Mala-Masusing Banghay Aralin sa Edukasyon sa Pagpapakatao 5
I. Layunin
Sa pagtatapos ng aralin, ang 85% ng mga mag-aaral ay inaasahang:
nakauunawa sa kahulugan ng bukas na pag-iisip;
nakalalahad ng mga kahalagahan ng pagkakaroon ng bukas na isipan sa kapuwa; at
nakasusulat ng maikling sanaysay batay sa mga gabay na tanong.
II. Paksang Aralin
A. Paksa: Sa Kapuwa Ko, Bukas ang Isipan Ko
B. Sanggunian: Ylarde, Z. at Peralta, G. (2020). Ugaling Pilipino sa Makabagong Panahon Batayang Aklat 5, pp. 38-45
C. Kagamitan: larawan ng diyaryo, radyo at telebisyon, at PowerPoint Presentation
D. Pagpapahalaga: Pagpapahalaga sa Pagiging Bukas ang Isipan
III. Pamamaraan
A. Paunang Gawain
Ang klase ay magsisimula sa isang panalangin.
Babatiin ng guro ang mga mag-aaral. Ipapaalala ng guro ang mga alituntunin sa silid-aralan. Tutukuyin ng guro kung sino ang mga liban sa klase.
Magbabalik aral ang mga mag-aaral sa pamamagitan ng pagsagot sa mga sumusunod na tanong:
a. Ano ang paksang ating pinag-aralan kahapon?
b. Bakit mahalaga na makiisa ang bawat miyembro ng pangkat sa isang gawain?
B. Pagganyak
Magpapakita ang guro ng mga larawan ngunit ito ay hindi buo katulad ng diyaryo, radyo at telebisyon. Tutukuyin ng mga mag-aaral kung ano ang ang nasa larawan. Para mapabilis ang pagtukoy, magbibigay ang guro ng mga pahayag na tumutukoy sa larawan.
C. Paglalahad ng Paksa at Layunin
Sasabihin ng guro sa mga mag-aaral na ang kanilang magiging paksa ay tungkol sa Sa Kapuwa Ko, Bukas ang Isipan Ko.
D. Pagtalakay
Muling ipapakita ng guro ang larawan ng diyaryo, radyo, at telebisyon. Magtatanong ang guro sa mga mag-aaral kung nagbabasa ba sila ng diyaryo o kaya'y nakikinig ng balita sa radyo o maging sa telebisyon?
Sasabihin ng guro sa mga mag-aaral na ang mga napapanood sa telebisyon gaya ng balita, iba’t-ibang programa, at iba pa ay ang mga nagiging paksa at daan para mag-usap-usap ang isang pamilya o mag-anak. Tatalakayin ng guro sa klase ang kahulugan at kahalagahan ng pagiging bukas ang isipan.
E. Paglalapat
Ang mga mag-aaral ay magsusulat ng maikling sanaysay sa isang buong papel gamit ang mga gabay na tanong sa ibaba:
a. Ano ang kabutihang dulot ng pagkakaroon ng bukas na isipan?
b. Bakit dapat na makinig sa opinyon ng ibang tao at hindi ang sariling opinyon lamang ang nasusunod?
c. Paano mo maipapakita ang pagmamalasakit sa mga taong nangangailangan rin ng tulong?
Pagkatapos maisulat ay kukunan nila ito ng litrato at ipapasa sa Google Classroom na may pangalan na APELYIDO <espasyo>Gawain 1 (halimbawa: ORCIGA Gawain 1).
F. Paglalahat
Tatawagin ng guro ang ilang mag-aaral para magbigay ng isang pangungusap na magbubuod ng paksang napag-aralan.
IV. Pagtataya
A. Tukuyin kung ang pangungusap ay nagpapakita ng pagkabukas-isipan o hindi. Isulat ang Oo o Hindi.
Sinisigawan ni Joel ang kanyang kakampi kapag ito ay nagkakamali.
Nakikinig si Pia sa opinyon ng mga kasama sa pangkat.
Hindi kinakausap ni Vincent ang kamag-aral na galing sa malayong probinsiya.
Ayaw patawarin ni Michelle ang kaklaseng nakaalitan kahit pa humingi na ito ng tawad.
Gusto ni Darius na tahimik lang ang mga miyembro ng kanilang pangkat at siya lang lagi ang magsasalita.
B. Basahin ang pangungusap sa ibaba. Ibigay ang mga posibleng epekto o maaaring mangyari kapag ginawa ito:
Inimbitahan ka ng iyong kamag-aral na dumalo sa pagdiriwang ng kanilang pamilya dahil kapistahan ng kanilang pinaniniwalaang santo. Nagdadalawang-isip ka dahil ang inyong relihiyon ay nagtuturo sa inyo na hindi dapat ituring na banal ang isang taong namatay. Ano ang gagawin mo? Bakit?
V. Takdang Aralin
Basahin ang mga pp. 46-51 ng inyong aklat na Ugaling Pilipino sa Makabagong Panahon Batayang Aklat 5. Sagutan ang mga sumusunod na tanong:
Ano ang kahulugan ng saloobin?
Ano ang pagkakaiba ng pananaw at saloobin?
Magbigay ng mga halimbawa na nagpapakita ng positibo at negatibong saloobin.
Inihanda ni:
Raul E. Orciga Jr.
© 2022 Raul Orciga All Rights Reserved.