Ang epiko ay isang uri ng literaturang Pilipino na nagmula sa iba’t ibang grupong etniko ng bansa na mababasa sa anyong pasalita. Ito ay isang tulang pasalaysay na tumatalakay sa kabayanihan ng pangunahing tauhan na mayroong kapangyarihan na hindi taglay ng karaniwang tao mula sa basbas ng mga diyos o diyosa. Ang kabayanihan ng pangunahing tauhan sa kanyang pakikidigma at paglalakbay ang paksa ng mga epiko. Ang mga epiko ay kalimitang binubuo ng 1,000 hanggang 55,000 na linya. Ito ay maaaring bigkasin ng paawit o patula at sabayan ng ilang instrumento. Ang salitang epiko ay mula sa Griyego na epos na ang ibig sabihin ay awit o salawikain. Hinango rin ito sa salitang “epikos” na nangangahulugang “Dakilang Likha.” Sa ngayon, ito ay tungkol na sa pasalaysay na kabayanihan ng pangunahing tauhan.
Ang Hinilawod ay ang epikong-bayan ng mga Sulod na naninirahan sa kabundukan ng bahagi ng Gitnang Panay. Ang salitang “Hinilawod” ay nangangahulugang mga kwento mula sa bibig ng Ilog ng Halawod. Ang epikong ito ay tungkol sa paglalakbay ng mga anak nina Alunsina at Datu paubari na sina Labaw Donggon, Humadapnon, at Dumalapdap. Ang Hinilawod ng gitnang Panay ang pinakamahaba at pinakamagkakaugnay na epikong naitala sa Pilipinas (Manuel, 1963). Kung bibigkasin ito ay aabot ang pagtatanghal nito ng tatlong araw sapagkat ito ay binubuo ng 28,000 berso. Ang epikong ito ay nahahati sa apat na kuwento: Ang kuwento nina Alunsina at Datu Paubari; Ang Pakikipagsapalaran ni Labaw Donggon; Ang Pakikipagsapalaran ni Humadapnon; at Ang Pakikipagsapalaran ni Dumalapdap. Ang kuwento ay nagtapos sa pagbabalik ng magkakapatid sa kanilang tahanan at ipinagdiwang ni Datu Paubari ang tagumpay ng mga ito mula sa kanilang paglalakbay.
Ang Hudhud ni Aliguyon ay isa sa mga tanyag na epiko na nagmula sa lalawigan ng Ifugao. Ito ay nagsasalaysay ng mga pangyayari tungkol sa tradisyon at kultura ng mga Ifugao at ang kanilang bayani na si Aliguyon. Ang Hudhud ay isang mahabang kwento na patula na kadalasang inaawit sa panahon ng tag-ani. Ito rin ay inaawit tuwing may lamay sa patay at ang pumanaw ay isang taong tinitingala dahil sa kaniyang yaman. Ito rin ay inaawit sa mga naturang okasyon at tumatagal ang pag-awit nito ng ilang oras o isang araw na inaawit ng isang grupo o koro. Ang kuwento ng Hudhud ay umiikot sa karanasan ni Aliguyon, isang pambihirang nilalang na kasama sa uring kadangyan. Pag-ibig at kariwasaan ang pangunahing tema sa kuwentong Hudhud. Ito ay sumasalamin sa paniniwala’t kaugalian ng sinaunang lipunan ng mga ifugao, at nagbibigay ng paliwanag sa mga mahahalagang bagay sa kanila. Ang Hudhud ay kinilala bilang isa sa mga Masterpiece of the Oral and Intangible Heritage of Humanity ng UNESCO noong 2001.
Ang Tuwaang ay ang epikong-bayan ng mga Bagobo na naninirahan sa hangganan ng Bukidnon, Cotabato, at Davao. Ang epikong ito ay isang mahabang tulang nagsasalaysay ng mga paglalakbay at pakikipagsapalaran ng bayaning si Tuwaang. Ang Bagobo ay mayroong higit sa 50 na awit tungkol kay Tuwaang. Ang epikong ito ay nahahati sa dalawang bahagi: Ang dalaga ng Langit Buhong at Ang pagdalo ni Tuwaang sa kasalan. Sa “ang dalaga ng langit Buhong” ay tungkol sa isang dalagang bumaba ng kalupaan upang magtago sa isang higanteng binata ng Pangumanon dahil sinunog nito ang kaharian ng babae nang hindi siya pumayag magpakasal dito. Ito ay kaniyang ikinuwento kay Tuwaang, at nang matapos niyang isalaysay ito ay biglang dumating ang higanteng binata. Pinatay niya ang mga tao at hinamon si Tuwaang ng labanan. Ang higanteng binata ay natalo ni Tuwaang. Sa “ang pagdalo ni Tuwaang sa kasalan” ay tungkol naman sa pagpunta ni Tuwaang sa kasalan ng dalaga ng Manawon at ng binata ng Sakadna ngunit ang binata ay nagalit kay Tuwaang dahil sa pagtabi ng dalaga rito kung kaya ay hinamon niya ito ng labanan. Tumagal ang labanan at nahirapan si Tuwaang na matuklasan ang lihim na lakas ng kalaban ngunit umuwi si Tuwaang sa kaharian kasama ang dalaga ng Manawon.
Ang Sandayo ay ang epikong-bayan na tinatawag na guman ng mga Subanon, katutubong nakatira sa bulubundukin ng hangganan ng Hilaga at Timog Zamboanga. Ito ay nailathala at isinalin sa Ingles ng isang guro sa Misamis na si Virgilio Resma. Ang Sandayo ay galing sa salaysay ng isang babaeng Subanon na kinilala bilang si Perena, binigkas niya ito sa loob ng pitong magkakasunod na gabi. Kagaya ng ibang epiko, ang Sandayo ay itinatanghal sa ritwal. Noong 1982, unang nailathala ito sa pamagat na Keg Sumba Neg Sandayo sa Kinaadman: A Journal of the Southern Philippines. Nang isalin ito sa wikang Filipino ni Antolina T. Antonio ay pinamagatan itong Sandayo bilang pagkilala sa bayani ng epikong-bayan. Ang epikong ito ay binubuo ng 4,843 taludtod, at umiikot ang istorya ng kuwento sa paglalakbay ni Sandayo sa pagharap niya sa mga hamon at labanan sa kaniyang buhay.
Ang Ulod ay ang epikong-bayan ng mga Matigsalug, isang grupo ng etniko sa Bagobo na nakatira sa hilagang kanluran ng Davao. Ang pag-awit ng epikong-bayan ay tinatawag nilang ad-ulahing. Ang epikong ito ay binubuo rin ng ilang awitin na kung saan ay inaawit ito upang maging libangan tuwing may kasal at libing. Isinasagawa rin ang pag-awit nito bilang isang ritwal ng pasasalamat sa masaganang ani o tagumpay sa pangangaso. Noong 1956, sa tahanan ni Datu Duyan sa Lumut ay binigkas ni Abbiyuk Ansavon ang epikong Ulod. Ito ay isinaayos ni Sadani Pagayaw sa 416 na linya, at upang awitin ito ay binibigkas ang ad-indakko: Ulahing ng mga Matigsalug. Ang epikong ito ay tungkol sa bayaning si Ulod na naglakbay at nakipagsapalaran upang iligtas ang kaniyang kapatid na babae mula sa binatang tumangay rito. Naging matagumpay ang pakikipaglaban ni Ulod sa binata at nailigtas niya ang kaniyang kapatid na babae.