Sa paggawa ng kagamitang paturo, napagpasyahan kong gumamit ng mga hayop bilang pangunahing elemento dahil ang aking paksa ay tungkol sa Pabula. Kilala ang pabula bilang isang uri ng kwento kung saan ang mga tauhan ay mga hayop na kumikilos at nagsasalita na parang tao. Dahil dito, naisip kong mas magiging epektibo at kaaya-aya sa mga mag-aaral kung gagamit ako ng mga hayop bilang bahagi ng aking materyales. Bagamat naging masaya ang karanasan, hindi ito naging madali. Nahirapan ako sa paggawa ng disenyo at sa pagpili ng mga materyales na akma at magpapadali sa pagkatuto ng mga bata. Kailangan kong pag-isipan kung paano ko mailalarawan ang bawat hayop upang ipakita ang kanilang katangian na tumutugma sa aral ng pabula. Isa pa, limitado ang aking oras at kagamitan kaya't naging hamon din ang pagsasaayos ng kabuuang presentasyon ng aking awtputoutput. Gayunpaman, sa kabila ng pagod at pagkalito, naenjoy ko ang buong proseso. Dito ko napalabas ang aking pagiging malikhain at natutong mag-improvise gamit ang mga simpleng bagay. Nakakatuwa ring isipin na ang simpleng larawan ng hayop ay maaaring maging tulay sa mas malalim na pag-unawa ng mga mag-aaral sa kahalagahan ng aral mula sa isang pabula.
Sa huli, ang karanasang ito ay naging mahalagang bahagi ng aking pagkatuto bilang isang guro. Hindi lamang ito tungkol sa paggawa ng materyales, kundi tungkol din sa pag-unawa kung paano makatutulong ang malikhaing pamamaraan upang gawing mas makabuluhan at kawili-wili ang pagtuturo.