Ang Reserve Officers’ Training Corps o ROTC ay isang pagsasanay o training pang-militar na isinasagawa sa tersiyarya. Ang pagtapos ng kursong ito ay dati naging mandatori, ngunit dahil sa pagkamatay ng isang kadete na si Mark Chua, ginawang opsyonal na lamang ang ROTC. Sa kasalukuyan, pinaninindigan ni Bise Presidente Sara Duterte na gawing mandatori muli ang ROTC. Ito ay naging paksang pinagtalunan ng publiko. Maraming mga estudyante at magulang ay nagkaroon ng mga alinlangan sa desisyon ng pamahalaan sa pagpapatupad ng ROTC Act ng 2022. Ito ay nakakahamak sa mga mag-aaral dahil sa pagpapalaganap ng korapsyon, kawalan ng bisa, at ipinagkakait ang pagkakataong makamit ang layunin nito - magtanim ng disiplina, nasyonalismo, at pagpapalago ng pagkatao. 


Noong 2019, sinabi ng dating pangulong Rodrigo Duterte na ang pagpapatupad ng mandatori na ROTC ay isang urgent na kursong dapat isaalang-alang sa kurikulum ng senior high school. Base sa pahayag ng mga opisyal, nais nilang gawing mandatori ang ROTC dahil ito ay makakatulong sa pagbuo ng makabayan na kaisipan, nasyonalismo, pagpapalago ng pagkatao, at kasanayan sa pamumuno. Makakatulong din ito sa pagiging handa ng mga kadete sa mga sakuna dahil mabibigyan ng pagkakataong lumago ang mga kasanayang pangkaligtasan. Ang programang ito ay makakatulong din sa pag-unlad ng lipunan sa pamamagitan ng mga aktibidad gaya ng pagtanim ng puno at clean up drives. Bilang karagdagan, ipinahayag ni Senator Gatchalian na hindi dapat mag-alala ang mga tao dahil mayroong mga protokol para siguraduhin ang kaligtasan ng kabataan, gaya ng Special Protection of Children in Situations of Armed Conflict Act (Republic Act [RA] 11188), Anti-Hazing Act of 1995 (RA 8049), Special Protection of Children Against Abuse, at ang Exploitation and Discrimination Act (RA 7610). Sa pangkalahatan, naniniwala ang pamahalaan na ang mandatori ROTC ay makakabuti at makakatulong sa pagpapalago sa bansang Pilipinas.


Sa kabila ng mga pahayag na ito, ang ROTC ay napapatunayang hindi epektibo at mabisa sa pagatataguyod ng nasyonalismo. Ang ROTC ay maaaring maging mitsa ng pagpapalaganap ng “toxic macho culture” at pang-aabuso, lalo na sa mga kababaihan sa halip na makataguyod ng tunay na nasyonalismo sa mga Pilipino. Salungat sa pahayag ng pamahalaan, ang mga pamamaraan ng pagtuturo ay hindi nakakatulong sa pagiging handa ng mga estudyante sa panahon ng digmaan. Halimbawa, hindi pinapagamit sa mga kadete ang mga modernong kagamitan, gaya ng mga baril na kailangan sa giyera. 


Ang ROTC ay hindi dapat pagtuunan ng pansin dahil maraming iba’t ibang problema ay mas nangangailangan ng atensyon at aksyon, tulad ng mababang kalidad ng edukasyon, kakulangan ng mga pasilidad, at mga gurong hindi nasusuwelduhan nang sapat. Bilang karagdagan, ipinahayag ng World Bank na ang learning poverty sa Pilipinas ay 90.9 porsyento. Ibig sabihin nito na ang porsyento ng mga bata sa edad ng 10 taong gulang ay walang kasanayan o kakayahang magbasa at makapagunawa kahit isang simpleng kwento. Nangangailangan ng matibay na pundasyon sa edukasyon upang makamit ang layunin ng ROTC na magtanim ng nasyonalismo. Ang pagiging mandatori ng ROTC ay hindi mabisang paraan sa paghasa ng pagkakatao ng mga Pilipino. Hanggat maaayos at masolusyonan ang mga mas malaking problema sa sistema ng edukasyon, hindi magiging maayos ang pagsasagawa ng ROTC.


Ang mga bill o batas na binanggit sa itaas ay may kasaysayan sa pagkawalan ng bisang makapagliligtas sa mga kabataan. Matagal nang naipasa ang Anti-Hazing Act ng 1995 (RA 8049) nang nagkaroon ng insidente ng hazing sa Polytechnic University of the Philippines (PUP) noong 2014, kung saan naging biktima ang 18 taong gulang na freshman. Hinampas siya ng dalawang nakatataas na kadete gamit ng kahoy na riple bilang parusa sa pagliban sa briefing. Isang mas sariwang halimbawa ay ang pagtanggal ng anim na ROTC cadet officer sa kadahilanang pagpapasa-ilalim ng isang 19 anyos sa hazing. Nangyari ito noong 2019, kung saan sinipa ng mga officer ang tiyan ng lalaki at nagkaroon ng hematoma ito. Naganap ito nang naipasa na ang amendment ng Anti-Hazing Act (RA 11503) noong 2018. Makikita na hindi epektibo ang mga regulasyon na dala ng RA 11503 gaya ng pagpapaalam para sumailalim sa mga initiation rite. Ayon sa Seksyon 4, kailangan magpadala ng liham sa institusyon na nilalamanan ng petsa, mga pangalan ng mga isasailalim sa initiation, ang mga gagawa ng initiation, at pangakong walang masasaktan sa aktibidad. Ngunit, makikita sa pagkamatay ni Joselito Fernandez Envidiado noong 2020 na palihim na isinasagawa ang mga hazing, at ang kasong ito ay naganap sa bahay ng miyembro ng fraternity. 


Maliban sa ROTC, mayroong ibang alternatibong maaaring maging mas mabisang paraan sa pagturo ng nasyonalismo, disiplina, at paglilingkod sa bayan, gaya ng community service. Ang community service ay may kakayahang magbigay ng mabuting karanasan sa pamamagitan ng pagtulong at pagbibigay ng donasyon sa bayan. Ayon sa Western Connecticut State University, ang pagsasali sa community service ay makakabigay ng maraming mga benepisyo, gaya ng pag-unlad sa kakayahan sa pakipag-ugnayan at pahusayin ang mental at pisikal na kalusugan sa pamamagitan ng direktang pagtulongs sa iba’t ibang komunidad na nangangailangan.


Makikita sa mga punto at ebidensiyang inilahad ng papel na ang mandatory ROTC training ay maaaring magsilbing hadlang lamang sa pag-usad ng mga Pilipino tungo sa nasyonalismo at disiplina. Ang pagpapatupad nito ay maaaring magdulot ng karahasan at korupsyon batay sa mga nakaraang insidente. Nangangailangang harapin muna ang mga isyung nagsisilbing pundasyon sa pagkamit ng nasyonalismo, tulad ng edukasyon sa halip na magbigay ng dalawang taon ng mga mag-aaral para sa mandatori ROTC. Hindi ito mabisang paraan sa pagtatanim at paglilinang ng pagmamahal sa bansa at seguridad para sa mga mamamayan sa pagkakataon ng isang digmaan. 


Umaasa ang mga mag-aaral na pagtuunan ng pansin ang mga isyung nagsisilbing haligi sa pagkatao ng mga mamamayang Pilipino, tulad ng kakulangan sa kalidad ng edukasyon at mga pasilidad. Bilang karagdagan, humanap ng alternatibong paraan para paunlarin ang nasyonalismo, kagaya ng community service. Iminumungkahi namin sa mga taong nais manaliksik sa paksang ito na bigyang kahalagahan ang mga alternatibong paraan sa pagkamit ng nasyonalismo at saliksikin nang maigi ang mga nakakaraang kaso at batas na nakaugnay rito.