COURTESY: GMA NEWS FB Page
ni: Sage Alexson Cater
Edukasyon ang nagsisilbing pundasyon ng buhay ng isang indibidwal. Ito ang sumusuporta sa gusaling handa pang magpatong ng palapag hanggang maabot ang himpapawid at masungkit ang mga tala. Ngunit, milya ang pagitan nito sa pagiging posible kung ang pundasyon ay 'sinrupok ng inaanay na kahoy. Titindig ba sa haliging troso, ang pader na bato?
Sinimulan na ang konstruksyon upang patatagin ang pundasyon ng mga Pilipinong mag-aaral. Sa mga piling paaralan at piling baitang, mula sa iba't ibang panig ng bansa, lumapag ang pilot testing ng nirebisang kurikulum. Layon nitong pagtibayin ang sistema ng edukasyon na mistulang likaw - paikid at paulit-ulit. Nangangailangan na ito ng ikad na siyang magpapanatili sa gusaling nakatindig. Siyang tunay na kung matibay, panatag at di mabubuwag ang pundasyon.
Dumating na rin ang mga karpintero sa Don Eulogio. Unang ipinatupad ang operasyon ng bagong kurikulum sa ika-7 baitang. Subalit tila ba kinulang sila ng dinalang materyales. Hindi rin malinaw ang nakaimprinta sa asul na papel. Gipit sa kakayanan ang mga guro upang isakatuparan ang mga hakbangin sa kadahilanang hindi matibay ang plano. Kakayanin nga bang suportahan ng bagong pundasyon ang gusali kung maging ito mismo ay marupok? Yaman din lamang na mayroon nang inisyatiba ay mas makabubuting punan na ang mga puwang na posible pang lumawak at maging hadlang.
Ang edukasyong MATATAG ang magpapatuloy sa nais at hangad na dekalidad na buhay. Ito ang magkakaloob ng makabagong kaparaanan ng paghahatid ng kaalaman kung saan mahahasa at mahuhubog ang tanging taglay na ipinagkaloob ng Maykapal, tatasahan ang kakayahan hanggang sa tumulis ang tingga, nang ang ebidensya ng kahusayan ay maisatitik, at maiukit sa puso't isipan ng bawat mag-aaral ang maka-Diyos, makatao, makatuwiran, at matapat na pamumuhay. Sa pamamagitan ng edukasyon, ang tatag at tibay nawa'y makamit ng bagong henerasyon. Nang sandaling iyon mapagtibay nila na "ang kabataan ay ang pag-asa ng bayan", na minsan ring sinambit ng bayaning maalab ang pag-ibig sa lupang sinilangan.
BAKAWAN, KUNG SA'N HUMIHIMBING ANG KALIKASAN
COURTESY: Skyscrapercity San Fernando City and La Union Province FB Page
Naririndi ka na ba sa ingay ng paligid? Na para bagang sa lahat ng oras ay may humihiging na bubuyog sa iyong tainga. Nais mo bang umahon mula sa mundong lumalangoy sa dusa at langhapin ang simoy ng kapahingahan sa ibabaw? Kung gayon ay baka sumagi na sa iyong isipan na magtungo sa lugar kung saan hindi ka maaabot ng hampas ng alon at tatangayin ng agos. Sa lugar kung saan tila ba mahimbing na natutulog ang kalikasan at tumitigil sa pagbuhos ang buhangin sa orasan.
BAKA- naman ay nais mo munang i-WAN ang kasalukuyan. BAKA- naman ay maisipan mong bita-WAN pansamantala ang pasan-pasan. BAKA- naman BAKAWAN ang number -WAN mong patutunguhan. Ang Bakawan Eco-park ang isa sa mga ipinagmamalaking kayamanan ng munisipalidad ng Bauang, La Union. Doon ay matatanaw ang mga puno't halamang sumisipsip ng buhay mula sa katubigan. Nagsisilbi itong tahanan ng iba't ibang uri ng ibon at isdang pantubig-tabang. Dinudugtong ng tulay ang mga bahagi ng bakawan na siya ring pumapasan sa mga bisitang nais makalanghap ng malinis at sariwang hangin. Hindi rin dapat palampasin ang kakaibang karanasang hatid ng pagsakay sa bangka habang nililibot ang matubig na bahagi ng bakawan. Napakasarap sa pakiramdam ang mapalapit sa kalikasan. Kay gandang pagmasdan ang mga luntiang dahon habang sumasayaw sa saliw ng simoy ng hangin.
Tila ba ang lugar na iyon ay kinumutan ng kapayapaan. Doon ay tunay na malalasap ang tamis ng kapanatagan at matatagpuan ang inaasam na kapahingahan. Tulad ng isang punong bakawan na lubog ang ugat sa tubig, maaari nating paghugutan ng lakas ang nakalulunod na pagsubok upang mamunga at yumabong sa ibabaw. Ang pagyabong ng Bakawan ang sertipiko ng lokal na pamahalaan sa kanilang pagsisikap na pangalagaan ang bukod-tanging yaman.