Noong 1200, ay mayroong kabihasnang umusbong sa Timog Amerika at ito ang mga Inca. Sila ay nagmula sa tribu ng katutubong Indian na may wikang Quechua at nakatira sa gitnang bahagi ng bulubundukin Andes na ngayon ay Peru. Hindi gaanong kilala ang kultura at hindi rin mataas ang panlipunang estado ng mga Inca, subalit nagbago ito noong 1400 A.D., nang masakop nila ang may 10 milyong katutubo sa mga bansang ngayon ay Peru, Ecuador, Bolivia, Timog Argentina, at kalahati ng hilagang Chile.
Ang mga Inca ay nagtatanim ng gulay, bungang-ugat, mais, patatas at prutas sa mga bulubundukin at maiinit na baybayin ng lambak. Sila rin ay nangangaso at nag-aalaga rin ng mga hayop. Nangingisda naman sila sa kanilang paboritong Ilog Titicaca. Dagdag pa rito ay gumagawa rin sila ng mga telang lana at iba pang tapestriya; gayundin ng mga sandata at kagamitang metal. Sa katunayan, marami silang kamalig at produkto na siyang dahilan ng kanilang masiglang pangangalakal sa rehiyong Andes. Ang mga Incan ay pinamumunuan ng isang emperador na pinaniniwalaang ninuno ng bathalang araw, pinamumunan niya ang imperyo batay sa isang dibinong karapatan.
Ang mga Inca ay naniniwala sa halaga ng ritwal kaysa mistisismo. Sinasamba nila ang araw. Kadalasang nakaugnay sa agrikultura ang kanilang mga ritwal lalo na sa kahilingang mapalago ang mga pananim at mga hayop. Mayroon din silang tinatawag na “human sacrifice ritual” na kung saan ay nag-aalay sila ng tao at kinukuha ang puso nito, at hindi lang tao ang kanilang iniaalay bagkus pati na rin ang mga hayop. Ang ibang bathala ay nakaugnay sa kulog, mga konstelasyon, buwan, mundo at dagat. Sinasabing kinokontrol ng bathala ng kulog ang ulan na mahalaga sa agrikultura. Maraming nakakalat na altar sa rehiyong Andes na kung tawagin ay huacas. May malaking takot din ang mga Inca sa masasamang espiritu ngunit higit silang naniniwala sa mga mabubuting elemento dahil sa kanilang tulong sa tao sa oras ng kamatayan.
Ang mga Inca ay nagbigay ng kontribusyon na dulot ng kanilang sibilisasyon katulad ng irigasyon na nakakatulong sa panahon ng tagtuyot na maaaring ihalintulad sa mga gawa ng Romano. Natutuhan din nila ang pagtatayo ng baitang-baitang na lupa o terraces. Mas pinaglinang din ng mga Inca ang paggamit ng mga pataba upang mas masagana ang kanilang mga lupang pananim. Kasama rin dito ang pagbuo ng mga daan, gusali at tulay kung saan ay naging daanan sa pakikipagkalakalan at sanggalan tuwing may digmaan. May malawak din silang kaalaman pagdating sa paggawa ng mga pyramid at templo. Kaya makikita rin dito ang sinaunang lungsod ng Inca na pinangalanan Machu Picchu na magpasahanggang ngayon ay nakatayo pa rin sa Peru.