Sa kasaysayan ng daigdig, hindi maipagkakaila na ang bawat kontinente ay may kanya-kanyang pagkakakilanlan. Ang Asya ay nakilala bilang lundayan ng mga sinaunang sibilisasyon, ang Aprika bilang "Dark Continent" at ang Europa bilang sentro ng sining at literatura. Sa araling ito, tatalakayin natin ang mga sibilisasyong umusbong sa klasikong Amerika na naging dahilan ng pagkakakilanlan nito.
Ang lupain ng Mesoamerica ay nagmula sa salitang "meso" na nangangahulugang gitna. Samakatuwid, ang lupaing ito ay makikita sa pagitan ng Hilaga at Timog Amerika. Sa kasalukuyan, ito ay binubuo ng mga bansang Costa Rica, Nicaragua, Honduras, El Salvador, Guatemala, Belize at Mexico. Nakilala ang sibilisasyong Mesoamerica dahil sa iba't-ibang kabihasnan na umusbong dito kabilang ang mga Olmec, Zapotec, Maya, Toltec, at Aztec. Samantala, nakilala rin ang sibilisasyong Incan na matatagpuan sa Peru na bahagi ng Timog Amerika.
Sa loob ng libo-libong taon, napanatili ng mga kabihasnan at mga imperyo ang kanilang kultura, pamahalaan, ekonomiya at relihiyon. Tinuturing na ang mga Olmecs ang kauna-unahang kabihasnan na umusbong sa Mesoamerica. Samantala, nakilala ang mga Mayans dahil sa kanilang natatanging paggamit ng kalendaryo maging ang paggamit ng hiroglipiko bilang sistema ng pagsulat. Naukit sa kasaysayan na ang mga Aztec ang pinakamarahas na imperyong sumibol sa Mesoamerica dahil sa kanilang natatanging paraan ng pag-aalay sa kanilang mga diyos. Panghuli, ang mga Incans ay nakilala sa kanilang natatanging paraan ng pagtatanim, ang paggamit ng mga teresa.
Nagsimula ang unti-unting pagbagsak ng sibilisasyong Mesoamerica at Timog Amerika nang dumating ang mga Kastila taong 1493. Isa sa mga dahilan ng kanilang mabilisang pagbagsak ay dahil sa kanilang paggamit ng mga makalumang kagamitang pandigma at nagapi ng mga karamdamang dala ng mga Kastila gaya ng smallpox.
PAMANTAYAN SA PAGKATUTO: Nasusuri ang mga kaganapan sa kabihasnang klasiko ng America. (AP8DKT-IIe6 )