Isang mahirap na karanasan para sa akin ang pagbabalik mula sa online patungo sa face-to-face. Ang huling pasok ko sa paaralan bago mag pandemya ay nasa baitang 8 lamang ako, kasama ko pa ang ate ko at mga ibang mas mataas na batch na umaalalay sa tuwing kailangan ko ng tulong. Ngayon, kailangan kong pumalit sa posisyon nila bilang senior. Noon, madalas kong pinupuntahan ang aking mga senior para humingi ng tulong at hindi ko naisip kung ano ang mangyayari kung ako ay naging isang senior. Napagtanto ko na sa pagpasok ko sa akademikong taon na ito dahil kailangan kong gabayan ang mga junior high students sa O-Week.
Sa tingin ko ang pangunguna ko sa O-Week ay nakatulong sa akin upang mapabuti ang aking pag- aaral sa sekondarya. Dahil naranasan ko ang mga pressure na naranasan ng aking seniors noon at gusto ko rin ibigay ang aking best para dito sapagkat mataas ang respeto ko sa kanila. Naalala ko ang mga nakaraang karanasan ko sa mga senior ko, kaya mataas ang tiwala ko sa sarili na magagampanan ko rin ito. Pinaghandaan ko ito nang matagal para sa O-Week dahil ayaw kong biguin ang magiging karanasan ng mga junior ko, dahil ito ang unang beses nilang mararanasan ang O-Week.
Sa O week, sinigurado kong makikiisa ang lahat. Masaya ang pakiramdam ko nang makita silang maglaro at nakikilahok. Determinado ako sa unang dalawang araw ngunit sa huling araw, naapektuhan ako ng pressure. Kahit na natalo kami, naramdaman ko na bilang isang senior nakapagbigay ako ng magandang karanasan para sa kanila.
Ang isa pang pagkakataon na naramdaman ko ang aking responsibilidad ay sa mga pagtitipon at pagdiriwang ng Student Council, kung saan ilan sa mga ito ay kailangan kong manguna sa mga usapin at gawain. Kailangan ko rin makisalamuha sa mga mas mababang antas sa akin, kaya naman gusto ko na ipakita sa kanila ang mga magagandang halimbawa bilang isang senior.
Sa kabila ng mga magagandang karanasan at komento mula sa aking mga junior, palaging may mga masasamang komento din. Kamakailan lang, nakarinig ako ng ilang masamang bagay sa akin mula sa mga junior. Nalungkot ako ng malaman ko ito, pero naiisip ko na hindi ko lahat mapapasaya ang lahat ng tao kahit na gustuhin ko na makuntento at mapasaya sila. Gusto kong magpakita ng magandang halimbawa, ngunit hindi ko nais na palaging isakripisyo ang aking kaligayahan at ipaliwanag ang aking sarili sa kanila. May respeto ako sa mga nakakataas sa akin, ganun din naman sa mga juniors. Pero sa ngayon hindi ko na iniisip ano ang mga sasabihin nila sa akin, basta focus nalang ako sa aking responsibilidad at sarili.