Ang mga Maya ay isa sa mga klasikal na kabihasnan sa Mesoamerica. Lumipat ang mga Maya mula Guatemala papuntang Yucatan (Timog Mexico sa Kasalukuyan) at doon nila itinatag ang kanilang imperyo. Ang pangunahing pangkabuhayan nila ay ang pagtatanim ng Mais, Bitsuwelas, at Kalabasa. May mga templo para sa kanilang mga diyos at may roon silang malaking palaruan para sa Pok-ta-pok (isang laro na katulad ng basketball).
Hindi nalalayo ang gawi at kultura ng Aztec at Maya kung saan sagrado ang pag-aalay ng buhay para sa kanilang mga diyos. Naging maunlad ang Maya dahil sa maayos na pamamahala ng kanilang mga pinuno at mga pari na nagtatakda ng kanilang mga pagsamba, pagtatanim, pag-aalay, at pakikidigma. Nakilala rin sila sa kanilang angking talento pagdating sa matematika at astrolohiya kung saan nakapag-imbento sila ng kanilang kalendaryo, hiroglipiko, at sistema ng pagbibilang na mayroong konsepto ng zero.