabubuhay;
doon ako sa templo mo lalagi at mananahan.
Lagi akong mananahan sa bahay ng Poong mahal.
ALELUYA
Aleluya! Aleluya!
Panginoong nagliligtas
sa ati’y darating tiyak
mapalad syang makaharap.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 15, 29-37
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, nagbalik si Hesus sa tabi ng Lawa ng Galilea. At siya’y umahon sa burol at naupo. Nagdatingan ang napakaraming tao na may dalang mga pilay, bulag, pinagkaw, pipi, at marami pang iba. Inilagay nila ang mga maysakit sa harapan ni Hesus at kanyang pinagaling sila. Namangha ang mga tao nang makita nilang nagsasalita na ang mga pipi, gumaling na ang mga pingkaw, nakalalakad na ang mga pilay, at nakakikita na ang mga bulag. At nagpuri sila sa Diyos ng Israel.
Tinawag ni Hesus ang kanyang mga alagad at sinabi, “Nahahabag ako sa mga taong ito, sapagkat tatlong araw na ngayong kasama ko sila at wala na silang makain. Hindi ko ibig na sila’y paalising gutom; baka sila mahilo sa daan.” At sinabi ng mga alagad, “Saan po tayo kukuha rito ng tinapay na makasasapat sa gayong karaming tao?” “Ilan ang tinapay ninyo riyan?” tanong ni Hesus sa kanila. “Pito po,” sagot nila, “at ilang maliliit na isda.” Ang mga tao’y pinaupo ni Hesus sa lupa. Kinuha niya ang pitong tinapay at ang mga isda at nagpapasalamat sa Diyos. Pagkatapos, pinagpira-piraso niya ang mga iyon at ibinigay sa mga alagad para sa ipamahagi sa mga tao. Kumain ang lahat at nabusog; at nang tipunin nila ang mga tinapay na lumabis, nakapuno sila ng pitong bakol na malalaki.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Isaias 26, 1-6
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Sa araw na iyo’y ganito ang aawitin sa Juda:
“Matatag ang ating lungsod,
Hindi tayo maaano,
Matibay ang muog.
Bayaang bukas ang mga pintuan,
Upang makapasok ang bayang matapat.
Binibigyan mo ng lubod na kapayapaan
Ang mga taong matapat na tumatalima
At nagtitiwala sa iyo.
Magtiwala kayong lagi sa Panginoon,
Pagkat siya ang kublihang walang hanggan.
Ibinababa niya ang mga palalo,
Lungsod mang matatag ay ibinabagsak;
Pati muog ay winawasak,
Hanggang sa maging tapakan ng mga taong-hamak
At tuntungan ng mga mahirap.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 117, 1 at 8-9. 19-21. 25-27a
Pinagpala’ng dumarating sa ngalan ng Poon natin.
o kaya: Aleluya.
O pasalamatan
ang Panginoong Diyos, pagkat siya’y mabuti;
ang kanyang pag-ibig
ay napakatatag at mananatili.
Mabuting di hamak,
na doon sa Poon magtiwala ako,
kaysa panaligan yaong mga tao.
Higit ngang mabuting
ang pagtitiwala sa Poon ibigay,
kaysa pamunuan ang ating asahan.
Pinagpala’ng dumarating sa ngalan ng Poon natin.
Ang mga pintuan
ng banal na templo’y inyo ngayong buksan,
ako ay papasok,
at itong Panginoo’y papupurihan.
ito yaong pintong
pasukan ng Poon, ang Panginoong Diyos;
tanging ang matuwid
ang pababayaang doo’y makapasok!
aking pinupuri
Ikaw, O Poon, yamang pinakinggan,
dininig mo ako’t pinapagtagumpay.
Pinagpala’ng dumarating sa ngalan ng Poon natin.
Kami ay iligtas,
tubusin mo, Poon, kami ay iligtas,
at pagtagumpayin sa layuni’t hangad.
Ang pumaparito
sa ngalan ng Poon ay pagpapalain;
magmula sa templo,
mga pagpapala’y kanyang tatanggapin!
ang Poon ang Diyos.
Pinagpala’ng dumarating sa ngalan ng Poon natin.
ALELUYA
Isaias 55, 6
Aleluya! Aleluya!
Hanapin ang Poong mahal
s’ya’y ating matatagpuan
sa kanya tayo magdasal.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 7, 21. 24-27
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Hindi lahat ng tumatawag sa akin, ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa kaharian ng langit, kundi yaon lamang sumusunod sa kalooban ng aking Amang nasa langit.
“Kaya’t ang bawat nakikinig at nagsasagawa ng mga salita kong ito ay matutulad sa isang taong matalino na nagtayo ng kanyang bahay sa ibabaw ng bato. Umulan nang malakas, bumaha, at binayo ng malakas na hangin ang bahay na iyon, ngunit hindi nagiba sapagkat nakatayo sa ibabaw ng bato. Ang bawat nakikinig ng aking mga salita at hindi nagsasagawa nito ay matutulad sa isang taong hangal na nagtayo ng kanyang bahay sa buhanginan. Umulan nang malakas, bumaha, at binayo ng malakas na hangin ang bahay. Bumagsak ang bahay na iyon at lubusang nawasak.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Isaias 29, 17-24
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Ito ang sinasabi ng Panginoon:
“Hindi magluluwat,
ang kagubatan ay magiging bukurin,
at ang bukurin ay magiging kagubatan.”
Sa panahong iyon
maririnig ng bingi ang pagbasa sa isang aklat;
at makakakita ang mga bulag.
Ang mababang-loob ay muling liligaya
sa piling ng Panginoon,
at pupurihin ng mga dukha
ang Banal ng Israel.
Sapagkat ang malupit at mapang-upasala
ay mawawala na,
gayon din ang lahat ng mahilig sa kasamaan.
Lilipulin ng Panginoon ang lahat ng naninirang-puri,
mga sinungaling na saksi
at nagkakait ng katarungan sa mga matuwid.
Ito ang sinasabi ng Panginoon,
ang Diyos na tumubos kay Abraham,
tungkol sa sambahayan ni Jacob:
“Mula ngayon, ang bayang ito ay wala nang dapat ikahiya o ikatakot man.
kung makita ng kanyang mga anak
ang aking mga ginawa,
iingatan nilang banal ang aking pangalan;
Igagalang nila ang itinatanging Banal ni Jacob,
at dadakilain ang Diyos ng Israel.
Ang mga nalilihis sa katotohanan
ay magtatamo ng kaunawaan,
Ang mga matigas ang ulo ay tatanggap na ng pangaral,”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 26, 1. 4. 13-14
Panginoo’y aking tanglaw, siya’y aking kaligtasan.
Tanglaw ko’y ang Poon, aking kaligtasan,
kaya walang takot ako kaninuman;
sa mga panganib kanyang iingatan,
kaya naman ako’y walang agam-agam.
Panginoo’y aking tanglaw, siya’y aking kaligtasan.
Isang bagay lamang ang aking mithiin,
isang bagay itong sa Poon hinihiling:
ang ako’y lumagi sa banal na templo
upang kagandahan niya’y mamasdan ko
at yaong patnubay niya ay matamo.
Panginoo’y aking tanglaw, siya’y aking kaligtasan.
Ako’y nananalig na bago mamatay
masasaksihan ko ang ‘yong kabutihan
na igagawad mo sa mga hinirang.
Sa Panginoong Diyos tayo’y magtiwala!
Ating patatagin ang paniniwala;
tayo ay umasa sa kanyang kalinga!
Panginoo’y aking tanglaw, siya’y aking kaligtasan.
ALELUYA
Aleluya! Aleluya!
Panginoon ay darating,
bibigyan n’ya ng paningin
mga bulag na gagaling.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 9, 27-31
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, pag-alis ni Hesus sa lugar na iyon, sinundan-sundan siya ng dalawang lalaking bulag. Sumisigaw sila na ang wika, “Anak ni David, mahabag kayo sa amin!” Pagpasok ni Hesus sa bahay, lumapit sa kanya ang mga bulag. Tinanong sila ni Hesus, “Naniniwala ba kayo na magagawa ko ito?” “Opo, Panginoon,” sagot nila. At hinipo niya ang kanilang mga mata, at sinabi, “Mangyari sa inyo ang ayon sa inyong paniniwala.” At hinipo niya ang kanilang mga matam at sinabi, “Mangyari sa inyo ang ayon sa inyong paniniwala.” At nakakita na sila. Mahigpit na ipinagbilin sa kanila ni Hesus na huwag sasabihin ito kaninuman. Ngunit nang sila’y makaalis, ibinalita nila sa buong lupaing yaon ang ginawa sa kanila ni Hesus.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Isaias 30, 19-21. 23-26
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Ito ang sinasabi ng Panginoong Diyos na Banal ng Israel: Mga taga-Jerusalem, hindi na kayo tatangis nang matagal! Kayo’y diringgin niya sa inyong pagdaing. Kung ipahintulot man ng Panginoon na kayo’y magkasakit o magdanas ng hirap, siya na inyong guro, ay hindi magtatago sa inyo. Maririnig ninyo ang kanyang tinig at siya ang laging kaalakbay ninyo upang ituro ang inyong daraanan.
Bibigyan niya kyo ng masaganang ulan para sa inyong mga tanim upang kayo’y mag-ani nang sagana. Ang inyong mga kawan ay magkasusumpong ng malawak na pastulan. Ang mga pang-araro ninyong mga baka at asno ay mananagana sa pinakamainam na pagkain ng hayop. Mula sa matataas ninyong mga bundok at burol, dadaloy ang batis, pagdating ng panahon ng kakila-kilabot na pagpuksa at pagkawasak ng mga muog. Magliliwanag ang buwan na animo’y araw, at ang araw nama’y magliliwanag ng pitong ibayo, parang liwanag ng pitong araw na pinagsama-sama. Ito’y mangyayari sa araw na talian at pagalingin ng Panginoon ang sugat ng kanyang bayan.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 146, 1-2. 3-4. 5-6
Mapalad ang umaasa sa Panginoon tuwina.
Purihin ang Panginoon!
O kay buti ng umawit at magpuro sa ating Diyos,
ang magpuri sa kanya’y tunay na nakalulugod.
Ang Lungsod ng Jerusalem, muli niyang ibabalik,
sa kanyang mga lingkod, na natapon at nalupig.
Mapalad ang umaasa sa Panginoon tuwina.
Yaong mga pusong wasak ay kanya ring lulunasan,
ang natamo nilang sugat, agad-agad tatapalan.
Alam niya’t natitiyak ang bilang ng mga tala,
isa-isang tinatawag, yaong ngalang itinakda.
Mapalad ang umaasa sa Panginoon tuwina.
Panginoong ating Diyos ay daila at malakas,
ang taglay n’yang karunugan, ay walang makasusukat.
Yaong mapagkumbaba’y siya niyang itataas,
ngunit yaong mapaghambog sa lupa ay ibabagsak.
Mapalad ang umaasa sa Panginoon tuwina.
ALELUYA
Isaias 33, 22
Aleluya! Aleluya!
Panginoon, aming hukom,
Haring nag-uutos ngayon
kaligtasa’y ‘yong ihatol!
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 9, 35 – 10, 1. 6-8
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, nilibot ni Hesus ang mga bayan at nayon at nagturo sa mga sinagoga. Ipinangaral niya ang Mabuting Balita tungkol sa paghahari ng Diyos, at pinagaling ang mga maysakit, anuman ang kanilang karamdaman. Nang makita niya ang napakaraming tao, nahabag siya sa kanila sapagkat sila’y lito at lupaypay, parang mga tupang walang pastol. Kaya’t sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Sagana ang anihin, ngunit kakaunti ang mag-aani. Idalangin ninyo sa may-ari ng anihin na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang anihin.”
Tinipon ni Hesus ang labindalawang alagad at binigyan ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu at magpagaling ng mga may karamdaman. Sila’y pinagbilinan ni Hesus: “Hanapin ninyo ang mga nawawalang tupa ng sambahayan ng Israel. Humayo kayo at ipangaral ninyo na malapit nang maghari ang Diyos. Pagalingin ninyo ang mga maysakit at buhayin ang mga patay. Pagalingin ninyo ang mga ketongin at palayasin ang mga demonyo. Yamang tumanggap kayo nang walang bayad, magbigay naman kayo nang walang bayad.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Isaias 40, 1-5. 9-11
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
“Aliwin ninyo ang aking bayan.” sabi ng Diyos.
“Aliwin ninyo sila.”
Inyong ibalita sa bayang Jerusalem,
na hinango ko na sila sa pagkaalipin’
pagkat nagbayad na sila nang ibayo
sa pagkakasalang ginawa sa akin.
May tinig na sumisigaw:
“Ipaghanda ang Panginoon ng daan sa ilang;
isang patag at matuwid na lansangan para sa ating Diyos.
Tambakan ang mga lambak,
patagin ang mga burol at bundok
at pantayin ang mga baku-bakong daan.
Mahahayag ang kaningningan ng Panginoon
at makikita ng lahat.
Siya mismo ang nagsabi nito.”
At ikaw, O Jerusalem,
Mabuting Balita ay iyong ihayag,
ikaw, Sion,
umakyat ka sa tuktok ng bundok.
Ikaw ay sumigaw, huwag kang masisindak, sabihin sa Juda,
“Narito ang iyong Diyos!”
Dumarating ang Panginoon na Makapangyarihan
taglay ang gantimpala sa mga hinirang;
at tulad ng pastol,
yaong kawan niya ay kakalingain,
sa sariling bisig.
yaong mga tupa’y kanyang titipunin;
sa kanyang kandungan ay pagyayamanin,
at papatnubayan ang tupang may supling.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 84, 9ab-10. 11-12. 13-14
Pag-ibig mo’y ipakita, iligtas kami sa dusa.
Aking naririnig magmula sa Poon ang sinasalita;
sinasabi niyang ang mga lingkod n’ya’y magiging payapa,
kung mangagsisisi at di na babalik sa gawang masama.
Ang nagpaparangal sa pangalan niya’y kanyang ililigtas,
Sa ating lupain ay mananatili ang kanyang paglingap.
Pag-ibig mo’y ipakita, iligtas kami sa dusa.
Ang pagtatapatan at pag-iibiga’y magdadaup-palad,
ang kapayapaan at ang katwira’y magsasamang ganap.
Sa balat ng lupa’y pawang maghahari yaong pagtatapat,
at ang katarungan nama’y maghahari mula sa itaas.
Pag-ibig mo’y ipakita, iligtas kami sa dusa.
Gagawing maunlad ng Panginoong Diyos itong ating buhay,
ang mga halaman sa ating lupai’y bubungang mainam;
sa harapan niya yaong maghahari’y pawang katarungan,
magiging payapa’t susunod ang madla sa kanyang daan.
Pag-ibig mo’y ipakita, iligtas kami sa dusa.
IKALAWANG PAGBASA
2 Pedro 3, 8-14
Pagbasa mula sa ikalawang sulat ni Apostol San Pedro
Huwag ninyong kalilimutan ito, mga pinakamamahal: sa Panginoon, ang isang araw ay sanlibong taon, at ang sanlibong taon ay isang araw lamang. Ang Panginoon ay hindi nagpapabaya sa kanyang pangako tulad ng inaakala ng ilan. Hindi pa niya tinutupad ang pangakong tulad ng inaakala ng ilan. Hindi pa niya tinutupad ang pangakong iyon alang-alang sa inyo. Binibigyan niya ng pagkakataon ang lahat na makapagsisi at magbalik-loob sa Diyos, sapagkat hindi niya nais na kayo’y mapahamak.
Ngunit ang Araw ng Panginoon ay darating na tulad ng isang magnanakaw. Sa araw na yaon, ang kalangitan ay biglang mapaparam na may nakapangingilabot na ugong. Matutupok ang araw, buwan, at mga bituin, at ang lahat sa lupa ay malalantad. Yamang ganito ang magiging wakas ng lahat ng bagay, italaga na ninyo sa kanya ang inyong sarili at mamuhay nang ayon sa kanyang kalooban samantalang hinihintay ninyo ang Araw ng Diyos. Magsikap kayong mabuti upang madali ang pagdating ng Araw ng iyon – araw ng pagkatupok ng kalangitan at pagkatunaw sa matinding init ng mga bagong langit at ng bagong lupa na pinaghaharian ng katarungan.
Kaya nga, mga minamahal, samantalang kayo’y naghihintay, sikapin ninyong mamuhay na payapa, walang dungis at kapintasan.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Lucas 3, 4. 6
Aleluya! Aleluya!
Daan ng Poong nar’yan na
t’wiri’t ihanda sa kanya.
Pagtubos n’ya’y makikita.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 1, 1-8
Ang simula ng Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Ito ang Mabuting Balita tungkol kay Hesukristo na Anak ng Diyos. Nagsimula ito noong matupad ang hula ni Propeta Isaias:
“‘Narito ang sugo ko na aking ipadadalang mauuna sa iyo,
ihahanda niya ang iyong daraanan.’
Ito ang sabi ng isang sumisigaw sa ilang:
‘Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon, tuwirin ninyo ang kanyang mga landas!’”
At dumating nga sa ilang si Juan, nagbibinyag at nangangaral. Sinabi niya sa mga tao, “Pagsisihan ninyo’t talkdan ang inyong mga kasalanan, at pabinyag kayo upang kayo’y patawarin ng Diyos.” Halos lahat ng taga-Judea at taga-Jerusalem ay pumunta kay Juan upang makinig. Ipinahayag nila ang kanilang mga kasalanan at sila’y bininyagan niya sa Ilog Jordan.
Hinabing balahibo ng kamelyo ang damit ni Juan at balat ang kanyang pamigkis. Ang kanya namang pagkai’y balang at pulut-pukyutan. Lagi niyang sinasabi sa kanyang pangangaral, “Darating na kasunod ko ang isang makapangyarihan kaysa sa akin: ni hindi ako karapat-dapat magkalag ng tali ng kanyang mga panyapak. Binibinyagan ko kayo sa tubig, ngunit bibinyagan niya kayo sa Espiritu Santo.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Pahayag 14, 1-3. 4b-5
Pagbasa mula sa aklat ng Pahayag
Akong si Juan ay tumingin, at naroon ang Kordero na nakatayo sa Bundok ng Sion, kasama ang sandaa’t apatnapu’t apat na libong tao. Nakasulat sa kanilang noo ang pangalan ng Kordero at ang pangalan ng kanyang Ama. At narinig ko ang isang tinig mula sa langit na parang ugong ng isang mabilis na talon at dagundong ng kulog. Ang tinig narinig ko’y parang tugtugan ng mga manunugtog ng alpa. Sila’y umaawit ng isang bagong awit sa harap ng trono, at ng apat na nilalang na buhay, at ng dalawampu’t apat na matatanda. Walang makaunawa sa awit na yaon kundi ang sandaa’t apatnapu’t apat na libo na tinubos sa sanlibutan. Ito ang mga sumunod sa Kordero saanman siya magtungo. Sila’y tinubos mula sa buong sangkatauhan bilang mga unang handog sa Diyos at sa Kordero. Hindi sila nagsinungaling kailanman. Wala silang anumang kapintasan.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 23, 1-2. 3-4ab. 5-6
Panginoon, ang bayan mo ay dumudulog sa iyo.
Ang buong daigdig, lahat ng naroon,
may-ari’y ang Diyos, ating Panginoon;
ang mundo’y natayo at yaong sandiga’y
ilalim ng lupa, tubig kalaliman.
Panginoon, ang bayan mo ay dumudulog sa iyo.
Sino ang marapat umahon sa burol,
sa burol ng Poon, sino ngang aahon?
Sino’ng papayagang pumasok sa templo,
sino’ng tutulutang pumasok na tao?
Siya, na malinis ang isip at buhay,
na hindi sumamba sa diyus-diyusan;
tapat sa pangako na binibitiwan.
Panginoon, ang bayan mo ay dumudulog sa iyo.
Ang Panginoong Diyos, pagpapalain siya,
ililigtas siya’t pawawalang-sala.
Gayun ang sinumang lumalapit sa Diyos
silang lumalapit sa Diyos ni Jacob.
Panginoon, ang bayan mo ay dumudulog sa iyo.
ALELUYA
Mateo 24, 42a. 44
Aleluya! Aleluya!
Lagi tayong magtanod
sapagkat di natin talos
ang pagbabalik ni Hesus.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 21, 1-4
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, nang tumingin si Hesus, nakita niya ang mayayamang naghuhulog ng kanilang kaloob sa lalagyan nito sa templo. Nakita rin niya ang isang dukhang babaing balo na naghulog ng dalawang kusing. Ang wika ni Hesus, “Sinasabi ko sa inyo: ang dukhang balong iyon ay naghulog nang higit kaysa kanilang lahat. Sapagkat bahagi lang ng di na nila kailangan ang kanilang ipinagkaloob, ngunit ibinigay ng balong iyon na dukhang-dukha ang buo niyang ikabubuhay.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Pahayag 14, 14-19
Pagbasa mula sa aklat ng Pahayag
Akong si Juan ay tumingin, at nakita ko ang isang puting ulap, at nakaupo rito ang isang nilikhang animo’y tao, may koronang ginto at may hawak na isang matalas na karit.
Isa pang anghel ang lumabas mula sa templo at malakas na nagsalita sa nakaupo sa ulap, “Gamitin mo na ang iyong karit, gumapas ka na sapagkat panahon na; hinog na ang anihin sa lupa.” Ikinampay ng nakaupo sa ulap ang kanyang karit, at nagapas ang anihin sa lupa.
At isa pang anghel ang nakita kong lumabas sa templo sa langit; may hawak din siyang matalas na karit.
Lumabas mula sa dambana amg isa ring anghel, ang namamahala sa apoy. Sinabi niya sa anghel na may matalas na karit, “Gamitin mo na ang iyong karit, at anihin mo ang mga ubas sa lahat ng ubasan sa lupa, sapagkat hinog na!” Kaya’t ikinampay ng anghel ang kanyang karit, inani ang mga ubas, at inihagis sa pisaan, na siyang matinding poot ng Diyos.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 95, 10. 11-12. 13
Panginoo’y paririto upang hatulan n’ya tayo.
“Panginoo’y siyang hari,” sa daigdig ay sabihin,
“Sanlibuta’y matatag na, kahit ito ay ugain;
sa paghatol sa nilikha, lahat ay pantay sa paningin.”
Panginoo’y paririto upang hatulan n’ya tayo.
Lupa’t langit ay magsaya, umugong ang kalaliman,
lahat kayo na nilikhang nasa tubig ay magdiwang.
Ang bukirin at ang lahat ng naroon ay sumigaw,
pati mga punongkahoy sa galak ay mag-awitan.
Panginoo’y paririto upang hatulan n’ya tayo.
Ang Poon ay pupurihin, pagkat siya ay daratal,
paririto sa daigdig, upang lahat ay hatulan.
Tapat siya kung humatol at lahat ay pantay-pantay.
Panginoo’y paririto upang hatulan n’ya tayo.
ALELUYA
Pahayag 2, 10k
Aleluya! Aleluya!
Manatili kang matapat
hanggang iyong kamatayan
pagkat buhay, aking bigay.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 21, 5-11
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, pinag-uusapan ng ilang tao ang templo – ang kahanga-hangang mga bato na ginamit dito at ang mga palamuti nito na inihandog ng mga tao. Kaya’t sinabi ni Hesus, “Darating ang panahong lahat ng nakikita ninyong iyan ay iguguho, walang batong ititira sa ibabaw ng kapwa bato.”
Tinanong nila si Hesus, “Guro, kailan po ito mangyayari? At ano ang magiging palatandaan na ito’y magaganap na?”
Sumagot siya, “Mag-ingat kayo at nang hindi mailigaw ninuman! Sapagkat marami ang darating sa aking pangalan na magsasabi, ‘Ako ang Mesias!’ at, ‘Dumating na ang panahon!’ Huwag kayong susunod sa kanila. Huwag kayong susunod sa kanila. Huwag kayong mababagabag kung makabalita kayo ng mga digmaan at mga himagsikan. Dapat mangyari ang mga ito, ngunit hindi darating karaka-raka ang wakas.” At sinabi pa niya, “Makikipagdigma ang bansa laban sa kapwa bansa at ang kaharian sa kapwa kaharian. Magkakaroon ng malalakas na lindol, magkakagutom at magkakasalot sa iba’t ibang dako. May lilitaw na mga kakila-kilabot na bagay at mga kagila-gilalas na tanda buhat sa langit.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Pahayag 15, 1-4
Pagbasa mula sa aklat ng Pahayag
Akong si Juan ay nakakita ng isa pang kagila-gilalas na pangitain sa langit: pitong anghel na may dalang pitong salot. Ito ang panghuling mga salot sapagkat dito magwawakas ang poot ng Diyos.
May nakita akong animo’y dagat na kristal na nagliliyab. Nakita ko rin ang mga nagtagumpay laban sa halimaw at sa larawan nito, at sa nagtataglay ng pangalang katumbas ng isang bilang. Nakatayo sila sa dagat na animo’y kristal, hawak ang mga alpang ibinigay ng Diyos. Inaawit nila ang awit ni Moises na lingkod ng Diyos, at ang awit ng Kordero:
“Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat,
dakila at kahanga-hanga ang iyong mga gawa!
O Hari ng mga bansa,
matuwid at totoo ang iyong mga daan!
Sino ang hindi matatakot sa iyo, Panginoon?
Sino ang tatangging magpahayag ng iyong kadakilaan?
Ikaw lamang ang banal!
Lahat ng mga bansa ay lalapit
at sasamba sa iyo,
sapagkat nakita ng lahat ang matuwid mong mga gawa”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 97, 1. 2-3ab. 7-8. 9
Poong Diyos na Dakila, gawa mo’y kahanga-kahanga.
Umawit ng bagong awit at sa Poon ay ialay,
pagkat yaong ginawa n’ya ay kahanga-hanggang tunay!
Sa sariling lakas niya at taglay na kabanalan,
walang hirap na natamo yaong hangad na tagumpay.
Poong Diyos na Dakila, gawa mo’y kahanga-kahanga.
Ang tagumpay niyang ito’y siya na rin ang naghayag,
sa harap ng mga bansa’y nahayag ang pagliligtas.
Ang pangako sa Israel lubos niyang tinutupad.
Poong Diyos na Dakila, gawa mo’y kahanga-kahanga.
Umingay ka, karagatan, at lahat ng lumalangoy,
umawit ang daigdigan at lahat ng naroroon.
Umugong sa palakpakan pati yaong kalaliman;
umawit ding nagagalak ang lahat ng kabundukan.
Poong Diyos na Dakila, gawa mo’y kahanga-kahanga.
Pagkat siya’y dumarating maghahari sa daigdig;
taglay niya’y katarungan at paghatol na matuwid.
Poong Diyos na Dakila, gawa mo’y kahanga-kahanga.
ALELUYA
Pahayag 2, 10k
Aleluya! Aleluya!
Manatili kang matapat
hanggang iyong kamatayan,
pagkat buhay, aking bigay.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 21, 12-19
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Darakpin kayo’t uusigin. Kayo’y dadalhin sa mga sinagoga upang litisin at ipabilanggo. At dahil sa akin ay ihaharap kayo sa mga hari at mga gobernador. Ito ang pagkakataon ninyo upang magpatotoo tungkol sa akin. Ipanatag ninyo ang inyong kalooban, huwag kayong mababalisa tungkol sa pagtatanggol sa inyong sarili; sapagkat bibigyan ko kayo ng katalinuhan at ng pananalitang hindi kayang tutulan o pabulaanan ng sinuman sa inyong mga kaaway. Ipagkakanulo kayo ng inyong mga magulang, mga kapatid, mga kamag-anak, at mga kaibigan. At ipapapatay ang ilan sa inyo. Kapopootan kayo ng lahat dahil sa akin, ngunit hindi mawawala ni isang hibla ng inyong buhok. Sa inyong pagtitiis ay tatamuhin ninyo ang buhay na walang hanggan.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Pahayag 18, 1-2. 21-23; 19, 1-3. 9a
Pagbasa mula sa aklat ng Pahayag
Akong si Juan ay nakakita ng isang anghel na bumababa mula sa langit na may malaking kapangyarihan. Nagliwanag ang buong daigdig dahil sa kanyang kaningningan. Ubos-lakas siyang sumigaw: “Bumagsak na siya. Bumagsak na ang tanyag na Babilonia! Tahanan na lamang siya ngayon ng mga demonyo. Bilangguan ng masasamang espiritu, at pugad ng marumi at kasuklam-suklam na mga ibon.”
Isang makapangyarihang anghel ang kumuha ng isang batong animo’y malaking gilingan. Ubos-lakas niyang inihagis iyon sa dagat, sabay-wika, “Ganito ibabagsak ang tanyag na lungsod ng Babilonia, at hindi na siya makikitang muli! Hindi na maririnig sa iyo ang tinig ng mga mang-aawit at ang himig na likha ng mga manunugtog ng alpa, plauta, at trompeta! Hindi na makikitang muli sa iyo ang mga dalubhasa sa anumang uri ng gawain, at hindi na maririnig ang ingay ng mga gilingan! Hindi ka na muling matatanglawan ng kahit isang ilawan; hindi na maririnig ang masasayang tinig ng ikinakasal. Sapagkat naging makapangyarihan sa buong daigdig ang iyong mangangalakal, dinaya mo ang lahat ng bansa sa pamamagitan ng pangkukulam.”
Pagkatapos nito, narinig ko ang wari’y pinag-isang tinig ng maraming tao sa langit at umaawit ng ganito, “Purihin ang Panginoon! Ang pagliligtas, ang karangalan, at ang kapangyarihan ay tanging sa Diyos! Matuwid at tama ang kanyang hatol! Hinatulan niya ang reyna ng kahalayan na nagpapasama sa lupa. Pinarusahan siya ng Diyos dahil sa pagpatay sa lingkod ng Panginoon!” Muli silang umawit, “Purihin ang Panginoon!”
At sinabi sa akin ng anghel, “Isulat mo ito: Mapalad ang inanyayahan sa piging sa kasal ng Kordero.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 99, 2. 3. 4. 5
Mapalad ang anyayahan ng Korderong ikakasal.
Umawit sa kagalakan ang lahat ng mga bansa!
Panginoo’y papurihan, paglingkuran siyang kusa;
lumapit sa harap niya at umawit na may tuwa!
Mapalad ang anyayahan ng Korderong ikakasal.
Ang Panginoo’y ating Diyos! Ito’y dapat malaman,
tayo’y kanya, kanyang lahat, tayong lahat na nilalang;
lahat tayo’y bayan niya, kabilang sa kanyang kawan.
Mapalad ang anyayahan ng Korderong ikakasal.
Pumasok ka sa kanyang templo na ang puso’y nagdiriwang,
umaawit nagpupuri sa loob ng dakong banal,
purihin ang ngalan niya at siya’y pasalamatan!
Mapalad ang anyayahan ng Korderong ikakasal.
Mabuti ang Panginoon, pag-ibig niya’y walang hanggan,
Siya’y Diyos na mabuti’t laging tapat kailanman.
Mapalad ang anyayahan ng Korderong ikakasal.
ALELUYA
Lucas 21, 28
Aleluya! Aleluya!
Naririto, malapit na
ang kaligtasang pag-asa
upang ating matamasa.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 21, 20-28
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Kapag nakita ninyong kubkob na ng mga hukbo ang Jerusalem, talastasin ninyong malapit na ang pagkawasak nito. Dapat tumakas sa kabundukan ang mga nasa Judea, at umalis ng lungsod ang mga naroon; huwag nang pumasok doon ang mga nasa kabukiran. Sapagkat ito ang ‘Mga Araw ng Pagpaparusa,’ bilang katuparan ng mga nasasaad sa Kasulatan. Kawawa ang nagdadalantao at nagpapasuso sa mga araw na iyon! Sapagkat darating ang malaking kapighatian sa lupaing ito, at ang poot ng Diyos sa bansang ito. Mamatay sila sa tabak, at dadalhing bihag sa lahat ng bansa. At ang Jerusalem ay magiging busabos ng mga Hentil hanggang sa matapos ang panahong itinakda sa mga ito.
“Magkakaroon ng mga tanda sa araw, sa buwan, at sa mga bituin. Sa lupa, ang mga bansa ay masisindak at malilito dahil sa ugong at mga daluyong ng dagat. Ang mga tao’y hihimatayin sa takot dahil sa pag-iisip sa mga sakunang darating sa sanlibutan; sapagkat mayayanig at mawawala sa kani-kanilang landas ang mga planeta at iba pang katulad nito na nasa kalawakan. Sa panahong iyon, ang Anak ng Tao’y makikita nilang dumarating na nasa alapaap, may dakilang kapangyarihan at malaking karangalan. Kapag nagsimula nang mangyari ang mga bagay na ito, magalak kayo sapagkat malapit na ang pagliligtas sa inyo.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Pahayag 20, 1-4. 11 – 21, 2
Pagbasa mula sa aklat ng Pahayag
Akong si Juan ay nakakita ng isang anghel na bumababa mula sa langit, hawak ang isang malaking kadena at ang susi ng banging walang hangganan ang lalim. Sinunggaban niya ang dragon, ang ahas noong unang panahon na siya ring Diyablo at Satanas, at ginapos ito sa loob ng sanlibong taon. At inihagis ito ng anghel sa banging walang hangganan ang lalim, saka sinarhan at tinatakan ang pinto nito upang hindi siya makalabas at makapandaya pa sa mga bansa hanggang di natatapos ang sanlibong taon. Pagkatapos noo’y palalayain siya sa loob ng maikling panahon.
Nakakita ako ng mga trono at ang mga nakalulok doon ay binigyan ng karapatang humatol. Nakita ko rin ang kaluluwa ng mga pinugutan dahil sa pagpapatotoo tungkol kay Hesus at paghahayag ng salita ng Diyos. Hindi sila sumamba sa halimaw o sa larawan nito ni tumanggap man ng tatak ng halimaw sa kanilang noo o kamay. Binuhay sila upang magharing kasama ni Kristo sa loob ng sanlibong taon.
Pagkatapos nito’y nakita ko ang isang malaking tronong puti at ang nakaluklok doon. Naparam ang lupa’t langit sa kanyang harapan, at hindi na nakita pang muli. At nakita kong nakatayo sa harap ng trono ang mga namatay, maging dakila at maging hamak, at binuksan ang mga aklat. Binuksan ang isa pang aklat, ang aklat ng buhay. Hinatulan ang mga patay ayon sa kanilang ginawa, gaya ng nasusulat sa mga aklat. Iniluwa ng dagat ang mga patay na nasa kanya. Inilabas din ng Kamatayan at ng Hades ang mga patay na nalagak sa kanila. Hinatulan ang lahat ayon sa kanilang mga ginawa. Pagkatapos ay itinapon sa lawang apoy ang Kamatayan at ang Hades. Ang lawang apoy na ito ang pangalawang kamatayan. Itinapon sa lawang apoy ang sinumang hindi nakasulat ang pangalan sa aklat ng buhay.
Pagkatapos nito, nakita ko ang isang bagong langit at isang bagong lupa. Wala na ang dating langit at lupa; wala na rin ang dagat. At nakita ko ang Banal na Lungsod, ang bagong Jerusalem, bumababang galing sa langit buhat sa Diyos, gaya ng babaing ikakasal, gayak na gayak sa pagsalubong sa lalaking mapapangasawa niya.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 83, 3. 4. 5-6a at 8a
Ang Diyos ay nananahan sa piling ng kanyang bayan.
Nasasabik ang lingkod mong sa patyo mo ay pumasok.
Ang buo kong pagkatao’y umaawit na may lugod,
sa masayang pag-awit ko pinupuri’y buhay na Diyos.
Ang Diyos ay nananahan sa piling ng kanyang bayan.
Panginoon, sa templo mo, mga maya’y nagpupugad,
maging ibong layang-laya sa templo mo’y nagagalak,
may inakay na kalinga sa tabi ng iyong altar;
O Poon, hari namin at Diyos na walang kupas.
Ang Diyos ay nananahan sa piling ng kanyang bayan.
Mapalad na masasabi, silang doo’y tumatahan
at palaging umaawit, nagpupuring walang hanggan.
Ang sa iyo umaasa’y masasabing mapalad din,
habang lumalakad, lalo mo nga silang palakasin.
Ang Diyos ay nananahan sa piling ng kanyang bayan.
ALELUYA
Lucas 21, 28
Aleluya! Aleluya!
Naririto, malapit na
ang kaligtasang pag-asa
upang ating matamasa.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 21, 29-33
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad ang isang talinghaga: “Tingnan ninyo ang puno ng igos at ibang punongkahoy. Kapag nagdadahon na ito, alam ninyong malapit na ang tag-araw. Gayun din naman, kapag nakita ninyong nangyayari na ang mga ito, malalaman ninyong malapit nang maghari ang Diyos. Tandaan ninyo: magaganap ang lahat ng ito bago mamatay ang lahat ng taong nabubuhay sa ngayon. Mawawala ang langit at ang lupa, ngunit ang salita ko’y hindi magkakabula”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Pahayag 22, 1-7
Pagbasa mula sa aklat ng Pahayag
Ako’y si Juan. Ipinakita sa akin ng anghel ng Panginoon ang ilog na nagbibigay-buhay. Ang tubig nitong sinlinaw ng kristal ay bumubukal sa trono ng Diyos at ng Kordero at umaagos sa gitna ng lansangan ng lungsod. Sa magkabilang panig ng ilog ay may punongkahoy na nagbibigay-buhay. Ang bunga nito’y iba-iba bawat buwan, at nakalulunas sa sakit ng mga bansa ang mga dahon nito. Walang masusumpungan doon na anumang sinumpa ng Diyos.
Matatagpuan sa lungsod ang trono ng Diyos at ng Kordero, at sasambahin siya ng kanyang mga lingkod, at masusulat sa kanilang noo ang kanyang pangalan. Doo’y walang gabi, at hindi na sila mangangailangan ng mga ilawan o ng liwanag ng araw, pagkat ang Panginoong Diyos ang magiging ilaw nila, at maghahari sila magpakailanman.
At sinabi sa akin ng anghel, “Maaasahan at totoo ang mga salitang ito. Ang Panginoong Diyos, na nagkaloob ng kanyang Espiritu sa mga propeta, ang siyang nagsugo sa kanyang anghel upang ihayag sa mga lingkod niya ang mga bagay na magaganap sa lalong madaling panahon.”
“Makinig kayo!” wika ni Hesus. “Darating na ako! Mapalad ang tumutupad sa mga hulang nilalaman ng aklat na ito!”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 94, 1-2. 3-5. 6-7
Marana tha! Dumating Ka! Poong Hesus, halika na!
Tayo ay lumapit
sa ‘ting Panginoon, siya ay awitan,
ating papurihan
ang batong kublihan nati’t kalakasan.
Tayo ay lumapit,
sa kanyang harapan na may pasalamat,
Siya ay purihin,
ng mga awiting may tuwa at galak.
Marana tha! Dumating Ka! Poong Hesus, halika na!
Sapagkat ang Diyos,
ay ang Panginoong napakadakila,
ang dakilang Haring
higit sa sinuman na binabathala.
Nasa kanyang palad
ang buong daigdig, pati kalaliman;
ang lahat ay kanya
maging ang mataas nating kabundukan.
Kanya rin ang dagat
at pati ang lupa na kanyang nilalang.
Marana tha! Dumating Ka! Poong Hesus, halika na!
Tayo ay lumapit,
sa kanya’y sumamba at magbigay-galang,
lumuhod sa harap
nitong Panginoong sa ati’y lumalang.
Siya ang ating Diyos,
tayo ay kalinga niyang mga hirang,
mga tupa tayong inaalagaan.
Marana tha! Dumating Ka! Poong Hesus, halika na!
ALELUYA
Lucas 21, 36
Aleluya! Aleluya!
Manalanging walang humpay
samantalang hinihintay
si Hesus na Poong mahal.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 21, 34-36
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Mag-ingat kayo na huwag magumon sa katakawan at paglalasing at mabuhos ang inyong isip sa mga intindihin sa buhay na ito; baka abutan kayo ng Araw na yaon na hindi handa. Sapagkat darating iyon nang di inaasahan ng tao sa buong daigdig. Kaya’t maging handa kayo sa lahat ng oras. Lagi ninyong idalangin na magkaroon kayo ng lakas upang makaligtas sa lahat ng mangyayaring ito at makaharap sa Anak ng Tao.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Isaias 63, 16b-17. 19b; 64, 2b-7
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Ikaw lamang, Panginoon,
ang aming pag-asa’t Amang aasahan;
tanging ikaw lamng
yaong nagliligtas nitong aming buhay.
Bakit ba, Panginoon,
kami’y tinulutang maligaw ng landas,
at ang puso nami’y iyong binayaan
na maging matigas?
Balikan mo kami, iyong kaawaan,
ang mga lignkod mo na tanging iyo lamang.
Buksan mo ang langit
at ika’y bumaba sa mundong ibabaw,
at ang mga bundok
kapag nakita ka’y magsisipangatal.
Wala pang narinig na Diyos na tulad mo,
wala pang nakita ang sinumang tao;
pagkat ikaw lamang ang Diyos
na tumulong sa mga lingkod mo
na buong tiwalang nanalig sa iyo.
Iyong tinatanggap,
ang nagsisikap sa mabuting gawa,
at ang iyong aral at mga tuntunin ang ginugunita.
Nagagalit ka na’y tuloy pa rin kami sa pagkakasala,
ang ginawa nami’y talagang masama buhat pa nang una.
Ang lahat sa ami’y pawang nagkasala,
ang aming katulad
kahit anong gawin ay duming di hamak.
Ang nakakawangki ng sinapit nami’y
mga dahong lagas, sa simoy ng hangi’y
tinatangay ito at ipinapadpad.
Wala kahit isang dumulog sa iyo
upang dumalangin, wala kahit isang
lumapit sa iyo na tulong ay hingin;
kaya naman dahil sa aming sala’y
hindi mo kami pinansin.
Gayunman, Panginoon,
aming nalalamang ika’y aming Ama,
kami’y parang luwad at ikaw ang magpapalayok.
Ikaw ang lumikha
sa amin, Panginoon, at wala nang iba.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 79, 2ak at 3b. 15-16. 18-19
Akitin mo, Poong mahal, iligtas kami’t tanglawan.
Pastol ng Israel, kami ay pakinggan;
mula sa trono mong may mga kerubin, kami ay tulungan.
Sa taglay mong takas, kami ay iligtas, at tubusin sa hirap!
Akitin mo, Poong mahal, iligtas kami’t tanglawan.
Ika’y manumbalik,
O Diyos na Dakila! Pagmasdan mo kami mula sa itaas,
at ang punong ito’y muling pagyamanin, at iyong iligtas.
Lumapit ka sana,
ang puno ng ubas na itinanim mo ay iyong iligtas,
Yaong punong iyon na pinalago mo’t iyong pinalakas!
Akitin mo, Poong mahal, iligtas kami’t tanglawan.
Ang lingkod mong mahal
ay iyong ingatan, yamang hinirang mo ay iyong ipagsanggalang,
Iyong palakasin bilang isang bansang makapangyarihan!
At kung magkagayon,
magbabalik kami’t di na magtataksil sa ‘yo kailanman,
kami’y pasiglahi’t aming pupurihin ang iyong pangalan.
Akitin mo, Poong mahal, iligtas kami’t tanglawan.
IKALAWANG PAGBASA
1 Corinto 1, 3-9
Mga kapatid:
Sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Hesukristo.
Lagi akong nagpapasalamat sa Diyos dahil sa mga pagpapala niya sa inyo sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Sapagkat sa inyong pakikipag-isa sa kanya, kayo’y umunlad sa lahat ng paraan, maging sa pananalita at kaalaman. Ang katotohanang ipinangaral namin tungkol kay Kristo ay malinaw na nakikita sa inyo anupa’t hindi kayo nagkulang sa anumang kaloob na espirituwal, habang hinihintay ninyong mahayag ang ating Panginoong Hesukristo. Kayo’y aalalayan niya hanggang sa wakas upang matagpuan kayong walang kapintasan sa Araw ng ating Panginoong Hesukristo. Tapat ang Diyos na tumawag sa inyo upang kayo’y makipag-isa sa kanyang Anak na si Hesukristong ating Panginoon.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Salmo 84, 8
Aleluya! Aleluya!
Pag-ibig mo’y ipakita,
lingapin kami tuwina,
iligtas kami sa dusa!
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 13, 33-37
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos.
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Mag-ingat kayo at maging handa sapagkat hindi ninyo alam kung kailan ang takdang oras. Katulad nito’y isang taong umalis upang maglakbay sa malayong lupain: ipinababahala ang kanyang tahanan sa mga alipin na binigyan ng kanya-kanyang gawain, at inuutusan ang bantay pinto na maging laging handa sa kanyang pagdating. Gayun din naman, maging handa kayong lagi, sapagkat hindi ninyo alam kung kailan darating ang puno ng sambahayan – maaaring sa pagdilim, sa hatinggabi, sa madaling-araw, o kaya’y sa umaga – baka sa kanyang biglang pagdating ay maratnan kayong natutulog. Ang sinasabi ko sa inyo’y sinasabi ko sa lahat: Maging handa kayo!”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Ezekiel 47, 1-2. 8-9. 12
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Ezekiel
Noong mga araw na iyon, bumalik kami ng anghel sa pintuan ng templo. Sa ilalim nito’y may agos ng tubig papunta sa silangan. Ang templo’y paharap sa silangan. Ito’y nagmumula sa gawing timog na bahagi ng templo, sa gawing timog ng altar. Lumabas kami sa pintuan sa gawing hilaga at iniligid niya ako papalabas sa pintuan sa gawing silangan. Doon ay may mahinang agos ng tubig mula sa gawing timog ng hagdanan.
Sinabi niya sa akin, “Ang tubig na ito ay papunta sa dakong silangan, hanggang Dagat na Patay, malilinis ang tubig nito. Lahat ng lugar na abutin nito ay magkakaroon ng buhay. Sa magkabilang pampang ng ilog ay tutubo ang sari-saring punongkahoy na makakain ang bunga. Hindi malalanta ang mga dahon nito ni mawawalan ng bunga pagkat ang didilig dito ay ang tubig na umaagos mula sa templo; ito ay patuloy na mamumunga sa buong taon. Ang bunga nito ay pagkain, at gamot naman ang mga dahon.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 45, 2-3. 5-6. 8-9.
Sa bayan ng Dakilang D’yos batis n’ya’y may tuwang dulot.
Ang Diyos ang lakas natin at kanlungan,
at handang saklolo kung may kaguluhan;
di dapat matakot, mundo’y mayanig man,
kahit na sa dagat ang bundok mabuwal.
Sa bayan ng Dakilang D’yos batis n’ya’y may tuwang dulot.
May ilog ng galak sa bayan ng Diyos,
sa banal na templo’y ligaya ang dulot.
Ang tahanang-lungsod ay si masisira;
ito ang tahanan ng Diyos na Dakila,
mula sa umaga ay kanyang alaga.
Sa bayan ng Dakilang D’yos batis n’ya’y may tuwang dulot.
Nasa atin ang Diyos na Makapangyarihan,
ang Diyos ni Jacob na ating kanlungan.
Anuman ang kanyang ginawa sa lupa,
sapat nang pagmasdan at ika’y hahanga!
Sa bayan ng Dakilang D’yos batis n’ya’y may tuwang dulot.
IKALAWANG PAGBASA
1 Corinto 3, 9k-11. 16-17
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto
Mga kapatid, kayo ang gusali ng Diyos. Ayon sa kaloob ng Diyos sa akin, ako ang naglagay ng pundasyon, bilang mahusay na tagapagtayo. Iba naman ang nagpapatuloy ng pagtatayo na gusali. Ngunit maging maingat ang bawat nagtatayo, sapagkat wala nang ibang pundasyon na maaaring ilagay liban sa nailagay na, si Hesukristo.
Hindi ba ninyo alam na kayo’y templo ng Diyos at naninirahan sa inyo ang kanyang Espiritu? Parurusahan ng Diyos ang magwasak ng templo niya. Sapagkat banal ang templo ng Diyos, at kayo ang templong iyan.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
2 Cronica 7, 16
Aleluya! Aleluya!
Aking buhay na pinili
ay pagpapalaing lagi
nang ngalan ko’y manatili.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 2, 13-22
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Malapit na ang Paskuwa ng mga Judio, kaya’t pumunta si Hesus sa Jerusalem. Nakita niya sa templo ang mga nagbibili ng mga baka, mga tupa, at mga kalapati, at ang namamalit ng salapi. Gumawa siya ng isang panghagupit na lubid at ipinagtabuyang palabas ang mangangalakal, pati mga baka at tupa. Isinabong niya ang salapi ng mga namamalit at pinagtataob ang kanilang mga hapag. Sinabi niya sa mga nagbibili ng kalapati, “Alisin ninyo rito ang mga iyan! Huwag ninyong gawing palengke ang bahay ng aking Ama!” Naalala ng kanyang mga alagad na sinasabi sa Kasulatan, “Ang aking malasakit sa iyong bahay ay parang apoy na nag-aalab sa puso ko.”
Dahil dito’y tinanong siya ng mga Judio, “Anong tanda ang maibibigay mo upang patunayang may karapatan kang gawin ito?” Tumugon si Hesus, “Gibain ninyo ang templong ito at muli kong itatayo sa loob ng tatlong araw.” Sinabi ng mga Judio, “Apatnapu’t anim na taon na ginawa ang templong ito, at itatayo mo sa loob lamang ng tatlong araw?”
Ngunit ang templong tinutukoy ni Hesus ay ang kanyang katawan. Kaya’t nang siya’y muling mabuhay, naalaala ng kanyang mga alagad na sinabi niya ito; at naniwala sila sa Kasulatan at sa mga sinabi ni Hesus.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Tito 2, 1-8. 11-14
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo kay Tito
Pinakamamahal, ang ituro mo’y yaong wastong aral. Sabihin mo sa matatandang lalaki na sila’y maging mahinahon, marangal, matimpi, matatag sa pananampalataya at pag-ibig, at matiyaga. Sa matatandang babae naman sabihin mong sila’y mamuhay nang maayos, huwag maninirang-puri at huwag mahilig sa alak; magturo sila ng mabuti upang maakay nila ang mga kabataang babae na magmahal sa sariling asawa at mga anak. Ang mga babaing ito’y kailangan din nilang turuang maging mahinahon, malinis ang isipan, masipag, mabait, at masunurin sa kani-kanilang asawa upang walang masabi laban sa salita ng Diyos.
Pagbilinan mo rin ang mga kabataang lalaki na sila’y magpigil sa sarili. Sa lahat ng paraan, magpakita ka ng magandang halimbawa. Maging tapat ka sa iyong pagtuturo at huwag itong aariing biro. Wastong pangungusap ang lagi mong gagamitin upang hindi mapintasan ninuman ang sinasabi mo. Sa gayun, mapapahiya ang ating mga kalaban sapagkat wala silang maipaparatang sa atin.
Sapagkat inihayag ng Diyos ang kanyang kagandahang-loob na nagdudulot ng kaligtasan sa lahat ng tao. Ito ang siyang umaakay sa atin upang talikdan ang likong pamumuhay at damdaming makalaman. Kaya’t makapamumuhay tayo ngayon nang maayos, matuwid at karapat-dapat sa Diyos samantalang hinihintay natin ang ating inaasahan – ang dakilang Araw ng paghahayag sa ating dakilang Diyos at Tagapagligtas na si Hesukristo sa gitna ng kanyang kaningningan. Ibinigay niya ang kanyang sarili upang iligtas tayo sa lahat ng kalikuan at linisin para maging kanyang bayan na nakatalagang gumawa ng mabuti.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 36, 3-4. 18 at 23. 27 at 29
Nasa D’yos ang kaligtasan ng mga mat’wid at banal.
Umasa ka sa Diyos, ang mabuti’y gawin,
at mananahan kang ligtas sa lupain.
Sa Diyos mo hanapin ang kaligayahan,
at ang pangarap mo’y iyong makakamtan.
Nasa D’yos ang kaligtasan ng mga mat’wid at banal.
Iingatan ng Diyos yaong masunurin,
ang lupang minana’y di na babawiin.
Ang gabay ng tao sa kanyang paglalakad,
ay ang Panginoon, nang upang maligtas;
sa gawain niya, ang Diyos nagagalak.
Nasa D’yos ang kaligtasan ng mga mat’wid at banal.
Ang mabuti’y gawin, masama’y itakwil,
at mananahan kang lagi sa lupain.
Ang mga matuwid, ligtas na titira
at di na aalis sa lupang minana.
Nasa D’yos ang kaligtasan ng mga mat’wid at banal.
ALELUYA
Juan 14, 23
Aleluya! Aleluya!
Ang sa aki’y nagmamahal
tutupad sa aking aral.
Ama’t ako’y mananahan.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 17, 7-10
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sinabi ng Panginoon, “Ipalagay nating kayo’y may aliping nag-aararo, o nagpapastol kaya ng tupa. Pagkagaling niya sa bukid, sasabihin ba ninyo sa kanya, ‘Halika at nang makakain ka na’? Hindi! Sa halip ay ganito ang sinasabi ninyo: ‘Ipaghanda mo ako ng hapunan; magbihis ka, at silbihan mo ako habang ako’y kumakain. Kumain ka pagkakain ko.’ Pinasasalamatan ba ang alipin dahil sa ginawa niya ang iniutos sa kanya? Gayun din naman kayo; kapag nagawa na ninyo ang lahat ng iniutos sa inyo, sabihin ninyo, ‘Kami’y mga aliping walang kabuluhan; tumupad lamang kami sa aming tungkulin.’”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Tito 3, 1-7
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo kay Tito
Pinakamamahal, paalalahanan mo silang pasakop sa mga pinuno at mga maykapangyarihan, sundin ang mga ito, at amging handa sa paggawa ng mabuti. Pagbawalan mo silang magsalita ng masama kaninuman. Kailangang maging maunawain sila, mahinahon at maibigin sa kapayapaan. Noong una, tayo’y nalihis ng landas dahil sa ating kamangmangan at katigasan ng ulo; naging alipin tayo ng sariling damdamin at lahat ng uri ng kalayawan. Naghari sa atin ang masamang isipan at pagkainggit. Tayo’y kinapootan ng iba at sila’y kinapootan din natin. Ngunit nang mahayag ang kagandahang-loob at pag-ibig ng Diyos na ating Tagapagligtas, tayo’y iniligtas niya. Natamo natin ito hindi dahil sa ating mabubuting gawa, kundi dahil sa kanyang habag sa atin. Naligtas tayo at ipinanganak na muli sa Espiritu Santo na siyang luminis at nagbigay ng bagong buhay sa atin. Sa pamamagitan ng ating Tagapagligtas na si Hesukristo, ibinubuhos sa atin ng Diyos ang Espiritu Santo upang tayo’y pabanalin ng kanyang pag-ibig at kamtan natin ang buhay na ating inaasahan.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 22, 1-3a. 3b-4. 5. 6
Pastol ko’y Panginoong D’yos, hindi ako magdarahop.
Panginoo’y aking Pastol, hindi ako magkukulang.
Ako’y pinahihimlay sa mainam na pastulan,
at inaakay niya ako sa tahimik na batisan,
binibigyan niya ako niyong bagong kalakasan.
Pastol ko’y Panginoong D’yos, hindi ako magdarahop.
At sang-ayon sa pangako na kaniyang binitiwan
sa matuwid na landasi’y doon ako inaakay.
Kahit na ang daang iyo’y tumatahak sa karimlan,
hindi ako matatakot pagkat ika’y kaagapay;
ang tungkod mo at pamalo ang gabay ko at sanggalang.
Pastol ko’y Panginoong D’yos, hindi ako magdarahop.
Sa harapan ng lingkod mo, ikaw ay may handang dulang,
ito’y iyong ginagawang nakikita ng kaaway;
nalulugod ka sa akin na ulo ko ay langisan
at pati na ang kalis ko ay iyong pinaaapaw.
Pastol ko’y Panginoong D’yos, hindi ako magdarahop.
Tunay na ang pag-ibig mo at ang iyong kabutihan,
sasaaki’t tataglayin habang ako’y nabubuhay;
doon ako sa templo mo lalagi at mananahan.
Pastol ko’y Panginoong D’yos, hindi ako magdarahop.
ALELUYA
1 Tesalonika 5, 18
Aleluya! Aleluya!
Ang D’yos Ama’y naghahangad
lagi tayong pasalamat
kaisa ng kanyang Anak.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 17, 11-19
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Sa paglalakbay ni Hesus patungong Jerusalem, nagdaan siya sa hangganan ng Samaria at Galilea. Nang papasok na siya sa isang nayon, siya’y sinalubong ng sampung ketongin. Tumigil sila malayu-layo at humiyaw ng: “Hesus! Panginoon! Mahabag po kayo sa amin!” nang makita sila ay sinabi niya, “Humayo kayo at pakita sa mga saserdote.” At samantalang sila’y naglalakad, gumaling sila. Nang mapuna ng isa na siya’y magaling na, nagbalik siyang sumisigaw ng pagpupuri sa Diyos. Nagpatirapa siya sa paanan ni Hesus at nagpasalamat. Ang taong ito’y Samaritano. “Hindi ba sampu ang gumaling?” tanong ni Hesus. “Nasaan ang siyam? Wala bang nagbalik at nagpuri sa Diyos kundi ang dayuhang ito?” Sinabi sa kanya ni Hesus, “Tumindig ka’t humayo sa iyong lakad! Pinagaling ka dahil sa iyong pananalig.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Filemon 7-20
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo kay Filemon
Pinakamamahal ko, ang iyong pag-ibig ay nagdulot sa akin ng malaking katuwaan at kaaliwan, sapagkat dahil sa iyo, sumigla ang kalooban ng mga banal.
Dahil kay Kristo, maaari kong sabihing dapat mong gawin ito; gayunman, pag-ibig ang nagbunsod sa akin upang makiusap sa iyo. Akong si Pablo, sugo ni Kristo Hesus at ngayo’y nakabilanggo dahil sa kanya, ang nakikiusap sa iyo tungkol kay Onesimo, na naakit ko sa pananampalataya samantalang ako’y naririto sa bilangguan. Dati, wala kang pakinabang sa kanya, ngunit ngayo’y malaking tulong siya sa ating dalawa.
Pinababalik ko siya sa iyo, at para ko nang ipinadala sa iyo ang aking puso. Ibig ko sanang panatilihin siya sa aking piling, upang, sa halip mo, siya ang maglingkod sa akin habang ako’y nabibilanggo dahil sa Mabuting Balita. Ngunit ayokong gawin iyon nang wala kang pahintulot upang hindi maging sapilitan kundi kusa ang pagtulong mo sa akin.
Marahil, nawalay sa iyo nang kaunting panahon si Onesimo upang sa pagbabalik niya’y makasama mo siya habang panahon – hindi na bilang alipin kungi isang minamahal na kapatid. Mahal siya sa akin, ngunit lalo na sa iyo – hindi lamang bilang isang alipin kundi isang kapatid pa sa Panginoon!
Kaya’t kung inaari mo akong tunay na kasama, tanggapin mo siya tulad ng pagtanggap mo sa akin. Kung siya ma’y nagkasala sa iyo o nagkautang kaya, sa akin mo singilin. Ako ang siyang sumusulat nito; Ako, si Pablo, ang magbabayad sa iyo. Hindi ko na ibig banggitin na utang mo sa akin ang iyong pagkakilala kay Kristo. Ipinakikiusap ko sa iyo, alang-alang sa Panginoon, pagbigyan mo ang aking kahilingan, dulutan mo ng kaligayahan ang puso ko bilang kapatid kay Kristo!
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 145, 7. 8-9a. 9bk-10
Mapalad ang kinukupkop ng Poong Diyos ni Jacob.
o kaya: ALeluya.
Ang maaasahang lagi’y Panginoon,
panig sa naaapi, ang Diyos na hukom,
may pagkaing handa, sa nangagugutom.
Mapalad ang kinukupkop ng Poong Diyos ni Jacob.
Pinalaya niya ang mga nabihag;
isinasauli, paningin ng bulag;
lahat ng inapo ay itinataas,
ang mga hinirang niya’y nililingap.
Mapalad ang kinukupkop ng Poong Diyos ni Jacob.
Isinasanggalang ang mga dayuhang
sa lupain nila’y doon tumatahan;
tumutulong siya sa balo’t ulila,
masamang balangkas pinipigil niya.
Mapalad ang kinukupkop ng Poong Diyos ni Jacob.
Walang hanggang Hari, ang Diyos na Panginoon!
Ang Diyos mo, Sion, ay mananatili sa lahat ng panahon!
Mapalad ang kinukupkop ng Poong Diyos ni Jacob.
ALELUYA
Juan 15, 5
Aleluya! Aleluya!
Ako’y puno, kayo’y sanga;
kapag ako ay kaisa,
kayo’y t’yak na namumunga.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 17, 20-25
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, si Hesus ay tinanong ng mga Pariseo kung kailan itatatag ang kaharian ng Diyos. Sumagot siya, “Ang pagsisimula ng paghahari ng Diyos ay walang makikitang palatandaan. At wala ring magsasabing nagsisimula na roon o rini. Sapagkat ang totoo’y nagsimula nang maghari ang Diyos sa puso ng mga nananalig sa kanya.”
At sinabi niya sa mga alagad, “Darating ang panahong hahangarin ninyong makita ang isa sa mga araw na Anak ng Tao, ngunit hindi ninyo makikita iyon. At may magsasabi sa inyo, ‘Naroon siya!’ o, ‘Narini siya!’ Huwag kayong pumunta upang siya’y hanapin. Sapagkat pagsapit ng takdang araw, ang Anak ng Tao’y darating na parang kidlat. Ngunit kailangan munang magbata siya ng maraming hirap, at itakwil ng mga tao sa ngayon.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
2 Juan 4-9
Pagbasa mula sa ikalawang sulat ni Apostol San Juan
Hirang na Ginang, labis kong ikinagagalak na makitang namumuhay ayon sa katotohanan ang ilan sa iyong mga anak, alinsunod sa ito sa atin ng Ama. At ngayon, Ginang, ako’y may hihilingin sa iyo. Hindi isang bagong utos ang isinisulat ko sa iyo kundi ang dating utos na sa simula pa’y nasa atin na: mag-ibigan tayong lahat. Ito ang utos na ibinigay sa inyo noon pang una: mamuhay kayo ayon sa pag-ibig. At ito ang kahulugan ng pag-ibig na binabanggit ko: mamuhay ayon sa mga utos ng Diyos.
Sapagkat nagkalat sa sanlibutan ang mga magdaraya – mga taong hindi nagpapahayag na si Hesukristo’y naging tao. Ang gayong mga tao ay magdaraya at anti-Kristo. Mag-ingat nga kayo upang huwag mawala ang inyong pinagpaguran, kundi lubusan ninyong kamtan ang gantimpala.
Ang hindi nananatili sa turo ni Kristo kung nagdaragdag dito, ay hindi pinananahan ng Diyos. Sinumang nananatili sa turo ni Kristo ay pinanananhan ng Ama at ng Anak.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 118, 1. 2. 10. 11. 17. 18
Mapalad ang sumusunod sa utos ng Poong Diyos.
Mapalad ang mga taong malinis ang pamumuhay,
ayon sa utos ng Poon ang gawain araw-araw.
Mapalad ang sumusunod sa utos ng Poong Diyos.
Mapalad ang sumusunod sa kaniyang kautusan,
buong puso ang pagsunod sa utos na ibinigay.
Mapalad ang sumusunod sa utos ng Poong Diyos.
Buong puso ang hangad ko na ikaw ay paglingkuran,
sa pagsunod sa utos mo, huwag mo akong babayaan.
Mapalad ang sumusunod sa utos ng Poong Diyos.
Ang banal mong kautusa’y sa puso ko iingatan,
upang hindi magkasala laban sa ‘yo kailanman.
Mapalad ang sumusunod sa utos ng Poong Diyos.
Itong iyong abang lingkod, O Diyos, sana’y pagpalain,
upang ako ay mabuhay at ang utos mo ang sundin.
Mapalad ang sumusunod sa utos ng Poong Diyos.
Buksan mo ang paningin ko pagkat nananabik masdan,
yaong buting idudulot sa akin ng iyong aral.
Mapalad ang sumusunod sa utos ng Poong Diyos.
ALELUYA
Lucas 21, 28
Aleluya! Aleluya!
Naririto, malapit na
ang kaligtasang pag-asa
upang ating matamasa.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 17, 26-37
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sinabi nin Hesus sa kanyang mga alagad, “Ang pagparito ng Anak ng Tao ay matutulad sa kapanahunan ni Noe. Noon, ang mga tao’y nagsisikain at nagsisiinom, nag-aasawa, hanggang sa araw na sumakay si Noe sa daong. Dumating ang baha at namatay silang lahat. Gayun din noong panahon ni Lot. Ang mga tao’y nagsisikain at nagsisiinom, namimili at nagbibili, nagtatanim at nagtatayo ng bahay. Ngunit nang araw na umalis si Lot sa Sodoma, umulan ng apoy at asupre at natupok silang lahat. Gayun din sa pagdating ng Anak ng Tao.
“Sa araw na iyon, ang nasa bubungan ay huwag nang bumaba upang kunin ang kanyang mga ari-arian sa loob ng bahay. Ang nasa bukid ay huwag nang umuwi. Alalahanin ninyo ang nangyari sa asawa ni Lot. Ang sinumang magsikap na iligtas ang kanyang buhay ay mawawalan nito; ngunit ang sinumang mawalan ng kanyang buhay ay siyang makapagliligtas nito. Sinasabi ko sa inyo: may dalawang lalaking natutulog sa isang higaan sa gabing iyon; kukunin ang isa at iiwan ang isa. May dalawang babaing magkasamang gumigiling; kukunin ang isa at iiwan ang isa. May dalawang lalaking gumagawa sa bukid; kukunin ang isa at iiwan ang isa.” “Saan po, Panginoon?” tanong ng kanyang mga alagad. Sumagot siya, “Kung saan naroon ang mga bangkay, doon naman nagkakatipon ang mga buwitre.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
3 Juan 5-8
Pagbasa mula sa ikatlong sulat ni Apostol San Juan
Mahal kong kaibigang Gayo, ang iyong paglilingkod sa mga kapatid, kahit hindi mo kilala, ay nagpapatunay na tapat ka. Nagpatotoo sila sa simbahan rini tungkol sa iyong pag-ibig. At lalong mabuti kung matulungan mo sila sa kanilang paglalakbay, gaya ng nararapat sa mga lingkod ng Diyos. Sapagkat humayo sila sa ngalan ni Kristo at hindi tumatanggap ng anumang tulong sa mga di kumikilala sa Diyos. Dapat natin silang tangkilikin upang tayo’y makatulong sa pagpapalaganap ng katotohanan.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 111, 1-2. 3-4. 5-6
Mapalad s’ya na may takot sa D’yos na magandang-loob.
o kaya: Aleluya.
Mapalad ang tao na may takot sa Diyos,
Siyang sumusunod nang buong alindog.
Ang kanyang lipi’y magiging dakila,
pati mga angkan ay pinagpapala.
Mapalad s’ya na may takot sa D’yos na magandang-loob.
Magiging sagana sa kanyang tahanan
katarungan niya’y walang katapusan.
Ang taong matuwid, may bait at habag,
kahit sa madilim taglay ay liwanang.
Mapalad s’ya na may takot sa D’yos na magandang-loob.
Ang mapagpautang nagiging mapalad,
kung sa hanapbuhay siya’y laging tapat.
Hindi mabibigo ang taong matuwid,
di malilimutan kahit isang saglit.
Mapalad s’ya na may takot sa D’yos na magandang-loob.
ALELUYA
2 Tesalonica 2, 14
Aleluya! Aleluya!
Tayo’y tinawag ng Diyos
upang magningning na lubos
sa aral ni Kristo Hesus.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 18, 1-8
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, isinaysay ni Hesus sa kanyang mga alagad ang isang talinghaga upang ituro sa kaniyang na dapat silang manalanging lagi at huwag manghinawa.
“Sa isang lunsog,” wika niya, “may isang hukom na hindi natatakot sa Diyos at walang taong iginagalang. Sa lungsod ding iyon ay may isang babaing balo na punta nang punta sa hukom at humihingi ng katarungan. Tinanggihan siya ng hukom sa loob ng ilang panahon. Ngunit nang malaunan ay nasabi nito sa sarili: ‘Bagamat hindi ako natatakot sa Diyos ni gumagalang kaninuman, igagawad ko na katarungang hinihingi ng babaing ito sapagkat lagi niya akong ginagambala – baka pa ako mainis sa kapaparito niya,’” At sinabi ng Panginoon, “Narinig ninyo ang sinabi ng masamang hukom. Hindi ipagkakait ng Diyos ang katarungan sa kanyang mga hinirang na dumaraing sa kanya araw-gani, bagamat tila nagtatagal iyon. Sinasabi ko sa inyo, agad niyang igagawad sa kanila ang katarungan. Ngunit pagdating ng Anak ng Tao sa daigdig na ito, may makikita kaya siyang mga taong nananalig sa kanya?”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Kawikaan 31, 10-13. 19-20. 30-31
Pagbasa mula sa aklat ng Mga Kawikaan
Mahirap makakita ng mabuting asawa, higit sa mamahaling alahas ang kanyang halaga.
Lubos ang tiwala ng kanyang asawa, at saganang pakinabang ang makakamit niya.
Pinaglilingkuran niya ang kanyang asawa habang sila’y nabubuhay, pawang kabutihan ang ginagawa at di kasamaan.
Wala siyang tigil sa paggawa, hindi na halos nagpapahinga, humahabi ng kanyang lino at saka ng lana.
Siya’y gumagawa ng mga sinulid, at humahabi ng sariling damit.
Matulungin siya sa mahirap at sa nangangailangan ay bukas ang palad.
Magdaraya ang pang-akit at kumukupas ang ganda ngunit ang babaing may takot sa Panginoon ay pupurihin ng balana.
Ibunton sa kanya ang lahat ng parangal, karapat-dapat siya sa papuri ng bayan.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 127, 1-2. 3. 4-5
Mapalad ang sumusunod na taong may takot sa D’yos.
Mapalad ang bawat tao na sa Diyos ay may takot,
ang maalab na adhika’y sumunod sa kanyang utos.
Hindi siya magkukulang sa anumang kailangan,
ang buhay ay maligaya’t uunlad ang kanyang buhay.
Mapalad ang sumusunod na taong may takot sa D’yos.
Sa tahanan, ang asawa’y parang ubas na mabunga.
Bagong tanim na olibo sa may dulang ang anak n’ya.
Mapalad ang sumusunod na taong may takot sa D’yos.
Ang sinuman kung ang Diyos buong pusong susundin,
buhay niya ay uunlad at laging pagpapalain.
Mula sa Sion, pagpapala nawa ng Diyos ay tanggapin,
at makita habang buhay, pag-unlad ng Jerusalem.
Mapalad ang sumusunod na taong may takot sa D’yos.
IKALAWANG PAGBASA
1 Tesalonica 5, 1-6
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Tesalonica
Mga kapatid, hindi na kailangang isulat ko pa sa inyo kung kailan magaganap ang mga bagay na ito, sapagkat alam na ninyong ang pagdating ng Araw ng Panginoon ay tulad sa pagdating ng magnanakaw. Kapag sinasabi ng mga tao, “Tiwasay at panatag ang lahat,” biglang darating ang kapahamakan. Hindi sila makaiiwas sapagkat ang pagdating nito’y tulad ng pagsumpong ng pagdaramdam ng babaing manganganak. Ngunit hindi kayo nabubuhay sa kadiliman, mga kapatid, kaya’t hindi kayo mabibigla sa Araw na yaon na darating na parang magnanakaw. Kayong lahat ay kabilang sa panig ng kaliwanagan — sa panig ng araw — hindi sa panig ng kadiliman o ng gabi. Kaya nga, kailangang tayo’y manatiling gising, laging handa, at malinaw ang isip — di tulad ng iba.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Juan 15, 4a. 5b
Aleluya! Aleluya!
Sa Poon ay manatili
siya’y sa atin lalagi
mamungang maluwalhati.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 25, 14-30
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad ang talinghagang ito: “Ang paghahari ng Diyos ay maitutulad dito: May isang taong maglalakbay, kaya tinawag niya ang kanyang mga alipin at ipinagkatiwala sa kanila ang kanyang ari-arian. Binigyan niya ng salapi ang bawat isa ayon sa kanya-kanyang kakayahan: binigyan niya ang isa ng limanlibong piso, ang isa nama’y dalawanlibong piso, at ang isa pa’y sanlibong piso. Pagkatapos, siya’y umalis. Humayo agad ang tumanggap ng limanlibong piso at ipinangalakal iyon. At nagtubo siya ng limanlibong piso. Gayun din naman, ang tumanggap ng dalawanlibong piso ay nagtubo ng dalawanlibong piso. Ngunit ang tumanggap ng sanlibong piso ay humukay sa lupa at itinago ang salapi ng kanyang panginoon.
Pagkaraan ng mahabang panahon, bumalik ang panginoon ng mga aliping iyon at pinapagsulit sila. Lumapit ang tumanggap ng limang libo. Wika niya, ‘Panginoon, heto po ang limanlibo na bigay ninyo sa akin. Heto pa po ang limanlibo na tinubo ko.’ Sinabi sa kanya ng panginoon, ‘Magaling! Tapat at mabuting alipin! Yamang naging tapat ka sa kaunting halaga, pamamahalain kita sa malaking halaga. Makihati ka sa aking kagalakan!’ Lumapit din ang tumanggap ng dalawanlibong piso, at ang sabi, ‘Panginoon, heto po ang ibinigay ninyong dalawanlibong piso. Heto naman po ang dalawanlibong piso na tinubo ko.’ Sinabi ng kanyang panginoon, ‘Magaling! Tapat at mabuting alipin! Naging tapat ka sa kaunting halaga, kaya pamamahalain kita sa malaking halaga. Makihati ka sa aking kagalakan.’ At lumapit naman ang tumanggap ng sanlibong piso. ‘Alam ko pong kayo’y mahigpit,’ aniya. ‘Gumagapas kayo sa hindi ninyo tinamnan, at nag-aani sa hindi ninyo hinasikan. Natakot po ako, kaya’t ibinaon ko sa lupa ang inyong salapi. Heto na po ang sanlibong piso ninyo.’ ‘Masama at tamad na alipin!’ Tugon ng kanyang panginoon. ‘Alam mo palang gumagapas ako sa hindi ko tinamnan at nag-aani sa hindi ko hinasikan! Bakit hindi mo iyan inilagak sa bangko, di sana’y may nakuha akong tubo ngayon? Kunin ninyo sa kanya ang sanlibong piso at ibigay sa may sampunlibong piso. Sapagkat ang mayroon ay bibigyan pa, at mananagana; ngunit ang wala, kahit ang kakaunting nasa kanya ay kukunin pa. Itapon ninyo sa kadiliman sa labas ang aliping walang kabuluhan. Doo’y tatangis siya at magngangalit ang kanyang ipin.’”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
o kaya: Maikling Pagbasa
Mateo 25, 14-15. 19-21
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad ang talinghagang ito: “Ang paghahari ng Diyos ay maitutulad dito: May isang taong maglalakbay, kaya tinawag niya ang kanyang mga alipin at ipinagkatiwala sa kanila ang kanyang ari-arian. Binigyan niya ng salapi ang bawat isa ayon sa kanya-kanyang kakayahan: binigyan niya ang isa ng limanlibong piso, ang isa nama’y dalawanlibong piso, at ang isa pa’y sanlibong piso. Pagkatapos, siya’y umalis.
Pagkaraan ng mahabang panahon, bumalik ang panginoon ng mga aliping iyon at pinapagsulit sila. Lumapit ang tumanggap ng limang libo. Wika niya, ‘Panginoon, heto po ang limanlibo na bigay ninyo sa akin. Heto pa po ang limanlibo na tinubo ko.’ Sinabi sa kanya ng panginoon, ‘Magaling! Tapat at mabuting alipin! Yamang naging tapat ka sa kaunting halaga, pamamahalain kita sa malaking halaga. Makihati ka sa aking kagalakan!’
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Efeso 4, 32 – 5, 8
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Efeso
Mga kapatid, maging mabait kayo at maawain sa isa’t isa, at magpatawaran, tulad ng pagpapatawad sa inyo ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo.
Yamang kayo’y mga anak na minamahal ng Diyos, tularan niyo siya. Mamuhay kayong puspos ng pag-ibig tulad ni Kristo; dahil sa pag-ibig sa atin, inihandog niya ang kanyang buhay bilang mahalimuyak na hain ng Diyos.
Kayo’y mga hinirang ng Diyos, kaya’t hindi dapat mabanggit man lamang sa inyong usapan ang anumang uri ng pakikiapid, karumihan o pag-iimbot. Gayun din ang anumang malaswa o walang kabuluhang usapan at pagbibirong di nararapat. Sa halip, magpasalamat kayo sa Diyos. Alam ninyo na walang bahagi sa kaharian ni Kristo at ng Diyos ang taong mapakiapid, mahalay, o mapag-imbot sapagkat ang pag-iimbot ay pagsamba sa diyus-diyusan.
Huwag kayong padaya kaninuman sa pamamagitan ng mga pangangatwirang walang kabuluhan, sapagkat dahil sa mga gawang iyon, ang Diyos ay napopoot sa mga suwail. Kaya’t huwag kayong makikisangkot sa kanila. Dati, nasa kadiliman kayo, ngunit ngayo’y nasa liwanag sapagkat kayo’y sa Panginoon. Mamuhay kayo gaya ng nararapat sa mga taong naliwanagan.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 1, 1-2. 3. 4 at 6
Lahat kayong mahal ng D’yos sa kanya’y dapat sumunod.
Mapalad ang taong hindi naaakit niyong masasama,
upang sundan niya ang kanilang payo’t maling halimbawa;
hindi sumasama sa sinumang taong ang laging adhika’y
pagtawanan lamang at hamak-hamakin ang Diyos na dakila.
Nagagalak siyang laging magsasaliksik ng banal na aral,
ang utos ng Poon siyang binubulay sa gabi at araw.
Lahat kayong mahal ng D’yos sa kanya’y dapat sumunod.
Ang katulad niya’y isang punongkahoy sa tabing batisan,
sariwa ang daho’t laging namumunga sa kapanahunan,
at anumang gawin ay nakatitityak na magtatagumpay.
Lahat kayong mahal ng D’yos sa kanya’y dapat sumunod.
Ngunit ibang-iba ang masamang tao; ipa ang kawangis,
siya’y natatangay at naipapadpad kung hangi’y umihip.
Sa taong matuwid ay Panginoon ang s’yang mag-iingat,
ngunit kailanman ang mga masama ay mapapahamak.
Lahat kayong mahal ng D’yos sa kanya’y dapat sumunod.
ALELUYA
Juan 17, 17b. a
Aleluya! Aleluya!
Amang D’yos ni Hesukristo,
ang salita mo’y totoo
kami ay pabanalin mo.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 13, 10-17
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, si Hesus ay nagtuturo sa isang sinagoga sa Araw ng Pamamahinga. May isang babae roon na labingwalong taon nang may karamdaman, gawa ng masamang espiritung nasa kanya. Siya’y hukot na hukot at hindi na makaunat. Nang makita ni Hesus ang babae, tinawag niya ito at sinabi, “Magaling ka na sa iyong karamdaman!” At ipinatong ni Hesus ang kanyang mga kamay sa babae; noon di’y nakaunat ito at nagpuri sa Diyos. Ngunit nagalit ang tagapamahala ng sinagoga sapagkat nagpagaling si Hesus sa Araw ng Pamamahinga. Kaya’t sinabi niya sa mga tao, “May anim na araw na inilaan upang ipagtrabaho. Pumarito kayo sa mga araw na iyan upang magpagaling, at huwag sa Araw ng Pamamahinga.” Sinagot siya ng Panginoon, “Mga mapagpaimbabaw! Hindi ba’t kinakalag ninyo sa sabsaban ang inyong baka o asno at dinadala sa painuman kahit Araw ng Pamamahinga? Ang babaing ito na mula sa lipi ni Abraham ay ginapos ni Satanas sa loob ng labingwalong taon. Hindi ba dapat na siya’y kalagan kahit na Araw ng Pamamahinga?” Napahiya ang lahat ng kalaban ni Hesus sa sagot niyang ito; at nagalak naman ang madla sa mga kahanga-hangang bagay na ginawa niya.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Efeso 5, 21-33
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Efeso
Mga kapatid, pasakop kayo sa isa’t isa tanda ng inyong paggalang kay Kristo.
Mga babae, pasakop kayo sa inyu-inyong asawa tulad ng pagpapasakop ninyo sa Panginoon. Sapagkat ang lalaki ang ulo ng kanyang asawa, tulad ni Kristo na siyang ulo ng simbahan, na kanyang katawan, at siyang Tagapagligtas nito. Kung paanong nasasakop ni Kristo ang simbahan, gayon din naman, ang mga babae’y dapat pasakop nang lubusan sa kani-kanilang asawa.
Mga lalaki, ibigin ninyo ang inyu-inyong asawa, gaya ng pag-ibig ni Krisot sa simbahan. Inihandog niya ang kanyang buhay para rito, upang ang simabaha’y italaga ng Diyos matapos linisin sa pamamagitan ng tubig at ng salita. Ginawa niya ito upang maiharap sa kanyang sarili ang simbahan, marilag, banal, walang batik at walang anumang dungis o kulubot. Dapat mahalin ng mga lalaki ang kani-kanilang asawa tulad ng sariling nilang katawan. Ang lalaking nagmamahal sa kanyang asawa ay nagmamahal sa kanyang sarili. Walang taong namumuhi sa sarili niyang katawan, bagkus ito’y pinakakain at inaalagaan, gaya ng ginagawa ni Kristo sa simbahan. Tayo’y mga bahagi ng kanyang katawan. “Dahil dito, iiwan ng lalaki ang kanyang ama’t ina at magsasama sila ng kanyang asawa; at sila’y magiging isa.” Isang dakilang katotohanan ang inihahayag nito — ang kaugnayan ni Kristo sa simbahan ang tinutukoy ko. Subalit ito’y tumutukoy rin sa bawat isa sa inyo: mga lalaki, mahalin ninyo ang inyu-inyong asawa gaya ng inyong sarili; mga babae, igalang ninyo ang inyu-inyong asawa.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 127, 1-2. 3, 4-5
Mapalad ang sumusunod na taong may takot sa D’yos.
Mapalad ang bawat tao na sa Diyos ay may takot,
ang maalab na adhika’y sumunod sa kanyang utos.
Hindi siya magkukulang sa anumang kailangan,
ang buhay ay maligaya’t uunlad ang kanyang buhay.
Mapalad ang sumusunod na taong may takot sa D’yos.
Sa tahanan, ang asawa’y parang ubas na mabunga.
Bagong tanim na olibo sa may dulang ang anak n’ya.
Mapalad ang sumusunod na taong may takot sa D’yos.
Ang sinuman kung ang Diyos buong pusong susundin,
buhay niya ay uunlad at laging pagpapalain.
Mula sa Sion, pagpapala nawa ng Diyos ay tanggapin,
at makita habang buhay, pag-unlad ng Jerusalem.
Mapalad ang sumusunod na taong may takot sa D’yos.
ALELUYA
Mateo 11, 25
Aleluya! Aleluya!
Papuri sa Diyos Ama
pagkat ipinahayag n’ya
Hari s’ya ng mga aba.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 13, 18-21
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus, “Ano ang katulad ng paghahari ng Diyos? Saan ko ihahambing ito? Katulad ito ng isang butil ng mustasa na itinanim ng isang tao sa kanyang halamanan. Ito’y lumaki hanggang sa maging punongkahoy at namugad ang mga ibon sa mga sanga nito.”
Sinabi pa ni Hesus, “Saan ko itutulad ang paghahari ng Diyos? Katulad ito ng lebadurang inihalo ng isang babae sa tatlong takal na harina, anupat umalsa ang buong masa.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Efeso 2, 19-22
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Efeso
Mga kapatid, hindi na kayo dayuhan o taga-ibang bansa, kundi kababayan ng mga hinirang ng Diyos at kabilang sa kanyang sambahayan. Kayo’y itinayo rin sa saligan ng mga apostol at mga propeta, na ang batong panulukan ay si Kristo Hesus. At sa pamamagitan niya, nagkakaugnay-ugnay ang bawat bahagi ng gusali at nagiging isang templong banal. Dahil din sa inyong pakikipag-isa sa kanya, kayo ma’y kasama nilang naging bahagi ng tahanan ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 18, 2-3. 4-5
Laganap na sa daigdig ang kanilang mga tinig.
Ang langit ay naghahayag na ang Diyos ay dakila!
Malinaw na nagsasaad kung ano ang kanyang gawa!
Bawat araw, bawat gabi, ang ulat ay walang patlang,
patuloy na nag-uulat sa sunod na gabi’t araw.
Laganap na sa daigdig ang kanilang mga tinig.
Walang tinig o salitang ginagamit kung sabagay,
at wala ring naririnig na kahit na anong ingay;
gayun pa man, sa daigdig ay laganap yaong tinig,
ang balita’y umaabot sa duluhan ng daigdig.
Laganap na sa daigdig ang kanilang mga tinig.
ALELUYA
Aleluya! Aleluya!
Mga tapat na apostol
ay nagpupuri sa Poon
sa langit habang panahon.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 6, 12-19
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong mga araw na iyon, umahon si Hesus sa isang burol at magdamag doong nanalangin. Kinaumagahan, tinawag niya ang kanyang mga alagad, at pumili siya ng Labindalawa sa kanila, na tinawag niyang mga apostol: si Simon na pinanganlan niyang Pedro, at si Andres na kanyang kapatid; sina Santiago, Juan, Felipe, Bartolome, Mateo, Tomas, at Santiago na anak ni Alfeo, si Simon ang Makabayan; si Judas na anak ni Santiago, at si Judas Iscariote, na naging taksil.
Bumaba si Hesus, kasama sila, at tumayo sa isang patag na lugar. Naroon ang marami sa kanyang mga alagad at ang napakaraming tao buhat sa Judea at Jerusalem, at sa mga bayan sa baybaying-dagat ng Tiro at Sidon. Pumaroon sila upang makinig sa kanya at mapagaling sa kanilang mga karamdaman. Pinagaling din niya ang mga pinahihirapan ng masasamang espiritu. At sinikap ng lahat ng tao na mahipo siya sapagkat may taglay siyang kapangyarihang makapagpagaling ng lahat.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Efeso 6, 10-20
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Efeso
Sa wakas, magpakatibay kayo sa pamamagitan ng inyong pakikipag-isa sa Panginoon at sa tulong ng dakilang kapangyarihan niya. Isuot ninyo ang baluting kaloob ng Diyos, upang mapaglabanan ninyo ang mga lalang ng diyablo. Sapagkat ang kalaban nati’y hindi mga tao, kundi mga pinuno, mga maykapangyarihan, at mga tagapamahala ng kadilimang namamayani sa sanlibutang ito – ang mga hukbong espirituwal ng kasamaan sa himpapawid. Kaya’t isuot ninyo ang baluting mula sa Diyos. Sa gayun, makatatagal kayo sa pakikipaglaban pagdating ng masamang araw na iyon, at pagkatapos ng inyong pakikipaglaban ay matatag pa rin kayong nakatayo.
Kaya’t maging handa kayo: gawin ninyong bigkis ang katotohanan, itakip sa dibdib ang baluti ng pagkamatuwid, at isuot ang panyapak ng pagiging handa sa pangangaral ng Mabuting Balita ng pakikipagkasundo sa Diyos. Taglayin ninyong lagi ang kalasag ng pananalig kay Kristo, bilang panangga’t pamatay sa lahat ng nagliliyab na palaso ng Masama. Isuot ninyo ang helmet ng kaligtasan, at kunin ninyo ang tabak na kaloob ng Espiritu, samakatwid, ang Salita ng Diyos. Ang lahat ng ito’y gawin ninyo sa pamamagitan ng mga panalangin at pagsamo. Manalangin kayo sa lahat ng pagkakataon, sa patnubay ng Espiritu. Kaya’t lagi kayong maging handa, at patuloy na manalangin para sa lahat ng hinirang ng Diyos. Ipanalangin din ninyong ako’y pagkalooban ng wastong pananalita upang buong tapang kong maipahayag ang hiwaga ng Mabuting Balita. Dahil sa Mabuting Balitang ito, ako’y sinugo, at ngayo’y natatanikalaan. Kaya’t ipanalangin ninyong maipahayag ko ito nang buong tapang, gaya ng nararapat.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 143, 1. 2. 9-10
Ang Poon ay papurihan, siya ang aking sanggalang.
Purihin ang Poon, na aking sanggalang,
sa pakikibaka, ako ay sinanay;
inihanda ako, upang makilaban.
Ang Poon ay papurihan, siya ang aking sanggalang.
Matibay kong muog at Tagapagligtas,
at aking tahanang hindi matitinag;
Tagapagligtas kong pinagtitiwalaan,
nilulupig niya ang sakop kong bayan.
Ang Poon ay papurihan, siya ang aking sanggalang.
O Diyos, may awitin akong bagung-bago,
alpa’y tutugtugin at aawit ako.
Tagumpay ng hari ay iyong kaloob,
at iniligtas mo si David mong lingkod.
Ang Poon ay papurihan, siya ang aking sanggalang.
ALELUYA
Lucas 19, 38; 2, 14
Aleluya! Aleluya!
Papuri sa Hari natin
na ngayon ay dumarating;
kapayapaan ay kamtin.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 13, 31-35
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Dumating noon ang ilang Pariseo. Sinabi nila kay Hesus, “Umalis ka rito, sapagkat ibig kang ipapatay ni Herodes.” At sumagot siya, “Sabihin ninyo sa alamid na iyon na nagpapalayas ako ngayon ng mga demonyo at nagpapagaling, bukas ay gayun din; sa ikatlong araw, tatapusin ko ang aking gawain. Ngunit dapat akong magpatuloy sa aking lakad ngayon, bukas at sa makalawa; sapagkat hindi dapat mamatay sa labas ng Jerusalem ang isang propeta!
“Jerusalem, Jerusalem! Pinapatay mo ang mga propeta at binabato ang mga sinugo ko sa iyo! Makailan kong sinikap na kupkupin ang iyong mga mamamayan, gaya ng paglukob ng isang inahin sa kanyang mga sisiw, ngunit ayaw mo. Kaya’t lubos kang pababayaan. Sinasabi ko sa iyo, hindi mo na ako makikita hanggang sa dumating ang oras na sasabihin mo, ‘Pagpalain nawa ang dumarating sa pangalan ng Panginoon!’”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Filipos 1, 1-11
Ang simula ng sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Filipos
Mula kina Pablo at Timoteo, mga alipin ni Kristo Hesus –
Sa mga taga-Filipos na hinirang ng Diyos at nananalig kay Kristo Hesus, gayun din sa mga tagapangasiwa at sa mga tagapaglingkod:
Sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaan ng Diyos na ating Ama at ng Panginoong Hesukristo.
Nagpapasalamat ako sa Diyos tuwing maaalaala ko kayo. Ang aking mga panalangin para sa inyo ay laging puspos ng kagalakan dahil sa inyong tulong sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita tungkol kay Kristo, mula nang ito’y inyong tanggapin hanggang sa kasalukuyan. Tinitiyak ko sa inyong ang mabuting gawa na pinasimulan sa inyo ng Diyos ay kanyang lulubusin hanggang sa Araw ng pagbabalik ni Kristo Hesus. Marapat lamang na pahalagahan ko kayo nang ganito, sapagkat kayo’y mahal sa akin. Naging kahati ko kayo sa mga pagpapala ng Diyos noon pa mang ako’y nagtatanggol at nagpapalaganap ng Mabuting Balita, maging ngayong nakabilanggo ako. Nalalaman ng Diyos na ang pananabik ko sa inyo ay kasinlaki ng pagmamahal sa inyo ni Kristo Hesus.
Idinadalangin ko sa Diyos na mag-ibayo ang inyong pag-ibig at masangkapan ng malinaw na pagkakilala at malawak na pagkaunawa upang mapili ninyo ang pinakamahalaga sa lahat ng bagay. Sa gayun, pagdating ng Araw ng pagbalik ni Kristo, masumpungan kayong malinis, walang kapintasan, at puspos ng magagandang katangiang kaloob sa inyo ni Hesukristo, sa karangalan at kapurihan ng Diyos.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 110, 1-2. 3-4. 5-6
Gawa’y napakadakila ng Panginoong Lumikha.
o kaya: Aleluya.
Buong puso siyang pasasalamatan,
aking pupurihin sa gitna ng bayan
kasama ng mga lingkod na hinirang.
Napakadakila ang gawa ng Diyos,
pinananabikan ng lahat ng lingkod.
Gawa’y napakadakila ng Panginoong Lumikha.
Lahat niyang gawa’y dakila at wagas,
bukod sa matuwid hindi magwawakas.
Hindi inaalis sa ating gunita,
na siya’y mabuti’t mahabaging lubha.
Gawa’y napakadakila ng Panginoong Lumikha.
Sa may pagkatakot pagkai’y sagana;
pangako ng Poon ay hindi nasisira.
Ipinadama n’ya sa mga hinirang,
ang kapangyarihan niyang tinataglay,
nang ibigay niya lupa ng dayuhan.
Gawa’y napakadakila ng Panginoong Lumikha.
ALELUYA
Juan 10, 27
Aleluya! Aleluya!
Ang tinig ko’y pakikinggan
ng kabilang sa ‘king kawan,
ako’y kanilang susundan.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 14, 1-6
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Isang Araw ng Pamamahinga, si Hesus ay inanyayahang kumain sa bahay ng isang pinuno ng mga Pariseo; at binabantayan nilang mabuti ang kanyang mga kilos. Lumapit kay Hesus ang isang taong namamanas. Kaya’t tinanong niya ang mga Pariseo at ang mga dalubhasa sa Kautusan, “Naaayon ba sa Kautusan ang magpagaling sa Araw ng Pamamahinga o hindi?” Ngunit hindi sila umimik, kaya hinawakan ni Hesus ang maysakit, pinagaling saka pinayaon. Pagkatapos, sinabi niya sa kanila, “Kung kayo’y may anak o bakang mahulog sa balon, hindi ba ninyo iaahon kahit Araw ng Pamamahinga?” At hindi sila nakasagot sa tanong na ito.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Filipos 1, 18b-26
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Filipos
Mga kapatid, ang mahalaga’y naipangangaral si Kristo kahit sa anong paraan, tapat man o hindi ang hangarin ng nangangaral.
Ang isa ko pang ikinagagalak ay ang pag-asa na, balang araw, muli akong makalalaya sa tulong ng Espiritu ni Hesukristo at ng inyong mga panalangin. Ang aking pinakananais at inaasahan ay huwag akong magkulang sa aking tungkulin, kundi magkaroon ako ng lakas ng loob sa lahat ng panahon upang, sa mabuhay o sa mamatay, mabigyan ko ng karangalan si Kristo. Sapagkat para sa akin si Kristo ang buhay at dahil dito’y pakinabang ang kamatayan. Ngunit kung sa pananatili kong buhay ay makagagawa ako ng mabubuting bagay, hindi ko malaman ngayon kung alin ang aking pipiliin sa dalawang hangarin. Ang ibig ko’y pumanaw na sa buhay na ito upang makapiling ni Kristo, yamang ito ang lalong mabuti para sa akin. Sa kabilang dako, kung mananatili akong buhay ay makabubuti naman sa inyo. Dahil dito, natitiyak kong ako’y mananatili pang buhay at makakasama ninyo upang matulungan kayong makapagpatuloy na may kagalakan sa inyong pananalig sa Panginoon. Kung magkagayon, lalo ninyo akong maipagmamalaki at lalo ninyong pupurihin si Kristo Hesus.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 41, 2. 3. 5bkd
Aking kinasasabikan ang Diyos na nabubuhay.
Kung paanong yaong batis ang hanap ng isang usa;
gayun hinahanap ang Diyos ng uhaw kong kaluluwa.
Aking kinasasabikan ang Diyos na nabubuhay.
Nananabik ako sa Diyos, Diyos na buhay, walang iba;
kailan kaya maaaring sa harap mo ay sumamba?
Aking kinasasabikan ang Diyos na nabubuhay.
Papunta sa templo ng Diyos ako ang siyang nangunguna;
pinupuri namin ang Diyos, sa pag-awit na masaya!
Aking kinasasabikan ang Diyos na nabubuhay.
ALELUYA
Mateo 11, 29ab
Aleluya! Aleluya!
Sabi ni Hesus na mahal:
Dalhin n’yo ang aking pasan
Kaamuan ko’y tularan.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 14, 1. 7-11
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Isang Araw ng Pamamahinga, si Hesus ay inanyayahang kumain sa bahay ng isang pinuno ng mga Pariseo; at binabantayan nilang mabuti ang kanyang mga kilos.
Napansin ni Hesus na ang pinipili ng mga inanyayahan ay ang mga upuang nakalaan sa mga piling panauhin. Kaya’t sinabi niya ang talinghagang ito: “Kapag inanyayahan ka ninuman sa isang kasalan, huwag mong pipiliin ang tanging upuan. Baka may inanyayahang lalong tanyag kaysa iyo. At lalapit ang nag-anyaya sa inyong dalawa at sasabihin sa iyo, ‘Maaari bang ibigay ninyo ang upuang iyan sa taong ito?’ Sa gayo’y mapapahiya ka at doon malalagay sa pinakaabang upuan. Ang mabuti, kapag naanyayahan ka, doon ka maupo sa pinakaabang upuan, sapagkat paglapit ng nag-anyaya sa iyo ay kanyang sasabihin, ‘Kaibigan, dini ka sa kabisera.’ Sa gayun, nabigyan ka ng malaking karangalan sa harapan ng mga panauhin. Sapagkat ang nagpapakataas ay ibababa, at ang nagpapakababa ay itataas.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Pahayag 7, 2-4. 9-14
Pagbasa mula sa aklat ng Pahayag
Ako’y si Juan, at nakita kong umaakyat sa gawing silangan ang isa pang anghel, taglay ang pantatak ng Diyos na buhay. Humiyaw siya sa apat na anghel na binigyan ng Diyos ng kapangyarihang maminsala sa lupa at sa dagat, “Huwag muna ninyong pinsalain ang lupa, ang dagat, o ang mga punongkahoy. Hintayin ninyong matatakan sa noo ang mga lingkod ng ating Diyos.” At sinabi sa akin ang bilang ng mga tinatakan – sandaa’t apatnapu’t apat na libo buhat sa labindalawang lipi ng Israel.
Pagkatapos noo’y nakita ko ang napakaraming taong di kayang bilangin ninuman! Sila’y mula sa bawat bansa, lahi, bayan, at wika. Nakatayo sila sa harap ng trono ng Kordero nakadamit ng puti at may hawak na mga palaspas. Sabay-sabay nilang sinabi, “Ang kaligtasan ay mula sa Kordero, at sa ating Diyos na nakaluklok sa trono!” Tumayo ang lahat ng anghel sa palibot ng trono, ng matatanda, at ng apat na nilalang na buhay. Sila’y nagpatirapa sa harap ng trono at sumamba sa Diyos. Ang wika nila “Amen! Sa ating Diyos ang kapurihan, kadakilaan, karunungan, pasasalamat, karangalan, kapangyarihan, at kalakasan magpakailanman! Amen!”
Tinanong ako ng isa sa matanda, “Sino ang mga taong nakadamit na puti at saan sila nanggaling?” “Hindi ko po alam,” tugon ko. “Kayo ang nakaaalam.” At sinabi niya sa akin, “Sila ang mga nagtagumpay sa kabila ng mahigpit na pag-uusig. Nilinis nila at pinaputi sa dugo ng Kordero ang kanilang damit.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 23, 1-2. 3-4ab. 5-6
Panginoon, ang bayan mo ay dumudulog sa iyo.
Ang buong daigdig, lahat ng naroon,
may-ari’y ang Diyos, ating Panginoon;
ang mundo’y natayo at yaong sandiga’y
ilalim ng lupa, tubig kalaliman.
Panginoon, ang bayan mo ay dumudulog sa iyo.
Sino ang marapat umahon sa burol,
sa burol ng Poon, sino ngang aahon?
Sino’ng papayagang pumasok sa templo?
Sino’ng tutulutang pumasok na tao?
Siya, na malinis ang isip at buhay,
na hindi sumamba sa diyus-diyusan;
tapat sa pangako na binibitiwan.
Panginoon, ang bayan mo ay dumudulog sa iyo.
Ang Panginoong Diyos, pagpapalain siya,
ililigtas siya’t pawawalang-sala.
Gayun ang sinumang lumalapit sa Diyos
silang lumalapit sa Diyos ni Jacob.
Panginoon, ang bayan mo ay dumudulog sa iyo.
IKALAWANG PAGBASA
1 Juan 3, 1-3
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Juan
Mga pinakamamahal, isipin ninyo kung gaano kalaki ang pag-ibig sa atin ng Ama! Tinatawag niya tayong mga anak ng Diyos at iyan ang totoo. Ito ang dahilan kung bakit hindi tayo nakikilala ng mga makasanlibutan; hindi nila kinikilala ang Diyos. Mga minamahal, sa ngayon, tayo’y mga anak ng Diyos, ngunit hindi pa nahahayag ang magiging kalagayan natin. Gayunman, alam nating sa pagparitong muli ni Kristo, tayo’y matutulad sa kanya, sapagkat makikita natin siya sa kanyang likas na kalagayan. Kaya’t ang sinumang may pag-asa sa kanya ay nagpapakalinis, tulad ni Kristo – siya’y malinis.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Mateo 11, 28
Aleluya! Aleluya!
Kayong mabigat ang pasan
ay kay Hesus maglapitan
upang kayo’y masiyahan.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 5, 1-12a
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, nang makita ni Hesus ang napakakapal na tao, umahon siya sa bundok. Pagkaupo niya’y lumapit ang kanyang mga alagad, at sila’y tinuruan niya ng ganito:
“Mapalad ang mga aba na wala nang inaasahan kundi ang Diyos, sapagkat makakasama sila sa kanyang kaharian.”
“Mapalad ang mga nahahapis sapagkat aaliwin sila ng Diyos.”
“Mapalad ang mga mapagkumbaba, sapagkat tatamuhin nila ang ipinangako ng Diyos.”
“Mapalad ang mga nagmimithing makatupad sa kalooban ng Diyos, sapagkat ipagkakaloob sa kanila ang kanilang minimithi.”
“Mapalad ang mga mahabagin, sapagkat kahahabagan sila ng Diyos.”
“Mapalad ang mga may malinis na puso, sapagkat makikita nila ang Diyos.”
“Mapalad ang mga gumagawa ng daan sa ikapagkakasundo, sapagkat sila’y ituturing ng Diyos na mga anak niya.”
“Mapalad ang mga pinag-uusig dahil sa kanilang pagsunod sa kalooban ng Diyos, sapagkat makakasama sila sa kanyang kaharian.”
“Mapalad kayo kapag dahil sa aki’y inaalimura kayo ng mga tao, pinag-uusig at pinagwiwikaan ng lahat ng uri ng kasamaan na pawang kasinungalingan. Magdiwang kayo at magalak, sapagkat malaki ang inyong gantimpala sa langit.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Efeso 2, 1-10
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Efeso
Mga kapatid, noong una’y mga patay kayo dahil sa inyong pagsuway at mga kasalanan. Sinunod ninyo noon ang masamang takbo ng sanlibutang ito at napailalim kayo sa prinsipe ng kasamaan, ang espiritung naghahari sa mga taong suwail. Dati, tayo’y kabilang sa mga ito, namuhay ayon sa pita ng laman at sinunod ang masamang hilig ng katawan at pag-iisip. Kaya’t sa ating likas na kalagayan, kabilang tayo sa mga taong kinapopootan ng Diyos.
Subalit napakasagana ang habag ng Diyos at napakadakila ang pag-ibig na iniukol niya sa atin. Tayo’y binuhay niya kay Kristo kahit noong tayo’y mga patay pa dahil sa ating pagsuway. Naligtas nga kayo dahil sa kanyang kagandahang-loob. Dahil sa ating pakikipag-isa kay Kristo Hesus, tayo’y muling binuhay na kasama niya at pinaupong kasama niya sa kalangitan. Ginawa niya ito upang sa darating na mga panahon ay maipakita niya ang di-masukat na kasaganaan ng kanyang kagandahang-loob sa atin sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Dahil sa kagandahang-loob ng Diyos ay naligtas kayo sa pamamagitan ng inyong pananalig kay Kristo. At ang kaligtasang ito’y kaloob ng Diyos, hindi mula sa inyo. Hindi ito dahil sa inyong mga gawa kaya’t walang dapat ipagmalaki ang sinuman. Tayo’y kanyang nilalang, nilikha sa pamamagitan ni Kristo Hesus upang iukol natin ang ating buhay sa paggawa ng mabuti, na itinalaga na ng Diyos para sa atin noon pa mang una.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 99, 2. 3. 4. 5
Tayo’y sa D’yos, sa D’yos lamang, tayong lahat na nilalang.
Umawit sa kagalakan ang lahat ng mga bansa!
Panginoo’y papurihan, paglingkuran siyang kusa;
lumapit sa harap niya at umawit na may tuwa!
Tayo’y sa D’yos, sa D’yos lamang, tayong lahat na nilalang.
Ang Panginoo’y ating Diyos! Ito’y dapat malaman,
tayo’y kanya, kanyang lahat, tayong lahat na nilalang;
lahat tayo’y bayan niya, kabilang sa kanyang kawan.
Tayo’y sa D’yos, sa D’yos lamang, tayong lahat na nilalang.
Pumasok ka sa kanyang templo na ang puso’y nagdiriwang,
umaawit nagpupuri sa loob ng dakong banal,
purihin ang ngalan niya at siya’y pasalamatan!
Tayo’y sa D’yos, sa D’yos lamang, tayong lahat na nilalang.
Mabuti ang Panginoon, pag-ibig niya’y walang hanggan,
Siya’y Diyos na mabuti’t laging tapat kailanman.
Tayo’y sa D’yos, sa D’yos lamang, tayong lahat na nilalang.
ALELUYA
Mateo 5, 3
Aleluya! Aleluya!
Mapalad ang mga dukha
na tanging D’yos na lumikha
ang pag-asa at adhika.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 12, 13-21
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sinabi kay Hesus ng isa sa mga tao, “Guro, iutos nga po ninyo sa kapatid ko na ibigay sa akin ang bahagi ko sa aming mana.” Sumagot siya “Ginoo, sino ang naglagay sa akin bilang hukom o tagapaghati ng mana ninyo?” At sinabi niya sa kanilang lahat: “Mag-ingat kayo sa lahat ng uri ng kasakiman; sapagkat ang buhay ng tao ay wala sa laki ng kayamanan.” At pagkatapos ay isinaysay ni Hesus ang talinhagang ito: “Ang bukirin ng isang mayaman ay umani nang sagana. Kaya’t nasabi niya sa sarili, ‘Ano ang gagawin ko? Wala na akong paglagyan ng aking ani! A, gigibain ko ang aking mga kamalig, at magtatayo ako ng lalong mas malalaki. Doon ko ilalagay ang aking ani at ari-arian. At sasabihin ko sa aking sarili, Ayan, marami na akong ari-arian! Hindi na ako kukulangin habambuhay! Kaya’t mamamahinga na lang ako, kakain, iinom, at magsasaya!’ Ngunit sinabi sa kanya ng Diyos, ‘Hangal! Sa gabing ito’y babawian ka ng buhay. Kanino mapupunta ang mga bagay na inihanda mo?’ Ganyan ang sasapitin ng nagtitipon ng kayamanan para sa sarili, ngunit dukha naman sa paningin ng Diyos.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Efeso 2, 12-22
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Efeso
Mga kapatid, alalahanin ninyo na noong panahong iyon, hiwalay kayo kay Kristo, hindi kabilang sa bayang Israel, at di-saklaw ng mga tipang nasasalig sa mga pangako ng Diyos. Noo’y nabubuhay kayong walang pag-asa at walang Diyos. Ngunit ngayon, dahil sa inyong pakikipag-isa kay Kristo Hesus, kayong dating nasa malayo ay nailapit sa pamamagitan ng kanyang kamatayan. Pinagkasundo niya tayo. Kaming mga Judio at kayong mga Hentil ay kanyang pinag-isa. Sa pamamagitan ng kanyang katawan, pinawi niya ang alitan na parang pader na naghihiwalay sa atin. Pinawalang bisa niya ang Kautusang pawang mga utos at tuntunin upang pag-isahin sa kanya ang dalawang bayan at maghari ang kapayapaan. Sa pamamagitan ng kanyang kamatayan sa krus, winakasan niya ang alitan ng dalawang bayan, kapwa pinapanumbalik sa Diyos at pinagbuklod sa iisang katawan. Naparito si Kristo at ipinangaral sa lahat ang Mabuting Balita ng kapayapaan – sa inyong mga Hentil na malayo sa Diyos, at sa mga Judio na malapit sa kanya. Dahil kay Kristo, tayo’y kapwa makalalapit sa Ama sa pamamagitan ng Espiritu.
Samaktwid, hindi na kayo dayuhan o taga-ibang bansa, kundi kababayan ng mga hinirang ng Diyos at kabilang sa kanyang sambahayan. Kayo’y itinayo rin sa saligan ng mga apostol at mga propeta, na ang batong panulukan ay si Kristo Hesus. At sa pamamagitan niya, nagkakaugnay-ugnay ang bawat bahagi ng gusali at nagiging isang templong banal. Dahil din sa inyong pakikipag-isa sa kanya, kayo ma’y kasama nilang naging bahagi ng tahanan ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 84, 9ab-10. 11-12. 13-14
Ang Poo’y nagsasalita na bayan n’ya’y papayapa.
Aking naririnig magmula sa Poon ang sinasalita;
sinasabi niyang ang mga lingkod n’ya’y magiging payapa,
kung mangagsisisi at di na babalik sa gawang masama.
Ang nagpaparangal sa pangalan niya’y kanyang ililigtas,
sa ating lupain ay mananatili ang kanyang paglingap.
Ang Poo’y nagsasalita na bayan n’ya’y papayapa.
Ang pagtatapatan at pag-iibiga’y magdadaup-palad,
ang kapayapaan at ang katwira’y magsasamang ganap.
Sa balat ng lupa’y pawang maghahari yaong pagtatapat,
at ang katarungan nama’y maghahari mula sa itaas.
Ang Poo’y nagsasalita na bayan n’ya’y papayapa.
Gagawing maunlad ng Panginoong Diyos itong ating buhay,
ang mga halaman sa ating lupai’y bubungang mainam;
Sa harapan niya yaong maghahari’y pawang katarungan,
magiging payapa’t susunod ang madla sa kanyang daan.
Ang Poo’y nagsasalita na bayan n’ya’y papayapa.
ALELUYA
Lucas 21, 36
Aleluya! Aleluya!
Manalanging walang humpay
samantalang hinihintay
si Hesus na Poong mahal.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 12, 35-38
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Maging handa kayo at sindihan ang inyong mga ilawan. Tumulad kayo sa mga taong naghihintay sa pag-uwi ng kanilang panginoon mula sa kasalan, para pagdating niya ay mabuksan agad ang pinto. Mapalad ang mga alipin na abutang nagbabantay pagdating ng kanilang panginoon. Sinasabi ko sa inyo, maghahanda siya, padudulugin sila sa hapag, at maglilingkod sa kanila. Mapapalad sila kung maratnan niya silang handa, dumating man siya ng hatinggabi o madaling-araw siya dumating.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Efeso 3, 2-12
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Efeso
Mga kapatid, marahil naman, nabalitaan na ninyong dahil sa kagandahang-loob ng Diyos ay ipinagkatiwala niya sa akin ang tungkuling ito para sa inyong kapakinabangan. Ipinahayag sa akin ng Diyos ang kanyang lihim na panukala, tulad ng nabanggit ko na sa dakong una. At habang binabasa ninyo ito, malalaman ninyong nauunawaan ko ang hiwaga tungkol kay Kristo. Ang hiwagang ito’y hindi ipinaalam sa mga tao noong mga nakaraang panahon, ngunit inihayag ngayon ng Diyos, sa pamamagitan ng Espiritu, sa kanyang mga banal na apostol at mga propeta. At ito ang lihim: sa pamamagitan ng Mabuting Balita, ang mga Hentil, tulad din ng mga Judio, ay may bahagi sa mga pagpapalang mula sa Diyos; mga bahagi rin sila ng iisang katawan at kahati sa pangako ng Diyos dahil kay Kristo Hesus.
Sa kagandahang-loob ng Diyos, ako’y ginawa niyang lingkod para sa Mabuting Balita sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. Ako ang pinakahamak sa mga hinirang ng Diyos. Gayunma’y minarapat niyang ipagkaloob sa akin ang gawaing ito: ipahayag sa mga Hentil ang Mabuting Balita tungkol sa masagana at di-malirip na pagpapalang nagbubuhat kay Kristo, at ipaliwanag sa lahat kung paano isasagawa ang lihim na panukala ng Diyos. Ito’y matagal na panahong inilihim ng Diyos na lumikha ng lahat ng bagay, upang sa pamamagitan ng simbahan ay maipakilala ngayon sa mga pinuno at mga may kapangyarihan doon sa kalangitan ang walang hanggang karunungan ng Diyos na nahahayag sa iba’t ibang paraan. Alinsunod ito sa walang hanggang panukala na isinakatuparan niya kay Kristo Hesus na ating Panginoon. Dahil sa ating pakikipag-isa at pananalig sa kanya, makalalapit tayo sa Diyos nang panatag ang loob.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Isaias 12, 2-3. 4bkd. 5-6
May galak tayong sumalok sa batis ng Manunubos.
Ang Diyos ang siyang nagliligtas sa akin,
tiwalang-tiwala ako at wala munti mang pangamba.
Sapagkat ang Poon ang lahat sa akin,
siya ang aking awit, ang aking kaligtasan.
Malugod kayong sasalok ng tubig at batis ng kaligtasan.
May galak tayong sumalok sa batis ng Manunubos.
Magpasalamat kayo sa Poon
Siya ang inyong tawagan;
Ipaalam ninyo sa mga bansa ang kanyang ginawa.
Ipahayag ninyo ang kadakilaan ng kanyang pangalan.
May galak tayong sumalok sa batis ng Manunubos.
Umawit kayo ng papuri sa Poon,
sapagkat kahanga-hanga ang kanyang mga ginawa,
ipahayag ninyo ito sa buong daigdig.
Mga anak ng Sion, umawit kayo nang buong galak,
sapagkat nasa piling ninyo ang dakila at ang Banal ng Israel.
May galak tayong sumalok sa batis ng Manunubos.
ALELUYA
Mateo 24, 42a. 44
Aleluya! Aleluya!
Tayo ay laging magtanod
sapagkat di natin talos
ang pagbabalik ni Hesus.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 12, 39-48
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Tandaan ninyo ito: kung alam lamang ng puno ng sambahayan kung anong oras darating ang magnanakaw, hindi niya pababayaang pasukin ang kanyang bahay. Kayo ma’y dapat humanda, sapagkat darating ang Anak ng Tao sa oras na hindi ninyo inaasahan.”
Itinanong ni Pedro, “Panginoon, sinasabi po ba ninyo ang talinghagang ito para sa amin o para sa lahat?” Tumugon ang Panginoon, “Sino nga ang tapat at matalinong alipin? Hindi ba siya ang pamamahalain ng kanyang panginoon sa sambahayan nito, upang magbigay sa ibang mga alipin ng kanilang pagkain sa karampatang panahon? Mapalad ang aliping iyon, kapag dinatnan siyang gumagawa ng gayun pagbabalik ng kanyang panginoon. Sinasabi ko sa inyo: pamamahalain siya ng kanyang panginoon sa lahat ng ari-arian nito. Ngunit kung sabihin sa sarili ng aliping iyon, ‘Matatagalan pa bago magbalik ang aking panginoon,’ at simulan niyang bugbugin ang ibang aliping lalaki at babae, at kumain, uminom, at maglasing, darating ang panginoon ng aliping yaon sa araw na hindi niya inaasahan at sa oras na hindi niya alam. Buong higpit na parurusahan siya ng panginoon, at isasama sa mga di-tapat.
“At ang aliping nakaaalam ng kalooban ng kanyang panginoon, ngunit hindi naghanda ni sumunod sa kalooban nito ay tatanggap ng mabigat na parusa. Ngunit ang aliping hindi nakaaalam ng kalooban ng kanyang panginoon at gumawa ng mga bagay na nararapat niyang pagdusahan ay tatanggap ng magaang na parusa. Ang binigyan ng maraming bagay ay hahanapan ng maraming bagay; at ang pinagkatiwalaan ng lalong maraming bagay ay pananagutin sa lalong maraming bagay.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Efeso 3, 14-21
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Efeso
Mga kapatid, ako’y naninikluhod sa Ama, na siyang pinagtutularan ng pagkaama sa bawat sambahayan sa langit at sa lupa. Hinihiling ko, ayon sa kanyang kayamanan at kadakilaan, na palakasin niya ang inyong buhay espirituwal sa pamamagitan ng kanyang Espiritu. Nawa’y manahan si Kristo sa inyong puso sa pamamagitan ng inyong pananalig sa kanya upang sa inyong pag-uugat at pagiging matatag sa pag-ibig, maunawaan ninyo, kasama ng mga hinirang, kung gaano kadakila ang pag-ibig ni Kristo. At nawa’y makilala ninyo ang di matingkalang pag-ibig na ito upang mapuspos kayo ng kapuspusan ng Diyos.
Sa Diyos na makagagawa nang higit kaysa lahat ng maaari nating hilingin at isipin, sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihang naghahari sa atin – sumakanya ang kapurihan sa pamamagitan ng simbahan at ni Kristo Hesus magpakailanman! Amen.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 32, 1-2. 4-5. 11-12. 18-19
Awa’t pag-ibig ng Diyos sa sangkalupaa’y lubos.
Lahat ng matuwid dapat na magsaya
dahil sa ginawa ng Diyos sa kanila;
Kayong masunuri’y magpuri sa kanya!
Ang Panginoong Diyos ay pasalamatan,
tugtugin ang alpa’t awit ay saliwan.
Awa’t pag-ibig ng Diyos sa sangkalupaa’y lubos.
Panginoo’y tapat sa kanyang salita,
at maaasahan ang kanyang ginawa.
Minamahal niya ang gawang matapat,
ang pag-ibig niya sa mundo’y laganap.
Awa’t pag-ibig ng Diyos sa sangkalupaa’y lubos.
Ngunit ang mga panukala ng Diyos,
ay mamamalagi’t walang pagkatapos.
Mapalad ang bansang Panginoo’y Diyos,
mapalad ang bayang kanyang ibinukod.
Awa’t pag-ibig ng Diyos sa sangkalupaa’y lubos.
Ang may takot sa Diyos, at nagtitiwala
sa kanyang pag-ibig, ay kinakalinga.
Hindi babayaang sila ay mamatay,
kahit magtaggutom sila’y binubuhay.
Awa’t pag-ibig ng Diyos sa sangkalupaa’y lubos.
ALELUYA
Filipos 3, 8-9
Aleluya! Aleluya!
Tana’y aking tatalikdan
upang si Kristo’y makamtan
bilang tanging pakinabang.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 12, 49-53
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Naparito ako upang magdala ng apoy sa lupa – at sana’y napagningas na ito! May isang binyag pa na dapat kong tanggapin, at nababagabag ako hangga’t hindi natutupad ito! Akala ba ninyo’y pumarito ako upang magdala ng kapayapaan sa lupa? Sinasabi ko sa inyo: hindi kapayapaan kundi pagkakabaha-bahagi. Mula ngayon, ang limang katao sa isang sambahayan ay mababahagi: tatlo laban sa dalawa at dalawa laban sa tatlo.
Maglalaban-laban ang ama at ang anak na lalaki,
Ang ina at ang anak na babae,
At gayun din ang biyenang babae, at manugang na babae.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Efeso 4, 1-6
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Efeso
Mga kapatid, ako na isang bilanggo dahil sa Panginoon ay namamanhik sa inyo na mamuhay kayo gaya ng nararapat sa mga tinawag ng Diyos. Kayo’y maging mapagkumbaba, mabait, at matiyaga. Magmahalan kayo at magpaumanhinan. Pagsumikatan ninyong mapanatili ang pagkakaisang mula sa Espiritu, sa pamamagitan ng buklod ng kapayapaan. Iisa lamang ang katawan at iisa lamang ang Espiritu; gayun din naman, iisa lamang ang pag-asa ninyong lahat, dulot ng pagkatawag sa inyo ng Diyos. May isa lamang Panginoon, isang pananampalataya, at isang binyag, isang Diyos at Ama nating lahat. Siya’y higit sa lahat, gumagawa sa lahat, at sumasalahat.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 23, 1-2. 3-4ab. 5-6
Panginoon, ang bayan mo ay dumudulog sa iyo.
Ang buong daigdig, lahat ng naroon,
may-ari’y ang Diyos, ating Panginoon;
ang mundo’y natayo at yaong sandiga’y
ilalim ng lupa, tubig kalaliman.
Panginoon, ang bayan mo ay dumudulog sa iyo.
Sino ang marapat umahon sa burol,
sa burol ng Poon, sino ngang aahon?
Sino’ng papayagang pumasok sa templo?
Sino’ng tutulutang pumasok na tao?
Siya, na malinis ang isip at buhay,
na hindi sumamba sa diyus-diyusan;
tapat sa pangako na binibitiwan.
Panginoon, ang bayan mo ay dumudulog sa iyo.
Ang Panginoong Diyos, pagpapalain siya,
ililigtas siya’t pawawalang-sala.
Gayun ang sinumang lumalapit sa Diyos
silang lumalapit sa Diyos ni Jacob.
Panginoon, ang bayan mo ay dumudulog sa iyo.
ALELUYA
Mateo 11, 25
Aleluya! Aleluya!
Papuri sa Diyos Ama
pagkat ipinahayag n’ya
Hari s’ya ng mga aba!
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 12, 54-59
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga tao, “Kapag nakita ninyong makapal ang ulap sa kanluran, sinasabi ninyong uulan, at gayun nga ang nangyayari. At kung umihip ang hanging timog ay sinasabi ninyong iinit, at nagkakagayon nga. Mga mapagpaimbabaw! Marunong kayong bumasa ng palatandaan sa lupa’t sa langit, bakit hindi ninyo mabasa ang mga tanda ng kasalukuyang panahon?
Bakit hindi ninyo mapagpasiyahan kung alin ang matuwid? Kapag isinakdal ka sa hukuman, makipag-ayos ka sa nagsakdal habang may panahon; baka kaladkarin ka niya sa hukuman, at ibigay ka ng hukom sa tanod, at ibilanggo ka naman nito. Sinasabi ko sa iyo: hindi ka makalalabas doon hangga’t hindi mo nababayaran ang kahuli-hulihang sentimo.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Efeso 4, 7-16
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Efeso
Mga kapatid, ang bawat isa sa ati’y binigyan ng tanging kaloob, ayon sa sukat na ibinigay ni Kristo. Ganito ang sinasabi ng Kasulatan,
“Nang umakyat siya sa kalangitan,
Nagdala siya ng maraming bihag,
At nagbigay ng mga kaloob sa tao.”
Ano ang ibig sabihin ng “umakyat siya?” Ang ibig sabihin niyan ay bumaba muna siya rito sa lupa. Ang bumaba ay siya rin namang umakyat sa kaitaasan, sa kabila ng mga langit, upang malaganapan ng kanyang kapangyarihan ang kalahat-lahatan. At ang iba’y ginawang apostol, ang iba’y propeta, ang iba’y ebanghelista, ang iba’y pastor at guro. Ginawa niya ito upang ihanda sa paglilingkod ang lahat ng hinirang, sa ikauunlad ng kanyang simbahan. Sa gayun, tayong lahat ay magkakaisa sa pananampalataya at pagkakilala sa Anak ng Diyos at magiging ganap ang ating pagkatao ayon sa pagiging-ganap ni Kristo. Hindi tayo matutulad sa mga batang nadadala ng bawat aral, parang sasakyang-dagat na sinisiklut-siklot ng mga alon at tinatangay ng hangin. Hindi na tayo malilinlang ng mga taong ang hangad ay ibulid tayo sa kamalian. Manapa’y sa pamamagitan ng pagsasalita ng katotohanan sa diwa ng pag-ibig, magiging ganap tayo kay Kristo na siyang ulo. Sa pamamagitan niya’y nabubuo ang katawan mula sa mga bahaging pinag-ugnay-ugnay ng kasukasuan; at kung maayos na gumaganap ng tungkulin ang bawat bahagi, ang buong katawan ay lalaki at lalakas sa pamamagitan ng pag-ibig.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 121, 1-2. 3-4a. 4b-5
Masaya tayong papasok sa tahanan ng Poong D’yos.
Ako ay nagalak, sa sabing ganito:
“Sa bahay ng Poon ay pumasok tayo!”
Sama-sama kami matapos sapitin,
ang pintuang-lungsod nitong Jerusalem.
Masaya tayong papasok sa tahanan ng Poong D’yos.
Yaong Jerusalem, kay ganda ng anyo,
maganda ang ayos nang muling matayo.
Dito umaahon ang lahat ng angkan,
lipi ni Israel upang magsambahan.
Masaya tayong papasok sa tahanan ng Poon D’yos.
Ang hangad, ang Poon ay pasalamatan,
pagkat ito’y utos na dapat gampanan.
Doon din naroon ang mga hukuman
at trono ng haring hahatol sa tanan.
Masaya tayong papasok sa tahanan ng Poong D’yos.
ALELUYA
Ezekiel 33, 11
Aleluya! Aleluya!
Hindi nais ng Maykapal
na salari’y parusahan
kundi s’ya’y magbagong-buhay.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 13, 1-9
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Dumating noon ang ilang mga tao at ibinalita kay Hesus na ipinapatay ni Pilato ang ilang Galileo samantalang ang mga ito’y naghahandog sa Diyos. Sinabi niya sa kanila, “Akala ba ninyo, higit na makasalanan ang mga Galileong ito kaysa ibang mga taga-Galilea dahil sa gayun ang sinapit nila? Hindi! Ngunit sinasabi ko sa inyo: kapag hindi ninyo pinagsisihan at tinalikdan ang inyong mga kasalanan, mapapahamak din kayong lahat. At ang labingwalong namatay nang mabagsakan ng tore sa Siloe – sa akala ba ninyo’y higit silang makasalanan kaysa ibang naninirahan sa Jerusalem? Hindi! Ngunit sinasabi ko sa inyo: kapag hindi ninyo pinagsisihan at tinalikdan ang inyong mga kasalanan, mapapahamak din kayong lahat.”
Sinasabi sa kanila ni Hesus ang talinghagang ito: “May isang tao na may puno ng igos sa kanyang ubasan. Minsan, tiningnan niya kung may bunga ito, ngunit wala siyang nakita. Kaya’t sinabi niya sa tagapag-alaga ng ubasan, ‘Tatlong taon na akong pumaparito at naghahanap ng bunga sa punong ito, ngunit wala akong makita. Putulin mo na! Nakasisikip lang iyan!’ Ngunit sumagot ang tagapag-alaga, ‘Huwag po muna nating putulin sa taong ito. Huhukayan ko ang palibot at lalagyan ng pataba. Kung mamunga po ito sa darating na taon, mabuti; ngunit kung hindi, putulin na natin!’”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Exodo 22, 20-26
Pagbasa mula sa aklat ng Exodo
Ito ang sinasabi ng Panginoon: “Huwag ninyong aapihin ang mga taga-ibang bayan; alalahanin ninyong nangibang-bayan din kayo sa Egipto. Huwag din ninyong aapihin ang mga babaing balo at ang mga ulila. Kapag inapi ninyo sila at dumaing sa akin, diringgin ko sila. Dahil dito, kapopootan ko kayo at lilipulin sa pamamagitan ng digmaan. Sa gayo’y mababalo rin ang inyu-inyong asawa at mauulila ang inyong mga anak.
“Kapag nangungutang sa inyo ang mga kababayan ninyong mahihirap, huwag kayong hihingi ng tubo, tulad ng ginagawa ng mga usurero. Kapag may nagsanla sa inyo ng balabal, ibalik ninyo iyon sa kanya bago lumubog ang araw sapagkat iyon lamang ang pambalot niya sa katawan; wala siyang kukumutin sa pagtulog. Kapag siya’y dumaing sa akin, diringgin ko siya sapagkat ako’y mahabagin.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 17, 2-3a 3bk-4. 47 at 51ab
Poong aking kalakasan, iniibig kitang tunay.
O Panginoon kong aking kalakasan,
minamahal kita nang tunay na tunay.
Panginoo’y batong hindi matitibag,
Matibay kong muog at Tagapagligtas.
Poong aking kalakasan, iniibig kitang tunay.
D’yos ko ang sa akin ay s’yang nag-iingat,
Tagapagtanggol ko at aking kalasag.
Sa ‘yo, Panginoon, ako’y tumatawag
sa mga kaaway ako’y ‘yong iligtas.
Poong aking kalakasan, iniibig kitang tunay.
Panginoo’y buhay, s’ya’y Tagapagligtas,
matibay kong muog, purihin ng lahat.
Sa piniling hari, dakilang tagumpay,
ang kaloob ng D’yos sa kanyang hinirang.
Poong aking kalakasan, iniibig kitang tunay.
IKALAWANG PAGBASA
1 Tesalonica 1, 5k-10
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Tesalonica
Mga kapatid, nakita ninyo kung paano kami namuhay sa inyong piling – ito’y ginawa namin para sa inyong kabutihan. Tinularan ninyo kami, at ang Panginoon. Tinanggap ninyo ang Mabuting Balita, at dahil dito’y nagdanas kayo ng katakut-takot na hirap. Gayunman, taglay pa rin ninyo ang kagalakang kaloob ng Espiritu Santo. Kaya’t naging huwaran kayo ng mga kapatid sa Macedonia at Acaya. Sapagkat hindi lamang ang salita ng Panginoon ang lumaganap sa Macedonia at Acaya sa pamamagitan ninyo. Pati ang balita tungkol sa inyong pananampalataya ay kumalat sa lahat ng dako. Anupat hindi na kailangang magsalita pa kami tungkol dito. Sila na ang nagbabalita kung paano ninyo kami tinanggap. Sila rin ang nagsabing tinalikdan na ninyo ang pagsamba sa mga diyus-diyusan upang maglingkod sa tunay at buhay na Diyos, at maghintay sa kanyang Anak na si Hesus. Siya ang muling binuhay na magbabalik mula sa langit at magliligtas sa atin sa darating na poot ng Diyos.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Juan 14, 23
Aleluya! Aleluya!
Ang sa aki’y nagmamahal
tutupad sa aking aral.
Ama’t ako’y mananahan.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 22, 34-40
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, nagtipun-tipon ang mga Pariseo nang mabalitaan nilang napatahimik ni Hesus ang mga Seduseo. At isa sa kanila, isang dalubhasa sa Kautusan, ang nagtanong kay Hesus upang subukin ito: “Guro, alin po ang pinakamahalagang utos sa Kautusan?” Sumagot si Hesus, “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong pag-iisip. Ito ang pinakamahalagang utos. Ito naman ang pangalawa: “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili. Sa dalawang utos na ito nakasalalay ang buong Kautusan ni Moises at ang turo ng mga propeta.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Galacia 4, 22-24. 26-27. 31 – 5, 1
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Galacia
Mga kapatid, nasusulat na si Abraham, ay nagkaanak ng dalawang lalaki; sa alipin ang isa at ang isa’y sa malaya. Ang anak niya sa alipin ay ipinanganak ayon sa karaniwang pangyayari, ngunit ang anak sa malaya ay bunga ng pangako ng Diyos. Ito ay isang talinghaga. Larawan ng dalawang tipan ang dalawang babae. Ang isa’y ang tipan sa Bundok ng Sinai na kinakatawan ni Agar at ng kanyang mga anak na pawang alipin. Ngunit ang Jerusalem na nasa langit ay malaya, at siya ang ating ina. Ayon sa Kasulatan,
“Magsaya ka, O babaing hindi nagkaanak!
Humiyaw ka dahil sa kagalakan, ikaw na di nakaranas ng pagdaramdam sa panganganak!
Sapagkat higit na marami ang anak ng babaing nangungulila kaysa babaing may asawa.”
Kaya nga, mga kapatid, hindi tayo anak ng alipin kundi ng malaya.
Pinalaya tayo ni Kristo upang manatiling malaya.
Magpakatatag nga kayo, at huwag nang paalipin uli!
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 112, 1-2. 3-4. 5a at 6-7
Ngalan ng D’yos ay idangal ngayon at magpakailanman.
o kaya: Aleluya.
Dapat na magpuri ang mga alipin,
ang ngalan ng Poon ay dapat purihin.
Ang kanyang pangalan ay papurihan,
magmula ngayo’t magpakailanman.
Ngalan ng D’yos ay idangal ngayon at magpakailanman.
Buhat sa silangan, hanggang sa kanluran,
ang ngalan ng Poon, pupurihing tunay.
Siya’y naghahari sa lahat ng bansa,
lampas pa sa langit ang pagkadakila.
Ngalan ng D’yos ay idangal ngayon at magpakailanman.
Walang makatulad ang Panginoong Diyos,
na sa kalangitan doon naluluklok;
buhat sa itaas siya’y tumutunghay,
ang lupa at langit kanyang minamasdan.
Mula sa alabok ang mga mahirap,
sa pagkalugami ay itinataas.
Ngalan ng D’yos ay idangal ngayon at magpakailanman.
ALELUYA
Salmo 94, 8ab
Aleluya! Aleluya!
Dinggin ninyong lahat ngayon
ang tinig ng Panginoon
sa loob na mahinahon.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 11, 29-32
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, samantalang dumaragsa ang mga tao, sinabi ni Hesus, “Napakasama ng lahing ito! Naghahanap sila ng palatandaan mula sa langit, subalit walang ipapakita sa kanila maliban sa palatandaang inilalarawan ng nangyari kay Jonas. Kung paanong naging isang palatandaan si Jonas sa mga taga-Ninive, gayun din naman, magiging isang palatandaan sa lahing ito ang Anak ng Tao. Sa Araw ng Paghuhukom, titindig ang Reyna ng Timog laban sa lahing ito at sila’y hahatulan niya ng kaparusahan. Sapagkat nanggaling siya sa dulo ng daigdig upang pakinggan ang karunungan ni Solomon; ngunit higit na di-hamak kay Solomon ang naririto! Sa Araw ng Paghuhukom ay titindig ang mga taga-Ninive laban sa lahing ito at hahatulan ng kaparusahan, sapagkat nagsisi sila dahil sa pangangaral ni Jonas; ngunit higit na di-hamak kay Jonas ang naririto!”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Galacia 5, 1-6
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Galacia
Mga kapatid, pinalaya tayo ni Kristo upang manatiling malaya. Magpakatatag nga kayo, at huwag nang paaalipin uli!
Akong si Pablo ang nagsasabi sa inyo: kapag napatuli kayo, pinawawalang-kabuluhan ninyo si Kristo. Sinasabi ko sa inyo at sa sinumang napatutuli: kailangang sundin niya ang buong Kautusan. Ang nagsisikap na maging matuwid sa paningin ng Diyos sa pamamagitan ng pagtupad sa Kautusan ay napahiwalay na kay Kristo at wala nang karapatan sa habag ng Diyos. Ngunit umaasa kami na sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos ay aariin kaming matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya. Sa mga nakipag-isa kay Kristo Hesus, wala nang halaga ang pagtutuli o di pagtutuli. Ang mahalaga’y ang pananampalatayang nakikita sa gawang udyok ng pag-ibig.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 118, 41. 43. 44. 45. 47. 48
Ipahayag mo sa akin ang pag-ibig mong magiliw.
Ang dakilang pag-ibig mo sa akin ay ipahayag,
at ayon sa pangako mo, Poon, ako ay iligtas.
Ipahayag mo sa akin ang pag-ibig mong magiliw.
Tulungan mong ihayag ko yaong tunay na balita,
yamang sa ‘yong kahatulan lubos akong may tiwala.
Ipahayag mo sa akin ang pag-ibig mong magiliw.
Lagi akong tatalima sa bigay mong kautusan,
susundin ko ang utos mo habang ako’y nabubuhay.
Ipahayag mo sa akin ang pag-ibig mong magiliw.
Ako nama’y mamumuhay nang payapa at malaya,
yamang ako sa utos mo’y sumusunod namang kusa.
Ipahayag mo sa akin ang pag-ibig mong magiliw.
Sa pagsunod sa utos mo nalulugod akong labis,
di masayod ang galak ko, pagkat aking iniibig.
Ipahayag mo sa akin ang pag-ibig mong magiliw.
Mahal ko ang iyong utos, yao’y aking igagalang.
Sa aral mo at tuntunin ako’y magbubulay-bulay.
Ipahayag mo sa akin ang pag-ibig mong magiliw.
ALELUYA
Hebreo 4, 12
Aleluya! Aleluya!
Buhay ang salita ng D’yos,
ganap nitong natatalos
tanang ating niloloob.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 11, 37-41
Ang Mabuting balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, pagkatapos magsalita ni Hesus, siya’y inanyayahan ng isang Pariseo upang kumain, kaya’t pumunta siya sa bahay nito. Pagdulog sa hapag, nagtaka ang Pariseo nang makita niyang kumain si Hesus nang hindi muna naghugas ng kamay. Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Kayong mga Pariseo, hinuhugasan ninyo ang labas ng tasa at ng pinggan, ngunit ang loob ninyo’y punong-puno ng kasakiman at kasamaan. Mga hangal! Hindi ba’t ang may likha ng labas ang siya ring may likha ng loob? Ngunit ipamahagi muna ninyo sa mga dukha ang mga laman ng mga sisidlan at magiging malinis ang lahat ng bagay para sa inyo.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Galacia 5, 18-25
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Galacia
Mga kapatid, kung kayo’y pinapatnubayan ng Espiritu, wala na kayo sa ilalim ng Kautusan.
Hindi maikakaila ang mga gawa ng laman: pangangalunya, karima-rimarim na pamumuhay, kahalayan, pagsamba sa diyus-diyusan, pangkukulam, pagkapoot, pagkagalit, paninibugho, kasakiman, pagkakabaha-bahagi, pagkakampi-kampi, pagkainggit, paglalasing, walang taros na pagsasaya, at iba pang tulad nito. Binabalaan ko kayo tulad noong una: hindi tatanggapin sa kaharian ng Diyos ang gumagawa ng gayong mga bagay.
Subalit ang bunga ng Espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, katiyagaan, kabaitan, kabutihan, katapatan, kahinahunan, at pagpipigil sa sarili. Walang utos laban sa ganitong mga bagay. At pinatay na ng mga nakipag-isa kay Kristo Hesus ang likas nilang pagkatao, kasama ang masasamang pita nito. Ang Espiritu ang nagbibigay-buhay sa atin kaya ito rin ang dapat maghari sa ating mga buhay.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 1, 1-2. 3. 4. at 6
Ang sumusunod sa Poon ay sa liwanag hahantong.
Mapalad ang taong hindi naaakit niyong masasama,
upang sundan niya ang kanilang payo’t maling halimbawa;
hindi sumasama sa sinumang taong ang laging adhika’y
pagtawanan lamang at hamak-hamakin ang Diyos ng dakila.
Ang sumusunod sa Poon ay sa liwanag hahantong.
Nagagalak siyang laging magsaliksik ng banal na aral,
ang utos ng Poon siyang binubulay sa gabi at araw.
Ang sumusunod sa Poon ay sa liwanag hahantong.
Ang katulad niya’y isang punongkahoy sa tabing batisan,
sariwa ang daho’t laging namumunga sa kapanahunan,
at anumang gawin ay nakatitiyak na magtatagumpay.
Ang sumusunod sa Poon ay sa liwanag hahantong.
Ngunit ibang-iba ang masamang tao; ipa ang kawangis,
siya’y natatangay at naipapadpad kung hangi’y umihip.
Sa taong matuwid ay Panginoon ang s’yang mag-iingat,
ngunit kailanman ang mga masama ay mapapahamak.
Ang sumusunod sa Poon ay sa liwanag hahantong.
ALELUYA
Juan 10, 27
Aleluya! Aleluya!
Ang tinig ko’y pakikinggan
ng kabilang sa ‘king kawan,
ako’y kanilang susundan.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 11, 42-46
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus, “Kawawa kayo, mga Pariseo! Ibinibigay niyo ang ikapu ng yerbabuena, ng ruda, at ng iba pang gulayin, ngunit kinaliligtaan ninyo ang katarungan at ang pag-ibig sa Diyos. Tamang gawin ninyo ito nugnit huwag naman ninyo kaliligtaang gawin ang mga iba.
“Kawawa kayo, mga Pariseo! Sapagkat ang ibig ninyo’y ang mga tanging luklukan sa mga sinagoga, at ang pagpugayan kayo sa mga liwasang bayan. Sa aba ninyo! Sapagkat para kayong mga libingang walang tanda, at nalalakaran ng mga tao nang hindi nila nalalaman.”
Sinabi sa kaya ng isa sa mga dalubhasa sa Kautusan, “Guro, sa sinabi mong iyan pati kami’y kinukutya mo.” At sinagot siya ni Hesus, “Kawawa rin kayo mga dalubhasa sa Kautusan! Sapagkat ipinapapasan ninyo sa mga tao ang mabibigat na dalahin, nugnit ni daliri’t ayaw ninyong igalaw sa pagdadala ng mga iyon.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Efeso 1, 1-10
Ang simula ng sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Efeso
Mula kay Pablo, na naging apostol ni Kristo Hesus ayon sa kalooban ng Diyos – Sa mga kapatid na nasa Efeso at tapat na namumuhay kay Kristo Hesus:
Sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Hesukristo.
Magpasalamat tayo sa Diyos at Ama ng ating Panginoong Hesukristo! Pinagkalooban niya tayo ng lahat ng pagpapalang espirituwal dahil sa ating pakikipag-isa kay Kristo. At sa atin ngang pakikipag-isang ito, hinirang na niya tayo bago pa nilikha ang sanlibutan upang maging banal at walang kapintasan sa harapan niya. Dahil sa pag-ibig ng Diyos, tayo’y kanyang itinalaga upang maging mga anak niya sa pamamagitan ni Hesukristo. Iyan ang kanyang layunin at kalooban. Purihin natin siya dahil sa kanyang kahanga-hangang pagkalinga sa atin sa pamamagitan ng kanyang minamahal na Anak!
Tinubos tayo ni Kristo sa pamamagitan ng kanyang kamatayan at sa gayo’y pinatawad na ang ating mga kasalanan. Gayun kadakila ang pag-ibig na ipinadama niya sa atin! Binigyan niya tayo ng karunungan at kabatiran upang lubos nating maunawaan ang kanyang lihim na panukala sa isasakatuparan sa pamamagitan ni Kristo pagdating ng takdang panahon. Ang panukalang ito ay pag-isahin kay Kristo ang lahat ng nasa langit at nasa lupa.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 97, 1. 2-3ab. 3kd-4. 5-6
Ang D’yos na rin ang naghayag ng handog n’yang pagliligtas.
Umawit ng bagong awit at sa Poon ay ialay,
pagkat yaong ginawa n’ya ay kahanga-hangang tunay!
Sa sariling lakas niya at taglay na kabanalan,
walang hirap na natamo yaong hangad na tagumpay.
Ang D’yos na rin ang naghayag ng handog n’yang pagliligtas.
Ang tagumpay niyang ito’y siya na rin ang naghayag,
sa harap ng mga bansa’y nahayag ang pagliligtas.
Ang pangako sa Israel lubos niyang tinutupad.
Ang D’yos na rin ang naghayag ng handog n’yang pagliligtas.
Tapat siya sa kanila at ang pag-ibig ay wagas.
Ang tagumpay ng ating Diyos kahit saan ay namalas!
Magkaingay na may galak, yaong lahat sa daigdig;
ang Poon ay buong galak na purihin sa pag-awit!
Ang D’yos na rin ang naghayag ng handog n’yang pagliligtas.
Sa saliw ng mga lira iparinig yaong tugtog,
at ang Poon ay purihin ng tugtuging maalindog.
Tugtugin din ang trumpeta na kasaliw ang tambulo,
magkaingay sa harapan ng Poon na ating hari.
Ang D’yos na rin ang naghayag ng handog n’yang pagliligtas.
ALELUYA
Juan 14, 6
Aleluya! Aleluya!
Ikaw, O Kristo, ang Daan,
ang Katotohana’t Buhay
patungo sa Amang mahal.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 11, 47-54
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus, “Kawawa kayo! Ipinagtatayo ninyo ng magagarang libingan ang mga propetang pinagpapatay ng inyong mga magulang. Sa ganitong paraan, kayo na rin ang nagpapatunay na sang-ayon kayo sa mga ginawa ng inyong mga magulang; sapagkat sila ang pumatay sa mga propeta at kayo naman ang nagtatayo ng libingang puntod ng mga yaon. Dahil dito’y sinabi rin ng Karunungan ng Diyos, ‘Magsusugo ako sa kanila ng mga propeta at ng mga apostol; ang iba’y papatayin nila at uusigin ang iba.’ Sa gayo’y lalagapak sa lahing ito ang parusa dahil sa pagpatay sa mga propeta buhat nang itatag ang sanlibutan, magmula ay Abel hanggang kay Zacarias na pinatay sa pagitan ng dambanang sunugan ng mga handog at ng gusali ng Templo. Sinasabi ko sa inyo, lalagapak sa lahing ito ang parusa dahil sa kanilang ginawa.
“Kawawa kayo, mga dalubhasa sa Kautusan! Sapagkat inalis ninyo ang susi ng karunungan. Ayaw na ninyong magsipasok, hinahadlangan pa ninyo ang mga nagnanais pumasok.”
At umalis si Hesus sa bahay na iyon. Mula noon, tinuligsa na siya ng mga eskriba at ng mga Pariseo at pinagtatatanong tungkol sa maraming bagay, upang masilo siya sa kanyang pananalita.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Efeso 1, 11-14
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Efeso
Mga kapatid, dahil kay Kristo, kami’y naging bayan ng Diyos na nagsagawa ng lahat ng bagay ayon sa kanyang panukala at kalooban. Nangyari ito nang kami’y hirangin niya noon pang una – kaming mga unang umasa kay Kristo – sa lalong ikadadakila niya.
Kayo ma’y naging bayan ng Diyos nang kayo’y manalig sa kanya matapos ninyong marinig ang salita ng katotohanan – ang Mabuting Balita na nagdudulot ng kaligtasan. Kaya’t ipinagkaloob sa inyo ang Espiritu Santong ipinangako ng Diyos bilang tatak ng pagkahirang sa inyo. Ang Espiritu ang katibayan ng mga pangako ng Diyos sa ating mga hinirang hanggang kamtan natin ang lubos na kaligtasan. Purihin natin ang kanyang kadakilaan!
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 32, 1-2. 4-5. 12-13
Mapalad ang ibinukod na bansang hinirang ng D’yos.
Lahat ng matuwid dapat na magsaya
dahil sa ginawa ng Diyos sa kanila;
Kayong masunuri’y magpuri sa kanya!
Ang Panginoong Diyos ay pasalamatan,
tugtugin ang alpa’t awit ay saliwan.
Mapalad ang ibinukod na bansang hinirang ng D’yos.
Panginoo’y tapat sa kanyang salita,
at maaasahan ang kanyang ginawa.
Minamahal niya ang gawang matapat,
ang pag-ibig niya sa mundo’y laganap.
Mapalad ang ibinukod na bansang hinirang ng D’yos.
Mapalad ang bansang Panginoo’y Diyos,
mapalad ang bayang kanyang ibinukod.
Magmula sa langit, kanyang minamasdan
ang lahat ng tao na kayang nilalang.
Mapalad ang ibinukod na bansang hinirang ng D’yos.
ALELUYA
Salmo 32, 22
Aleluya! Aleluya!
Diyos na maaasahan,
kami’y iyong kaawaan,
kalingain at damayan.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 12, 1-7
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, samantalang dumaragsa ang libu-libong tao, anupat nagkakatapakan sila, nagsalita muna si Hesus sa kanyang mga alagad, “Mag-ingat kayo sa lebadura ng mga Pariseo – ito’y ang pagpapaimbabaw. Walang natatago na di malalantad, at walang nalilihim na di mabubunyag. Anumang sabihin ninyo sa dilim ay maririnig sa liwanag at anumang ibulong ninyo sa mga silid ay ipagsisigawan.
“Sinabi ko sa inyo, mga kaibigan, huwag ninyong katakutan ang mga pumapatay ng katawan, at pagkatapos ay wala nang magagawa pa. Sasabihin ko sa inyo kung sino ang dapat ninyong katakutan: katakutan ninyo yaong pagkatapos na pumatay ay may kapangyarihan pang magbulid sa impiyerno. Sinasabi ko sa inyo, ang Diyos ang dapat ninyong katakutan!
“Hindi ba ipinagbibili sa halagang dalawang pera lamang ang limang maya? Gayunman, kahit isa sa kanila’y hindi pinababayaan ng Diyos. Maging ang buhok ninyo’y bilang na lahat. Kaya, huwag kayong matakot; higit kayong mahalaga kaysa mga maya.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Efeso 1, 15-23
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Efeso
Mga kapatid, mula nang mabalitaan ko ang tungkol sa inyong pananalig sa Panginoong Hesus at ang inyong pag-ibig sa lahat ng hinirang, walang humpay ang pasasalamat ko sa Diyos para sa inyo. Inaalaala ko kayo sa aking panalangin, at hinihiling sa Diyos ng ating Panginoong Hesukristo, ang dakilang Ama, na pagkalooban niya kayo ng espiritu ng karunungan at ng tunay na pagkakilala sa kanya. Nawa’y liwanagan ng Diyos ang inyong mga isip upang malaman ninyo ang ating inaasahan sa kanyang pagkatawag sa atin. Ito’y ang kaluwalhatiang inilaan niya sa kanyang mga hinirang, at ang walang hanggang kapangyarihan niya sa atin na mga nananalig sa kanya. Ang kapangyarihan ding iyon ang muling bumuhay kay Kristo at nagluklok sa kanya sa kalangitan, sa kanan ng Diyos. Kaya’t nasa ilalim ng kapangyarihan ni Kristo ang lahat ng paghahari, kapamahalaan, kapangyarihan, at pamunuan. Higit ang kanyang pangalan kaysa lahat ng pangalan, hindi lamang sa panahong ito kundi pati sa darating. Ipinailalim ng Diyos sa kapangyarihan ni Kristo ang lahat ng bagay, at siya ang ginawang ulo ng Simbahan. Ito ang katawan ni Kristo, ang kapuspusan niya na pumuspuspos sa lahat-lahat.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 8, 2-3a. 4-5. 6-7
Pinamahala sa tao ang lahat ng nasa mundo.
Ikaw, O Poon, Panginoon namin,
laganap sa lupa ang iyong luningning,
at hanggang sa langit laging pupurihin.
Aawitang lagi niyong mga bata,
na wala pang malay at sariling diwa.
Pinamahala sa tao ang lahat ng nasa mundo.
Ang likha mong langit, kung aking pagmasdan,
pati mga tala, bituin at buwan;
anonga ang tao upang ‘yong alalahanin?
Ay ano nga siya na sukat mong kalingain?
Pinamahala sa tao ang lahat ng nasa mundo.
Nilikha mo siya, na halos kapantay
Ng iyong luningning at kadakilaan!
Pinamahala mo sa buong daigdig,
sa lahat ng bagay malaki’t maliit.
Pinamahala sa tao ang lahat ng nasa mundo.
ALELUYA
Juan 15, 26b. 27a
Aleluya! Aleluya!
Kayo at ang Espiritu
ang s’yang magpapatotoo
tungkol sa aral na Kristo.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 12, 8-12
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Sinasabi ko sa inyo, ang sinumang kumikilala sa akin sa harapan ng mga tao ay kikilanlin din naman ng Anak ng Tao sa harapan ng mga anghel ng Diyos. Ngunit ang magtatwa sa akin sa harapan ng mga tao ay itatatwa ko rin naman sa harapan ng mga anghel ng Diyos.
“Ang sinumang magsalita laban sa Anak ng Tao ay mapatatawad; ngunit ang lumait sa Espiritu Santo ay hindi mapatatawad.
“Kapag kayo’y dinala nila sa sinagoga, o sa harapan ng mga tagapamahala at ng mga maykapangyarihan upang litisin, huwag ninyong isipin kung paano ninyo ipagtatanggol ang sarili o kung ano ang inyong sasabihin. Sapagkat sa oras na iyon, ang Espiritu Santo ang magtuturo sa inyo kung ano ang dapat ninyong sabihin.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Isaias 45, 1. 4-6
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Hinirang ang Panginoon si Ciro
para maging hari
upang lupigin ang mga bansa
at alisan ng kapangyarihan ang mga hari.
Ibubukas ng Panginoon
ang mga pintong-bayan para sa kanya.
Sinabi ng Panginoon kay Ciro:
“Tinawag nga kita
upang tulungan si Israel na lingkod,
ang bayan kong hinirang.
Binigyan kita ng malaking karangalan
bagamat di mo ko kilala.
Ako ang Panginoon,
Ako lamang ang Diyos at wala nang iba;
palalakasin kita,
bagamat ako’y di mo pa kilala.
Ginawa ko ito
upang ako ay makilala ng buong daigdig,
na makikilala nila na ako ang Panginoon,
Ako lamang ang Diyos at wala nang iba.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 95, 1 at 3, 4-5. 7-8. 9-10a at k
Dakilang kapangyarihan ng Panginoo’y idangal.
Purihin ang Panginoon, awitan ng bagong awit;
Panginoo’y papurihan nitong lahat sa daigdig!
Kahit saa’y ipahayag na ang Poon ay dakila,
sa madla ay ipahayag ang dakila niyang gawa.
Dakilang kapangyarihan ng Panginoo’y idangal.
Ang Poon ay tunay na dakila, marapat na papurihan
higit sa sinumang diyos, siya’y dapat katakutan.
Ang diyos ng sanlibuta’y pawang mga diyus-diyusan;
ang Poon lang ang may likha ng buong sangkalangitan.
Dakilang kapangyarihan ng Panginoo’y idangal.
Ang Panginoo’y purihin ng lahat sa daigdigan!
Purihin ang lakas niya at ang kanyang kabanalan!
Ang pagpuri ay iukol sa pangalan niyang banal,
dumulog sa kanyang templo’t maghandog ng mga alay.
Dakilang kapangyarihan ng Panginoo’y idangal.
Kung ang Poon ay dumating, sa likas n’yang kabanalan,
Humarap na nanginginig ang lahat sa daigdigan.
“Ang Poon ay siyang hari,” sa daigdig ay sabihin,
sa paghatol sa nilikha, lahat pantay sa paningin.
Dakilang kapangyarihan ng Panginoo’y idangal.
IKALAWANG PAGBASA
1 Tesalonica 1, 1-5b
Ang simula ng unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Tesalonica
Mula kina Pablo, Silas, at Timoteo:
Sa simbahan sa Tesalonica – mga hinirang ng Diyos Ama at ng Panginoong Hesukristo: Sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaan.
Lagi kaming nagpapasalamat sa Diyos dahil sa inyo at tuwina’y isinasama namin kayo sa aming dalangin. Ginugunita namin sa harapan ng ating Diyos at Ama ang inyong mga gawang bunga ng pananampalataya, ang inyong mga pagpapagal na udyok ng pag-ibig, at ang matibay ninyong pag-asa sa Panginoong Hesukristo. Nalalaman namin, mga kapatid, na kayo’y hinirang ng Diyos na nagmamahal sa inyo. Ang Mabuting Balita na lubos naming pinaniniwalaan ay ipinahayag namin sa inyo hindi sa salita lamang. Ito’y may kapangyarihan at patotoo ng Espiritu Santo.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Filipos 2, 15d. 16a
Aleluya! Aleluya!
Sa daigdig ay laganap
liwanag na sumisikat
Salitang buhay ng lahat.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 22, 15-21
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, umalis ang mga Pariseo at pinag-usapan kung paano nila masisilo si Hesus sa kanyang pananalita. Kaya pinapunta nila sa kanya ang ilan sa kanilang mga alagad, kasama ang ilang tauhan ni Herodes. Sinabi nila, “Guro, nalalaman naming kayo’y tapat, at itinuturo ninyo nang buong katotohanan ang ibig ng Diyos na gawin ng mga tao. Wala kayong pinangingimian sapagkat pareho ang pagtingin ninyo sa tao. Ano po ang palagay ninyo? Naaayon ba sa Kautusan na bumuwis sa Cesar, o hindi?” Ngunit batid ni Hesus ang kanilang masamang layon kaya’t sinabi niya, “Kayong mapagimbabaw! Bakit ibig ninyo akong siluin? Akin na ang salaping pambuwis.” At siya’y binigyan nila ng isang denaryo. “Kaninong larawan at pangalan ang nakaukit dito?” tanong ni Hesus, “Sa Cesar po,” tugon nila. At sinabi niya sa kanila, “Kung ayon, ibigay ninyo sa Cesar ang sa Cesar, at sa Diyos ang sa Diyos.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Galacia 1, 6-12
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Galacia
Mga kapatid, nagtataka ako kung bakit kay dali ninyong tinalikdan ang Diyos na tumawag sa inyo sa pamamagitan ng pag-ibig ni Kristo at bumaling kayo sa ibang mabuting balita. Ang totoo’y walang ibang mabuting balita; lamang, may mga nanliligalig sa inyo at nagsisikap na baguhin ang Mabuting Balita tungkol kay Kristo. Maging kami o isang anghel man mula sa langit ang mangaral sa inyo ng iba kaysa Mabuting Balitang ipinangaral namin, pakasumpain siya! Sinabi na namin, at inuulit ko: kung may mangaral sa inyo ng iba kaysa Mabuting Balitang tinanggap ninyo, pakasumpain siya!
Ngayon, nangangahulugan bang ang hinahangad ko’y papuri ng tao? Hindi! Ang papuri ng Diyos ang hinahangad ko. Sinisikap ko bang magbigay-lugod sa tao? Kung iyan lamang ang hangad ko, hindi na sana ako naging alipin ni Kristo.
Ibig kong malaman ninyo, mga kapatid, na hindi katha ng tao ang Mabuting Balitang ipinangaral ko. Hindi ko ito tinanggap mula sa tao, ni itinuro sa akin ng tao. Si Hesukristo ang nagpahayag nito sa akin.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 110, 1-2. 7-8. 9 at 10k
Pangako ng Poon nati’y lagi nating gunitain.
Buong puso siyang pasasalamatan,
aking pupurihin sa gitna ng bayan
kasama ng mga lingkod na hinirang.
Napakadakila ang gawa ng Diyos,
pinananabikan ng lahat ng lingkod.
Pangako ng Poon nati’y lagi nating gunitain.
Ang gawa ng Diyos, matuwid at tapat,
at maaasahan lahat niyang batas.
Ito ay lalagi at di magwawakas,
pagkat ang saliga’y totoo’y matapat.
Pangako ng Poon nati’y lagi nating gunitain.
Kaligtasa’y dulot sa mga hinirang,
may ipinangakong walang hanggang tipan;
banal at dakila ang kanyang pangalan;
at pupurihin pa magpakailanman.
Pangako ng Poon nati’y lagi nating gunitain.
ALELUYA
Juan 13, 34
Aleluya! Aleluya!
Bagong utos, ani Kristo,
mag-ibigan sana kayo
katulad ng pag-ibig ko.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 10, 25-37
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, may isang eskribang lumpait kay Hesus upang siya’y subukin. “Guro,” aniya, “ano ang dapat kong gawin upang magkamit ng buhay na walang hanggan?” Sumagot si Hesus, “Ano ang nakasulat sa Kautusan? Ano ang nababasa mo roon?” Tumugon siya, “‘Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, nang buong lakas, at nang buong pag-iisip’; at ‘Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.’” “Tama ang sagot mo,” wika ni Hesus. “Gawin mo iyan at mabubuhay ka.”
Sa hangad ng eskriba na huwag siyang lumabas na kahiya-hiya, tinanong niya uli si Hesus, “Sino naman ang aking kapwa?” Sumagot si Hesus: “May isang taong naglalakbay buhat sa Jerusalem, patungong Jerico. Hinarang siya ng mga tulisan, kinuha pati damit sa katawan, binugbog at halos patay na nang iwan. Nagkataong dumaan doon ang isang saserdote at pagkakita sa taong nakahandusay, siya’y lumihis at nagpatuloy ng kanyang lakad. Dumaan din ang isang Levita, ngunit tiningnan lamang niya ito at nagpatuloy ng kanyang lakad. Ngunit may isang Samaritanong naglalakbay na naparaan doon. Nakita niya ang hinarang at siya’y nahabag. Lumapit siya, binusan ng langis at alak ang mga sugat nito at tinalian. Saka isinakay ang tao sa kanyang sinasakyang hayop, dinala sa bahay-panuluyan, at inalagaan doon. Kinabukasan, dumukot siya ng dalawang denaryo, ibinigay sa may-ari ng bahay-panuluyan at sinabi, ‘Alagaan mo siya, at kung magkano man ang kakulangan niyan, babayaran ko sa aking pagbabalik.’ Sino ngayon sa palagay mo ang nagpakita ng kanyang pakikipagkapwa sa taong hinarang ng mga tulisan?” tanong ni Hesus. “Ang nagpakita ng habag sa kanya,” tugon ng eskriba. Sinabi sa kanya ni Hesus, “Humayo ka’t gayun din ang gawin mo.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Galacia 1, 13-24
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Galacia
Mga kapatid, hindi kaila sa inyo kung paano ako namuhay bilang masugid na kaanib sa Judaismo. Buong lupit kong inusig ang simbahan ng Diyos at sinikap na ito’y wasakin. Naging mas masugid ako sa relihiyong ito kaysa maraming Judiong kasinggulang ko, at malaki ang aking malasakit sa mga kaugalian ng aming mga ninuno.
Ngunit sa kagandahang-loob ng Diyos, hinirang niya ako bago pa ipanganak, at tinawag upang maging lingkod niya. At nang ihayag niya sa akin ang kanyang Anak, upang ang Mabuting Balita tungkol sa kanya ay maipangaral ko sa mga Hentil, hindi ako sumangguni kaninuman. Ni hindi ako nagpunta sa Jerusalem upang makipagkita sa mga apostol na una kaysa akin. Sa halip, nagtungo ako sa Arabia at pagkatapos ay nagbalik sa Damasco. Nakaraan pa ang tatlong taon bago ako umakyat sa Jerusalem upang makipagkita kay Pedro, at labinlimang araw kaming nagkasama. Wala akong nakitang apostol liban kay Santiago na kapatid ng Panginoon.
Totoong lahat ang sinasabi ko sa sulat na ito. Alam ng Diyos na hindi ako nagsisinungaling.
Pagkatapos, pumunta ako sa mga lalawigan ng Siria at ng Cilicia. Hindi pa ako nakikita noon ng mga Kristiyano sa Judea. Nabalitaan lamang nila na ang dating umuusig sa kanila ay nangangaral ngayon tungkol sa pananampalataya na kanyang sinikap na wasakin noong una. Kaya’t nagpuri sila sa Diyos dahil sa akin.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 138, 1-3. 13-14ab. 14k-15
Poon, ako ay samahan sa buhay na walang hanggan.
Ako’y iyong siniyasat, batid mo ang aking buhay,
ang lahat kong lihim, Poon, ay tiyak mong nalalaman.
Ang lahat ng gawain ko, sa iyo ay hindi lingid,
kahit ikaw ay malaya, batid mo ang aking isip.
Ako’y iyong nakikita, gumagawa o hindi man,
ang lahat ng gawain ko’y pawang iyong nalalaman.
Poon, ako ay samahan sa buhay na walang hanggan.
Ang anumang aking sangkap, ikaw O Diyos ang lumikha,
sa tiyan ng aking ina’y hinugis mo akong bata.
Pinupuri kita, O Diyos, marapat kang katakutan,
ang lahat ng gawain mo ay kahanga-hangang tunay.
Poon, ako ay samahan sa buhay na walang hanggan.
Lahat ito’y nakikintal, sa puso ko at loobin.
Ang buto ko sa katawan noong iyon ay hugisin,
sa loob ng bahay-bata doo’y iyong napapansin’;
lumalaki ako roong sa iyo’y di nalilihim.
Poon, ako ay samahan sa buhay na walang hanggan.
ALELUYA
Lucas 11, 28
Aleluya! Aleluya!
Mapalad ang sumusunod
sa salitang buhat sa D’yos
at namumuhay nang angkop.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 10, 38-42
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, pumasok si Hesus sa isang nayon. Malugod siyang tinanggap ng isang babaing nagngangalang Marta sa tahanan nito. Ang babaing ito’y may isang kapatid na Maria ang pangalan. Naupo ito sa paanan ng Panginoon at nakinig sa kanyang itinuturo. Alalang-alala si Marta sapagkat kulang ang kanyang katawan sa paghahanda, kaya’t lumapit siya kay Hesus at ang wika, “Panginoon, sabihin nga po ninyo sa kapatid kong tulungan naman ako.” Ngunit sinagot siya ng Panginoon, “Marta, Marta, naliligalig ka at abalang-abala sa maraming bagay, ngunit isa lamang ang talagang kailangan. Pinili ni Maria ang lalong mabuti, at ito’y hindi aalisin sa kanya.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Galacia 2, 1-2. 7-14
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Galacia
Mga kapatid, makalipas ang labing-apat na taon, muli akong pumunta sa Jerusalem na kasama sina Bernabe at Tito. Nagbalik ako sapagkat ipinaalam sa akin ng Diyos na dapat akong pumaroon. Nakipagpulong ako nang sarilinan sa mga pangunahin sa simbahan, at ipinaliwanag ko sa kanila ang Mabuting Balita ng kaligtasan na ipinangangaral ko sa mga Hentil. Ginawa ko ito sapagkat ayokong mawalan ng kabuluhan ang aking pagpapagal sa nakaraan at sa kasalukuyan.
Sa halip, kinilala nilang ako’y hinirang ng Diyos upang mangaral ng Mabuting Balita ng kaligtasan sa mga Hentil tulad din ng pagkahirang kay Pedro upang mangaral ng Mabuting Balita ng kaligtasan sa mga Judio. Ang Diyos na humirang kay Pedro bilang apostol sa mga Judio ang siya ring humirang sa akin bilang apostol sa mga Hentil. Nabatid nina Santiago, Pedro at Juan, mga kilalang haligi ng simbahan, na ang Diyos ang siyang nagbigay sa akin ng tanging kaloob na ito. Kaya’t kami ni Bernabe’y tinanggap nila bilang mga kamanggagawa. Pinagkasunduan namin na kami’y sa mga Hentil at sa mga Judio naman sila. Ang hiling lamang nila ay huwag naming pababayaan ang mga dukha, na talaga namang pinagsisikapan kong gawin.
Nang si Pedro’y nasa Antioquia, hayagan kong sinabi sa kanyang mali ang kanyang ginagawa. Sapagkat noong hindi pa dumarating ang ilang lalaking pinaparoon ni Santiago, siya’y sumasalo sa mga Hentil. Subalit nang dumating ang mga iyon, siya’y lumayo at hindi na nakisalo sa kanila dahil sa takot sa pangkat ng mga Judio. At gumaya rin sa kanya ang ibang mga kapatid doon na mga Judio; pati na si Bernabe’y natangay sa kanilang pagkukunwari. Nang makita kong hindi sila namumuhay ayon sa tunay na diwa ng Mabuting Balita, sinabi ko kay Pedro sa harapan nilang lahat, “Kung ikaw na isang Judio ay namumuhay na parang Hentil at di bilang isang Judio, paano mo mapipilit ang mga Hentil na mamuhay na gaya ng mga Judio?”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 116, 1. 2
Humayo’t dalhin sa tanan Mabuting Balitang aral.
o kaya: Aleluya.
Purihin ang Poon!
Dapat na purihin ng lahat ng bansa,
Siya ay purihin
ng lahat ng tao sa balat ng lupa.
Humayo’t dalhin sa tanan Mabuting Balitang aral.
Pagkat ang pag-ibig
na ukol sa ati’y dakila at wagas,
at ang katapatan niya’y walang wakas.
Humayo’t dalhin sa tanan Mabuting Balitang aral.
ALELUYA
Roma 8, 15bk
Aleluya! Aleluya!
Espiritu ng Diyos Anak
ay siyang ating tinanggap
nang D’yos Ama ay matawag.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 11, 1-4
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Minsan, nananalangin si Hesus. Pagkatapos niya, sinabi ng isa sa kanyang mga alagad, “Panginoon, turuan po ninyo kaming manalangin, katulad ng ginawa ni Juan sa kanyang mga alagad.” Sinabi ni Hesus, “Kung kayo’y mananalangin, ganito ang sabihin ninyo:
‘Ama, sambahin nawa ang pangalan mo.
Magsimula na sana ang iyong paghahari.
Bigyan mo kami ng aming makakain sa araw-araw.
At patawarin mo kami sa aming mga kasalanan,
sapagkat pinatatawad namin ang bawat nagkasala sa amin.
At huwag mo kaming iharap sa mahigpit na pagsubok.’”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Galacia 3, 1-5
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Galacia
Nahihibang na ba kayong mga taga-Galacia? Sino ang nakagayuma sa inyo? Maliwanag na ipinahayag sa inyo ang pagkamatay ni Hesukristo sa krus! Ito lamang ang ibig kong malaman sa inyo: tinanggap ba ninyo ang Espiritu dahil sa pagsunod sa Kautusan o dahil sa inyong pakikinig at paniniwala sa Mabuting Balita tungkol kay Kristo? Napakahangal ninyo! Nagsimula kayo sa Espiritu at ngayo’y nagwawakas sa laman. Wala na bang halaga ang naging karanasan ninyo? Marahil naman ay mayroon. Bakit ba ipinagkakaloob sa inyo ng Diyos ang Espiritu? Bakit ba siya gumagawa ng mga himala? Dahil ba sa inyong mga gawa ayon sa Kautusan o dahil sa inyong paniniwala sa Mabuting Balita.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Lucas 1, 69-70. 71-72. 73-75
Poong Diyos ay purihin, nilingap n’ya ang Israel.
Nagpadala ang Diyos sa atin ng isang makapangyarihang Tagapagligtas,
mula sa lipi ni David na kanyang lingkod.
Ipinangako niya sa pamamagitan ng kanyang mga banal na propeta noong una.
Poong Diyos ay purihin, nilingap n’ya ang Israel.
Na ililigtas niya tayo sa ating mga kaaway.
At sa kamay ng lahat ng napopoot sa atin.
Ipinangako rin niya na kahahabagan ang ating mga magulang,
at aalalahanin ang kanyang banal na tipan.
Poong Diyos ay purihin, nilingap n’ya ang Israel.
Iyan ang sumpang binitiwan niya sa ating amang si Abraham,
na ililigtas tayo sa ating mga kaaway,
upang walang takot na makasamba sa kanya,
at maging banal at matuwid sa kanyang paningin, habang tayo’y nabubuhay.
Poong Diyos ay purihin, nilingap n’ya ang Israel.
ALELUYA
Mga Gawa 16, 14b
Aleluya! Aleluya!
Kami’y iyong pangaralan
upang aming matutuhan
ang Salitang bumubuhay!
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 11, 5-13
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Ipalagay natin na ang isa sa inyo’y nagpunta sa isang kaibigan isang hatinggabi at nagsabi, ‘Kaibigan, bigyan mo muna ako ng tatlong tinapay. Dumating kasi ang isa kong kaibigang naglalakbay at wala akong maihain sa kanya!’ At ganito naman ang sagot ng kanyang kaibigan sa loob ng bahay, ‘Huwag mo nga akong gambalain! Nakatrangka na ang pinto at nakahiga na kami ng aking mga anak. Hindi na ako makababangon pa upang bigyan kita ng iyong kailangan.’ Sinasabi ko sa inyo, hindi man siya bumangon dahil sa kanilang pagkakaibigan, babangon siya upang ibigay ang hinihingi ng kaibigan sa pagpupumilit nito. Kaya sinasabi ko sa inyo: Humingi kayo, at kayo’y bibigyan; humanap kayo at kayo’y makasusumpong; kumatok kayo, at ang pinto’y bubuksan para sa inyo. Sapagkat tumatanggap ang bawat humihingi; nakasusumpong ang bawat humahanap; at binubuksan ang pinto sa bawat humahanap; at binubuksan ang pinto sa bawat kumakatok. Kayong mga ama, bibigyan ba ninyo ng ahas ang inyong anak kung humihingi ng isda? Bibigyan ba ninyo siya ng alakdan kung siya’y humihingi ng itlog? Kung kayong masasama ay marunong magbigay ng mabubuting bagay sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Amang nasa langit! Ibibigay niya ang Espiritu Santo sa mga humihingi sa kanya!”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Galacia 3, 7-14
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Galacia
Mga kapatid, maliwanag na ang mga nananalig sa Diyos ang siyang tunay na lahi ni Abraham. Hindi pa ma’y ipinakita na ng Kasulatan na pawawalang-sala ng Diyos ang mga Hentil sa pamamagitan ng kanilang pananalig sa kanya. At ipinahayag na kay Abraham noon pa ang Mabuting Balita: “Sa pamamagitan mo’y pagpapalain ng Diyos ang lahat ng bansa.” Nanalig sa Diyos si Abraham at siya’y pinagpala kaya’t pagpapalain ding tulad niya ang lahat ng nananalig sa Diyos.
Ang lahat ng nananangan sa pagsunod sa Kautusan ay nasa ilalim ng isang sumpa. Sapagkat nasasaad sa Kasulatan, “Sumpain ang hindi tumutupad sa lahat ng nasusulat sa aklat ng Kautusan.” Maliwanag, kung gayun, na walang taong ibibilang na matuwid sa paningin ng Diyos sa pamamagitan ng Kautusan sapakat “Ang pinawalang-sala sa pamamagitan ng pananampalataya ay mabubuhay.” Ngunit ang Kautusan ay hindi nasasalalay sa pananalig sa Diyos, sapagkat sinasabi ng Kasulatan, “Ang tumutupad sa hinihingi ng Kautusan ay mabubuhay sa pamamagitan nito.”
Tinubos tayo ni Kristo sa sumpa ng Kautusan nang siya’y magdusa na parang isang sinumpa. Sapagkat nasasaad sa Kasulatan, “Sinumpa ang bawat ibinitin sa punongkahoy.” Tinubos niya tayo upang ang mga pagpapalang ipinangako ng Diyos kay Abraham ay kamtan ng mga Hentil sa pamamagitan ni Kristo Hesus, at sa pamamagitan ng pananalig sa kanya ay sumaatin ang Espiritung ipinangako ng Diyos.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 110, 1-2. 3-4. 5-6
Pangako ng Poon nati’y lagi nating gunitain.
o kaya: Aleluya.
Buong puso siyang pasasalamatan,
aking pupurihin sa gitna ng bayan
kasama ng mga lingkod na hinirang.
Napakadakila ang gawa ng Diyos,
pinananabikan ng lahat ng lingkod.
Pangako ng Poon nati’y lagi nating gunitain.
Lahat niyang gawa’y dakila at wagas,
bukod sa matuwid hindi magwawakas.
Hindi inaalis sa ating gunita,
na siya’y mabuti’t mahabaging lubha.
Pangako ng Poon nati’y lagi nating gunitain.
Sa may pagkatakot pagkai’y sagana;
pangako ng Poon ay hindi nasisira.
Ipinadama n’ya sa mga hinirang,
ang kapangyarihan niyang tinataglay,
nang ibigay niya lupa ng dayuhan.
Pangako ng Poon nati’y lagi nating gunitain.
ALELUYA
Juan 12, 31b-32
Aleluya! Aleluya!
Si Kristo ay itinampok,
sa kanya tayo’y dumulog,
kasamaan ay natapos.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 11, 15-26
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, matapos palayasin ni Hesus ang isang demonyo, nanggilalas ang mga tao. Ngunit may ilan sa kanila ang nagsabi, “Si Beelzebul na prinsipe ng mga demonyo ang nagbigay sa kanya ng kapangyarihang magpalayas ng mga demonyo.” May iba namang nais siyang subukin, kaya’t nagsabi, “Magpakita ka ng kababalaghang magpapakilala na ang Diyos ang sumasaiyo.” Ngunit batid ni Hesus ang kanilang iniisip, kaya’t sinabi sa kanila, “Babagsak ang bawat kahariang nahahati sa magkakalabang pangkat at mawawasak ang mga bahay roon. Kung maghimagsik si Satanas laban sa kanyang sarili, paano mananatili ang kanyang kaharian? Sinasabi ninyong nagpapalayas ako ng mga demonyo sapagkat binigyan ako ni Beelzebul ng kapangyarihang ito. Kung ako’y nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ni Beelzebul, sino naman ang nagbigay ng kapangyarihan sa inyong mga tagasunod na makagawa ng gayun? Sila na rin ang nagpapatunay na maling-mali kayo. Ngayon, kung ako’y nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos, nangangahulugang dumating na sa inyo ang paghahari ng Diyos.
“Kapag ang isang taong malakas at nasasandatahan ay nagbabantay sa kanyang bahay, malayo sa panganib ang kanyang ari-arian. Ngunit kung salakayin siya at talunin ng isang taong higit na malakas, sasamsamin nito ang mga sandatang kanyang inaasahan at ipamamahagi ang ari-ariang inagaw.
“Ang hindi panig sa akin ay laban sa akin, at nagkakalat ang hindi tumutulong sa aking mag-ipon.
“Kapag lumabas na mula sa tao ang isang masamang espiritu, ito’y gumagala sa mga tigang na lugar at naghahanap ng mapagpapahingahan. Kung walang matagpuan ay sasabihin nito sa sarili, ‘Babalik ako sa bahay na aking pinanggalingan.’ Pagbabalik ay matatagpuan niyang malinis na ang bahay at maayos. Kaya, lalabas siyang muli at magsasama ng pito pang espiritung masasama kaysa kanya, at papasok sila at maninirahan doon. Kaya’t sumasama kaysa dati ang kalagayan ng taong iyon.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Galacia 3, 22-29
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Galacia
Mga kapatid, sinasabi ng Kasulatan na ang lahat ng tao’y alipin ng kasalanan upang sa pamamagitan ng pananalig kay Hesukristo, ang mga sumasampalataya ay tumanggap ng mga ipinangako ng Diyos.
Bago dumating ang panahon ng pananampalataya, kami’y alipin ng Kautusan hanggang sa mahayag ang pananampalatayang ito. Kaya’t ang Kautusan ang naging tagapagturo namin hanggang sa dumating si Kristo at sa gayun, kami’y mabilang na matuwid sa pamamagitan ng pananalig sa kanya. Ngayong nananalig na kami sa kanya, wala na kami sa pangangalaga ng tagapagturo.
Dahil sa inyong pananalig kay Kristo Hesus, kayong lahat ay anak ng Diyos. Sapagkat ang lahat ng nabinyagan kay Kristo ay pinananahan ni Kristo. Wala nang pagkakaiba ang Judio at ang Griego, ang alipin at ang malaya, ang lalaki at ang babae – kayong lahat ay iisa dahil sa inyong pakikipag-isa kay Kristo Hesus. At kung kayo’y kay Kristo, kabilang kayo sa lahi ni Abraham, at tagapagmana ng mga ipinangako ng Diyos.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 104, 2-3. 4-5. 6-7
Nasa isip ng Maykapal ang tipan niya kailanman.
o kaya: Aleluya.
Siya ay purihin, suubin ng awit, ating papurihan,
ang kahanga-hangang mga gawa niya’y dapat na isaysay.
Tayo ay magalak yamang lahat tayo ay tunay na kanya,
ang kanyang pangalan, ang pangalang banal, napakadakila,
lahat ng may nais maglingkod sa Poon, dapat na magsaya.
Nasa isip ng Maykapal ang tipan niya kailanman.
Siya ay hanapin, at ang kanyang lakas ay siyang asahan,
siya ay hanapin upang mamalagi sa kanyang harapan.
Ating gunitain ang kahanga-hanga niyang mga gawa,
ang kanyang paghatol, gayun din ang kanyang ginawang himala.
Nasa isip ng Maykapal ang tipan niya kailanman.
Ito’y nasaksihan ng mga alipi’t anak ni Abraham,
gayun din ang lahat na anak ni Jacob na kanyang hinirang.
Ang Panginoong Diyos ay ang Panginoon, siya ang ating Diyos,
sa kanyang paghatol ay ang nasasaklaw, buong sansinukob.
Nasa isip ng Maykapal ang tipan niya kailanman.
ALELUYA
Lucas 11, 28
Aleluya! Aleluya!
Mapalad ang sumusunod
sa salitang buhat sa D’yos
at namumuhay nang angkop.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 11, 27-28
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, samantalang nagsasalita si Hesus sa mga tao, may isang babaing sumigaw mula sa karamihan at nagsabi sa kanya, “Mapalad ang babaing nagdala sa inyo sa kanyang sinapupunan at nagpasuso sa inyo!” Ngunit sumagot siya, “Higit na mapalad ang mga nakikinig sa salita ng Diyos at tumutupad nito!”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Isaias 25, 6-10a
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Sa Bundok ng Sion,
aanyayahan ng Panginoon ang lahat ng bansa,
gagawa siya ng isang piging para sa lahat
na ang handa’y masasarap na pagkain at inumin.
Sa bundok ding ito’y papawiin niya ang kalungkutang
naghahari sa lahat ng bansa.
Lubusan na niiyang papawiin ang kamatayan,
papahirin ng Panginoon ang luha ng lahat;
aalisin niya sa kahihiyan ang kanyang bayan.
Kung magkagayon, sasabihin ng lahat:
“Siya ang ating Diyos na ating pinagtitiwalaan,
ang inaasahan nating magliligtas sa atin;
Magalak tayo at ipagdiwang ang kanyang pagliligtas.”
Iingatan ng Diyos ang bundok na ito.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 22, 1-3a. 3b-4. 5, 6
Lagi akong mananahan sa bahay ng Poong mahal.
Panginoo’y aking Pastol, hindi ako magkukulang.
Ako’y pinahihimlay sa mainam na pastulan,
at inaakay niya ako sa tahimik na batisan,
binibigyan niya ako niyong bagong kalakasan.
Lagi akong mananahan sa bahay ng Poong mahal.
At sang-ayon sa pangako na kaniyang binitiwan
sa matuwid na landasi’y doon ako inaakay.
Kahit na ang daang iyo’y tumatahak sa karimlan,
hindi ako matatakot pagkat ika’y kaagapay;
ang tungkod mo at pamalo ang gabay ko at sanggalang.
Lagi akong mananahan sa bahay ng Poong mahal.
Sa harapan ng lingkod mo, ikaw ay may handang dulang,
ito’y iyong ginagawang nakikita ng kaaway;
nalulugod ka sa akin na ulo ko ay langisan
at pati na ang kalis ko ay iyong pinaaapaw.
Lagi akong mananahan sa bahay ng Poong mahal.
Tunay na ang pag-ibig mo at ang iyong kabutihan,
sasaaki’t tataglayin habang ako’y nabubuhay;
doon ako sa templo mo lalagi at mananahan.
Lagi akong mananahan sa bahay ng Poong mahal.
IKALAWANG PAGBASA
Filipos 4, 12-14. 19-20
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Filipos
Mga kapatid, naranasan ko ang maghikahos. Naranasan ko rin ang managana. Natutuhan ko nang harapin ang anumang katayuan: ang mabusog o magutom, ang kasaganaan o kasalatan. Ang lahat ng ito’y magagawa ko dahil sa lakas na kaloob sa akin ni Kristo.
Gayunman, ikinagagalak ko ang ginawa ninyong pagtulong sa akin.
At buhat sa kayamanan ng Diyos na hindi mauubos, ibibigay niya ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Purihin ang ating Diyos at Ama magpakailanman! Amen.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Efeso 1, 17-18
Aleluya! Aleluya!
D’yos Ama ni Hesukristo,
kami ay liwanagan mo
at tutugon kami sa ‘yo.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 22, 1-14
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon San Mateo
Noong panahong iyon, muling nagsalita si Hesus sa mga punong saserdote at matatanda ng bayan sa pamamagitan ng talinghaga. Sinabi niya, “Ang paghahari ng Diyos ay katulad nito: naghandog ng isang piging ang isang hari sa kasal ng kanyang anak na lalaki. Sinugo niya ang kanyang mga alipin upang tawagin ang mga inanyayahan ngunit ayaw nilang dumalo. Muli siyang nagsugo ng ibang mga alipin at kanyang pinagbilinan, ‘Sabihin ninyo sa mga inanyayahan na naihanda ko na ang aking piging: napatay na ang aking mga baka at mga pinatabang guya, at handa na ang lahat ng bagay. Halina kayo sa piging!’ Ngunit hindi ito pinansin ng mga inanyayahan. Humayo sila sa kani-kanilang lakad; ang isa’y sa kanyang bukid at sa kanyang pangangalakal naman ang isa. Sinunggaban naman ng iba ang mga alipin, hinamak at pinatay. Galit na galit ang hari. Pinaparoon niya ang kanyang mga kawal, ipinapuksa ang mga mamamatay-taong iyon at ipinasunog ang kanilang lungsod. Sinabi niya sa kanyang mga alipin, ‘Nakahanda na ang piging, ngunit hindi karapat-dapat ang mga inanyayahan. Kaya’t pumunta kayo sa mga lansangang matao, at inyong anyayahan sa kasalan ang lahat ng makita ninyo.’ Lumabas nga sa mga pangunahing lansangan ang mga alipin at isinama ang lahat ng natagpuan, masama’t mabuti, anupat napuno ng mga panauhin ang bulwagang pangkasalan.
“Pumasok ang hari upang tingnan ang mga panauhin, at nakita niya roon ang isang taong hindi nakadamit pangkasalan. ‘Kaibigan, bakit ka pumasok dito nang hindi nakadamit pangkasalan?’ tanong niya. Hindi nakaimik ang tao. Kaya’t sinabi ng hari sa mga katulong, ‘Gapusin ninyo ang kanyang kamay at paa at itapon siya sa kadiliman sa labas. Doo’y mananangis siya at magngangalit ang kanyang ngipin.’ Sapagkat marami ang tinatawag, ngunit kakaunti ang nahihirang.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Ezekiel 18, 25-28
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Ezekiel
Ito ang sinasabi ng Panginoon: “Marahil ay sasabihin ninyong hindi tama itong ginagawa ko. Makinig kayo, mga Israelita: Matuwid ang aking tuntunin, ang pamantayan ninyo ang baluktot. Kapag ang isang taong matuwid ay nagpakasama, mamamatay siya dahil sa kasamaang ginawa niya. At ang masamang nagpakabuti at gumawa ng mga bagay na matuwid ay mabubuhay. Dahil sa pagtalikod sa nagawa niyang kasamaan noong una, mabubuhay siya, hindi mamamatay.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 24, 4kb-5. 6-7. 8-9
Poon, iyong gunitain wagas mong pag-ibig sa ‘kin.
Ang kalooban mo’y ituro, O Diyos,
ituro mo sana sa aba mong lingkod;
ayon sa matuwid, ako ay turuan,
ituro mo, Poon, ang katotohanan;
Tagapagligtas ko na inaasahan.
Poon, iyong gunitain wagas mong pag-ibig sa ‘kin.
Poon, gunitain, pag-ibig mong wagas,
at ang kabutihang noon pa’y nahayag.
Patawarin ako sa pagkakasala,
sa kamalian ko nang ako’y bata pa;
pagkat pag-ibig mo’y hindi nagmamaliw,
ako sana, Poon, ay alalahanin!
Poon, iyong gunitain wagas mong pag-ibig sa ‘kin.
Mabuti ang Poon at makatarungan,
sa mga salari’y guro at patnubay;
sa mababang-loob siya yaong gabay,
at nagtuturo ng kanyang kalooban.
Poon, iyong gunitain wagas mong pag-ibig sa ‘kin.
IKALAWANG PAGBASA
Filipos 2, 1-11
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Filipos
Mga kapatid:
Nagbibigay ba sa inyo ng kasiglahan ang buhay na nakaugnay kay Kristo? Naaaliw ba kayo ng kanyang pag-ibig? May pagkakaisa ba kayo sa Espiritu Santo? Kayo ba’y may nadaramang hangarin na tumulong sa iba? Kung gayon, lubusin ninyo ang aking kagalakan – maghari sa inyo ang pagkakasundo, mabuklod kayo ng iisang pag-ibig at maging isa kayo sa puso’t diwa. Huwag kayong gagawa ng anumang bagay dahil lamang sa hangad ninyong matanyag, bagkus magpakababa kayo huwag ipalagay na kayo’y mabuti kaysa iba. Ipagmalasakit ninyo ang kapakanan ng iba, hindi lamang ang sa inyong sarili. Magpakababa kayo tulad ni Kristo Hesus:
Na bagamat siya’y Diyos,
hindi nagpilit na manatiling kapantay ng Diyos,
bagkus hinubad niya ang lahat ng katangian ng pagka-Diyos,
nagkatawang-tao at namuhay na isang alipin.
Nang maging tao,
siya’y nagpakababa at naging masunurin hanggang kamatayan,
Oo, hanggang kamatayan sa krus.
Kaya naman, siya’y itinampok ng Diyos at binigyan ng pangalang higit sa lahat ng pangalan.
Anupa’t ang lahat ng nilalang na nasa langit, nasa lupa, nasa ilalim ng lupa ay maninikluhod
At sasamba sa kanya.
At ipapahayag ng lahat na si Hesukristo ang Panginoon,
sa ikararangal ng Diyos Ama.
Ang Salita ng Diyos.
o kaya: Maikling Pagbasa
Filipos 2, 1-5
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Filipos
Mga kapatid:
Nagbibigay ba sa inyo ng kasiglahan ang buhay na nakaugnay kay Kristo? Naaaliw ba kayo ng kanyang pag-ibig? May pagkakaisa ba kayo sa Espiritu Santo? Kayo ba’y may nadaramang hangarin na tumulong sa iba? Kung gayun, lubusin ninyo ang aking kagalakan maghari sa inyo ang pagkakasundo, mabuklod kayo ng iisang pag-ibig at maging isa kayo sa puso’t diwa. Huwag kayong gagawa ng anumang bagay dahil lamang sa hangad ninyong matanyag, bagkus magpakababa kayo huwag ipalagay na kayo’y mabuti kaysa iba. Ipagmalasakit ninyo ang kapakanan ng iba, hindi lamang ang sa inyong sarili. Magpakababa kayo tulad ni Kristo Hesus.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Juan 10, 27
Aleluya! Aleluya!
Ang tinig ko’y pakikinggan
ng kabilang sa ‘king kawan;
ako’y kanilang susundan.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 21, 28-32
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga punong saserdote at mga matatanda ng bayan: “Ano ang palagay ninyo rito? May isang tao na may dalawang anak na lalaki. Lumapit siya sa nakatatanda at sinabi, ‘Anak, lumabas ka at magtrabaho sa ubasan ngayon.’ ‘Ayoko po.’ tugon niya. Ngunit nagbago ang kanyang isip at siya’y naparoon. Lumapit din ang ama sa ikalawa at gayun din ang kanyang sinabi. ‘Opo’ tugon nito, ngunit hindi naman naparoon. Sino sa dalawa ang sumunod sa kalooban ng kanyang ama?” “Ang nakatatanda po,” sagot nila. Sinabi sa kanila ni Hesus, “Sinasabi ko sa inyo: ang mga publikano at masasamang babae’y nauuna pa sa inyong pasakop sa paghahari ng Diyos. Sapagkat naparito sa inyo si Juan at ipinakilala ang matuwid na pamumuhay, at hindi ninyo siya pinaniwalaan. Ngunit pinaniwalaan siya ng mga publikano at ng masasamang babae. Nakita ninyo ito, subalit hindi pa rin kayo nagsisi at naniwala sa kanya.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Job 1, 6-22
Pagbasa mula sa aklat ni Job
Dumating ang panahon na ang mga anghel ng Diyos ay humarap sa Panginoon, at kasama si Satanas. Tinanong ito ng Panginoon, “Ano ang gawain mo ngayon?”
“Nagpaparoo’t parito sa lahat ng sulok ng daigdig,” sagot ni Satanas.
“Napansin mo ba ang lingkod kong si Job?” tanong uli ng Panginoon. “Wala siyang katulad sa dagidig. Malinis ang kanyang pamumuhay. Siya’y mabuting tao, may takot sa akin, at hindi gumagawa ng masama,” dugtong pa ng Panginoon.
Sumagot si Satanas, “Si Job kaya ay matatakot sa iyo nang walang dahilan? Bakit nga hindi siya matatakot sa iyo gayong pinagpala mo siya? Iniingatan mo pati ang kanyang sambahayan at ari-arian. Subukin mong huwag siyang pagpalain, bagkus ay sirain ang lahat niyang tinatangkilik kung di ka niya sumpain.”
Sinabi ng Panginoon kay Satanas, “O sige, gawin mo ang gusto mo sa kanyang mga ari-arian, huwag mo lang siyang sasaktan.” At si Satanas ay umalis sa harapan ng Panginoon.
Isang araw, ang mga anak ni Job ay nagkakainan at nag-iinuman sa bahay ng pinakamatanda sa magkakapatid. Di kaginsa-ginsa, humahangos na dumating kay Job ang isa niyang tauhan. Sinabi nito, “Kasalukuyan po naming ipinag-aararo ang mga baka at nanginginain naman ang mga asno, nang may dumating na mga Sabeo. Kinuha po nila ang mga baka at asno. Pinatay pa po ang aking mga kasama. Ako lamang po ang nakatakas.”
Hindi pa ito nakatatapos sa pagbabalita nang may dumating pang isa. Sinabi naman nito kay Job, “Ang mga tupa at mga pastol ay tinamaan po ng kidlat at namatay na lahat; ako lamang po ang nakaligtas.”
Umuugong pa halos ang salita nito’y may dumating na naman. Ang sabi, “Sinalakay po kami ng tatlong pangkat ng mga Caldeo. Kinuha nila ang lahat ng kamelyo at pinatay ang mga pastol. Ako lamang po ang nakatakas.”
Hindi pa siya halos nakatatapos magsalita, may dumating pang isa at ang sabi, “Habang ang mga anak ninyo ay nagkakainan at nag-iinuman sa bahay ng pinakamatanda nilang kapatid, hinampas ng pagkalakas na hangin ang bahay at bumagsak. Nabagsakan po silang lahat at namatay. Ako lamang po ang natirang buhay.”
Tumindig si Job, pinunit ang kanyang damit at nag-ahit ng ulo. Pagkatapos, nagpatirapa siya sa lupa at nagpuri sa Diyos. Ang sabi niya: “Hubad akong lumabas sa tiyan ng aking ina, hubad din akong babalik sa alabok. Ang Panginoon ang nagbibigay, siya rin ang kukuha. Purihin ang Panginoon!” Sa kabila ng mga pangyayaring ito, hindi nagkasala si Job; hindi niya sinisi ang Panginoon.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 16, 1. 2-3. 6-7
Daing ko’y ‘yong dinirinig tuwing ako’y humihibik.
Dinggin mo po, Panginoon, ang tapat kong panawagan,
poon, ako ay dinggin mo, sa daing ko na tulungan;
pagkat ako’y taong tapat, di nandaya kailanman,
kaya ako’y sumasamong dalangin ko ay pakinggan.
Daing ko’y ‘yong dinirinig tuwing ako’y humihibik.
Hahatol ka sa panig ko sa pasiya mong ibibigay,
pagkat iyong natatanto ang tunay na katwiran.
Ang tibukin ng puso ko ay lubos mong nababatid,
sa piling ko, naroon ka’t kahit gabi’y nagmamasid;
ako’y iyong sinisiyasat, nasumpungan mong matuwid,
tapat ako kung mangusap, ang layunin ay malinis.
Daing ko’y ‘yong dinirinig tuwing ako’y humihibik.
Ang daing ko, Panginoon, ay lagi mong dinirinig,
kaya ako’y dumudulog at sa iyo humihibik;
sa amin ay ipadama, yaong banal mong pag-ibig,
sa piling mo’y ligtas kami sa kamay ng malulupit.
Daing ko’y ‘yong dinirinig tuwing ako’y humihibik.
ALELUYA
Marcos 10, 45
Aleluya! Aleluya!
Anak ng Tao’y dumating
upang sarili’y ihain;
Lingkod, Manunubos natin.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 9, 46-50
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, nagtalu-talo ang mga alagad kung sino sa kanila ang pinakadakila. Batid ni Hesus ang kanilang iniisip, kaya’t tinawag niya ang isang maliit na bata at pinatayo sa tabi niya. At sinabi niya sa kanila, “Ang sinumang tumatanggap sa batang ito alang-alang sa akin ay tumatanggap sa akin; at sinumang tumatanggap sa akin at tumatanggap sa nagsugo sa akin. Ang pinakaaba sa inyong lahat ay siyang pinakadakila.”
Sinabi ni Juan, “Guro, nakita po namin ang isang taong nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ng pangalan ninyo. Pinagbawalan namin siya sapagkat siya’y hindi natin kasamahan.” Ngunit sinabi ni Hesus, “Huwag ninyo siyang pagbawalan; sapagkat ang hindi laban sa atin ay kapanig natin.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Daniel 7, 9-10. 13-14
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Daniel
Habang ako’y nakatingin, may naglagay ng mga trono. Naupo sa isa sa mga ito ang isang nabubuhay magpakailanman. Kumikinang sa kaputian ang kanyang kasuotan at parang lantay na lana ang kanyang buhok. Ang trono niya’y nagniningning. Ang mga gulong nito ay apoy na nagliliyab. Waring agos ng tubig ang apoy na bumubuga mula sa trono. Ang naglilingkod sa kanya’y isang milyon bukod pa sa milyon-milyong nakaantabay. Humanda na siya sa paggagawad ng hatol at binuksan ang aklat. Patuloy ang aking pangitain. Ang nakita ko naman ay isang tila taong nakasakay sa ulap. Bumaba ito at lumapit sa nabubuhay magpakailanman. Binigyan siya ng kapamahalaan, ng karangalan at ng kaharian. Siya ay paglilingkuran ng lahat ng tao, bansa at wika. Ang pamamahala niya ay di matatapos, at di babawiin, at hindi mawawasak ang kanyang kaharian.
Ang Salita ng Diyos.
o kaya: Pahayag 12, 7-12a
Pagbasa mula sa aklat ng Pahayag
Sumiklab ang digmaan sa langit! Naglaban si Arkanghel Miguel, kasama ang kanyang mga anghel, at ang dragon, kasama naman ng kanyang mga kampon. Natalo ang dragon at ang kanyang mga kampon, at pinalayas sila sa langit. Itinapon ang dambuhalang dragon – ang matandang ahas na ang pangala’y Diyablo o Satanas, na dumaya sa buong sanlibutan. Itinapon siya sa lupa, pati ang kanyang mga kampon.
At narinig ko ang isang malakas na tinig buhat sa langit na nagsasabi, “Dumating na ang pagliligtas ng Diyos! Ipinamalas na niya ang kanyang kapangyarihan bilang Hari! Ipinamalas na ng Mesiyas ang kanyang karapatan! Pagkat pinalayas na sa langit ang umuusig araw at gabi sa mga kapatid natin. Nagtagumpay sila laban sa Diyablo sa pamamamagitan ng dugo ng Kordero at ng kanilang pagsaksi sa katotohanan; hindi sila nanghihinayang sa kanilang buhay. Kaya’t magalak kayo, kalangitan, at lahat ng naninirahan diyan!”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 137, 1-2a, 2bk-3, 4-5
Poon, kita’y pupurihin sa harap ng mga anghel.
Ako, Poon, buong pusong aawit ng pasasalamat
sa harap ng mga anghel, pupurihin kitang ganap
sa harap ng iyong templo ay yuyuko at gagalang,
pupurihin kita roon, pupurihin ang ‘yong ngalan.
Poon, kita’y pupurihin sa harap ng mga anghel.
Dahilan sa pag-ibig mo at sa iyong katapatan,
ika’y tunay na dakila, pati iyong kautusan.
Noong ako ay tumawag, tinanggap ko ang tugon mo
sa lakas mong itinulong ay lumakas agad ako.
Poon, kita’y pupurihin sa harap ng mga anghel.
Dahilan sa pangako mong narinig ng mga hari,
pupurihin ka ng lahat at ika’y ipagbubunyi;
ang lahat ng ginawa mo ay kanilang aawitin,
at ang kadakilaan mo ay kanilang sasambitin.
Poon, kita’y pupurihin sa harap ng mga anghel.
ALELUYA
Salmo 102, 21
Aleluya! Aleluya!
Ang Panginoo’y purihin
ng lahat n’yang mga anghel
na tapat at masunurin.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 1, 47-51
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, nang makita ni Hesus si Natanael, ay kanyang sinabi, “Masdan ninyo ang isang tunay na Israelita; siya’y hindi mandaraya!” Tinanong siya ni Natanael, “Paano ninyo ako nakilala?” Sumagot si Hesus, “Bago ka pa tawagin ni Felipe, nakita na kita nang ikaw ay nasa ilalim ng puno ng igos.” “Rabi, kayo po ang Anak ng Diyos! Kayo ang Hari ng Israel!” wika ni Natanael. Sinabi ni Hesus, “Nanampalataya ka ba dahil sa sinabi ko sa iyong nakita kita sa ilalim ng puno ng igos? Makakikita ka ng mga bagay na higit kaysa rito!” At sinabi niya sa lahat, “Tandaan ninyo: makikita ninyong bukas ang langit, at ang mga anghel ng Diyos ay manhik-manaog sa kinaroroonan ng Anak ng Tao!”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Job 9, 1-12. 14-16
Pagbasa mula sa aklat ni Job
Ang sagot ni Job sa kanyang mga kaibigan:
“Iyan ay dinig ko na noon pa mang una,
ngunit sinong tao kaya ang tatalo sa kanya?
Sino ang sa kanya’y maaaring mangatwiran?
Sa sanlibo niyang tanong, di masagot ang isa man.
Ang Diyos ay matalino at makapangyarihan,
sino kaya ang sa kanya ay makalalaban?
Walang sabi-sabing inuuga yaong bundok,
sa tindi ng kanyang galit, ito’y kanyang dinudurog.
Itong sangkalupaan ay kanyang nayayanig.
At nauuga niya ang saligan ng daigdig.
Napipigil sa pagsikat ang silahis nitong araw,
At kanyang naitatago ang tala sa kalangitan.
Siya lamang ang lumikha sa sangkalangitan,
at sa bangis nitong dagat, walang ibang makasaway.
Ang “Malaking Diper” at “Orion” ay siya lamang ang may lalang,
pati na ang Pleyades at mga kumpol na bituin sa timugan.
Makapangyarihan niyang gawa ay hindi maunawaan,
ang milagrong gawa niya sa dami ay di mabilang.
Siya’y nagdaraan ngunit di ko mamalas,
siya’y hindi ko makita, bagaman ay naglalakad.
Anuman ang gawin niya ay walang makahahadlang,
ni makapagtatanong, ‘Bakit mo ginawa iyan?
Anong aking isasagot sa kanyang katanungan?
Kahit ako walang sala ang tangi kong magagawa’y
sa harap ng Diyos na hukom manikluhod akong tunay.
Kahit niya bayaang ako’y makapagsalita,
di ko rin natitiyak kung ako’y diringgin kaya.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 87, 10bk-11. 12-13. 14-15
Panginoon, ako’y dinggin sa pagsamo ko’t dalangin.
Panginoong Diyos,
tumatawag ako sa ‘yo araw-araw,
sa pagdalangin ko ay taas ang kamay.
Makagagawa ba
ikaw, Panginoon, ng kababalaghan,
para purihin ka niyong mga patay?
Panginoon, ako’y dinggin sa pagsamo ko’t dalangin.
Ang pag-ibig mo ba
doon sa libinga’y ipinapahayag,
o sa kaharian
niyong mga patay ang ‘yong pagtatapat?
Doon ba sa dilim
ang dakilang gawa mo ba’y makikita,
o ang pagliligtas
sa mga lupaing wala nang pag-asa?
Panginoon, ako’y dinggin sa pagsamo ko’t dalangin.
O sa iyo, O Poon,
ako’y nananangis at nananawagan,
sa tuwing umaga
ako’y tumatawag sa iyong harapan.
Di mo ako pansin,
O Panginoon ko, di ka kumikibo,
bakit ang mukha mo’y
ikinukubli mo, ika’y nagtatago?
Panginoon, ako’y dinggin sa pagsamo ko’t dalangin.
ALELUYA
Filipos 3, 8-9
Aleluya! Aleluya!
Tana’y aking tatalikdan
upang si Kristo’y makamtan
bilang tanging pakinabang.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 9, 57-62
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, samantalang naglalakad sina Hesus at ang kanyang mga alagad, may taong nagsabi kay Hesus, “Susunod po ako sa inyo kahit saan.” Sumagot si Hesus, “May lungga ang asong-gubat at may pugad ang ibon, ngunit ang Anak ng Tao’y wala man lamang matulugan o mapagpahingahan.” Sinabi ni Hesus sa isa, “Sumunod ka sa akin.” Ngunit sumagot ang tao, “Panginoon, hayaan po muna ninyo akong umuwi upang ipalibing ang akin ama.” Sinabi ni Hesus sa kanya, “Ipaubaya mo na sa mga patay ang paglilibing ng kanilang mga patay. Ngunit ikaw, humayo ka at ipahayag mo ang tungkol sa paghahari ng Diyos.” Sinabi naman ng isa, “Susunod po ako sa inyo, Panginoon, ngunit magpapaalam muna ako sa aking mga kasambahay.” Sinabi sa kanya ni Hesus, “Ang sinumang nag-aararo at palaging lumilingon ay hindi karapat-dapat sa paghahari ng Diyos.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Job 19, 21-27
Pagbasa mula sa aklat ni Job
Sinabi ni Job:
“Aking mga kaibigan, ako’y inyong kahabagan;
at sa galit nitong Diyos, ako’y kanyang ibinuwal.
Bakit ako inuusig, waring kayo itong Diyos?
Di ba kayo magsasawang pahirapan akong lubos?
“Sana ang sinabi ko’y maitala’t masulat
at ito ay magawang isang buong aklat.
At sa bato’y maiukit itong mga salita ko
upang sa habang panaho’y mabasa ng mga tao.
Alam kong di natutulog ang aking Tagapagligtas
na sa aki’y magtatanggol pagdating noong wakas.
Pagkatapos na maluray itong aking buong balat,
ang Diyos ko’y mamamalas kahit laman ay maagnas.
Siya’y aking mamamasdan, at mukhaang makikita
ng sariling mga mata at di ng sinumang iba.
Ang puso ko’y nananabik na mamasdan ko na siya.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 26, 7-8a. 8b-9abk. 13-14
Makikita ang Maykapal sa kanyang lupang hinirang.
O Diyos, ako’y dinggin sa aking pagtawag,
lingapin mo ako, sa aki’y mahabag.
Ang paanyaya mo’y “Lumapit sa akin.”
huwag kang magkukubli’t kita’y hahanapin!
Makikita ang Maykapal sa kanyang lupang hinirang.
H’wag kang magagalit, huwag mong itatakwil
akong katulong mo at iyong alipin;
Tagapagligtas ko, h’wag akong lisanin!
Makikita ang Maykapal sa kanyang lupang hinirang.
Ako’y nananalig na bago mamatay
masasaksihan ko ang ‘yong kabutihan
na igagawad mo sa mga hinirang.
Sa Panginoong Diyos tayo’y magtiwala!
Ating patatagin ang paniniwala;
tayo ay umasa sa kanyang kalinga!
Makikita ang Maykapal sa kanyang lupang hinirang.
ALELUYA
Marcos 1, 15
Aleluya! Aleluya!
Ang D’yos ay maghahari na,
talikdan ang tanang sala,
manalig sa balita n’ya.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 10, 1-12
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, ang Panginoon ay humirang pa ng pitumpu’t dalawa. Pinauna niya sila nang dala-dalawa sa bawat bayan at pook na patutunguhan niya. Sinabi niya sa kanila, “Sagana ang aanihin, ngunit kakaunti ang mga manggagawa. Idalangin ninyo sa may-ari na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang bukirin. Humayo kayo! Sinusugo ko kayong parang mga kordero sa gitna ng mga asong-gubat. Huwag kayong magdala ng lukbutan, supot, o panyapak. Huwag na kayong titigil sa daan upang makipagbatian kaninuman. Pagpasok ninyo sa alinmang bahay, sabihin muna ninyo, ‘Maghari nawa ang kapayapaan sa bahay na ito!’ Kung maibigin sa kapayapaan ang nakatira roon, sasakanila ang kapayapaan; ngunit kung hindi, hindi sila magkakamit nito. Manatili kayo sa bahay na inyong tinutuluyan; kanin ninyo at inumin ang anumang idulot sa inyo – sapagkat ang manggagawa ay may karapatang tumanggap ng kanyang upa. Huwag kayong magpapalipat-lipat ng bahay. Kapag tinanggap kayo sa alinmang bayan, kanin ninyo ang anumang ihain sa inyo; pagalingin ninyo ang mga maysakit doon at sabihin sa bayan, ‘Nalalapit na ang paghahari ng Diyos sa inyo.’ Ngunit sa alinmang bayang hindi tumanggap sa inyo, lumabas kayo sa mga lansangan nito at sabihin ninyo, ‘Pati ang alikabok dito na dumikit sa aming mga paa ay ipinapagpag namin bilang babala sa inyo. Ngunit pakatandaaan ninyo nalapit na sa inyo ang paghahari ng Diyos!’ Sinasabi ko sa inyo: sa Araw ng Paghuhukom ay higit na mabigat ang kaparusahan ng mga tao sa bayang yaon kaysa dinanas ng mga taga-Sodoma!”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Job 38, 1. 12-21; 40, 3-5
Pagbasa mula sa aklat ni Job
Sa gitna ng nag-aalimpuyong bagyo, ganito ang sinabi ng Diyos kay Job:
“Job, nakalikha ka ba kahit isang bukang liwayway?
Ang daigdig ba ay iyong naigawa ng tanglaw,
upang ang masasama’y mabulabog sa taguan?
Dahil sa sikat ng araw ay nagliwanag ang lahat,
parang damit na inayos, ngayon ay nakahayag.
Sa liwanag ng araw natatakot ang masama,
pagkat ang karahasa’y hindi nila magagawa.”
“Napunta ka na ba sa pinagmumulan ng bukal?
Nakalakad ka na ba sa pusod ng karagatan?
May nakapagturo na ba sa iyo sa pintuan
na ang hantungan ay madilim na hukay?
Nalalaman mo ba ang sukat nitong mundo?
Kung may nalalaman ka, lahat ay sabihin mo.
“Alam mo ba kung saan nanggagaling ang liwanag,
o ang kadiliman, kung saan nagbubuhat?
Masasabi mo ba kung saan sila dapat humangga,
o sa pinanggalingan kaya’y mapababalik mo sila?
Ikaw ay matanda na baka nga iyong kaya,
pagkat likhain ang daigdig, ikaw ay bata na.”
Ang sagot ni Job:
“Narito, ako’y hamak, walang kabuluhan,
wala akong isasagot, bibig ay tatakpan.
Sa panig ko’y nasabi na ang lahat ng sasabihin,
ako’y di na kikibo, nasabi’y di na uulitin.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 138, 1-3. 7-8. 9-10. 13-14ab
Poon, ako ay samahan sa buhay na walang hanggan.
Ako’y iyong siniyasat, batid mo ang aking buhay,
ang lahat kong lihim, Poon, ay tiyak mong nalalaman.
Ang lahat ng gawain ko, sa iyo ay hindi lingid,
kahit ikaw ay malayo, batid mo ang aking isip.
Ako’y iyong nakikita, gumagawa o hindi man,
ang lahat ng gawain ko’y pawang iyong nalalaman.
Poon, ako ay samahan sa buhay na walang hanggan.
Saan ako magpupunta, upang ako’y makatakas?
Sa Banal mong Espiritu’y hindi ako makaiwas.
Kung langit ang puntahan ko, pihong ika’y naroroon,
sa Sheol ay naroon ka kung do’n ako manganganlong.
Poon, ako ay samahan sa buhay na walang hanggan.
Kung ako ay makalipad, umiwas na pasilangan,
o kaya ang tirahan ko’y ang duluhan ng kanluran;
pihong ikaw ay naroon, upang ako’y pangunahan,
matatagpo kita roon upang ako ay tulungan.
Poon, ako ay samahan sa buhay na walang hanggan.
Ang anumang aking sangkap, ikaw O Diyos ang lumikha,
sa tiyan ng aking ina’y hinugis mo akong bata.
Pinupuri kita, O Diyos, marapat kang katakutan,
ang lahat ng gawain mo ay kahanga-hangang tunay.
Poon, ako ay samahan sa buhay na walang hanggan.
ALELUYA
Salmo 94, 8ab
Aleluya! Aleluya!
Dinggin ninyong lahat ngayon
ang tinig ng Panginoon
sa loob na mahinahon.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 10, 13-16
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon sinabi ni Hesus, “Kawawa ka, Corazin! Kawawa ka, Betsaida! Sapagkat kung sa Tiro at Sidon ginawa ang mga kababalaghang ginawa rito sa inyo, disin sana’y malaon na silang nagdaramit ng sako at nauupo sa abo upang ipakilalang sila’y nagsisisi. Sa Araw ng Paghuhukom, higit na mabigat ang kaparusahan ninyo kaysa kaparusahan ng mga taga-Tiro at taga-Sidon. At ikaw, Capernaum,
Ibig mong mataas hanggang sa langit?
Ibabagsak ka sa Hades!
“Ang nakikinig sa inyo’y nakikinig sa akin, ang nagtatakwil sa inyo’y nagtatakwil sa akin, at ang nagtatakwil sa akin ay nagtatakwil sa nagsugo sa akin.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
o kaya:
Mateo 18, 1-5. 10
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Naong sandaling iyon, lumapit kay Hesus ang mga alagad at nagtanong, “Sino po ang pinakadakila sa kaharian ng langit?” Tinawag ni Hesus ang isang bata, pinatayo sa harapan nila, at sinabi, “Tandaan ninyo ito: kapag hindi kayo nagbago at tumulad sa mga bata, hinding-hindi kayo mabibilang sa mga pinaghaharian ng Diyos. Ang sinumang nagpapakababa na gaya ng batang ito ay siyang pinakadakila sa mga pinaghaharian ng Diyos. Ang sinumang tumanggap sa isang batang ganito dahil sa akin ay ako ang tinatanggap.
“Ingatan ninyo na huwag hamakin ang isa sa maliliit na ito. Sinasabi ko sa inyo: sa langit, ang kanilang mga anghel ay laging nasa harapan ng aking Ama.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Job 42, 1-3. 5-6. 12-16
Pagbasa mula sa aklat ni Job
Ang sagot ni Job sa Panginoon:
“Alam kong magagawa mo ang lahat ng bagay,
anumang balakin mo’y walang makahahadlang.
‘Sinong nagsasalita nang walang nalalaman?’
Kaya ako ay humatol nang walang katuturan,
na hindi ko alam ang lahat ng mga bagay.
Nakilala kita sa balita lamang,
ngunit ngayo’y akin nang namasdan.
Kaya ako’y nagsisisi nang buong taimtim.
At ang sarili ko’y aking itinatakwil.”
Ang mga huling araw ni Job ay higit na pinagpala ng Panginoon. Binigyan niya ito ng labing apat na libong tupa, anim na libong kamelyo, dalawanlibong baka at sanlibong inahing asno. Nagkaanak pa si Job ng pitong lalaki at tatlong babae, na ang mga pangala’y Jemima, Kesia, Keren-hapuc. Sa buong lupain ay wala silang katulad sa ganda. Pinamanahan din niya sila, tulad ng mga anak na lalaki. Si Job ay nabuhay pa nang sandaa’t apatnapung taon. Nakabuhayan pa niya ang kanyang mga apo sa ikapat na salinlahi bago siya namatay.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 118, 66. 71. 75. 91. 125. 130
Tumanglaw ka sa lingkod mo at pagpalain mo ako.
Ako’y bigyan mo ng dunong, ng tunay na karunungan,
yamang ako’y nagtiwala sa utos mong ibinigay.
Tumanglaw ka sa lingkod mo at pagpalain mo ako.
Sa akin ay nakabuti ang parusang iyong dulot,
pagkat aking naunawang mahalaga ang ‘yong utos.
Tumanglaw ka sa lingkod mo at pagpalain mo ako.
Nababatid ko, O Poon, matuwid ang iyong batas,
kahit ako’y pagdusahin, nananatili kang tapat.
Tumanglaw ka sa lingkod mo at pagpalain mo ako.
Hanggang ngayon ay matatag, pagkat ikaw ang nag-utos,
alipin mo silang lahat sa iyo’y naglilingkod.
Tumanglaw ka sa lingkod mo at pagpalain mo ako.
Bigyan mo ng pang-unawa itong iyong abang lingkod,
upang aking maunawa ang aral mo’t mga utos.
Tumanglaw ka sa lingkod mo at pagpalain mo ako.
Ang liwanag ng turo mo’y nagsisilbing isang tanglaw,
nagbibigay dunong ito sa wala pang karanasan.
Tumanglaw ka sa lingkod mo at pagpalain mo ako.
ALELUYA
Mateo 11, 25
Aleluya! Aleluya!
Papuri sa Diyos Ama
pagkat ipinahayag n’ya
Hari s’ya ng mga aba!
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 10, 17-24
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, bumalik na tuwang-tuwa ang pitumpu’t dalawa. “Panginoon,” sabi nila. “kahit po ang mga demonyo ay sumusunod kapag inutusan namin, sa ngalan ninyo.” Sumagot si Hesus, “Nakita ko ang pagkahulog ni Satanas mula sa langit – parang kidlat. Binigyan ko kayo ng kapangyarihang tumapak sa mga ahas at mga alakdan, at yumurak sa kapangyarihan ng kaaway. Walang makapipinsala sa inyo. Gayunman, magalak kayo, hindi dahil sa suko sa inyo ang masasamang espiritu kundi dahil sa nakatala sa langit ang pangalan ninyo.”
Nang oras ding iyon, si Hesus ay napuspos ng galak ng Espiritu Santo. At sinabi niya, “Pinasasalamatan kita, Ama, Panginoon ng langit at lupa, sapagkat inilihim mo sa marurunong at pantas ang mga bagay na ito at inihayag mo sa mga taong ang kalooba’y tulad ng sa bata. Oo, Ama, sapagkat gayun ang ikinalulugod mo.”
“Ibinigay sa akin ng aking Ama ang lahat ng bagay. Walang nakakikilala sa Anak kundi ang Ama, at walang nakakikilala sa Ama kundi ang Anak at yaong marapating pagpahayagan ng Anak.”
Humarap si Hesus sa mga alagad at sinabi, na di naririnig ng iba: “Mapalad kayo, sapagkat nakita ninyo ang inyong nakikita ngayon! Sinasabi ko sa inyo maraming propeta at mga hari ang nagnasang makakita ng inyong nakikita ngunit hindi nila nakita. Hinangad din nilang mapakinggan ang inyong naririnig ngunit hindi nila napakinggan.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Isaias 55, 6-9
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Hanapin ang Panginoon
samantalang siya’y inyong makikita
Siya ang tawagin habang malapit pa.
Ang mga gawain ng taong masama’y
dapat nang talikdan, at ang mga liko’y
dapat magbago na ng maling isipan;
sila’y manunumbalik,
lumapit sa Panginoon upang kahabagan,
at mula sa Diyos,
matatamo nila ang kapatawaran.
Ang wika ng Panginoon:
“Ang aking isipa’y di ninyo isipan,
at magkaiba ang ating daan.
Kung paanong ang langit
higit na mataas, mataas sa lupa,
ang daa’t isip ko’y
hindi maaabot ng inyong akala.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 144, 2-3. 8-9. 17-18
D’yos ay tapat at totoo sa dumadalanging tao.
Aking pupurihi’t pasasalamatan ang D’yos araw-araw,
di ako titigil ng pasasalamat magpakailanman.
Dakila ang Poon, at karapat-dapat na siya’y purihin;
ang kadakilaan niya ay mahirap nating unawain.
D’yos ay tapat at totoo sa dumadalanging tao.
Ang Panginoong D’yos ay puspos ng pag-ibig at lipos ng habag.
Banayad magalit, ang pag-ibig niya’y hindi kumukupas.
Siya ay mabuti at kahit kanino’y hindi nagtatangi;
sa kanyang nilikha, ang pagtingin niya ay mamamalagi.
D’yos ay tapat at totoo sa dumadalanging tao.
Matuwid ang Diyos sa lahat ng bagay niyang ginagawa;
kahit anong gawin ay kalakip doon ang habag at awa.
Siya’y nakikinig at handang tumulong sa lahat ng tao.
Sa sinumang taong pagtawag sa kanya’y tapat at totoo.
D’yos ay tapat at totoo sa dumadalanging tao.
IKALAWANG PAGBASA
Filipos 1, 20k-24. 27a
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Filipos
Mga kapatid, ang aking pinakananais ay, sa mabuhay o sa mamatay mabigyan ko ng karangalan si Kristo. Sapagkat para sa akin si Kristo ang buhay at dahil dito’y pakinabang ang kamatayan. Ngunit kung sa pananatili kong buhay ay makagagawa ako ng mabubuting bagay, hindi ko malaman ngayon kung alin ang aking pipiliin sa dalawang hangarin. Ang ibig ko’y pumanaw na sa buhay na ito upang makapiling ni Kristo, yamang ito ang lalong mabuti para sa akin. Sa kabilang dako, kung mananatili akong buhay ay makabubuti naman sa inyo.
Kaya nga, mga kapatid, pagsikapan ninyong mamuhay ayon sa Mabuting Balita tungkol kay Kristo.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Mga Gawa 16, 14b
Aleluya! Aleluya!
Kami’y iyong pangaralan
upang aming matutuhan
ang Salitang bumubuhay.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 20, 1-16a
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad ang talinghagang ito: “Ang paghahari ng Diyos ay katulad nito: lumabas nang umagang-umaga ang may-ari ng ubasan upang humanap ng mga manggagawa. Nang magkasundo na sila sa upa na isang denaryo maghapon, sila’y pinapunta niya sa kanyang ubasan. Lumabas siyang muli nang mag-iikasiyam ng umaga at nakakita siya ng iba pang tatayu-tayo lamang sa liwasang-bayan. Sinabi niya sa kanila, ‘Pumaroon din kayo at magtrabaho sa aking ubasan, at bibigyan ko kayo ng karampatang upa.’ At pumaroon nga sila. Lumabas na naman siya nang mag-iikalabindalawa ng tanghali at nang mag-iikatlo ng hapon, at gayun din ang ginawa niya. Nang mag-iikalima ng hapon, siya’y lumabas uli at nakakita pa ng mga ibang wala ring ginagawa. Sinabi niya sa kanila, ‘Bakit kayo tatayu-tayo lang dito sa buong maghapon?’ “Wala pong magbigay sa amin ng trabaho, e!’ sagot nila. At sinabi niya, ‘Kung ayon, pumaroon kayo at gumawa sa aking ubasan.’
“Pagtatakip-silim, sinabi ng may-ari ng ubasan sa kanyang katiwala, ‘Tawagin mo na ang mga manggagawa at sila’y upahan, magmula sa huli hanggang sa buong nagtrabaho.’ Ang mga nagsimula nang mag-iikalima ng hapon ay tumanggap ng tig-iisang denaryo. At nang lumapit ang mga nauna, inakala nilang tatanggap sila nang higit doon; ngunit ang bawat isa’y tumanggap din ng isang denaryo. Pagkatanggap nito, nagreklamo sila sa may-ari ng ubasan. Sabi nila, ‘Isang oras lang pong gumawa ang mga huling dumating, samantalang maghapon kaming nagpagal at nagtiis ng nakapapasong init ng araw. Bakit naman po ninyo pinagpare-pareho ang upa sa amin?’ At sinabi niya sa isa sa kanila, ‘Kaibigan, hindi kita dinadaya. Hindi ba’t nagkasundo tayo sa isang denaryo? Kunin mo ang ganang iyo, at umalis ka na. Maano kung ibig kong upahan ang nahuli nang tulad ng upa ko sa iyo? Wala ba akong karapatang gawin ang aking maibigan sa ari-arian ko? O naiinggit ka lang sa aking kabutihang-loob?’ Kaya’t ang nahuhuli ay mauuna, at ang nauuna ay mahuhuli.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Efeso 4, 1-7. 11-13
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Efeso
Mga kapatid, ako na isang bilanggo dahil sa Panginoon ay namamanhik sa inyo na mamuhay kayo gaya ng nararapat sa mga tinawag ng Diyos. Kayo’y maging mapagkumbaba, mabait, at matiyaga. Magmahalan kayo at magpaumanhinan. Pagsumikatan ninyong mapanatili ang pagkakaisang mula sa Espiritu, sa pamamagitan ng buklod ng kapayapaan. Iisa lamang ang katawan at iisa lamang ang Espiritu; gayun din naman, iisa lamang ang pag-asa ninyong lahat, dulot ng pagkatawag sa inyo ng Diyos. May isa lamang Panginoon, isang pananampalataya, at isang binyag, isang Diyos at Ama nating lahat. Siya’y higit sa lahat, gumagawa sa lahat, at sumasalahat.
Ang bawat isa sa ati’y binigyan ng tanging kaloob, ayon sa sukat na ibinigay ni Kristo. Ang iba’y ginawang apostol, ang iba’y propeta, ang iba’y tagapaghatid ng Mabuting Balita, ang iba’y pastor at guro. Ginawa niya ito upang ihanda sa paglilingkod ang lahat ng hinirang, sa ikauunlad ng kanyang simbahan. Sa gayun, tayong lahat ay magkakaisa sa pananampalataya at pagkakilala sa Anak ng Diyos at magiging ganap ang ating pagkatao ayon sa pagiging-ganap ni Kristo.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 18, 2-3. 4-5
Laganap na sa daigdig ang kanilang mga tinig.
Ang langit ay naghahayag na ang Diyos ay dakila!
Malinaw na nagsasaad kung ano ang kanyang gawa!
Bawat araw, bawat gabi, ang ulat ay walang patlang.
Patuloy na nag-uulat sa sunod na gabi’t araw.
Laganap na sa daigdig ang kanilang mga tinig.
Walang tinig o salitang ginagamit kung sabagay,
at wala ring naririnig na kahit na anong ingay;
gayun pa man, sa daigdig ay laganap yaong tinig,
ang balita’y umaabot sa duluhan ng daigdig.
Laganap na sa daigdig ang kanilang mga tinig.
ALELUYA
Aleluya! Aleluya!
Mga tapat na apostol
ay nagpupuri sa Poon
sa langit habang panahon.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 9, 9-13
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, umalis si Hesus at sa kanyang paglakad, nakita niya ang isang taong ang pangala’y Mateo: nakaupo ito sa paningilan ng buwis. Sinabi ni Hesus sa kanya, “Sumunod ka sa akin.” Tumindig si Mateo at sumunod sa kanya.
Nang si Hesus at ang kanyang mga alagad ay nasa bahay ni Mateo, dumating ang maraming publikano at mga makasalanan. At sila’y magkakasalong kumain. Nang makita ito ng mga Pariseo, tinanong nila ang kanyang mga alagad, “Bakit sumasalo sa mga publikano at mga makasalanan ang inyong guro? Narinig ito ni Hesus at siya ang sumagot, “Ang mga maysakit ang nangangailangan ng manggagamot, hindi ang mga walang sakit. Humayo kayo at unawain ninyo ang kahulugan nito, ‘Habag ang ibig ko at hindi hain.’ Sapagkat naparito ako upang tawagin ang mga makasalanan, hindi ang mga banal.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Kawikaan 21, 1-6. 10-13
Pagbasa mula sa aklat ng mga Kawikaan
Hawak ng Panginoon ang isip ng isang hari
at naibabaling niya ito kung saan igawi.
Ang akala ng tao lahat ng kilos niya ay wasto
ngunit ang Panginoon lang ang nakasasaliksik ng puso.
Ang paggawa ng matuwid at kalugud-lugod
ay higit na kasiya-siya sa Panginoon kaysa mga handog.
Ang masama ay alipin ng kapalaluan,
ang ganitong ugali ay kasalanan.
Ang mabuting pagbabalak ay pinakikinabangan
ngunit ang dalus-dalos na paggawa’y walang kahihinatnan.
Ang pagkakamal ng salapi dahil sa kadayaan
ay maghahatid sa maagang kamatayan.
Ang isip ng masama’y lagi sa kalikuan
kahit na kanino’y walang pakundangan.
Parusahan mo ang manlilibak at matututo ang mangmang,
pagsabihan mo ang matino, lalong lalawak ang kaalaman.
Alam ng Diyos ang nangyayaru sa loob ng buhay ng masama
ka siya’y gumagawa ng paraan upang sila’y mapariwara.
Ang hindi pumapansin sa hibik ng mahirap
daraing din balang araw ngunit walang lilingap.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 118, 1. 27. 30. 34. 35. 44
Sa pagsunod sa utos mo, Poon, pangunahan mo ‘ko.
Mapalad ang mga taong malinis ang pamumuhay,
ayon sa utos ng Poon ang gawain araw-araw.
Sa pagsunod sa utos mo, Poon, pangunahan mo ‘ko.
Ang lingkod mo ay turuang masunod ang kautusan,
sa utos mong mapang-akit, ako nama’y mag-aaral.
Sa pagsunod sa utos mo, Poon, pangunahan mo ‘ko.
Ang pasiya ko sa sarili, ako’y maging masunurin,
sa batas mo, ang pansin ko ay doon ko ibabaling.
Sa pagsunod sa utos mo, Poon, pangunahan mo ‘ko.
Ituro mo ang batas mo’t sisikapin kong masunod,
buong pusong iingata’t susundin nang buong lugod.
Sa pagsunod sa utos mo, Poon, pangunahan mo ‘ko.
Sa pagsunod sa utos mo, ako’y iyong pangunahan,
sa utos mo’y naroroon ang ligayang inaasam.
Sa pagsunod sa utos mo, Poon, pangunahan mo ‘ko.
Lagi akong tatalima sa bigay mong kautusan,
susundin ko ang utos mo habang ako’y nabubuhay.
Sa pagsunod sa utos mo, Poon, pangunahan mo ‘ko.
ALELUYA
Lucas 11, 28
Aleluya! Aleluya!
Mapalad ang sumusunod
sa salitang buhat sa D’yos
at namumuhay nang angkop.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 8, 19-21
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, dumating ang ina at mga kapatid ni Hesus, ngunit hindi sila makalapit dahil sa dami ng tao. May nagsabi sa kanya, “Nasa labas po ang inyong ina at mga kapatid; ibig nilang makipagkita sa inyo.” Ngunit sinabi ni Hesus, “Ang mga nakikinig ng salita ng Diyos at tumutupad nito ang siya kong ina at mga kapatid.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Kawikaan 30, 5-9
Pagbasa mula sa aklat ng mga Kawikaan
“Ang lahat ng salita ng Diyos ay mapananaligan at siya ang kanlungan ng mga nananalig sa kanya. Huwag mong daragdagan ang kanyang salita pagkat pagsasabihan ka niya na isang sinungaling.”
“Diyos ko, may hihilingin akong dalawang bagay bago ako mamatay: Huwag akong bayaang maging sinungaling. Huwag mo akong payamanin o paghirapin. Sapat na pagkain lamang ang ibigay mo sa akin. Baka kung managana ako ay masabi kong hindi na kita kailangan. Baka naman kung maghirap ako’y matuto akong magnakaw at sa gayo’y malapastangan kita.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 118. 29. 72. 89. 101. 104. 163
Salita mo’y aking tanglaw, patnubay ko araw-araw.
Sa landas na di matuwid, huwag mo akong babayaan,
pagkat ikaw ang mabuti, ituro ang iyong aral.
Salita mo’y aking tanglaw, patnubay ko araw-araw.
Higit pa sa ginto’t pilak nitong buong sanlibutan,
ang mabuting idudulot ng bigay mong kautusan.
Salita mo’y aking tanglaw, patnubay ko araw-araw.
Ang salita mo, O Poon, di kukupas, walang hanggan,
matatag at di makilos sa rurok ng kalangitan.
Salita mo’y aking tanglaw, patnubay ko araw-araw.
Sa bigay mong mga utos, natamo ko’y karunungan,
kaya ako’y namumuhi sa ugaling mahahalay.
Salita mo’y aking tanglaw, patnubay ko araw-araw.
Sa anumang di totoo muhi ako’y nasusuklam,
ang tunay kong iniibig ay ang iyong kautusan.
Salita mo’y aking tanglaw, patnubay ko araw-araw.
ALELUYA
Marcos 1, 15
Aleluya! Aleluya!
Ang D’yos ay maghahari na,
talikdan ang tanang sala,
manalig sa balita n’ya.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 9, 1-6
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, tinawag ni Hesus ang Labindalawa at binigyan sila ng kakayahan at kapangyarihang magpalayas ng mga demonyo at magpagaling ng mga karamdaman. At sinugo niya sila upang ipahayag ang paghahari ng diyos at magpagaling ng mga maysakit. Sila’y pinagbilinan niya: “Huwag kayong magbaon ng anuman para sa inyong paglalakbay kahit tungkod, supot, tinapay, salapi o bihisan. Makituloy kayo sa alinmang bahay na tumanggap sa inyo, at manatili roon hanggang sa pag-alis ninyo sa bayang iyon. At sakaling hindi kayo tanggapin, umalis kayo roon, at ipagpag ninyo ang alikabok ng inyong mga paa bilang babala sa kanila.” Kaya’t humayo ang mga alagad at naglakbay sa mga nayon, na ipinangangaral ang Mabuting Balita at nagpapagaling ng mga maysakit sa lahat ng dako.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Mangangaral 1, 2-11
Pagbasa mula sa aklat ng Mangangaral
Walang kabuluhan, walang halaga ang lahat ng bagay. Magpakahirap ka man, gumawa man nang gumawa ay wala ring mapapala. Patuloy ang pagpapalit-palit ng mga lahi ngunit hindi nagbabago ang daigdig. Ang araw ay patuloy sa pagsikat at patuloy sa paglubog; pabalik-balik lang sa pinanggalingan. Ang hangin ay umiihip patungong timog, papuntang hilaga; habang araw na paikut-ikot. Lahat ng tubig ay umuuwi sa dagat ngunit di ito napupuno. Ang tubig ay bumabalik sa batis na pinagmulan upang muling umagos patungong karagatan. Ang lahat ng bagay ay nakababagot, hindi makakayang ipaliwanag. Walang sawa ang paningin ng tao; walang tigil ang kanyang pakinig. Ang naganap noon ay nangyayari ngayon. Paulit-ulit lamang ang mga pangyayari. Walang bagong pangyayari sa ibabaw ng daigdig. Ang sabi ng iba, “Halikayo! Ito’y bago.” Ngunit naganap na yaon noong di pa tayo tao. Di na maalaala ang mga nauna. At ang nangyayari ngayon ay malilimutan din sa hinaharap.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 89, 3-4. 5-6. 12-13. 14 at 17
Poon, amin kang tahanan noon, ngayon at kailanman.
Yaong taong nilikha mo’y bumalik sa alabok
sa lupa ay nagbabalik kapag iyong iniutos.
Ang sanlibong mga taon, ay para bang isang araw,
sa mata mo, Panginoon, isang kisap-mata lamang;
isang saglit sa magdamag na ito ay dumaraan.
Poon, amin kang tahanan noon, ngayon at kailanman.
Mga tao’y pumapanaw na para mong winawalis,
parang damo sa umagang tumubo sa panaginip.
Parang damong tumutubi, na may taglay na bulaklak,
kung gumabi’y nalalanta’t bulaklak ay nalalagas.
Poon, amin kang tahanan noon, ngayon at kailanman.
Yamang itong buhay nami’y maikli lang na panahon,
itanim sa isip namin upang kami ay dumunong.
Hanggang kailan magtitiis na magdusa, Panginoon,
kaming iyong mga lingkod na naghihirap sa ngayon?
Poon, amin kang tahanan noon, ngayon at kailanman.
Kung umaga’y ipadama yaong wagas mong pag-ibig,
at sa buong buhay nami’y may galak ang aming awit.
Panginoon naming Diyos, kami sana’y pagpalain,
magtagumpay sana kami sa anumang aming gawin!
Poon, amin kang tahanan noon, ngayon at kailanman.
ALELUYA
Juan 14, 6
Aleluya! Aleluya!
Ikaw, O Kristo, ang Daan,
ang Katotohana’t Buhay
patungo sa Amang mahal.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 9, 7-9
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, nabalitaan ni Herodes na tetraka ng Galilea ang lahat ng ginagawa ni Hesus. Nagulo ang kanyang isip, sapagkat may nagsasabing muling binuhay si Juan Bautista. May nagasasabi namang lumitaw si Elias, at may nagsasabi pang muling nabuhay ang isa sa mga propeta noong una. Kaya’t ang sinabi ni Herodes, “Pinapugutan ko si Juan; ngunit sino ang nababalitang ito? Marami akong naririnig tungkol sa kanya.” At pinagsikapan niyang makita si Hesus.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Mangangaral 3, 1-11
Pagbasa mula sa aklat ng Mangangaral
Ang lahat ng pangyayari sa daigdig ay nagaganap sa panahong itinakda ng Diyos.
Ang panahon ng pagsilang at panahon ng pagkamatay;
ang panahon ng pagtatanim at panahon ng pagbunot ng tanim,
Ang panahon ng pagpatay at panahon ng pagpapagaling;
ang panahon ng paggiba at panahon ng pagtatayo.
Ang panahon ng pagluha at panahon ng pagtawa;
ang panahon ng pagluluksa at panahon ng pagdiriwang.
Ang panahon ng pagkakalat ng mga bato at panahon ng pagtitipon sa mga ito;
ang panahon ng pagyayakap at panahon ng paglalayo.
Ang panahon ng paghahanap at panahon ng pagkawala niyon;
ang panahon ng pag-iingat sa isang bagay at panahon ng pagtatapon.
Ang panahon ng pagpunit at panahon ng pagtahi;
ang panahon ng pagtahimik at panahon ng pagsasalita.
Ang panahon ng pagmamahal at panahon ng pagkapoot;
ang panahon ng digmaan at panahon ng kapayapaan.
Ano ang mapapala ng tao sa kanyang ginagawa? Alam ko na ang itinakda ng Diyos sa tao. Iniangkop niya ang lahat ng bagay ka kapanahunan. Ang tao’y binigyan niya ng pagnanasang alamin ang bukas ngunit hindi binigyan ng pagkaunawa sa ginawa ng Diyos mula sa pasimula hanggang sa wakas.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 143, 1a at 2abk. 3-4
Ang Poon ay papurihan, siya ang aking sanggalang.
Purihin ang Poon, na aking sanggalang,
matibay kong muog at Tagapagligtas,
at aking tahanang hindi matitinag;
tagapagligtas kong pinagtitiwalaan,
Ang Poon ay papurihan, siya ang aking sanggalang.
Ano ba ang tao, Panginoon namin?
Siya’y tao lamang na ‘yong pinapansin.
Katulad ay ulap na tangay ng hangin
napaparam siya na tulad ng lilim.
Ang Poon ay papurihan, siya ang aking sanggalang.
ALELUYA
Marcos 10, 45
Aleluya! Aleluya!
Anak ng Tao’y dumating
upang sarili’y ihain;
Lingkod, Manunubos natin.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 9, 18-22
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Isang araw, samantalang nananalanging mag-isa si Hesus, lumapit sa kanya ang kanyang mga alagad. Tinanong niya sila, “Sino raw ako ayon sa mga tao?” Sumagot sila, “Ang sabi po ng ilay ay si Juan Bautista kayo; sabi naman ng iba, si Elias kayo, at may nagsasabi pang nabuhay ang isa sa mga propeta noong una.” “Kayo naman, ano ang sabi ninyo?” tanong niya sa kanila. “Ang Mesiyas ng Diyos!” sagot ni Pedro.
Itinagubilin ni Hesus sa kanyang mga alagad na huwag na nilang sasabihin ito kaninuman. At sinabi pa niya sa kanila, “Ang Anak ng Tao’y dapat magbata ng maraming hirap. Itatakwil siya ng matatanda ng bayan, ng mga punong saserdote at ng mga eskriba. Ipapapatay nila siya, ngunit sa ikatlong araw ay muling mabubuhay.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Mangangaral 11, 9 – 12, 8
Pagbasa mula sa aklat ng Mangangaral
Magalak ka binata sa panahon ng iyong kabataan. Gawin mo ang ibig mo at lahat ng nakaaakit sa paningin mo. Ngunit alamin mong lahat ng ito’y ipagsusulit mo sa Diyos.
Iwaksi mo ang alalahanin at mga kabalisahan; ang kabataan at kasibulan ay pawang lumilipas.
Alalahanin mo ang lumikha sa iyo sa panahon ng iyong kabataan bago dumating ang mga araw at taon na puno ng kaguluhan, panahong hindi mo na madama ang tamis ng mabuhay. Alalahanin mo ang Diyos bago makubli ang sikat ng araw, bago magdilim ang buwan at mga bituin, bago ka lambungan ng makapal at madilim na ulap. Alalahanin mo siya bago humina ang iyong katawan, bago manghina ang iyong mga bisig, bago mawala ang lakas ng iyong mga tuhod. Alalahanin mo siya bago mabungi ang iyong mga ngipin at bago lumabo ang iyong mga mata. Alalahanin mo nga siya bago ka mawalan ng pandinig, na halos di mo marinig ang lugar ng gilingan, ang huni ng mga ibon at ang himig ng awitin. Alalahanin mo siya bago dumating ang panahon na katakutan mong umakyat sa itaas, bago dumating ang panahon na hindi ka na makalakad na mag-isa, bago pumuti ang iyong buhok, at lipasan ng pagnanasang sumiping sa minamahal.
Darating ang araw na tayo’y lilipat sa palagian nating tahanan at makikitang naglisaw sa lansangan ang mga nananangis. Darating ang araw na malalagot ang tanikalang pilak na nagdadala sa ilawang ginto; babagsak ito at madudurog. Darating ang araw na malalagot ang tali ng timba at ito’y babagsak at masisira. Alalahanin mo siya bago manumbalik sa lupa ang ating katawang lupa at ang espiritu ay magbalik sa Diyos na may bigay nito. Sinabi ng Mangangaral, “Walang kabuluhan! Walang kabuluhan ang lahat ng bagay.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 89, 3-4. 5-6. 12-13. 14 at 17
Poon, amin kang tahanan noon, ngayon at kailanman.
Yaong taong nilikha mo’y bumabalik sa alabok
sa lupa ay nagbabalik kapag iyong iniutos.
Ang sanlibong mga taon, ay para bang isang araw,
sa mata mo, Panginoon, isang kisap-mata lamang;
isang saglit sa magdamag na ito ay dumaraan.
Poon, amin kang tahanan noon, ngayon at kailanman.
Mga tao’y pumapanaw na para mong winawalis,
parang damo sa umagang tumubo sa panaginip.
Parang damong tumutubo, na may taglay na bulaklak,
kung gumabi’y nalalanta’t bulaklak ay nalalagas.
Poon, amin kang tahanan noon, ngayon at kailanman.
Yamang itong buhay nami’y maikli lang na panahon,
itanim sa isip namin upang kami ay dumunong.
Hanggang kailan magtitiis na magdusa, Panginoon,
kaming iyong mga lingkod na naghihirap sa ngayon?
Poon, amin kang tahanan noon, ngayon at kailanman.
Kung umaga’y ipadama yaong wagas mong pag-ibig,
at sa buong buhay nami’y may galak ang aming awit.
Panginoon naming Diyos, kami sana’y pagpalain,
magtagumpay sana kami sa anumang aming gawin!
Poon, amin kang tahanan noon, ngayon at kailanman.
ALELUYA
2 Timoteo 1, 10
Aleluya! Aleluya!
Si Kristo ay nagtagumpay
nalupig ang kamatayan
nagningning ang pagkabuhay.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 9, 43b-45
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, samantalang nanggigilalas ang mga tao sa lahat ng ginawa ni Hesus, sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Tandaan ninyo itong sasabihin ko: ipagkakanulo ang Anak ng Tao.” Ngunit hindi nila ito naunawaan, pagkat inilingid ito sa kanila. Nangangamba naman silang magtanong sa kanya kung ano ang ibig sabihin niyon.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Sirak 27, 33 – 28, 9
Pagbasa mula sa aklat ni Sirak
Ang poot at pagngingitngit ay dapat ding kamuhian;
ngunit sa makasalanan, iyan ay pangkaraniwan.
Natatandaan ng Panginoon ang kasalanan ng bawat tao,
at ang mapaghiganti ay paghihigantihan din niya.
Patawarin mo ang kapwa sa kanyang pagkukulang,
at pag ikaw ay dumalangin sa Diyos, patatawarin ka rin naman.
Ang nagtatanim ng galit laban sa kapwa,
pag tumawag sa Panginoon, walang kakamtang awa.
Kung hindi ka nahahabag sa iyong kapwa,
paano mong ihihingi ng tawad ang iyong kasalanan?
Kung ikaw na tao lamang, ay nagkikimkim ng galit,
sinong magpapatawad sa iyo sa mga kasalanan mo?
Alalahanin mo ang iyong wakas at pawiin mo ang iyong galit.
Isipin mo ang kamatayan at sundin mo ang Kautusan.
Dili-dilihin mo ang Kautusan at huwag kang magalit sa kapwa;
alalahanin mo ang Tipan ng Kataas-taasan at matuto kang magpatawad.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 102, 1-2. 3-4. 9-10. 11-12
Ang ating mahabaging D’yos ay nagmamagandang-loob.
Panginoo’y papurihan, purihin mo, kaluluwa,
ang pangalan niyang banal purihin mo sa tuwina.
Ikaw, aking kaluluwa, ang Diyos ay papurihan,
at huwag mong lilimutin yaong kanyang kabutihan.
Ang ating mahabaging D’yos ay nagmamagandang-loob.
Ang lahat kong kasalana’y siya ang nagpapatawad,
ang anumang aking sakit, ginagamot niyang lahat.
Sa bingit ng kamatayan ako ay inililigtas,
at pinagpapala ako sa pag-ibig niya’t habag.
Ang ating mahabaging D’yos ay nagmamagandang-loob.
Banayad nga kung magalit, hindi siya nagtatanim;
yaong taglay niyang galit, hindi niya kinikimkim.
Kung siya ay magparusa, di katumbas ng pagsuway
di natayo siningil sa nagawang kasalanan.
Ang ating mahabaging D’yos ay nagmamagandang-loob.
Ang agwat ng lupa’t langit, sukatin ma’y hindi kaya,
gayon ang pag-ibig ng Diyos, sa may takot sa kanya.
Ang silangan at kanluran kung gaano ang distansya
gayung-gayon ang pagtingin sa sinumang nagkasala.
Ang ating mahabaging D’yos ay nagmamagandang-loob.
IKALAWANG PAGBASA
Roma 14, 7-9
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma
Mga kapatid, walang sinuman sa atin ang nabubuhay o namamatay sa kanyang sarili lamang. Kung tayo’y nabubuhay, nabubuhay tayo para sa Panginoon, at kung tayo’y namamatay, namamatay tayo para sa Panginoon. Kaya nga, sa mabuhay o sa mamatay, tayo’y sa Panginoon. Sapagkat si Kristo ay namatay at muling nabuhay upang maging Panginoon ng mga patay at mga buhay.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Juan 13, 34
Aleluya! Aleluya!
Bagong utos, ani Kristo,
mag-ibigan sana kayo,
katulad ng pag-ibig ko.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 18, 21-35
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, lumapit si Pedro at nagtanong sa kanya, “Panginoon, makailan kong patatawarin ang aking kapatid na paulit-ulit na nagkakasala sa akin? Makapito po ba?” Sinagot siya ni Hesus, “Hindi ko sinasabing makapito, kundi pitumpung ulit pa nito. Sapagkat ang paghahari ng Diyos ay katulad nito: ipinasiya ng isang hari na pagbayarin ang kanyang mga lingkod na may utang sa kanya. Unang dinala sa kanya ang isang may utang na sampung milyong piso. Dahil sa siya’y walang ibayad, iniutos ng hari na ipagbili siya, ang kanyang asawa, mga anak, at lahat ng ari-arian, upang makabayad. Nanikluhod ang taong ito sa harapan ng hari at nagmakaawa: ‘Bigyan pa ninyo ako ng panahon, at babayaran ko sa inyo ang lahat.’ Naawa sa kanya ang hari kaya ipinatawad ang kanyang mga utang at pinayaon siya.
“Ngunit pagkaalis niya roon ay nakatagpo niya ang isa sa kanyang kapwa lingkod na may utang na limandaang piso sa kanya. Sinunggaban niya ito at sinakal, sabay wika: ‘Magbayad ka ng utang mo!’ Naglumuhod iyon at nagmakaawa sa kanya: ‘Bigyan mo pa ako ng panahon at babayaran kita.’ Ngunit hindi siya pumayag; sa halip ipinabilanggo niya ang kanyang kapwa lingkod hanggang sa ito’y makabayad. Nang makita ng kanyang mga kapwa lingkod ang nangyari, sila’y labis na nagdamdam; pumunta sila sa hari at isinumbong ang nangyari. Kaya’t ipinatawag siya ng hari. ‘Ikaw – napakasama mo!’ sabi niya. ‘Pinatawad kita sa utang mo sapagkat nagmakaawa ka sa akin. Nahabag ako sa iyo; hindi ba dapat ka ring mahabag sa kapwa mo?’ At sa galit ng hari, siya’y ipinabilanggo hanggang sa mabayaran niya ang kanyang utang. Gayon din ang gagawin sa inyo ng aking Amang nasa langit kung hindi ninyo patatawarin ang inyong kapatid.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Mga Bilang 21, 4b-9
Pagbasa mula sa aklat ng mga Bilang
Noong mga araw na iyon, nainip ang mga tao sa pasikut-sikot na paglalakbay. Nagreklamo sila kay Moises, “Inialis mo ba kami sa Egipto para patayin sa ilang na ito? Wala kaming makain ni mainom! Sawa na kami sa walang kuwentang pagkaing ito.” Dahil dito, sila’y pinadalhan ng Panginoon ng makamandag na ahas at sinumang matuka nito ay namamatay. Kaya lumapit sila kay Moises. Sinabi nila “Nagkasala kami sa Panginoon at sa iyo. Idalangin mo sa kanyang paalisin ang mga ahas na ito.” Dumalangin nga si Moises at ganito ang sagot sa kanya ng Panginoon, “Gumawa ka ng isang ahas na tanso. Ilagay mo iyon sa dulo ng isang tikin at sinumang natuklaw ng ahas na tumingin doon ay hindi mamamatay.” Gayun nga ang ginawa ni Moises. Mula noon, lahat ng matuklaw ng ahas ngunit tumingin sa ahas na tanso ay hindi namamatay.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 77, 1-2. 34-35. 36-37. 38
Hindi nila malilimot ang dakilang gawa ng D’yos.
Kaya ngayon ay makinig sa turo ko, mga anak,
iyong dinggi’t ulinigin, salita kong binibigkas;
itong aking sasabihin ay bagay na talinhaga,
nangyari pa noong una, kaya ito’y mahiwaga.
Hindi nila malilimot ang dakilang gawa ng D’yos.
Datapwat noong sila’y lilipulin na ng Diyos,
nagsisi ang karamiha’t sa kanya’y nagbalik-loob.
Noon nila nagunitang ang sanggalang nila’y ang Diyos.
Ang Kataas-taasang Diyos ay kanilang Manunubos.
Hindi nila malilimot ang dakilang gawa ng D’yos.
Kaya’t siya ay pinuri, ng papuring hindi tapat,
pagkat yao’y pakunwari’t balat-kayong matatawag.
Sa kanilang mga puso, naghahari’y kataksilan,
hindi sila nagtatapat sa ginawa niyang tipan.
Hindi nila malilimot ang dakilang gawa ng D’yos.
Gayun pa man, palibhasa’y Diyos siyang mahabagin
ang masamang gawa nila’y pinatawad niyang tambing;
dahilan sa pag-ibig n’ya’y hindi sila wawasakin,
kung siya ma’y nagagalit, ito’y kanyang pinipigil.
Hindi nila malilimot ang dakilang gawa ng D’yos.
IKALAWANG PAGBASA
Filipos 2, 6-11
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Filipos
Si Kristo Hesus, bagamat siya’y Diyos ay hindi nagpilit na mantiling kapantay ng Diyos. Bagkus hinubad niya ang lahat ng katangian ng pagka-Diyos, nagkatawang-tao at namuhay na isang alipin.
Nang maging tao, siya’y nagpakababa at naging masunurin hanggang kamatayan. Oo, hanggang kamatayan sa krus. Kaya naman, siya’y itinampok ng diyos at binigyan ng pangalang higit sa lahat ng pangalan.
Anupa’t ang lahat ng nilalang na nasa langit, nasa lupa, nasa ilalim ng lupa ay maninikluhod at sasamba sa kanya. At ipapahayag ng lahat na si Hesukristo ang Panginoon, sa ikararangal ng Diyos Ama.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Aleluya! Aleluya!
Kami’y sumasamba sa’yo
at gumagalang sa krus mo
na kaligtasan ng mundo.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 3, 13-17
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus kay Nicodemo, “Walang umakyat sa langit kundi ang bumaba mula sa langit — ang Anak ng Tao.”
At kung paanong itinaas ni Moises ang ahas doon sa ilang, gayun din naman, kailangang itaas ang Anak ng Tao, upang ang sinumang sumasampalataya sa kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan. Gayun na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. Sapagkat sinugo ng Diyos ang kanyang Anak, hindi upang hatulang maparusahan ang sanlibutan, kundi upang iligtas ito sa pamamagitan niya.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
1 Corinto 12, 12-14. 27-31a
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto
Mga kapatid, sapagkat si Kristo’y tulad ng isang katawan na may maraming bahagi; bagamat binubuo ng iba’t ibang bahagi, iisa pa ring katawan. Tayong lahat, maging Judio o Griego, alipin man o malaya, ay bininyagan sa iisang Espiritu upang maging isang katawan. Tayong lahat ay pinainom sa isang Espiritu.
Ang katawan ay binubuo ng maraming bahagi at hindi ng isang bahagi lamang.
Kayo ngang lahat ang iisang katawan ni Kristo at bawat isa’y bahagi nito. Naglagay ang Diyos sa Simbahan, una, ng mga apostol; ikalawa, ng mga propeta; at ikatlo, ng mga guro. Naglagay rin siya ng mga gagawa ng mga kababalaghan, mga magpapagaling ng mga maysakit, mga tagatulong, mga tagapangasiwa, at mga magsasalita sa iba’t ibang wika. Hindi lahat ay apostol, propeta, o guro; hindi lahat ay binigyan ng kakayahang gumawa ng mga kababalaghan, magpagaling ng mga maysakit, magsalita sa iba’t ibang wika o magpaliwanag nito. Kaya’t buong taimtim ninyong nasain ang mga kaloob na lalong dakila.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 99, 2. 3. 4. 5
Lahat tayo’y kanyang bayan, kabilang sa kanyang kawan.
Umawit sa kagalakan ang lahat ng mga bansa!
Panginoo’y papurihan, paglingkuran siyang kusa;
lumapit sa harap niya at umawit na may tuwa!
Lahat tayo’y kanyang bayan, kabilang sa kanyang kawan.
Ang Panginoo’y ating Diyos! Ito’y dapat malaman,
tayo’y kanya, kanyang lahat, tayong lahat na nilalang;
Lahat tayo’y bayan niya, kabilang sa kanyang kawan.
Lahat tayo’y kanyang bayan, kabilang sa kanyang kawan.
Pumasok ka sa kanyang templo na ang puso’y nagdiriwang,
umaawit nagpupuri sa loob ng dakong banal,
purihin ang ngalan niya at siya’y pasalamatan!
Lahat tayo’y kanyang bayan, kabilang sa kanyang kawan.
Mabuti ang Panginoon, pag-ibig niya’y walang hanggan,
Siya’y Diyos na mabuti’t laging tapat kailanman.
Lahat tayo’y kanyang bayan, kabilang sa kanyang kawan.
ALELUYA
Lucas 7, 16
Aleluya! Aleluya!
Narito at dumating na
isang dakilang propeta,
sugo ng D’yos sa bayan n’ya.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 19, 25-27
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, nakatayo sa tabi ng krus ni Hesus ang kanyang ina at ang kapatid na babae nitong si Maria, na asawa ni Cleopas. Naroon din si Maria Magdalena. Nang makita ni Hesus ang kanyang ina, at ang minamahal niyang alagad sa tabi nito, kanyang sinabi, “Ginang, narito ang iyong anak!” At sinabi sa alagad, “Narito ang iyong ina!” Mula noon, siya’y pinatira ng alagad na ito sa kanyang bahay.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
o kaya: Lucas 2, 33-35
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, namangha ang ama’t ina ng sanggol dahil sa sinabi ni Simeon tungkol sa kanya. Binasbasan sila ni Simeon, at sinabi kay Maria. “Tandaan mo, ang batang ito’y nakatalaga sa ikapapahamak o ikaliligtas ng marami sa Israel, isang tanda mula sa Diyos ngunit hahamakin ng marami kaya’t mahahayag ang kanilang iniisip. Dahil diyan, ang puso mo’y para na ring tinarakan ng isang balaraw.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
1 Corinto 12, 31 – 13, 13
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto
Mga kapatid:
Buong taimtim ninyong nasain ang mga kaloob na lalong dakila. At ngayo’y ituturo ko sa inyo ang pinakamabuti sa lahat.
Makapagsalita man ako sa mga wika ng mga tao at ng mga anghel, kung wala naman akong pag-ibig, para lamang akong batingaw na umaalingawngaw o pompiyang na tumataginting. Kung ako man ay may kakayahang maghayag ng salita ng Diyos at umunawa sa lahat ng hiwaga, kung mayroon man ako ng lahat ng kaalaman at ng malaking pananampalataya anupat napalilipat ko ang mga bundok, ngunit wala naman akong pag-ibig, wala akong kabuluhan. Ipamigay ko man ang lahat kong ari-arian, at ialay ko man ang aking katawan upang sunugin, kung wala naman akong pag-ibig, walang kabutihang maidudulot ito sa akin.
Ang pag-ibig ay matiyaga at magandang-loob, hindi nananaghili, nagmamapuri, o nagmamataas, hindi magaspang ang pag-uugali, hindi makasarili, hindi magagalitin, o mapagtanim sa kapwa. Hindi nito ikinatutuwa ang gawang masama ngunit ikinagagalak ang katotohanan. Ang pag-ibig ay mapagbata, mapagtiwala, puno ng pag-asa, at nagtitiyaga hanggang wakas.
Matatapos ang kakayahang magpahayag ng salita ng Diyos, titigil ang kakayahang magsalita sa iba’t ibang wika, mawawala ang kaalaman, ngunit ang pag-ibig ay walang katapusan. Hindi pa lubos ang ating kaalaman at ang kakayahan sa pagpapahayag ng salita ng Diyos; ngunit pagdating ng ganap, mawawala ang di ganap.
Noong ako’y bata pa, nagsasalita ako, nag-iisip at nangangatwirang tulad ng bata. Ngayong ako’y mayroon nang sapat na gulang, iniwan ko na ang mga asal-bata. Sa kasalukuyan, tila malabong larawan ang nakikita natin sa salaminm ngunit darating ang araw na makikita natin siya nang mukhaan. Bahagya lamang ang nalalaman ko ngayon; ngunit darating ang araw na malulubos ang kaalamang ito, tulad ng pagkakilala sa aking ng Diyos.
Ang tatlong ito’y nananatili: ang pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig; ngunit ang pinakadakila sa mga ito ay ang pag-ibig.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 32, 2-3. 4-5. 12 at 22
Mapalad ang ibinukod na bansang hinirang ng D’yos.
Ang Panginoong Diyos ay pasalamatan,
tugtugin ang alpa’t awit ay saliwan.
Isang bagong awit, awiting malakas,
kasaliw ang tutog ng alpang marilag!
Mapalad ang ibinukod na bansang hinirang ng D’yos.
Panginoo’y tapat sa kanyang salita,
at maaasahan ang kanyang ginawa.
Minamahal niya ang gawang matapat,
ang pag-ibig niya sa mundo’y laganap.
Mapalad ang ibinukod na bansang hinirang ng D’yos.
Mapalad ang bansang Panginoo’y Diyos,
Mapalad ang bayang kanyang ibinukod.
Ipagkaloob mo na aming makamit,
O Poon, ang iyong wagas na pag-ibig,
yamang ang pag-asa’y sa ‘yo nasasalig!
Mapalad ang ibinukod na bansang hinirang ng D’yos.
ALELUYA
Juan 6, 63k. 68k
Aleluya! Aleluya!
Espiritung bumubuhay
ang Salita mo, Maykapal,
buhay mo ang tinataglay.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 7, 31-35
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sinabi ng Panginoon, “Sa ano ko nga ihahambing ang mga tao ngayon? At ano ang nakakatulad nila? Katulad sila ng mga batang nakaupo sa plasa at sumisigaw sa kanilang mga kalaro:
‘Tinugtugan namin kayo ng plauta, ngunit hindi kayo sumayaw!
Nanambitan kami, ngunit hindi kayo tumangis!
Sapagkat naparito si Juan Bautista na nag-aayuno at hindi umiinom ng alak, at sinasabi ninyo, ‘Inaalihan siya ng demonyo.’ Naparito naman ang Anak ng Tao, na kumakain at umiinom tulad ng iba, at sinasabi ninyo, ‘Masdan ninyo ang taong ito! Matakaw at maglalasing, kaibigan ng mga publikano at ng mga makasalanan!’ Gayunman, ang karunungan ng Diyos ay napatutunayang matuwid sa pamamagitan ng kanyang mga anak.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
1 Corinto 15, 1-11
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto
At ngayo’y ipinaaalaala ko sa inyo, mga kapatid, ang Mabuting Balita na ipinangaral ko sa inyo. Iyan ang ebanghelyo na inyong tinanggap at naging saligan ng iyong pananampalataya. Sa pamamagitan nito’y naliligtas kayo, kung matatag kayong nananangan sa salitang ipinangaral ko sa inyo – liban na nga lamang kung kayo’y sumampalataya na di iniisip ang inyong sinampalatayanan.
Sapagkat ibinigay ko sa inyo itong pinakamahalagang aral na tinanggap ko rin: si Kristo’y namatay dahil sa ating mga kasalanan, bilang katuparan sa nasasaad sa Kasulatan; inilibing siya at muling nabuhay sa ikatlong araw, ayon din sa Kasulatan; at siya’y napakita kay Pedro, saka sa Labindalawa. Pagkatapos, napakita siya sa mahigit na limandaang kapatid na nagkakatipon. Marami sa kanila’y buhay pa hanggang ngayon, bagamat patay na ang ilan. At napakita rin siya kay Santiago, saka sa mga apostol na sama-sama noon.
Sa kahuli-huliha’y napakita rin siya sa akin – bagamat ako’y tulad ng batang ipinanganak nang di-kapanahunan. Sapagkat ako ang pinakahamak sa mga apostol; ako’y di karapat-dapat tawaging apostol, sapagkat inusig ko ang simbahan ng Diyos. Ngunit dahil sa kagandahang-loob niya, ako’y naging apostol, at hindi naman nawalan ng kabuluhan ang kaloob niyang ito sa akin. Nagpagal ako nang higit kaysa kaninuman sa kanila, bagamat hindi ito sa sarili kong kakayanan kundi sa tulong ng Diyos sa akin. Kaya’t maging ako o sila – ito ang ipinangangaral namin, at ito ang pinananaligan ninyo.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 117, 1-2. 16ab-17. 28
Butihing Poo’y purihin pag-ibig n’ya’y walang maliw.
O kaya: Aleluya.
O pasalamatan
ang Panginoong Diyos, pagkat siya’y mabuti;
ang kanyang pag-ibig
ay napakatatag at mananatili.
Ang taga-Israel,
bayaang sabihi’t kanilang ihayag,
“Ang pag-ibig ng Diyos, ay hindi kukupas.”
Butihing Poo’y purihin pag-ibig n’ya’y walang maliw.
Ang lakas ng Poon
ang siyang nagdulot ng ating tagumpay
sa pakikibaka sa ating kaaway.
Aking sinasabing
di ako papanaw, mabubuhay ako upang isalaysay
ang gawa ng Diyos na Panginoon ko.
Butihing Poo’y purihin pag-ibig n’ya’y walang maliw.
Ikaw ay aking Diyos,
kaya naman ako’y nagpapasalamat;
ang pagkadakila mo ay ihahayag.
Butihing Poo’y purihin pag-ibig n’ya’y walang maliw.
ALELUYA
Mateo 11, 28
Aleluya! Aleluya!
Kayong mabigat ang pasan
ay kay Hesus maglapitan
upang kayo’y masiyahan.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 7, 36-50
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, inanyayahan si Hesus ng isa sa mga Pariseo upang makasalo niya. Pumaroon siya sa bahay nito at dumulog sa hapag. Sa bayan namang yaon ay may isang babae na kilalang makasalanan. Nabalitaan niyang kumakain si Hesus sa bahay ng Pariseo, kaya’t nagdala siya ng pabangong nasa sisidlang alabastro. At lumapit siya sa likuran ni Hesus, sa gawing paanan. Siya’y nanangis at nabasa ng kanyang luha ang mga paa ni Hesus. Pinunasan niya ang mga ito ng kanyang buhok, hinagkan, at pinahiran ng pabango. Nang makita ito ng Pariseong nag-anyaya kay Hesus, nasabi nito sa sarili, “Kung talagang propeta ang taong ito, alam niya kung sino at kung anong uri ng babae ang humihipo sa kanya — isang makasalanan!” Bilang tugon sa iniisip ni Simon, sinabi ni Hesus, “Simon, may sasabihin ako sa iyo.” Sumagot siya, “Ano po iyon, Guro?” Sinabi ni Hesus, “May dalawang taong nanghiram sa isang nagpapautang; ang isa’y limandaang denaryo at ang isa nama’y limampu. Nang hindi makabayad, pareho silang pinatawad. Ngayon, sino sa kanilang ang lalong nagmamahal sa nagpautang?” Sumagot si Simon, “Sa palagay ko po’y ang pinatawad ng malaking halaga.” “Tama ang sagot mo,” ang tugon ni Hesus. Nilingon niya ang babae, at sinabi kay Simon, “Nakikita mo ba ang babaing ito? Pumasok ako sa iyong bahay at hindi mo man lamang ako binigyan ng tubig para sa aking mga paa; ngunit binasa niya ng luha ang aking mga paa at pinunasan ng kanyang buhok. Hindi mo ako hinagkan, ngunit siya, mula nang pumasok siya ay hindi tumigil sa paghalik sa aking mga paa. Hindi mo pinahiran ng langis ang aking ulo, subalit pinahiran niya ng pabango ang aking mga paa. Kaya’t sinasabi ko sa iyo, ang malaking pagmamahal na ipinamamalas niya ang nagpapatunay na ipinatawag na ang marami niyang kasalanan; ngunit ang pinatawad ng kaunti ay kaunti lang ang pagmamahal na ipinamamalas.” Saka sinabi sa babae, “Ipinatawad na ang iyong mga kasalanan.” At ang kanyang mga kasalo sa pagkain ay nagsimulang magtanong sa sarili, “Sino ba itong pati pagpapatawad sa kasalanan ay pinangangahasan?” Ngunit sinabi ni Hesus sa babae, “Iniligtas ka ng iyong pananalig; yumaon ka na’t ipanatag mo ang iyong kalooban.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
1 Corinto 15, 12-20
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto
Mga kapatid, kung ipinangangaral naming si Kristo’y muling nabuhay, ano’t sinasabi ng ilan sa inyo na hindi bubuhaying muli ang mga patay? Kung ito’y totoo, lilitaw na hindi muling binuhay si Kristo. At kung si Kristo’y hindi muling binuhay, walang kabuluhan ang aming pangangaral at walang katuturan ang inyong pananampalataya. Kung magkagayon, lilitaw na kami’y mga bulaang saksi ng Diyos. Sapagkat pinatotohanan namin na muling binuhay ng Diyos si Kristo ngunit lilitaw na hindi ito totoo, kung talagang di bubuhaying muli ang mga patay. Kung hindi bubuhaying muli ang mga patay, hindi rin muling binuhay si Kristo. At kung hindi muling binuhay si Kristo, kayo’y hindi pa nahahango sa inyong mga kasalanan, at walang katuturan ang inyong pananampalataya. Hindi lamang iyan, lilitaw pa na ang lahat ng namatay na nananalig kay Kristo ay napahamak. Kung ang pag-asa natin kay Kristo ay para sa buhay na ito lamang, tayo na ang pinakakawawa sa lahat ng tao.
Ngunit ang totoo, si Kristo’y muling binuhay bilang katibayan na muling bubuhayin ang mga patay.
Ang Salitang Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 16, 1. 6-7. 8b at 15
Paggising ko, Poong sinta, sa piling mo’y magsasaya.
Dinggin mo po, Panginoon, ang tapat kong panawagan,
Poon, ako ay dinggin mo, sa daing ko na tulungan;
pagkat ako’y taong tapat, di nandaya kainlanman,
kaya ako’y sumasamong dalangin ko ay pakinggan.
Paggising ko, Poong sinta, sa piling mo’y magsasaya.
Ang daing ko, Panginoon, ay lagi mong dinirinig,
kaya ako’y dumudulog at sa iyo humihibik;
sa amin ay ipadama, yaong banal mong pag-ibig,
sa piling mo’y ligtas kami sa kamay ng malulupit.
Paggising ko, Poong sinta, sa piling mo’y magsasaya.
Kung paanong sa mata mo’y lubos ang ‘yong pag-iingat,
gayun ako ingatan mo sa lihim ng iyong pakpak.
Ymang ako ay matuwid, ang mukha mo’y mamamalas
kapag ako ay nagising, sa piling mo’y magagalak.
Paggising ko, Poong sinta, sa piling mo’y magsasaya.
ALELUYA
Mateo 11, 25
Aleluya! Aleluya!
Papuri sa Diyos Ama
pagkat ipinahayag n’ya
Hari s’ya ng mga aba.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 8, 1-3
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, nilibot ni Hesus ang mga bayan at nayon. Nangangaral siya at nagtuturo ng Mabuting Balita tungkol sa paghahari ng Diyos. Kasama niya ang Labindalawa, at ilang babaing pinagaling niya sa masasamang espiritu at mga karamdaman: si Maria na tinatawag na Magdalena, mula sa kanya’y pitong demonyo ang pinalayas; si Juanang asawa ni Cusa na katiwala ni Herodes; si Susana at marami pang iba. Ang ari-arian nila ang itinustos nila sa pangangailangan ni Hesus at ng kanyang mga alagad.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
1 Corinto 15, 35-37. 42-49
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto
Mga kapatid, may nagtatanong, “Paano bubuhaying muli ang mga patay? Ano ang magiging ayos ng katawan nila?” Hangal! Hindi mabubuhay ang binhing inihahasik hangga’t hindi ito namamatay. At ang inihahasik ay hindi punong malaki na, kundi binhi pa, tulad ng butil ng trigo o ng ibang binhi.
Ganyan din sa muling pagkabuhay. Ang katawang inilibing ay mabubulok, ngunit di mabubulok kailanman ang katawang muling binuhay. Pangit at walang kaya nang ilibing, maganda’t malakas nang muling buhayin. Inilibing na katawang panlupa, muling mabubuhay na katawang panlangit. Kung may katawang panlupa mayroon ding katawang panlangit. Ganito ang sinasabi sa Kasulatan: “Ang unang tao, si Adan, ay nilikhang binigyan ng buhay”; ang huling Adan ay Espiritung nagbibigay-buhay. Ngunit hindi nauna ang panlangit; ang panlupa muna bago panlangit. Ang unang Adan ay mula sa lupa, sapagkat nilikha sa alabok; mula sa langit ang pangalawang Adan. Ang mga katawang panlupa ay tulad ng nagmula sa lupa; ang mga katawang panlangit ay tulad ng nagmula sa langit. Kung paanong tayo’y katulad ng taong nagmula sa lupa, darating ang araw na matutulad din tayo sa nanggaling sa langit.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 55, 10. 11-12. 13-14
Sa harap mo ay lalakad akong taglay ang liwanag.
Kung sumapit ang sandaling ako sa ay humibik,
ang lahat ng kaaway ko ay tiyak na malulupig;
pagkat aking nalalamang,
“Diyos ang nasa aking panig.”
Sa harap mo ay lalakad akong taglay ang liwanag.
May tiwala ako sa Diyos, pangako niya’y iingatan,
pupurihin ko ang Poon sa pangakong binitiwan.
Lubos akong umaasa’t may tiwala ako sa Diyos
kung tao ring katulad ko, hindi ako matatakot.
Sa harap mo ay lalakad akong taglay ang liwanag.
Ang anumang pangako ko’y dadalhin ko sa ‘yo, O Diyos,
ang hain ng pasalamat ay sa iyo ihahandog.
Pagkat ako ay iniligtas sa bingit ng kamatayan,
iniligtas mo rin ako sa ganap na katalunan;
ako ngayon ay lalakad sa harapan mo, O Diyos,
na taglay ko ang liwanag na ikaw ang nagdulot!
Sa harap mo ay lalakad akong taglay ang liwanag.
ALELUYA
Aleluya! Aleluya!
Ang Salitang mula sa D’yos
kapag isinasaloob
ay mamumunga nang lubos.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 8, 15
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, dating ng dating ang mga taong nanggagaling sa mga bayan-bayan at lumalapit kay Hesus. Nang natitipon na ang napakaraming tao, isinalaysay niya ang talinghagang ito:
“May isang taong lumabas para maghasik ng binhi. Sa kanyang paghahasik, may binhing nalaglag sa daan at nayapakan, at ang mga ito’y tinuka ng mga ibon. May nalaglag sa kabatuhan, at pagtubo ay natuyo dahil sa kawalan ng halumigmig. May nalaglag naman sa dawagan. Lumago ang dawag at ininis ang mga binhing tumubo. Ang iba’y nalaglag sa matabang lupa, tumubo at namunga ng tig-iisandaang butil.” At malakas niyang idinugtong, “Makinig ang may pandinig!”
Itinanong ng mga alagad kung ano ang kahulugan ng talinhagang ito. Sumagot si Hesus, “Sa inyo’y ipinagkaloob na malaman ang mga lihim tungkol sa paghahari ng Diyos, ngunit sa iba’y sa pamamagitan ng mga talinghaga, upang:
‘Tumingin man sila’y hindi makakita;
At makinig man sila’y di makaunawa.’
Ito ang kahulugan ng talinghaga: ang binhi ay ang salita ng Diyos. Ang mga binhing nalaglag sa tabi ng daan ay ang mga nakinig, ngunit dumating ang diyablo at inalis sa kanilang puso ang salita upang hindi sila manalig at maligtas. Ang mga nalaglag sa kabatuhan ay ang mga nakinig ng salita at tumanggap nito nang may galak, ngunit hindi ito tumimo sa kanilang puso. Naniwala silang sandali, subalit sa panahon ng pagsubok ay tumitiwalag agad. Ang mga nahasik naman sa dawagan ay ang mga nakinig ngunit nang malaon ay nadaig ng mga alalahanin sa buhay at ng pagkahumaling sa kayamanan at kalayawan, kaya’t hindi nahinog ang kanilang mga bunga. Ang mga nahasik naman sa matabang lupa’y ang mga nakinig ng salita. Iniingatan nila ito sa kanilang pusong tapat at malinis at sila’y nagtitiyaga hanggang sa mamunga.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Ezekiel 33, 7-9
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Ezekiel
Ito ang sinasabi ng Panginoon:
“Ikaw, Tao, ang ginagawa kong bantay ng Israel; anumang marinig mo sa akin ay sabihin mo sa kanila bilang babala. Kapag sinabi ko sa taong masama na siya’y mamamatay at di mo ito ipinaabot sa kanya upang makapagbagong-buhay, mamamatay nga siya sa kanyang kasamaan ngunit pananagutan mo ang kanyang kamatayan. Ngunit kapag binabalaan mo ang masama gayunma’y hindi rin nagbagong-buhay, mamamatay siyang makasalanan ngunit wala kang dapat panagutan.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 94, 1-2. 6-7. 8-9
Panginoo’y inyong dinggin, huwag n’yo s’yang salungatin.
Tayo ay lumapit
sa ‘ting Panginoon, siya ay awitan,
ating papurihan
ang batong kublihan nati’t kalakasan.
Tayo ay lumapit,
sa kanyang harapan na may pasalamat,
siya ay purihin,
ng mga awiting may tuwa at galak.
Panginoo’y inyong dinggin, huwag n’yo s’yang salungatin.
Tayo ay lumapit,
Sa kanya’y sumamba at magbigay-galang,
lumuhod sa harap nitong Panginoong sa ati’y lumalang.
Siya ang ating Diyos,
tayo ay kalinga niyang mga hirang,
mga tupa tayong inaalagaan.
Panginoo’y inyong dinggin, huwag n’yo s’yang salungatin.
Ang kanyang salita ay ating pakinggan:
“Iyang inyong puso’y
huwag patigasin, tulad ng ginawa
ng inyong magulang
nang nasa Meriba, sa ilang ng Masa.
Ako ay tinukso’t
doon ay sinubok ng inyong magulang,
bagamat nakita
ang aking ginawang sila’ng nakinabang.”
Panginoo’y inyong dinggin, huwag n’yo s’yang salungatin.
IKALAWANG PAGBASA
Roma 13, 8-10
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma
Mga kapatid, huwag kayong magkaroon ng sagutin kaninuman, liban sa saguting tayo’y mag-ibigan; sapagkat ang umiibig sa kapwa ay nakatutupad sa kautusan. Ang mga utos, gaya ng, “Huwag kang mangangalunya, Huwag kang papatay, Huwag kang magnanakaw, Huwag kang mag-iimbot,” at ang alinmang utos na tulad ng mga ito ay nabubuo sa ganitong pangungusap, “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.” Ang umiibig ay hindi gumagawa ng masama kaninuman, kaya’t ang pag-ibig ang kabuuan ng kautusan.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
2 Corinto 5, 19
Aleluya! Aleluya!
Pinagkasundo ni Kristo
ang Diyos at mga tao;
kaya’t napatawad tayo.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 18, 15-20
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Kung magkasala sa iyo ang kapatid mo, puntahan mo siya at kausapin nang sarilinan. Kapag nakinig siya sa iyo, ang pagsasama ninyong magkapatid ay napapanauli mo sa dati at napapanumbalik mo siya sa Ama. Ngunit kung hindi siya makinig sa iyo, magsama ka pa ng isa o dalawang tao upang ang lahat ng pinag-usapan ninyo ay mapatunayan ng dalawa o tatlong saksi. Kung hindi siya makinig sa kanila, sabihin mo ito sa pagtitipon ng simbahan. At kung hindi pa siya makinig sa natitipong simbahan, ituring mo siyang Hentil o isang publikano.
Sinasabi ko sa inyo: anumang ipagbawal ninyo sa lupa ay ipagbabawal sa langit, at anumang ipahintulot ninyo sa lupa ay ipahihintulot sa langit.
Sinasabi ko pa rin sa inyo: kung ang dalawa sa inyo rito sa lupa ay magkaisa sa paghingi ng anumang bagay sa inyong panalangin, ipagkakaloob ito sa inyo ng aking Amang nasa langit. Sapagkat saanman may dalawa o tatlong nagkakatipon dahil sa akin, naroon akong kasama nila.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
1 Corinto 5, 1-8
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto
Mga kapatid, nakarating sa aking ang di mapag-aalinlangang balita na napakasama ng ginagawa ng isa sa inyo – kinakasama niya ang asawa ng kanyang ama. Kahit ang mga pagano’y di gumagawa ng ganyang kahalayan. At nakukuha pa ninyong magmalaki! Dapat sana’y mahiya kayo at tumangis, at itiwalag ang gumagawa nito! Bagamat wala ako riyan sa katawan, nariyan naman ako sa espiritu, kaya’t parang nariyan din ako. Dahil dito, ang gumagawa niyan ay hinahatulan ko na sa ngalan ng Panginoong Hesus. Ako’y kasama ninyo sa espiritu sa inyong pagtitipon. At sa kapangyarihan ng ating Panginoong Hesus, ibigay ninyo kay Satanas ang taong iyang upang mapahamak ang kanyang katawan at nang maligtas ang kanyang espiritu sa Araw ng Panginoon.
Hindi kayo dapat magpalalo. Hindi ba ninyo alam ang kasabihang, “Napaaalsa ng kaunting lebadura ang buong masa”? Alisin ninyo ang lumang lebadura, ang kasalanan, upang kayo’y maging malinis. Sa gayun, matutulad kayo sa isang bagong masa na walang lebadura – at ganyan nga kayo. Sapagkat naihandog na ang ating Korderong Pampaskuwa – si Kristo. Kaya’t ipagdiwang natin ang Paskuwa, ngunit hindi sa pamamagitan ng tinapay na may lumang lebadura ng kasamaan at kahalayan, kundi sa pamamagitan ng tinapay na walang lebadura, sagisag ng kalinisan at katapatan.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 5, 5-6. 7. 12
Poon, ako’y pangunahan nang landas mo’y aking sundan.
Ang gawang masama’y di mo kalulugdan,
ang gawaing hidwa’y di mo papayagan;
ang mga palalo’t masasamang asal,
iyong itatakwil at kasusuklaman.
Poon, ako’y pangunahan nang landas mo’y aking sundan.
Parurusahan mo yaong sinungaling,
pati mararahas at ang mga taksil.
Poon, ako’y pangunahan nang landas mo’y aking sundan.
Ang nagtitiwala sa ‘yo’y magagalak,
masayang aawit sila oras-oras;
iyong ingatan yaong mga tapat,
na dahil sa iyo’y lumigayang ganap.
Poon, ako’y pangunahan nang landas mo’y aking sundan.
ALELUYA
Juan 10, 27
Aleluya! Aleluya!
Ang tinig ko’y pakikinggan
ng kabilang sa ‘king kawan,
ako’y kanilang susundan.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 6, 6-11
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Isang Araw ng Pamamahinga, muling pumasok si Hesus sa sinagoga at nagturo. May isang lakaki roong tuyot ang kanang kamay. Sa hangad ng mga eskriba at mga Pariseo na maparatangan si Hesus, nagbantay sila upang tingnan kung siya’y magpapagaling sa Araw ng Pamamahinga. Subalit batid ni Hesus ang kanilang mga iniisip, kaya’t sinabi niya sa lalaking tuyot ang kamay, “Halika rito sa unahan.” Lumapit naman ang lalaki at tumayo roon. Sinabi ni Hesus sa kanila, “Tatanungin ko kayo. Alin ba ang ayon sa Kautusan: ang gumawa ng mabuti o ang gumawa ng masama sa Araw ng Pamamahinga? Magligtas ng buhay o pumatay?” Tiningnan ni Hesus ang nasa palibot niya at sinabi sa lalaki, “Iunat mo ang iyong kamay!” Iniunat nga niya ang kanyang kamay at ito’y gumaling. Nagngitngitngit sa galit ang mga eskriba at ang mga Pariseo, at pinag-usapan nila kung ano ang dapat gawin kay Hesus.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Mikas 5, 1-4a
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Mikas
Ito ang sinasabi ng Panginoon:
Betlehem Efrata, bagamat pinakamaliit ka sa mga angkan ni Juda ay sa iyo magmumula ang isang maghahari sa Israel. Ang pinagmula’y buhat pa nang una, mula pa noong unang panahon. Kaya nga, ang bayan ng Panginoon ay ibibigay niya sa kamay ng mga kaaway hanggang sa isilang ng babae ang sanggol na maghahari. Pagkatapos, babalik sa Israel ang nalabi sa bansang ito. Pagdating ng haring yaon, pamamahalaan niya ang Israel sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Panginoong na kanyang Diyos. At ang Israel ay mamumuhay na ligtas, sapagkat ang haring yaon ay kikilanin ng buong sanlibutan. Sa kanya magmumula ang kapayapaan natin.
Ang Salita ng Diyos.
o kaya: Roma 8, 28-30
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma
Mga kapatid:
Alam nating sa lahat ng bagay, ang Diyos ay gumagawang kasama ang mga nagmamahal sa kanya, ang mga tinawag ayon sa kanyang panukala, sa kanilang ikabubuti. Sapagkat sa mula’t mula pa’y alam na ng Diyos kung sino ang sa kanya; ang mga ito’y itinalaga niyang maging tulad ng kanyang Anak, at sa gayun, naging panganay natin siya. At ang mga itinalaga niya noong una pa ay kanyang tinawag. Ang mga tinawag niya ay kanya ring pinawalang-sala, at ang kanyang mga pinawalang-sala ay kanya namang binigyan ng karangalan.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 12, 6ab. 6kd
Ang lubos kong kasiyahan ay magalak sa Maykapal.
Lubos akong nananalig sa pag-ibig mong matapat.
Nagagalak ang puso ko dahil sa ‘yong pagliligtas.
Ang lubos kong kasiyahan ay magalak sa Maykapal.
Aawitan kita, Poon, aawitang buong galak,
dahilan sa kabutihang sa akin ay iginawad.
Ang lubos kong kasiyahan ay magalak sa Maykapal.
ALELUYA
Aleluya! Aleluya!
Magalak ka, Birheng Mahal,
ikaw ang inang nagsilang
sa araw ng katarungan.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 1, 1-16. 18-23
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Ito ang lahi ni Hesukristo na mula sa angkan ni David na mula naman sa lahi ni Abraham.
Si Abraham ang ama ni Isaac; si Isaac ang ama ni Jacob na ama ni Juda at ng kanyang mga kapatid. Naging anak naman ni Juda kay Tamar sina Fares at Zara. Si Fares ang ama ni Esrom at si Esrom ang ama ni Aram. Si Aram ang ama ni Aminadab; si Aminadab ang ama ni Naason na ama naman ni Salmon. Naging anak ni Salmon kay Rahab si Booz, at naging anak naman ni Booz kay Ruth si Obed. Si Obed ang ama ni Jesse na ama ni Haring David.
Naging anak ni David si Solomon sa dating asawa ni Urias. Si Solomon naman ang ama ni Roboam. Si Roboam ang ama ni Abias, at si Abias ang ama ni Asa. Si Asa ang ama ni Josafat, at si Josafat ang ama ni Joram na siya namang ama ni Ozias. Itong si Ozias ay ama ni Jotam na ama ni Acaz, at si Acaz ang ama ni Ezequias. Si Ezequias ang ama ni Manases, at si Manases ang ama ni Amos na ama naman ni Josias. Si Josias ang ama ni Jeconias at ang kanyang mga kapatid. Panahon noon ng pagkakatapon ng mga Israelita sa Babilonia.
Matapos ang pagkakatapon sa Babilonia, naging anak ni Joconias si Salatiel na ama ni Zorobabel. Si Zorobabel ang ama ni Abiud na ama ni Eliaquim, at si Eliaquim ang ama ni Azor. Si Azor ang ama ni Sadoc na ama ni Aquim; itong si Aquim ang ama ni Eliud. Si Eluid ang ama ni Eleazar; si Eleazar ang ama ni Matan na ama ni Jacob. At si Jacob ang ama ni Jose na asawa ni Maria. Si Maria naman ang ina ni Hesus na tinatawag na Kristo.
Ganito ang pagkapanganak kay Hesukristo. Si Maria ang kanyang ina at si Jose ay nakatakda nang pakasal. Ngunit bago sila nakasal, si Maria’y natagpuang nagdadalang-tao. Ito’y sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Isang taong matuwid itong si Jose na kanyang magiging asawa, ngunit ayaw niyang mapahiya si Maria, kaya ipinasiya niyang hiwalayan ito nang lihim. Samantalang iniisip ni Jose ito, napakita sa kanyang panaginip ang isang anghel ng Panginoon. Sabi nito sa kanya, “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na tuluyang pakasalan si Maria, sapagkat siya’y naglighi sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Manganganak siya ng isang lalaki at ito’y pangangalanan mong Hesus, sapagkat siya ang magliligtas sa kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan.”
Nangyari ang lahat ng ito upang matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta:
“Maglilihi ang isang dalaga’t manganganak ng isang lalaki. At tatawagin itong Emmanuel.” Ang kahuluga’y “Kasama natin ang Diyos.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
o kaya: Mateo 1, 18-23
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Ganito ang pagkapanganak kay Hesukristo. Si Maria ang kanyang ina at si Jose ay nakatakda nang pakasal. Ngunit bago sila nakasal, si Maria’y natagpuang nagdadalang-tao. Ito’y sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Isang taong matuwid itong si Jose na kanyang magiging asawa, ngunit ayaw niyang mapahiya si Maria, kaya ipinasiya niyang hiwalayan ito nang lihim. Samantalang iniisip ni Jose ito, napakita sa kanyang panaginip ang isang anghel ng Panginoon. Sabi nito sa kanya, “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na tuluyang pakasalan si Maria, sapagkat siya’y naglighi sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Manganganak siya ng isang lalaki at ito’y pangangalanan mong Hesus, sapagkat siya ang magliligtas sa kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan.”
Nangyari ang lahat ng ito upang matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta:
“Maglilihi ang isang dalaga’t manganganak ng isang lalaki. At tatawagin itong Emmanuel.” Ang kahuluga’y “Kasama natin ang Diyos.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
1 Corinto 7, 25-31
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto
Mga kapatid, tungkol naman sa mga walang asawa, wala akong maibibigay na utos mula sa Panginoon. Ngunit bilang isang taong mapagkakatiwalaan dahil sa habag sa akin ng Panginoon, magbibigay ako ng aking kuru-kuro.
Dahil sa matinding kahirapan sa kasalukuyan, inaakala kong mabuti pa sa isang tao ang manatili sa kanyang kalagayan. Ikaw ba’y may asawa na? Huwag kang makipaghiwalay. Wala ka pa bang asawa? Huwag mong hangaring magkaasawa. Kung ikaw ay mag-asawa, hindi ka nagkakasala, at kung ang isang dalaga’y mag-asawa, hindi siya nagkakasala. Ngunit magdaranas sila ng mga kahirapan sa buhay na ito, at iyan ang ibig kong maiwasan ninyo.
Ito ang ibig kong sabihin, mga kapatid: malapit na ang takdang panahon, kaya’t mula ngayon, ang may-asawa’y mamuhay na parang walang asawa; ang mga nananangis, na parang di nananangis; ang mga nagagalak, na parang di nagagalak; ang mga namimili, na parang walang ari-arian, at ang mga nagtatamasa sa sanlibutang ito, na parang di nila ito alintana. Sapagkat ang lahat ng bagay sa daigdig na ito’y mapaparam.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 44, 11-12. 14-15. 16-17
O kab’yak ng hari namin, ang payo ko’y ulinigin.
O kabiyak nitong hari, ang payo ko’y ulinigin;
ang lahat mong kamag-anak at ang madla ay limutin.
Sa taglay mong kagadahan ang hari ang paibigin;
siya’y iyong panginoon, marapat na iyong sundin.
O kab’yak ng hari namin, ang payo ko’y ulinigin.
Ang prinsesa sa palasyo’y pagmasdan mo’t anong ganda;
sinulid na gintu-ginto ang niyaring damit niya.
Sa makulay niyang damit, sa hari ay pinapunta,
haharap sa haring yaong mga abay ay kasama.
O kab’yak ng hari namin, ang payo ko’y ulinigin.
Sama-samang masasaya, ang lahat ay nagagalak
na pumasok sa palasyo at sa hari ay humarap.
Darami ang iyong supling, sa daigdig maghahari,
kapalit ng ninuno mo sa sinumang mga lahi.
O kab’yak ng hari namin, ang payo ko’y ulinigin.
ALELUYA
Lucas 6, 23ab
Aleluya! Aleluya!
Magalak kayo’t magdiwang
malaki ang nakalaang
gantimpala ninyong tanan.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 6, 20-26
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, tumingin si Hesus sa mga alagad, at kanyang sinabi,
“Mapalad kayong mga dukha, sapagkat ang Diyos ang maghahari sa inyo!”
“Mapalad kayong mga nagugutom ngayon, sapagkat kayo’y bubusigin!”
“Mapalad kayong mga tumatangis ngayon, sapagkat kayo’y magagalak!”
“Mapalad kayo kung dahil sa Anak ng Tao kayo’y kinapopootan, ipinagtatabuyan at inaalimura ng mga tao, at pati ang inyong pangalan ay kinasusuklaman. Magalak kayo at lumukso sa tuwa kung ito’y mangyari, sapagkat malaki ang inyong gantimpala sa langit — gayun din ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga propeta.”
“Ngunit sa ba ninyong mayayaman ngayon, sapagkat nagtamasa na kayo ng kaginhawahan!”
“Sa aba ninyong mga busog ngayon, sapagkat kayo’y magugutom!”
“Sa aba ninyong nagsisitawa ngayon, sapagkat kayo’y magdadalamhati at magsisitangis!”
“Sa aba ninyo, kung kayo’y pinupuri ng lahat ng tao, sapagkat gayun din ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga bulaang propeta.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
1 Corinto 8, 1b-7. 11-13
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto
Mga kapatid, alam nating “may kaalaman tayong lahat.” Ang gayong “kaalaman” ay nagbubunsod sa tao upang magpalalo, ngunit ang pag-ibig ay nakapagpapatibay. Ang nag-aakalang may nalalaman siya ay hindi pa nakakaalam ng dapat niyang malaman. Ngunit kilala ng Diyos ang umiibig sa kanya.
Tungkol nga sa pagkaing inihandog sa diyus-diyusan, alam nating “walang kabuluhan ang mga diyus-diyusan,” at “iisa lamang ang Diyos.” Bagamat may sinasabing mga diyos sa langit o sa lupa, at maraming tinatawag na “mga diyos” at “mga panginoon,” sa ganang akin ay iisa lamang ang Diyos, ang Ama na lumikha ng lahat ng bagay, at tayo’y nabubuhay para sa kanya. Iisa ang Panginoon, si Hesukristo, at sa pamamagitan niya’y nilikha ang lahat ng bagay at sa pamamagitan din niya’y nabubuhay tayo.
Subalit hindi lahat ay nakaaalam nito. May ilang nahirati sa pagsamba sa diyus-diyusan, kaya’t hanggang ngayon, kapag kumakain sila ng ganitong pagkain, ang akala nila’y handog pa rin sa diyus-diyusan ang kanilang kaalaman, nababagabag ang kanilang kalooban sa pag-aakalang sila’y nagkakasala.
Kaya’t dahil sa inyong “kaalaman” ay napapahamak ang kapatid ninyong mahina pa at naging dahilan din ng kamatayan ni Kristo. Sa gayun, nagkakasala kayo kay Kristo sapagkat ibinunsod ninyo sa pagkakasala ang inyong kapatid at itinanim sa kanyang isipan ang maling paniniwala. Kaya’t kung dahil sa pagkain ay magkakasala ang aking kapatid, hindi na ako kakain ng karne upang di siya magkasala.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 138, 1-3. 13-14ab. 23-24
Poon, ako ay samahan sa buhay na walang hanggan.
Ako’y iyong siniyasat, batid mo ang aking buhay,
ang lahat kong lihim, Poon, ay tiyak mong nalalaman.
Ang lahat ng gawain ko, sa iyo ay hindi lingid,
kahit ikaw ay malaya, batid mo ang aking isip.
Ako’y iyong nakikita, gumagawa o hindi man,
ang lahat ng gawain ko’y pawang iyong nalalaman.
Poon, ako ay samahan sa buhay na walang hanggan.
Ang anumang aking sangkap, ikaw o Diyos ang lumikha,
sa tiyan ng aking ina’y hinugis mo akong bata.
Pinupuri kita, O Diyos, marapat kang katakutan,
ang lahat ng gawain mo ay kahanga-hangang tunay.
Poon, ako ay samahan sa buhay na walang hanggan.
O Diyos, ako’y siyasatin, alamin ang aking isip,
subukin mo ako ngayon, kung ano ang aking nais;
kung ako ay hindi tapat, ito’y iyong nababatid,
sa buhay na walang hanggan, samahan mo at ihatid.
Poon, ako ay samahan sa buhay na walang hanggan.
ALELUYA
1 Juan 4, 12
Aleluya! Aleluya!
Sa pagmamahalan natin
ang D’yos ay ating kapiling.
pag-ibig n’ya’y lulubusin.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 6, 27-38
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Sinasabi ko sa inyo, mga nakikinig: Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, gawan ninyo ng mabuti ang mga napopoot sa inyo, pagpalain ninyo ang mga sumusumpa sa inyo, idalangin ninyo ang mga umaapi sa inyo. Kapag sinampal ka sa isang pisngi, iharap mo ring ang kabila. Kapag inaagaw ang iyong balabal, ibigay mo pati ang iyong baro. Bigyan mo ang bawat nanghihingi sa iyo: at kung may kumuha sa iyong ari-arian ay huwag mo nang bawiin pa ang mga iyon. Gawin ninyo sa iba ang ibig ninyong gawin nila sa inyo.
“Kung ang iibigin lamang ninyo ang mga umiibig sa inyo, ano pang gantimpala ang inyong hihintayin? Kahit ang mga makasalanan ay umiibig din sa mga umiibig sa kanila. At kung ang gagawan lamang ninyo ng mabuti ang gumagawa sa inyo ng mabuti, ano pang gantimpala ang inyong hihintayin? Kahit ang mga makasalanan ay gumagawa rin nito! Kung ang pahihiramin lamang ninyo ay ang mga taong inaasahan ninyong makababayad sa inyo, ano pang gantimpala ang inyong hihintayin? Kahit ang mga makasalanan ay nagpapahiram din sa mga makasalanan sa pag-asang ang mga ito’y makababayad! Sa halip, ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, at gawan ninyo sila ng mabuti. Magpahiram kayo, na hindi umaasa ng anumang kabayaran. Sa gayun, malaking gantimpala ang tatamuhin ninyo, at kayo’y magiging mga anak ng Kataas-taasan. Sapagkat siya’y mabuti sa masasama at sa mga hindi marunong tumanaw ng utang na loob. Maging mahabagin kayo gaya ng inyong Ama.”
“Huwag kayong humatol, at hindi kayo hahatulan ng Diyos. Huwag kayong magparusa at hindi kayo parurusahan ng Diyos. Magpatawad kayo sa inyong kapwa, at patatawarin kayo ng Diyos. Magbigay kayo, at bibigyan kayo ng Diyos: hustong takal, siksik, liglig, at umaapaw pa ang ibibigay sa inyo. Sapagkat ang takalang ginagamit ninyo sa iba ay siya ring gagamitin sa inyo.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
1 Corinto 9, 16-19. 22b-27
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto
Mga kapatid, hindi ngayo’t nangangaral ako ng Mabuting Balita ay maaari na akong magmalaki. Iyan ang tungkuling iniatang sa akin. Sa aba ko, kung hindi ko ipangaral ang Mabuting Balita! Kung ginagawa ko ito sa sarili kong kalooban, ako’y may gantimpalang hihintayin; ngunit ginagawa ko ito bilang pagtupad sa tungkulin sapagkat ito’y ipinagkatiwala sa akin. Ano ngayon ang aking gantimpala? Ang maipangaral ko nang walang bayad ang Mabuting Balita at ang di ko pagkuha ng nauukol sa akin bilang tagapangaral.
Malaya ako at di alipin ninuman; ngunit napaalipin ako sa lahat upang makahikayat ako na lalong marami. Ako’y nakibagay sa lahat ng tao upang ang ilan man lamang ay mailigtas ko, kahit sa anong paraan.
Ginagawa ko ang lahat ng ito alang-alang sa Mabuting Balita, upang makibahagi ako sa mga pagpapala nito. Alam ninyo na ang mga kasali sa takbuhan ay tumatakbong lahat, ngunit isa lamang ang nagkakamit ng gantimpala! Kaya pagbutihin ninyo ang pagtakbo upang kamtan ninyo ang gantimpala. Lahat ng manlalarong nagsasanay ay nagpipigil sa sarili sa lahat ng bagay upang magkamit ng isang putong na panandalian lamang, ngunit ang putong na hinahangad natin ay panghabang panahon. Kaya ako’y tumatakbo patungo sa isang tiyak na hangganan; at hindi ako sumusuntok sa hangin. Pinahihirapan ko ang aking katawan at sinusupil ang sarili, baka pagkatapos kong mangaral sa iba ay ako naman ang itakwil.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 83, 3. 4. 5-6. 12
Ang templo mo’y aking mahal, D’yos na Makapangyarihan.
Nasasabik ang lingkod mong sa patyo mo ay pumasok.
Ang buo kong pagkatao’y umaawit na may lugod,
sa masayang pag-awit ko pinupuri’y buhay na Diyos.
Ang templo mo’y aking mahal, D’yos na Makapangyarihan.
Panginoon, sa templo mo, mga maya’y nagpupugad,
maging ibong layang-laya sa templo mo’y nagagalak,
may inakay na kalinga sa tabi ng iyong altar;
O Poon, hari namin at Diyos na walang kupas.
Ang templo mo’y aking mahal, D’yos na Makapangyarihan.
Mapalad na masasabi, silang doo’y tumatahan
at palaging umaawit, nagpupuring walang hanggan.
Ang sa iyo umaasa’y masasabing mapalad din,
silang mga naghahangad na sa Sio’y makarating.
Ang templo mo’y aking mahal, D’yos na Makapangyarihan.
Ikaw ang haring dakila, ang tunay naming sanggalang,
kami’y pinagpapala mo sa pag-ibig mo at dangal.
Hindi siya nagkakait ng mabuting mga bagay
sa sinumang ang gawain ay matuwid at marangal.
Ang templo mo’y aking mahal, D’yos na Makapangyarihan.
ALELUYA
Juan 17, 17b. a
Aleluya! Aleluya!
Amang D’yos ni Hesukristo,
ang salita mo’y totoo
kami ay pabanalin mo.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 6, 39-42
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, tinanong ni Hesus ang kanyang mga alagad nang patalinghaga: “Maaari bang maging tagaakay ng bulag ang isa ring bulag? Kapwa sila mahuhulog sa hukay kapag ginawa ang gayun. Walang alagad na higit sa kanyang guro; ngunit kapag lubusang naturuan, siya’y magiging katulad ng kanyang guro.
“Ang tinitingnan mo’y ang puwing ng iyong kapatid, ngunit hindi mo pinapansin ang tahilan sa iyong mata. Paano mo masasabi sa iyong kapatid, ‘Kapatid, bayaan mong alisin ko ang iyong puwing,’ gayong hindi mo nakikita ang tahilang nasa iyong mata? Mapagpaimbabaw! Alisin mo muna ang tahila sa iyong mata, at makakikita kang mabuti; sa gayo’y maaalis mo ang puwing ng iyong kapatid.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
1 Corinto 10, 14-22
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto
Mga pinakamamahal, huwag kayong sasamba sa mga diyus-diyusan. Ganito ang sinasabi ko sa inyo, sapagkat kayo’y matatalino; kayo na ang humatol. Hindi ba’t ang pag-inom natin sa kalis ng pagpapala na ating ipinagpapasalamat ay pakikibahagi sa dugo ni Kristo? At ang pagkain natin ng tinapay na ating pinagpipira-piraso ay pakikibahagi naman sa kanyang katawan? Kaya nga, yamang isa lamang ang tinapay, tayo’y iisang katawan bagamat marami, sapagkat nakikibahagi tayo sa iisang tinapay.
Tingnan ninyo ang bansang Israel: hindi ba’t ang mga kumakain ng mga handog ay nakikiisa sa ginagawa sa dambana? Ano ang ibig kong sabihin? Sinasabi ko bang may kabuluhan ang diyus-diyusan o ang pagkaing inihandog sa mga diyus-diyusan? Hindi! Ang ibig kong sabihin, ang mga pagano’y naghahandog ng kanilang hain sa mga demonyo, hindi sa Diyos, at ayaw kong maging kaisa kayo ng mga demonyo. Hindi kayo makaiinom sa kalis ng Panginoon at sa kalis ng mga demonyo. Hindi kayo maaaring makisalo sa dulang ng Panginoon at sa dulang ng mga demonyo. Ibig ba nating manibugho ang Panginoon? Sa palagay ba ninyo’y may makapangyarihan tayo kaysa sa kanya?
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 115, 12-13. 17-18
Maghahandog ako sa D’yos ng pagpupuring malugod.
Sa Diyos ko’t Panginoon, ano’ng aking ihahandog
sa lahat ng kabutihan na sa akin ay kaloob?
Ang handog ko sa dambana, ay inumin na masarap,
bilang aking pagkilala sa ginawang pagliligtas.
Maghahandog ako sa D’yos ng pagpupuring malugod.
Ako ngayo’y maghahandog ng haing pasasalamat,
ang handog kong panalangi’y sa iyo ko ilalagak.
Sa templo sa Jerusalem, ay doon ko ibibgay
ang anumang pangako kong sa iyo ay binitiwan.
Maghahandog ako sa D’yos ng pagpupuring malugod.
ALELUYA
Juan 14, 23
Aleluya! Aleluya!
Ang sa aki’y nagmamahal
tutupad sa aking aral.
Ama’t ako’y mananahan.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 6, 43-49
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Walang mabuting punongkahoy na namumunga ng masama, at walang masamang punongkahoy na namumunga ng mabuti. Nakikilala ang bawat punongkahay sa pamamagitan ng kanyang bunga. Sapagkat hindi nakapipitas ng igos sa puno ng aroma, at di rin nakapipitas ng ubas sa puno ng dawag. Ang mabuting tao ay nakapagdudulot ng mabuti sapagkat tigib ng kabutihan ang kanyang puso; ang masamang tao ay nakapagdudulot ng masama, sapagkat puno ng kasamaan ang kanyang puso. Sapagkat kung ano ang bukambibig siyang laman ng dibdib.
“Tinatawag ninyo ako ‘Panginoon, Panginoon,’ ngunit hindi naman ninyo ginagawa ang sinasabi ko. Ipakikilala ko sa inyo kung kanino natutulad ang bawat lumalapit sa akin, nakikinig ng aking mga salita, at nagsasagawa ng mga ito. Katulad siya ng isang taong humukay nang malalim at sa pundasyong bato nagtayo ng bahay. Bumaha, at ang tubig ay bumugso sa bahay na iyon, ngunit hindi natinag, sapagkat matatag ang pagkakatayo. Ngunit ang nakikinig ng aking mga salita at hindi nagsasagawa nito ay katulad ng isang taong nagtayo ng bahay na walang pundasyon. Bumaha, nadaanan ng tubig ang bahay na iyon at pagdaka’y bumagsak. Lubusang nawasak ang bahay na iyon!”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Jeremias 20, 7-9
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Jeremias
Panginoon, ako’y iyong hinihikayat, at sumunod naman ako.
Higit kang malakas kaysa akin at ikaw ay nagwagi.
Pinagtatawanan ako ng balana; maghapon silang nagtatawa dahil sa akin.
Tuwing ako’y magsasalita at sisigaw ng “Karahasan! Pagkasira!”
Pinagtatawanan nila ako’t inuuyam, sapagkat ipinahahayag ko ang iyong salita.
Ngunit kung sabihin kong, “Lilimutin ko ang Panginoon at di na sasambitin ang kanyang pangalan,”
para namang apoy na naglalagablab sa aking puso ang iyong mga salita, apoy na nakakulong sa aking mga buto.
Hindi ko na kayang pigilin ito, hirap na hirap na akong magpigil.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 62, 2. 3-4. 5-6. 8-9
Aking kinasasabikan, Panginoon, ikaw lamang.
O Diyos, ikaw ang aking Diyos na lagi kong hinahanap;
ang uhaw kong kaluluwa’y tanging ikaw yaong hangad;
Para akong tuyong lupa na tubig ang siyang lunas.
Aking kinasasabikan, Panginoon, ikaw lamang.
Bayaan mong sa santwaryo, sa lugar na dakong banal,
ikaw roo’y mamasdan ko, sa likas mong karangalan.
Ang wagas na pag-ibig mo’y mahigit pa kaysa buhay.
Kaya ako’y magpupuri’t ikaw ang pag-uukulan.
Aking kinasasabikan, Panginoon, ikaw lamang.
Habang ako’y nabubuhay, ako’y magpapasalamat.
At ako ay dadalngin na kamay ko’y nakataas.
Itong aking kaluluwa’y kakaing may kasiyahan,
magagalak na umawit ng papuring iaalay.
Aking kinasasabikan, Panginoon, ikaw lamang.
Pagkat ikaw sa tuwina ang katulong na malapit,
sa lilim ng iyong pakpak galak akong umaawit.
Itong aking kaluluwa’y sa iyo lang nanghahawak,
pagkat ako kung hawak mo, kaligtasa’y natitiyak.
Aking kinasasabikan, Panginoon, ikaw lamang.
IKALAWANG PAGBASA
Roma 12, 1-2
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma
Mga kapatid, alang-alang sa masaganang habag ng Diyos sa atin, ako’y namamanhik sa inyo: ialay ninyo ang inyong sarili bilang handog na buhay, banal at kalugud-lugod sa kanya. Ito ang karapat-dapat na pagsamba ninyo sa Diyos. Huwag kayong umayon sa takbo ng mundong ito. Mag-iba na kayo at magbago ng isip upang mabatid ninyo ang kalooban ng Diyos kung ano ang mabuti, nakalulugod sa kanya, at talagang ganap.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Efeso 1, 17-18
Aleluya! Aleluya!
D’yos Ama ni Hesukristo,
kami ay liwanagan mo
at tutugon kami sa ‘yo.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 16, 21-27
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinimulang ipaalam na ni Hesus sa kanyang mga alagad na dapat siyang magtungo sa Jerusalem at magbata ng maraming hirap sa kamay ng matatanda ng bayan, ng mga punong saserdote at ng mga eskriba, at kanilang ipapapatay siya. Ngunit sa ikatlong araw siya’y muling mabubuhay. Niyaya siya ni Pedro sa isang tabi at pinagsabihan ng ganito: “Panginoon, huwag nawa ng itulot ng Diyos! Hindi po dapat mangyari ito sa inyo.” Ngunit hinarap siya ni Hesus at sinabihan, “Lumayo ka, Satanas! Hadlang ka sa aking landas. Ang iniisip mo’y hindi sa Diyos kundi sa tao.”
Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Kung ibig ninumang sumunod sa akin, limutin niya ang ukol sa kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin. Ang naghahangad na magligtas ng kanyang buhay ay siyang mawawalan nito; ngunit ang mag-alay ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay siyang magkakamit noon. Ano nga ang mapapala ng isang tao, makamtan man niya ang buong daigdig kung ang katumbas naman nito’y ang kanyang buhay? Ano ang maibabayad ng tao para mabalik sa kanya ang kanyang buhay? Sapagkat darating ang Anak ng Tao na taglay ang dakilang kapangyarihan ng kanyang Ama at kasama ang kanyang mga anghel. Sa panahong yao’y gagantihin niya ang bawat tao ayon sa kanyang ginawa.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
1 Corinto 2, 1-5
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto
Mga kapatid, nang ako’y pumariyan, ipinahayag ko sa inyo ang lihim na panukala ng Diyos, ngunit hindi sa pamamagitan ng malalalim na pananalita o matataas na karunungan. Ipinasiya kong wala akong ipangangaral sa inyo kundi si Hesukristo na ipinako sa krus. Kaya mahina, takot, at nanginginig akong humarap sa inyo. Sa pananalita at pangangaral ko’y hindi ko kayo inakit ng matatamis na pangungusap batay sa karunungan ng tao, kundi sa pamamagitan ng patotoo ng Espiritu at ng kapangyarihan ng Diyos. Kaya’t hindi na karunungan ng tao kundi sa kapangyarihan ng Diyos nababatay ang inyong pananalig kay Kristo.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 118, 97. 98. 99. 100. 101. 102
Iniibig ko nang lubos tanang utos mo, Poong D’yos.
Ang taglay kong karununga’y higit pa sa matatanda,
pagkat ang ‘yong mga utos ay hindi ko sinisira.
Iniibig ko nang lubos tanang utos mo, Poong D’yos.
Di ko gustong matutuhan ang ugaling masasama,
ang hangad ko na masunod ay ang iyong sinalita.
Iniibig ko nang lubos tanang utos mo, Poong D’yos.
Hindi ako nagpabaya sa utos mo at tuntunin,
pagkat ikaw ang guro ko na nagturo ng aralin.
Iniibig ko nang lubos tanang utos mo, Poong D’yos.
ALELUYA
Lucas 4, 18
Aleluya! Aleluya!
Ikaw, Kristo ay sinugo
upang sa dukha’y magturo,
magpalaya sa bilanggo.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 4, 16-30
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, umuwi si Jesus sa Nazaret na kanyang nilakhan. Gaya ng kanyang kinagawian, pumasok siya sa sinagoga nang Araw ng Pamamahinga. Tumindig siya upang bumasa; at ibinigay sa kanya ang aklat ni Propeta Isaias. Binuksan niya ang aklat sa doking kinasusulatan ng ganito:
“Sumasaakin ang Espiritu ng Panginoon,
Sapagkat hinirang niya ako upang ipangaral sa mga dukha ang Mabuting Balita.
Sinugo niya ako upang ipahayag sa mga bihag na sila’y lalaya,
At sa mga bulag na sila’y makakikita;
Upang bigyang-kaluwagan ang mga sinisiil,
At ipahayag ang pagliligtas na gagawin ng Panginoon.”
Binalumbon niya ang kasulatan, at matapos isauli sa tagapaglingkod, siya’y naupo. Nakatitig sa kanya ang lahat ng naa sinagoga. At sinabi niya sa kanila: “Natupad ngayon ang bahaging ito ng Kasulatan samantalang nakikinig kayo.” Pinuri siya ng lahat, at namangha sa kanyang napakahusay na pananalita. “Hindi ba ito ang anak ni Jose?” tanong nila. Kaya’t sinabi ni Hesus, “Walang pagsalang babanggitin ninyo sa akin ang kawikaang ito: ‘Doktor, gamutin mo ang iyong sarili!’ Sasabihin din ninyo sa akin, ‘Gawin mo naman sa ‘yong sariling bayan ang mga nabalitaan naming ginawa mo sa Capernaum.’” At nagpatuloy ng pagsasalita si Hesus, “Tandaan ninyo: walang propetang kinikilala sa kanyang sariling bayan. Ngunit sinasabi ko sa inyo: maraming babaing balo sa Israel noong kapanahunan ni Elias nang hindi umulan sa loob ng tatlong tao’t kalahati at magkaroon ng matinding taggutom sa buong lupain. Subalit hindi sa kaninuman sa kanila pinapunta si Elias kundi sa isang babaing balo sa Sarepta, sa lupain ng Sidon. Sa dinami-dami ng mga ketongin sa Israel noong kapanahunan ni Eliseo, walang pinagaling isa man sa kanila; si Naaman pang taga-Siria ang pinagaling.” Galit nagalit ang lahat ng nasa sinagoga nang marinig ito. Nagtindigan sila, at pinagtabuyan siyang palabas, sa taluktok ng burol na kinatatayuan ng bayan, upang ibulid sa bangin. Ngunit dumaan siya sa kalagitnaan nila at umalis.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
1 Corinto 2, 10b-16
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto
Mga kapatid, nasasaliksik ng Espiritu ang lahat ng bagay, maging ang pinakamalalim na panukala ng Diyos. Walang nakaaalam sa iniisip ng isang tao maliban sa kanyang sariling espiritu. Gayun din naman, walang nakaaalam sa mga iniisip ng Diyos maliban sa Espiritu ng Diyos. Hindi ang espiritu ng sanlibutan kundi ang espiritu ng Diyos ang tinanggap natin upang ating maunawaan ang mga kaloob niya sa atin.
‘Sa mga nagtataglay ng Espiritu, ang ipinaliliwanag nami’y mga katotohanang espirituwal; mga pananalitang turo ng Espiritu at hindi ayon sa karunungan ng tao ang ginagamit namin. Sapagkat ang taong di nagtataglay ng Espiritu ay ayaw tumanggap ng mga kaloob mula sa Espiritu ng Diyos. Para sa kanila, kahangalan ang mga iyon at di nila mauunawaan, sapagkat ang mga bagay na espirituwal ay mauunawaan lamang sa paraang espirituwal. Nauunawaan ng taong nagtataglay ng Espiritu ang kahalagahan ng bawat bagay, ngunit walang nakauunawa sa kanya. Ganito ang nasasaad sa Kasulatan,
“Sino ang nakaaalam ng pag-iisip ng Panginoon?
Sino ang makapagpapayo sa kanya?”
Ngunit ang pag-iisip ni Kristo’y taglay natin.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 144, 8-9. 10-11. 12-13ab. 13kd-14
Mat’wid ang Poong dakila sa lahat ng kanyang gawa.
Ang Panginoong D’yos ay puspos ng pag-ibig at lipos ng habag,
banayad magalit, ang pag-ibig niya’y hindi kumukupas.
Siya ay mabuti at kahit kanino’y hindi nagtatangi;
sa kanyang nilikha, ang pagtingin niya ay mamamalagi.
Mat’wid ang Poong dakila sa lahat ng kanyang gawa.
Magpupuring lahat sa iyo, o Panginoon, ang iyong nilalang;
lahat mong nilikha ay pupurihan ka’t pasasalamatan.
Babanggitin nilang tunay na dakila ang ‘yong kaharian,
at ibabalitang tunay kang dakila’t makapangyarihan.
Mat’wid ang Poong dakila sa lahat ng kanyang gawa.
Dakila mong gawa’y upang matalastas ng lahat ng tao,
mababatid nila ang kadakilaan ng paghahari mo.
Ang paghahari mo’y sadyang walang hanggan, hindi magbabago.
Mat’wid ang Poong dakila sa lahat ng kanyang gawa.
Di ka bibiguin sa mga pangako pagkat ang Diyos ay tapat,
ang kanyang ginawa kahit ano ito ay mabuting lahat,
Siya’y tumutulong sa lahat ng tao na may suliranin;
yaong inaapi’y inaalis niya sa pagkagupiling.
Mat’wid ang Poong dakila sa lahat ng kanyang gawa.
ALELUYA
Lucas 7, 16
Aleluya! Aleluya!
Narito at dumating na
isang dakilang propeta
sugo ng Diyos sa bayan n’ya
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 4, 31-37
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, nagpunta si Hesus sa Capernaum, Galilea. Nagturo siya sa mga tao nang Araw ng Pamamahinga at nagtaka sila sa kanyang pagtuturo, sapagkat may kapangyarihan kung siya’y magsalita. Naroon sa sinagoga ang isang lalaking inaalihan ng demonyo o isang masamang espiritu. Sumigaw siya nang malakas: “Ano ang pakialam mo sa amin, Hesus na taga-Nazaret? Naparito ka ba upang puksain kami? Alam ko kung sino ka ikaw ang Banal ng Diyos.” Subalit pinagwikaan siya ni Hesus, “Tumahimik ka! Lumayas ka sa taong iyan!” At sa harapan ng lahat, ang tao’y inilugmok ng demonyo at iniwan nang hindi man lamang sinaktan. Nanggilalas silang lahat at nasabi sa isa’t isa, “Anong uri ng pangungusap ito? Makapangyarihan at mabisa! Pinalalayas niya ang masasamang espiritu, at sumusunod naman sila!” At kumalat ang balita tungkol kay Hesus sa buong lupaing iyon.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
1 Corinto 3, 1-9
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto
Mga kapatid, hindi ko kayo makausap tulad ng ginagawa ko sa mga taong nagtataglay ng Espiritu. Kailangang kausapin ko kayo bilang mga taong namumuhay ayon sa laman, mga sanggol pa sa pananampalataya kay Kristo. Binigyan ko kayo ng gatas, hindi matigas na pagkain, sapagkat ito’y hindi pa ninyo kaya. At hindi pa ninyo kaya hanggang ngayon sapagkat nananaig pa sa inyo ang laman. Mayroon pa kayong inggitan at alitan at iya’y nagpapakilalang makasanlibutan pa kayo at namumuhay ayon sa laman. Kapag sinabi ng isa, “Ako’y kay Pablo,” at ng iba, “Ako’y kay Apolos,” hindi ba tanda iyan na kayo’y namumuhay pa ayon sa laman?
Sapagkat sino si Apolos? At sino si Pablo? Kami’y mga lingkod lamang ng Diyos na kinasangkapan niya upang akayin kayo sa pananalig kay Kristo. Ginagawa ng bawat isa ang gawaing tinanggap niya sa Panginoon. Ako ang nagtanim, si Apolos ang nagdilig, ngunit ang Diyos ang nagpatubo at nagpalago. Hindi ang nagtatanim ni ang nagdidilig ang mahalaga kundi ang Diyos na siyang nagpapatubo at nagpapalago. Ang nagtatanim at ang nagdidilig ay kapwa manggagawa lamang at bawat isa’y tatanggap ng gantimpala ayon sa kanyang pagpapagal. Kami’y parehong manggagawa ng Diyos, at kayo ang bukirin niya. Kayo rin ang gusali ng Diyos.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 32, 12-13. 14-15. 20-21
Mapalad ang ibinukod na bansang hinirang ng D’yos.
Mapalad ang bansang ang Poon ang Diyos,
mapalad ang bayang kanyang ibinukod.
Magmula sa langit, kanyang minamasdan
ang lahat ng tao na kayang nilalang.
Mapalad ang ibinukod na bansang hinirang ng D’yos.
Nagmamasid siya at namamahala
sa lahat ng tao sa balat ng lupa.
Ang isip nila’y sa kanya nagmula
walang nalilingid sa kanilang gawa.
Mapalad ang ibinukod na bansang hinirang ng D’yos.
Ang ating pag-asa’y nasa Panginoon;
Siya ang sanggalang natin at katulong.
Dahilan sa kanya, kami’y natutuwa,
sa kanyang ngalan ay nagtitiwala.
Mapalad ang ibinukod na bansang hinirang ng D’yos.
ALELUYA
Lucas 4, 18
Aleluya! Aleluya!
Ikaw, Kristo ay sinugo
upang sa dukha’y magturo,
magpalaya sa bilanggo.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 4, 38-44
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, umalis si Hesus sa sinagoga at nagtungo sa bahay ni Simon. Mataas noon ang lagnat ng biyanan ni Simon, kaya’t ipinamanhik nila kay Hesus na pagalingin siya. Tumayo si Hesus sa tabi ng higaan ng babae at iniutos na maalis ang lagnat, at nawala nga ito. Noon di’y tumindig ang maysakit at naglingkod sa kanila.
Paglubog ng araw, ang lahat ng maysakit — anuman ang karamdaman — ay dinala ng kanilang mga kaibigan kay Hesus. Ipinatong niya ang kanyang mga kamay sa bawat isa sa kanila at pinagaling sila. Nagsilabas sa marami ang mga demonyo, sabagay sigaw, “Ikaw ang Anak ng Diyos!” Ngunit sinaway sila ni Hesus at hindi pinahintulutang magsalita, sapagkat nakikilala nila na siya ang Mesias.
Nang mag-umaga na, umalis si Hesus at nagpunta sa isang ilang na pook. Hinanap siya ng mga tao, at nang matagpuan ay pinakiusapang huwag munang umalis. Subalit sinabi niya, “Dapat ko ring ipangaral sa ibang bayan ang Mabuting Balita tungkol sa paghahari ng Diyos; sapagkat iyan ang layunin ng pagkasugo sa akin.” At nangaral siya sa mga sinagoga sa Judea.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
1 Corinto 3, 18-23
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto
Mga kapatid, huwag dayain ninuman ang kanyang sarili. Kung may nag-aakalang siya’y marunong ayon sa sanlibutang ito, ibilang niyang siya’y mangmang upang maging tunay na marunong. Sapagkat ang karunungan ng sanlibutang ito ay kamangmangan sa paningin ng Diyos. Ganito ang sinasabi sa Kasulatan, “Hinuhuli niya ang marurunong sa kanila na ring katusuhan.” Gayun din, “Alam ng Panginoon na ang iniisip ng marurunong ay walang kabuluhan.” Kaya’t huwag ipagmalaki ninuman ang nagagawa ng tao. Ang lahat ay inyo: si Pablo, si Apolos, at si Pedro; ang sanlibutang ito, ang buhay, ang kamatayan, ang kasalukuyan, at ang hinaharap – lahat ng ito’y sa inyo. At kayo’y kay Kristo, at si Kristo nama’y sa Diyos.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 23, 1-2. 3-4ab. 5-6
Ang daigdig lahat doon, ang may-ari’y ating Poon.
Ang buong daigdig, lahat ng naroon,
may-ari’y ang Diyos, ating Panginoon;
ang mundo’y natayo at yaong sandiga’y
ilalim ng lupa, tubig kalaliman.
Ang daigdig lahat doon, ang may-ari’y ating Poon.
Sino ang marapat umahon sa burol,
sa burol ng Poon, sino ngang aahon?
Sino’ng papayagang pumasok sa templo,
Sino’ng tutulutang pumasok na tao?
Siya, na malinis ang isip at buhay,
na hindi sumamba sa diyus-diyusan;
tapat sa pangako na binibitiwan.
Ang daigdig lahat doon, ang may-ari’y ating Poon.
Ang Panginoong Diyos, pagpapalain siya,
ililigtas siya’t pawawalang-sala.
Gayun ang sinumang lumalapit sa Diyos,
silang lumalapit sa Diyos ni Jacob.
Ang daigdig lahat doon, ang may-ari’y ating Poon.
ALELUYA
Mateo 4, 19
Aleluya! Aleluya!
Sumunod kayo sa akin
at kayo’y aking gagawing
katambal ko sa tungkulin.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 5, 1-11
Ang Mabuting Balita ng Panginoong ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, nakatayo si Hesus sa baybayin ng Lawa ng Genesaret. Pinagkalipumpunan siya ng napakaraming tao na ibig makarinig ng salita ng Diyos. May nakita siyang dalawang bangka sa baybayin; nakalunsad na ang mga mangingisda at naghuhugas ng kanilang mga lambat. Lumulan siya sa isa sa mga bangka at hiniling kay Simong may-ari nito, na ilayo nang kaunti sa tabi. Naupo siya sa bangka at nangaral sa mga tao.
Pagkatapos niyang magsalita ay sinabi niya kay Simon, “Pumalaot kayo at ihulog ang mga lambat upang manghuli.” Sumagot si Simon, “Guro, magdamag po kaming nagpagod at wala kaming nahuli! Ngunit dahil sa sinabi ninyo, ihuhulog ko ang mga lambat.” Gayun nga ang ginawa nila at sa dami ng kanilang huli ay halos magkansisira ang kanilang mga lambat. Kaya’t kinawayan nila ang kanilang mga kasamahang nasa ibang bangka upang patulong, at lumapit naman ang mga ito. Napuno ang dalawang bangka na halos lumubog. Nang makita iyon ni Simon Pedro, siya’y nagpatirapa sa paanan ni Hesus at nagsabi, “Lumayo po kayo sa akin, Panginoon, sapagkat ako’y makasalanan.” Nanggilalas siya at ang kanyang mga kasama dahil sa dami ng kanilang huli; gayun din sina Santiago at Juan, mga anak ni Zebedeo, na mga kasosyo ni Simon. At sinabi ni Hesus kay Simon, “Huwag kang matakot. Mula ngayo’y mamamalakaya ka ng mga tao.” Nang maitabi na nila ang kanilang mga bangka, iniwan nila ang lahat at sumunod kay Hesus.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
1 Corinto 4, 1-5
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto
Mga kapatid, kami’y mga lingkod ni Kristo at katiwala ng mga hiwaga ng Diyos – ganyan ang dapat na aming palagay ninyo sa amin. Ang katiwala’y kailangang maging tapat sa kanyang panginoon. Walang anuman sa akin ang ako’y hatulan ninyo o ng alinmang hukuman ng tao; ni ako ma’y di humahatol sa aking sarili. Walang bumabagabag sa aking budhi, ngunit hindi nangangahulugang ako’y walang kasalanan. Ang Panginoon ang humahatol sa akin. Kaya’t huwag kayong humatol nang wala sa panahon; maghintay kayo sa pagdating ng Panginoon. Ilalantad niya ang mga bagay na ngayo’y natatago sa kadiliman at ipahahayag ang mga lihim na hangarin ng bawat isa. Sa panahong iyon, bawat isa’y tatanggap ng papuring nauukol sa kanya mula sa Diyos.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 36, 3-4. 5-6. 27-28. 39-40
Nasa D’yos ang kaligtasan ng mga mat’wid at banal.
Umasa ka sa Diyos, ang mabuti’y gawin,
at mananahan kang ligtas sa lupain.
Sa Diyos mo hanapin ang kaligayahan,
at ang pangarap mo’y iyong makakamtan.
Nasa D’yos ang kaligtasan ng mga mat’wid at banal.
Ang iyong sarili’y sa Diyos mo ilagak,
pag nagtiwala ka’y tutulungang ganap;
ang kabutihan mo ay magliliwanag,
katulad ng araw kung tanghaling-tapat.
Nasa D’yos ang kaligtasan ng mga mat’wid at banal.
Ang mabuti’y gawin, masama’y itakwil,
at mananahan kang lagi sa lupain.
Pagkat yaong bayang wasto ang gawain,
ay mahal ng Poon, hindi itatakwil.
Sila’y iingatan magpakailanman,
ngunit ang masama ay ihihiwalay.
Nasa D’yos ang kaligtasan ng mga mat’wid at banal.
Ililigtas ng Diyos ang mga matuwid,
iingatan sila pag naliligalig.
Ililigtas sila’t kanyang tutulungan
laban sa masama, ipagsasanggalang;
sapagkat sa Poon nangungubling tunay.
Nasa D’yos ang kaligtasan ng mga mat’wid at banal.
ALELUYA
Juan 8, 12
Aleluya! Aleluya!
Sinabi ni Hesukristo:
“Ako ang ilaw ng mundo
at buhay ng alagad ko.”
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 5, 33-39
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sinabi ng mga Pariseo at mga eskriba kay Hesus: “Ang mga alagad ni Juan ay malimit mag-ayuno at manalangin, gayun din ang alagad ng mga Pariseo. Ngunit ang mga alagad mo’y patuloy ng pagkain at pag-inom.” Sumagot si Hesus, “Pag-aayunuhin ba ninyo ang mga panauhin sa kasalan samantalang kasama pa nila ang lalaking ikinasal? Kapag wala na ang ikinasal, saka pa lamang sila mag-aayuno.”
Sinabi rin niya sa kanila ang isang talinghaga: “Walang pumipiraso sa bagong damit upang itagpi sa luma. Kapag ginawa ito, masisira ang bagong damit at ang tagping bago ay hindi babagay sa damit na luma. Wala ring babagay sa damit na luma. Wala ring nagsisilid ng bagong alak sa lumang sisidlang-balat. Kapag gayun ang ginawa, papuputukin ng bagong alak ang balat, matatapon ang alak, at masisira ang sisidlan. Sa bagong sisidlang-balat dapat ilagay ang bagong alak. At walang magkakagustong uminom ng bagong alak kapag nakainom na ng inimbak, sapagkat sasabihin niya, ‘Masarap ang inimbak.’”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
1 Corinto 4, 6b-15
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto
Mga kapatid, kami ni Apolos ang ginamit kong halimbawa upang matutuhan ninyo ang kahulugan ng kasabihang, “Huwag lalampas sa nasusulat.” Huwag ipagmalaki ninuman ang isa at hamakin naman ang iba. Ano ang kahigtan ninyo sa iba? Hindi ba lahat ng nasa inyo’y kaloob ng Diyos? Kung gayun, bakit ninyo ipinagyayabang na waring hindi kaloob sa inyo?
Kayo pala’y nasisiyahan na! Mayayaman na kayo! Kayo pala’y mga hari na – hindi na ninyo kami isinama! Sana nga’y naging hari kayo upang kami nama’y maging hari, kasama ninyo. Sapagkat sa wari ko, kaming mga apostol ay ginawa ng Diyos na maging pinakahamak sa lahat ng tao. Ang katulad namin ay mga taong nahatulan ng kamatayan, isang panoorin ng sanlibutan – ng mga anghel at ng mga tao. Kami’y mga hangal alang-alang kay Kristo; kayo’y marurunong tungkol kay Kristo! Mahihina kami; kayo’y malalakas! Hinahamak kami; kayo’y pinararangalan! Hanggang sa oras na ito, kami’y nagugutom, nauuhaw, halos hubad; pinagmamalupitan kami at walang matahanan. Nagpapagal kami upang may ipagtawid-buhay. Idinadalangin namin ang mga lumalait sa amin; kapag kami’y pinag-uusig; tinitiis namin ito. Malumanay na pananalita ang isinusukli namin sa mga naninirang-puri sa amin. Hanggang ngayon, kami’y parang mga yagit – pinakahamak na uri ng tao sa daigdig.
Ito’y sinusulat ko, hindi upang hiyain kayo, kundi upang parangalan bilang mga anak na minamahal. Sapagkat maging sampunlibo man ang inyong guro tungkol sa pamumuhay Kristiyano, iisa lamang ang inyong ama. Sapagkat kayo’y naging anak ko sa pananampalataya kay Kristo Hesus sa pamamagitan ng Mabuting Balitang ipinangaral ko sa inyo.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 144, 17-18. 19-20. 21
Sa tumatawag sa Poon, ang D’yos ay handang tumulong.
Matuwid ang Diyos sa lahat ng bagay niyang ginagawa;
kahit anong gawin ay kalakip doon ang habag at awa.
Siya’y nakikinig at handang tumulong sa lahat ng tao
sa sinumang taong pagtawag sa kanya’y tapat at totoo.
Sa tumatawag sa Poon, ang D’yos ay handang tumulong.
Yaong kailangan niyong mga taong may takot sa kanya,
kanyang tinutugon, at kung nagigipit hinahango sila.
yaong umiibig sa kanya nang lubos ay iniingatan;
ngunit ang masama’y wawasakin niya’t walang mabubuhay.
Sa tumatawag sa Poon, ang D’yos ay handang tumulong.
Aking pupurihin ang Panginoong Diyos, di ko tutugutan
sa ngalan niyang banal, lahat ay magpuri magpakailanman!
Sa tumatawag sa Poon, ang D’yos ay handang tumulong.
ALELUYA
Juan 14, 6
Aleluya! Aleluya!
Ikaw, O Kristo, ang Daan,
ang Katotohana’t Buhay
patungo sa Amang mahal.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 6, 1-5
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Isang Araw ng Pamamahinga, naparaan sina Hesus sa triguhan. Ang kanyang mga alagad, ay nangitil ng uhay, at kanilang kinain ang mga butil matapos ligisin sa kanilang mga kamay. “Bakit ninyo ginagawa sa Araw ng Pamamahinga ang ipinagbabawal ng Kautusan?” tanong ng ilang Pariseo. Sinagot sila ni Hesus, “Hindi ba ninyo nabasa ang ginawa ni David nang magutom siya at kanyang mga kasama? Pumasok siya sa bahay ng Panginoon, kumuha ng tinapay na handog sa Diyos at kumain nito. Binigyan pa niya ang kanyang mga kasama, bagamat ayon sa Kautusan, ang mga saserdote lamang ang may karapatang kumain niyon.” At sinabi pa niya sa kanila, “Ang Araw ng Pamamahinga ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng Anak ng Tao.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Isaias 22, 19-23
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Sinabi ng Panginoon kay Sabnang katiwala sa palasyo:
“Aalisin kita sa iyong katungkulan,
at palalayasin sa iyong kinalalagyan.
Tatawagin ko sa araw na iyon ang aking lingkod,
si Eliaquim na anak ni Helcias.
Siya ang pagsusuutin ko ng iyong buong kasuotan,
ibibigay ko sa kanya ang iyong kapangyarihan,
siya ang magiging pinakaama ng Jerusalem at ng Juda.
Ibibigay ko sa kanya ang susi ng bahay ni David;
ang kanyang buksa’y walang makapagsasara
at walang makapagbubukas ng ipininid niya.
Itatayo ko siyang parang haligi ng tolda
itatayo ko nang matibay sa isang matatag na lugar
at siya’y magiging marangal na luklukan
para sa sambahayan ng kanyang ama.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 137, 1-2a. 2bk-3. 6 at 8bk
Pag-ibig mo’y di kukupas, gawain mo’y magaganap.
Ako, Poon, buong pusong aawit ng pasalamat,
sa harap ng mga anghel, pupurihin kitang ganap.
Sa harap ng iyong templo ay yuyulo at gagalang,
pupurihin kita roon, pupurihin ang ‘yong ngalan.
Pag-ibig mo’y di kukupas, gawain mo’y magaganap.
Dahilan sa pag-ibig mo at sa iyong katapatan,
ika’y tunay na dakila, pati iyong kautusan.
Noong ako ay tumawag, tinanggap ko ang tugon mo,
sa lakas mong itinulong ay lumakas agad ako.
Pag-ibig mo’y di kukupas, gawain mo’y magaganap.
Dakila man ang Poong D’yos, mahal din niya ang mahirap
kumubli ma’y kita niya yaong hambog at pasikat.
Ang dahilan nito. Poon, pag-ibig mo’y di kukupas.
at ang mga sinimulang gawain mo’y magaganap.
Pag-ibig mo’y di kukupas, gawain mo’y magaganap.
IKALAWANG PAGBASA
Roma 11, 33-36
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma
Napakasagana ng kayamanan ng Diyos! Di matarok ang kayamanan, karunungan at kaalaman ng Diyos! Hindi malirip ang kanyang mga panukala at pamamaraan! Gaya ng nasusulat:
“Sapagkat sino ang nakaalam sa pag-iisip ng Panginoon,
O sino ang nakapagkaloob ng anuman sa Diyos
para siya nama’y gantimpalaan?”
Sapagkat mula sa kanya at sa pamamagitan niya at sa kanya ang lahat ng bagay. Sa kanya ang karangalan magpakailanman! Amen.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Mateo 16, 18
Aleluya! Aleluya!
Ikaw, Pedro, ang saligan
ng aking simbahang banal
na daig ang kamatayan.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 16, 13-20
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, dumating si Hesus sa luapin ng Cesarea ng Filipos. Tinanong niya ang kanyang mga alagad, “Sino raw ang Anak ng Tao, ayon sa mga tao?” At sumagot sila, “Ang sabi po ng ilan ay si Juan Bautista kayo. Sabi naman ng iba, si Elias kayo. At may nagsasabi pang si Jeremias kayo o isa sa mga propeta.” “Kayo naman, ano ang sabi ninyo? Sino ako?” tanong niya sa kanila. Sumagot si Simon Pedro, “Kayo po ang Kristo, ang Anak ng Diyos na buhay.” Sinabi sa kanya ni Hesus, “Mapalad ka, Simon na anak ni Jonas! Sapagkat ang katotohanang ito’y hindi inihayag sa iyo ng sinumang tao kundi ng aking Amang nasa langit. At sinasabi ko naman sa iyo, ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking simbahan, at hindi makapananaig sa kanya kahit ang kapangyarihan ng kamatayan. Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit: ang ipagbawal mo sa lupa ay ipagbabawal sa langit, at ang ipahintulot mo sa lupa ay ipahihintulot sa langit.” At mahigpit niyang tinagubilinan ang kanyang mga alagad na huwag sabihin kaninuman na siya ang Kristo.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Pahayag 21, 9b-14
Pagbasa mula sa aklat ng Pahayag
Wika ng anghel sa kain, “Halika, at ipakikita ko sa iyo ang Babaing makakaisang-dibdib ng Kordero.” Nilukuban ako ng Espiritu, at inihatid ako ng anghel sa ibabaw ng isang napakataas na bundok. Ipinakita niya sa akin ng Jerusalem, ang Banal ng Lungsod, na bumababa mula sa langit buhat sa Diyos. Nagliliwanag ito dahil sa kaningningan ng Diyos; kumikislap na gaya ng hiyas na haspeng sinlinaw ng kristal. Ang pader nito’y makapal at mataas at may labindalawang pinto, bawat isa’y may bantay na anghel. Nakasulat sa mga pinto ang pangalan ng labindalawang lipi ng Israel. Tatlo ang pinto ng bawat panig: tatlo sa silangan, tatlo sa timog, tatlo sa hilaga, at tatlo sa kanluran. Ang pader ng lungsod ay may labindalawang saligang-bato at nakasulat dito ang pangalan ng labindalawang apostol ng Kordero.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 144, 10-11. 12-13ab. 17-18
Talastas ng mga tao dakilang paghahari mo.
Magpupuring lahat sa iyo, O Panginoon, ang iyong nilalang;
lahat mong nilikha ay pupurihin ka’t pasasalamatan.
Babanggitin nilang tunay na dahila ang ‘yong kaharian,
at ibababalitang tunay kang dakila’t makapangyarihan.
Talastas ng mga tao dakilang paghahari mo.
Dakila mong gawa’y upang matalastas ng lahat ng tao,
mababatid nila ang kadikalaan ng paghahari mo.
Ang paghahari mo’y sadyang walang hanggan, hindi magbabago.
Talastas ng mga tao dakilang paghahari mo.
Matuwid ang Diyos sa lahat ng bagay niyang ginagawa;
kahit anong gawin ay kalakip doon ang habag at awa.
Siya’y nakikinig at handang tumulong sa lahat ng tao
sa sinumang taong pagtawag sa kanya’y tapat at totoo.
Talastas ng mga tao dakilang paghahari mo.
ALELUYA
Juan 1, 49b
Aleluya! Aleluya!
Guro, Anak na Butihin
ng Diyos Amang masintahin,
ika’y hari ng Israel.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 1, 45-51
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, hinanap ni Felipe si Natanael, at sinabi rito, “Natagpuan namin si Hesus na taga-Nazaret, ang anak ni Jose. Siya ang tinutukoy ni Moises sa kanyang sinulat sa Kautusan, at gayun din ng mga propeta.” “May nagmumula bang mabuti sa Nazaret?” Tanong ni Natanael. Sumagot si Felipe, “Halika’t tingnan mo.”
Nang malapit na si Natanael ay sinabi ni Hesus, “Masdan ninyo ang isang tunay na Israelita; siya’y hindi magdaraya!” Tinanong siya ni Natanael, “Paano ninyo ako nakilala?” Sumagot si Hesus, “Bago ka pa tawagin ni Felipe, nakita na kita nang ikaw ay nasa ilalim ng puno ng igos.” “Rabi, kayo po ang Anak ng Diyos! Kayo ang Hari ng Israel!” wika ni Natanael. Sinabi ni Hesus, “nanampalataya ka ba dahil sa sinabi ko sa iyong nakita kita sa ilalim ng puno ng igos? Makakikita ka ng mga bagay na higit kaysa rito!” At sinabi niya sa lahat, “Tandaan ninyo: makikita ninyong bukas ang langit, at ang mga anghel ng Diyos ay manhik-manaog sa kinaroroonan ng Anak ng Tao!”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
2 Tesalonica 2, 1-3a. 14-17
Pagbasa mula sa ikalawang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Tesalonica
Tungkol naman sa pagparito ng ating Panginoong Hesukristo at sa pagtitipon niya sa atin, ipinamamanhik namin sa inyo, mga kapatid, na huwag kayong magugulat agad o mababahala sa balitang dumating na ang Araw ng Panginoon. Huwag kayong maniniwala kahit sabihin nilang ito’y hula o pahayag, o kaya’y sulat na galing sa amin o sa anumang paraan, huwag kayong padadaya kaninuman.
Tinawag kayo ng Diyos sa pamamagitan ng Mabuting Balitang ipinahayag namin sa inyo upang makasama sa kaluwalhatian ng ating Panginoong Hesukristo. Kaya nga, mga kapatid, manatili kayong matatag sa mga katotohanang itinuro namin sa inyo, maging sa salita o sa sulat.
Aliwin nawa kayo ng ating Panginoong Hesukristo at ng ating Diyos at Ama na umibig sa atin at sa kanyang habag ay nagbigay sa atin ng walang pagbabagong lakas ng loob at matibay na pag-asa. Bigyan nawa kayo ng matatag na kalooban upang inyong maipahayag at maisagawa ang lahat ng mabuti.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 95, 10. 11-12a. 12b-13
Panginoo’y paririto upang hatulan n’ya tayo.
“Panginoo’y siyang hari,” sa daigdig ay sabihin,
“Sanlibuta’y matatag na, kahit ito ay ugain;
sa paghatol sa nilikha, lahat ay pantay sa paningin.”
Panginoo’y paririto upang hatulan n’ya tayo.
Lupa’t langit ay magsaya, umugong ang kalaliman,
lahat kayo na nilikhang nasa tubig ay magdiwang.
Ang bukirin at ang lahat ng naroon ay sumisigaw.
Panginoo’y paririto upang hatulan n’ya tayo.
Pati mga punongkahoy sa galak ay mag-awitan.
Ang Poon ay pupurihin, pagkat siya ay daratal,
paririto sa daigdig, upang lahat ay hatulan.
Tapat siya kung humatol at lahat ay pantay-pantay.
Panginoo’y paririto upang hatulan n’ya tayo.
ALELUYA
Hebreo 4, 12
Aleluya! Aleluya!
Buhay ang salita ng D’yos,
ganap nitong natatalos
tanang ating niloloob.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 23, 23-26
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus, “Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Pariseo! Mga mapagpaimbabaw! Ibinibigay ninyo ang ikapu ng gulaying walang halaga ngunit kinaliligtaan ninyong isagawa ang lalong mahahalagang araw sa Kautusan: ang katarungan, ang pagkahabag, at ang katapatan. Tamang gawin ninyo ang mga ito, ngunit huwag naman ninyo kaliligtaang gawin ang iba. Mga bulag na taga-akay! Sinasala ninyo ang niknik sa inyong inumin, ngunit nilulunok ninyo ang kamelyo!
“Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Pariseo! Mga mapagpaimbabaw! Nililinis ninyo ang labas ng tasa at ng pinggan ngunit ang loob nito’y puno ng mga nahuthot ninyo dahil sa kasakiman at pagsasamantala. Bulag na Pariseo! Linisin mo muna ang mga nasa loob ng tasa at ng pinggan, at magiging malinis din ang labas nito!”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
2 Tesalonica 3, 6-10. 16-18
Pagbasa mula sa ikalawang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Tesalonica
Mga kapatid, iniuutos namin sa inyo sa pangalan ng Panginoong Hesukristo, na layuan ang mga tamad at ayaw mamuhay ayon sa mga tagubilin namin sa inyo. Alam naman ninyo na dapat ninyong tularan ang aming ginawa. Hindi kami nahiyang magtrabaho nang kami’y nariyan pa. Hindi kami tumanggap ng anumang bagay kaninuman nang hindi namin binabayaran. Nagpagal kami araw-gabi upang hindi maging pasanin ng sinuman sa inyo. Ginawa namin ito hindi dahil sa wala kaming karapatang maghintay ng inyong tulong kundi upang kayo’y bigyan ng halimbawang dapat sundan. Nang kasama pa namin kayo, ito ang tagubiling ibinigay namin sa inyo: “Huwag ninyong pakanin ang sinumang ayaw gumawa.”
Ang Panginoon na bukal ng kapayapaan ang siya nawang magkaloob sa inyo ng kapayapaan sa lahat ng pagkakataon. Nawa’y sumainyong lahat ang Panginoon.
Akong si Pablo ang sumulat ng pagbating ito: Binabati ko kayo. Ito ang aking lagda sa lahat ng sulat ko. Ganito ako sumulat.
Nawa’y sumainyong lahat ang pagpapala ng ating Panginoong Hesukristo.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 127, 1-2. 4-5
Mapalad ang sumusunod na taong may takot sa D’yos.
Mapalad ang bawat tao na sa Diyos ay may takot,
ang maalab na adhika’y sumunod sa kanyang utos.
Hindi siya magkukulang sa anumang kailangan,
ang buhay ay maligaya’t uunlad ang kanyang buhay.
Mapalad ang sumusunod na taong may takot sa D’yos.
Ang sinuman kung ang Diyos buong pusong susundin,
buhay niya ay uunlad at laging pagpapalain.
Mula sa Sion, pagpapala nawa ng Diyos ay tanggapin,
at makita habang buhay, pag-unlad ng Jerusalem.
Mapalad ang sumusunod na taong may takot sa D’yos.
ALELUYA
1 Juan 2, 5
Aleluya! Aleluya!
Lubos na magtatamasa
ng pag-ibig ng D’yos Ama
ang sumunod sa Anak n’ya.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 23, 27-32
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus, “Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Pariseo! Mga mapagpaimbabaw! Ang katulad ninyo’y mga libingang pinaputi, magaganda sa labas, ngunit sa loob ay puno ng kabulukan at buto ng mga patay. Ganyang-ganyan kayo! Sa paningin ng tao’y mabubuti kayo, ngunit ang totoo, punung-puno kayo ng pagpapaimbabaw at kasamaan.
“Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Pariseo! Mga mapagpaimbabaw! Ipinagtatayo ninyo ng mga libingan ang mga propeta at ginagayakan ang mga puntod ng mga taong namuhay nang matuwid. At sinasabi ninyo, ‘Kung kami sana’y nabuhay sa kapanahunan ng aming mga ninuno, hindi namin ipapapatay ang mga propeta.’ Sa sinabi ninyo iyan, inaamin ninyong kayo’y mga anak ng mga nagpapatay sa mga propeta! Sige! Tapusin ninyo ang pinasimulan ng inyong mga ninuno!”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
1 Corinto 1, 1-9
Ang simula ng unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto
Mula kay Pablo na tinawag ng Diyos upang maging apostol ni Kristo Hesus, at mula sa ating kapatid na Sostenes –
Sa simbahang nasa Corinto – sa mga hinirang ng Diyos upang maging kanya sa pamamagitan ng pakikipag-isa kay Kristo Hesus kasama ng mga hinirang sa lahat ng dako, na tumatawag sa pangalan ng Panginoong Hesukristo, ang Panginoon nating lahat:
Sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Hesukristo.
Lagi akong nagpapasalamat sa Diyos dahil sa mga pagpapala niya sa inyo sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Sapagkat sa inyong pakikipag-isa sa kanya, kayo’y umunlad sa lahat ng paraan, maging sa pananalita at kaalaman. Ang katotohanang ipinangaral namin tungkol kay Kristo ay malinaw na nakikita sa inyo anupat hindi kayo nagkulang sa anumang kaloob na espirituwal, habang hinihintay ninyong mahayag ang ating Panginoong Hesukristo. Kayo’y aalalayan niya hanggang sa wakas upang matagpuan kayong walang kapintasan sa Araw ng ating Panginoong Hesukristo. Tapat ang Diyos na tumawag sa inyo upang kayo’y makipag-isa sa kanyang Anak na si Hesukristong ating Panginoon.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 144, 2-3. 4-5. 6-7
Pupurihin ko ang ngalan ng Poon magpakailanman.
Pupurihin ko’t pasasalamatan ang Diyos araw-araw,
di ako titigil ng pasasalamat magpakailanman.
Dakila ang Poon, at karapat-dapat na siya’y purihin;
ang kadakilaan niya ay mahirap nating unawain.
Pupurihin ko ang ngalan ng Poon magpakailanman.
Sa alinmang lahi, ang iyong ginawa ay papupurihan,
ihahayag nila ang mga gawa mong makapangyarihan.
Ang karangalan mo at pagkadakila’y ipamamalita,
at isasaysay ko ang mga gawa mo na kahanga-hanga.
Pupurihin ko ang ngalan ng Poon magpakailanman.
Ang mga gawa mong makapangyariha’y ipamamalita;
sa lahat ng tao’y aking sasabihing ikaw ay dakila.
Ihahayag nila ang lahat ng iyong mga kabutihan,
aawitin nila ang kabutihan mo’t iyong kabaitan.
Pupurihin ko ang ngalan ng Poon magpakailanman.
ALELUYA
Mateo 24, 42a. 44
Aleluya! Aleluya!
Lagi tayong magtanod
sapagkat di natin talos
ang pagbabalik ni Hesus.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 24, 42-51
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Kaya magbantay kayo, sapagkat hindi ninyo alam kung anong araw paririto ang inyong Panginoon. Tandaan ninyo ito: kung alam lamang ng puno ng sambahayan kung anong oras ng gabi darating ang magnanakaw, siya’y magbabantay at hindi niya pababayaang pasukin ang kanyang bahay. Kaya maging handa kayong lagi, sapagkat darating ang Anak ng Tao sa oras na di ninyo inaasahan.
“Ang tapat at matalinong alipin ang siyang pinapamahala ng kanyang panginoon sa ibang mga alipin, upang bigyan sila ng kanilang pagkain sa karampatang panahon. Mapalad ang aliping iyon, kapag dinatnan siyang gumagawa ng gayun sa pagbabalik ng kanyang panginoon! Sinasabi ko sa inyo: pamamahalain siya ng kanyang panginoon sa lahat ng kanyang ari-arian. Ngunit kung masama ang aliping iyon, sasabihin ninya sa sarili, ‘Matatagalan pa bago magbalik ang aking panginoon,’ at sisimulang bugbugin ang kanyang mga kapwa alipin, at makipagkainan at makipag-inuman sa mga lasenggo. Babalik ang panginoon ng aliping iyon sa araw na hindi niya inaasahan at sa oras na hindi niya alam. Buong higpit na parurusahan siya ng Panginoon, at isasama sa mga mapagpaimbabaw. Doo’y tatangis siya at magngangalit ang kanyang ngipin.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
1 Corinto 1, 17-25
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto
Mga kapatid, sapagkat sinugo ako ni Kristo, hindi upang magbinyag kundi upang mangaral ng Mabuting Balita. Ipinangaral ko nga ito, ngunit hindi sa pamamagitan ng pananalitang batay sa karunungan ng sanlibutan upang sa gayo’y hindi mawalan ng kabuluhan ang kamatayan ni Kristo sa krus.
Sa mga napapahamak ang aral tungkol sa pagkamatay ni Kristo sa krus ay kahangalan; ngunit sa atin na mga inililigtas, ito’y kapangyarihan ng Diyos. Sapagkat nasusulat, “Sisirain ko ang karunungan ng marurunong, at pawawalang-kabuluhan ang katalinuhan ng matatalino.” Ano ang kabuluhan ngayon ng marurunong, ng mga eskriba, ng mahuhusay na dibatista sa daigdig na ito? Ipinakilala ng Diyos na ang karunungan ng sanlibutang ito ay kamangmangan.
Sapagkat ayon sa karunungan ng Diyos, hindi niya itinulot na siya’y makilala ng tao sa pamamagitan ng karunungan ng sanlibutang ito. Sa halip, minarapat niyang ang mga nananalig sa kanya’y iligtas sa pamamagitan ng Mabuting Balita na aming ipinangangaral ngunit ipinalalagay naman ng sanlibutan na isang kahangalan. Ang mga Judio’y humihingi ng kababalaghan bilang katunayan. Karunungan naman ang hinahanap ng mga Griego. Ngunit ang ipinangangaral nami’y si Kristong ipinako sa krus-isang katitisuran sa mga Judio at kahangalan para sa mga Hentil. Subalit sa mga tinawag ng Diyos, maging Judio at Griego, si Kristo ang kapangyarihan at karunungan ng Diyos. Sapagkat ang inaakala nilang kahangalan ng Diyos ay karunungang higit kaysa lahat ng karunungan ng tao, at ang inaakala namang kahinaan ng Diyos ay lakas na higit sa lahat ng kalakasan ng tao.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 32, 1-2. 4-5. 10ab-11
Awa’t pag-ibig ng Diyos sa sangkalupaa’y lubos.
Lahat ng matuwid dapat na magsaya
dahil sa ginawa ng Diyos sa kanila;
Kayong masunuri’y magpuri sa kanya!
Ang Panginoong Diyos ay pasalamatan,
tugtugin ang alpa’t awit ay saliwan.
Awa’t pag-ibig ng Diyos sa sangkalupaa’y lubos.
Panginoo’y tapat sa kanyang salita,
at maaasahan ang kanyang ginawa.
Minamahal niya ang gawang matapat,
ang pag-ibig niya sa mundo’y laganap.
Awa’t pag-ibig ng Diyos sa sangkalupaa’y lubos.
Ang binabalangkas niyong mga bansa,
kanyang nababago’t winawalang-bisa.
Ngunit ang mga panukala ng Diyos,
ay mamamalagi’t walang pagkatapos.
Awa’t pag-ibig ng Diyos sa sangkalupaa’y lubos.
ALELUYA
Lucas 21, 36
Aleluya! Aleluya!
Manalanging walang humpay
samantalang hinihintay
si Hesus na Poong mahal.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 25, 1-13
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad ang talinghagang ito: “Dito maitutulad ang pagpasok sa kaharian ng Diyos: may sampung dalagang lumabas upang sumalubong sa lalaking ikakasal. Bawat isa’y may dalang ilawan. Ang lima sa kanila’y hangal at ang lima’y matalino. Ang mga hangal ay nagdala ang kanilang mga ilawan ngunit hindi nagbaon ng langis. Subalit ang matatalino’y nagdala ng langis bukod pa sa nasa kanilang ilawan. Nabalam ng dating ang lalaking ikakasal, kaya’t inantok silang lahat at nakatulog.
Ngunit nang hatinggabi na’y may sumigaw: ‘Narito na ang lalaking ikakasal! Salubungin ninyo!’ Agad nagbangon ang sampung dalaga at inayos ang kanilang ilawan. Sinabi ng mga hangal sa matatalino, ‘Bigyan naman ninyo kami ng kaunting langis. Aandap-andap na ang aming mga ilawan, e!’ ‘Baka hindi magkasiya ito sa ating lahat,’ tugon ng matatalino. ‘Mabuti pa’y pumunta muna kayo sa nagtitinda at bumili ng para sa inyo.’ Kaya’t lumakad ang limang hangal na dalaga. Samantalang bumibili sila, dumating ang lalaking ikakasal. Ang limang nakahanda ay kasama niyang pumasok sa kasalan, at ipininid ang pinto.
Pagkatapos, dumating naman ang limang hangal na dalaga. ‘Panginoon, papasukin po ninyo kami!’ sigaw nila. Ngunit tumugon siya, ‘Sinasabi ko sa inyo: hindi ko kayo nakikilala.’ Kaya magbantay kayo, sapagkat hindi ninyo alam ang araw ni ang oras.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Jeremias 1, 17-19
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Jeremias
Noong mga araw na iyon, sinabi sa akin ng Panginoon, “Magpakatatag ka; humayo ka at sabihin mo sa kanila ang lahat ng iuutos ko. Huwag kang matatakot sa kanila ngayon. Pag hindi ka sumunod sa akin, lalo kang matatakot kung naroon ka na sa kalagitnaan nila. Pakinggan mong mabuti ito, Jeremias! Ang bawat isa sa lupaing ito — ang mga hari ng Juda, ang mga pinuno, ang mga saserdote, at ang buong bayan — ay sasalungat sa iyo. Ngunit gagawin kitang sintibay ng isang lungsod na naliligid ng mga muog, sintatag ng haliging bakal, o pader na tanso. Hindi ka nila matatalo sapagkat ako ang mag-iingat sa iyo. Akong Panginoon ang nagsasabi nito.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 70, 1-2. 3-4a. 5-6ab. 15ab at 17
Patuloy kong isasaysay ang dulot mong kaligtasan.
Sa iyo lang, Panginoon, lubos akong nananalig,
h’wag mo akong pabayaang mapahiya at malupig;
tulungan mo ako ngayon yamang ikaw ay matuwid.
Ako sana ay sagipin, sa daing ko ay makinig.
Patuloy kong isasaysay ang dulot mong kaligtasan.
Ikaw nawa ang muog ko at ligtas na kakanlungan,
matatag na kublihan ko at matibay na sanggalang.
Sa lahat ng masasama, O Diyos, ako’y ipaglaban,
sa kuko ng mababagsik, huwag mo akong pabayaan.
Patuloy kong isasaysay ang dulot mong kaligtasan.
Panginoon sa iyo ko inilagak ang pag-asa.
Maliit pang bata ako, sa iyo’y may tiwala na;
sa simula at mula pa wala akong inasahang
mag-iingat sa sarili, kundi tanging ikaw lamang;
kaya naman ikaw, Poon, pupurihin araw-araw.
Patuloy kong isasaysay ang dulot mong kaligtasan.
Pagkat ikaw ay dakila, patuloy kong isasaysay,
maghapon kong ihahayag ang dulot mong kaligtasan:
sapul pa sa pagkabata ako’y iyong tinuruan,
hanggang ngayo’y sinasambit ang gawa mong hinangaan.
Patuloy kong isasaysay ang dulot mong kaligtasan.
ALELUYA
Mateo 5, 10
Aleluya! Aleluya!
Mapalad ang inuusig
sa gawang puspos ng bait
pagkat may kakamting langit.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 6, 17-29
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, si Herodes ang nagpahuli, nagpagapos at nagpabilanggo kay Juan dahil kay Herodias. Ang babaing ito’y asawa ni Felipe na kapatid ni Herodes ngunit kinakasama niya. Laging sinasabi sa kanya ni Juan, “Hindi matuwid na kunin ninyo ang asawa ng inyong kapatid.” Kaya’t si Herodias ay nagkimkim ng galit kay Juan. Hinangad niyang ipapatay ito, ngunit hindi niya magawa, sapagkat natatakot si Herodes kay Juan. Alam niyang ito’y taong matuwid at banal, kaya’t ipinagsasanggalang niya. Gustong-gusto niyang makinig kay Juan, bagamat labis siyang nababagabag sa mga sinasabi nito.
Sa wakas ay nagkaroon ng pagkakataon si Herodias nang anyayahan ni Herodes sa kanyang kaarawan ang kanyang mga kagawad, mga pinuno ng hukbo, at ang mga pangunahing mamamayan ng Galilea. Pumasok ang anak na babae ni Herodias at nagsayaw. Labis na nasiyahan si Herodes at ang mga panauhin, kaya’t sinabi ng hari sa dalaga, “Hingin mo sa akin ang anumang ibig mo at ibibigay ko sa iyo.” At naisumpa pa niyang ibibigay kahit ang kalahati ng kanyang kaharian kung ito ang hihilingin. Lumabas ang dalaga at tinanong ang kanyang ina, “Ano ang hihingin ko?” “Ang ulo ni Juan Bautista,” sagot ng ina. Dali-daling nagbalik ang dalaga sa kinaroroonan ng hari. “Ang ibig ko po’y ibigay ninyo sa akin ngayon din, sa isang pinggan, ang ulo ni Juan Bautista,” sabi niya. Labis na nalungkot ang hari, ngunit dahil sa kanyang sumpa na narinig ng kanyang mga panauhin, hindi niya matanggihan ang dalaga. Kaagad niyang iniutos sa isang bantay na dalhin sa kanya ang ulo ni Juan. Sumunod ang bantay at pinugutan si Juan sa bilangguan, inilagay ang ulo sa isang pinggan, at ibinigay sa dalaga. Ibinigay naman iyon ng dalaga sa kanyang ina. Nang mabalitaan ito ng mga alagad ni Juan, kinuha nila ang kanyang bangkay at inilibing.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Isaias 56, 1. 6-7
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Ang sabi ng Panginoon sa kanyang bayan:
“Ayon sa katarungan
at laging matuwid ang inyong gagawin.
Ang pagliligtas ko’y
di na magluluwat, ito ay darating,
ito’y mahahayag sa inyong paningin.”
Ito naman ang sabi ng Panginoon
sa mga dating dayuhan na ngayo’y
kabilang sa kanyang bayan,
buong pusong naglilingkod sa kanya,
nangingilin sa Araw ng Pamamahinga;
at matapat na nag-iingat sa kanyang tipan:
“Dadalhin ko kayo sa Sion, sa aking banal na bundok.
Ipadarama ko sa inyo ang kagalakan sa aking Templo.
Tatanggapin ko ang inyong mga handog,
at ang Templo ko’y tatawaging bahay-dalanginan ng lahat ng bansa.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 66, 2-3. 5. 6 at 8
Nawa’y magpuri sa iyo ang lahat ng mga tao.
O Diyos, pagpalain kami’t kahabagan,
kami Panginoo’y iyong kaawaan,
upang sa daigdig mabatid ng lahat
ang iyong kalooban at ang pagliligtas.
Nawa’y magpuri sa iyo ang lahat ng mga tao.
Nawa’y purihin ka ng mga nilikha,
pagkat matuwid kang humatol sa madla;
ikaw ang patnubay ng lahat ng bansa.
Nawa’y magpuri sa iyo ang lahat ng mga tao.
Purihin ka nawa ng lahat ng tao,
purihin ka nila sa lahat ng dako.
Ang lahat sa ami’y iyong pinagpala,
nawa’y igalang ka ng lahat ng bansa.
Nawa’y magpuri sa iyo ang lahat ng mga tao.
IKALAWANG PAGBASA
Roma 11, 13-15. 29-32
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma
Mga kapatid, ito naman ang sasabihin ko sa inyo, mga Hentil. Yamang ako’y apostol ninyo, pinangangatawanan ko ang aking ministeryo upang mangimbulo ang mga kababayan ko, at sa gayo’y maligtas ang ilan sa kanila. Kung naging daan ng pakikipagkasundo ng sanlibutan sa Diyos ang pakakatakwil sa kanila, ang muling pagtanggap sa kanila’y para na ring pagbibigay buhay sa patay.
Ang Diyos ay hindi nagbabago ng isip tungkol sa kanyang mga kaloob at pagtawag. Dati, masuwayin kayo sa Diyos, ngunit ngayo’y kinahahabagan sa panahon ng pagsuway ng mga Judio. Gayun din naman sila’y naging masuwayin ngayong kayo’y kinahahabagan upang sila’y kahabagan din. Sapagkat hinayaan ng Diyos na maalipin ng kanilang kasalanan ang lahat ng tao upang maipadama sa kanila ang kanyang habag.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Mateo 4, 23
Aleluya! Aleluya!
Ipinangaral ni Hesus
ang paghahari ng Diyos;
sakit ay kanyang ginamot.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 15, 21-28
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, si Hesus ay nagpunta sa lupaing malapit sa Tiro at Sidon. Lumapit sa kanya ang isang Caneneang naninirahan doon at malakas na sinabi, “Panginoon, Anak ni David, mahabag po kayo sa akin! Ang anak kong babae ay inaalihan ng demonyo at masyadong pinahihirapan.” Ngunit gaputok ma’y di tumugon si Hesus. At lumapit ang kanyang mga alagad at sinabi sa kaniya, “Pagbigyan na nga po ninyo at nang umalis. Siya’y nag-iingay at susunud-sunod sa atin.” Sumagot si Hesus, “Sa mga tupang naliligaw ng sambahayan ng Israel lamang ako sinugo.” Ngunit lumapit sa kanya ang babae, lumuhod sa harapan at ang sabi, “Tulungan po ninyo ako, Panginoon.” Sumagot si Hesus, “Hindi dapat kunin ang pagkain ng mga anak upang ihagis sa mga tuta.” “Tunay nga po, Panginoon,” tugon ng babae, “Ngunit ang mga tuta man ay nagsisikain ng mumong nalalaglag sa hapag ng kanilang panginoon.” Kaya’t sinabi sa kanya ni Hesus, “Napakalaki ng iyong pananalig! Mangyayari ang hinihiling mo.” At noon di’y gumaling ang kanyang anak.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Ezekiel 24, 15-24
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Ezekiel
Sinabi sa akin ng Panginoon: “Tao, sa isang iglap ay kukunin ko ang taong pinakamamahal mo ngunit huwag mong itatangis ni iluluha. Maaari mong daanin sa buntong-hininga ngunit tibayan mo ang iyong loob. Manahimik ka at huwag iparirinig ang iyong pagtangis. Huwag kang lalakad nang walang sapin sa paa at lambong sa ulo, na tanda ng pagluluksa. Huwag mong tatakpan ang iyong mukha ni kakain ng pagkain ng mga upahang taga-iyak.”
Umaga nang ako’y magsalita sa mga Israelita. Kinagabihan, namatay ang aking asawa. Kinaumagahan, ginawa ko ang iniutos ng Panginoon.
Tinanong ako ng mga tao, “Ano ang ibig mong sabihin sa ginagawa mong ito?” Sinabi ko sa kanila, “Sinabi sa akin ng Panginoon na sabihin ko sa sambahayan ng Israel ang ganito: ‘Ang aking Templo na siyang sagisag ng inyong kapangyarihan at kasiyahan ay sasalaulain ko, at papatayin sa tabak ang inyong mga anak. Tularan ninyo ang ginagawa ko: huwag kayong magluluksa ni malulungkot. Mag-ayos kayong tulad ng dati, nakaturbante at panyapak. Huwag kayong tatangis o luluha. Dahil sa inyong kasamaan, mangangayayat sa matinding himutok ang bawat isa sa inyo. Sinabi ng Panginoon na ang mangyayari kay Ezekiel ang magiging babala sa inyo. Kung mangyari na ang lahat, tularan ninyo ang kanyang ginagawa. Sa gayun, makikilala ninyong ako ang Panginoon.'”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Deuteronomio 32, 18-19. 20. 21
Ang Diyos ay tinalikdan ng kanyang mga nilalang.
Tinalikdan nila ang Diyos na lumikha sa kanila,
ang Diyos na sa kanila’y nagbigay-buhay.
Nasaksihan niya ang pagsamba nila sa diyus-diyosan
kaya’t kanyang itinakwil,
sila na itinuring niyang mga anak.
Ang Diyos ay tinalikdan ng kanyang mga nilalang.
Sinabi niya, “Tatalikdan ko sila,
tingnan ko lang kung ano ang kanilang sapitin,
pagkat sila’y isang lahing masama, mga anak na suwail.
Ang Diyos ay tinalikdan ng kanyang mga nilalang.
“Pinapanibugho nila ako nang sambahin nila yaong hindi Diyos.
Ginalit nila ako dahil sa kanilang diyus-diyosan.
Kaya, paninibughuin ko rin sila at gagalitin,
sa pamamagitan ng bansang di kumikilala sa akin.”
Ang Diyos ay tinalikdan ng kanyang mga nilalang.
ALELUYA
Mateo 5, 3
Aleluya! Aleluya!
Mapalad ang mga dukha
na tanging D’yos na lumikha
ang pag-asa at adhika.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 19, 16-22
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, may isang lalaking lumapit kay Hesus at nagtanong, “Guro, ano pong kabutihan ang kailangan kong gawin upang magkamit ng buhay na walang hanggan?” Sumagot si Hesus, “Bakit mo ako tinatanong kung ano ang mabuti? Iisa lamang ang mabuti. Kung ibig mong magkamit ng buhay, sundin mo ang mga utos.” “Alin-alin po?” tanong niya. Sumagot si Hesus, “Huwag kang papatay; huwag kang mangangalunya; huwag kang magnanakaw; huwag kang magsisinungaling sa iyong pagsaksi; igalang mo ang iyong ama at ina; at, ibigin mo ang iyong kapwa, gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.” Sinabi ng binata, “Tinutupad ko na pong lahat iyan. Ano pa po ang dapat kong gawin?” “Kung ibig mong maging ganap, humayo ka, ipagbili mo ang iyong ari-arian at ipamahagi sa mga dukha ang pinagbilhan. Kapag ginawa mo iyan, magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod sa akin,” sagot ni Hesus. Pagkarinig nito, malungkot na umalis ang binata, sapagkat siya’y napakayaman.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Ezekiel 28, 1-10
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Ezekiel
Sinabi sa akin ng Panginoon: “Tao, sabihin mo sa pinuno ng Tiro na ito ang ipinasasabi ko sa kanila: Sa iyong kapalaluan ay sinabi mong isa kang diyos. Nakaluklok kang parang diyos sa gitna ng karagatan bagamat ang totoo’y hindi ka diyos kundi tao lamang. Pinipilit mong abutin ang isipan ng isang diyos. Akala mo’y matalino ka pa kay Daniel. Akala mo’y alam mo ang lahat ng bagay kahit pa anong lihim. Sa dunong mo’t kaalaman ay nagkamal ka at nakapagbunton ng pilak at ginto. Sa iyo ngang nalalaman sa larangan ng kalakal, patuloy na lumaki ang iyong kayamanan. Dahil dito, naging palalo ka. Kaya naman ito ang ipinasasabi ng Diyos na Panginoon: Pagkat pilit mong ipinapantay sa Diyos ang sarili, ipalulusob kita sa pinakamalupit na kaaway sa daigdig. Wawasakin nila ang lahat ng ari-arian mo na parang kinamtan sa tusong pamamaraan. Ihuhulog ka niya sa lalim na walang hanggan, papatayi’t ihahagis sa pusod ng dagat. Sa harap kaya ng mga papatay sa iyo ay masabi mo pang ikaw ay diyos? Noon mo malalamang ikaw pala ay tao lamang at may kamatayan. Parang aso kang papatayin ng mga dayuhan. Akong Panginoon ang may sabi nito.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Deuteronomio 32, 26-27ab. 27kd-28. 30. 35kd-36ab
Nasa pasya ng Maykapal ang buhay at kamatayan.
Ipinasya ko nang sila’y lipulin
at pawiin sa alaala ng madla.
Ngunit di ko tutulutan ang kanilang kaaway
ay maghambog at sabihing:
Nasa pasya ng Maykapal ang buhay at kamatayan.
“Kami ang lumupig sa kanila,
at hindi ang Diyos nila.
Mahina ang pang-unawa ng Israel
at sila’y maituturing na bansang mangmang.”
Nasa pasya ng Maykapal ang buhay at kamatayan.
Paanong ang sanlibo ay matutugis ng isang tao
at mapipigilan ng dalawa ang sampunlibo?
Sila’y pinabayaan ng Diyos na Poon,
Itinakwil na sila ng kanilang dakilang Diyos.
Nasa pasya ng Maykapal ang buhay at kamatayan.
Darating ang araw ng aking paniningil at paghihiganti,
hanggang sa sila’y humapay at mabuwal
pagkat ang wakas nila ay malapit na.
Ililigtas ng Poon ang kanyang bayan
siya’y mahahabag sa mga maglilingkod sa Kanya.
Nasa pasya ng Maykapal ang buhay at kamatayan.
ALELUYA
2 Corinto 8, 9
Aleluya! Aleluya!
Si Kristo ay naging dukha
upang tayo’y managana
sa bigay n’yang pagpapala.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 19, 23-30
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Sinasabi ko sa inyo: napakahirap mapabilang ang mayayaman sa mga pinaghaharian ng Diyos! At sinasabi ko rin sa inyo: madali pang makaraan ang kamelyo sa butas ng karayom kaysa pasakop sa paghahari ng Diyos ang isang mayaman.” Nagtaka ang mga alagad nang marinig ito, kaya’t naitanong nila. “Kung gayun, sino po ang maliligtas?” Tinitigan sila ni Hesus at sinabi, “Hindi ito magagawa ng tao, ngunit magagawa ng Diyos ang lahat ng bagay.”
At nagsalita si Pedro, “Tingnan po ninyo: iniwan namin ang lahat at kami’y sumunod sa inyo. Ano po naman ang para sa amin?” Sinabi sa kanila ni Hesus, “Tandaan ninyo ito: kapag nakaluklok na ang Anak ng Tao sa kanyang maringal na trono sa bagong daigdig, kayong sumunod sa akin ay luluklok din sa labindalawang trono upang hukuman ang labindalawang lipi ng Israel. At ang sinumang magtiis na iwan ang tahanan, mga kapatid na lalaki at babae, ama, ina, mga anak, o mga lupain alang-alang sa akin ay tatanggap ng makasandaang ibayo, at pagkakalooban ng buhay na walang hanggan. Ngunit maraming una na magiging huli, at maraming huli na magiging una.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Ezekiel 34, 1-11
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Ezekiel
Sinabi sa akin ng Panginoon: “Tao, magpahayag ka laban sa mga pinuno ng Israel. Sabihin mong ipinasasabi ko: Nakatakda na ang parusa sa inyo, mga pinuno ng Israel. Sarili ninyo ang inyong iniintindi at hindi ang mga tupa. Iniinom ninyo ang gatas, nagdaramit kayo ng lana, nagpapatay ng mga pinatabang hayop, ngunit hindi ninyo pinakakain ang mga tupa. Bakit hindi ninyo pinalalakas ang mahihina, ni ginagamot ang mga maysakit, ni hinihilot ang mga pilay? Bakit hindi ninyo hinahanap ang nawawala, ni ibinabalik ang nalalayo? Sa halip ay ginagamitan ninyo sila ng kamay na bakal. Sila’y nangangalat, at nilalapa ng mababangis na hayop pagkat walang pastol. Ang mga tupa ko’y nagkalat sa mga bundok, burol at sa lahat ng panig ng daigdig, ngunit walang ibig humanap sa kanila.
“Dahil dito, mga pinuno, dinggin ninyo ang aking sinasabi: Ako ang Diyos na buhay. Ang mga tupa ko’y pinipinsala at nilalapa ng mababangis na hayop pagkat walang nangangalaga. Hindi hinahanap ng mga pastol ang aking mga tupa. Sa halip na alagaan nila ang mga ito, ang sarili nila ang binubusog. Kaya nga makinig kayo, mga pastol. Pakinggan ninyo itong aking sinasabi: Laban ako sa inyo. Pananagutan ninyo ang nangyayari sa aking mga tupa. Hindi ko na kayo gagawing pastol upang hindi na ninyo mabusog ang inyong sarili. Ilalayo ko sa inyo ang aking mga tupa at hindi na ninyo mapakikinabangan ang mga ito.”
Ito ang ipinasasabi ng Panginoon: “Ako mismo ang maghahanap at mag-aalaga sa aking mga tupa.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 22, 1-3a. 3b-4. 5. 6
Pastol ko’y Panginoong D’yos, hindi ako magdarahop.
Panginoo’y aking Pastol, hindi ako magkukulang.
Ako’y pinahihimlay sa mainam na pastulan,
at inaakay niya ako sa tahimik na batisan,
binibigyan niya ako niyong bagong kalakasan.
Pastol ko’y Panginoong D’yos, hindi ako magdarahop.
At sang-ayon sa pangako na kaniyang binitiwan
sa matuwid na landasi’y doon ako inaakay.
Kahit na ang daang iyo’y tumatahak sa karimlan,
hindi ako matatakot pagkat ika’y kaagapay;
ang tungkod mo at pamalo ang gabay ko at sanggalang.
Pastol ko’y Panginoong D’yos, hindi ako magdarahop.
Sa harapan ng lingkod mo, ikaw ay may handang dulang,
ito’y iyong ginagawang nakikita ng kaaway;
nalulugod ka sa akin na ulo ko ay langisan
at pati na ang kalis ko ay iyong pinaaapaw.
Pastol ko’y Panginoong D’yos, hindi ako magdarahop.
Tunay na ang pag-ibig mo at ang iyong kabutihan,
sasaaki’t tataglayin habang ako’y nabubuhay;
doon ako sa templo mo lalagi at mananahan.
Pastol ko’y Panginoong D’yos, hindi ako magdarahop.
ALELUYA
Hebreo 4, 12
Aleluya! Aleluya!
Buhay ang Salita ng Diyos
Ganap nitong natatalos
Tanang ating niloloob.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 20, 1-16a
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad ang talinghagang ito: “Ang paghahari ng Diyos ay katulad nito: lumabas nang umagang-umaga ang may-ari ng ubasan upang humanap ng mga manggagawa. Nang magkasundo na sila sa upa na isang denaryo maghapon, sila’y pinapunta niya sa kanyang ubasan. Lumabas siyang muli nang mag-iikasiyam ng umaga at nakakita siya ng iba pang tatayu-tayo lamang sa liwasang-bayan. Sinabi niya sa kanila, ‘Pumaroon din kayo at magtrabaho sa aking ubasan, at bibigyan ko kayo ng karampatang upa.’ At pumaroon nga sila. Lumabas na naman siya nang mag-iikalabindalawa ng tanghali at nang mag-iikatlo ng hapon, at gayun din ang ginawa niya. Nang mag-iikalima ng hapon, siya’y lumabas uli at nakakita pa ng mga ibang wala ring ginagawa. Sinabi niya sa kanila, ‘Bakit kayo tatayu-tayo lang dito sa buong maghapon?’ “Wala pong magbigay sa amin ng trabaho, e!’ sagot nila. At sinabi niya, ‘Kung gayun, pumaroon kayo at gumawa sa aking ubasan.’
“Pagtatakip-silim, sinabi ng may-ari ng ubasan sa kanyang katiwala, ‘Tawagin mo na ang mga manggagawa at sila’y upahan, magmula sa huli hanggang sa buong nagtrabaho.’ Ang mga nagsimula nang mag-iikalima ng hapon ay tumanggap ng tig-iisang denaryo. At ang lumapit ang mga nauna, inakala nilang tatanggap sila nang higit doon; ngunit ang bawat isa’y tumanggap din ng isang denaryo. Pagkatanggap nito, nagreklamo sila sa may-ari ng ubasan. Sabi nila, ‘Isang oras lang pong gumawa ang mga huling dumating, samantalang maghapon kaming nagpagal at nagtiis ng nakapapasong init ng araw. Bakit naman po ninyo pinagpare-pareho ang upa sa amin?’ At sinabi niya sa isa sa kanila, ‘Kaibigan, hindi kita dinadaya. Hindi ba’t nagkasundo tayo sa isang denaryo? Kunin mo ang ganang iyo, at umalis ka na. Maano kung ibig kong upahan ang nahuli nang tulad ng upa ko sa iyo? Wala ba akong karapatang gawin ang aking maibigan sa ari-arian ko? O naiinggit ka lang sa aking kabutihang-loob?’ Kaya’t ang nahuhuli ay mauuna, at ang nauuna ay mahuhuli.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Ezekiel 36, 23-28
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Ezekiel
Ito ang sinasabi ng Panginoon: “Ipakikita ko ang kabanalan ng dakila kong pangalan na nalapastangan sa harap ng mga bansa. Makikilala ng lahat na ako ang Panginoon kung maipakita ko na sa kanila ang aking kabanalan. Titipunin ko kayo mula sa iba’t ibang bansa upang ibalik sa inyong bayan. Wiwisikan ko kayo ng tubig na dalisay upang kayo’y luminis. Aalisin ko rin ang naging mantsa ninyo dahil sa inyong mga diyus-diyusan. Bibigyan ko kayo ng bagong puso at bagong espiritu. Ang masuwayin ninyong puso ay gagawin kong masunurin. Bibigyan ko kayo ng aking Espiritu upang makalakad kayo ayon sa aking mga tuntunin at masunod ninyong mabuti ang aking mga utos. Ititira ko kayo sa lupaing ibinigay ko sa inyong mga ninuno. Kayo ay magiging bayan ko at ako ang inyong Diyos.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 50, 12-13. 14-15. 18-19
Kayo’y aking wiwisikan upang sala’y mahugasan.
Isang pusong tapat sa aki’y likhain,
bigyan mo, O Diyos, ng bagong damdamin.
Sa iyong harapa’y h’wag akong alisin;
ang Espiritu mo ang papaghariin.
Kayo’y aking wiwisikan upang sala’y mahugasan.
Ang galak na dulot ng ‘yong pagliligtas,
ibalik at ako ay gawin mong tapat.
Kung magkagayon na, aking tuturuang
sa iyo lumapit ang makasalanan.
Kayo’y aking wiwisikan upang sala’y mahugasan.
Hindi mo na nais ang mga panghandog;
sa haing sinunog di ka nalulugod.
Ang handog ko, O Diyos, na karapat-dapat
ay ang pakumbaba’t pusong mapagtapat.
Kayo’y aking wiwisikan upang sala’y mahugasan.
ALELUYA
Salmo 94, 8ab
Aleluya! Aleluya!
Dinggin ninyong lahat ngayon
ang tinig ng Panginoon
sa loob na mahinahon.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 22, 1-14
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon San Mateo
Noong panahong iyon, muling nagsalita sa mga punong saserdote at matatanda ng bayan si Hesus sa pamamagitan ng talinghaga. Sinabi niya, “Ang paghahari ng Diyos ay katulad nito: naghandog ng isang piging ang isang hari sa kasal ng kanyang anak na lalaki. Sinugo niya ang kanyang mga alipin upang tawagin ang mga inanyayahan ngunit ayaw nilang dumalo. Muli siyang nagsugo ng ibang mga alipin at kanyang pinagbilinan, ‘Sabihin ninyo sa mga inanyayahan na naihanda ko na ang aking piging: napatay na ang aking mga baka at mga pinatabang guya, at handa na ang lahat ng bagay. Halina kayo sa piging!’ Ngunit hindi ito pinansin ng mga inanyayahan. Humayo sila sa kani-kanilang lakad; ang isa’y sa kanyang bukid at sa kanyang pangangalakal naman ang isa. Sinunggaban naman ng iba ang mga alipin, hinamak at pinatay. Galit na galit ang hari. Pinaparoon niya ang kanyang mga kawal, ipinapuksa ang mga mamamatay-taong iyon at ipinasunog ang kanilang lungsod. Sinabi niya sa kanyang mga alipin, ‘Nakahanda na ang piging, ngunit hindi karapat-dapat ang mga inanyayahan. Kaya’t pumunta kayo sa mga lansangang matao, at inyong anyayahan sa kasalan ang lahat ng makita ninyo.’ Lumabas nga sa mga pangunahing lansangan ang mga alipin at isinama ang lahat ng natagpuan, masasama’t mabubuti, anupat napuno ng mga panauhin ang bulwagang pangkasalan.
“Pumasok ang hari upang tingnan ang mga panauhin, at nakita niya roon ang isang taong hindi nakadamit pangkasalan. ‘Kaibigan, bakit ka pumasok dito nang hindi nakadamit pangkasalan?’ tanong niya. Hindi nakaimik ang tao. Kaya’t sinabi ng hari sa mga katulong, ‘Gapusin ninyo ang kanyang kamay at paa at itapon siya sa kadiliman sa labas. Doo’y mananangis siya at magngangalit ang kanyang ngipin.’ Sapagkat marami ang tinatawag, ngunit kakaunti ang nahihirang.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Ezekiel 37, 1-14
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Ezekiel
Noong mga araw na iyon, nadama ko ang kapangyarihan ng Panginoon at sa pamamagitan ng kanyang Espiritu ay dinala niya ako sa isang lambak na puno ng kalansay. Inilibot niya ako sa lugar na yaong puno ng mga kalansay na tuyung-tuyo na. Tinanong niya ako, “Tao, palagay mo ba ay maaari pang mabuhay ang mga kalansay na ito?”
Sumagot ako, “Kayo po lamang ang nakaaalam, Panginoon?”
Sinabi niya sa akin, “Magpahayag ka sa mga kalansay na ito. Sabihin mo: Mga tuyong kalansay, dinggin ninyo ang Salita ng Panginoon. Ito ang ipinasasabi niya: Bibigyan ko kayo ng hininga at kayo’y mabubuhay. Lalagyan ko kayo ng litid at laman, at babalutin ng balat. Bibigyan ko kayo ng hininga at kayo’y mabubuhay. Sa gayun, makikilala nilang ako ang Panginoon.”
Nagpahayag nga ako, tulad ng utos sa akin. Nang ako’y nagsasalita, nagkaroon ng malakas na ugong, at nabuo ang mga kalansay. Nakita kong sila’y nagkaroon ng litid at laman; nabalot sila ng balat ngunit hindi pa humihinga. Sinabi sa akin ng Panginoon, “Tao, tawagan mo ang hangin sa lahat ng dako. Sabihin mong ipinasasabi ko: Hangin, hingahan mo ang mga patay na ito upang sila’y mabuhay.” Nagpahayag nga ako at pumasok sa kanila ang hininga. Nabuhay nga sila at nang magtayuan, sila’y ubod ng dami, parang isang malaking hukbo.
Sinabi sa akin ng Panginoon, “Tao, ang bansang Israel ay tulad ng mga kalansay na ito. Sinasabi nila, ‘Tuyo na ang aming mga buto, wala na kaming pag-asa. Lubusan na kaming pinababayaan.’ Kaya nga, magpahayag ka. Sabihin mong ipinasasabi ko: Bayan ko, ibubukas ko ang inyong libingan at maibangon ko kayo, makikilala ninyong ako ang Panginoon. Hihingahan ko kayo upang kayo’y mabuhay, at ibabalik ko kayo sa inyong sariling bayan. Sa gayun, malalaman ninyo na akong Panginoon ang nagsabi nito at aking gagawin.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 106, 2-3. 4-5. 6-7. 8-9
Panginoo’y papurihan sa pag-ibig n’ya kailanman.
Ang mga naligtas,
tinubos ng Diyos, bayaang magpuri,
yamang nangaligtas sa tulong ng Poon,
sa sariling bayan,
sila ay tinipo’t pinagsama-sama,
silanga’t kanluran,
timog at hilaga, ay doon kinuha.
Panginoo’y papurihan sa pag-ibig n’ya kailanman.
Mayro’ng naglumagak
sa ilang na dako, at doon nanahan,
sapagkat sa lungsod
ay wala nang lugar silang matirahan.
Wala nang makain
kaya’t nangagutom, nauhaw na lubha,
ang katawan nila
ay naging lupaypay, labis na nanghina.
Panginoo’y papurihan sa pag-ibig n’ya kailanman.
Nang sila’y magipit,
sa Panginoong Diyos, sila ay tumawag,
at dininig naman
sa gipit na lagay, sila’y iniligtas.
Inialis sila
sa lugar na iyon at pinatnubayan,
tuwirang dinala
sa payapang lungsod at doon tumahan.
Panginoo’y papurihan sa pag-ibig n’ya kailanman.
Kaya dapat namang
sa Panginoong Diyos ay magpasalamat,
dahil sa pag-ibig
at kahanga-hanga niyang pagliligtas.
Yaong nauuhaw
ay pinaiinom upang masiyahan,
ang nangagugutom
ay pawang binubusog sa mabuting bagay.
Panginoo’y papurihan sa pag-ibig n’ya kailanman.
ALELUYA
Salmo 24, 4b. 5a
Aleluya! Aleluya!
Panginoon, ituro mo
na ‘yong landas ay sundin ko
sa pagtahak sa totoo.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 22, 34-40
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, nagtipun-tipon ang mga Pariseo nang mabalitaan nilang napatahimik ni Hesus ang mga Seduseo. At isa sa kanila, isang dalubhasa sa Kautusan, ang nagtanong kay Hesus upang subukin ito: “Guro, alin po ang pinakamahalagang utos sa Kautusan?” Sumagot si Hesus, “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong pag-iisip. Ito ang pinakamahalagang utos. Ito naman ang pangalawa: “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili. Sa dalawang utos na ito nakasalalay ang buong Kautusan ni Moises at ang turo ng mga propeta.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
UNANG PAGBASA
Ezekiel 43, 1-7a
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Ezekiel
Dinala ako ng lalaki sa tarangkahan sa gawing silangan. Doon, nakita kong dumarating mula sa silangan ang kaningningan ng Diyos ng Israel, parang ugong ng malaking baha. Nagliwanag ang lupa dahil sa kaningningang yaon. Ang pangitaing ito ay tulad ng nakita ko nang wasakin ang Jerusalem. Tulad din ito noong nakita ko sa Ilog Kebar. Ako’y sumubsob sa lupa. Ang nakasisilaw na liwanag ay nagdaan sa pintuan sa silangan at pumasok sa templo. Itinayo ako ng Espiritu at ipinasok sa patyo sa loob. Nakita kong ang buong templo’y punung-puno ng kaningningan ng Panginoon.
Magkatabi kaming nakatayo noong lalaki. Maya-maya, may narinig akong nagsasalita sa akin mula sa templo. Ang sabi, “Tao, ito ang aking trono, at ito ang tuntungan ng aking mga paa. Ito ang magiging tahanan ko sa aking paninirahan sa gitna ng Israel.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 84, 9ab-10. 11-12. 13-14
Sa ati’y mananatili paglingap ng Poon lagi.
Aking naririnig magmula sa Poon ang sinasalita;
sinasabi niyang ang mga lingkod n’ya’y magiging payapa,
kung mangagsisisi at di na babalik sa gawang masama.
Ang nagpaparangal sa pangalan niya’y kanyang ililigtas,
sa ating lupain ay mananatili ang kanyang paglingap.
Sa ati’y mananatili paglingap ng Poon lagi.
Ang pagtatapatan at pag-iibiga’y magdadaup-palad,
ang kapayapaan at ang katwira’y magsasamang ganap.
Sa balat ng lupa’y pawang maghahari yaong pagtatapat,
at ang katarungan nama’y maghahari mula sa itaas.
Sa ati’y mananatili paglingap ng Poon lagi.
Gagawing maunlad ng Panginoong Diyos itong ating buhay,
ang mga halaman sa ating lupai’y bubungang mainam;
sa harapan niya yaong maghahari’y pawang katarungan,
magiging payapa’t susunod ang madla sa kanyang daan.
Sa ati’y mananatili paglingap ng Poon lagi.
ALELUYA
Mateo 23, 9b. 10b
Aleluya! Aleluya!
Tayo’y may iisang Ama,
at guro nati’y iisa:
Si Kristo na Anak niya.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 23, 1-12
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyong, sinabi ni Hesus sa mga tao at sa kanyang mga alagad, “Ang mga eskriba at ang mga Pariseo ang kinikilalang tagapagpaliwanang ng Kautusan ni Moises. Kaya’t gawin ninyo ang itinuturo nila at sndin ang kanilang iniuutos. Ngunit huwag ninyo tularan ang kanilang gawa, sapagkat hindi nila isinasagawa ang kanilang ipinangangaral. Nagbibigkis sila ng mabibigat na dalahin at ipinapasan sa mga tao; ngunit ni daliri ay ayaw nilang igalaw upang tumulong sa pagdadala ng mga iyon. Pawang pakitang-tao ang kanilang mga gawa. Nilalaparan nila ang kanilang mga pilakterya at hinahabaan ang palawit sa laylayan ng kanilang mga damit. Ang ibig nila’y ang mga upuang pandangal sa mga piging at ang mga tanging luklukan sa mga sinagoga. Ang ibig nila’y pagpugayan sila sa mga liwasang-bayan, at tawaging guro. Ngunit kayo — huwag kayong patawag na guro, sapagkat iisa ang inyong Guro, at kayong lahat ay magkakapatid. At huwag ninyo tawaging ama ang sinumang tao sa lupa, sapagkat iisa ang inyong Ama, ang Amang nasa langit. Huwag kayong patawag na tagapagturo, sapagkat iisa ang inyong Tagapagturo, ang Mesias. Ang pinakadakila sa inyo ay dapat maging lingkod ninyo. Ang nagpakakataas ay ibababa, at ang nagpapakababa ay itataas.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.