Noong una, kami ay hindi nabigyan ng malinaw na paliwanag hinggil sa wastong paraan ng paggawa ng Banghay Aralin kung kaya’t ako ay naguluhan at nag-aalangan. Batid kong mahalaga ang banghay aralin para sa sinumang nagnanais maging guro sa hinaharap, subalit wala akong sapat na kaalaman kung paano ito bubuuin sa isang epektibong paraan. Sa asignaturang TTL2 unti-unting naging malinaw sa akin ang proseso. Isa-isa nitong tinalakay ang bawat bahagi ng paggawa ng lesson plan at ipinakita kung paano maayos na maisasaayos ang mga ideya upang makabuo ng isang sistematikong plano sa pagtuturo. Natutuhan ko kung paano magtakda ng mga layunin sa pagkatuto, pumili ng angkop na mga gawain, at bumuo ng mga paraan upang masukat kung tunay na nauunawaan ng mga mag-aaral ang paksa. Habang ako’y patuloy na lumilikha ng mga banghay aralin, mas naging malinaw sa akin ang kahalagahan nito bilang kasangkapan sa mas epektibong pagtuturo. Nagsimula ko ring pahalagahan ang proseso, sapagkat dito ko naipapamalas ang aking pagiging malikhain at pag-iisip bilang isang guro. Sa bawat plano, iniisip ko ang aking magiging mga estudyante kung paano ko sila mahihikayat, matutulungan, at mabibigyan ng makabuluhang pagkatuto. Nauunawaan ko ngayon na ang paggawa ng lesson plan ay hindi lamang simpleng pagsulat; ito ay isang pagpapakita ng malasakit sa kapakanan at tagumpay ng mga mag-aaral. Ang karanasang ito ay naging daan upang ako ay higit na umunlad bilang isang mag-aaral ng edukasyon. Nabigyan ako nito ng mas mataas na antas ng tiwala sa sarili at nagising ang aking pagiging malikhain at mapanuring pag-iisip. Sa ngayon, buong puso kong ipinagmamalaki ang aking mga natutunan, at mas handa na akong harapin ang hinaharap bilang isang responsableng guro na may malasakit sa kanyang mga mag-aaral.