ni: Aneeza Kassandra Niduaza
Bilang isang Bise Presidente, may kaakibat kang malaking responsibilidad at hamong in pasan-pasan. Sa kaso ni Vice President Sara Duterte, ang kanyang panunungkulan ay puno ng mga isyung nakaaakit ng atensyon ng publiko at nagdudulot ng iba't ibang reaksyon.
Isa sa mga pangunahing isyung kinahaharap ni VP Duterte ay ang kaniyang kontrobersyal na mga pahayag at aksyon. Madalas siyang pinupuna dahil sa kaniyang tila matigas na paninindigan at paggamit ng mga salitang hindi kaaya-aya. May mga nakapagsasabing ito ay nagpapakita ng kakulangan sa pagiging sensitibo at paggalang sa mga taong may magkakaibang pananaw. Samantala, mayroon din namang mga sumusuporta sa kaniya at naniniwalang ang kaniyang mga pahayag ay tugon sa mga pangangailangan ng sitwasyon.
Halimbawa, ang kaniyang mga pahayag laban sa mga kritiko ng administrasyon, na minsan ay inilarawan bilang "pagbabanta," ay nagdulot ng malawakang pagkondena mula sa mga grupo ng karapatang pantao. Ang isang partikular na insidente ay ang kaniyang pagtugon sa mga protesta laban sa gobyerno, kung saan ginamit niya ang mga salitang maaaring ituring na nakasasakit at nagpapahiwatig ng pananakot. Samantala, ang kaniyang mga tagasuporta naman ay naniniwalang ito ay isang paraan ng pagtatanggol sa kaniyang mga paniniwala at sa administrasyon. Ang kawalan ng balanse sa kaniyang mga pahayag ay nagdudulot ng pagkahahati-hati sa publiko.
Bukod sa mga ito, ang kaniyang relasyon sa pangulo at sa iba pang mga opisyal ng gobyerno ay isa ring mahalagang aspeto na dapat pagtuunan ng pansin. Ang kaniyang impluwensiya sa mga desisyon ng gobyerno ay isang bagay na pinag-aaralan at pinagdedebatehan. Ang kaniyang posisyon bilang bise presidente ay nagbibigay sa kanya ng kapangyarihan at impluwensiya, at mahalaga na gamitin niya ito nang may pananagutan at pag-iingat.
Sa kabila ng mga kontrobersiya at hamong kinakaharap, mayroon din namang nakapagsasabing siya ay isa paring epektibong bise presidente. Ang kaniyang mga programa sa edukasyon, halimbawa, ay maaaring magkaroon ng positibong epekto sa mga mag-aaral sa hinaharap. Ang kaniyang pagiging matatag at determinado ay maaari ding maging inspirasyon sa iba.
Bagong Pilipinas o Bagong Mukha?
“Sama-sama tayong babangon muli,” ay isang matunog na panawagan para sa pagkakaisa at pagbangon mula sa mga pagsubok. Ngunit sa gitna ng mga usap-usapan at panawagan para sa kanyang impeachment, tila ba ang mga salitang ito ay nagiging isang malaking hamon sa kanyang pamumuno. Ang pagsusuri sa mga alegasyon laban sa kanya ay hindi lamang isang legal na proseso, kundi isang pagsubok sa ating kakayahan na harapin ang mga krisis nang may katapatan, hustisya, at paggalang sa demokrasya.
Isang mabigat na proseso ang impeachment, at sa kanyang sarili. Ito ay nangangailangan ng maingat na pagsusuri ng mga ebidensiya, makatwirang pagpapasiya, at pag-iwas sa anumang uri ng pagmamanipula o paggamit ng kapangyarihan para sa pansariling interes. Ang pagtuon sa katotohanan at hustisya ay dapat maging pangunahing alituntunin sa buong proseso. Ang pagpapahintulot sa mga personal na galit, pulitikal na pakikibaka, o mga motibong pang-interes ay magpapababa lamang sa kredibilidad ng proseso at magdudulot ng karagdagang pagkakahati hati sa ating bansa.
Sa halip na magpapadala sa mga emosyon at pag-aaway, dapat nating sikaping mapanatili ang isang mapayapang at makatwirang usapan. Ang pag-unawa sa mga isyu, paggalang sa magkakaibang pananaw, at paghahanap ng mga solusyon na nakatuon sa pangkalahatang kapakanan ay mahalaga sa pagbangon mula sa anumang problemang kinakaharap.
Hindi lamang isang legal na obligasyon ang ang pag-usad sa impeachment process, kundi isang moral na tungkulin. Ang pagbibigay ng hustisya ay hindi lamang para sa mga taong sangkot, kundi para sa buong bansa. Ang pag-asa para sa isang mas maayos at maunlad na kinabukasan ay nakasalalay sa ating kakayahan na harapin ang mga hamon nang may katapangan, integridad, at pagkakaisa. Ang “sama-sama tayong babangon muli” ay hindi lamang isang linyang kampanya, kundi isang panawagan para sa isang mas mahusay na Pilipinas. At ang pagtugon sa isyung ito nang may hustisya at pagkakaisa ay ang unang hakbang tungo sa pagtupad ng panawagang ito.
Panibagong Kabanata sa Pagwawakas ng Isang Dynastia
Matagal nang nakaukit sa politika ng Munisipalidad ng Bauang, La Union, ang impluwensiya ng pamilya De Guzman. Sa loob ng maraming dekada, sila ang naging mukha ng pamumuno sa bayan, na nag-iwan ng marka maging positibo o negatibo man ito. Ngunit, sa nalalapit na eleksyon tila isang pagbabago ang magaganap, wala sa pamilyang De Guzman ang lalaban bilang alkalde. Ito nga ba ang simula ng panibagong yugto para sa Munisipalidad ng Bauang, isang yugtong malaya mula sa mahabang anino ng dynastiya?
Samut-saring komento ang umiikot mula sa isyung ito. May mga nagsasabing ang pag-alis ng De Guzman ay isang pag-asa para sa simula ng tunay na pagbabago at pag-unlad ng bayan. Sa loob ng kanilang mahabang panunungkulan, may mga proyekto at programa na nagdudulot ng kapakinabangan para sa kaniyang nasasakupan. Ang ilan sa mga nakamit ng munisipalidad sa ilalim ng pamumuno ng pamilyang De Guzman ay ang pagpapatayo ng Bauang Gymnasium, paglawak ng Marcos highway at Bauang bridge na bumabaybay sa barangay Nagrebcan, at ang pagsasaayos ng monumento. Ngunit, mayroon ding kritisismo hinggil sa diumano’y katiwalian, nepotismo, at kakulangan sa katapatan ng kanilang pamumuno. Ang kawalan ng kompetisyon, dahil sa matagal na paghahari ng iisang pamilya, ay nagdulot din ng pag-aalala sa ilan.
Isang pagbubukas ng pinto ang pagkawala ng mga De Guzman sa larangan ng pagka-mayor. Ito ay nagbubukas ng pinto para sa mga bagong lider, mga lider na may sari-saring pananaw at programa. Ito ay isang pagkakataon para sa mga mamamayan ng Bauang na pumili ng isang lider na tunay na maglilingkod sa kanilang kapakanan, hindi lamang sa kapakanan ng isang pamilya. Isang pagkakataon upang masuri ang mga plataporma ng mga kandidato, hindi batay sa apelyido, kundi batay sa kanilang kakayahan at pangako sa pagbabago.
Ngunit, hindi dapat maging kampante ang mga mamamayan. Ang pag-alis ng isang dinastiya ay hindi awtomatikong garantiya ng pag-unlad. Kailangan pa rin ng masusing pagsusuri at pagpili ng mga kandidato. Kailangan ng aktibong pakikilahok ng mga mamamayan sa proseso ng eleksyon upang matiyak na ang kanilang boto ay tunay na makakapagdulot ng pagbabago.
Sa huli, ang kinabukasan ng Bauang ay nasa kamay ng mga botante. Ang pagkawala ng mga De Guzman ay isang mahalagang hakbang, ngunit hindi ito ang buong solusyon. Ang tunay na pagbabago ay nakasalalay sa pagpili ng mga lider na may integridad, kakayahan, at tunay na malasakit sa bayan. Ang eleksyong ito ay hindi lamang isang pagpili ng mayor, kundi isang pagpili ng kinabukasan ng Bauang. Isang kinabukasan na sana'y mas maunlad, mas makatarungan, at maging malaya.