"Kapsul ng mga Katutubong Kaalaman"
Mga mahahalagang piyesa ng kasaysayan ng Pilipinas ay pinag-iisa ng KKK website para sa mga mag-aaral ng Mataas na Paaralang Pambansang Agham ng Lungsod ng Pasay.
Ang maka-bagong aklat na ito ay alinsunod sa henerasyong may matatalinong mambabasa na mabilis nang nakahahabol sa pag-unlad ng teknolohiya. Gamit ang Kapsul ng mga Katutubong Kaalaman (KKK), ating huhubugin ang isang lipunan na may malalim at malawig na pag-unawa sa kultura ng Pilipinas at sa kanyang pamanang kalayaan.
Sinimulang yariin ang KKK website noong Abril 2021 sa paghihikayat ng mga opisyal mula sa Kapisanan ng mga Mag-aaral sa Filipino (KamFil). Sa tulong ng mga pinaka-dalubhasang patnugot na sina Clarence Bryant Borlaza, Alexander Fabian Guarin, at Elan Samuel Lunas, ang pagpaplano at ebalwasyon ng mga nilalaman ay nasimulan kasama ang Pangulo ng samahan, Lei Carol Pacheco. Ang pagbuo ng website ay tumagal ng ilang buwan dahil sa masuring pananaliksik ng samahang pang-Impormasyon mula sa KamFil na pinangunahan ni Charisse Ilyza Apolinar at Andree John Mendova.
Ang KKK website ay daynamik at madaragdagan pa ng mga interesanteng kaalaman na makatutulong sa mga kabataang mag-aaral, upang magkaroon ng mapagkukunan ng maaasahang mga artikulo. Hangarin ng KamFil na mahubog ang bagong henerasyon ng mga kabataang sensitibo at alerto sa kanilang kultura. Kung sa gayon ay mapausbong nila ang kanilang pagkamalikhain mula sa ugat ng kanilang tradisyon, kasaysayan, at katutubong pinagmulan.