Ang Ibong Adarna ay isang halimbawa ng korido na isinulat noong panahon ng mga Espanyol ng hindi kilalang may-akda. Mas naging tanyag ang Ibong Adarna sa pamagat na Corrido at Buhay Nang Tatlong Principeng, Magcacapatid na Anac nang Haring Fernando at nang Reina Valeriana sa Caharian ng Berbania (Life and Story of the Adventures of the Three Princes, Sons of King Fernando and Queen Valeriana of the Kingdom of Berbania) noong panahon ng mga Kastila.
Simula noon ay naging malaking bahagi na ng panitikang Pilipino ang akda. Dahil isa itong uri ng korido, ang bawat saknong nito ay may apat na taludtod na may sukat na walong pantig sa bawat linya. Binubuo ito ng 1,034 mga saknong na karaniwan may iisang tugmaan. Binibigkas ang koridong ito sa pakantang pamamaraan ng pagpapahayag. Ang Ibong Adarna ay isang halimbawa ng tulasinta o metrical romance kaya naman ang tula ay nakasentro sa temang may kinalaman sa pag-ibig at katapangan. Maliban dito, ang ilang bahagi ng tula ay umiikot din sa mga temang may kinalaman sa mahika, kababalaghan ay pananampalataya.
Sapagkat walang tiyak na pagkakakilanlan ang tunay na may-akda ng koridong ito ay nagkaroon ng iba’t ibang spekulasyon tungkol sa pinagmulan ng Ibong Adarna. Madalas itong naiuugnay sa makatang si José Dela Cruz o mas kilala sa tawag na Huseng Sisiw dahil sa kanyang katanyagan bilang manunulat ng tagalog noong panahon ng mga Kastila ngunit walang ibedensiya na nakakapag patunay nito. Ayon naman sa El Teatro Tagalo noong 1889, ang Ibong Adarna ay orihinal na isinulat ng Espanyol na si Vicente Barrantes. Ang korido ay dinala ng mga sundalo ni Miguel Lopez de Legazpi mula sa Mehiko patungo mg Pilipinas at nasalin na lamang sa wikang Tagalog. May iilan ding naniniwala na ang aklat ay halaw sa isang lumang alamat mula sa Europa o kaya naman ay mga pinagsama-samang kwentong bayan mula Aprika at iba’t ibang bansa sa Asya.
Gayunpaman ay malaki ang naging ambag ng katanyagan ng Ibong Adarna sa panitikan at kultura ng Pilipinas.Ang mahusay na paggamit ng wikang Filipino sa bawat saknong ng mga tula ay naging paraan upang unti-unting buhayin ang literaturang Pilipino. Mababatid din sa akda ang mga mayaman na kultura, tradisyon at kaugalian na natatangi sa mga Pilipino.
Noong unang panahon, sa malayong Kaharian ng Berbaniya, namuno ang mag-asawang Haring Fernando at Reyna Valeriana. Mayroon silang tatlong anak na prinsipe: ang panganay na si Don Pedro, ang sumunod na si Don Diego, at ang bunsong si Don Juan.
Mapayapa ang kaharian hanggang isang gabi, binangungot si Haring Fernando. Sa kaniyang panaginip, ang kaniyang paboritong anak na si Don Juan ay inihulog sa balón ng dalawang kalalakihan. Dahil dito, nagkaroon ng misteryosong sakit ang hari. Wala ni isang tagapaggamot sa kaharian ang kayang tukuyin at makapagbigay ng lunas sa kaniyang karamdaman, hanggang sa may isang matandang manggagamot ang nagmungkahing ang tanging makapagpapagaling sa hari ay ang ang awit ng Ibong Adarna na matatagpuan sa malayong Bundok Tabor.
Inatasan ni Haring Fernando na hanapin ni Don Pedro ang mahiwagang Ibon. Ngunit nang hindi bumalik ang panganay, sumunod na ipinadala ng hari si Don Diego. Nang lumaon at hindi bumalik ang dalawang nakatatandang kapatid, nagpaalam ang bunsong si Don Juan sa ama na siya na ang maghahanap sa kanila at sa Ibong Adarna. May takot mang nararamdaman para sa bunso dahil sa kaniyang panaginip, pinahintulutan itong maglakbay ni Haring Fernando.
Sa kaniyang paglalakbay patungo sa Bundok Tabor, nakadaupang-palad ni Don Juan ang isang matandang leproso at binigyan niya ito ng kaunting pagkain. Dahil sa kaniyang ipinamalas na kabaitan, tinulungan ng leproso si Don Juan sa kaniyang paghahanap sa Piedras Platas. Iminungkahi nito sa prinsipe na upang ligtas na makarating doon at matagumpay na makuha ang Ibong Adarna, dapat nitong hingan ng tulong ang isang matandang ermitanyo.
Pagdating sa Piedras Platas, natuklasan ni Don Juan na naging bato ang kaniyang mga kapatid dahil sa ipot ng Ibong Adarna. Matiyagang naghintay si Don Juan. Matapos ang ikapitong kanta ng ibon at tuluyan itong nakatulog, dali-dali itong tinalian sa paa ng prinsipe at dinala sa ermitanyo. Matapos ilagay ng ermitanyo ang ibon sa isang mahiwagang hawla, binalikan ni Don Juan ang kaniyang mga kapatid. Nabuhay muli sina Don Pedro at Don Diego nang sila ay buhusan ng tubig ni Don Juan na pinakuha ng ermitanyo.
Sa kanilang paglalakbay pabalik sa Berbania, hindi maitago ni Don Pedro ang ingit sa tagumpay ng kaniyang bunsong kapatid. Kinuntsaba niya si Don Diego na patayin nila si Don Juan. Ngunit sa pakiusap ni Don Diego, binugbog na lamang nila ito at daling kinuha ang Ibong Adarna. Pagdating sa Berbania, inangkin at iprinisenta nila sa kanilang amang hari ang mahiwagang ibon, ngunit matamlay ito at ayaw umawit.
Sa kabutihang-palad, nakabalik si Don Juan sa palasyo sa tulong ng matandang ermitanyo. At sa pagdating niya, nagbunyi ang lahat at nagsimula ring kumanta ang Ibong Adarna. Ibinunyag nito ang pambubugbog at panloloko nina Don Pedro at Don Diego sa kanilang nakababatang kapatid. Sa labis na galit, ipinag-utos ni Haring Fernando na palayasin ang dalawa sa palasyo. Ngunit dahil sa pakiusap ni Don Juan, ang dalawa ay binigyan muli ng isa pang pagkakataon ng kanilang amang hari.
Pagkatapos ng kaguluhan, inatasan ni Haring Fernando ang magkakapatid na prinsipe na salitang bantayan ang Ibong Adarna. At dahil sa kagustuhang maghiganti, nakaisip muli ng masamang balak si Don Pedro para kay Don Juan. Nakipagsabwatan ulit siya kay Don Diego upang lokohin si Don Juan na nakawala ang ibon sa oras ng kaniyang pagbabantay. Tiniyempo nila na pakawalan ang ibon habang natutulog ang bunsong kapatid. Pagkagising, nadiskubre ni Don Juan ang nangyari at dali-daling umalis sa palasyo sa takot sa kaniyang amang hari.
Nang malaman ito ni Haring Fernando, agad-agad niyang inutusan sina Don Pedro at Don Diego na hanapin si Don Juan at ang Ibong Adarna. Hindi lumaon ay nagkita-kita ang magkakapatid sa Bundok Tabor at natagpuan ang isang malalim na balón. Magkasunod na sinubukan nina Don Pedro at Don Diego na bumaba sa loob ng balón, ngunit hindi nila kinayang lumapag sa lalim nito. Hindi tulad ng kaniyang mga nakatatandang kapatid, dire-diretsong pumanaog si Don Juan at nadiskubre niya ang isang mahiwagang palasyo. Una niyang iniligtas doon si Donya Juana mula sa kamay ng isang higante. Sumunod naman niyang iniligtas ay si Donya Leonora mula sa kamay ng isang dambuhalang ahas na may pitong ulo. Agad nabihag sa kagandahan ng mga prinsesa sina Don Pedro at Don Diego. Gusto ng panganay ay sa kaniya maikasal si Donya Leonora; ang sumunod naman na kapatid ay gustong mapangasawa si Donya Juana na siya namang nangyari.
Paalis na sila nang mapansin ni Donya Leonora na naiwan niya ang kaniyang singsing sa loob ng balón. Agad na nagboluntaryo si Don Juan na kunin ito para sa prinsesa, at mayroon na namang masamang balak si Don Pedro. Bigla niyang nilagot ang lubid nang bumaba muli si Don Juan sa balón. Mabilis namang pinakawalan ni Donya Leonora ang kaniyang alagang lobo upang sundan nito si Don Juan. Bumalik ang apat sa Kaharian ng Berbania nang hindi kasama ang bunsong prinsipe, at mabilis naisagawa ang kasálan nina Don Diego at Donya Juana. Tinanggihan naman ni Donya Leonora ang alok na kasal ni Don Pedro dahil ayon sa prinsesa, mayroon siyang panata na hindi muna siya puwedeng magpakasal hanggang hindi lumilipas ang pitong taon. Ngunit, ang totoo ay umaasa pa rin si Donya Leonora na makababalik si Don Juan.
Samantala, nahanap at nakilala si Don Juan ng lobo gamit ng singsing ni Donya Leonora. Tinulungan ng alagang hayop ang prinsipe na gumaling at lumabas mula sa balón. Nang makalabas si Don Juan, agad itong naglakad pabalik sa Kaharian ng Berbania. Ngunit sa haba ng kaniyang paglalakbay, nahapo ang prinsipe at nagkatulog sa ilalim ng Piedras Platas. Nagising siya sa kanta ng Ibong Adarna tungkol kay Donya Leonora na nananabik sa kaniyang pagbalik at sa isang prinsesang may ngalang Donya Maria sa malayong kaharian ng Delos Cristales. Iginiit pa ng mahiwagang ibon na mas magandang kapalaran ang kaniyang matatagpuan sa nasabing kaharian, at napagdesisyunan ng prinsipe na hindi na bumalik sa Berbania.
Sa kaniyang pakikipagsapalaran papuntang Delos Cristales, may nakadaupang-palad muli si Don Juan na isang matandang ermitanyo. Binigyan nito ng pagkain at tubig ang prinsipe. Nang tanungin ni Don Juan kung may alam ang ermitanyo tungkol sa kaharian ng Delos Cristales, itinuro nito ang daan papunta sa isa pang ermitanyo. Binigyan niya ang prinsipe ng isang baro para ipakita sa susunod na ermitanyo.
Nang makita na ni Don Juan ang pangatlong ermitanyo, hindi siya nito agad hinarap. Nang ibinigay ng prinsipe ang baro at ikinuwento ang dahilan ng kaniyang paglalakbay patungong Delos Cristales, agad siyang itinuro ng pangatlong ermitanyo sa susunod na ermitanyo sa ikapitong bundok. Nang makarating doon si Don Juan, agad niyang tinanong ang ermitanyo. At tulad din ng mga naunang ermitanyo, hindi rin niya alam ang daan patungong Delos Cristales. Sa kabutihang-palad, may isang malaking agila na nagboluntaryong dalhin ang prinsipe kung saanman nito nais.
Hindi lumaon ay lumapag ang agila malapit sa isang ilog at pinayuhan si Don Juan na magtago hanggang sa lumitaw ang tatlong prinsesa para maligo. Agad nakilala ng prinsipe si Donya Maria dahil sa tatlong magkakapatid, siya ang pinakamaganda. Kinuha ni Don Juan ang mga damit ng prinsesa mula sa kinasasampayan nito. Lumitaw lamang ang prinsipe nang hinahanap na ni Donya Maria ang kaniyang kasuotan. Dali-daling nagtapat ng pagmamahal si Don Juan sa prinsesa at tuluyan na niyang nakalimutan si Donya Leonora. Matapos nito, pinagbantaan ni Donya Maria si Don Juan tungkol sa mga nangyari sa dati niyang mga manliligaw. Ginagawang bato ni Haring Salermo ang sinomang mangahas na pumasok sa kanilang palasyo, kaya pinayuhan ang prinsipe ng prinsesa na tanggihan ang hari sakaling imbitahan siya sa palasyo. Sinabi rin ni Donya Maria na tanggapin na lang ang anomang pagsubok na ibibigay ng amang hari, dahil tutulungan niya ang prinsipe.
At gamit ng mahika blanca ni Donya Maria, napagtagumpayan lahat ni Don Juan ang mga pagsubok sa kaniya ni Haring Salermo. Dahil sa isang pagsubok, naputulan ng daliri ang prinsesa, at ito ang nagsilbing palatandaan ng prinsipe nang siya ay papiliin ng mapapangasawa ni Haring Salermo sa tatlo niyang mga anak. Masuwerteng tamang prinsesa ang napili ni Don Juan, ngunit nakaisip na naman ng panibagong pagsubok ang hari. Nang malaman ito ni Donya Maria, agad silang tumakas ni Don Juan. Bago namatay si Haring Salermo, isinumpa niya na sa oras na dumating ang magkasintahan sa Kaharian ng Berbania, malilimutan ni Don Juan si Donya Maria.
Nababahala man, ipinagpatuloy nina Don Juan at Donya Maria ang paglalakbay patungong Berbania. Iniwan ng prinsipe ang prinsesa sa isang kubo upang ihanda ang palasyo, ang kaniyang pamilya, at ang buong kaharian para sa kanilang kasalan. Ngunit sa pagdating ni Don Juan, agad niyang nakalimutan si Donya Maria. Mainit siyang sinalubong ng kaniyang pamilya kasama si Donya Leonora, at pinlano na nila agad ang kanilang kasal.
Umabot ang balita kay Donya Maria, at dali-dali siyang pumunta sa kaharian ng Berbania. Dumating ang prinsesa sa selebrasyon nina Don Juan at Donya Leonora sakay ng isang magarang karwahe. Ipinahayag niya sa lahat na nais niyang magtanghal ng isang dula bago simulan ang kasalan. At dahil sa dula na iyon, naalala ni Don Juan ang lahat ng pinagdaanan niya kasama si Donya Maria.
Kinansela ang kasalanan nina Don Juan at Donya Leonora. Sa halip, ikinasal si Don Juan kay Donya Maria, at si Don Pedro kay Donya Leonora. Bumalik sina Don Juan at Donya Maria sa Kaharian ng Delos Cristales at doon sila namuno at namuhay nang mapayapa.