Ang katutubong tula ay tumutukoy sa mga tula noong panahon bago ang kolonyal na siglo sa isang tradisyong pasalita na patuloy na umuunlad sa panahon ng kolonyal at sa kasalukuyang panahon ng teknolohiya at globalisasyon. Kabilang sa mga unang anyong patula ng mga katutubong Pilipino ay ang mga bugtong, salawikain, maiikling tula, at patulang palitan o laban. Bagamat ang mga bugtong at mga salawikain ay kilala bilang katutubong pananalita dahil halos lahat, kung hindi man karamihan, ay inihahatid sa anyo ng taludtod, ang bugtong at mga saliwikain ay itinuturing din na kabilang sa pinakaunang uri ng katutubong tula. Ang maiikling tula, gaya ng Tagalog na tanaga at Mangyan ambahan ay isa sa pinakapangunahing anyo ng sinaunang pasalita na literatura na nakasentro sa talinghaga. Isa ang katutubong tula sa pinakamatandang uri ng anyong pampanitikan na nagtataglay ng maiikli ngunit malalim at makabuluhang tala ng damdamin, karanasan, at kasaysayan. Sa pamamagitan ng uri ng sulatin na ito, naisasalamin ang pinagmulang lipunan sa anumang panahon, kultura, o lugar. Ang ilan sa istraktura ng maiikling katutubong tula ay ang Diona, Tanaga, at Dalit.
Diona - Binubuo ng tatlong taludtod na mayroong tigpipitong pintig.
Tanaga - Binubuo ng apat na taludtod na mayroong tigpipitong pantig.
Dalit - Binubuo ng apat na taludtod na mayroong tigwawalong pantig.
Ang Vocabulario de lenguatagala nina Juan de Noceda at Pedro de Sanlucar, at Compendio de lalenguatagala ni Fray Gaspar de San Agustin ang itinuturing pinakamalaki at pinakamatandang koleksiyon o dokumentong naglimbag ng mga maituturing awtentikong halimbawa ng sinaunang tulang Tagalog. Dito rin itinuturing unang naitala ang mga katutubong tula sa Pilipinas.
Bote ng alitaptap
ang gabay ko sa daan.
Ngayo’y nag-aapuhap
sa dilim ng tahanan.
Ito ay isang kotemporaryong tanaga noong 1993 na isinulat ni Mara Pl. Lanot, isang kilalang manunulat ng mga tula at mga sanaysay. Ang tula na ito ay isa sa mga halimbawa ng tanaga na tumatalakay sa napapanahong isyu sa pamamagitan ng malikhain na pamamaraan, sa partikular, ang tula ay patungkol sa pagkawala ng kuryente sa tahanan na isang panlipunang isyu ng Pilipinas dulot ng iba't-ibang rason na mauugnay na rin sa malaking isyu sa kahirapan, at ang hindi maayos na sistema ng paghawak ng mga kompanya nito. Sa tula na ito, naipapakita ang talinhaga sa ginamit na mga salita, at ang sinusundan na istraktura sa apat na taludtod na mayroong pitong pintig kada linya.
Ang sugat ay cun tinangap,
di daramdamin ang antac
ang aayao, at di mayag
galos lamang magnanacnac.
Pagsasalin
Ang sugat ay kung tinanggap,
di daramdamin ang antak
ang aayaw, at di mayag
galos lamang magnanaknak
Ito ay isang halimbawa ng tula sa istraktura ng dalit mula sa akda na Vocabulario nina Noceda at Sanlucar. Ang dalit ay isa sa mga anyong patula na ginamit ng mga sinaunang Pilipino, ito ay orihinal na katutubong pasalita na tula. Mayroon itong anyo na apat na taludtod na may tagwawalong pantig kada linya. Walang gaanong pagkakaiba sa pagitan ng tanaga at dalit sa tema at anyo, maliban sa bilang ng mga pantig bawat linya, gaya ng ipinapakita ng halimbawa mula sa Vocabulario.
Waray pa gad kabug-os an am kahimayaan
Nga an tuman nasalidsid nga imo binayaan
Buhat, pag bangon anay dida ha imo lubnganan
Kadi-a kami panubsa han amon kakurian
Pagsasalin
Hindi natin lubos na napagtanto ang ating kaluwalhatian
Na tila muntik mo nang iwan
Umakyat! Bumangon ka mula sa libingan
Iligtas mo kami sa aming kahirapan
Ito ay isa sa mga halimbawa ng modernong tulang siday mula sa Samar-Leyte sa pagpasok ng ika-20 siglo. Noong 1668, ang pinakaunang talaan ng Leytenhon-Samarnon siday ay nasa Historia de las Islas e Indios de Bisayas ni Padre Ignacio Francisco Alcina, ngunit sa kasalukuyan ang salitang siday ay tumutukoy na sa mga tulang nasa anyo ng lenggwaheng Waray. Ang tula na ito isinulat ni Lucente noong 1909 na mayroong tugma sa apat na taludtod na may balanseng sukat ng pantig sa bawat linya.
Ang ilan sa mga modernong tula na nagiging kilalang sulatin na rin sa kasalukuyang panahon ay ang Tweetanaga, at Textanaga. Ang dalawang uri ng tula na ito ay ibinabahagi sa pamamagitan ng mobile device, o social media.
Pagmamahal sa bayan
Hindi mapapantayan
Pinalakas ang tapang
Buhay ko sayo'y utang
Ito ay isang uri ng modernong tula na ibinahagi sa pamamagitan ng pag-"tweet" nito sa social media platform na Twitter. Ang halimbawang tweetanaga na ito ay tumatalakay sa kabayanihan. Tagalog ang lenggwaheng ginamit sa tulang ito, at ito ay nailimbag noong ika-25 ng Nobyembre, 2016 nang magpasimula ang Rappler ng isang patimpalak ng paggawa ng modernong tanaga para sa pagugunita noon ng kaarawan ni Andres Bonifacio noong Nobyembre 30 sa ilalim ng #Tweetanaga.
Nang ako’y nag-aabang
Ng tala’t bulalakaw
Bigla kang napadaan
At ako’y tinamaan.
Ang textanaga o textula na pinaghalong salitang "text" at "tanaga/tula" ay ang termino para sa mga tula na nakasulat sa pamamagitan ng isang mensaheng ipinadala sa text. Kadalasan ito ay may isa o dalawang saknong na ipinadala sa direktang komunikasyon sa isang tao. Noong taong 2005, ito ay inilunsad ng National Committee on the Literary Arts ng National Commission for Culture and the Arts upang maitala ang kontemporaryong tanaga. Sa halimbawang tula ni Abeleda, ang ginamit na lenggawahe ay Tagalog at makikita pa rin ang pagsunod nito sa istraktura ng Tanaga na may apat na taludtod at tagpipitong pantig kada linya.
Mga Sanggunian:
https://epa.culturalcenter.gov.ph/9/73/1552/
https://www.elcomblus.com/tulang-may-katutubong-anyo/
https://studylib.net/doc/8686481/folk-poetry-folk-poetry-refers-to-poems-belonging-to-an-oral
https://epa.culturalcenter.gov.ph/9/80/5436/
https://www.academia.edu/34566664/The_Philippine_Literature
https://r3.rappler.com/move-ph/153646-tweetanaga-bonifacio-day-kabayanihan
https://twitter.com/stacydejesus/status/802122476792606720?t=gmhZHpESi10tv-wToNAyNQ&s=19