PAGTUKOY NG TIYAK NA LOKASYON GAMIT ANG PARALLEL AT MERIDIAN
-Malaki ang naitutulong ng mapa at globo sa pagtukoy sa lokasyon ng mga lugar sa daigdig. Ginagamit ang mga imahinasyong guhit sa globo upang hatiin ang bahagi. Sa pagtatagpo ng meridian at parallel ay nabubuo ang mga mala-parihabang espasyo sa ibabaw ng globo. GRID ang tawag sa kabuoan ng mga espasyong ito. Gamit ito sa pagtukoy sa tiyak na lokasyon ng anumang lugar sa ibabaw ng mundo.
Ang tiyak na lokasyon ay naipahahayag sa pamamagitan ng longhitud (longitude) at latitud (latitude). Ang bawat isang guhit sa mapa ay may itinakdang digri (degree). Sa pagkilala at pagbasa sa mga digri ng latitude at longitude at ng kanilang pagtatagpo sa grid, natutuky ang eksaktong lokasyon. Ang longhitud ang anggular na distansya pasilangan o pakanluran mula sa prime meridian. Ang latitud naman ang anggular na distansya pahilaga o patimog mula sa ekwador.
Ginagamit ang degree (⁰) at minute (῾ ) na yunit sa pagsukat ng longitude at latitude. Ang bawat degree ay mayroong 60 minutes.
PAGTUKOY SA RELATIBONG LOKASYON NG PILIPINAS
Tulad ng nabanggit sa simula ng araling ito, isang paraan sa pagtukoy ng kinaroroonan ng Pilipinas ay ang relatibong lokasyon nito. Magagawa ito sa pamamagitan ng pagtukoy sa mga karatig na kalupaan o katubiganna nakapalibot sa Pilipinas. Tulad sa tiyak na lokasyon magagamit din ang globo sa pagtukoy ng relatibong lokasyon ng Pilipinas.
MAY DALAWANG URI SA PAGTUKOY NG RELATIBONG LOKASYON NG PILIPINAS
Insular- ang paraan sa pagtukoy ng mga katubigang nakapalibot sa Pilipinas. Ang pilipinas ay nasa timog ng Bashi Channel; kanluran ng Pacific Ocean; hilaga ng Celebes Sea; at silangan ng West Philippine Sea.
Bisinal (vicinal)- paraan naman sa pagtukoy sa lokasyon ng Pilipinas batay sa mga kalupaang nakapalibot dito: timog ng Taiwan; hilaga ng Malaysia at Indonesia; kanluran ng Guam; silangan ng Vietnam.
PAGBASA NG MAPA
- May ilang kasanayang mahalaga sa pagbasa ng mapa. Ilan dito ay ang pagtukoy ng direksiyon,pagbasa ng mga pananda, at paggamit ng iskala.
- Upang matukoy ang kinaroroonan ng isang lugar gumagamit tayo ng mga pangunahin at pangalawang direksiyon. Ang mga pangunahing direksiyon ay ang hilaga (north)silangan (east), kanluran (west), at timog (south). Samantala gumagamit tayo ng pangalawang direksiyon sa pagitan ng mga pangunahing direksiyon. Ito ay ang hilagang-silangan,hilagang kanluran,timog-silangan at timog kanluran.
COMPASS ROSE- representasyon ng mga direksiyong makikita sa isang compass.
MGA SIMBOLO SA MAPA
- Maliban sa compass rose, kakikitaan pa ng ibang simbolo ang mapa mga titik,numero, at guhit na gamit upang kumatawan sa ibat ibang bagay sa mapa. Pananda ang tawag sa tala ng mga simbolo at katumbas na impormasyon.
· ISKALA- ay ang bahagi ng mapa na nagpapakita ng ugnayan ng sukat at distansiya sa mapa at ang katumbas nitong sukat at distansiya sa daigdig.
· ISKALANG GRAPIK- ito ay ang grapikong sukatan na katulad sa ruler. Ang yunit ng panukat sa mapa ay may katumbas na yunit ng panukat sa aktuwal na daigdig.
· ISKALANG VERBAL- ito ay ang pasalitang pagpapaliwanag sa ugnayan ng yunit na panukat sa mapa at yunit ng panukat sa aktuwal na daigdig.
· ISKALANG FRACTIONAL-tumutukoy sa ratio o tumbasan. Nangangahulugang ang bawat yunit ng panukat sa mapa ay may katumbas na bilang ng yunit sa ibabaw ng daigdig.